noveltoon logo noveltoon
Heat

Chapter 18

Ch. 19 / 29 Apr 09, 2022

CALL it a woman’s intuition, but Sydney had sensed that something was not right. Ramdam niyang maligalig si Kenneth nitong mga nagdaang araw at alam niyang hindi iyon dahil sa pamilya nito.

Nang hindi na makapagpigil pa ay tumawag siya kay Dianne. Tama nga siya sa hinuha, iba nga ang inaalala ngayon ni Kenneth.

“Nagkita pala kayo ni Paula?” kastigo ni Sydney sa nobyo nang pasukin niya ito sa study room.

Isinara ni Kenneth ang MacBook Pro. “S-sinong nagsabi sa iyo?”

Humalukipkip siya. “Hindi na importante iyon.”

“Nakipagkita ba siya sa iyo?” Tumayo ito mula sa swivel chair.

“Bakit, balak niyang makipagkita sa akin?!” mataray niyang balik-tanong. “And, answer my question. Ano’ng ginawa ninyo nang magkita kayo?”

“Wala kaming ginawa, nag-usap lang kami.”

“What does she want?”

“Gusto niyang magkabalikan kami.”

Sydney was silenced for a while. Pinag-aralan niya ang emosyong nasa mukha ni Kenneth pero parang ikinukubli nito ang tunay na nararamdaman. She started to feel doubtful and yet she didn’t want to be a nagging bitch.

“Okay,” mahinang sabi niya. “Gusto mo ba?”

Umiling ito. Gusto niyang isiping “hindi” ang ibig sabihin ng pag-iling nitong iyon at hindi ito umiling lamang dahil sa desperasyon.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito, Kenneth?”

“Ayokong maging problema mo ito. I can handle her.”

“Siyanga ba?” dudang tanong niya.

She fucking hated this. Ayaw niyang nagiging paranoid siya at kung ano-ano ang naiisip. Parang bumabalik lamang sa kanya ang nangyari sa kanila noon ni Jacob. Ayaw niyang masira ang pagtitiwala niya kay Kenneth.

Bakit palaging nangyayari ito sa kanya? Ginagawa naman ni Sydney ang lahat ng kanyang makakaya. Mahirap bang hilingin na sana maging smooth-sailing ang pakikipagrelasyon niya? Would that be too much to ask? Or was she destined to despair and be alone all her life?

Natatakot siya sa mga posibleng kasagutan ng mga tanong niyang iyon.

“Kahit tutukan mo pa ako ng baril mo ngayon din ay iyan pa rin ang isasagot ko,” matatag na tugon ni Kenneth.

Hindi na umimik pa si Sydney. Tahimik niyang nilisan ang study room at tumuloy sa kusina. Sumunod naman sa kanya ang nobyo.

“Sorry na,” sabi nito, saka yumakap mula sa likuran niya. “Hindi ko na siya pinapansin, madalas ko siyang babaan ng telepono kapag tumatawag siya. Hindi ko rin binabasa ang mga text niya. Kung gusto mo, sa susunod na tawagan niya ako ay ikaw ang sumagot.”

“Huwag na. Baka mamura ko lang ang gagang `yan,” inis niyang sabi at padarag na binuksan ang ref at kumuha ng isang lata ng San Mig Light.

“Huwag ka nang magalit sa akin,” lambing ng lalaki, humalik sa kanyang buhok.

Siniko niya ito, saka binuksan ang tangang lata ng beer. “Layuan mo nga ako. Naiinis ako sa iyo ngayon.”

“Huwag ka nang magselos—”

“Who said I’m being jealous?” angil ni Sydney. “Ayoko lang ng iniiputan ako sa ulo, Kenneth! Respeto lang sana. Kung ayaw mo na sa akin ay sabihin mo lang at hindi ko ipagpipilitan ang sarili ko sa iyo. Madali akong kausap.”

“Calm down, sweetheart. Hindi ako nagtataksil sa iyo.”

“Subukan mo lang,” matiim niyang sabi at nilaklak ang beer.

SINISIKAP bumawi ni Kenneth sa kasalanan niya kay Sydney, pero mukhang mailap pa rin ito sa kanya pagkatapos ng tatlong araw mula nang komprontahin siya nito tungkol kay Paula. Hindi na niya alam ang gagawin sa nobyang buong puwersang itinaas ang malamig at matigas nitong depensa sa sarili. Kahit siguro mag-perform siya ng song and dance sa harap nito ay hindi uubra. Baka barilin lang siya sa paa.

