noveltoon logo noveltoon
Switch Desire (Temptation Island Series 3)

Chapter 13

Ch. 14 / 27 Feb 09, 2022

MULA nang makabalik sina Ria at Izaak sa lungsod sampung oras na ang nakakaraan, nasa kuwarto lang si Ria at nagkukulong habang hinihintay si Izaak na agad na umalis nang makarating sila ng bahay.

Izaak said that he had to meet someone and he’d be back later. Pero magmamadaling-araw na, hindi pa rin nakakabalik ang lalaki.

Hindi niya alam, pero nakakaramdam siya ng selos sa kung sino man ang katagpo nito. It’s Saturday, for crying out loud! Ano pang meeting ang pupuntahan nito?

And Ria had this nagging feeling inside her that Izaak might change after they left the island. May takot siyang nararamdaman. Ayaw niyang bumalik ito sa dating Izaak na may babae at walang pakialam. She wanted the sweet Izaak.

Habang naghihintay sa pag-uwi nito, unti-unting kinakain ng takot ang puso niya na baka bumalik na naman ito sa pambababae. Napabuntong-hininga siya saka bumangon mula sa pagkakahiga sa kama.

“Nasaan na kaya `yon?”

Umalis si Ria sa kama at palakad-lakad habang panay ang tingin sa wall clock.

Damn it! Nasaan na ba si Izaak? Kinakabahan na siya.

Bumalik uli siya sa kama saka nahiga. Nilabanan niya ang antok na nararamdaman para hintayin si Izaak, pero hindi siya nagtagumpay. Nakaidlip siya at nagising nang maramdamang parang may nakatitig sa mukha niya kaya nagmulat siya ng mga mata.

Muntik na siyang mapasigaw sa gulat nang makita si Izaak na nakaupo sa gilid ng kama at titig na titig sa kanya.

“Izaak!” Mabilis siyang bumangon saka ito niyakap. “Saan ka ba nagpunta—” Hindi niya natapos ang sasabihin nang makaamoy ng alak. Bahagya siyang kumawala sa pagkakayakap saka pinakatitigan si Izaak. “Lasing ka?”

Umiling ito. “I just drank a bottle of rum or two.”

“Izaak!” Tiningnan niya ito nang masama. “Paano kung may nangyaring masama sa `yo? Nagmaneho ka pa naman, `tapos lasing ka pala. Ano ka ba? Hindi ka ba talaga nag-iisip—”

“You were worried?” Titig na titig si Izaak sa kanya na para bang may kakaiba sa kanyang mukha.

“Oo naman.” Hinaplos niya ang pisngi nito saka pabirong sinabunutan. “Bakit ka ba nagtatanong diyan? Hindi nga ako agad nakatulog dahil sa pag-aalala kung nasaan ka na, eh.”

Umangat ang kamay nito saka hinawi ang buhok na tumatabing sa kanyang mukha, “Sorry. Napuyat ka pa dahil sa akin.” Umikot ang mga braso ni Izaak sa baywang niya saka hinapit siya palapit dito. “Sorry. I didn’t mean to. Sorry.”

Kumunot ang noo ni Ria. Parang iba naman ang hinihingan nito ng tawad.

Kumawala siya sa pagkakayakap nito saka sinapo ang mukha ng lalaki. “Izaak, lasing ka, `no?” Pabiro niyang pinitik ang ilong nito saka hinalikan sa mga labi. “Matulog ka na nga. Magpahinga ka na.”

Hindi ito gumalaw. Basta tinitigan lang siya na para bang minememorya ang kanyang mukha.

“Izaak, matulog ka na,” may diing sabi niya.

Izaak just stared at her. Napailing-iling si Ria saka siya na ang naghubad sa damit nitong amoy-alak. Pagkatapos ay itinulak niya ito pahiga at hinubad naman ang pantalon nito. At habang tinatanggal niya ang medyas at sapatos nitong suot, titig na titig pa rin sa kanya si Izaak.

“Izaak, stop staring at me.” Inirapan niya ito. “Matulog ka na.”

But he didn’t listen. Izaak just stared at her intently until she lay beside him.

