Chapter Twelve
NAMAMAGA ang mga mata ni Jan Irish nang magising kinabukasan. Nakatulugan pala niya ang pag-iyak. Hindi siya kumain ng nakaraang araw at hindi lumabas ng kuwarto. Kahit anong pilit sa kanya ni Tegan, hindi siya lumabas o nakipag-usap dito.
Kaagad niyang inayos ang sarili at nagbihis pagkatapos ay lumabas siya sa kanyang kuwarto. Naabutan niya si `Tay Berto na naglilinis sa sala.
“O, hija,” sabi nito nang makita siya. “Ipaghahanda ba kita ng agahan? Sabi ni Sir Tegan ay hindi ka pa raw kumakain simula kahapon.”
“Huwag na po.” Tipid siyang ngumiti. “Kumain po ba si Tegan bago umalis?”
Umiling ang kausap. “Hindi, eh.”
“Ganoon po ba?” Huminga siya nang malalim. “Sige ho, aalis na ako. May pupuntahan pa kasi ako, eh.”
“Babalik ka pa ba?”
Napatigil sa paglalakad si Jan Irish saka bumaba ang tingin sa backpack na dala at tumuon ang mga mata kay `Tay Berto.
“Hindi ko ho alam kung makakabalik ako kaagad,” sabi niyang may malungkot na ngiti sa mga labi. Sana nga makabalik siya kaagad. “We’ll see.”
Tumango ang matandang lalaki at pinagbuksan siya ng pinto. “Mag-iingat ka, hija.”
“Salamat ho.”
Akmang lalabas na siya ng bahay nang may magsalitang babae sa kanyang likuran.
“At sino naman ang babaeng `to, `Tay Berto?” Mataray ang tono ng pagtatanong nito.
Tumigil sa paglalakad si Jan Irish saka humarap sa nagsalita. Meters away from her stood a very beautiful woman with blond hair and stunning brown eyes. The woman looked like a freaking goddess! Mas nagpapaganda rito ang kulot nitong buhok na abot hanggang baywang.
Tumingin siya kay `Tay Berto, nagtatanong ang mga mata.
Nagpakawala ng buntong-hininga ang babae. “Go on, `Tay Berto. Ipakilala mo ako sa babaeng `yan.”
“Siya si Stella, ang asawa ni Sir Tegan.”
Parang nabingi si Jan Irish sa narinig. Bumaling siya sa babaeng nang-uuyam na nakangiti sa kanya. Alam niyang tumalim ang tingin ng mga mata niya dahil hindi ito nagpatuloy sa paglapit sa kanya at bumakas ang takot sa mukha.
“Hindi mo ba siya ipapakilala sa `kin, `Tay Berto?” maarteng sabi ulit ng babae.
Halatang ayaw kausapin ni `Tay Berto si Stella. Pinipilit lang nito ang sarili.
“Siya si Jan Irish Vallega, Ma’am Stella,” pagpapakilala sa kanya ni `Tay Berto. “Ang girlfriend ni Sir Tegan,” dagdag ng matandang lalaki na ikinanganga ni Jan Irish.
Nanlilisik ang mga matang lumapit sa kanya si Stella. “Siguro ikaw ang rason kung bakit ayaw na akong bigyan ng pera ni Tegan.”
Pinatapang ni Jan Irish ang ekspresyon ng kanyang mukha. “Wala akong kinalaman sa sinasabi mo.”
“Sinungaling!” singhal nito sa kanya. “Siguro pineperahan mo rin siya, `no?” Ngumisi ito. “Oo nga naman. Paano mo magugustuhan si Tegan, eh, para siyang halimaw. Nakakadiri at nakakatakot.”
Hindi nakapagpigil si Jan Irish. Umangat ang kamay niya at malakas na tumama ang palad sa mukha ni Stella.
“Puwede mo akong pagsalitaan ng masama, pero huwag mong pagsasalitaan ng ganoon si Tegan. Makakatikim ka sa `kin.” Mas tumalim ang kanyang mga mata. “And no. I don’t need money from him. I’m an heiress. May pera ako. Mayaman ako. At kahit nga siguro kaluluwa mo, kaya kong bilhin.”
