Chapter Thirteen
P AGDATING nila sa Puerto Princesa ay nagpahatid ang dalawa sa pier kung saan magmula roon ay may ferry boat na maghahatid sa kanila sa Kristine Hotel and Resort.
“This is paradise, Dana!” bulalas ni Charles habang pinagsawa ang mga mata sa kagandahan ng natatanaw na isla na ilang sandali na lang at dadaong na sila. Kumikislap sa init ng araw ang puting buhangin. Natanaw nito ang restaurant sa dulo ng isang matarik na cliff.
“Yes,” bulong ng dalaga.
May isang isla sa kalapit ng Palawan, Isabel. Pangarap kong maging akin ang islang iyon. Dalhin doon ang babaing magiging kabiyak ng aking puso...
Natupad ang pangarap mo, Leon, ang isip niya. Lamang ay hindi ako ang dinala mo sa isla.
Si Isabel ang pinangakuan ni Leon. Hindi ikaw, Dana...
Hindi kayang tanggapin ng puso’t isip niya iyon. She was there at sa kanya mismo sinabi ni Leon iyon. Napailing siya sa sarili. Nasisiraan na marahil siya ng bait.
“Sinong mapalad na babae ang dinala mo sa isla, Leon?” she murmured. And endured the pain in her heart.
Napalakas nang kaunti ang pag-usal niya na nilingon siya ni Charles.
“You’ve been acting strange, Dana. And most of the time, nakikita kitang nakatitig sa kawalan, misty eyed. What is wrong with you? I could see so much sadness in your eyes...”
She forced a smile. “Huwag mo akong pansinin, Charles. Ituon mo ang isip mo sa pagbawi kay Cielo.” May kinuha mula sa bulsa ng pedal pusher niya ang dalaga. Inabot ang palad ni Charles at inilagay roon ang singsing. “Ibigay mo kay Cielo ang singsing na iyan, bilang engagement ring ninyo.”
Nagsalubong ang mga kilay ng binata. “You took this from your grandmother’s jewelry box para ibigay sa akin? I–I find this very insulting, Dana. I may not be able to buy a stone this big, but I can surely afford to buy her a ring...”
“Don’t be such a daft, Charles. Of course, I know you can afford to buy Cielo a ring. Pero regalo ko sa inyo iyan. At hindi galing sa Lola Isabelita ang singsing na iyan. And believe me, mas nararapat na para kay Cielo ang singsing na iyan kaysa sa akin.”
“Are you sure?” alanganin pa ring tanong ng binata.
“As sure as I’m standing here.”
Hindi na kumibo si Charles. Inilagay sa bulsa ng pantalon ang singsing. Si Dana ay muling nahulog sa isang malalim na pag-iisip. Umiiling na muling pinagsawa ng binata ang mga mata sa kapaligiran.
Ilang sandali pa’y sumadsad sa wharf ang ferry boat at bahagya silang nauga. Nahawakan ng binata sa braso si Dana bago pa siya nasubsob sa railings.
“Time to get off from this boat, dreamer,” matabang na sabi ni Charles at dinampot ang mga bagahe nilang dalawa.
Kinuha niya mula sa binata ang overnight bag nito. “I’ll take this. Hindi naman mabigat.”
Patungo sa hotel, Dana shared the admirations of the other guests. Karamiha’y mga foreigner. Kahit si Charles ay hindi mapigil ang mapasipol sa kagandahan ng paligid. Sa reception ay kumuha sila ng magkatabing single room. Parehong nasa third floor ang pinili nila.
“Gusto kong mag-shower muna, Charles. Sa ibaba na lang tayo magkita. Give me half an hour,” wika niya sa binata habang binubuksan ng room boy ang mga silid nila.
“Sure.”
Pagkasara sa pinto ng silid ay ibinagsak ng dalaga ang mga gamit sa sahig. Tinungo ang kama at nahiga sandali. Nakatitig sa kisame.
