NAPAILING na lang si Kenneth nang madatnan na naman na wala sa bahay ang kapatid. Tulog pa ang kanyang ama na maaamoy hanggang sa salas ang tapang ng alkohol na malamang ay tinungga nito kagabi.
Nag-aalala na si Kenneth sa kalusugan nito pero ano ang magagawa niya kung ayaw nitong magpadoktor? Pinag-awayan na nila iyon dati, paulit-ulit na lang ang mga pagtatalo nila. Hindi naman niya puwedeng kaladkarin ang ama para ipagamot.
Napapagod din siya. Pero bilang anak ay ayaw niyang pabayaan ang ama. Ayaw niya itong mamatay na lang na walang kalaban-laban gaya ng nangyari sa kanyang ina.
Dumeretso sa kusina si Kenneth, saka niluto ang dala-dalang tocino na nakaimbak sa ref ng malaking bahay. Naggayat din siya ng mga kamatis at naghiwa ng tatlong itlog na maalat. Sa pinagprituhan ng tocino ay isinangag niya ang tirang kanin. Nagpapainit na siya ng tubig para sa kape nang dumating sa bahay si Dianne.
Tuloy-tuloy ito sa silid at ibinalibag ang pinto niyon. Narinig ni Kenneth ang malakas na paghagulhol ng babae.
“Dianne?” sita niya sa kapatid, sabay katok sa silid nito. “Ano’ng nangyari?”
Tuloy pa rin ito sa pag-iyak. May sinasabi ito pero hindi niya maunawaan.
“Buksan mo nga ang pinto,” nag-aalalang sabi ni Kenneth. “Dianne!”
Nang malakas siyang nagmura ay doon na binuksan ni Dianne ang kuwarto. Mugto ang mga mata na humarap ito sa kanya.
“Ano’ng nangyari sa iyo?”
“S-si Bronson, Kuya,” hihikbi-hikbing sagot nito.
“Ano’ng ginawa sa iyo ni Bronson?”
“Gusto niyang makipag-break sa akin.”
Natapik ni Kenneth ang noo. “Hiwalayan mo na siya. Sabi ko naman sa iyong wala kang mapapala sa gagong iyon.”
“Pero may nangyari na sa amin noong nakaraang linggo lang. B-baka mabuntis ako… Iyon ang dahilan kaya hihiwalayan—”
“`Tang-ina. `Yan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo noon pa!”
Pinanaig ni Kenneth ang init ng ulo, hindi na siya nag-isip pa. Basta ang alam niya ay naagrabyado ang kapatid ng gagong lalaking iyon at kailangan nitong magbayad sa kanya.
Mabilis siyang lumabas ng bahay, lakad-takbo ang ginawa patungo sa tirahan ni Bronson. Sakto namang kararating lang doon ng service van ng banda nito at nagbababa ng mga instrumento. Pagkakita niya sa lalaking may hawak ng electric guitar ay agad niya itong sinugod.
Isang sapak sa panga ang agad na nagpatumba kay Bronson.
“Putang-ina mo! Gusto mong gaguhin ang kapatid ko?” bulyaw ni Kenneth sa lalaki.
Hindi na nakabangon pa si Bronson dahil kinubabawan niya ito at pinagsusuntok sa mukha. Umawat ang tatlong kabanda nito pero pinagsusuntok at pinagsisipa rin ni Kenneth ang mga ito. Pinagtulungan siyang labanan pero siniguro muna niyang hindi na makakabangon si Bronson bago ipagtanggol ang sarili.
Dahil siguro sa matinding galit ay nakapanlaban siya sa tatlo, bentahe rin na mas matangkad at mas malaki ang katawan niya kaysa sa mga ito. Hindi siya masyadong nabugbog.
Hanggang sa nagsilabasan ang mga kapitbahay at umawat sa kanila.
May hawak na itak ang isang barangay kagawad na nagpunta roon at binantaang pagtatagain silang lahat kung may gagalaw pa sa kanila.
