WALA si Dianne sa kanilang bahay nang umuwi si Kenneth para ihatid ang mga ipinamili ni Sydney para sa kanyang ama’t kapatid. Mga mamahaling damit at sapatos ang mga iyon, mayroon ding accessories at pabango para kay Dianne.
Nadatnan niyang solong umiinom ng Ginebra San Miguel sa kanilang salas ang kanyang ama, may tama na ito ng alkohol pero hindi pa tuluyang lasing.
“Saan galing ang mga `yan?” sita nito pagkakita sa mga bitbit niyang shopping bags.
“Kay Sydney po.” Inilapag ni Kenneth ang mga dala-dala sa sofa.
“Ano’ng meron sa inyo ni Sydney?”
Hindi agad siya nakasagot.
“May mga tsismis nang nakarating sa akin, Ken.”
Shit. Kung bakit ginawang pampalipas-oras na ng kababaihan sa kanilang lugar ang magtsismisan. Pagkalayo-layo na nga sa mga kabayan ng kinaroroonan nila ni Sydney, napagtsismisan pa rin sila. Daig pa ang apoy na kumalat dahil hanggang ibang baryo ay narating ng balita kaya may alam na rin si Lenita. Hindi na siya magtataka kung si Aling Tinay na nagbebenta ng mga gulay sa bahay-bahay ang pinagmulan ng tsismis. Dalawang beses na itong nagpunta sa malaking bahay at panay ang usisa sa kanya tungkol kay Sydney.
“Sabihin mo sa akin ang totoo, may relasyon ba kayo ni Sydney bukod sa pagiging mag-amo?”
Tumango si Kenneth. Anong eksaktong sasabihin niya sa ama? Na may sexual relationship sila ni Sydney at ngayon ay gusto siya nitong gawing boyfriend?
“Bakit mo siya pinatulan? Dahil ba sa pera niya?”
Nagkamot siya ng batok. “`Tay, hindi po.”
Tumaas na ang boses ni Simon. “Huwag mo akong gaguhin! Alam mo ang agwat ng buhay natin sa kanya. Wala ka na bang kahihiyan? Pinag-uusapan ka ng buong barangay!”
Nanindigan si Kenneth. “Wala akong pakialam sa kanila. Nagkakagustuhan po kami ni Sydney.”
“Gusto mo siya dahil sa pera niya! Dahil sa mga bigay niya sa atin. Para mo na ring ibinenta ang dignidad mo.”
“Huwag nating palakihin ito, `Tay. Nag-uumpisa pa lang po ang relasyon namin.”
“Nag-uumpisa pa lang pero napakarami na ng ibinigay niya sa iyo. Ano pa ang susunod, ha? Kotse, bahay? Ang mga iyan ba ang pinang-akit niya sa iyo?”
“Gusto ko po si Sydney,” pagpupumilit ni Kenneth.
“Pati ang kayamanan niya?”
“Lasing na po kayo,” umiiling na sabi niya at tinalikuran na ang ama.
Tumayo naman ito. “Huwag mo akong tatalikuran kapag kinakausap kita!” bulyaw nito sa kanya.
“Ano po ba’ng problema kung magkarelasyon man kami ngayon ni Sydney? Bakit n’yo iisipin ang sasabihin ng ibang tao?”
Lumapit si Simon sa anak. “Gusto ko ng matapat na sagot, Kenneth. Hindi ba kasali ang pera ni Sydney sa mga nagustuhan mo sa kanya?”
Hindi niya kayang magsinungaling sa ama. Alam niyang sukol na sukol siya nito kaya kinakastigo siya ngayon.
“Hindi masamang mangarap ng maalwang buhay para sa akin at sa inyo ni Dianne,” pag-amin ni Kenneth. “Pero hindi lang ang kayamanan ni Sydney ang bukod-tangi kong nagustuhan sa kanya. Mabuti po siyang babae.”
