noveltoon logo noveltoon
Hasta La Proxima Vez (Kristine Series 16)

Chapter 4

Ch. 4 / 31 Feb 15, 2022

Chapter Four

“B AKIT hindi ninyo itinawag kay Daddy ang tungkol sa kalagayan ng Lola Isabel, Attorney?” tanong ng dalaga habang patungo sila sa Binondo.

“Si Donya Isabel na rin ang may gustong huwag na kayong tawagan pa, hija. She was dying and she wanted to leave quitely. In fact, she wondered why she had lived this long when she had wanted to die a long time ago.”

Hindi siya kumibo. Naalala niya na noong trese años siya ay narinig na niyang sinabi iyon ng matanda. The irony of life.

Wala na silang kibuan hanggang sa makarating sila sa Binondo. Sa isang kalye roon ay lumiko ang sasakyang minamaneho ng abogado. Huminto ito sa tapat ng isang malaking lumang bahay na may puno ng kaimito sa tagiliran, kung saan mula sa kalsada ay matatanaw ang tagiliran ng isang malaking azotea. Ang bakod ay tila magigiba sa isang mahinang ihip ng hangin.

“Here we are,” wika ng abogado. Hindi na hinintay ni Dana na pagbuksan siya ng pinto ng kots e at nauna pang bumaba kaysa sa matandang lalaki.

Sinuyod ng tingin ni Dana ang façade ng bahay. Typical old house in Spanish-style. Luma at sira na ang ilang bahagi.

Nang itulak pabukas ng abogado ang kalawanging gate na bakal at makapasok siya ay tila may malamig na hanging nagdaan na gustong ginawin ni Dana.

Walang ipinagbago ang bahay sa pagkakatanda niya. Brick tiles ang pinakadingding sa ground floor na siyang pinakagarahe ng mga sasakyan at working area. Tuklap na ang ilang Vigan floor tiles.

Ang ikalawang palapag ay yari sa kahoy. Capiz ang mga sliding windows na mga nakabukas lahat. Sa tagiliran ng bahay ay ang malaking sementadong hagdanan na may landing bago ang pagpapatuloy ng mga baitang patungo sa balkon na siyang pinakaentrada sa ikalawang palapag.

“Pumanhik ka, hija,” anyaya ng abogado na huminto sa landing bago nagpatuloy sa pagpanhik.

Sumunod siya rito. Tulad ng inaasahan niya ay umuuga na ang barandilyang kahoy. Bitak-bitak na ang mapulang sementadong baitang. Sa itaas ay itinulak ng abogado pabukas ang dalawang panels na pintong narra. Napuna niyang giba na ang kahoy ng pinto sa may bandang ibaba.

Walang kibong pumasok ang dalaga kasunod ni Attorney Palomares. Natambad ang malaki at maluwang na kabahayan. Malinis sa kabila ng kalumaan. Ang malalaking tablang sahig ay tila salamin sa kintab sa kabila ng may ilang bitak at butas at nasisilip na niya ang silong.

“Tiniyak kong malinis ang bahay pagdating mo,” nakangiting sabi ng abogado. “May binabayaran akong katiwala na siyang nagmimintina sa bahay na ito. Baka umalis sandali si Aling Andeng.”

Nilinga ni Dana ang bulwagan ng bahay. Isang grandfather’s clock ang naroon sa isang sulok. Hindi na umaandar. Antique collectors would have loved to have their hands on that clock. Naroon din sa isa pang sulok ang grand piano. The black varnish was flat and dry. Humakbang siya patungo roon. Binuksan iyon at tinipa ang mga teklado. Tila matandang inuubo ang inilabas na tunog.

She looked up. Dalawang malalaking aranya ang nakasabit sa itaas. Hindi na marahil umiilaw ang mga bombilya ng mga iyon dahil may daylight siyang na kikitang nakasabit sa pagitan ng mga aranya.