Sunod na namalayan ni Kenneth ay naghihimas na siya ng bakal sa detention cell sa police station sa Poblacion Central. Nasa ospital daw si Bronson; basag ang ilong at hindi maidilat ang dalawang bugbog-saradong mga mata. Siya man ay nananakit din ang katawan ngayon sa mga tamang tinamo mula sa mga kabanda ni Bronson. Pero mas matindi ang pinsalang tinanggap ng mga iyon.
Hindi bayolanteng klase ng tao si Kenneth, lalong hindi rin siya mahilig sa basag-ulo, pero hindi rin siya ang tipo ng nagpapaapi. Tatlong beses na siyang nakipagbugbugan noong bata pa, lahat ng mga iyon ay dahil sa pagtatanggol niya sa sarili at mga kaibigan.
Tanghali nang pumaroon ang kanyang tatay at si Dianne, dinalhan siya ng mga pagkain. Inasahan na ni Kenneth ang sermon na inabot mula sa ama, nagpapasalamat na lang siya’t may malasakit pa ito sa kanya sa gitna ng patapon nang buhay nito. Hindi siya kumontra sa lahat ng mga sinabi nito. Nauna itong lumabas ng police station at nang maiwan doon si Dianne ay nagalit din ito sa kanya.
“Bakit mo siya binugbog, Kuya?” umiiyak na tanong nito. “Kawawa naman siya—”
“Maaawa ka pa sa gagong iyon? Ano ba’ng nangyayari sa iyo?” inis na sabi ni Kenneth.
“Hindi ko sinabing ipagtanggol mo ako!” singhal ni Dianne. “Lalong wala akong sinabing bugbugin mo siya. Ano ka ba?”
Shit. Ngayon ay pinagsisisihan na ni Kenneth ang ginawa. Kung bakit nagpatalo siya sa galit, sa instinct na kailangan niyang protektahan ang kapatid kahit alam naman nito ang problemang sinuong.
“Huwag ka nang makipagbalikan sa kanya,” matiim niyang sabi kay Dianne, humampas sa rehas ang mga kamay.
“Wala kang pakialam sa buhay ko! Sino ka para diktahan ako kung ano ang dapat kong gawin sa pakikipagrelasyon? Nagiging tanga ka rin naman pagdating kay Paula. Ilang beses ka nang hiniwalayan ng babaeng iyon pero bumabalik ka pa rin sa kanya nang paulit-ulit dahil mahal mo siya. Pareho lang tayo, Kuya Ken. Pareho lang tayong martir at tanga!”
Dinamay na pati ang kanyang katangahan. Putang-ina. “Huwag mong masali-sali si Paula sa usapang ito,” galit niyang sabi.
“Bakit, totoo naman, ah!”
Namura ni Kenneth ang sarili sa loob-loob. Ilang buwan na ba silang hiwalay ni Paula? Lima, anim? Hindi siya sigurado sa dami na rin ng napagdaanan nilang hiwalayan.
High school sweethearts sila ng babaeng nakatira sa karatig na barangay ng Lupac. She was his first everything. Hindi siya ang lalaking nakauna sa babae pero wala siyang pakialam dahil mahal na mahal niya ito.
Madalas silang mag-away ni Paula na ang laging pinag-uugatan ay ang katayuan nila sa buhay. Mataas ang ambisyon nito, gusto nitong yumaman. Tulad niya’y galing din ang babae sa mahirap na angkan. Nakikisaka ang ama nito, tindera naman ng gulay sa palengke ang ina.
Gustong umalis ni Paula sa Sta. Barbara—pumunta sa Manila o sa ibang bansa at hinding-hindi na babalik pa. Ilang beses na rin itong lumuwas ng Maynila pero lagi namang bumabalik matapos ang ilang buwan dahil palaging nawawalan din ng trabaho.
Sumama na rin minsan si Kenneth noon kay Paula sa Maynila, kaso naging mas mahirap ang buhay niya roon kaysa sa probinsiya. Nakikitira sila sa isang barong-barong ng kaibigan nito. Hirap siyang maghanap ng trabaho at ayaw naman siyang payagan ni Paula na maging call center agent dahil panggabi ang palaging available na posisyon.