“Hindi pa rin tamang patulan mo siya. Maaaring nabubulagan lang siya sa iyo,” kontra pa rin ng ama. “Hindi ka bagay sa kanya. Hindi ka nararapat sa mga taong tulad niya.”
“Patawarin n’yo po ako pero hindi n’yo ako puwedeng diktahan sa lahat ng gusto kong gawin. Lalong hinding-hindi ako makikinig sa mga sasabihin ng ibang tao.”
“Puwes, huwag mo akong isali sa pangarap mo. Isauli mo lahat ng binili ni Sydney para sa akin!”
“`Tay—”
“Hindi kita pinalaking umaamot ng pera sa iba. Pinalaki kitang may prinsipyo, may dignidad. Ano itong ginagawa mo ngayon? Para kang nagpapakaputa!”
Noon na nawalan ng pasensiya si Kenneth. Naisatinig niya ang dalawang taon na rin niyang kinikimkim. “May naitulong po ba sa atin ang prinsipyo n’yo? Naiangat ba niyan ang antas ng pamumuhay natin? Noong naghihingalo si Nanay, natulungan ba siya ng dignidad n’yo? Ni halos hindi natin siya naipalibing kundi lang nagtulong-tulong ang mga kababaryo natin!”
Isang malakas na sampal ang sagot sa kanya ni Simon. Ang likod ng makapal at mabigat na palad nito ang tumama sa mukha ni Kenneth. Naramdaman niyang parang namanhid ang kanyang pisngi at mahapdi ang sulok ng kanyang bibig.
Namuo ang mga luha sa kanyang mga mata hindi dahil sa sakit na tinamo kundi dahil sa sama ng loob na noon lang siya napagbuhatan ng kamay ng ama. Ni hindi siya nito napalo noong bata siya. Mas maluwang ito sa kanilang magkapatid kaysa sa kanilang ina.
Patuloy namang nagmatigas si Kenneth. “Kahit bugbugin n’yo pa ako ay hindi magbabago ang pasya ko. Kung si Sydney ang magiging daan para maisalba ko ang buhay ninyo ay gagamitin ko siya. Hindi ko kayo hahayaang mamatay gaya ni Nanay.”
“Wala akong tatanggaping anumang tulong galing sa iyo, tandaan mo `yan!” singhal ni Simon. “Mas nanaisin ko pang mamatay na dilat ang mga mata kaysa magkaroon ng perang galing sa panggagamit mo ng ibang tao.”
“Hindi kayo mamamatay hanggang nandito ako.”
Nilaklak ng kanyang ama ang natitirang laman ng bilog na bote, saka iyon ibinagsak sa sahig. Galit na idinuro siya nito. “Ikinahihiya kita. Wala akong anak na gaya mo. Lapastangan!”
“Itakwil n’yo ako kung gusto n’yo. Kung kinakailangang ipabili ko ang hininga ninyo kay Sydney ay gagawin ko.”
“Umalis ka na ng bahay na ito at huwag nang bumalik pa.”
Pumasok na si Simon sa silid nito at pabagsak na isinara ang pinto. Marahas na pinahid ni Kenneth ang luhaang mga mata at tahimik na nilinis ang nagkalat na bubog sa sahig.
Pagpunta niya sa kusina ay nakita niyang may mga lutong pagkain sa kalan, nagluto siguro ang kanyang ama kanina nang hindi pa ito nag-umpisang uminom. Pumasok siya ng kuwarto at kumuha ng mga damit. Tahimik niyang nilisan ang kanilang bahay.
Pagsakay ni Kenneth sa kotse ay hindi niya na-start kaagad iyon. Kuyom ang mga palad na tumingin siya sa windshield, sa kawalan. Saka napasuntok sa kisame ng kotse, mabibilis, ilang beses, habang paulit-ulit na nagmumura. Hanggang sa isubsob niya ang mukha sa manibela at humagulgol nang matagal.