“Matulog ka na,” sabi niya saka ito kinumutan. “Lasing ka pa naman at—”

“Syl…” mahina nitong sabi sa pangalan ng kakambal niya na ikinatigil ni Ria sa pagsasalita.

Tumingin siya rito. “Hmm?”

“Are you planning something wicked against me?”

Tumaas ang kilay niya. “Izaak, `di ba, sinabi ko naman sa `yo, nagbago na ako at wala akong pinaplanong masama laban sa `yo?”

“Hindi ka nagsisinungaling?”

Natigilan si Ria. “Bakit mo naman natanong `yan?”

“Wala lang. Pumasok lang bigla sa isip ko.”

Inirapan niya ito saka umayos ng higa. “Matulog ka na.” Ria kissed his cheek. “Goodnight, Izaak.”

Inilapat nito ang noo sa noo niya. “Goodnight, Syl. Sleep tight.”

Isiniksik ni Ria ang katawan sa katawan ni Izaak saka ito niyakap nang mahigpit. “Tulog ka na.”

“Okay.”

Pinakiramdaman niya si Izaak kung natutulog na. Nang maramdamang malalim na ang paghinga ng lalaki, napanatag na siya at nakatulog na rin.

PAGKAGISING ni Ria na wala na si Izaak sa kama, agad siyang naligo, nagbihis at bumaba sa kusina. Nang makitang nag-aagahan na si Izaak, nilapitan niya ito saka hinalikan sa pisngi.

“Good morning.” She chirped.

Napakurap-kurap ito sa gulat, pagkatapos ay bumaling sa kanya at ngumiti. “Good morning, baby.”

“Kumusta? Wala ka bang hangover?” Umupo siya sa tabi nito saka nagsalin ng tubig sa baso.

“Hindi naman marami ang nainom ko,” sagot ni Izaak. “Nagkayayaan lang kami ni Mr. Kim sa bar dahil mahaba ang pinag-usapan namin sa meeting.”

“Ganoon ba?” Natigilan bigla si Ria nang makitang nilagyan siya ng ulam at kanin ni Izaak sa pinggan. “Ang sweet naman,” komento niya na nanunudyo.

“Siyempre.” Kinindatan siya nito. “Fiancée kita, eh.”

Kumabog nang malakas at mabilis ang puso niya.

Fiancée kita.

Bakit ba napakasarap pakinggan niyon? Bakit ba parang ang sarap sa pakiramdam na tawaging fiancée ni Izaak?

Naloloka na siya! Dapat hindi niya nararamdaman iyon!

“Hey, baby, you okay?” tanong ni Izaak.

Napakurap-kurap si Ria saka pilit na ngumiti. “Yeah, I’m fine.” Huminga muna siya nang malalim bago kumain. Wala siyang imik habang nag-aagahan. Malalim ang iniisip niya at magulo rin iyon. Kaya naman nagulat siya nang yugyugin ni Izaak ang balikat niya.

“Ayos ka lang, baby?”

“Yes,” mabilis niyang sagot.

“You sure?” Kunot ang noo ni Izaak, makikita ang pag-aalala sa mga mata nito. “Kanina ka pa nakatulala riyan.”

Tumango si Ria saka ibinaba ang tingin sa pinggan at ipinagpatuloy ang pagkain. Pagkatapos nilang mag-agahan ni Izaak, inihatid niya ito sa garahe saka hinalikan sa mga labi nang makaupo sa driver’s seat.

“Ingat ka,” sabi niya.

Bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata nang bumaba ito ng sasakyan saka mahigpit siyang niyakap at mapusok na hinalikan sa mga labi.

Nagulat siya sa ginawa nito, pero agad din namang tinugon ang halik nito.

“Mag-iingat ako,” sabi nito nang pakawalan ang mga labi niya. “Para sa `yo.”

Napangiti si Ria saka hinaplos ang pisngi nito. “Good. Now, go to the office.”

Mahina itong tumawa saka sumakay sa sasakyan.

Umalis lang siya sa garahe nang makalabas doon ang sasakyan ni Izaak. Inihatid niya ng tingin ang sasakyan hanggang makalabas ng gate.