Mapili rin ang dating nobya sa mga gustong pasukan kahit katulad niya itong high school graduate lang. Napilitan siyang umuwi nang nagkasakit ang kanyang ina na naging sanhi ng kamatayan nito at hindi na siya umalis ng Sta. Barbara mula noon.
Nagkakaroon si Kenneth ng mga panandaliang relasyon kapag hiwalay sila ng nobya. Bilang driver ng pampasaherong jeep ay madali sa kanya ang maghanap ng mga babae, lalo pa’t ang mga ito mismo ang lumalapit sa kanya at payag sa purong pisikal na relasyon, ang iba pa’y nakaka-one-night stand lang niya. Wala siyang nilinlang sa mga ito dahil hayagan siya sa pagsasabing sexual relationship lang ang gusto niya at wala namang naging problema. Iwas si Kenneth sa mga babaeng alam niyang clingy dahil ayaw niyang mapasubo kung sakaling ayaw siyang hiwalayan.
Minsan na siyang nakakilala ng babaeng puwede niyang ipalit kay Paula. Si Lenita, isang bank teller. Handa raw itong makipagrelasyon at pakasal sa kanya kung gugustuhin lang niya. Pero iniisip ni Kenneth ang madilim na kinabukasan ng babae sa kanya na siya ring dahilan ng pagpipigil niya sa sariling pakasalan si Paula.
Iniiwasan niya muna ang pag-iisip na magkaroon ng sariling pamilya dahil sa katayuan sa buhay. Ayaw niyang ipamana sa mga magiging anak ang kahirapan.
Mabait si Lenita, maasikaso, at wala siyang mairereklamo. Malaking karangalan ang maging nobyo nito at maipagmamalaki niya ang dalaga sa kahit na sino. Pero kinailangan itong hiwalayan ni Kenneth bago pa lumalim ang nararamdaman nito sa kanya. He thought it would be unfair to Lenita to love him when he was still in love with Paula. He adored Lenita, he wanted her, too. Pero iba pa rin ang tunay na pag-ibig.
Nakakatanga. Nakakagago.
Hindi alam ni Kenneth kung ano ipinakain sa kanya ng babaeng iyon, o kung ginayuma siya nito. Palagi pa rin siyang bumabalik kay Paula kapag nagkikita sila. Tanga nga siguro siya sa pag-ibig gaya ni Dianne.
“Iwan mo na ako dito, Dianne. Pinapainit mong lalo ang ulo ko,” pagtataboy niya sa kapatid.
HAPON na nang pagbuksan ng pulis ang seldang kinaroroonan ni Kenneth, makakalaya na raw siya, wala na raw kasong isasampa sa kanya.
Inabutan niya si Sydney sa labas ng police station, naghihintay sa tabi ng SUV nito. Hindi na siya nagulat na ang babae ang may kagagawan ng kanyang paglaya. Pinagalaw nitong tiyak ang pera.
Asa pa si Kenneth na ang kanyang Tiyo Abner na nasa Saudi ang nagbigay ng pera sa kanyang pamilya. Ma-pride ang tatay niya, ayaw humingi ng tulong sa kahit na kanino, kahit pa sa nag-iisang kapatid. Madamot naman ang Tiyo Abner niya, naimpluwensiyahan ng misis nitong ipinaglihi yata kay Hitler. Ni hindi nito tinulungan ang kanyang ama para makapunta rin sana sa Saudi noon.
“Hindi mo dapat ginawa iyon, wala akong maipambabayad sa iyo,” sabi ni Kenneth kay Sydney nang makalapit.
“A thank you would be nice,” nakangiting sabi ng babae at binuksan ang passenger’s seat. “Hop in, I’ll drive.”
