Chapter Twenty-four
N APADAING si Dana sa nasaktang balakang. Nang tumingala siya’y madilim ang buong paligid maliban sa mumunting sinag ng liwanag na nanggagaling sa silid na lumulusot sa maliliit na siwang ng bookshelves.
“W-where am I?” kinakabahang tanong niya sa sarili.
Hindi siya kumikilos mula sa kinalulugmukan nang may kung ilang sandali. Sinasanay niya ang mga mata sa dilim.
Makalipas ang ilang saglit ay natanto niyang nasa likod niya ang bookshelves. Kung gayo’y umikot lamang siya at nasa isang lihim na lagusan. Amazed, dahan-dahan siyang tumayo. Still, she didn’t want to move from where she was. Nang maaninag niya ang makipot na hagdanan pababa.
“Oh!” bulalas ng dalaga.
Ang hagdanan ay isang hakbang lamang mula sa kinatatayuan niya. Kung lumakad pa siya’y baka nahulog siya pababa.
Kung susundin niya ang dikta ng kanyang isip, dapat ay hanapin niya ang paraan para makabalik sa loob ng silid ni Lenny. Though not that easy, she could easily shout for help, kung hindi niya mahanap ang paraan pabalik sa silid ng binata. Pero natitiyak niyang hindi lahat ng tao’y alam ang lihim na lagusang iyon.
At ang kabilang bahagi ng isip niya’y nagdidiktang alamin kung saan patungo ang makipot na hagdanang nasa harap niya.
Nanaig ang curiosity. Slowly... carefully, humakbang siya patungo sa hagdan. Not wanting to trip, kinapa niya ang dingding upang alalayan ang sarili sa pagbaba sa madilim na hagdan. Nang maramdaman niyang bumaba siya sa isang landing. Huminto sandali si Dana.
“There must be a lamp switch somewhere. Hindi maaaring walang ilaw ang hagdanang ito. Lenny must have known this secret place.” She was talking to herself loudly.
Kinapa niya ang gilid ng dingding nang may kung ilang sandali rin bago niya nahagip ang isang switch ng ilaw. Binuksan niya iyon at nagliwanag ang buong paligid. Tiningala niya ang pinanggalingan. Pitong baitang mula sa itaas. At pagkatapos ng landing ay limang baitang pa uli pakanan.
She walked to where the stairs were. Subalit mula sa landing ay nakita na niya ang ibaba. Isang hindi kalakihang silid na ang dingding ay adobe. It was varnished, dahil makintab.
Nakita niya rin ang maliit na bintana sa bandang tagiliran. Bagaman may bahagyang liwanag na nanggagaling doon ay hindi sapat upang magbigay liwanag sa buong silid dahil natatakpan iyon ng mga halaman. Malalagong halaman.
Sa sulok ay isang airconditioner. Iyong uring panloob, hindi window type. At isang antigong bench that served as a bed, too, dahil sa kutsong nasa ibabaw nito. May ilang throw pillows doon.
At sa gilid ay isang antigong mesa. Sa ibabaw niyon ay study lamp. Fascinated and intrigued, ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbaba sa natitirang limang baitang.
Nagtuloy sa mesa. Umupo sa upuang nasa likod niyon. May mga kung ano-anong papel ang nasa ibabaw ng mesa. Ang crystal penholders ay puno ng kung ano-anong pens and ball points.
“This room must be in constant use,” wika niya.
Wala sa loob na binuksan ang drawer sa harapan ng mesa. Then closed it again nang makitang kung ano-anong papel lang ang laman. Isinunod na binuksan ang malaking drawer sa tagiliran.
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya. Ang naroroo’y isang antigong jewelry box. Sa tabi niyon ay isang lumang librong kulay itim. Nababakbak na ang paligid ng libro sa katandaan.
Gusto niyang buksan ang jewelry box subalit mas nanaig ang curiosity niya sa lumang libro. She took it, at inilapag sa mesa at binuksan.
“Leon Fortalejo...” She closed her eyes and groaned softly nang matiyak na diary iyon ni Leon.
Puno ng pananabik ang dibdib na binuksan ng dalaga ang mga pahina sa nanginginig na mga kamay.
