noveltoon logo noveltoon
Hasta La Proxima Vez (Kristine Series 16)

Chapter 14

Ch. 14 / 31 Feb 15, 2022

Chapter Fourteen

H APON na. At tila nagbabadya pa ang ulan. Subalit hindi mapigil si Dana sa binabalak. Kung ipagpabukas niya’y wala siyang maisip na paliwanag kay Charles kung saan siya pupuntang mag-isa. Matagal siyang nag-isip sa loob ng silid ng hotel bago nakapagpasya.

Pupuntahan niya ang lugar na nasa painting. Gusto niyang makita iyon. At kung nasa tabing-dagat lang iyon ay hindi imposibleng makita niya kung babaybayin niya ang dalampasigan. Isa pa’y tiyak na naroroon pa rin ang malaking bato bilang landmark niya.

“Hindi po maaari, Ma’am,” nakatingalang tanggi ng groom nang sabihin niyang gusto niyang sa baybayin patakbuhin ang kabayo. “Hindi po ipinahihintulot ni Sir Nathaniel iyon. Malawak naman po ang tatakbuhan ng kabayo rito. Baka nga po hindi n’yo pa maikot bago pumatak ang ulan.”

Naniniwala si Dana na halos lahat ng bagay sa lupa’y may katapat na salapi. She smiled at the groom sweetly. Kapagkuwa’y dumukot sa bulsa ng blue jeans. Hindi biro ang halagang ipinakita niya.

Yumuko siya sa binatilyong lalaki at pasimpleng isinilid sa bulsa ng polo ang ilang five hundred bills. “Walang makakaalam na dadalhin ko sa baybayin ang kabayo. At narito na ako bago pa tuluyang dumilim. At kung sakali mang makita ako ng mga boss mo. Ni hindi ko mababanggit ang pangalan mo. Wala kang kinalaman.”

Sandali lang nag-isip ang groom. Hindi biro ang halagang isinilid ng magandang dalaga sa bulsa nito.

“Ituturo ko po sa inyo ang gubat kung saan maaari kayong lihim na lumusot patungo sa baybayin,” wika nito. Hindi maisip kung ano ang mayroon sa baybayin at doon gusto ng dalagang panauhin mangabayo. “Sana po’y huwag kayong magpaabot ng hapon. Nagbabadya ng ulan ang kalangitan.”

Ngumiti si Dana at dahan-dahang pinapasok sa kagubatan ang kabayo. Hindi siya mahusay pero marunong siyang sumakay sa kabayo. May dalawang kaibigan siya sa Amerika na may farm at doon siya natutong sumakay ng kabayo. Tuwing summer ay pinahihintulutan siya ng mga magulang na magbakasyon doon nang isang linggo.

Ilang sandali pa’y natatanaw na niya sa siwang ng mga punong-niyog ang dagat.

“I’ll find that place,” determinadong sabi niya. Kung bakit ay hindi niya matiyak sa sarili.

Kung binata pa si Leon nang ipagawa ang bahay na iyon ay tiyak na ginawa nito iyon na ang nasa isip ay siya.

You’re a fool, Dana. Si Isabel ang nasa isip niya, hindi ikaw.

Hindi niya binigyang-pansin ang munting tinig na iyon sa isipan. Nagpatuloy sa marahang pagpapatakbo sa kabayo. Ayon sa curator ay wala na ang bahay na iyon. Bakit kailangang magtungo siya roon?

Hindi niya alam. Siguro’y gusto niyang madama ang presensiya ni Leon. Siguro dahil totoong naapektuhan ang damdamin niya.

And she must be so foolish to entertain such feelings for a man who had been long dead before she was even born.

Malayo na ang tinatakbo ng kabayo at nagsisimula na ang mahinang patak ng ulan subalit hindi niya matanaw sa baybayin ang tanawing kamukha ng nasa painting.

Naturally, she thought. A lifetime had passed since Leon constructed and painted that house. Subalit naroon ang malaking bato bilang palatandaan. At marahil ay malayo pa dahil wala naman siyang naraanang malaking bato. Hinawi niya sa mukha ang mga patak ng lumalakas na ulan.

“Help me, Leon. Help me find that place.”

Lumalakas ang ulan at hangin. At ang anyo ng gubat ay pare-pareho. Pulos mga puno ng niyog sa baybayin at iba’t ibang punong-kahoy sa likod ng mga iyon. At malalago ang mga talahib at damo.

Pero hindi gustong sumuko ni Dana. Ni hindi rin niya napupunang halos dumidilim na. Patuloy siya sa marahang pagpapatakbo sa kabayo. Nang sa pagitan ng malakas na ulan ay matanaw niya ang batong iyon na nakaharang sa baybayin.

