Chapter Five
K ALALABAS lang ni Aidan sa elevator dala ang styrofoam ng umuusok na kape nang makitang may lumabas na doktor sa pribadong silid na kinuha niya para sa estrangherang babae.
Mabilis na humabol si Aidan. “Excuse me, d oc,” tawag niya at sinabayan sa paglakad sa pasilyo ang doktor. Tall and slim. Nasa late forties at nakasuot ng salamin sa mata.
Huminto sa paglakad ang doktor at hinarap ang binata. Inilahad ni Aidan ang kamay at nagpakilala.
“Aidan,” aniya. Tinanggap naman ng doktor ang kamay niya. “Ako ang naghatid sa pasyente rito.” Nilingon niya ang silid na nilabasan ng doktor. “Kumusta na ang pasyente, d oc? What’s wrong with her?”
Bahagyang ngumiti ang doktor. Inalis ang eyeglasses at pinunasan ng panyo ang ilong.
“Ano ang gusto mong malaman, Mr. Fortalejo?” balik-tanong nito.
“I’d like to know why she couldn’t remember her name.”
Nang titigan siya ng doktor ay naroon ang kuryosidad sa tinig. “The resident doctor informed me that you are not even a relative though you take responsibilities and offered to shoulder her hospital expenses.”
“Muntik ko na siyang mabundol. Somehow, I feel responsible. What do you think happened to her, bakit hindi siya makaalala?” ulit niya.
“Bukas na ng umaga malalaman ang resulta ng mga pagsusuring ginawa sa kanya. She had a preliminary checkup at the ER. Ano ang sabi nila roon sa iyo?”
“Wala silang sinabi. Pero gusto kong malaman kung ano ang resulta ng pagsusuri mo sa kanya.”
“Ayokong manghula, Mr. Fortalejo.”
“Come on. Kahit papaano ay mayroon ka ng ideya kung ano ang sakit niya...” he urged impatiently.
Huminga nang malalim ang doktor. “Maliban doon sa kapirasong sugat sa ulo niya ay wala akong makitang diperensiya sa pasyente, Mr. Fortalejo. At iyong hindi niya pagkaalala sa pangalan niya, in layman’s terms, she may have amnesia.”
“Sa maikling salita, walang pisikal na dahilan sa pagkawala ng memorya niya?”
“Mayroon, kung ang pagbabasehan ay ang munting sugat niya sa ulo. Bagaman maliit lang ay posibleng maging dahilan iyon upang wala siyang maalala.”
“Was she...” Bahagyang tumikhim ang binata bago itinuloy ang tanong. “... sexually assaulted?”
Umiling ang doktor. “No.”
Kung anuman ang dahilan ay nakadama ng relief si Aidan sa sagot na iyon ng doktor. The thought that she could have been sexually assaulted had been nagging his mind.
“Sa palagay ninyo, posible bang gawa-gawa lang niya ang pagkawala ng memorya niya?”
Bahagyang kumunot ang noo ng doktor at tinitigan ang binata. “Maaari. But it is also possible that her memory may be partly restored in the morning. Do you want me to refer her case to a psychiatrist?”
Tumango-tango si Aidan. “Kung ano sa palagay ninyo ang makabubuti, d oc.”
“Very well. A psychiatrist will see the patient later today, Mr. Fortalejo.” Hindi isinatinig ng doktor ang tanong na nasa isip nito. Aidan was having little interest with his patient more than what was warranted. Sa halip ay tinapik nito sa balikat ang binata. “Go home, young man. You could use a few hours sleep. Binigyan ko siya ng sedative. Mamayang tanghali na siya magigising.”
He sighed. “Thank you.”
IPINASYA ng binatang umuwi na lang muna. Mula kanina ay ngayon lang siya nakadama ng antok at gutom. Inabutan niya ang mga magulang na nag-aalmusal sa veranda.
“Join us, hijo,” paanyaya ni Jewel. Tinawag ang katulong at nagpakuha ng tasa at platito.
“Naramdaman ko nang umalis ka kaninang madaling-araw,” ani Bernard. “Saan ka ba nanggaling?”
Hinagkan ng binata sa pisngi ang ina at pagkatapos ay hinila ang upuan sa tabi nito at naupo. “Hindi ako makatulog, `Pa. Ipinasya kong mag-drive para antukin...”
“Another of those nighmares, Aidan?” Jewel asked gently, carefully.
Bahagyang natilihan ang binata. Matagal nang panahon mula nang huminto sa pagpasok sa silid niya si Jewel sa tuwing binabangungot siya. Noon iyong magbinata siya at natutuhan niyang huwag gumawa ng ingay at pigilin ang takot at ligalig.