Iyon ang unang pagkakataon sa buhay ni Jan Irish na nagmalaki siya sa kapwa niya. She felt awful, but she won’t let this bitch talk shit about Tegan like that.
“Walanghiya ka—”
“Ikaw ang mas walanghiya kaysa sa `kin.”
Tinalikuran niya ang babae saka lumabas ng bahay at malalaki ang hakbang na lumabas ng gate. Ayaw niyang makita pa ulit ang mukha ng Stella na iyon. Gusto niyang patayin sa sobrang galit ang babae sa ginawa nito kay Tegan.
Kailangan pang maglakad ni Jan Irish ng ilang minuto papunta sa gate ng Gentleman’s Village para makatawag siya ng taxi.
“Saan ho, Ma’am?” tanong ng taxi driver nang makasakay siya.
Ibinigay ni Jan Irish ang lugar na gusto niyang puntahan saka tumingin sa labas ng bintana.
Hindi maiwasang sumakit ulit ang puso niya. Bumalik na ang asawa ni Tegan. Dapat lang na umalis siya. Pero parang dinudurog ang puso niya sa isiping magkasama ang dalawa sa iisang bubong.
Hindi niya namalayan na nakarating na pala siya sa kanyang destinasyon kung hindi pa niya narinig ang boses ng driver.
“Hintayin n’yo ho ako rito, manong,” sabi niya sa driver saka lumabas ng taxi at pumasok sa Starbucks.
Jan Irish ordered black coffee.
Sumakay siya ulit sa taxi saka nagpahatid naman sa paborito niyang bake shop. Bumili siya roon ng masarap na tinapay na babagay sa kape saka nagpahatid sa opisina ni Tegan.
Habang sakay siya ng elevator papunta sa pinakamataas na palapag ng building, isinuot ni Jan Irish ang dark sunglasses niya para itago ang pamamaga ng kanyang mga mata.
Nang bumukas ang elevator, kaagad siyang lumabas at pumasok sa president’s office. Abala ang sekretarya kaya hindi siya nito napansing dumaan.
Itinulak ni Jan Irish pabukas ang pinto saka naglakad papasok.
“Jan Irish!” gulat na sabi ni Tegan sa pangalan niya nang makita siya.
She gave him a small smile. “Inihatid ko lang `to.” Inilapag niya ang kape at tinapay sa ibabaw ng mesa. “Sabi kasi ni `Tay Berto hindi ka pa nag-aagahan.”
His face softened. “Jan Irish…”
“I’m leaving.”
Tumuon ang mga mata nito sa backpack na nakasabit sa kanyang balikat.
“Iiwan mo ako?” Mahihimigan ang lungkot sa boses nito.
“I think I already knew too much about you. Kaya ko nang makagawa ng article tungkol sa `yo sa mga nalaman ko. Hindi ko na kailangan pang magtanong at manatili sa bahay mo bilang isang katulong.” Walang emosyon ang boses niya. “At saka nasa bahay mo na ang asawa mo. It wouldn’t be right to stay there.”
Gumuhit ang lungkot sa mukha ni Tegan. “Pasensiya ka na pala kay Stella. Pasensiya na kung pinatuloy ko siya sa bahay.”
“Okay lang `yon. It’s her right as your wife.” Napakasakit sabihin iyon pero kinaya niya. She didn’t want to be selfish when it came to Tegan. “Karapatan niyang makasama ka.”
“Ikaw ang gusto kong makasama.”
“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makukuha ang gusto natin.”
Kung kailangan siyang palagi ang magbigay, ayos lang. He already had given too much to her. Trust. Kahit hindi man nito sabihing may tiwala ito sa kanya, nakikita naman niya iyon sa mga mata ng lalaki.
“So, you’re leaving me?” Tegan stood up and walked towards her. “Just like that?”
