Tawa
"Sino 'yung naghanap sa'yo kanina? Boyfriend mo?" Si Sasha habang inaayos ang blush on niya.
Bad trip na nga ako kay T.H tapos pinaalala niya pa. Chismosang babaita.
"Hindi" maagap kong sambit.
Maghapon wala akong ginawa kung hindi ang makinig sa daldalan nina Wanwan at Melissa. Wala ako sa mood para makinig sa mga lesson namin.
Hanggang sa dumating ang uwian pero nagpaiwan ang mga officers dahil sa meeting. Birthday kasi ng adviser namin sa organization.
'Yung organization ng Major ko, Social Studies. Hindi ko alam kung paano ako naging officer. Baka trip lang nila.
Natawa na lang ako ng may muse pang sinali. Hindi ako ang naging muse dahil ako ang naging business manager. Sayang ang ganda ko.
Pero hindi naman big deal sa akin 'yun.
Matapos ng meeting una akong lumabas dahil ako ang inutusan na magcanvas ng item na dapat bilhin.
Wala naman akong choice. Buti nga at binigyan nila akong pamasahe. Ang mga kaklase ko at ilang estudyante ay pinagtinginan si Marcus na abalang nakaupo sa kubo habang naglalaro ng cellphone.
"Marcus." Hindi siya maabala sa ginagawa niya. Sinilip ko siya. Ewan ko kung anong klaseng laro iyon basta ang alam ko may mga tore iyon.
"Mauna na kong umuwi", aniya Melissa. Gusto ko sanang samahan niya ko kaso may bisita raw sa kanilang bahay at kailangan niyang tulungan ang Mama niya.
"Sige. Ingat ka, girl." Kumuway ako at gano'n din siya.
Bago siya tuluyang mauna ay may binulong ito. "Set-up mo naman kami ni Marcus ng date"
Umikot ang mga mata ko. "Chosera ka!"
Tumawa naman siya.
Tinitigan ko si Marcus ng mahigit limang minuto habang nakapamewang. Sa wakas natapos na rin siya. Inayos niya ang kanyang polo at bag.
"Tara na", sabi nito.
"Umuna ka ng umuwi. Magca-canvass kasi ako ng pangregalo sa adviser namin. Pero pwede ka namang sumama kung wala kang gagawin"
Kumamot siya ng ulo habang naglalakad kami. May mangilan-ngilan na mga babaeng kumukuway sa kanya. Ngiti naman ang ginawa niya sa mga ito.
"May reporting ako bukas. Pasundo na lang kita kay Latrelle"
Mabilis ang pagbaling ng mukha ko sa kanya kasabay ng matigas kong pag-iling.
"H'wag na lang. Saka hindi naman ako espesyal"
Kasambahay lang naman ako kaya hindi nila ako kailangang ituring na espesyal. Isa pa kung si Latrelle rin naman ang susundo sa akin. Mas mabuting umuwi na lang akong mag-isa.
"Bilin kasi ni Latrelle na umuwi ka. Ikaw raw ang magluto ng hapunan"
Ngumiwi ako. Akala ko pa naman...
Tsk...
"Oo, hindi naman ako makakalimot. Nasaan ba si Jez?" Luminga-linga ako sa classroom nila pero hindi ko nakita ang mukha ng kaibigan ko.
Ang nakita ko ay dalawa niyang kaklase na nag-aayos ng mga upuan at nagbubura ng sulat sa blackboard.
"Dumiretso sa photoshoot niya", matipid nitong sagot.
Nang makalabas kami ng gate ay nagtricycle siya. Baka hindi masusundo ni Latrelle dahil abala. Ako naman ay sumakay na rin pero iba ang ruta ng sinakyan ko.
"Uy! Wanwan. Bakit hindi ka pa nakakauwi?"
"May hinintay lang ako. Ikaw ba saan ka pupunta?"
"Dyan lang ako sa may bayan"
"Sakto. Doon ang baba ko", masayang sabi niya.
Nagkwentuhan kami sa iba't-ibang bagay. Masasabi kong isa siya sa mga kaklase kong mababait. Hindi nga lang siya gaanong madaldal katulad ni Melissa. Minsan madaldal siya pag nasa mood pero madalas hindi siya makabasag-pinggan.
Kinuwentuhan niya ko na dati siyang galing sa pribadong paaralan bago tumuloy ng college rito. Nagkaroon kasi ng problema ang pamilya niya kaya nagdesisyon siyang pumasok sa isang unibersidad na libre ang tuition fee.
Sabi niya, introvert siya at mahiyain. Naitanong ko kasi sa kanya bakit minsan lang siya umimik sa klase at kahit professor ang nagtanong kalimitan ay hindi siya sumasagot.
