Chapter Twenty
M ARAMING sandali ang lumipas na walang salitang namagitan sa dalawa. Sirena ng bombero ay maririnig sa di-kalayuan. Naunang tumayo mula sa damuhan si Danielle na ang pagkabigla’y hindi gustong ipamalas.
“Let’s get out of here, Aidan,” she said gently. Hinila niya ito palayo sa natutupok na bahay. Narinig niyang humugot ito ng malalim na paghinga habang nililingon ang natutupok na bahay.
Binuhat ni Aidan si Tata Marcos at isinakay sa Ford Ranger nito.
“He’s still breathing. May dugong natutuyo sa ulo niya. Umasa tayong hindi masama ang tama niya.”
WALANG salitang namagitan sa dalawa hanggang sa makarating sa pinakamalapit na ospital. Agad na ipinasok sa ICU si Tata Marcos. Ginamot na rin ng mga doktor ang minor burns ni Aidan sa likod. At dahil hindi pa nila malalaman ang resulta ng pagkahulog ni Tata Marcos sa hagdanan ay minabuti ni Aidan na umuwi na muna sila.
Nasa daan na sila nang magsalita si Aidan. “Who was he, Danielle?”
Huminga nang malalim ang dalaga bago sumagot. “Damon Gonzales...” At ipinaliwanag niya ang sirkumstansiyang nagpaugnay kay Damon sa kanilang mag-ina. “Calvin was a new employee, isang medical representative. He was so sympathetic and was always there to give me support when Mommy died. There was no courtship, basta na lang nagkaunawaang magkasintahan kami. Isang araw ay niyaya niya akong sumama sa kanya pauwi sa Pilipinas. It was so sudden, at bagaman nabigla ako’y naisip kong pagkakataon iyon upang maasikaso ko ang property na naiwan ni Lola. Ilang beses na akong pinadalhan ng sulat ng abogado...
“Subalit hindi pa kami natatagalang naririto sa Pilipinas ay dumating si Ofelia... and of course, si Damon, na lihim sa akin ang pagdating. We all know now why. Tinakasan sila ni Calvin. At pagkakataon na rin upang mawala ako sa landas nila. Nang hapong iyon ay may usapan kami ni Calvin na magkikita sa Starbucks. He sounded apprehensive... at nagmamadali. Hindi siya nakarating sa tagpuan so I went to his house.... at doon ko narinig ang usapan nila ni Damon. I recognized his voice. He always had that Mexican accent. Then I heard the shot.
“Hindi ko napunang sumigaw pala ako. And they heard me. I ran. Though I didn’t see him, alam kong hinabol ako ni Damon. Tumakbo ako sa lugar na maraming tao. Naramdaman kong may humablot ng purse ko. Ni hindi ko magawang sumigaw dahil makakakuha ako ng atensiyon, makikita ako ni Damon. Hindi rin ako makabalik sa bahay, naroon si Ofelia. Binalaan na ako ni Mommy tungkol sa kanila. Nang dumilim ay bumalik ako sa subdivision na tinitirhan ni Calvin. Gusto kong malaman ang nangyari sa kanya. I was tired and hungry and scared. I was on foot and it was dark, hindi ko nakita ang hukay para sa water pipe. Bumagsak ako roon at tumama ang ulo ko sa pipe...” Nilingon niya si Aidan na hindi siya inabala sa pagsasalita mula kanina. “You know the rest...”
Umigting ang mga bagang ni Aidan, muling gumuhit ang poot sa mga mata. Kung napatay ni Damon si Danielle, lumawak pang lalo ang kasamaan nito.
Binasag ni Danielle ang katahimikang muling namagitan. “Hindi nawalan ng pag-asa si Daddy na buhay ka. Nabalitaan niya mula sa mga katulong ninyo na nalaman ng mga masasamang-loob na nasa attic ka lang pala ng bahay ninyo. Pero nakatakas ka sa kanila. I was only three when it happened but my father kept on repeating the story to us tuwing matatapos ang alinmang board meeting sa kompanya.
“Ten years ago, nagpa-advertise ang d addy tungkol sa whereabouts mo. Many opportunists came forward. Some were even redskinned and claimed as Panther Walks. And I’m sure, ilan sa mga iyon ay inutusan ni Damon at Ofelia. Subalit walang pumasa sa huling pagsubok kaya itinigil na ni Daddy at ng mga abogado ang pag-aanunsiyo sa mga peryodiko...”
Kumunot ang noo ni Aidan at nilingon siya. “Ano’ng huling pagsubok?”