“That’s it!”

Bahagya niyang tinapik ang kabayo pabilis. Kapagkuwa’y bumaba nang matapat sa mismong bato. Lampas-tao iyon at marahil kung pagsasalikupin ay tatlong taong magkakalahad na mga braso ang kakasya. Inikot niya ang paningin sa loob ng niyugan. Sa dinaanan niya’y bukod-tangi lamang ang lugar na iyon ang mahawan at patag.

Hila-hila ang renda ng kabayo na pumasok siya sa niyugan. At tama siya. Hindi gubat ang dakong iyon. At kung hindi lang malakas ang ulan ay natitiyak niyang dinadaanan ng tao ang bahaging iyon ng niyugan. Nagpalinga-linga siya. Wala siyang makita kahit labi ng pinagtayuang bahay.

“Oh, please, I must find it. It’s getting dark. Paano ako uuwi `pag dumilim nang husto?” kausap niya sa sarili dahil halos hindi na niya makita ang dinadaanan sa lakas ng ulan.

Nagpatuloy siya sa pagpasok sa niyugan. At lalo pang dumilim ang paligid dahil wala na siya sa open area. Kung may ilang minuto niyang hila-hila ang kabayo nang walang direksiyon hanggang sa minsang pagkidlat at lumiwanag ay mahagip ng paningin niya ang tila bubong ng isang istraktura sa di-kalayuan.

“That must be it! Oh, thank God!”

Halos takbuhin niya ang pagtungo roon. Muntik-muntikan nang matalisod sa mga nag-uusliang ugat ng punong-niyog at maliliit na hukay. Malalakas at malalaki ang patak ng ulan. Basang-basa na siya.

“A fence!” usal niya nang mahawakan ang mga naroong bakal.

Pagkatapos itali ang kabayo sa bakal ay binaybay niya ang bakod at hinanap ang gate sa pamamagitan ng kaunting natitirang liwanag at sa paminsan-minsang pagkidlat. Hanggang sa makita niya iyon. Lumangitngit ang bakal nang buksan niya.

“W-what is this place?” kinakabahang tanong niya sa sarili.

Bukod sa malalaking patak ng ulan ay madilim na at wala siyang maaninag. Nang muling kumidlat ay may natanawan siyang covered area. Iyon ang natanaw niya kanina mula sa malayo. Maaari siguro siyang sumilong doon hanggang sa tumila ang ulan.

Blindly, she ran to the place. Hanggang sa maramdaman niyang hindi na pumapatak ang ulan sa katawan niya. Napasubsob siya sa baldosa sa may tila pader. Nanginginig sa ginaw siyang nagsiksik doon. Magkahalo ang luha at ang tumutulong ulan mula sa buhok niya. At natatakot na siya. Ni hindi niya alam kung ano ang kinalugmukan niya.

“I’ll take care of you, Isabel. Always... sa anumang paraan.”

Napahagulhol siya sa alaalang iyon. “You can’t do that anymore, Leon... hindi mo na magagawa iyon. At hindi ako si Isabel. She’s dead like you!” She was sobbing hysterically. “I’m Dana. And I am so foolish to have fallen in love with you... a man from the past... a man who was born even before my own father was born!”

Nanatili siyang nakasubsob doon at ang mga luha’y nakikipagpaligsahan sa mga patak ng ulan.

MAAGANG nagising si Lenny kinabukasan. Namamanaag pa lang ang araw sa likod ng mga bundok. Nagulat pa ang stable boy nang makita siya roon at ilabas si Fireball.

“Magandang umaga, Sir Lenny,” bati nito.

“ Buenos dias , Pedring,” sagot niya. “I-saddle mo si Fireball.”

Agad na sumunod ang stable boy. Inilabas ang saddle ng magilas na stallion na nang lapitan ni Lenny ay agad na humalinghing.

“Easy boy,” bulong ng binata at hinaplos ang ulo ng kabayo. “Miss me?”

Apat na araw na mula nang dumating siya sa isla kasama ang babaeng gusto ng amang kilalanin niya pero ngayon lang siya mangangabayo.

Nang malagyan ng saddle ay mabilis na sumampa ang binata at pinatakbo ang kabayo. Nakikita niya ang mga basang damo dahil sa ulan kagabi. Ulang madaling-araw na yatang huminto. And strange, mula nang dumating siya sa isla ay kagabi lang siya hindi makatulog. Kung hindi lang umuulan ay malamang na nangabayo siya at nagtungo sa batis sa loob ng gubat.