Nang nakarating kami sa bayan ay sumakay na siya ng jeep at nagpaalam. Naglakad-lakad ako hanggang sa nakakita ako ng mga sandals na pangmatanda. Isa ito sa mga options na binigay ng mga kaklase ko na pwede kong bilhin para kay Ma'am pero mukhang huwag na lang.
Dumiretso ako sa kabila sa hanay ng mga paso at banga. Hinawakan ko ang mga iyon. Ang gaganda! May disenyo na inspire sa relihiyon kagaya nu'ng pinakamalaki nilang banga. Anghel ang disenyo na may hawak ng pana.
Mayroon din naman na inspired sa Egyptian culture dahil sa disenyo nitong mga Diyos at Diyosa ng Egypt. Dapat isama nila ako dyan.
May paso naman hearts lang ang design.
"Pasok ka rito, Neng! Mas madami sa loob!" sabi ng matandang babae na puno ng kwintas ang leeg at puro bracelet ang braso.
"Sige po. May tinitignan lang", sagot ko naman.
Dahan-dahan kong hinawakan ang mga iyon. Hinahaplos kung gaano kaganda nililok ang mga disenyo.
Nilapit ko ang mukha ko sa isang banga na yari sa tila makinis na semento. Paano'y kita ko kasi ang aking repleksyon.
Napanganga ako sa pagkahumaling.
"Wow!" sabi ko.
Napaatras ako ng makita ang repleksyon ng isang gwapong lalaki. May I.D siya at nakauniporme.
Kumisap ang mata ko sa kung sino ang nasa harap ko. "T.H?"
"Anong ginagawa mo rito?" Tinignan ko ang kotse niya sa paligid pero walang bakas.
"Napadaan lang" sabi nito habang konsentradong nakatingin sa mga paso at banga. Maging siya ay manghang-mangha rin dahil sa kung paano niyang tignan iyon.
"Commute ka lang?"
"Hindi. Pinapaayos ko lang 'yung kotse ko"
Hindi na ko muling nagtanong. Kaya minabuti kong tumingin na lang ng kung anong bibilhin.
Mukhang mahal naman ng bangang ito. Gusto-gusto pa naman ni Ma'am ang Egypt style.
Hinahanap ko ang presyo pero hindi ko makita. Hindi ko namalayan na binuhat ko iyon.
"Baka mabagsak" mahinahong paalala ni T.H pero huli na ang lahat.
Nagulat ako maging siya. Lumaki sandali ang mga mata niya pero agad bumalik sa normal ang ekspresyon ng mukha niya.
"Anong ginawa niyo sa banga ko!" sigaw ng Ale.
Mangiyak-ngiyak siya habang pinupulot ang mga basag na parte.
"Bayaran niyo ito!"
"Wala po akong pera eh!"
Tumingin ako kay T.H na nagmamakaawa. Nagsalubong ang kilay niya. Pero kinapa niya ang sariling bulsa. Siguro ay naawa sa akin.
Unti-unti siyang lumapit ng makitang kong taranta siya.
"Naiwan ko sa kotse 'yung wallet ko", bulong niya.
"Makinig ka pagkabilang ko ng tatlo tumakbo ka." Tumango lang ako.
"Isa"
"Nasaan na ang bayad niyo? Ineng? Tutoy?"
"Dalawa."
"Tatawag ako ng pulis!"
"Tatlo!"
Hinila ako ni T.H bago ako makahuma. Mabilis niyang hinawakan ang kamay ko hanggang sa ilang kalye at eskinita ang nilampasan namin.
Habang natakbo kami pinagmamasdan ko ang mukha niya. Parang slow motion ang pagtalbog ng buhok nito kasabay ng aming mabilis na pagtakbo.
Parang may nagsabog ng glitters sa paligid kasabay ng paru-paro sa aking tiyan lalo na ng biglang kumurba ang ngiti sa kanyang labi.
Tumigil kami sa pagtakbo ng makarating sa kotse niya.
"Akala niya yata maabutan niya tayo", tumawa siya.
'Yung tawa na parang slow motion. Hindi ko maipaliwanag pero bakit mas lalo siyang gumawapo?
Minsan lang siyang tumawa pero bakit ganito ang dating sa akin.
Naalala kong nakahawak pa rin ang kamay niya sa akin kaya namula ako ng makitang tama ang nasa isip ko.
"Uhm. T.H 'yung kamay mo"
Agad niyang binitiwan ang kamay ko. Palihim kong hinaplos ang hinawakan niya.
Nahihibang na yata ako lalo na ng tila nag-echo ang tawa niya sa aking tenga.