WALA sa sarili si Anniza habang nagtatrabaho nang araw na iyon. T atlong araw na niyang hindi nakikita si Dark. Simula nang ihatid siya ng lalaki sa bahay at napasok sa usapan nila si Paul, hindi na ito nagpakita pa sa kanya. Hindi na natuloy ang plano nilang pagdyi-gym. Bakit naman kasi bigla na lang itong nagalit?
Miss na miss na niya si Dark. Gusto niya itong tawagan pero ano naman ang sasabihin niya? Baka pagsalitaan siya nito nang hindi maganda, masaktan lang siya.
At sa mga araw na nagdaan, saka lang niya napansin kung gaano na kahalaga si Dark sa buhay niya. Sa bawat araw na hindi niya nakikita ang binata, lalo siyang nangungulila rito. Gusto niya itong puntahan sa bahay pero paano kung ipagtabuyan siya nito? Iyon ang ikinakatakot niya. Ayaw niyang masaktan at mapahiya.
“Any, ang niluluto mo! Nasusunog na!” sigaw ng daddy niya na nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
Namilog ang mata ni Anniza at mabilis na tiningnan ang nilulutong cedar river chicken na order ng isang customer. At gaya ng sinabi ng kanyang ama, nasusunog na nga iyon! Mabilis niyang pinatay ang stove, saka pinagalitan ang sarili.
Ano ba’ng nangyayari sa iyo?
“Any, okay ka lang ba?” tanong ng daddy niya na lumapit sa kanya.
Humugot siya ng malalim na hininga nang maramdamang parang naninikip ang dibdib niya. “Can I take a break, Dad?”
“Sige,” pagpayag agad nito. “Doon ka muna sa office ng mommy mo. Wala naman siya ro’n, eh. Nasa BIR.”
“Okay po. Salamat, Dad,” mahinang sabi niya at lumabas na ng kusina.
Pumasok siya sa manager’s office at naupo sa swivel chair ng mommy niya. Pumikit siya at isinandal ang likod sa upuan.
God! Ano ba ang nangyayari sa kanya? Bakit ba masyado niyang nami-miss si Dark? Masyado na siyang naaapektuhan sa pangungulila sa lalaki. Talaga bang ganoon na ito kaimportante sa buhay niya para hindi siya makapagtrabaho nang mabuti?
Malakas siyang napabuntong-hininga, saka hinilot ang sentido. Habang tumatagal, mas lumalakas ang kagustuhan niyang makita si Dark.
It was making her crazy!
Bahagyang idinilat ni Anniza ang mga mata nang makarinig ng katok sa pinto. Mabilis niyang inayos ang sarili bago pinapasok ang nasa labas. “Come in,” malakas niyang sabi.
Bumukas ang pinto at pumasok doon ang waitress nilang si Jessa. May dala itong pizza at nakangiting lumapit sa kanya. “Chef, may nagpapabigay nito sa iyo.”
Nagsalubong ang mga kilay niya, saka tumingin sa hawak na pizza ni Jessa. “Ano? Sino raw?”
“Basta may nagpapabigay lang po,” sagot nito at inilapag ang pizza sa ibabaw ng mesa, saka mabilis na lumabas ng opisina.
Nakakunot ang noong binuksan niya ang pizza. Natigilan siya nang makita ang loob niyon. May nakasulat na sampung maliliit na letra sa ibabaw ng pizza gamit ang ketchup.
Bati na tayo?
Binundol ng kakaibang kaba ang dibdib ni Anniza. Could it be? Galing ba iyon kay Dark? Her heart hoped. Napuno ng kasiyahan ang puso niya sa isiping baka ang binata nga ang nagpadala niyon.
Mabilis siyang naglakad palabas ng opisina. At nang buksan niya ang pinto, para siyang napako sa kinatatayuan nang makita kung sino ang nakatayo sa labas.
Standing outside the door was Dark “the Greek” Montero. May bitbit itong pizza na may nakasulat na “I miss you” gamit din ang ketchup. He had this apologetic smile on his handsome face.
“Dark...” she breathed out.
“Anniza...” Iniabot sa kanya ng lalaki ang pizza. “Hindi ko na kaya. I miss you so damn much. So here I am, asking for forgiveness. Sorry na, Anniza. Mababaliw na ako sa kakaisip sa iyo. Please, kausapin mo naman ako.”