He missed her already. At they hadn’t fucked for three days now! Nagtatampo na sa kanya si Junior. Pero hindi ang katawan lang ni Sydney ang hinahanap-hanap ni Kenneth. Mas nangungulila siya sa masasayang kuwentuhan nila, ang panonood nila ng mga pelikula, ang pagluluto nang magkasama. Nag-uusap pa rin naman silang dalawa pero hindi na gaya ng dati. Halata ring palagi siya nitong iniiwasang makasama.

Sa inis tuloy kay Paula ay tatlong araw na ring patay ang iPhone niya. Ang landline ang ginagamit niyang pantawag kay Dianne at binantaan itong huwag ibibigay kay Paula ang phone number ng bahay ni Sydney.

Isang umagang galing si Kenneth sa pagdidilig sa hardin ng bahay ay pumitas siya roon ng tatlong pulang rosas. Hindi lang ang mga iyon ang naisipan niyang ibigay kay Sydney na hindi pa lumalabas mula sa master’s bedroom. Ipinagprito niya ito ng dalawang sunny-sideup, at tatlong jumbo hot dogs; at nagtusta siya ng dalawang slice ng loaf bread na pinahiran niya ng butter. Nag-brew siya ng kape at naglagay ng orange juice sa baso. Napangiti siya nang matantong alam na alam na pala niya ang eating habit ni Sydney. Black coffee with cream, no sugar; orange juice with three ice cubes in a tall glass.

Maingat siyang pumasok sa silid ng babae dala-dala ang tray ng pagkain kasama ang tatlong rosas. Naalimpungatan naman ito nang ilapag niya ang tray sa bedside table.

“Good morning,” nakangiting bati ni Kenneth nang tumingin ang nobya sa kanya. “Matulog ka lang kung inaantok ka pa. Iiwan ko na lang ang mga ito dito.”

Naghikab si Sydney at nag-inat, saka bumangon na. “Hmm, `morning. Kumain ka na?” she mumbled in between yawning.

Umiling si Kenneth. “Nagkape lang ako. Hindi kasi ako nakakakain nang wala ka sa tabi ko.”

Simangutan siya nito. “Umagang-umaga, binobola mo na naman ako.”

“Hindi kita binobola.”

“Eh, `di kumain na tayo. Share na lang tayo ng food dito.”

“Huwag na, ang konti ng makakain mo. Hindi ka mabubusog.”

Ngumiti na ito. How he had missed that smile… “Eh, di kumain uli tayo mamaya.”

Ang lapad ng ngiti niya. “Okay.”

Iniabot ni Kenneth kay Sydney ang isang slice ng tinapay. Inabot naman nito sa tray ang mga bulaklak at inamoy ang mga iyon.

“Puting bulaklak dapat kung peace offering,” tudyo nito sa kanya.

“Alam ko. Wala kasi akong nakitang ganoon sa hardin,” sabi niya naman. “Saka ayos `yang red roses para romantic.”

Pabirong inirapan siya nito. “Palusot ka pa.”

“Sorry na. Huwag ka nang magalit sa akin,” lambing niya at iniabot dito ang tasa ng kape.

“Oo na,” wika ng nobya na sinundan ng paghigop sa kape.

“Parang napipilitan ka lang yata?” biro ni Kenneth.

“Bawiin ko `yan, makita mo.”

Tumawa siya.

“Uhm, may nakalimutan ka,” paalala ni Sydney nang akmang kakagat siya sa tangang tinapay.

“Ano?”

“My morning kiss.” May halong lambing ang boses nito, ang magagandang mata ay nagniningning.

Nakangiting inilapit ni Kenneth ang mukha sa nobya at hindi lamang dampi ang paghalik niya sa mga labi nito kundi mainit at malalim.

PASADO alas-nuwebe ng gabi nang marinig ni Kenneth na nagri-ring ang telepono mula sa console table sa hallway. Tulog na siguro si Sydney dahil hindi nito sinasagot iyon mula sa linya sa silid nito. Mahina rin ang volume ng ring ng telepono roon.

Si Dianne ang tumatawag at agad na nag-alala si Kenneth. “Gabing-gabi na, anong problema?” sita niya agad sa kapatid.

Inis ang boses nitong sumagot. “Hay naku, `yang si Paula mo, ako ang iniistorbo, hindi ka raw niya ma-contact.”

Napakamot sa batok si Kenneth. “Huwag mo siyang pansinin. Patayan mo ng telepono.”