Pagkuwan ay dinaanan ng daliri ang isang ponograpong antigo and smiled silently. Napakalayo na ng inilakbay at iniunlad ng teknolohiya mula sa panahon ni Donya Isabel. Hinaplos din niya ng kamay ang mga sandalan ng solihiyang silya. May ilang uway nang humu-hulagpos mula sa frame na narra. Ang bilog na mesa ay tinakasan na rin ng ganda. Solidong narra ang iilang kasangkapan pero nakabakas ang mga tanda ng kalumaan.

Maliban sa mga bagay na nakita niya ay bakante ang napakaluwang na sala. Puwedeng magbisikleta sa loob. She smiled at the thought.

“I wonder why she didn’t even bother to buy new things,” wika niya. More to herself. “Like a small television. O di kaya’y radio. Upang okupahin ang buong maghapon niya.”

Bahagyang natawa ang abogado. “Well, this house has a two-burner gas stove. Iyon ang bukod-tanging bago-bago sa bahay na ito. At sa panahong nagseserbisyo ako sa matanda, hija, I noticed that she preferred sitting by that old rocking chair.” Inginuso nito ang silyang tumba-tumba na nasa sitting room sa kabila ng pasilyo. “Sa azotea. Malimit siya roon. Nakaupo lang na tila may laging malalim na iniisip o hinihintay.”

Ipinako ni Dana ang mga mata sa silyang tumba-tumba.

“Nang mamatay si Eman, walang sandaling hindi ko siya hinihintay... umaasang magbabalik upang bigyang-katuparan ang aming pag-ibig...”

Hindi niya alam kung sino ang hinihintay ng matandang babae. She never had the chance to ask.

Sinusundan niya si Attorney Palomares na humahakbang patungo sa pasilyo patungo sa dako ng mga silid nang matuon ang paningin niya sa isang nakasabit na kuwadro sa dingding sa mismong bungad ng pasilyo. Isang life-size half-body portrait ni Donya Isabel noong kabataan nito.

The artist was unknown dahil walang nakalagay sa ibabang sulok ng canvass tulad ng nakagawian.

Sa pagkakatanda niya ay nakasabit na ang portrait na iyon noon pa mang nagtutungo sila ng daddy niya rito. Pero hindi niya mapigilang hindi lapitan iyon ngayon at titigan—upang bigla ay mangulubot ang noo niya. Dahil kahit medyo malabo na ay hindi maiwasang hindi niya makita—no matter how slight—ang resemblance nito sa isang larawan ni Diana na nasa study room ng daddy niya.

Sa pagkakaalam niya ay ipinagawa ni Bernard Fortalejo ang portrait na iyon upang ihabol sa kanilang kasal. Hindi miminsang gustong ilagay ni Diana iyon sa bodega sa may ibaba ng bahay nila subalit tumatanggi si Joshua.

Wika ng daddy niya ay mahusay ang photographer sa pagkaka-blow up ng larawan at hindi dapat sayangin. Bukod pa roon, sa paningin ni Joshua, that was Diana’s loveliest portrait.

Sinipat niyang mabuti ang larawan ni Donya Isabel. Kung ang portrait ng mommy niya ay aayusan ng buhok na tulad ng nasa painting ay tiyak na mapapansin ang pagkakahawig.

Freak coincidence. Maraming mga tao ang hindi naman magkakamag-anak subalit magkakahawig.

Iyon ba ang dahilan kung bakit hindi gustong sumama ni Diana sa tuwing dumadalaw silang mag-ama?

“Sa eksperto at mapanuring mga mata’y masasabing bahagyang kahawig mo nga ang larawang iyan,” ani Attorney Palomares mula sa itaas. Tila nababasa ang nasa isip niya. “Ang tanging kaibahan ay ang magandang buhok mo.”

She smiled at him. “Minana ko sa mommy ang buhok ko, Attorney.”

Gustong sabihing hindi siya ang kahawig ni Donya Isabel noong kadalagahan nito kundi ang mommy niya. At dahil anak siya ni Diana ay iyon marahil ang nakita ng matandang babae sa kanya. Na siya ang hawig nito.