Niluwangan ni Anniza ang pagkakabukas ng pinto at tumalikod na sa lalaki. “Pasok ka.”
Nang pumasok si Dark at narinig niyang sumara ang pinto, niyakap siya agad ng binata mula sa likuran dahilan para magwala ang puso niya. “I miss you so much, Anniza,” bulong nito sa tainga niya at hinalik-halikan siya sa leeg. “I can’t function well without you, agápi mou. I’m going nuts.”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi para itago ang ngiting gustong kumawala roon. Puno ng kasiyahan ang puso niya sa kaalamang hindi lang pala siya ang apektado sa kanilang dalawa.
“Na-miss mo ako?” tanong niya habang nakatalikod pa rin sa binata dahil ayaw niyang makita nito ang saya sa mukha niya. “Kung gano’n, bakit ngayon ka lang?”
“Ego got the better of me.” Lalong humigpit ang pagkakayakap sa kanya ni Dark habang hinahalik-halikan ang batok at leeg niya. “Gusto kong suyuin mo ako, pero sarili ko lang pala ang niloloko ko. Hindi ko kayang maghintay para suyuin mo. Kaya kinalimutan ko ang ego ko at pinuntahan ka rito.” Pinihit siya ng binata paharap at masuyong sinapo ang mukha niya. “I missed you, Anniza.” He pressed his forehead against hers. “I missed your voice, I missed your smell, I missed your smile, and damn, I missed all of you, agápi mou . I missed you so damn much!”
Isang munting ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Anniza. “Ikaw naman kasi, eh. Bigla ka na lang nang-aaway, `tapos sabay walk out. Ano `yon? Ni hindi mo man lang ako pinakinggan at pinagpaliwanag.”
“Nagalit lang naman ako, eh,” paliwanag nito habang hinahaplos ang pisngi niya. “Hindi ko itatago ang galit ko para lang masabi mong okay ako. I want you to know that I’m mad at you.” Mahina itong tumawa at napailing-iling. “Siguro nga nababaliw na ako sa iyo, kasi hindi rin kita natiis. Hindi naman talaga kita kayang tiisin, eh. Masyado kang malakas sa akin.”
“Oo na,” natatawa niyang sabi. Nababalot ng kakaibang saya ang puso niya ngayong nasa harap na niya si Dark. “Na-miss din kita.”
Lumambot ang ekspresyon sa mukha ng binata, saka inilapat ang mga labi sa mga labi niya. Parang may mga paruparong nagliparan sa loob ng kanyang tiyan. Her body tingled when he snaked his tongue inside her mouth. Napaungol na lang siya at tinugon ang halik nito hanggang sa habulin nila ang kanilang hininga.
God . She really missed this man so much.
Pinakawalan ni Dark ang mga labi niya at niyakap siya nang mahigpit. “God, I miss you so much,” madamdamin nitong sabi habang yakap siya.
“I miss you too, Dark,” sagot niya, saka tinugon ang yakap ng binata.
At habang magkayakap sila, hindi niya namalayan na bumukas pala ang pinto ng opisina. At nang makarinig sila ng tikhim, mabilis siyang kumalas sa pagkakayakap dito.
Nag-init ang mga pisngi ni Anniza nang makitang ang mommy niya ang tumikhim. May nanunuksong ngiti sa mga labi nito habang nakatingin sa kanila ni Dark.
“Good afternoon, Tita Analiza,” mabilis na bati ng lalaki sa mommy niya. May magiliw na namang ngiti sa mga labi nito. “Kumusta ho kayo?”
He and his weird attitude towards her parents.
“Good afternoon din sa iyo, hijo,” ganting-bati ng mommy niya habang nakangiti pa rin. “Okay lang naman ako. Ikaw? Kumusta ka?”
Sumulyap muna sa kanya ang binata bago sumagot. “Heto, nami-miss nang sobra ang anak n’yo.”
Parang kinilig ang mommy niya sa sinabi ni Dark. Nagbaba naman siya ng tingin habang pinapakalma ang nagwawala niyang puso.
“Aww. So sweet,” nakangiting sabi ng mommy niya. “Anyway, kung na miss mo si Anniza, why not take her out on a date?” suggestion nito sa lalaki. Napaangat tuloy ang tingin niya sa kanyang ina.
“Mommy!” namumula ang mga pisnging saway niya rito.
