noveltoon logo noveltoon
The Blue-Eyed Devil (Kristine Series 21)

Chapter 15

Ch. 16 / 23 Feb 15, 2022

Chapter Fifteen

“H ELLO, Shannon,” bati ni Steffanie nang dumating sila ni Renz at ipakilala siya. Sa una ay kinakitaan niya ito ng pagkamangha. Subalit sandali lang iyon. Isang nanunuksong ngiti ang ibinigay nito kay Renz at saka muling ibinalik sa kanya ang tingin. “Small world, isn’t it?”

“Yes, it’s a small world,” she said drily, giving a tight smile. “Congratulations, Steffie...” Iniabot niya ang kamay rito at tinanggap naman nito iyon nang nakangiti! The smile on Steffanie’s lips was genuine that Shannon was surprised. Or she was just a good actress. Ganito ba kalaki ang impluwensiya ni Renz sa pinsan? “At ganoon din sa iyo, Basil.” Inilipat niya ang kamay rito.

“Paano kayong nagkakilala ni Steffanie?” nalilitong tanong ni Basil kasabay ng pagtanggap sa kamay niya.

“We’ve met in New York, Basil darling,” wika ni Steffanie at ikinawit ang braso rito, smiling at him with love in her eyes. “Kayong dalawa, paano kayong nagkakilala?”

“Magkababayan sila, Steffie...” Si Renz ang sumagot. “Parehong mga taga-San Juan.” Sa isang disimuladong paraan ay hinila nito si Shannon palapit, sapat upang bitiwan ni Basil ang kamay niya.

Subalit nanatili sa mukha niya ang mga mata ni Basil. Nagtatanong. At alam ni Shannon na ang tungkol sa nangyari sa kanya sa yate ni Congressman Mendres ang nais nitong linawin. Basil opened his mouth to say something but Renz beat him to it.

“Let’s dance, Shannon,” anyaya ni Renz.

Isang ngiti ang pinakawalan niya kay Basil bago sumama kay Renz patungo sa dance floor. Humabol sa pandinig niya ang pag-uusap ng magkasintahan.

“Darling, hindi ako makapaniwalang magkakilala kayo ni Shannon. Kung hindi ko kabisado ang pinsan ko pagdating sa babae, magseselos ako.”

“I love you, Steffie,” Basil said sincerely. “Walang dahilan para magselos ka sa ibang babae.”

HINDI na nagkaroon ng pagkakataong mag-usap pang muli sina Shannon at Basil dahil hindi siya hinihiwalayan ni Renz. At abala si Basil at Steffanie sa pagharap at pag-asikaso sa ilang mga kaibigan at kamag-anak.

Sa loob ng maraming oras ay nagawa niyang iwasan ang mga taong nakakakilala sa kanya bilang ang supermodel. Hindi niya gustong kunin kahit sandali ang atensiyon ng mga ito mula kay Steffanie at Basil. Kung may hindi man siya naiiwasan ay si Renz na ang gumagawa ng paraan upang hindi matuon sa kanya ang atensiyon.

Maliban sa mother ni Renz at sa mommy ni Steffanie na parehong hindi makuhang ngumiti pagdating sa kanya ay wala siyang masabi sa mga naroroong kamag-anak ni Renz.

Kanina sa helicopter ay nakilala na niya ang tiyuhin nitong si Alvaro at si Nayumi Navarro. Napasalamatan na niya ang huli sa mga ipinahiram nito. And she wished she had more time talking with her. Pero tiniyak ni Renz na wala siyang makakausap nang matagal.

Sa mata ng mga panauhin, Renz was possessive of her. And that she was his new conquest. May ilang nangahas na bumanggit ng pangalan ni Vanessa subalit mataktikang nasasagot nitong lahat iyon.

Nang ianunsiyo ang formal engagement nina Basil at Steffanie ay gusto niyang tumakbo palapit kay Basil upang yakapin ito sa kasiyahan. Marahil ay naramdaman ni Renz ang balak niyang gawin dahil humigpit ang pagkakahawak nito sa balikat niya.

“Naibigay mo na nang patiuna kanina ang pagbati mo. Hindi mo kailangan ng follow-up, Shannon.” His voice held warning. “Huwag kang aalis dito. Sandali lang ako,” dugtong nito at lumakad patungo sa dalawa.

She sighed furiously. Hindi niya alam kung ano ang kahahantungan ng lahat ng ito. All her life she had been a puppet by her mother and the people she had worked with. Pagkatapos ay heto at iyon na naman ang ginagampanan niya. Sa katauhan ni Renz Navarro.