Nagkibit siya ng mga balikat. Sinulyapan ang nakabukas na dalawahang pinto patungo sa malaking azotea. Sa pagitan ng napakaluwang na sala at ng mga silid ay ang konkretong azotea. Sa dulo ng azotea ay may malaking hagdang sementado patungo sa likod-bahay at sa silong. Nilampasan niya ng tingin ang pasilyo patungo sa komedor at kusina at humakbang patungo sa silid ng matandang babae.

Naroon pa rin ang four-poster bed na yari sa uway at narra at may ginantsilyong kubrekama. Ang canopy ay napapaligiran ng ginantsilyong kurtina. Medyo may kalabuan na ang salamin sa tokador na luma.

“D-did she... did she die here?”

Umiling ang abogado. “Sa nakalipas na tatlong taon ay sa home for the aged nanirahan ang matanda...”

Nagsalubong ang mga kilay niya roon. “Pero bakit? Hindi ba may mga pribadong nurses siya?”

“Matagal nang naubos ang salapi ng matanda, hija. At hindi na kayang bayaran pa nang tuluyan ang dalawang nurses na sa kalaunan ay naging isa na lamang.”

Nakadama ng matinding guilt ang dalaga. “Bakit hindi niya ipinaalam sa amin, Attorney? Sana’y natulungan namin siya...”

“Hindi niya gustong gawin. She didn’t even care if she had her regular medications. At nang isuhestiyon kong ipagbili ang bahay at lupang ito nang magpasya siyang lumipat sa home for the aged ay nagalit ang matanda sa akin. ‘Ang bahay na ito’y para sa aking apong si Isabella,’ iyon ang sabi niya.”

She suddenly felt like weeping. Ano ang mayroon sa bahay na ito at gustong ipamana sa kanya ng matandang babae? Ganoon ba kahalaga ang mga alaalang iniingatan ng bahay na ito?

Kung tutuusin, para sa mga taong walang interes sa mga antigong bagay, lahat sa bahay na iyon ay maaari nang i-donate sa museum. At isiping alam ng matanda na hindi naman sila naghihirap upang umasa sa pamana nito.

“Ang... ang katiwala, saan kumukuha ng pambayad upang manatili sa bahay na ito?”

“Hindi kailanman pinakikialaman ni Donya Isabel ang para sa bahay, Dana. May nakalaang pondo ang matanda para sa bahay na ito.”

“At mas ginusto pa niyang manirahan at mamatay sa ibang lugar kaysa galawin ang salaping para sa bahay...” Gumagaralgal ang tinig niya. Hindi niya makita ang rason sa ginawa ng matanda maliban sa obsesyon nitong ipamana sa kanya ang bahay.

Tumikhim ang abogado. “Pagod ka, hija. Bukas na natin pag-usapan ang mga dokumentong kailangan mong pirmahan. Saang hotel mo gustong ihatid kita?”

“Dito ako matutulog, Attorney....”

“Dito?” ulit ng abogado na namangha. “You won’t be comfortable here, Dana. Ni walang electric fan at ang mga katre’y lumang kutsong kapok ang nakalagay. Bukod pa sa mag-isa ka lang dito. And the bathroom is too primitive... oh, well, there’s water though.”

Isang ngiti ang pinakawalan niya. “I will be fine here, Attorney. Kakain na lang ako sa labas. Dito na ninyo ako puntahan bukas nang tanghali...”

“Natitiyak mo?”

“Positive,” she said smiling. “Gusto ko ring ipakipag-usap sa inyo ang balak kong pagpapa-renovate sa bahay na ito batay sa original structure.”

Tumingin sa relo sa bisig ang matandang abogado. “Pasado alas-singko na rin lang, I am inviting you to an early dinner. Para matutulog ka na lang pagbalik mo.”

Lumapad ang ngiti niya. “I like that.”