“You’re a victim of rape, Junica.”
Nangatal ang mga labi ko kasunod ang pamumuo ng luha sa gilid ng mga mata ko. May mga sigaw akong naririnig sa loob ng isipan ko.
Mga iyak.
Mga tawa.
Mga pagmamakaawa ng mga taong hindi ko maalala kung sino.
May kirot akong nararamdaman sa dibdib ko. Masakit. Sobrang sakit. Hanggang sa hindi ko na mapigilan ang sarili ko na maiyak. Pero kailangan kong pilitin ang sarili ko na kumalma. Gusto kong mas luminaw pa sa akin ang lahat. Gusto ko nang maalala ang lahat. Gusto ko nang malaman ang totoong pagkatao ko. “Please Dra... Sabihin mo sa akin ang lahat ng kailangan kong malaman... At lahat ng kailangan kong maalala.”
Lumingon si Dra. Amor kay Ricky, tumango ito sa kanya bago muling nagsalita.
“Hindi talaga Junica ang pangalan mo. Ikaw si Carol. Caroline Tiffany Alcantara.”
Pinunasan ko na ang mga luha kong bumabasa sa pisngi ko nang muling maupo si Dra. Amor sa harapan ko. Kailangan kong ikalma ang sarili at utak ko. Kailangan kong maintindihan at maalala ang lahat ng sasabihin niya.
“Almost 10 years ago, umakyat kayo ng bundok ng mga kaibigan mo kasama si Ivan... Siya ang boyfriend mo. Pero may humarang sa inyo na masasamang tao sa bundok.” Humugot muna si Dra. Amor ng malalim na buntong hininga, na tila nag-iipon ng lakas ng loob na magpatuloy sa pagkukwentong ginagawa niya. “Sinaktan nila kayo... Pinagsamantalahan at pinatay ang lahat ng mga kasama mo.”
Napasinghap ako sa mga sinabi niya. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko. At sa pagku-kwento ni Dra. Amor, parang nakikita ko na rin ang mga nangyayari sa isipan ko. Ang mga kaibigan kong pinatay. Si Ivan na wala ng buhay. At ako... Ako na naglalakad habang may hawak na duguang palakol. Bigla akong napamulat ng dahil sa nakita ko sa loob ng isipan ko.
“Ikaw lang ang naka-survive sa nangyari sa inyo, Junica. Ikaw lang ang nabuhay sa mga kasama mo. Pero nang makita ka ng mga pulis at ng mga taga-bundok... Tulala ka na lang at hindi makausap. Nagawa nilang dalhin ka sa ospital hanggang sa makauwi ka sa bahay ninyo, pero walang naging pagbabago sa kilos mo. Wala kang sinoman na kinakausap kahit ang mga magulang mo pa. Palagi kang umiiyak, nagwawala at minsan bigla na lang tatawa ng mag-isa. Hanggang sa ipa-confine ka na nga sa ospital namin ng mga magulang mo sa kauna-unahang pagkakataon. And that time, we found out na buntis ka.”
Muling tumaas ang tingin ko sa mukha ni Dra. Amor. Parang ayoko nang marinig pa ang karugtong ng kwento niya pero kailangan. Kailangan ko nang malaman ang lahat.
“We took care of everything, Junica. You and the baby inside your tummy. Hanggang sa makapanganak ka na at doon namin nakita na unti-unting bumubuti ang kalagayan mo. Kinakausap mo na ang mga magulang mo at pati na ako. Nagagawa mo nang kausapin ang mga taong nakapaligid sa ‘yo. Kaya lang, wala kang maalala sa kahit na anong nangyari sa bundok. Hindi mo na rin naalala ang mga kaibigan mo o kahit pa si Ivan. Pati ang pagbubuntis mo ay nawala rin sa alaala mo. And you started to call yourself, Junica Alcantara.”
