noveltoon logo noveltoon
Train Wolkzbin (Possessive Series 3)

Chapter 22

Ch. 23 / 24 Feb 09, 2022

DOKTOR si Krisz, kaya naman nang mapansin niya na araw-araw na siyang naduduwal at nahihilo, parang alam na niya kung bakit ganoon palagi ang kanyang nararamdaman. But she still needed confirmation. Kaya naman, binisita niya ang OB-gyne na nasa unang papalag ng Romero’s chain of hospitals main branch ang clinic.

Dra. Czarina Salem handed her a photo of her ultrasound. Kaedad lang niya si Dra. Salem. “You’re two weeks pregnant, Mrs. Wolkzbin. Congratulations.”

Tinanggap ni Krisz ang larawan at pinakatitigan iyon. Napakagat-labi siya habang nakatitig doon. She felt like crying in happiness. Magiging isang pamilya na sila ni Train. Speaking of which, ano kaya ang magiging reaksiyon ng asawa kapag nalaman nitong buntis siya?

Nginitian niya ang doktora. “Thanks, doc.”

“Don’t mention it.” May ibinigay itong reseta sa kanya. “Bilhin mo ang vitamins na ito para sa baby mo. And then you should drink milk everyday para malakas ang resistensiya ni Baby. Iwasan mo rin ang magpagod at magbuhat ng mabibigat.” Kapagkuwan ay pilyang ngumiti ang doktora. “At uunahan na kita, okay lang na magtalik kayo ni Mister hanggang seven months. `Yong last two months ng pagbubuntis mo, kung maaari lang, huwag na. Kantahan mo na lang ang pagkalalaki ni Mister.” Kinindatan siya nito. “You know what I mean.”

Mahina siyang natawa sa sinabi ng pilyang doktora. “Sasabihin ko `yan sa asawa ko.”

“Okay.” May pilyang ngiti uli sa mga labi si Dra. Salem. “Anyway, we will have a checkup every three weeks. I’ll be seeing you soon again, Mrs. Wolkzbin.”

Nginitian niya ito at inayos ang damit na medyo nalilis pataas. “Thank you. Aalis na ako.”

“Ingat.”

Ngiti lang ang itinugon ni Krisz sa doktora at lumabas na sa clinic nito.

Nasa elevator na siya pabalik sa kanyang opisina sa top floor nang tumunog ang cell phone niya.

Nang tingnan niya kung sino ang tumatawag, napakunot ang kanyang noo nang makitang si Boggy iyon.

“Hello, Boggy?” aniya nang sagutin ang tawag. “Bakit ka napatawag?”

“Madam Krisz, tumawag ako kasi may pinapasabi si Boss.”

Mas lalong lumalim ang gatla sa kanyang noo. “Ano naman `yon? Bakit hindi na lang siya ang nagsabi kanina bago siya umalis?”

Umalis kaninang umaga si Train patungong Russia dahil kailangan daw ito sa board meeting ng Wolkzbin Enterprise at kailangang present ang asawa. Kinailangan naman niyang maiwan dahil hands-on siya sa pag-i-interview ng applicants para sa iniwang posisyon ni Marky, ang sekretarya niyang traidor.

Huling balita ni Krisz kay Marky ay sekretarya na raw ito ni Trina. Hay! Magsama silang dalawa na parehong mga higad. Basta siya, masaya. Bahala sila sa buhay nila.

“Ahm…” Tumikhim si Boggy sa kabilang linya na nagpatigil sa kanya sa pag-iisip. “Kasi, Madam Krisz, nakalimutan daw niya.”

“Oh. Okay.” Bumukas ang pinto ng elevator na sinasakyan at lumabas siya. “Ano’ng pinapasabi niya sa `kin?”

“Ahh, Madam Krisz, pinapasabi ni Boss na…” Tumikhim uli ito. “Kung puwede raw po ay pumunta kayo sa opisina niya ngayon din at kunin n’yo raw ang folder na nasa ibabaw ng mesa niya at i-fax daw sa kanya kasi importante raw.”

“Bakit ako? Hindi ba puwedeng ikaw na lang?”

“Madam, nasa eskuwelahan ako ngayon ng anak ko. Uma-attend ako ng family bonding.”

“Oh. Sige, kukunin ko na.”

“Salamat nang marami, Madam.” Pagkasabi niyon ay ibinaba na ni Boggy ang tawag.

Si Krisz naman ay bumalik sa elevator at pinindot ang ground floor button. Nang makarating doon ay agad siyang sumakay sa kanyang kotse at pinaharurot iyon patungo sa Wolkzbin Technologies.