“May sakit daw siya ngayon, kailangan niya ng gamot.”

Napamura siya. “Ano’ng nangyari sa kanya?” Gustong pagalitan ni Kenneth ang sarili dahil sa biglang pag-atake ng pag-aalala. But could he blame himself? Natural na sa kanya ang mag-alala para sa ibang tao, lalo pa’t konektado sa kanya.

Kailan ba mapuputol ang koneksiyon nila ni Paula? Handa na siyang mag-move on pero parang tanikalang nakakadena sa kanyang mga paa ang kahapon. Hindi niya matatalikuran ang tunay na nararamdaman.

“Aba, ewan ko. Natipus na siguro ang loka. `Buti nga!”

“Dianne!”

“Hindi ko nga alam. Basta puntahan mo raw siya sa bahay niya, ibinigay niya sa akin ang address. Ewan ko lang kung nagsasabi iyon ng totoo. Bahala ka kung gusto mong puntahan, pero kung ako sa iyo, eh, hahayaan ko na lang siyang mamatay—”

“Ano ang address niya?”

Mabilis na bumalik sa kanyang silid si Kenneth matapos makuha ang address ni Paula. Hindi na siya nagpalit ng damit. Naka-pajama siyang kinuha ang duplicate car keys na bigay sa kanya ni Sydney sa hook na katabi ng pinto. Paglabas niya ng hallway ay nagulantang siya’t nakatayo roon si Sydney, hinihintay siya.

Naloko na. Sa palagay niya ay dinampot ng nobya ang telepono sa kuwarto nito at napakinggan ang usapan nila ni Dianne.

“Sasama ako,” sabi nito, matigas ang boses at may kahalong pagbabanta.

Hindi na siya nakipagtalo pa, dahil kung totoong may sakit nga si Paula ay wala siyang dapat aksayahing sandali. Magkasunod silang lumabas sa garahe at walang imikan sa loob ng kotse.

PAKIRAMDAM ni Sydney ay napakaistupida ng kanyang ginagawa pero nakapagpasya na siyang sumama sa pagpunta ni Kenneth kay Paula. Oras na para makilala niya ang babaeng iyon.

Sa isang madilim na dikit-dikit na kabahayan nakatira si Paula. Kinailangang iwanan nila ang sasakyan sa tabi ng kalsada dahil hindi iyon makakapasok sa makipot na daan sa compound. Maling bahay pa ang una nilang napuntahan pero alam naman ng may-ari niyon ang kanilang hinahanap. Umuupa raw ng kuwarto si Paula sa kabilang bahay.

Hindi nga nagsisinungaling ang ex-girlfriend ni Kenneth. Nakaratay ito sa kama nang papasukin sila ng kasama nito sa bahay na iyon. Mukhang nilalagnat ito.

“Hindi ko alam kung trangkaso o dengue ito,” nanghihinang sabi ni Paula nang salatin ni Kenneth ang mga pisngi’t noo nito.

Kitang-kita ni Sydney ang pagliliwanag ng mukha ng maysakit na nakatitig lang kay Kenneth. Maganda pala ito, napakaganda. Magaling talagang pumili ng mga babae ang kanyang nobyo.

“O, baka pneumonia ito,” nahihintakutan pang sabi ni Paula. “A-ayoko pang mamatay, Ken.”

“Hindi ka mamamatay. Dadalhin kita sa ospital,” mabilis na pasya ni Kenneth at pilit na ibinangon nito si Paula.

Akmang tutulong sana si Sydney pero pinigil siya ng lalaki. “I got this,” wika nito at binuhat si Paula para ilabas sa bahay.

“Ipasok mo siya sa backseat. Ako na’ng magmamaneho,” sabi niya na hindi nito kinontra.

Of course he didn’t argue. Ang buhay lang naman ni Paula ang pinakamahalaga dito ngayon. Heto’t natataranta’t nangangamba ang lalaki habang yakap nito sa backseat ang dating nobya.

Sydney wanted to get mad at herself. Heto’t may inililigtas silang tao pero nakukuha pa niyang magselos.

Pagdating nila sa ospital ay parang nawala na siya sa paningin ni Kenneth. Deretso ito sa emergency room na buhat-buhat si Paula at hindi naman siya pinapasok doon ng hospital staff. Nagbantay roon ang lalaki habang nilalapatan ng lunas si Paula. Narinig niya mula sa isang nurse na trangkaso raw ang sakit nito.