Nasa isla siya ni Leon Fortalejo. Ano ang mangyayari sa kanya rito? May pag-asa ba sina Charles at Cielo na lumigaya? Paano kung nagustuhan ng anak ni Bernard Fortalejo si Cielo? Hindi imposible iyon. Maganda ang pinsan niya. Ang pagiging submissive nito’y nakakaakit sa ibang mga lalaki.
At siya? Bakit siya narito sa isla?
Upang tulungan ba si Charles at si Cielo? O para sa sarili niya? Ano ang gusto niyang patunayan? Ano ang gusto niyang makita? Bakit tila may lakas na humihikayat sa kanyang puntahan ang islang ito?
She sighed. Bumangon at naghubad ng damit at pumasok sa banyo at naligo. Pagkatapos ay nagbihis. Her old faded blue jeans and white long-sleeved polo shirt. Lumabas ng silid. Kinatok ang kabila subalit walang sumasagot. Naisip na baka nasa loob ng banyo si Charles. Nagtuloy siyang bumaba.
“Ano ang maaari kong makita sa mismong loob ng hotel?” tanong niya sa babae sa reception. Saka na lang niya itatanong kung saan makikita si Bernard Fortalejo kapag nakababa na si Charles.
“The usual, Ma’am.” Nakapaskil na sa mga labi nito ang professional smile para sa mga guest. “But you might be interested with our mini-museum...”
“Really?” u mangat ang mga kilay niya. “Nasaan iyon?”
May itinurong pasilyo ang receptionist. “Makikita po ninyo sa dulo ng pasilyo ang isang pintong may nakasulat na museum.”
Tumango siya at tinungo ang itinuro nito. Sa magkabilang paligid ay mga shop. Katulad din ng sa ibang hotel. May nadaanan siyang pintong nakasara na may nakalagay na: OFFICE. Nilampasan niya iyon.
“There you are,” usal niya nang mapaharap sa isang pintong ang ‘Museum’ sign ay yari sa brass.
Pinihit niya ang doorknob. Bukas iyon at pumasok siya. Muling isinara ang pinto. Sa loob ay may ilang foreigners ang naroon, browsing.
Sa dulo ng silid ay nakaupo sa likod ng munting mesa ang isang may-gulang na babae. Must be the curator. Dahan-dahan siyang humahakbang habang tumitingin sa mga naroroong luma at antigong kasangkapan. Ang iba’y dinadampot niya at muli ring ibinababa. Nang bigla’y matuon ang pansin niya sa life-size portraits na nasa dingding.
Tila may bumugbog sa dibdib niya nang tumingala siya. The man was older... the grayish moustache was thicker. But the same startlingly handsome man she’d met in 1928.
Don Leon Fortalejo. Iyon ang nakalagay sa may dingding sa ibaba ng kuwadro.
She had that ache to touch the portrait nang sa sulok ng mga mata niya’y mapuna ang katabing kuwadro.
“Oh.”
Nakatingala siya sa isang portrait ng isang magandang babae. Na marahil noong ipinta’y nasa mid-thirties nito. “Beautiful...” usal niya. She was wearing an expensive Spanish outfit. May emerald choker sa leeg nito. Binasa niya ang pangalan sa ibaba ng kuwadro. “Doña Kristine Esmeralda Fortalejo...”
Napigil sa dibdib ang paghinga niya. Hindi niya gustong maramdaman ang hapding dulot niyon. Sinikap niyang pigilin ang pag-alpas ng mga luhang gustong mag-unahan.
“Kristine Cement... Kristine Hotel and Resort... Villa Kristine,” usal niya, in constricted throat. “Lahat ay ipinangalan sa iyo ni Leon. Minahal ka ba niya nang higit kaysa sa pag-ibig na inihandog niya sa akin?” Ni hindi niya napunang kusang tumulo ang mga luha niya. “Naalala rin ba niya ako paminsan-minsan?” She couldn’t stop the pain that came rushing through her heart.
“Are you all right?” ang isang babaeng foreigner na banayad siyang hinawakan sa braso.