A faint smile came out of her lips. “Hindi ko maaaring sabihin sa iyo. You will soon know.”
Lalong lumalim ang kunot sa noo ni Aidan. “Hindi ka naniniwalang ako ang tunay na Aidan Worth?”
She smiled sweetly. Hinagod siya ng tingin. “I do, Aidan. Naniniwala akong ikaw ang totoong Aidan Worth. Subalit hindi paniniwalaan ng mga abogado ang salita at damdamin ko lang. Fair is fair, dadaan ka sa pagsubok...”
“Damn! I couldn’t care less kung hindi sila maniniwala!”
“You’d care, Aidan,” she said softly. “Dahil ikaw iyon... karugtong ng kahapon ang ngayon.”
Nawala ang inis sa mukha nito. He sighed deeply. “Kay tagal kong pinaghandaan ang pagkakataong makatagpong muli ang pumatay sa pamilya ko. At hawak ko na sa mga kamay ko ang buhay ng lalaking iyon kanina... yet I couldn’t kill him. Nagtatalo ang puso’t isipan ko...”
“Because you’re not like him. You’re a good man. And I’m glad you didn’t kill him yourself.”
Again, he sighed deeply. “I guess I am, too. But I would never know his reason for killing my family.”
Nilingon ni Danielle ang binata. “Inisip marahil ni Damon na hindi na ako makaliligtas sa gagawin niyang pagsunog sa bahay kasama ako kaya may mga ipinagtapat siya tungkol doon.”
Sandaling inalis ni Aidan ang paningin sa daan at tinitigan siya. Then asked eagerly. “What about it?”
Sinabi niya rito ang tungkol sa pagnanakaw ni Ofelia ng formula. “Your father caught him stealing it, Aidan. Binantaan ng ama mo na ipakukulong si Ofelia kung hindi nito maibabalik ang ninakaw niya. But it was too late. She sold it to another company, a competitor. I guess she gave the money to Damon. Damon said something about his debt. He didn’t elaborate. And Ofelia got hysterical.
“Naalala ko minsan ang d addy na nagkomento tungkol sa isang secret formula na inumpisahan ni Jericho Worth. Hindi iyon natapos subalit bigla na lamang nawala. Dad even said the rest of the formula died with your father. It could have cured Alzheimer’s disease. A few years later, isang kalabang kompanya ang naglabas ng gamot para sa Alzheimer’s na bagaman hindi naman talaga lunas ay kailangan ng mga taong may ganoong sakit.”
Tumaas ang dibdib ni Aidan sa paghugot ng paghinga. “Walang kabagay-bagay ang dahilan kaya nila pinatay ang pamilya ko.” Nabasag ang tinig nito. Naapakan ang accelerator at bumilis ang takbo nila.
Hinawakan ni Danielle ang braso nito. “Many people were murdered for less, Aidan... He killed my mother, too. Sila ni Ofelia...”
GAYON na lamang ang pagkamangha ni Bernard nang malaman ang buong pangyayari.
“Hindi ko alam na sa limang araw na seminar ko sa Singapore ay napakarami nang nangyari dito...” Inakbayan nito si Aidan at pinisil ang mga balikat. “Gusto kong ipagpasalamat na natapos ang lahat ng bagay na bumabagabag sa iyo sa maraming taon, hijo. Bagaman hindi ko gusto ang parteng nalagay kayo sa panganib.”
Tumango si Aidan. “I need your help, Papa...”
“Everything in my power is at your disposal, son.”
“Salamat, Papa...”
SA AIRPORT sa Kentucky makalipas ang maraming oras ay sinalubong na ng mga police si Ofelia. She was an American citizen kaya sa state na iyon siya sasampahan ng kaso.
Naghisterya ito nang malaman ang nangyari kay Damon. She escaped from police custody and met her tragic death. Nagtatakbo ito at hindi naiwasan ang isang rumaragasang container van.
SI TATA Marcos ay idineklarang ligtas sa kamatayan. Sa pamamagitan ng abogado’y inayos ni Danielle ang kalagayan ng matanda. Ipinagkaloob dito ang malaking bahagi ng propriedad ng lola niya at sinasagot ang pagpapatayo ng panibagong bahay para dito. Sinang-ayunan ni Tata Marcos ang pagpapatayo ng panibagong bahay subalit tinanggihan ang paglalagay sa pangalan nito ng propriedad dahil wala naman itong kamag-anak pa. At kung sakali man ay kay Danielle rin nito iiwan ang lahat.
“YOUR father would have wanted you to take your place in the company, Aidan Worth...” Danielle said sadly.