Sumilip si Sydney sa pintuan ng emergency room. Natanaw niya mula roon na hawak-hawak ng nobyo ang kamay ni Paula. Parang may piniga sa loob ng kanyang dibdib sa eksenang iyon.

Mag-iisang oras ang lumipas nang sa wakas ay parang naalala ni Kenneth na kasama rin pala siya nito sa ospital kaya napalabas ito ng emergency room.

Tumayo siya mula sa kinauupuang bench sa waiting area, sinalubong ng tingin ang papalapit na nobyo. She was dreading what she might see in his eyes but she looked at them anyway. And she was right. Nakita niya sa mga mata nito ang katotohanan. Ang masakit na katotohanan…

“I’m going home. Magta-taxi na lang ako. Iiwan ko sa iyo ang kotse,” pasya ni Sydney. Tumikhim siya, pilit tinatanggal ang bumibikig sa kanyang lalamunan. “May dala ka bang pera?”

Tumango si Kenneth. “Puwede naman kitang ihatid pauwi.”

“Huwag na. Bantayan mo na lang si Paula.” Noon na siya nag-iwas ng tingin. Nag-uumpisa na ring mag-init ang kanyang mga mata.

“Sydney,” pigil sa kanya ng nobyo nang talikuran siya nito.

“You still love her,” kusang lumabas mula sa kanyang bibig.

Wala siyang narinig na tugon mula rito. Nagtiim ang mga ngipin niya’t namasa ang mga mata. If there would be a sound for heartache, maybe it would be like this… a dreadful silence.

Marahang hinila ni Sydney ang braso mula kay Kenneth at mabibigat ang hakbang na lumabas siya ng ospital. Nang hindi siya nito sinundan ay doon na niya malayang pinapatak ang mga luha.

Pagdating sa bahay ay doon na niya ibinuhos ang lahat ng sama ng loob sa pamamagitan ng paghagulhol. She didn’t think she could cry like this over a man, yet over another failed relationship. Ni hindi nga niya noon iniyakan si Jacob na matagal niyang nakarelasyon.

Paulit-ulit na lang ang nangyayari sa kanya. Ang mas masaklap pa ngayon ay maingat niyang plinano ang magiging relasyon niya kay Kenneth. Pumili siya. Nagplano. Ginamit pa niya ang pera. She still got hurt in the end. Mahirap ba talagang maging masaya? Hindi naman world peace ang hinihiling para maging imposible iyon.

“Mahirap ba akong mahalin?” she sobbed as she slowly sat down on the floor and wept endlessly.

HAPON na ng kinabukasan nang umuwi ng bahay si Kenneth. Tama sa hinuha si Sydney na inaasahan na ng lalaki ang gagawin niya. Nakaempake na lahat ng mga gamit nito. Sa kabila ng kanyang sama ng loob ay wala siyang kinuha mula rito sa mga bagay na ibinigay niya.

“Just look me in the eye and tell me the truth, Kenneth. You owe it to me,” kastigo pa niya sa lalaki nang walang imik itong tumingin sa mga nakaempakeng gamit nito.

“Alam mo na ang totoo.” Ayaw tumingin sa kanya ni Kenneth. Ayaw siguro siyang mainsulto pa.

“Gusto kong marinig mismo galing sa iyo.”

Basag ang boses nitong sumagot. “Oo, mahal ko pa si Paula.”

Nagpakatatag si Sydney pagkarinig ng mapait na katotohanan. Hindi na siya iiyak, lalo pa sa harap ng lalaking ito.

“Did you fuck her while we were in a relationship? `Yong mga panahong iniiwanan kita dito sa bahay—”

“Sinabi ko na sa iyong wala kaming ginawa ni Paula kundi nag-usap lang sa harap ng bahay. Minsan lang nangyari iyon dahil iniwasan ko na siya.”

Patlang.

She saw the conflict in his eyes. Parang gusto siyang lapitan ni Kenneth pero pinipigil nito ang sarili.

Si Sydney ang bumasag ng katahimikan. “I can give you everything, you know?” Pumiyok ang kanyang boses. “B-but I guess my everything is not really enough, huh?”

“I’m sorry. H-hindi kita gustong saktan, Sydney.”

But you did, asshole! gusto niya sanang isigaw sa pagmumukha nito. Gusto rin niya itong pagsasampalin, sumbatan. But what good would it make? Malinaw na sa kanya ang lahat, hindi kayang ipagpalit ni Kenneth sa pera ang pag-ibig.

“You can go, Kenneth,” pagtataboy na niya sa lalaki. “Leave the car keys, please.”

