NAPAKUNOT ang noo ni Train nang mapansing tanging boxers lang ang suot nang magising. Mabilis siyang bumangon at puno ng pangamba na iginala ang tingin. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang nasa kanilang silid pala siya.
Thank God…
Tumayo si Train mula sa pagkakaupo at nasapo niya ang ulo nang maramdamang parang binayak iyon sa sakit.
“Argh! I hate hangovers!” reklamo niya.
Maglalakad na sana siya patungo sa banyo nang makita ang isang Post-It note sa ibabaw ng bedside table at katabi niyon ay ang dalawang Advil, saka isang basong tubig.
Dinampot niya ang Post-It note at binasa ang nakasulat doon. Sulat-kamay iyon ng isang babae at nakumpirma niya iyon nang mabasa ang nakasulat doon.
Hubby,
Here’s an Advil for your headache. Nagluto na rin ako ng sopas para sa `yo. I’m sorry about what I did yesterday. I know it was childish of me. Kapag nabasa mo `to, siguro nasa opisina na ako. Sana magustuhan mo ang iniluto ko. Have a great day ahead. Mwah. -Wifey
Napatitig si Train sa “mwah” na isinulat ng asawa. Gusto niyang manatiling galit dito, pero habang matagal siyang nakatitig sa salitang iyon ay nalulusaw ang galit niya. Napailing-iling na lang siya, dinampot ang Advil at ang baso na katabi niyon. Ininom niya ang gamot, saka nagtungo na sa banyo para maligo.
Pagkalipas ng ilang minuto, natagpuan ni Train ang sarili sa kusina at nagluluto. Kanina pa niya naubos ang sopas na iniluto ni Krisz para sa kanya. Medyo natakot siya noong una pero nang matikman niya at wala naman siyang naramdamang kakaiba, inubos na niya ang sopas.
In fairness, masarap ang luto ng kanyang asawa.
Pagkatapos magluto, inilagay iyon ni Train sa lunch box at lumabas na ng penthouse.
Nagmaneho siya patungo sa Romero’s chain of hospitals main branch at nang makarating ay deretso siyang nagtungo sa opisina ni Krisz. Pagdating niya roon, napakunot ang kanyang noo nang makita ang baklang sekretarya nito na si Marky Jeras na hinahalungkat ang steel cabinet na nasa opisina ng asawa.
Tumikhim si Train para kunin ang atensiyon ng sekretarya.
Kitang-kita niya kung paano namutla ang mukha ni Marky nang makita siya. Nanginginig ang mga kamay nito na isinara ang steel cabinet at humarap sa kanya.
“M-Mr. Wolkzbin…” Hindi ito makatingin sa kanya nang deretso. “Kayo pala. Ano ho ang ginagawa n’yo rito?” parang kinakabahan nitong tanong.
Tumiim ang kanyang tingin sa sekretarya. “I’m here for my wife. Nasaan siya?”
Napansin niyang may itinagong papel si Marky sa likod nito. “Ahm…” Tumikhim ito. “Nasa Romero’s hospital po siya sa Makati branch. Nakatanggap siya ng tawag at bigla na lang umalis.”
Napatango-tango si Train at nilapitan ang steel cabinet na hinahalungkat ni Marky kanina. Sa bawat hakbang niya, humahakbang naman palabas ng opisina ang sekretarya.
“Makakaalis ka na,” aniya at mataman itong tiningnan.
Napatingin siya sa hawak na papel ni Marky nang tumalikod.
“Wait,” pigil niya rito. “Ano `yang hawak mo?”
Itinaas ng sekretarya ang papel at pilit na ngumiti. “Listahan po ng mga doktor. Pinapahanap sa akin ni Ma’am Krisz.”
“Okay,” aniya na parang wala siyang pagdududa na nararamdaman. “Makakalis ka na.”
“Salamat po, Sir.”
Nang makaalis si Marky, tiningnan ni Train ang laman ng steel cabinet. May kakaibang kaba siyang naramdaman nang makitang may folder doon na may nakasulat na “confidential” at hindi na maayos ang pagkakalagay.
Napailing-iling siya at tinawagan si Boggy.