“Palawan, July 1928...” she started reading. “Isang buwang mahigit mula nang umalis ako sa Maynila...”
Lalong tumindi ang pananabik at kaba sa dibdib ni Dana. Sinimulan ni Leon ang diary matapos na umalis ito ng Binondo. Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa.
...isang buwang mahigit mula nang magkawalay kami ni Isabelita. Hindi ko alam kung paano papawiin ang sakit sa aking puso. Hindi ko sinisisi si Isabelita sa pagpili kay Eman. Kung ako ang pinili niya’y habang-buhay naming tataglayin sa aming konsiyensiya ang kahihiyang idudulot niyon sa pamilya niya at sa pamilya ni Eman. Mula kay Isabelita ay natutuhan ko ang kahalagahan at dangal ng salita...
Walang hindi napaghihilom ang panahon. Malilimutan ko marahil ang aking unang pag-ibig. Kung paano’y hindi ko alam...
“ISANG buwan na mula nang dumating ka subalit wala kang ginawa kundi ang magkulong sa silid mo!” singhal ni Don Genaro sa anak sa salitang Kastila nang buksan nito ang silid ng una at makita si Leon na nakapanungaw sa bintana. “Ni hindi ko alam kung ano ang dahilan ng bigla mong pag-uwi. Hindi ko na aalamin, ang mahalaga’y naririto ka na.”
Hindi sumagot ang binata. Ang mga braso’y nakatukod sa pasimano ng malaking bintana. Nanatiling nakatanaw sa malawak at walang hanggang kagubatang nakapalibot sa bahay nila. Sa ibayo niyon ay ang dagat.
“Sinabi sa akin ni Clemencia na hindi mo siya sinipot sa usapan ninyong magkikita sa kapilya.” Bagaman naroon ang akusasyon sa tinig ay bumaba nang bahagya ang tono ng matandang lalaki.
“Hindi ako ang nakipagtipan sa kanya. Ikaw ang nagsabing darating ako. Ni hindi mo tinanong kung gusto ko siyang kausapin,” sagot ng binata sa walang-emosyong tinig. Ni hindi nilingon ang ama.
“Leon hijo, bakit hindi mo pakitunguhan nang mabuti si Clemencia. Kung ganda ang pag-uusapan ay hindi pahuhuli si Clemencia sa mga dalagang Española na nakikita mo sa Maynila.”
“I am not attracted to her, Papa.” m ariin ang pagkakasabi ng binata sa mga kataga at hinarap ang ama. “Huwag mo akong piliting pakitunguhan siyang nang higit pa sa isang kaibigan lamang.”
Tumiim ang mukha ng matandang lalaki. “Naipagkasundo na kita sa kanya, Leon. Sa susunod na buwan ang usapan namin ng kanyang mga magulang na ipakakasal kayo. Kaya ngayon pa lang ay ihanda mo na ang iyong sariling maging asawa siya!”
“Lo siento, Papa. Pero hindi kita maaaring sundin. Hindi ang babaeng iyon ang pangarap kong paghandugan ng aking pangalan.” Mariin at tiyak ang pagkakasagot na iyon ni Leon sa ama, sapat upang gumuhit ang matinding galit sa mukha ni Genaro.
“Huwag mo akong bigyan ng kahihiyan, Leon!” Halos sumigaw na ito. Kanina pa nito ipinaliliwanag sa anak ang gustong mangyari subalit matigas ang binata. “Kailangang makasal kayo ni Clemencia. At kung hindi ka susunod sa aking kagustuhan ay—”
“Hindi kita naiintindihan, Papa,” agap ng binata sa sinasabi ng matandang lalaki. Nagtatagis na mga bagang. “Kinasusuklaman mo ang mga Infieles. Subalit pilit mo akong ipinapakasal sa isang Infieles. Ang Mama’y isa ring katutubo. Bakit, Papa?”
Hindi agad nakasagot si Genaro. Ang galit sa mukha’y sandaling nahalinhan ng sandaling pagkalito.
“Pinagsamantalahan mo ba si Clemencia?” akusa at paniniyak ang tono ng binata. Nasa mukha ang matinding pagkadismaya sa matandang lalaki na biglang umilap ang mga mata.