Sa loob ng sasakyan ay sinabi sa kanya ni Sydney na nilapitan pala ito ni Dianne at hiningan ng tulong. Binayaran nito ng danyos si Bronson at ang mga kasamahan na nabugbog niya. Hindi na raw magsasampa ng kaso ang mga ito, nangakong hindi rin gaganti sa ibang paraan.
Gusto man ni Kenneth na huminga nang maluwang ay nanaig ang hiya sa kanya. May isang babaeng gumastos para sa kanyang kalayaan, paano niya mababayaran iyon?
“Hindi kita sinisingil, Kenneth,” sabi pa ni Sydney na parang nabasa ang laman ng isip niya. “Tulong ko sa iyo iyan.”
Sumimangot siya. “Hanggang kailan mo ako tutulungan?”
“Hanggang gusto ko at hindi mo ako mapipigilan. At ayaw kong tumanaw ka sa akin ng kahit kaunting utang-na-loob, okay?”
Hindi nagsalita si Kenneth. Sa dami ng babaeng na-involve sa kanya ay wala siyang pinahintulutan na gumastos para sa kanya. Kaya nga ilang buwan na rin siyang walang nakakaulayaw na babae dahil wala siyang pera. Wala siyang pang-date.
Inihatid siya ni Sydney sa kanilang tirahan, pinauwi muna roon. Sinabi niya ritong kukuha lang ng mga damit at susunod siya sa malaking bahay mamaya.
May iniaabot na pera ang babae nang hawakan niya ang handle ng car door.
“Ano iyan?” tanong ni Kenneth sa makapal na tig-iisang libong papel.
“Para sa iyo. Dagdag bayad.”
“Akala ko ba, kay Sir Manuel manggagaling iyon?”
“Iba pa `yon. Galing ito mismo sa akin, para sa pagbabantay mo sa akin sa malaking bahay. Nasabi ko na ito sa iyo, hindi ba?”
“Iyon lang ba talaga?” dudang tanong niya.
Sydney sighed in exasperation. “Look, I don’t want to sound pathetic and indecent by saying that this money is for your sexual service, okay? But, yes, ang ilan sa perang ito ay para nga doon. You’re doing a very good job, Kenneth. And I am impressed, I am very, very glad.” Tumikhim ito, mukhang nag-iisip kung paano ibibigkas nang tama ang susunod na sasabihin. “In fact, I want to make you my lover. Exclusive lover.”
Lover?
“Yes, you heard it right,” sagot ng babae sa nagtatanong niyang mga mata. “Hindi lang ako patuturo sa iyo sa sex. Gusto ko, kahit natuto na ako ay maging partner pa rin kita. Now, I’m not saying that you’re just gonna service me, because I assure you that it would be a mutual pleasure between us. Mag-e-enjoy ka rin sa akin, Kenneth.”
Muli, parang business proposal lang ang sinasabi ni Sydney sa kanya. But this time, Kenneth thought this was sexy as hell. May mainit na kiliting humahagod sa kanyang katawan na hindi pa niya naranasan sa kahit na kaninong babae, parang maliliit na boltahe ng kuryente. Siguro ay nae-excite lang siya dahil kakaiba itong susuungin niya ngayon.
“Paliligayahin natin ang isa’t isa sa kama? Seksuwal na relasyon?” aniya, deretso ang tingin sa dalagang gusto na niyang siilin ng halik nang mga sandaling iyon.
“Yes,” hindi man lang kumurap o nagbago ang tono ng boses na sagot ni Sydney. This woman was intriguing as hell.
“Hanggang kailan?”
“Depende sa mga mangyayari sa atin. Pero gusto kong ako lang ang babaeng ikakama mo sa mga panahong iyon, wala nang iba. We’re going exclusives. Papayag ka ba o hindi?”
Ngumiti si Kenneth, parang nawala ang sakit ng kanyang buong katawan. “Hindi ako nagpapabayad pagdating sa sex, Sydney. Payag akong gawin iyon sa `yo nang libre.”
Tinaasan siya nito ng kilay. “You want me that bad, huh?”
“Mula pa noong una kitang makita,” pagtatapat niya.