“Yes, boss?”
Kinuha niya ang confidential na folder at isinara ang steel cabinet. “Can you investigate someone for me? His name is Marky Jeras.”
“Ha?” Halata ang gulat sa boses ni Boggy. “`Yong sekretarya ni Madam Krisz?”
“Oo.” Lumabas si Train ng opisina ni Krisz at naglakad patungo sa elevator habang dala-dala ang folder. “I smell something fishy. At kapag nakakaamoy ako ng malansa, siguradong may traidor at maloloko sa tabi-tabi.”
“Yes, boss.”
“Salamat.” Tinapos niya ang tawag at pinindot ang ground floor button ng elevator.
IPINARADA ni Train ang Cadillac sa parking lot ng Romero’s Hospital sa Makati. Nang makalabas ng sasakyan, napatingin siya sa entrance ng ospital. Nararamdaman niya na pinagpapawisan siya nang malapot at malamig habang paisa-isa ang hakbang patungo sa entrance. Ganoon din ang nararamdaman niya kapag pinupuntahan si Krisz sa opisina.
He was not fond of hospitals. Iyon ang kaisa-isang lugar na pinagpapawisan siya kapag pinupuntahan. Bad memories happened in the hospital.
Nang makapasok si Train, kaagad siyang lumapit sa information desk.
“Excuse me, puwedeng magtanong?”
Nag-angat ang medyo may-edad na na babae na nasa likod ng information desk. “Ano ho `yon, Sir?”
“Ahm…” Tumikhim siya, saka tinuyo ang pawis sa noo. “Nasaan si Dra. Krisz Wolkzbin, former Dra. Krisz Romero?”
Napatitig sa kanya ang babae at napakurap-kurap. “Former?”
Tumango si Train. “Oo. Former.” Ipinakita niya ang kanyang wedding ring. “I’m her husband.”
Gusto niyang itirik ang mga mata nang may ibinulong ang katabi nitong babae. Malakas ang pagkakabulong kaya naman narinig niya.
“Totoo pala talagang may asawa na si Dra. Romero,” bulong ng isa at kaagad na bumalik sa ginagawa.
Ang babae naman na pinagtanungan niya ay abala sa pagtipa sa keyboard ng desktop na nasa harap nito, kapagkuwan ay nag-angat ng tingin sa kanya.
“Sir, nasa operating room pa po si Dra. Romero. Kakapasok lang niya thirty minutes ago.”
Bumagsak ang kanyang mga balikat. “Magtatagal pa ba siya doon?”
“Hindi ko lang po alam, Sir. Inoperahan kasi niya `yong anak ni Mr. Amado na natamaan ng ligaw na bala malapit sa puso. Si Dra. Romero kasi talaga ang ni-request nilang mag-opera.”
Napabuntong-hininga si Train. “Salamat.” Akmang aalis na siya nang may maalala. “Nasaan ang operating room?”
“Ahm…” Itinuro ng babae ang kanan na pasilyo. “Straight lang po, `tapos liko po kayo sa kaliwa, `tapos deretso lang hanggang sa makarating kayo sa operating room.”
“Thanks,” aniya, saka sinunod ang direksiyon na sinabi ng ginang.
Pagkalipas ng ilang minuto, natagpuan ni Train ang operating room at umupo siya sa sofa na naroon sa labas na nagsisilbing waiting area ng pamilya ng mga pasyente. Napatingin siya sa babae na panay ang iyak habang pasulyap-sulyap sa pintuan ng operating room. Mukhang pamilya ito ng pasyente na inooperahan ng kanyang asawa.
Isinanadal ni Train ang likod at tumitig sa maputing kisame. Sana hindi matagal ang operasyon.
KRISZ had been inside the operating room for almost six hours. Nagtagal ang operasyon dahil malapit sa puso ang ligaw na bala na tumama sa pasyente. The patient was just thirteen years old kaya naman kailangan niyang maging maingat.
Nang tumawag kanina ang kanyang ninong at sinabing ooperahan ang anak nito na tinamaan ng ligaw na bala, talagang nag-alala siya. Kaya naman nang i-request nito na siya ang mag-opera ay kaagad siyang pumayag.