Biglang pumasok sa isip ko ang duguang babae na palagi kong nakikita sa panaginip ko at sa loob ng kwarto ko sa Haven Apartelle. Ang babaeng duguan at natatakpan ng makapal at nanlalagkit na buhok ang muka. Ang babae na akala ko ay nagmumulto sa akin ay walang iba kung hindi ang sarili ko lang din pala. Kaya pala hindi ko makita ang mukha niya. Kaya pala palagi siyang naglalaho sa tuwing susubukan kong hawiin ang buhok niya. Kaya pala hindi ko siya kaagad nakilala.
Dahil ang babaeng iyon at ako ay iisa lang.
“Hinayaan na lang namin na mabura sa isipan mo ang mapait na parte ng nakaraan mo para hindi ka mahirapan na makapag-move on. Dahil nakikita rin naman namin noon na bumubuti na ang kalagayan mo at bumabalik na ang dati mong sigla. Hanggang sa nagawa mo na ulit mamuhay ng normal at naging isang sikat na writer ka pa. Kaya lang almost three years ago, inatake ka ng depression mo na naging dahilan ng ng writer’s block mo. Maraming reader ang naghahanap sa ‘yo at palagi kang kinukulit na editor mo sa publishing company para sa bagong nobela mo. Pero halos isang taon kang hindi nakapagsulat. Doon ka sinimulang bitawan ng editor mo hanggang sa nangyari na nga ang aksidente kasama si Angel.”
“Si Angel...” kaagad kong pinunasan ang luha kong nagbabanta na namang bumagsak. Bakit ba kasi napakaiyakin ko?! Hindi naman ako dating ganito. O sadyang masakit at mabigat lang talaga ang mga nalalaman kong katotohanan tungkol sa nakaraan ko. “Angel was my daughter, right? H-hindi ko siya kapatid ‘di ba? A-anak ko siya?”
Saglit na hindi nagsalita si Dra. Amor. Binalot ng katahimikan ang buong kwarto na kalaunan ay binasag din ng psychiatrist ko. “Yes. Anak mo si Angel, Junica.”
Tuluyan ko nang naisubsob ang mukha ko sa mga palad ko. Sa pagkakataon na ‘yon, hindi ko na napigilan ang sarili ko na mapahagulhol. Kaya pala sobrang gaan ng loob ko sa batang inaakalang kong kapatid ko. Kaya pala siya lang ang palaging nakakapagpangiti sa akin. Kaya mahal na mahal ko si Angel dahil sa akin siya mismo nagmula.
“I killed her. I killed my own daughter. Ako ang pumatay sa kanya.” Ito na yata ang pinakamasakit na parte ng nakaraan ko na narinig ko mula kay Dra. Amor. Ang malaman o maalala na ako mismo ang pumatay sa sariling anak ko. “Ni hindi ko man lang siya natawag na anak ko. Ni hindi ko man lang nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Ni hindi niya man lang naramdaman na mahalin ng totoong Nanay niya.”
Tumayo na si Dra. Amor at niyakap ako ng mahigpit. “H’wag mong sabihin ‘yan, Junica. Dahil aksidente lang ang lahat ng nangyari sa inyo ni Angel noon. Walang may gusto na mapahamak kayong dalawa. Hindi mo ginusto na mawala si Angel.”
“Nawala siya ng dahil sa akin. Nawala siya nang dahil sa kabaliwan ko! Ako lang ang dapat sisihin dahil kagaya ng sinasabi nila, sira talaga ang ulo ko. Baliw ako. Totoong baliw ako.”
“Shhh. Tama na ‘yan. Gagaling ka pa rin, Junica. Gagaling ka ulit at babalik ka sa normal. Pero sa ngayon, kailangan mo munang tanggapin na wala na talaga si Angel... At pati na rin si ivan. At kung ano man ang lahat ng nakita at narinig mo na nangyari sa Barrio San Vicente, hindi ‘yon totoo. Dahil lahat ‘yon ay nandito lang sa loob ng isipan mo. H’wag kang mag-alala Junica... Tutulungan kita. At hinding-hindi ako mapapagod na tulungan ka hanggang sa gumaling ka.”
Hindi ko na rin napigilan ang sarili ko na yakapin ng mahigpit si Dra. Amor.
Tama nga sila. Tama silang lahat na baliw ako.