Pinipigil ni Jan Irish na hindi umiyak kahit naninikip na ang kanyang dibdib. “Tegan, aalis lang ako sa bahay mo. It’s up to you kung paaalisin mo ako sa buhay mo.” Hinaplos niya ang pisngi nito. “Good-bye for now. I’m sure magkikita pa tayo ulit.”
“Kailan naman kaya `yon?”
Nagkibit-balikat siya. “Time will tell.” Ngumiti siya. “We’ll see. At saka alam mo kung nasaan ang bahay ko.”
Bumagsak ang mga balikat ni Tegan. “I’m trying to be a better person for you, pagkatapos iiwan mo ako?”
“Be a better person for yourself, not for me and not for others.” She placed a soft kiss on his lips. “Naniniwala akong kaya mo `yon.”
Umatras siya, si Tegan naman ay nanatiling nakatayo habang nakatingin sa kanya. Nginitian niya ang lalaki saka tumalikod at umalis sa opisina nito.
Habang naglalakad siya palayo, sumisigaw ang puso niya ng ‘mahal kita, Tegan’.
“ANG LAKAS din naman pala ng loob mo na magbahay ng babae rito samantalang may asawa kang tao.”
Iyon kaagad ang sumalubong kay Tegan nang makapasok siya sa bahay niya. Humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. “Stella, wala kang karapatang pagsabihan ako. May I remind you, iniwan mo ako para sumama sa ibang lalaki.”
Naningkit ang mga mata nito sa galit. “Oo, sumama ako sa iba at kasalanan mo naman talaga `yon. Pero ngayong nagbalik na ako, hindi ko hahayaang makipagkita ka pa sa babaeng `yon. Naiintindihan mo?”
Walang lingon-likod na iniwan ni Tegan si Stella sa sala. Mag-aaway lang sila at wala siyang lakas para doon.
Pagkapasok niya sa kuwato ay ini-lock niya ang pinto at nahiga sa kama.
Ang alaala ng pagtatalik nila ni Jan Irish ang pumasok sa kanyang isip. Tegan groaned when he felt himself stirred to life. Napasabunot siya sa kanyang buhok saka umalis sa pagkakahiga sa kama.
He had to calm himself.
Pumasok siya sa banyo at naligo. Nang makalabas ay narinig niyang may kumakatok sa pinto ng kuwarto.
“Sino `yan?” malakas ang boses na tanong niya.
“Ako `to, Sir Tegan,” sabi ng boses ni `Tay Berto.
Kaagad na binuksan ni Tegan ang pinto at bumungad sa kanya si `Tay Berto na may dalang tray na puno ng pagkain.
“Maghapunan ka na, Sir Tegan,” sabi nito at ibinigay sa kanya ang tray. “Alam kong ayaw mong kasabay si Stella kaya dinalhan na kita rito.”
“Kumakain na siya?” tanong niya na ang tinutukoy ay si Stella.
“Oo. Kung makaasta parang kung sino, eh,” naiinis na sabi ni `Tay Berto. “`Buti kung si Miss Jan Irish siya.”
“Wala na siya, `Tay Berto. Iniwan na niya ako,” sabi niya sa malungkot na boses.
Umingos ang kausap. “Hindi ka niya iniwan. Bumalik lang siya sa bahay niya.”
Napangiti siya sa pagiging positive ni `Tay Berto. “Sana nga ho ganoon `yon.”
“Sige, aalis na ako. Baka kailangan na ako ng bruha mong asawa.” Tumango ito at naglakad na palayo.
Mahinang natawa si Tegan saka pumasok at ini-lock ulit ang pinto ng kanyang kuwarto.
Inilapag niya ang tray sa study table saka kinuha ang cell phone at tinawagan ang kakilala niyang attorney.
“This is Tegan Galvante, can you meet me tomorrow?” tanong kaagad niya nang sagutin nito ang tawag.
“Yes, of course, Mr. Galvante.” Pause. “If i may ask, what is our agenda for our meeting tomorrow so i could prepare?”
“Annulment.”