Isasara na sana ni Ria ang gate nang biglang may bumusina na kotse na papasok. Kumunot ang noo niya nang mag-angat ng tingin at nakakita ng itim na sasakyan. Namaywang siya saka tinaasan ng kilay ang sasakyan. “Sino naman kaya ito?”

Bumusina uli ang sasakyan. Hindi siya umalis sa pagkakatago sa gitna ng driveway. Bumusina uli ang sasakyan, pero nagmatigas siya. Then, the door to the passenger opened. Parang nayanig ang buong pagkatao niya at napako sa kinatatayuan nang makilala ang babaeng lumabas mula roon.

“M-Mama?”

“Syl, bakit ka ba nakaharang diyan, ha?” Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Umalis ka nga sa daraanan ko.”

Hindi siya nakagalaw. Ria was rooted to the spot. Pagkalipas ng mahabang panahon, nakita ulit niya ang ina na laging sinisigawan at sinusumbatan siya noon.

At habang nakatitig sa ina, hindi niya alam kung paano ito pakikiharapan.

“SYL, NAIINIP na kami,” sabi ng kanyang ina habang nasa garden sila ng bahay ni Izaak. “Limang buwan na mula nang makakuha ka ng pera kay Izaak. Ano na?”

Hindi makapaniwalang napatitig si Ria sa kanyang ina. Ito ang nag-utos kay Syl na nakawan si Izaak?

“O, ano’ng itinititig-titig mo riyan?” tanong nito. “Syl, huwag mong kalimutan kung bakit ka namin ipapakasal kay Izaak. `Yon ay ang mahuthutan mo siya ng pera!”

“Magsalita ka, Syl,” sabi ng ama niya na nakisali na sa usapan. “Nasaan na ang pera?”

“Syl, talk!” galit na sabi ulit ng ama niya nang nanatili siyang tahimik.

Pasimpleng kumuyom ang kamay ni Ria saka inihanda ang sarili na umaktong si Syl. “Walang tiwala sa akin si Izaak.” Malumanay ang boses niya, tulad ng kay Syl. “Galit siya sa akin dahil sa pagnanakaw ko sa kanya ng pera noon, kaya wala kayong maaasahang pera ngayon.”

“Huwag kang magsinungaling, Syl. Alam naming nagbakasyon kayong dalawa,” sabi ng kanyang ina na pinandidilatan siya.

Malumanay ang boses na sumagot siya ng kasinungalingan. “Mama, sa galit sa akin ni Izaak, sa tingin n’yo naman, pagkakatiwalaan pa niya ako? Oo, nagbakasyon kami hindi para magsaya kundi para pahirapan niya ako. Ginawa niya akong alila doon. Sabi niya, kabayaran `yon para sa perang ninakaw ko. Dalawang linggo niya akong pinahirapan, Mama.” Naiiyak na ang boses niya.

“Use your body,” may diing utos ng ina. “Siguradong hindi ka matatanggihan n’on.”

Humikbi si Ria para kaawan ng mga ito, “Mama, ayaw nga akong hawakan ni Izaak. Ayaw niya sa akin. Nandidiri siya sa akin.”

Pero sa halip na maawa, nagalit pa ito sa kanya. “Wala akong pakialam kung nandidiri siya sa `yo, gawan mo ng paraan! Kung kailangan mo siyang akitin, gawin mo! Kailangan natin ng pera, nalulugi na ang kompanya.”

“Hindi ko na kaya, Mama.” Nagmamakaawa ang boses ni Ria. “Nahihirapan na ako.”

“Wala akong pakialam!” Her mother hissed. “We need ten million! Hindi sapat ang limang milyon na kinuha mo sa kanya! Wala ka namang pinirmahang pre-nuptial agreement kaya ang sa kanya ay sa `yo rin. Magsangla ka o kaya naman ipagbili mo ang ilang lupa ni Izaak.”

“Mama, baka patayin na ako ni Izaak n’on.”

Ria would never steal from Izaak. Never! Maybe it’s a good thing that she’s here and not Syl.