Sa pagkakataon na ‘to, kailangan ko na sigurong tanggapin na ako talaga ang baliw sa kwento ng buhay ko.
Pre-Final Chapter
ANDREW’S P.O.V.
“Sigurado ba kayong nakandado ninyo ng mabuti ang mga pinto sa apartelle at sa café?” tanong ko habang nagku-kuskos ng sahig naming may bahid pa ng dugo.
“Opo, Daddy. Ako po mismo ang nag-double check kanina. Sinarado ko na rin po ang mga bintana at binaba ang kurtina,” sagot ni Kristine. Siya naman ang abala na magkuskos ng dingding na may mga langaw pa ring dumadapo.
Bumukas ang pinto at pumasok si Aileen na may dala na tray ng inumin at pagkain. Naglakad siya patungo sa may sulok na hindi pa masyadong malinis pero pinaka-maayos ng parte ng aming espesyal na kwarto sa ilalim ng Museo Caridad.
“Tama na muna ‘yang ginagawa ninyo, tara muna dito at magmirienda muna kayo,” tawag nio Aileen.
Nauna nang tumayo si Kristine. Pumunta muna siya sa may lababo ng espesyal na kwarto at naghugas ng kamay bago lumapit sa lamesa.
“Wow! Siopao!” sambit ni Kristine.
“Mabuti na lang may natira pa akong giniling na karne ng tao. Ilang araw na tayong kumakain ng karneng baboy at baka kaya alam ko na nauumay na rin kayo sa lasa ng mga ‘yon. Pero kaonti na lang ang natitirang sariwang karne do’n sa taguan ko. Mula pa ‘yon sa katawan nina Tony at Myra, bago ko pinalibing ang mga ulo nila sa Daddy mo. Nasama ko rin sa giniling kong karne ‘yung laman ng babaeng huling pinatay ng Lola mo.” Umupo na rin si Aileen at uminom ng juice. “Andrew, halika na dito. Mamaya mo na ipagptuloy ‘yang ginagawa mo, lumapit ka na dito dahil lalamig ang kape na tinimpla ko para sa ‘yo.”
Bumuntong hininga ako bago ko binitawan ang brush na hawak ko. Pinunas ko lang sa damit ko ang kamay kong nanlalagkit pa sa pawis, putik at dugo bago ako naglakad patungo sa may lamesa. Umupo na ako sa bakanteng upuan bago ko hinipan ang tasa ng kape kasunod ang paghigop ng kaonti. “Si Mama? Nasaan siya?”
“Nasa kwarto at natutulog, kinandado ko muna siya do’n pero nag-iwan naman ako sa balde na katabi ng higaan niya ng dalawang putol na kamay para kapag nagising siya, kakainin na lang niya ang mga iyon,” sagot ni Aileen.
“Mabuti at may natira ka pang kamay?” tanong ko bago ko pinirasuhan ang siopao na hawak ko at sinubo.
“Oo, tatlong piraso na nga lang. Mula din ‘yon sa katawan nina Tony at no’ng babaeng pinatay ni Mama sa may kalsada noong gabi ng bisperas ng fiesta, naitabi ko kaagad nang sabihin mo na kailangan nating magligpit ng mga gamit dito sa baba,” muling uminom ng juice si Aileen.
“Mabuti naman kung gano’n. Alam mo naman ‘yon si Mama, kailangan na may nakahandang pagkain pagkamulat ng mga mata niya.” Ilang araw bago ang pagsugod ng manunulat na si Junica sa museo ko, nagdesisyon ako na ayusin ang lahat ng mga gulo na ginagawa ng pamilya ko. O namin ng pamilya ko. Dahil lahat naman kami may kanya-kanyang kabaliwan. Madali lang talaga kaming magtagio at maingat lang talaga ako.
Pinahukay ko noon kay Tony ang mga bangkay ng mga tao na sinako namin at nilibing sa gitna ng gubat. Nilipat ko ‘yun dito sa ilalim ng museo at pinasementuhan ko sa kanya. Medyo nakakapansin na kasi ako na iba na ang mga kilos na ginagawa ni Junica. At nararamdaman ko noon na may hindi magandang mangyayari anumang oras. Dumagdag din sa hinala ko ang mga kakaibang kilos ng mga kasama ko sa bahay na sina Myra at Tony.