Iniyak ni Kenneth lahat-lahat ng depression niya sa buhay, lahat ng kalungkutan, ang pagpanaw ng kanyang ina, ang kanyang amang unti-unting pinapatay ang sarili… ang mga pangarap na ibinaon na lang niya sa lupa.
Pagbalik niya kay Sydney ay hindi niya naitago rito ang pumutok na bibig at mugtong mga mata. May dugo rin pala sa kamay niya, nasugatan siguro nang pulutin niya ang mga bubog sa sahig.
“What happened to you?” nag-aalalang tanong ng dalaga.
Umiling siya. “Wala.”
Tumuloy si Kenneth sa kusina, nakabuntot naman ito.
“Nakipagbugbugan ka na naman ba?”
“Wala ito.” Hindi niya ito nilingon. “Magluluto na ako, ano’ng gusto mong ulam?”
“Iniinit ko `yong adobo from last night,” sagot ni Sydney. “Saka may tira pang tinapa from this morning. Okay na `yon.”
Tumuloy si Kenneth sa kitchen counter at kumuha ng mga plato at kubyertos. “Kailan mo gustong pumunta ng La Union?” tanong niya habang inilalapag ang mga pagkakainan nila sa mesa.
“KENNETH, may problema ba?” usisa ni Sydney sa binata habang naghuhugas ito ng mga plato.
Tahimik ito kaninang kumakain sila, sa mga pagkain lang nakatutok ang atensiyon. Nagpasya siyang huwag muna itong kausapin kanina pero ngayon ay hindi na siya nakatiis pa.
“Pumapayag na akong maging boyfriend mo,” sabi nito sa mababang tinig.
Gusto niyang ngumiti sa narinig pero hindi niya magawa dahil binabagabag siya ng dilim ng mukha ni Kenneth.
“If you want to be my boyfriend then you have to be honest with me. Ano sabi ang nangyari sa iyo?”
“Huwag mo nang isipin `yon.”
“Well, sorry but I can’t just shrug it off.” Hinawakan ni Sydney sa braso ang binata, pinapatigil sa ginagawa. “Answer me,” utos niya.
Padarag nitong binitawan ang hinuhugasang kutsara sa lababo. “Putang-ina, sinabi nang huwag mo na itong isipin pa,” mariin nitong sabi.
Umakyat yata ang dugo sa kanyang ulo. “Kung iniisip mong mayayanig mo ako sa kabruskuhan mo, nagkakamali ka,” paangil niyang sabi kay Kenneth. Itinaas pa niya ang boses. “I demand an honest answer and I want it right fucking now!”
Pero mas mainit ang ulo nito. “Kung gusto mo akong maging nobyo, kailangan mo akong tratuhin na kapantay mo at hindi lang utusan na napapasunod at napapasagot mo anumang oras.”
“What the hell, Kenneth?” Oh, great. First few seconds of having a new boyfriend and here they were, arguing like a married couple. “Nagtatanong lang ako!”
“Sinampal ako ng tatay ko,” tiim-bagang na sagot ni Kenneth, nagtatagis ang mga ngipin. “Ayaw niyang makipagrelasyon ako sa iyo dahil nagmumukha raw akong manggagamit. Kontento ka na ba sa sagot ko?”
Hindi alam ni Sydney kung ano ang sasabihin. Tahimik namang ipinagpatuloy ng lalaki ang ginagawa. Nagpasya na lang siyang pumasok sa kanyang silid.
She was insulted, yes. Isang gamit lang ba ang tingin sa kanya ng ama ni Kenneth? Isang paghuhuthutan ng pera? Wala ba siyang karapatang maging normal na girlfriend ng isang lalaking mas mababa ang antas ng pamumuhay kaysa sa kanya?
Nanonood si Sydney ng music video sa kanyang laptop nang kumatok ang binata, pinapasok niya naman ito. Mukhang kalmado na ang mukha nito ng lumapit sa kanyang kama at umupo.
“I’m sorry nagalit ako sa iyo,” paghingi ng paumanhin ni Kenneth.