Umangat ang isang sulok ng bibig nito. “I’m not surprised. Not at all.”
“Ikaw, bakit ako ang napili mo? Do you really want me, too?”
It always made him wonder how this woman could maintain a straight face in conversations like this. Heto siya’t parang maiihi na sa matinding pagkalula sa takbo ng usapan nila.
“What if I say yes?” balik-tanong ni Sydney.
“Puwedeng malaman kung bakit?”
“I guess you’re just different from those losers that I’ve met,” simpleng paliwanag ng babae na sinamahan ng pagkibit ng balikat. Her skin glistened in her off-shouldered top. Gustong padaanin ni Kenneth ang dila roon, ibaba pa ang damit para malantad ang mga suso nito…
And, fuck. This woman wanted him, too! Gusto ni Sydney na masarapan din siya rito, paliligayahin din siya nito. Atat na siyang matikman ang mutual pleasure na iyon.
“I still insist that you take this money anyway. Sige na, nangangalay na ang kamay ko,” naiinip na sabi nito.
“Okay,” mahinang sabi niya at inabot ang pera. “Salamat.”
“You can thank me later,” sabi ni Sydney at kumindat.
Inihatid ni Kenneth ng tingin ang papalayong kotse ng dalaga bago pumasok sa kanilang bahay. Nagluluto si Dianne sa kusina at nanonood naman sa maliit at lumang TV sa salas ang kanilang ama, hindi ito nakainom.
Lumapit dito si Kenneth at nagmano. “Sorry po, `Tay. Hindi na iyon mauulit,” mahinang paghingi niya ng paumanhin na tinanguan lang ng ama. Hindi palasalita si Simon kung hindi ito lasing at ipinagpasalamat niya iyon dahil ayaw na niyang marinig pang nagagalit sa kanya ang ama.
“`Yang mga damit n’yo ni Sydney, nasa silid,” sabi sa kanya ni Dianne nang magtungo si Kenneth sa kusina para maligo sa banyo. “Ni hindi man lang tinupi nang maayos ng Ritang iyon, basta na lang sinalansan sa sako,” dagdag pa nitong nakasimangot.
Sa kapitbahay nilang si Rita siya nagpalaba ng maruruming damit ni Sydney dahil sira na ang lumang washing machine sa malaking bahay. Pinayuhan na rin niyang huwag bumili ng bago ang dalaga dahil baka makaakit uli iyon ng mga magnanakaw. Pinilit naman siya ni Sydney na isali ang kanyang mga damit sa ipapalaba. Hindi na siya tumanggi. Gusto rin niyang maranasang hindi maglaba kahit minsan lang.
“Inayos mo ba?” tanong ni Kenneth sa kapatid na halatang hindi masaya sa pagluluto.
“Oo.”
“Salamat,” sabi niya at tumuloy sa banyo para kunin ang timba roon na pansalok ng gagamitin na tubig sa paliligo.
Gusto sana ni Kenneth na sa malaking bahay na lang maligo pero ayaw niyang humarap uli kay Sydney na madungis. Gusto niya, malinis na siya at mabango kapag darating siya roon para handa na agad sa anumang maaksiyong mangyayari.
Pero, shit. Kakayanin ba ni Kenneth na makipag-sex sa dalaga ngayon kung magkainitan na naman sila? Nananakit pa ang kanyang buong katawan at sa palagay niya ay kakailanganin niya ng isang araw para bumalik ang buong lakas. Ah, puwede namang iba ang gawin niya kay Sydney ngayon. Hindi naman siya nagmamadali para doon.
“Kakain ka ba dito?” tanong ni Dianne pagpasok niya sa back door ng bahay galing sa gripo sa likod bitbit ang pangatlong timba ng tubig.
“Hindi na. Ipagluluto ko pa si Sydney.”
“`Sabagay, mas masasarap ang mga pagkain sa malaking bahay.”
Ngumisi si Kenneth pagkapasok sa banyo. “Mas masarap talaga.”