Hay... Ang mga batang binuhay at pinakain ko. Darating din talaga ang araw na susubukin nilang lapain ang bumuhay sa kanila. Mabuti na lang talaga at mabilis akong mag-isip at mapagmatyag na rin. Napapansin ko ang tinginan nila sa bawat isa pati na rin ang mga planong sinusubukan nilang buuin. Kaya naman kesa magkanda-leche-leche ang lahat sa pamilya namin, inunahan ko na sila at pinatay kahit medyo labag sa kalooban ko. Mabuti na lang din at natapos na ang pagsesemneto niya sa mga bangkay at buto ng tao bago ko siya pinatay kasama si Myra. At least, napakinabangan pa namin ang mga karne nila.
“Kristine, pagkatapos mong kumain , doon ka na lang muna sa kwarto ng Lola mo at bantayan mo siya. Mahirap na at baka malusutan na naman tayo. Mas malaking problema ‘yon kapag nagkataon lalo na ngayon na kailangan muna nating magpalamig dito sa Barrio San Vicente.” No’ng gabi ng bisperas ng fiesta, nagpanic kaming pamilya nang biglang mawala si Mama dito sa bahay. Wala siya dito sa museo, apartelle at café. Kaya kinailangan namin na hanapin kaagad siya.
Mabuti na lang at kami ang unang nakakita sa kanya sa may gitna ng kalsada habang may kinakaing kamay ng tao. May pinatay na naman palang siyang babae. Mukhang dayo sa lugar namin dahil hindi pamilyar sa akin ang ulo ng babae. At dahil sanay na ako sa mga gano’ng ginagawa ni Mama, kaagad kong nalinis ang lahat ng madugong gulo na ginawa niya sa gitna ng kalsada. May dala akong bangkay ng aso na nilagay ko sa gitna para ang dugo na naiwan doon ay mapagkakamalan na galing lang sa aso.
Akala ko talaga, kami lang ang tao noon sa may kalsada. Pero nakita pala ni Junica ang lahat ng nangyari. Mabuti na lang talaga at iba ang babaeng tinutukoy niya na pinatay ni Mama. Dahil kung nagkataon na iisa ang babaeng tinutukoy niya at ang pinatay ni Mama, baka mas mahirapan kaming lusutan iyon at mas lalo kaming paghinalaan ng mga pulis.
“Na sa ‘yo pa ba ang cellphone nung estudyante na Carla ang pangalan?” tanong ko kay Kristine.
“Opo Daddy. Natawagan ko na rin kahapon ang magulang niya at sinabi kong na hwag silang mag-alala sa akin. Grabe, hindi ko alam kung utu-uto lang ba sila o talagang mnagaling lang umarte ang boses ko. Naniwala talaga sila na ako si Carla! May future yata ako sa pagiging isang dramatista, daddy!” natutuwang sagot ni Kristine.
“Basta iingatan mo ang cellphone na ‘yon. Kailangan na makipag-usap ka muna paminsan-minsan sa magulang ni Carla at magpanggap ka na ikaw siya para isipin nilang buhay pa ang anak nila. Pagkatapos ng kalahating taon, pwede mo nang itapon ang cellphone o sim card niya,” bilin ko. Hindi ko ugali ang magtabi ng gamit ng mga pinapatay namin. Pero nang makita ko na parang magiging problema namin si Junica, mas iningatan ko ang mga kilos ko. Kasama sa pag-iingat na ‘yon ay ang pagtatabi ng mga gamit ng taong nagiging biktima namin.
“Alam ninyo po, sayang talaga si Junica ‘no?” ani Kristine habang may lamang pagkain ang kanyang bibig.
“Anong sayang sa kanya?” tanong ni Aileen.
“Sayang siya kasi kapareho natin siya ‘di ba? Alam ko at sigurado ako na kapag nagpatuloy pa siya sa kabaliwan niya. Magiging kapareho na rin natin siyang mahilig pumatay ng tao.” Humahagikhik na sagot ni Kristine.