Hindi siya tumingin. “It’s okay. Makulit at bossy lang talaga ako minsan,” aniya sa malamig at mababang boses.
Saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan nila, parang nagpapakiramdaman silang dalawa. Hanggang sa si Sydney ang hindi nakatiis.
“Bakit ganoon ang sabi ng tatay mo?” usisa niya sa binata.
He deeply sighed before he gave her an answer. “Hindi ikaw ang problema. Ma-pride lang kasi si Tatay. Hanggang maaari, ayaw niyang humingi ng tulong sa ibang tao, kahit sarili niyang kapatid na may pera ay hindi niya nilalapitan kahit mahigpit ang pangangailangan namin.” He jadedly scoffed. “Hahayaan niya akong mabulok sa bilangguan kung hindi pa lumapit sa iyo si Dianne.”
“Maybe he’ll eventually change his mind about me,” positibong sabi ni Sydney. “Alam kong hindi ka magsasamantala sa akin, Kenneth. That’s why I chose you.”
Saglit na tumitig sa kanya ang lalaki bago nagsalita. “Kung aaminin ko bang isa sa mga dahilan ng pagpayag kong maging boyfriend mo ay dahil sa pera, magagalit ka ba?”
Natigilan si Sydney nang ilang sandali, gusto niyang madisgusto sa narinig pero nagpakarasyonal siya. Umiling siya bago sumagot. “At least you’re honest. Ginamit ko rin namang pangungumbinsi sa iyo ang pera ko, `di ba?”
Hindi niya itatangging may dismaya rin siyang naramdaman. Pera ba ang pangunahing dahilan ni Kenneth sa pakikipagrelasyon sa kanya? Lihim siyang umasa na hindi. Oo nga’t hindi pa matatawag na sapat na panahon ang pagkakakilala nila sa isa’t isa, pero malakas talaga ang kanyang pakiramdam na hindi ito mapagsamantalang tao.
“Sydney…” Humihingi ng pang-unawa ang mukha ni Kenneth, malumanay na rin ang boses. “Hindi ako nawawalan ng pag-asa para sa pamilya ko pero iniwasan ko nang mangarap pa. Gaya ng sabi ko sa iyo kanina, para kang isang magandang panaginip na dumating sa akin. Isang matinding atraksiyon ang naramdaman ko sa iyo mula pa noong una kitang makita, nagiging malalim pa iyon sa paglipas ng mga araw.
“Then you told me you wanted me to be your lover. Hindi na ako nagpantasya pa ng higit pa roon dahil labis-labis na kasiyahan na `yon para sa akin. What you’ve offered me today is a chance of a lifetime. Hindi lang dahil sa magiging mas malalim ang relasyon natin kaysa pagiging sexual partners lang, pero dahil maaaring mabago ang buhay ko dahil doon, may pag-asa nang maingat ko mula sa kahirapan ang pamilya ko.”
“Naiintindihan ko,” mahinang sambit ni Sydney, ipinatong niya ang palad sa kamay ng lalaking nakalapat sa ibabaw ng kama.
Who was she to judge, right? Kahit kailan ay hindi niya naranasan ang mawalan ng pera. Lahat ng mga bagay na gusto niya ay abot-kamay lang niya. Hindi niya alam ang pakiramdam kung paano maging mahirap.
“Salamat,” matipid na ngumiti si Kenneth. “Sana lang ay maintindihan din ito ni Tatay.”
“Maybe it would help if I talk to him? Baka makumbinsi ko rin siyang magpunta sa doktor.”
Matigas itong umiling. “Huwag. Mahirap kausap ang tatay ko, lalo kung nasa impluwensiya siya ng alkohol.”
“Bigyan natin siya ng panahon kung ganoon. Pasasaan ba’t matatanggap din niya ang lahat.”
“Sana nga.”
“Maiiwanan mo ba ang tatay mo kung luluwas tayo ng La Union?” pagbabago ni Sydney ng usapan.