Ang tanging kaibahan, hindi man niya gustong aminin, isang kasiyahan para sa kanya ang kasama ito. And she knew, she would hurt herself in the process.

What Renz felt for her was lust. Plain and simple. Tulad din ng nararamdaman ng mga lalaking nakilala niya. Ang kaibahan, hindi kailanman nahulog ang damdamin niya kahit kanino sa mga iyon.

While she was falling for him, hard and painful.

“You are staring at my son with your heart in your eyes, Miss de Asis.”

Nagitlang nilingon niya si Mrs. Navarro na naupo sa upuang binakante ni Renz. “Mrs. Navarro...”

“I don’t mince words, Shannon,” wika nito, so poised and so beautiful. And her eyes as blue as her son’s showed contempt. “Hindi ko alam kung paano kayong nagkakilala ni Lawrence. Hindi ko rin alam kung bakit dinala ka niya sa bahay bilang bisita. He wouldn’t tell us but I know something’s going on.

“Pero ito lang ang masasabi ko, kung may pagtingin ka sa anak ko ay kalimutan mo na. Huwag mong idagdag si Renz sa mga lalaking napaugnay sa iyo. Huwag kang gumawa ng gulo—which seems to be your forte—sa pagitan nila ng kasintahan niyang si Vanessa.”

Bago niya makuhang sagutin iyon ay nagsalita mula sa likuran niya si Lance Navarro. “Pagpaumanhinan mo ang asawa ko, Shannon. Like most women, she believes what she reads,” wika nito, nahihiyang ngiti ang ibinigay sa kanya. At sa isang saglit ay nakita ni Shannon ang nagdaang galit sa mga mata nito nang yukuin ang asawa. Agad na tinakpan iyon ng ngiti. “Come, hon, it’s late. Magpaalam na tayo.”

Walang kibong tumayo si Billie. Nakita ni Shannon na nagtatalo ang dalawa habang lumalakad palayo.

Suddenly, she felt so tired and weary. Tumayo siya at lumakad patungo sa pinagparadahan ni Renz ng kotse nito. Pumasok sa loob at naupo roon. Gusto niyang umiyak.

Ano ang nangyayari sa kanya? Bakit nagiging maramdamin siya ngayon? Hindi ba at hindi lang naman si Mrs. Navarro ang nakaringgan niya ng ganoong salita? New York socialites and matrons were worst. The press were cruel. And she had endured them all.

Inilagay niya ang dalawang kamay sa mukha at humikbi. And for the second time in her whole life, she longed for Antonia to be there. Her mother hadn’t been showy with her emotions. She was rough and rigid and a slave driver. Hindi man niya ito masabihan ng mga nararamdaman ay naroon naman ito. Sa sarili nitong paraan, Antonia had protected her.

“Bakit ka umiiyak?”

The angry voice startled her. Binuksan ni Renz ang pinto sa driver’s seat at pumasok ito.

“Damn it, Shannon!” Pinukpok nito ang manibela ng sports car. “Hindi ko malaman kung ano ang mararamdaman ko sa iyo ngayon. Basil’s not for you. Nakita kong mahal niya si Steffanie. I could see it in his eyes.”

Something besides anger was at the back of Renz’s voice. Sympathy? Pity? Hindi matiyak ni Shannon. Whatever it was, it fueled her tears all the more. She burst out crying. Ang lahat ng sama ng loob na inipon sa dibdib niya ay tila dam na nabuksan. Mula sa muntik nang pagkapahamak sa kamay ni Congressman Mendres; sa pagkaalam na si Ross ang may kagagawan ng lahat ng nangyari sa kanya; sa pagod, hirap, at takot niya habang nilalangoy ang madilim na karagatan; sa insulto mula kay Renz sa panahong magkasama sila; at ngayon ay mula sa ina nito.

“Oh, hell!” Renz’s arms went out to her and gathered her to him. He kissed the top of her head. Ang kamay nito ay humahaplos sa likod niya. “Hush, baby.”

No one had ever comforted her this way. Basil weren’t there personally during the bad times. Sa telepono lang siya nito kinokonsola. She gave herself the luxury of being comforted. It felt good in his arms, na ang motibo ay hindi sex.

Dumukot si Renz ng panyo sa bulsa at iniabot sa kanya. Tinanggap niya iyon at tinuyo ang mga mata. Then blew her nose softly. Pagkatapos ay kumawala mula sa mga braso ni Renz at itinuwid ang sarili.

“I–I never cried like that,” she said sniffing. “I never cried at all.”

“I can believe that.” His smile was gentle. “It felt good to cry once in a while, Shannon.”