Nang makarating sa destinasyon, kaagad siyang nagtungo sa elevator na maghahatid sa kanya sa opisina ni Train. When she reached the top floor of the Wolkzbin Technologies building, the elevator stopped and it opened.

Naglakad si Krisz patungo sa opisina ni Train. Madali siyang nakapasok nang ma-realize na hindi naka-lock ang pinto.

Nanlaki ang mga mata at napasinghap siya nang makitang maraming rose petals na nagkalat sa sahig. Ano naman kaya ang mga iyon? Ang amoy ng rosas ay nanunuot sa kanyang ilong. It smelled wonderful.

Naglakad si Krisz palapit sa mesa ni Train. Nakita niya ang folder na tinutukoy ni Boggy pero hindi iyon ang nakaagaw ng kanyang pansin kundi ang hugis-parisukat na cake na nasa ibabaw ng mesa.

It was a mocha-flavored cake and it had a word written on in.

The word written on the top of the mocha cake was “WILL.” Naguguluhan siya habang nakatitig doon. Ano naman ang ginagawa ng cake na `to dito? From the corner of her eyes, she saw another cake on top of the steel cabinet. Hindi tulad ng naunang cake, chocolate-flavored naman ang isang iyon.

Nilapitan ni Krisz ang pangalawang cake at kinuha iyon. Tulad ng nauna, may nakasulat doon. It said “ME” with a question mark.

Dinala niya ang chocolate cake sa mesa at itinabi niya iyon sa mocha cake. “WILL” at “ME” na may question mark. Hindi niya maintindihan kung ano ang koneksiyon ng dalawang cake sa isa’t isa. Pero nararamdaman ni Krisz na may koneksiyon ang mga iyon. Out of curiosity, ipinalibot niya ang paningin sa kabuuan ng opisina para maghanap pa ng ibang cake.

And there! She saw it! Isang rectangular cake na strawberry-flavored yata dahil kulay-pink naman iyon.

Mabilis niya iyong nilapitan na nasa round table ng sofa na nasa isang gilid.

Gumuhit ang kinikilig na ngiti sa kanyang mga labi nang mabasa ang nakasulat sa ibabaw ng cake.

“Ang lalaking `yon talaga.” Halos magwala ang puso ni Krisz sa sobrang kilig na nararamdaman. “So sweet and just so lovable.”

Kinuha niya ang strawberry cake at inilagay iyon sa gitna ng mocha at chocolate cake, saka binasa ang nakasulat sa ibabaw ng tatlong cake.

“Will you marry me?” basa niya sa mga iyon.

Naiiling na napapangiti si Krisz habang paulit-ulit iyong binabasa. At mayamaya ay biglang bumukas ang pinto ng opisina. Mabilis siyang lumingon at mahinang napatawa nang makita si Train na may dalang isang hugis-puso na cake.

“Anong flavor niyan?” nakangiting usisa niya sa asawa.

“Grape-flavored cake,” sagot nito habang naglalakad palapit sa kanya.

“Grape?” Napailing-iling siya habang may ngiti sa mga labi. “May grape-flavored cake pala?”

“Oo naman.” Nang isang metro na lang ang layo ng kanilang mga katawan, iniabot ni Train sa kanya ang cake na hawak. “Para sa `yo.”

Napatitig si Krisz sa cake. May nakasulat sa ibabaw niyon at may kasama pang kulay-violet na velvet box.

“Again,” basa niya sa salita na nakasulat sa cake.

Walang imik na lumapit si Train sa mesa at itinabi ang grape-flavored cake sa chocolate cake. Then he looked warmly at her. “Read it and please answer correctly.”

Binasa uli ni Krisz ang mga nakasulat sa mga cake na magkakadikit. “Will you marry me? Again?”

Nang hindi siya nagsalita at nakatitig lang sa cake, si Train ang bumasag sa katahimikan. “Ano’ng sagot mo? Please answer my question.”

Kinuha niya ang kulay-violet na velvet box na nakapatong sa ibabaw ng grape-flavored cake at binuksan iyon. Her heart thumped like crazy when she saw a very beautiful diamond ring on it.

Kinuha ni Train ang singsing, saka hinawakan ang kanyang kamay at hinalikan ang likod niyon. “Gusto kong ikasal tayo uli. I want our wedding to be held here in the Philippines. Mahal ko ang bansang ito dahil dito kita nakilala at dito ako umibig nang sobra-sobra.” Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Gusto kong ulitin ang pangako natin sa isa’t isa sa harap ng altar na magmamahalan tayo habang-buhay. This time, it won’t be just a word spoken by a married couple, but a vow of our love for each other.” Inisang hakbang ng asawa ang pagitan ng kanilang mga katawan at matiim na tumitig sa kanyang mga mata. “So, Krisz—” Lumuhod si Train sa kanyang harap habang nakatitig pa rin sa mga mata niya at dahan-dahang isinuot ang diamond ring sa kanyang daliri. “Will you marry me again?”

Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Krisz. “Yes. Yes!” sigaw niya at niyakap ang asawa.

Bakas ang kasiyahan sa mukha ni Train at walang sabi-sabing sinakop ng mga labi nito ng mainit na halik ang kanyang mga labi.

Nang pakawalan ng asawa ang mga labi niya, tinaasan niya ito ng kilay nang may maalala. “Akala ko ba pupunta ka sa Russia? May board meeting ka pang nalalaman, ah.”

Napangiti si Train. “I had been planning this proposal for two days now. At biglang tumawag si Mikhaela, ang sekretarya ko sa Wolkzbin Enterprise, at kailangan daw ako sa board meeting. Thankfully, my father volunteered to attend when I told him that the board meeting ruined my planned proposal for you again.” He chuckled. “Masaya si Daddy at ikakasal daw uli tayo. Mas lalo naman si Mommy na nangakong hindi lang three thousand guests ang dadalo.”

Napailing-iling na lang siya at napangiti na agad din namang nabura nang may maalala uli.

Mabilis niyang kinuha sa loob ng pouch ang untrasound picture ng kanilang baby at ibinigay iyon kay Train.

“Ano `to?” nagtatakang usisa ng asawa nang tanggapin ang larawan at tiningnan.

“Train, larawan `yan ng baby natin sa ultrasound,” wika niya.

Nanlalaki ang mga mata na nag-angat ng tingin ang asawa. “B-baby? M-magkaka-baby na tayo?”

Tumango si Krisz. “Oo. I’m two weeks pregnant.”

Tinitigan uli ni Train ang larawan at may isang butil ng luha na kumawala sa isang mata nito. Mabilis nitong pinahid ang luha at niyakap siya nang mahigpit.

“Thank you.” Hinalik-halikan ng asawa ang kanyang noo. “Thank you for this wonderful gift.” Pinakawalan siya ni Train at tumingala habang nakapikit at may luha sa mga mata. “Magiging daddy na ako. Yes! Thank you, Lord!”

Krisz giggled, her eyes starting to water. “Amen.”

Masayang tumawa ang asawa, at muli siyang niyakap nang mahigpit. “I love you, my wife. I love you so much. Thank you! Oh, God. Thank you!”

“Bakit ka naman nagpapasalamat sa `kin?” natatawang tanong niya. “You contributed, too, remember?”

Natawa ito nang malakas at hinalikan siya sa pisngi at sa mga labi. “Yeah. I remember it perfectly.”

Itinirik niya ang mga mata nang makita ang kislap sa mga mata ni Train.

Hindi niya alam kung ilang minuto silang magkayakap nang pakawalan siya nito at maingat na hinila palabas ng opisina.

“Come on,” anang asawa na mukhang nagmamadali.

Nilingon niya ang cake. “Teka, saan ba tayo pupunta? `Yong cake—”

“Ipapahatid ko na lang kay Boggy sa bahay.”

“Nasa family bonding si Boggy—”

“No. He just made it up. He’s here in the building.”

Nang makapasok sila sa elevator, hinarap niya si Train. “Saan ba tayo pupunta?”

“Sa baby planet,” excited na sagot nito. “Bibili tayo ng damit ni Baby.”

Napapantastikuhan siyang napatingin sa asawa. “Train, two weeks old pa lang ang baby natin sa tummy ko. Puwede, chill muna?”

Hindi siya nito pinakinggan. “Ano kaya ang gender niya? Lalaki o babae?”

“Train—”

“No matter,” anito. “Bibili tayo ng panlalaki at pambabae na damit.”

“Train—”

“We should buy a crib and then a baby mosquito net and then cute room decorations.”

“Train—”

“Oh, I know, we will buy baby pillows and all those baby stuff.” Ang saya ng ngiti ng kanyang asawa. “I’m so excited.” Hinimas ni Train ang tiyan niya. “Bilisan mo, baby. Labas ka na. Excited na si Daddy.”

Napangiti na lang si Krisz at hinayaan ang asawa na kausapin ang baby sa kanyang tiyan. Mas excited pa yata ito kaysa sa `kin. Oh, well. I can already see it. Train will be a very good and amazing father to our baby.

And she couldn’t wait to be a mom.