“Pinalayas niya ako sa bahay. Magpapalamig muna ako bago bumalik doon. Ayoko nang mag-away pa kami. Bibilinan ko na lang si Dianne, pero hindi ko alam kung susundin niya ako.”
“I will give her money if that would help to keep her stay in your house, pati si Rita,” alok niya.
Tumango si Kenneth. “Sige, makakatulong nga iyan para may mag-asikaso kay Tatay habang wala ako doon.” Humawak ang lalaki sa palad niyang nakapatong sa kamay nito. “Maraming salamat, Sydney.”
Ngumiti siya. “You’re welcome.”
ISANG puting bahay na may dalawang kuwarto ang beach house ng namayapang lolo at lola ni Sydney sa Agoo, La Union. May wrapped-around porch, at sa backyard kung saan makikita ang dagat, may isang gazebo na yari sa kawayan at nipa. May matatanaw na mga tao sa tabing-dagat at mga bangkang pangisda sa tubig. Sariwa ang hangin na humahalo sa init ng araw sa buwan ng Abril.
Pangalawang beses na ni Sydney na makarating doon. Sumama siya noon sa pagbabakasyon sa kanyang mga magulang, isang bakasyong hindi niya na-enjoy dahil hindi nakatulong ang asul na kalangitan at dagat para pakalmahin ang mga ito’t hindi mag-away.
Napuna niyang parang malalim ang iniisip ni Kenneth habang nakadungaw sa dagat mula sa bintana.
Idinantay ni Sydney ang palad sa balikat ng binata. “Are you worried about your father?”
“Ayoko sanang umalis pero—”
“Binilinan kong mabuti sina Dianne at Rita. Sinabi ko ring tumawag sila ng ambulansiya agad kapag sinumpong ng sakit ang tatay mo,” pagpapagaan niya sa loob ng lalaki.
Mapait na ngumiti si Kenneth. “Kailangang walang malay kung isasakay sa ambulansiya si Tatay dahil kung hindi ay magwawala lang iyon. O baka kahit maitakbo siyang walang malay sa ospital ay magwawala pa rin doon pagkagising niya. ”
“Bakit ayaw niyang magpatingin sa doktor?”
“He has a death wish, I think. Nawalan na siya ng ganang mabuhay mula nang mamatay si Nanay. Pakiramdam ko, nawala na rin siya sa akin mula noon.”
“We’re not gonna let that happen, okay?” she assured him. “Tutulungan natin siya. Dadalhin natin siya sa Manila kung kinakailangan para matingnan ng mga espesyalista doon.”
“Hindi ko alam kung paano natin siya mapipilit, lalo na ngayon na galit siya sa akin.”
“Kenneth… I’m not telling you to be selfish right now, pero maaari bang isipin mo rin ang sarili mo, kahit ilang araw lang? I want you to enjoy this vacation with me. Alam kong hindi mo maiaalis ang mag-aalala sa tatay mo, but I tried to put everything in control while we’re away.”
Humarap sa kanya si Kenneth at marahan siyang hinapit sa baywang. “I’m sorry. Hindi na dapat ako nag-alok na lumayo tayo ng Sta. Barbara kung magdadalawang-isip lang pala ako ngayon. Pipilitin kong aliwin ang sarili ko dito, kailangan ko `yon para mas kalmado na ako kung maghaharap uli kami ng tatay ko. Hindi naman ako mahihirapang maglibang dahil kasama kita.” Unti-unti na itong ngumiti. Ang mainit, maaliwalas nitong ngiti na para bang palaging humahaplos sa kanyang kalooban.
Ikinawit ni Sydney ang mga kamay sa batok ng binata. Hindi tipikal ang umpisa ng relasyon nila, pero aalalahanin pa ba niya iyon ngayon? Nasisiyahan siyang kasama si Kenneth. Napapangiti siya nito nang walang kahirap-hirap.
Bonus pa na magaling itong humalik. At higit pa sa halik…