Inabot ni Jewel ang braso ng binata. “Habang nagbibinata ka’y nararamdaman kong hindi mo gustong masaksihan ko ang paminsan-minsang pananaginip mo ng masama, hijo. But there were times in the night sa nakalipas na mga taon na naririnig ko ang malakas mong pag-ungol, minsan pa nga’y sigaw. At sa bawat pagkakataon ay lumalabas ako ng silid ko upang pigilin lamang ang sariling huwag kang pasukin.”
“`Ma...” Nakikiusap ang tinig niya. Hindi niya gustong ipakipag-usap iyon. Noong bata pa siya ay nagagawa niyang magkaila sa tuwing tinatanong siya ni Jewel kung ano ang napapanaginipan niya. Hindi niya gustong magsinungaling sa ina ngayon. Kaya hanggang maaari ay hindi niya gustong maungkat ang tungkol sa mga panaginip niya. Hindi siya handang ipakipag-usap ang tungkol sa massacre ng pamilya niya.
“All right...” Sinalinan ni Jewel ng kape ang tasa ng anak. “Let us not talk about it. Saan ka nakarati ng?”
Ilang sandaling nag-atubili si Aidan kung sasabihin sa mga magulang ang nangyari. Pagkuwan ay ipinasyang ipagtapat ang tungkol sa babaeng dinala niya sa ospital.
“Natitiyak mo bang hindi mo siya nabundol, hijo?” nag-aalalang tanong ni Bernard na nahinto sa pagsubo.
“Iyon ang una kong inakala, Papa, nang sa pagpreno ko’y bumagsak siya sa harap ng kotse. Pero tiniyak ng ospital na hindi ko nasaktan ang babae.”
“And you said she couldn’t remember?” wika naman ni Jewel. Nahaluan ng interes ang tinig.
“The doctor said she may have a temporary loss of memory.”
“Well, kumain ka at pagkatapos ay matulog sandali. Pagkagising mo’y sasamahan kita sa ospital. Gusto kong—”
“`Ma...”
“Darling...”
Halos sabay iyong binigkas ng mag-ama na nagkatinginan. Umikot ang mga mata ni Jewel.
“Bueno...” Nasa tinig nito ang disappointment. “Pero gusto kong asikasuhin mo ang babaeng iyon, Aidan. Tiyakin mong nasa mabuting kalagayan. Kahit paano’y responsibilidad mo siya. You couldn’t just leave her in the hospital at basta na lang ipaubaya sa mga doktor at nurses. Kawawa naman, lalo at hindi makaalala.”
“`Ma, why do you have this habit of caring and adopting stray puppies? One of these days that would get you in trouble...” ani Aidan, sa isip ay kasali na siya sa sinabi.
Hindi iyon nakaligtas sa pakiramdam ni Jewel. Pumormal. “You are not a stray puppy, Aidan Fortalejo! You are my son.” Hinaluan nito ng ba hagyang galit ang tinig. “At masama bang tumulong sa kapwa?”
Si Bernard ay palihim na nginitian ang anak at kunwa ay walang naririnig at patuloy sa pagkain.
Napakamot sa ulo ang binata.
HAPON na nang magising si Aidan. Paglabas niya sa silid ay siyang pagtunog ng telepono. Inilapit ng katulong ang cordless phone sa kanya.
“Si Sir Kurt po, s ir.”
Inabot niya ang telepono. “Hello...”
“Ang akala ko ba’y magkikita tayo rito sa opisina?” ani Kurt sa kabilang linya. “Pare, hapon na...”
“I’m sorry. Nasabit ako. Puwede bang ipagpaliban muna natin ang trabaho ko, at least, mga ilang araw lang? May mahalagang bagay lang akong inaasikaso.”
Nagbuntong-hininga si Kurt bago sumagot. “Okay, I’ll give you two days. No more, no less . Mahalaga ang kasong ibinigay ko sa iyo. Nagmamadali ang kliyente ko.”
Nang mawala ang kausap sa kabilang linya ay tumawag si Aidan sa ospital. Napag-alaman niyang kasalukuyang nasa X-ray room ang pasyente. At pagkatapos ay nakatakda pa rin daw itong dalhin sa nuclear room para sa CT scan at MRI.
Ipinasya ni Aidan na sa kinabukasan na lang ng umaga muling dalawin ang babae. Marahil ay pagod na ito mula sa baterya ng mga pagsusuri.