“Gawan mo ito ng paraan, Syl. Maghihintay kami.” Pagkasabi niyon ay umalis na ang mga kanyang magulang sa hardin at siyang nakatingin sa papalayong bulto ng mga ito.

Napabuntong-hininga si Ria saka kinuha ang cell phone sa bulsa at tinawagan ang kakambal. Nang sagutin nito ang tawag, hindi pa ito nakakapagsalita ay inunahan na niya.

“Kung isa sa mga tago mong dahilan kung bakit mo ako pinapunta rito ay para nakawan si Izaak, inuunahan na kita, hindi ko gagawin `yon. He’s a good person, he doesn’t deserve that.”

“Ano ba’ng pinagsasasabi mo, Maria?” Halata ang gulat sa boses nito.

Tumiim ang bagang ni Ria saka nagsalita ulit. “At ito ang isaksak mo sa isip mo. Kapag ako ang niloko mo at nasagad mo ang pasensiya ko, ipapatikim ko sa `yo ang impiyerno kaya huwag mo akong subukan. Hindi mo ako kilala.” Pagkasabi niyon ay pinatay niya ang tawag saka napabuntong-hininga. “Damn it.”

Inihilamos ni Ria ang palad sa mukha saka malakas na napabuntong-hininga. Inis na lumabas siya ng garden, nakasalubong si `Nay Koring.

“O, `Nay Koring,” sabi niya na magkasalubong ang mga kilay. “Bakit may dala kayong lalagyan ng tsaa?” tanong niya nang makita ang tea kettle.

Lumapit ang mayordoma sa kanya. “Ma’am Syl, itatanong ko lang kung anong gusto na tea ng mama n’yo. Baka kasi mapagalitan na naman ako tulad noong una, muntik na akong sabuyan ng mainit na tubig.”

Ginawa iyon ng mama niya? Sumusobra na talaga ito. Kaya lumayas siya sa bahay ng mga ito noon, eh. Dahil hindi na niya kaya ang mga pinaggagagawa nito.

She gritted her teeth. “Lagyan mo ng lason, `Nay Koring.”

Parang nahulog ang panga nito sa sinabi niya.

“Ma’am Syl?” sabi ni `Nay Koring nang makabawi sa pagkabigla.

“Ang gusto niya, green tea,” biglang bawi niya. If her memory serves her right, green tea talaga ang gustong-gusto nito. “Pakilagyan mo na rin ng latigo, `Nay Koring, nang mawala ang masasamang bulate sa katawan niya para bumait na.”

Mahinang natawa si Nay Koring. “Kayo talaga, Ma’am Syl. Palabiro po kayo.”

Sumeryoso ang mukha ni Ria. “Hindi ako nagbibiro.”

Napalabi ang matanda. “Ganoon ho ba?” Itinaas nito ang lalagyan ng tsaa. “Sige, Ma’am Syl, babalik na ako sa kusina para gumawa ng tea.”

Tumango siya saka inihatid ng tingin ang mayordoma. Akmang papasok na rin siya sa bahay nang biglang lumabas si Izaak mula sa likod ng malapad at mataas na fountain. Walang emosyon ang mukha nito habang nakatitig sa kanya.

Bahagya siyang napaatras nang makita ito dahil sa gulat. “I-Izaak…” Nanlamig ang katawan niya. “A-ano’ng ginagawa mo rito?”

Narinig ba nito ang pinag-usapan nila ng mga magulang niya? Kung kanina pa ito nagtatago sa likod ng fountain, siguradong narinig nito lahat. Pati na ang usapan nila ni Syl.

“K-kanina ka pa ba riyan?” Palala nang palala ang kabang nararamdaman niya. “N-narinig mo ba l-lahat?”

“I heard enough,” he said, still emotionless.

Kinakabahang nakagat ni Ria ang ibabang labi. “A-ano’ng narinig mo?”

“It doesn’t matter.” Namulsa si Izaak saka matiim siyang tinitigan. “But why did you lie to them?” he asked, no emotion on his face. “And don’t lie to me, Syl. I heard you. So talk.”

Napalunok si Ria saka sinalubong ang titig nito. Sasabihin ba niya? Humugot siya ng malalim na hininga, ibinuka ang mga labi para magsalita.