It was breaking her heart leaving him. Pero hindi niya kailangang ipagsiksikan ang sarili niya sa lalaking hindi niya tiyak kung may pagtingin sa kanya o wala. Sa nakalipas na mga araw ay kasama at katulong niya si Aidan sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay. Subalit nakadistansiya ito. Nanatiling pormal. Tinutulungan na lamang siya sa gagawin niya dahil wala siyang ibang kakilala.
At labis siyang nasasaktan doon.
“My name’s Fortalejo, Danielle... I’ve been a Fortalejo for seventeen years now. Hindi ko kayang iwan ang mga taong itinuring ko nang mga magulang at itinuring naman din akong tunay na anak.”
“Hindi naman kailangang iwan mo sila, Aidan—”
“There’s your flight now,” he said in a hurry. Planted a chaste kiss on her forehead. “Take care of yourself always...”
Subalit kumapit sa leeg niya si Danielle at hinagkan siya sa mga labi. Madamdamin... mariin... namamaalam.
“I love you, Aidan Worth... Whether you want to hear it or not.” Pagkatapos ay nagmamadali itong tumalikod upang huwag nitong makita ang nagbabadyang mga luha.
Nakatiim ang mukha ni Aidan habang sinusundan ng tingin ang papalayong dalaga. Gusto niya itong habulin at ikulong sa mga bisig subalit ipinako niya ang sarili sa kinatatayuan. Gulong-gulo ang isip at damdamin niya.
“`MORNING, `Pa... `Ma.”
“Maaga kang nagising, hijo...” ani Bernard nang bumaba sa almusal si Aidan.
“May iniaalok na bagong trabaho si Kurt, Papa. Patungo ako ngayon sa Escolta.” Hinila nito ang silya at naupo.
Sinalinan ni Jewel ng kape ang tasa nito. Tahimik nitong pinagmamasdan ang anak. Nangingitim ang mukha sa tumutubong stubbles.
“Why do you have to work for Kurt, hijo, when you can work for Kristine or for Worth & Wilding...”
Nag-angat ng mukha si Aidan sa huling mga pangalang binanggit ni Bernard. “Papa?”
Nagkatitigan ang mag-asawa. Pagkuwa’y malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Jewel. Hinawakan sa braso ang anak. “Hindi mo man sabihin, alam kong ako ang iniisip mo, Aidan. Thank you, darling. Ang trabahong hindi ko lang gusto ay iyong trabahong pinili mo nang lumabas ka ng SEAL. Dahil ayokong isinusugal mo ang buhay mo nang ganoon lang...”
“You owned Worth & Wilding, Aidan. It may be small but is your birthright. At ayon sa imbestigasyon ko nitong nakaraang araw ay nananatiling nakatayo ang bahay ninyo. It was well maintained at may mga caretaker. Samuel Wilding saw to it...”
“Papa, itinataboy ba ninyo ako?” He sounded hurt and amused at the same time.
“Don’t be such a fool, son,” sagot ni Bernard, gumagaralgal ang tinig. “Alam mo ang katayuan mo sa pamilyang ito. Kapag nawala kami ng mama mo’y paghahatian ninyong magkakapatid ang Kristine Group of Companies. Totoong mauuwi kay Lenny ang kalakhang bahagi ng mga pag-aari ng Fortalejo bilang heir, iyon ang tradisyon, just as it is his birthright, too, at ng unang anak niyang lalaki and so on. But the rest of the Fortalejo fortune will all be shared equally among you, Julianne and Jessica...”
“I don’t deserve it, Papa,” protesta ni Aidan. “Hindi ko tatanggapin!” mariing sabi niya. Nilingon si Jewel. “Tama na sa akin ang uri ng pagtinging ipinagkaloob ninyong lahat. No one could be luckier...”
“This is an early dramatics!” kunwa’y pagalit na saway ni Jewel. Then smiled at her son tenderly. “Alam namin ng papa mong gusto mong balikan ang nakaraan, Aidan. Nakikita ko ang paghihirap ng damdamin mo nitong nakaraang mga linggo.. naiintindihan namin iyon. Hindi namin iyon ipagkakait sa iyo.”
“Mama...”
“Go, Aidan. Alam kong hindi lang ang nakaraan mo ang gumugulo sa isip mo...” At kunwa’y may panghihinayang na humugot ng paghinga. “Mukhang ang dalawang dalaga ko na lang ang hindi pa nag-iisip na mag-asawa. Muling tinitigan ang anak. But I want you to remember, Aidan, this is always your home... ever.”
Aidan was filled with so much emotions he could hardly speak.