“S-salamat dito sa panyo...” She sniffed on his hankies again.

May ilang sandali ang pinalipas ni Renz bago ito muling nagsalita. “Basil asked me if he could speak to you. Sinabi kong aalis tayo ngayong gabi patungong isla. That my family invited you as a guest. I feel like hitting him when hesitantly he commanded me to take care of you...” Kumuyom ang mga kamay nito sa ibabaw ng manibela.

“Sinabi rin niyang wala na si Ross sa condo. Hindi na niya inabutan. Iyon ang nagbigay sa akin ng pagkakataon upang itanong sa kanya kung sino ang nagtangkang gumawa ng masama sa iyo...”

Marahas ang paglingon ni Shannon dito. “S-sinabi niya sa iyo?”

“No. He was confused for a while and searched you among the crowd. Nang tanungin ko siyang muli ay sinabi niyang sa iyo ko itanong.”

Hindi malaman ni Shannon kung magpapasalamat siya o manghihinayang. Whichever, hindi maniniwala si Renz sabihin man ni Basil dahil sa kanya nanggaling ang impormasyon. It was her words against the congressman.

“Forget Basil, Shannon,” wika nito sa tinig na tila pinagsamang utos at pakiusap. “They will leave for Vegas a week from now. Doon sila magpapakasal. Iyon ang regalo ko sa kanilang dalawa. Huwag mo nang guluhin pa ang pagkatao ni Basil. He was torn between her love for Steffanie and—” He raised his hands in the air in frustration “—lust for you. You can’t possibly continue to love a man who loves another woman and whose only desire for you was your body.”

“Hindi si Basil ang dahilan ng pag-iyak ko, Renz. And it doesn’t really matter if you believe me or not. If he’s happy with Steffanie, then I’m happy for both of them. Sa araw ng pag-alis nila patungong Las Vegas, siguro naman ay maaari na akong umuwi.”

“Saan ka uuwi, Shannon, kung ayon kay Basil ay binitiwan na ni Ross ang condo?”

“I could rent another one. Or a less expensive apartment.” Hindi nito alam na sa mga Constantino siya nakatira.

Hindi ito kumibo, pinaandar ang makina ng sasakyan. “Let’s go home.”

Home. Ang tinutukoy nito ay ang Navarro mansion.

But it wasn’t her home. He was right. Saan siya uuwi? Where was home for her? Muli ay nanulay ang matinding lungkot sa dibdib niya. This time, she blinked back the tears.

HAPON nang magising si Shannon kinabukasan. Alas-dos pasado na ng madaling-araw nang makauwi sila at hindi naman siya agad nakatulog.

Pagkaligo ay agad siyang nanaog. Hindi niya alam kung ano ang plano ni Renz ngayong araw na ito. Hindi niya alam kung totoo ang sinabi nito kay Basil na babalik na sila sa isla.

Sa ibaba ay nasalubong niya ang isang katulong, may dalang tray na may lamang baso ng freshly squeezed orange juice. Bumati ito ng magandang hapon at tinanong siya kung gusto niyang kumain.

“Mamaya na,” sagot niya. “Nakita mo ba si Renz?”

“May importanteng kausap si Sir sa telepono, Ma’am,” sagot nito. “Nasa den. Sa kanya nga po itong juice.”

“Ang papa’t mama niya?”

“Nasa gym po sa basement sina Sir Lance at Ma’am Billie.”

Hinayaan na niyang magtuloy ito sa den, kung saan mang bahagi iyon ng kabahayan. The maid walked towards the left wing of the house. Sinundan niya ito dahil naroon din ang direksiyon ng malaking sala at drawing room.

Palabas na siya nang makita niya sina Congressman Mendres at Vanessa na dumarating kasama ng mayordoma na marahil ay siyang nagbukas ng pinto sa mag-ama. Mabilis siyang napaatras sa isang malaking column.

“Gusto kong makausap ang Sir mo, Marcela. Kung gising na ay tawagin mo,” utos ni Vanessa.

“Opo, m a’am. Pakihintay lang po dahil may kausap sa telepono. Ipaaalam ko pong narito kayo. Dito na po ninyo hintayin si Sir sa drawing room.”

“At sabihin mo na rin kay Lance na gusto ko siyang makausap, Marcela,” pahabol ni Congressman Mendres at lumakad patungo sa drawing room. Sa paraan ng pakilos ay naroon ang familiarity ng isang kilala at importanteng panauhin. Si Vanessa ay sumunod sa ama.