Tahimik itong tumalima, binitbit ang mga maleta palabas ng bahay.

Mistula namang unti-unting nadudurog ang pagkatao ni Sydney nang mga sandaling iyon. Ganito na lang ba? Iiwanan siyang talunan ng lalaking pinagbigyan niya ng lahat-lahat ng mayroon siya? Ano pa ba ang hindi niya kayang ibigay? She could love him, too. Damn it, maybe she was even already in love—

No. Stop. Don’t go there, Sydney. Ever.

Hanggang sa may kumatok sa pinto ng kuwarto. Parang gusto niyang mabuhayan ng loob. Magbabago ba ang pasya ni Kenneth?

Marahan niyang binuksan ang pinto at bumungad sa kanya ang nahihintakutang mukha ng binata.

“S-Sydney, pakiusap… Tumawag si Dianne ngayon lang. Nasa ospital si Tatay. K-kailangan namin ng pera.”

Pera. Hanggang doon lang ang kailangan ni Kenneth sa kanya. Iyon lang ang kaya niyang ibigay rito, ang kaya nitong tanggapin nang buong-buo. Right there and then, this man had succeeded to break her into tiny pieces.

KAHIT ano ang pangungulit pa ang ginawa ni Paula ay hindi nagpapigil si Kenneth na umuwi siya ng Sta. Barbara. Nailabas na ang babae sa ospital, bumaba na ang lagnat at magiging maayos na raw ang lagay sabi ng doktor. Ang ama naman ngayon ang kanyang sasaklolohan.

“Bakit ka nakipaghiwalay kay Sydney? Ano ka ba naman, Kuya!” Nakuha pa siyang pagalitan ng kapatid sa telepono. “Paano kung ayaw na niyang magbigay ng pera?”

“Magbibigay `yon. Hintayin mo lang ang text o tawag niya.”

Parang mahihilo si Kenneth sa dami ng mga nangyari mula pa kagabi.

Hiwalay na sila ni Sydney. Ni hindi siya nagpumilit na huwag siyang itaboy nito. Maybe that was what he really wanted in the first place. Siguro, sa kaloob-looban niya ay mayroon siyang kagustuhan na kumawala na sa kanilang relasyon dahil iyon ang tamang gawin. Siguro ay hindi niya maaatim na umasenso sa buhay dahil lang sa pagpayag niyang pakikipagrelasyon sa isang babae. Siguro ay alam niyang hindi siya sasaya sa ganoon. Siguro ay alam niyang tama ang kanyang ama sa mga sinabi nito sa kanya. Siguro…

Andaming siguro. `Tang-ina.

Ang mahalaga sa ngayon ay maisalba ang amang nasa masamang kalagayan ayon kay Dianne na tumawag sa kanya kanina. Walang malay raw itong isinugod sa ospital, na-stroke. Mabuti na lang at pumayag si Sydney na magpadala ng pera agad sa kanyang kapatid. Ilang libo lang ang nasa kanyang wallet, natitira mula sa perang bigay sa kanya ng nobya— shit… Dating nobya na pala.

Iniwan ni Kenneth ang mga gamit sa tinutuluyan ni Paula at agad siyang bumiyahe pauwi sa probinsiya. Habang nasa bus ay dasal siya nang dasal. Pero tulog yata ang Diyos sa mga panahong iyon dahil pagdating niya sa ospital na pinagtakbuhan sa kanyang ama ay inabutan na niya itong walang buhay. Kamamatay lang daw nito. Ilang sandali lang bago siya nakapasok doon.

“A-ano’ng nangyari? Bakit nandito lang siya sa hallway?” galit niyang tanong sa kapatid.

“Puno ang emergency room, Kuya,” umiiyak na sabi ni Dianne.

“Bakit hindi mo pinalipat sa ibang ospital? Hindi ba pinadalhan ka ni Sydney ng pera?”

“W-walang perang padala si Ate Sydney. Wala akong natanggap na text o tawag gaya ng dati tuwing magpapadala siya sa akin.”

“A-ano?! Sabi niya—” Naihilamos ni Kenneth ang dalawang palad sa mukha. Naisipan niyang tawagan si Sydney pero para ano pa?

Sinamahan na lang niya ang kapatid sa pag-iyak. Isang buhay na naman ang nawala sa kanya. Isang parte na naman ng sarili niya ang namatay. Magpapatuloy na naman siya buhay na may kulang sa kanya na hinding-hindi na mapupunan pa.