“Ano ba ang pinagsasasabi mo?!” singhal nito sa anak. Pilit na pinagtatakpan ang guilt na gumuhit sa mukha.
“Tulad din ba ng ginawa mo sa Mama?” patuloy ni Leon na unti-unting tumigas ang mukha. “Napilitang magpakasal sa iyo ang Mama dahil pinagsamantalahan mo siya, hindi ba?” usig ng binata sa nagtatagis na mga bagang.
“P-paanong—” Nanlaki ang mga mata ng matandang lalaki. Unti-unting sumungaw ang mga butil ng pawis sa noo.
“Iniisip mo bang wala akong alam sa tunay na mga pangyayari?” Umismid ang binata. “Bagaman hindi ipinakikita sa iyo ng Mama sa takot na saktan mo siya’y kinasusuklaman ka niya hanggang sa kanyang kamatayan. Sinabi niya sa akin ang buong katotohanan kung paano mo siya inagaw mula sa kanyang kasintahan... ang sarili mong kapatid, si Carlos Antonio.”
Napasinghap ang matandang lalaki kasabay ng pag-atras ng isang hakbang. Noon lamang nito nakita ang poot sa mga mata ni Leon.
“Tama ka, Leon,” ani Genaro na bahagyang nakabawi sa pagkabigla. “Kinasusuklaman ako ng ina mo kaya kung ano-anong kalokohan ang inilagay niya riyan sa ulo mo upang pasamain ako sa mga mata mo.”
Tila hindi narinig ni Leon ang sinasabi nito. “Alam mo bang pinagdududahan ng Mama kung totoo ang sinabi mong napatay si Carlos Antonio sa kamay ng mga rebeldeng Pilipino?”
“Kalokohan!” singhal ni Genaro. “Bakit ko ipagsisinungaling ang dahilan ng kamatayan ng sarili kong kapatid?”
“Dahil hindi mo siya tunay na kapatid.” i sang mapait na ngiti ang lumitaw sa mga labi ng binata. “Anak ka ng iyong ina sa ibang lalaki at isang taong gulang ka na nang mapangasawa ng iyong ina ang ama ni Carlos Antonio. Tinaglay mo ang pangalang Fortalejo. Pangalang wala kang karapatang taglayin!”
“Tama na ang walang-kabuluhang pag-uusap na ito!” Muling nanumbalik ang awtoridad sa tinig ng matandang lalaki. “Walang kinalaman ang kasaysayan ng aking mga magulang sa pinag-uusapan natin. Pakakasalan mo si Clemencia at iyan ang masusunod. Kapag hindi mo ginawa’y aalisan kita ng mana, Leon. Ni isang sentimo ay wala kang tatanggapin sa akin!”
Bahaw na tumawa si Leon. “Ano’ng mamanahin ko mula sa iyo, Papa? Kahit ang lupa’t bahay na ito’y hindi sa iyo. Pag-aari ito ni Carlos Antonio. Nang mamatay siya’y inari mong iyo. Nang matapos ang digmaan ay nilustay mo sa sugal sa Maynila ang kanyang salapi. Hindi mo napilit ang Mama na ibigay sa iyo ang salaping inihabilin sa kanya ni Carlos Antonio bago ito namatay. Dahil doon kaya ako nakapag-aaral sa Maynila.”
“Sa maraming pagkakataon ay ilang beses kong pinagdududahan kung anak nga ba kita?” Naniningkit ang mga matang nakatitig ito sa binata. Tumaas-baba ang dibdib sa galit. “Kahit patayin ko ang ina mo’y hindi niya inamin sa akin kung sino sa amin ni Carlos Antonio ang iyong ama. Ngayo’y natitiyak kong hindi kita anak, Leon...” Isang imbing ngiti ang sumilay sa mga labi ng matandang lalaki.
“Subalit pakakasalan mo si Clemencia sukdulang igapos kita patungo sa kapilya!” Pagkasabi niyo’y mabilis na lumabas ng silid ang matandang lalaki.