Tinanggal muna ni Krisz ang gloves na nababalot ng dugo at itinapon iyon, saka siya lumabas ng operating room. Kaagad na sinalubong siya ng buong pamilya ng pasyente.
“Dra. Romero, kumusta ang anak ko?” anang ama ng bata at ninong niya.
Ngumiti siya para mawala ang pag-aalala ng mga ito. “Maayos na po ang lagay niya. Dadalhin siya ngayon sa ICU for observation. And then tomorrow, kapag maayos na talaga ang lahat ng vital signs niya, puwede n’yo na siyang ilipat sa private room para sa recovery.”
Nagulat si Krisz nang mahigpit siyang niyakap ni Mrs. Amado, ang ina ng batang inoperahan niya.
“Maraming salamat, doktora. Maraming salamat.” Umiiyak ito habang nagpapasalamat sa kanya.
“Ginawa ko lang ang trabaho ko.”
Pinakawalan siya nito sa pagkakayakap. “Maraming salamat pa rin at pumayag kang ikaw ang mag-opera. May tiwala kami sa `yo kaya nga ikaw ang gusto naming mag-opera sa anak namin.”
“Salamat po sa pagtitiwala.”
Bumukas ang pinto ng operating room at inilabas doon ang batang kanyang inoperahan.
“Sumama na po kayo sa ICU,” sabi ni Krisz at tumingin sa kanyang ninong. “May doktor na po na naka-assign para sa observation at recovery ng anak n’yo, Ninong. Magiging maayos na po ang anak n’yo.”
“Maraming salamat, hija.” Pagkasabi niyon ay hinabol ng mga ito ang pasyente na nasa stretcher patungong ICU.
Humugot si Krisz ng isang malalim na hininga, saka nag-umpisang maglakad patungo sa pinakamalapit na nurse station.
Habang naglalakad ay minamasahe niya ang kanyang balikat. Nang makarating sa nurse’s station ay mabilis na ibinigay sa kanya ng isang nurse ang chart ng pasyenteng si Rey Amado, at agad itong bumalik sa pakikipag-usap sa isa pang nurse na panay ang hagikgik na parang kinikilig na ewan.
“Ang guwapo niya, `no?” anang isang nurse.
“Oo nga. Super!” kinikilig na sabi naman ng isa.
Nakakunot ang noong lumingon si Krisz kung saan nakatingin ang mga ito at ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makitang naroon si Train sa pang-isahang sofa at talagang natutulog ang loko!
Mabilis niyang tinapos ang ginagawa at nilapitan ang asawa na himbing na himbing sa pagtulog.
Tinapik niya ang pisngi ni Train. “`Oy, gising,” aniya. “Train, gumising ka nga. Nakakahiya.”
Nang hindi nagising ang asawa, niyugyog niya ang mga balikat nito.
Biglang nagmulat ng mga mata si Train at nagtama kanilang mga tingin. Kinusot nito ang mata at sinalubong uli ang kanyang tingin.
“Krisz?”
“Ay, hindi. Aparisyon mo lang ako,” puno ng sarkasmo na sagot niya. “Ano ba ang ginagawa mo rito at natutulog ka?”
Iniunat nito ang mga braso at may ipinakita sa kanyang paper bag. “I brought this for you.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Krisz. “Ano `yan?”
“Lunch mo. Niluto ko.”
Parang magic na nawala ang pagod na kanyang nararamdaman. Talagang nagpunta pa ang asawa para lang ibigay sa kanya ang lunch niya. Aww. So sweet. No wonder na nahulog na ang puso niya para kay Train. Always her sweet chef husband.
Kinuha ni Krisz ang paper bag na hawak nito. “Come on. Sa canteen na natin `to kainin,” aniya at tumingin sa relo na nasa itaas ng pinto ng operating room. “Past one PM na pala.”
Tumayo si Train at tumingin din sa relo. “Kaya pala nagugutom na ako.”
Umikot ang kanyang mga mata. “Bakit kasi hindi ka na lang naunang kumain?” Nauna na siyang maglakad.
Mabilis na humabol sa kanya ang asawa. “Kanina pa ako naghihintay sa `yo.”