Napalinga siya rito. “O-of course...”
“Are you sure? You are crying...”
“I–I’m fine.” s uminghot siya. Dumukot ng panyo mula sa shoulder bag at pinunasan ang basang mga mata. “I... just remembered something sad... thank you.”
Nakakaunawang tumango ang babaeng foreigner. Banayad itong ngumiti at ipinagpatuloy ang pagtingin-tingin. Ganoon din ang ginawa niya bagaman hindi niya mapigil ang sariling lingunin ang life-size portrait ng dalawa.
She had gone mad para maapektuhan nang husto gayong sa sulok ng isip niya’y alam niyang si Doña Isabelita ang inibig ni Leon at hindi siya bilang si Dana Isabella.
Sa pag-ikot niya’y napako ang pansin niya sa isang kuwadro. Hindi kasinlaki ng mga portrait nina Don Leon at Doña Esmeralda. At hindi rin tao ang nakapinta roon kundi bahay. Bahay ang nakapinta. Sa likod ng bahay ay ang dagat na may isang malaking bato. A picturesque. At sa dulo ng kuwadro ay ang pangalan ng gumuhit.
Leon.
Humakbang siya patungo sa mesa ng curator. “Ang nakaguhit bang iyon ay ang Villa Kristine?”
Sinundan ng matandang babae ang itinuro niya. Pagkatapos ay umiling. “Hindi, Ma’am. Sa pagkakaalam ko mula sa mga heir ni Don Leon ay iginuhit niya iyan noong siya’y binata pa. When she first came to this island. That was his first house in fact.”
“S-saan naroroon ang lugar na iyan?”
“I haven’t been there,” sagot ng curator. “Pero sa pagkakaalam ko’y matagal nang wala ang bahay na iyan.”
“Pero naroon pa rin ang lugar... lalo na ang malaking batong iyon sa may baybayin,” giit niya.
Warily, tumango ang curator. “Probably, Ma’am. Dahil wala namang dahilan upang alisin ang malaking batong iyan sa tabing-dagat.”
“Paano ba ang pagpunta roon?”
Doon nagsalubong ang mga kilay ng matandang babae. “Ikinalulungkot ko, Ma’am, pero may mga lugar sa isla na hindi ipinahihintulot na marating ng mga guest. Pribado ang mga iyon at hindi gusto ng mga Fortalejo na lumampas sa hotel and resort boundary ang mga bisita.”
Agad na gumana ang isip ng dalaga. “Isa akong column writer. Hindi naman siguro masamang isulat ko ang magagandang tanawin dito at—”
“Si Mrs. de Silva ay dating writer.” Kumislap ang mga mata ng matandang babae. “Romance writer for that matter...”
“Yes. I’ve read one of her novels,” she lied. “And I’d really love to meet her one of these days. I’d love her to autograph my book. Pero sana’y maibigay mo sa akin ang mga detalye. Kung pribado sa mga Fortalejo ang ibang lugar maliban sa hotel property, igagalang ko iyon. And I’d be doing them free publicity. Gusto ko lamang isulat kung ano ang transportation na ginagamit nila mula rito sa hotel patungo sa kani-kanilang mga bahay?”
“Maliban sa kabayanan na nasa kabilang bahagi ng isla ay mayroon lang tatlong residencia ang pamilya, Ma’am. Ang de Silva farm, na napakalayo mula rito dahil iyon na ang kabilang dulo ng isla. Ang bahay ni Sir Nathaniel at Ma’am Jasmin at ang Villa Kristine. Ang transportation ay sa pamamagitan ng sasakyan, helicopter, at kabayo. Ang mga batang Fortalejo ay karaniwan nang kabayo ang mga ginagamit...”
“Thank you,” aniya at dumukot ng ball pen at notepad sa bag. Kunwa’y isinulat doon ang sinasabi ng curator. She tried to ask some pertinent questions upang hindi mahalata ng curator na sa pagtungo roon lamang siya interesado.
Nilinga niyang muli ang painting bago lumabas ng museum.