Tinalunton niya ang daan patungo sa tabing-dagat. Gusto niyang doon abutan ng paglitaw ng araw mula sa mga bundok. At ang pinakamalapit na daan patungo roon ay sa mausuleo.

“Hiyaa, Fireball!” Hinapit ng paa ang magilas na kabayo na tila ba tuwang-tuwang nasa likod nito ang amo.

Humahaplos sa mukha ni Lenny ang malamig na hangin. Inililipad niyon ang di-kahabaang buhok. And he felt exhilarated. Sa tuwing nasa isla silang magkakapatid at magpipinsan, horse racing ang paborito nilang libangan. Tatlong taon pa lamang siya’y mahusay na siyang mangabayo.

Silang magkakapatid ay halos sa likod na ng kabayo nagkaisip. Lalong higit si Jessica na kung biruin ng matatandang tauhan ay ipinanganak na may kasamang kabayo. Ang nakababatang kapatid lamang niya ang minsa’y tumalo sa kanya sa karera. While Julianne was too classy and snobbish at bagaman mahusay ring mangabayo ay bibihirang gustong magsuot ng pantalon at riding boots.

At sa sandaling mag-resign ang ama’y mabibilang na sa daliri ang ganitong malayang pakiramdam. Mauubos ang panahon niya sa kompanya. Sapat ang kaisipang iyon upang muling bumangon ang galit niya.

Galit sa ama at kay Leon. Lumaki siyang nagtatrabaho. Lahat sila. And he had nothing against it. Everybody had to earn their keeps. Subalit ang itali ang sarili sa isang kompanya dahil obligasyon nila ay ikinagagalit niya. May pakiramdam siyang kahit na patay na si Leon ay extension nito ang kompanya upang patuloy nitong manipulahin ang buhay nilang lahat.

“Damn you!” marahas niyang usal at pinatakbo pa nang matulin ang kabayo.

“I’ll forgive you because you don’t mean that... Alguna dia ay pasasalamatan mo ako, Leonard...”

“¡Nunca! And I’m passing by at your grave, Gran! Ya estas muerto, kaya huwag kang magsiksik sa isip ko!”

“Buhay ako hanggang buhay ka. Hanggang buhay ang magiging mga anak mo at ang magiging mga anak nila’y mananatili ako sa inyo...”

He uttered another curse. Nang mula sa mausuleo’y marinig niya ang halinghing ng kabayo. Kasabay niyon ay natanaw niya ang hayop sa may tabi ng bakod ng mausuleo.

“Ho, Fireball, hoo..!”

Lumigid siya at pinahinto ang stallion sa mismong tapat ng kabayo at nagsalubong ang mga kilay nang mapuna ang tatak nito sa likuran. Isa iyon sa mga kabayo ng hotel na ipinagagamit sa mga guest.

“Sino ang nagdala sa iyo rito at bakit itinali ka riyan? And how long have you been here?” galit niyang sabi.

Natitiyak niyang magdamag na nakatali roon ang kabayo at nabasa ng ulan. Mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng hotel guests na lumampas sa boundary na ibinibigay ng hotel.

Nagpalinga-linga ang binata nang may mahagip ang mga mata sa loob mismo ng mausuleo.

“ ¡Dio !” usal niya at mabilis na bumaba ng kabayo at pumasok sa loob ng gate. Mula sa malayo’y natanaw niya ang nakalugmok na kung sino man sa baldosa.

Paluhod na niyuko ng binata ang walang malay na si Dana. Basang-basa ito sa pagkakalugmok sa mismong tapat ng nitso ni Don Leon Fortalejo.

Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang dalaga at itinihaya. Kinalong niya ito sa may binti niya at hinawi ang basang buhok mula sa mukha nito. Mainit ang balat nito. Inaapoy ng lagnat.

Nagsalubong ang mga kilay niya nang sa tingin niya’y pamilyar ang mukha nito... na nakita na niya ang babae.

Yes. The lady at the airport—ang sininghalan niya.

Lumalim ang gatla sa noo niya. Paanong nakarating ang babaeng ito rito? Ilang sandaling tinitigan niya nang husto ang mukha ni Dana.

She was beautiful despite the circumstances. Her lips were slightly parted. Namumula iyon sanhi marahil ng matinding lagnat.

Binuhat niya ang dalaga at inilabas ng mausuleo. Ipinadapa sa kabayo at pagkatapos ay saka siya muling sumampa. Inayos si Dana at niyakap ng kanang kamay.

“Let’s go back home, Fireball,” utos niya sa kabayo na tila nakakaintindi at marahang umusad pabalik.