Napatigil si Krisz sa paglalakad at humarap dito. “Gaano katagal?”
Tumingin si Train sa relong pambisig. “Nearly five hours, I think.”
Halos lumuwa ang kanyang mga mata sa sobrang gulat. “Nearly five hours?” She puffed a loud breath. “Ganoon ka katagal na naghintay? Sana nauna ka nang kumain sa `kin—”
“Parang walang espiritu ang kinakain ko kapag hindi kita kasalo,” putol ng asawa sa iba pa niyang sasabihin at inakbayan siya. “Gusto ko palagi tayong sabay kumain.”
“Bakit naman?”
“Because I want to be with you in every way that I can.” He kissed her temple. “We had one hell of a week, wifey. So, please, as much as possible, gusto ko kasama kita at palaging nakikita.”
Napatitig si Krisz sa mukha ng asawa habang naglalakad sila patungo sa canteen. “Bati na tayo? Hindi ka na galit sa `kin?”
Nginitian siya nito at inakbayan. “Wifey, hindi ko naman kayang magalit sa `yo nang matagal. Nagalit lang naman ako kahapon kasi may masama akong experience sa LBM. Noong bata pa ako, muntik na akong mamatay dahil doon, kaya naman ipinangako ko sa sarili ko na mula noon, ako na ang magluluto sa kakainin ko sa takot na baka maospital na naman ako. And then, you were the first person whom I trusted to cook for me, but you slapped that trust right back at me when you put a laxative in my food. Nasaktan lang ako. Ang saya ko pa naman na ipinagluto mo ako, `tapos hindi naman pala `yon bukal sa loob mo.”
Humarap siya kay Train, tumingkayad palapit, saka ito hinalikan sa mga labi. “I’m sorry.”
Mas lumapad pa ang ngiti nito. “Forgiven.” Then he chuckled. “Thanks to your very delicious sopas by the way. Kung hindi `yon masarap, hinding-hindi kita patatawarin.”
Natatawang ginawaran niya uli ng halik sa mga labi ang asawa at niyakap ito nang mahigpit. “Promise, hindi ko na uulitin ang ginawa ko. Pasensiya na, nagse—” Laking pasasalamat ni Krisz na napigilan niya ang sarili bago pa niya masabi ang salitang iyon.
Kumawala sa pagkakayakap niya si Train at tumitig sa kanyang mukha. “Ginawa mo `yon kasi?”
Sa halip na sagutin ang asawa, hinawakan niya ito sa kamay at hinila patungo sa canteen. “Tara, nagugutom na ako.”
NAGPAUBAYA na lang si Train nang hilahin siya ni Krisz patungo sa canteen. Hindi nito itinuloy ang sasabihin. That got him curious.
Ano kaya `yon?
Papasok na sana sila ng canteen nang pigilan niya ang asawa.
“What?” nagtatakang tanong nito nang bumaling sa kanya.
“Ano `yong sinasabi mo kanina? Tungkol doon sa rason kung bakit mo ginawa sa akin `yon kahapon?”
Biglang namula ang mga pisngi ni Krisz at matapang na sinalubong ang kanyang mga mata. Train could see embarrassment and shyness in their depths.
“Ano nga `yon?” usisa niya uli. “Ano ba ang rason mo?”
Kinagat nito ang pang-ibabang labi bago nagsalita. “G-ginawa ko `yon kasi… ” May nababasa siyang pagkailang sa mga mata ng asawa. “Kasi… I was jealous of Trina. Nagalit ako kasi hinalikan ka niya. Ako lang dapat ang humalik sa `yo kasi ako ang asawa mo.”
Pakiramdam ni Train ay kinapos siya ng hininga sa narinig. Was this what they called “ breathtaking ”?
“Come on. Let’s eat,” anito at parang walang nangyari na hinila siya papasok sa canteen.
Siya naman ay nagpahila lang habang nakatingin sa likod ng asawa at nakaawang pa rin ang mga labi sa sobrang gulat sa sinabi nito.
She’s jealous of Trina? Hell! I am jealous of every man who looks at your direction, my love. So I think we really match.