Ilang minuto nang nakalabas si Genaro’y nanatiling nakamasid sa pintong nilabasan nito si Leon. Nagpupuyos ang dibdib sa pinipigil na galit. Ipinagtapat sa kanya ng ina bago ito namatay na si Carlos Antonio ang tunay niyang ama. Na pinakiusapan nito ang komadronang sabihin kay Genaro na kulang siya sa buwan nang ipanganak.
“Ibubuhos niya sa iyo ang galit at poot kapag inamin kong hindi ka niya anak, Leon...” wika ni Marita sa pagitan ng pag-ubo. Ginagap nito ang kamay ng anak. “Ikaw na lang ang natitirang Fortalejo, anak. Pinangarap ng ama mong magkaroon ng maraming anak na lalaki. Kung sakaling magkapamilya ka’y alagaan mo sila... ingatan... ipangako mo...”
“Ipinangangako ko, Mama...
Muling humarap sa bintana si Leon. Pilit inaaninag ang karagatan sa likod ng makapal na gubat. Sa dako pa roon... sa isang islang di-kalayuan sa Palawan. Minsan na siyang nakarating sa isla. Sa pagkakaalam niya’y walang taong nakatira doon. Binalak niyang doon simulan ang pagpapamilya. Binalak niyang dalhin doon si Isabelita.
Sa muling pagkaalaala kay Isabelita’y muli ring gumuhit ang matinding sakit sa damdamin niya. Mula kay Isabelita ay natutuhan niya ang kahulugan ng karangalan... ng kahalagahan ng pangako at salita. Tataglayin niya ang pagpapahalagang iyon.
Sa kabila ng sakit at kabiguan ay wala siyang makapang galit sa dalaga nang piliin nito si Eman. She was honor-bound to marry Eman, forsaking him and their love.
Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Luluwas siyang muli sa Maynila bukas ng umaga. Titiyakin niya kung ano ang nangyari kay Isabelita. Kahit sa huling pagkakataon ay gusto niya itong makita at makausap kahit pa gaano iyon kasakit para sa kanya... at sa dalaga. Pagkatapos ay saka pa lamang niya magawang magsimulang muli. Doon sa Maynila. Hindi rito sa Palawan. Hindi sa panahong ito kung saan alam niyang nagigipit si Genaro.
May nakapagsabi sa kanyang pinagbabantaan ni Clemencia si Genaro na isusumbong sa mga magulang at mga kapatid na lalaki ang ginawa nitong pagsamantala sa dalaga kung hindi itatayo ni Genaro ang dangal. At natitiyak niyang hindi na muling itatali ni Genaro ang sarili sa isang katutubo, lalo at wala namang salapi ang mga ito. Kaya siya ang nais ni Genaro na magsalba sa sarili nito.
ALAS-SIYETE ng gabi nang bumaba ng bahay si Leon at tunguhin ang kamalig sa di-kalayuan. Hindi niya kailangan ng liwanag. Kahit nakapikit siya’y alam niya kung saan naroroon ang kukuhanin niya. Sa loob ng kamalig ay bahagya nang naggiikan ang mga manok at ang bahagyang paghalinghing ng kabayo. Pagkatapos ay muli ring tumahimik ang mga hayop. Sa dilim ay tinunton ng binata ang kinalalagyan ng piko at pala.
Ilang sandali pa’y sinisimulan na niyang maghukay. Nag-iingat na hindi makagawa ng ingay. Malaki ang pasasalamat niyang wala si Genaro. Tiyak na kasama na naman nito ang mga kapwa manginginom.
Tatlong dangkal mahigit na ang nahuhukay niya nang maramdamang may tinamaan ang piko. Ibinagsak niya ang piko sa lupa at lumuhod sa tapat ng hinuhukay. Hindi niya kailangan ng liwanag upang malaman kung ano ang natamaan niya. Kinahig ng kanyang mga kamay ang nakapaibabaw na lupa. Pagkatapos ay inahon mula sa pagkakabaon ang isang di-kalakihang cajetang kahoy.
Pinapagpagan niya ito ng lupa nang mula sa pinto’y isang liwanag ang tumama sa kanya. Napapikit ang binata sa pagkakasilaw.
“Hah! Sinasabi ko na nga ba!” s i Genaro na palipat-lipat na itinuon sa jewelry box at sa mukha ni Leon ang malaking flashlight.
“Papa!”