NAGISING siyang bigla subalit hindi siya kumikilos at nagmumulat ng mga mata. May tao sa loob ng silid. Nararamdaman niya. Naririnig niya ang maingat na maingat na galaw.
Agad siyang nagmulat ng mga mata, sinisikap na makaaninag sa kadilimang nakapaligid. May nalanghap siyang amoy na naiwan sa ere. Isang pamilyar na amoy.
Agad ang pagsalakay ng takot sa kanya at mabilis siyang bumangon. Her heart throbbed violently in terror. Pilit niyang inaaninag ang kadiliman sa loob ng silid. Kahit ang paghinga ay natatakot siyang gawin... ni hindi niya rin magawang sumigaw.
May taong nanggaling sa loob ng silid niya. Gusto siyang saktan!
Kailangang tumakas siya! Kailangang umalis siya sa lugar na iyon kung saan hindi nila siya makikita!
Subalit bago pa man siya makababa sa kama ay bumukas ang pinto at biglang kumalat ang liwanag sa loob ng silid. Isang may-edad na nurse ang pumasok.
“Ano ang problema, hija?” tanong nito nang makita ang matinding takot sa mukha niya.
“W-what?” wala sa loob niyang sabi.
Humakbang ang nurse patungo sa hospital bed. “Diniinan mo ang call button ng maraming beses. May kailangan ka ba? May masakit ba sa iyo?”
Bumaba ang mga mata niya sa nakakuyom niyang palad. Naroon ang dulo ng call button at hawak-hawak niya nang mahigpit. Ni hindi man lang niya namamalayang hawak niya iyon.
“S-someone was in here...”
Isang may-simpatyang ngiti ang ibinigay sa kanya ng nurse at hinawakan siya sa magkabilang balikat at marahang inihiga pabalik sa kama.
“Marahil ay nananaginip ka lang. Matulog ka uli.”
Subalit mariing tumatanggi ng isip niya. Hindi siya nananaginip. Natitiyak niyang may tao kanina sa loob ng silid.
“M-may tao kanina rito,” she insisted.
“Walang ibang tao rito, hija. Kung mayroon man, `di sana’y nakita ko na. Hindi kalayuan dito sa silid mo ang nurses’ station. At kung sino man ang pupunta rito’y doon dadaan. At naroroon kami ng dalawa ko pang kasama. Wala kaming nakitang dumaan.”
Pero paano ipaliliwanag ang tila cologne na nalanghap niya kanina? g usto niyang itanong. Subalit kahit anong hinga niya ay wala na roon ang naamoy niya.
“Why can’t I remember?” she sobbed. Her hands on her face.
“Makakaalala ka rin,” pang-aalo ng nurse. “Bukas ay lalabas na ang resulta ng mga pagsusuri sa iyo. Malalaman natin kung ano ang sakit mo. Huwag kang mag-alala, magbabalik ang memorya mo paglipas lamang ng ilang araw, makikita mo,” paniniyak nito.
Kailangan niyang makaalala! Iyon ang naghuhumiyaw sa isip niya. Kasabay niyon ay ang paglukob ng takot sa buong pagkatao niya na para bang mas mabuting manatili na lamang siyang walang maalala. She would be safer if she wouldn’t remember a thing about her.
Subalit sa kabila ng pagtatalo ng isip niya ay biglang nag-flash sa isip niya ang pagsigaw ng isang lalaki ng pangalan niya.
Danielle...
Bumilis ang pintig ng puso niya. Halos hindi siya makahinga. “Danielle,” marahang usal niya. “My name’s Danielle.”
Umaliwalas ang mukha ng nurse. “O, nakita mo na? Ano ang sabi ko sa iyo? Agad kang nakaalala, `di ba? Kaya kailangang ipahinga mong mainam ang isip mo.” Inayos nito ang kumot at kinumutan siya. “Gusto mo ba ng pampatulog?”
“Drugs? No!” she answered frantically. Ang ideya na tuturukan siya ng drugs ay nagpaahon ng takot sa kanya.
“Siya, matulog ka na. Bukas ng umaga ay maalala mo nang lahat ang tungkol sa iyo, okay?” Nginitian siya ng nurse bago ito tumalikod.
She curled herself into a fetus position. She remembered her name—Danielle. Sa halip na makadama ng ginhawa na baka makaalala siya sa kinabukasan ay takot ang nadarama niya. Sa kaibuturan ng kanyang isip ay alam niyang may gustong pumatay sa kanya.
Pero bakit? Bakit siya gustong patayin ng kung sino man?