Sa halip na dumeretso sa sala ay umatras si Shannon at lumiko pakanan, sa bahaging likod ng drawing room. She was about to turn left when she heard Vanessa’s voice.

Nagsalubong ang mga kilay niya at napahinto sa paghakbang. Paano niyang naririnig ang tinig nito? Materiales fuertes ang kayarian ng buong kabahayan. At nakita niyang isinara ng maid ang malaki at makapal na pintong narra.

Pero maliwanag niyang naririnig ang tinig ng mag-ama. Natukso siyang tumayo roon at makinig.

“I could kill Renz for this, Papa!” pasigaw nitong sabi. May narinig si Shannon na ibinagsak nito sa mesa. “Tingnan mo nga ang mga larawang iyan sa peryodiko at ang artikulo. Paanong hindi ko nalaman ang tungkol sa party ni Steffanie? I know that brat doesn’t like me, pero ang babaeng iyan ang sumira sa buhay niya! I don’t understand this at all.”

“Hija, huminahon ka...”

“Bullshit!” mura nito. “Nagmukha akong tanga sa mga kaibigan ko. At hindi ito ang unang pagkakataong nakunan sila ng larawan ng babaeng iyon sa isang kahina-hinalang tagpo! Ang una’y kasama pa ako, sa party ni Frederick. Niloloko ako ng lalaking iyon nang harap-harapan! Hindi niya magagawa sa akin ito.”

Napasinghap si Shannon mula sa kinatatayuan niya. Nakunan sila ng larawan ni Renz kagabi? Bakit hindi nila parehong napuna iyon?

Subalit hindi niya makuhang mag-isip nang matagal, muling nagsalita si Vanessa.

“Naniniwala akong dapat nating kausapin si Renz at ang mga magulang niya,” sagot ni Congressman Mendres sa diplomatikong tono. “Hindi tama ang ginagawa ng anak nila. Pero maging mahinahon at mataktika ka, hija. Hindi natin gustong maghisterya. Hindi nakukuha sa ganoon ang lahat. Kailangan ko ang suporta ni Lance sa kandidatura ko sa susunod na taon.”

“Tiyakin mong maipapanalo mo ang kandidatura mo, Papa. Sawang-sawa na ako sa kapaparoo’t parito sa mga squatter at rural areas. Nananayo ang mga balahibo ko sa tuwing kinakarga ko ang mababahong mga batang iyon! Kung alam lang nilang diring-diri ako sa kanila!”

Tinakpan ni Shannon ang bibig upang pigilan ang malakas na pagsinghap. Kung naririnig niya ang mga ito, baka marinig din ang anumang ingay na maaaring magawa niya.

Isang tiwalang tawa ang pinakawalan ni Congressman Mendres. “Magiging senador ang ama mo, hija. Trust me. And of course, malaking tulong ang ginagawa mong pagmamalasakit sa mga mahihirap na kabataan.”

“So back to why we are here,” wika ni Vanessa. “Kung hindi mo pinakawalan si Shannon sa yate nang gabing iyon, di sana’y hindi umahon ang problemang ito sa pagitan namin ni Renz. Di sana’y naipamukha ko sa babaeng iyon na wala siyang karapatang pagmalakihan ako. Besides, paano bang nagkamalay kaagad ang babaeng iyon sa drugs na ibinigay ko sa iyo bago ako nagpahatid sa yate ni Renz?”

“Ayon kay Trixia ay itinapon niya sa paso,” wika ni Congressman Mendres, may bahid ng galit ang tinig. “Forget her. Hindi siya importante. Ang ipagpasalamat natin ay hindi siya gumawa ng iskandalo. Hindi siya paniniwalaan dahil sa reputasyon niya sa Amerika, pero kahit paano ay uugain din niyon ang katayuan ko sa pulitika.”

Mulagat na napaatras si Shannon sa dingding. Ito ba ang uri ng mga taong sinasabing may magandang katayuan sa lipunan? Mapagkawanggawa sa mahihirap?

The hypocrisy nauseated her.

Ito rin ba ang babaeng pakakasalan ni Renz? Anger rose in her chest at the thought. Hindi siya makapaniwalang nadadaya si Renz sa panlabas na anyo ng isang babae.

Subalit anuman ang natuklasan niya ay mananatili sa kanya. Wala siyang magagawa. Tama si Congressman Mendres. Her words against him.

Pinagsamang panlulumo at galit na tumalikod siya upang bumalik sa pinanggalingan nang mabunggo siya sa isang matigas na katawan. Ang mga kamay nito ay agad na nakahawak sa baywang niya upang huwag siyang mawalan ng balanse.

“Renz!”