“Really? I can?” excited na tanong ng binata sa mommy niya, saka bumaling sa kanya. “Let’s go?”
Hindi gumalaw si Anniza sa kinatatayuan. “Marami pa akong gagawin…”
Mahinang tumawa ang mommy niya. “Sige na, Anniza. Sa tingin mo hindi ko nakikita na wala ka sa mood nitong mga nakaraang araw?”
Nagbaba siya ng tingin. Napansin pala nito ang mood niya. She had been somber these past few days and that was because she missed him.
Yeah . Maybe she needed this.
“Okay po.” Yumakap siya sa mommy niya. “Salamat po, Mommy.”
Nauna nang lumabas ng opisina si Anniza para magpaalam sa daddy niya na nasa kitchen. Naiwan naman si Dark sa opisina at medyo nagtagal ito roon. Nang makalabas siya ng kusina, kalalabas lang din ng binata sa manager’s office.
Nilapitan siya ni Dark at pinagsalikop ang mga kamay nila. “Pack some clothes,” sabi nito na ikinakunot ng noo niya.
Nagtatakang napatingin siya sa binata. “Ano?”
“Ipinagpaalam na kita sa mommy mo.” Hinalikan siya nito sa balikat. “I’m going to take you out of the country.”
“What?” Napaawang ang mga labi niya. Saan na naman siya nito dadalhin?
“I want to take you to my hometown,” sabi nito, saka siya nginitian. “In Greece.”
Halos mahulog ang mga panga ni Anniza sa sobrang pagkabigla. “Sa Greece?! Nababaliw ka na naman ba?”
“Ipinagpaalam na kita sa mommy mo,” ulit nito at inakbayan siya. “Pumayag naman siya. Basta isang linggo lang daw at walang gasgas kitang ibabalik sa bahay n’yo.”
Hindi pa rin siya makapaniwala habang nakatitig sa binata. Mayamaya, nakataas ang isang kilay na nagtanong siya. “Paano naman ang pagpayag ko na sumama sa iyo? Nagdesisyon ka na naman nang wala ako.”
Naglalambing na niyakap siya ni Dark. “Sorry na, agápi mou . Sumama ka na sa akin, please?”
Hindi siya umimik.
Humarang ang binata sa daraanan niya, saka sinapo ang kanyang mukha. “Please, agápi mou , say yes. Please?”
Pabiro itong inirapan ni Anniza pero ang totoo, parang may kumikiliti sa puso niya dahil sa pagpipilit ni Dark na sumama siya. “Oo na, sasama na ako sa iyo,” sabi niya na kunwaring napipilitan pero ang totoo, excited na siyang makasama ang binata nang isang linggo sa Greece.
Lihim siyang napangiti nang masayang ngumiti si Dark. Napailing na lang siya nang maramdaman ang kakaibang pagtibok ng puso niya para sa lalaki. Iyon ang nagagawa sa kanya ni Dark.
Hinayaan niya ang binata nang igiya siya nito patungo sa nakaparadang Ducati at sinuotan siya ng helmet. At nang nasa biyahe na sila, mahigpit ang pagkakayakap niya kay Dark.
Nang makarating sila sa bahay niya, bumaba siya ng motorsiklo. Tinulungan siya nitong tanggalin ang helmet niya.
“Pasok ka muna,” yaya niya sa binata nang mahubad ang helmet sa ulo niya.
“I’m tempted to go in and kiss and hug you but I can’t.” Pilyo itong ngumiti, saka dumukwang at hinalikan siya sa mga labi. “Kailangan ko ring mag-empake ng dadalhin kong damit. Uuwi muna ako. Aasikasuhin ko pa ang eroplanong sasakyan natin at ang mga papeles na kakailanganin natin. Just give me two hours, `tapos susunduin kita agad. Okay?”
“Sige,” nakangiting sabi ni Anniza. Siya na ang humalik sa mga labi ni Dark na ikinagulat nito. “Mag-ingat ka,” bilin niya. Hindi na niya hinintay ang sagot ng binata. Pumasok na siya sa bahay at umakyat agad sa kuwarto para maghanda.
She was so excited as she packed her clothes. Naligo na siya nang matapos mag-empake. At habang nasa ilalim ng shower, hindi mawala-wala ang ngiti sa mga labi niya.
She couldn’t wait to be with Dark for the whole week!