“Ano na naman ba ‘yang sinasabi mo, Kristine?! Walang nakakatawa do’n kasi nang dahil sa kanya, muntik na tayong mapahamak! Kakailangan ko pa tuloy kumuha ng karne ng tao mula sa kabilang bayan para hindi tayo mapansin sa lugar na ‘to,” saway ko kay Kristine pero hindi pa rin siya tumigil sa paghagikhik niya na parang tuwang-tuwa sa kung ano man ang naalala niya. “Saka ‘yang pagiging malikot ng kamay mo, iwas-iwasan mo na muna ‘yan dahil nagpapalamig tayo ngayon.”
Nagawa ko noong takpan ng malaking aparador ang pinto pababa dito sa espesyal na kwartong kinaroroonan namin ngayon. Kaya nang makapasok si Junica sa museo pati na ang mga pulis, hindi nila nakita ang pinto papunta dito.
“H’wag kayong mag-alala, Daddy. Hindi naman na makakalabas ng mental hospital ang babae na ‘yon. Mas lalo siyang madidiin na baliw dahil sa silicone na kamay na pinagpipilitan niyang kamay ng tao!” Lumakas ang tawa ni Kristine.
Natawa na rin si Aileen.
At ako ay napapailing na lang na humihigop ng kape ko. Kumagat na ulit ako sa hawak kong siopao. At dahil hindi ako naghugas ng kamay, naamoy at nalasahan ko ang malansang dugo na nasa kamay ko pa rin.
“Mabuti na lang talaga at napansin ko na kinuha niya ang ni Carla kamay mula sa ref natin. Nagawa kong palitan kaagad iyon sa kwarto niya ng silicone na kamay habang nasa labas siya ng apartelle. At sa sobrang tanga niya, hindi niya kaagad napansin na peke na ang kamay na nasa kanya!” Mas lumakas ang tawa ni Kristine na hinahampas-hampas pa ang lamesa.
“Sayang lang at hindi na natin ulit siya nakita. Ang sabi ko kasi sa ‘yo Andrew, ituloy na natin ang pagsampa ng kaso sa kanya,” ani Aileen. Naubos na niya ang kanyang iniinom na juice.
“Hayaan na natin siya. Mabuti na ‘yung maputol na ang komunikasyon natin sa kanya. Dahil kung magsasampa pa tayo ng kaso, baka kung ano pa ang mahanap nilang butas sa atin,” sagot ko.
Ako na ang nagsabi sa pulis na si Ricky ng tungkol sa pag-atras namin ng kaso laban kay Junica. Ayoko kasi talaga ng may kinakausap na ibang tao. Ayoko nang paulit-ulit akong tinatanong. Baka mangyari na naman ‘yung dati na sa sobrang kakulitan ng isang driver ng tricycle na sinasakyan ko, bigla ko na lang siyang nasaksak ng hawak ko ice pick sa kanyang tagiliran. Mabilis kasi akong mainis sa isang tao. At kapag naiinis ako, nakakapatay talaga ako.
“Daddy, pupuntahan ko na po muna si Lola Harlie,” paalam ni Kristine na kaagad ko lang tinanguan.
Sakto namang ubos ko na rin ang kape ko at siopao. Tumayo na rin si Aileen at nilikom ang pinagkainan namin. Ako naman ay nag-inat sa kinauupuan ko. Marami pa akong planong gawin ngayon araw. Pero dahil tapos na ang fiesta, saglit muna kaming mamahinga sa pagkain ng mga laman loob ng tao na tagarito sa barrio San Vicente.
Kailangan ko munang mag-effort na pumunta sa kabilang bayan para doon pumatay ng tao at iuwi ang mga karne nila. Pero hihintayin ko lang na makalipas ang ilang buwan, dito na ulit kami kukuha ng mga pagkain. Kailangan lang na mas maging maingat kami ngayon hanggang sa bumalik na ulit ang lahat sa normal dito sa Barrio San Vicente, at kapag nangyari ‘yon...
Hindi na ulit kami mahihirapan na humanap ng taong papatayin at kakainin sa lugar na ‘to.