S I BERNARD ay nakaupo sa may talampas. Pinanonood ang paglubog ng araw. Sa mismong mga mata niya’y nakita ang pagpapalit ng kulay ng araw.
From gold, to crimson, to indigo, hanggang sa tuluyang maglaho at humalili’y malamlam na liwanag mula sa likod ng mga ulap.
Tulad din ng pagpapalit ng kabanata ng buhay niya.
But what will happen to him now?
Kailangan bang isakripisyo niya ang kaligayahan dahil lang sa binitiwang salita? Gaano ba dapat kahalaga ang isang salita?
Katumbas ba ng buhay niya?
Isa kang Fortalejo, Bernard. Maraming kapintasan ang ating angkan, pero kailanma’y hindi sumisira ang mga Fortalejo sa pangako.
Ipinilig ni Bernard ang ulo. Tila tinig ni Leon ang narinig niya. Nanlulumong nagbuntong-hininga. Totoong mahalaga ang salita niya bilang isang Fortalejo.
Minsan nang sinabi sa kanya ni Andrea na noong nagpapasimula pa lang si Leon ay palabra de honor lamang nito ang ginamit upang makautang ng higit pang kapital sa negosyo nang walang anumang kolateral.
Pangalan at pangakong lubos na pinagkatiwalaan ng maraming tao.
“Hindi ako karapat-dapat na maging Fortalejo, Papa,” wala sa loob na usal niya sa naghihirap na loob. i sinandal ang ulo sa puno ng akasya at pumikit. “Naging mahina ako. Nagpakasal ako sa ibang babae gayong ipinangako ko ang pag-ibig at pangalan ko sa isa...” gumagaralgal niyang sinabi.
Tonterias! Isa kang Fortalejo, Bernard. Life isn’t a bed of roses. Ang buhay ay puno ng pakikipagsapalaran. Use your wisdom. Hindi dahil isa kang Fortalejo ay mangangahulugang hindi mo daranasin ang dinaranas ng ordinaryong tao. At hindi ko kayang panghimasukan ang buhay mo ngayon. Yet, you’ve been doing well, Bernard, and I am so proud of you, son!
Gulat na nag-angat ng ulo si Bernard. “Papa!” Subalit malakas na ihip ng hangin ang naririnig niya.
Inililipad nito maging ang suot niyang kamiseta. Hindi na rin niya halos maaninag ang paligid dahil nagdidilim na. Tumayo siya at muling nilinga ang paligid.
“I swear I heard you, Senior,” bulong niya. Muling umiling at mapait na ngumiti. “I’m going out of my mind. Pati ako ay naaapektuhan ng presensiya mo. But really, Senior, I wish we had sometime together. Na sana’y agad mong ipinaalam sa akin ang aking pagkatao… sana’y hindi humantong ang ganito sa aming dalawa ni Jewel...” m uli siyang umiling.
Si Leon Fortalejo, the aristocratic, powerful and manipulating old man, ganoon pa man ay hindi nito nakayang tiyakin ang kaligayahan niya.
Tumingala sa madilim na kalangitan si Bernard at pinuno ng hangin ang dibdib. Pagkatapos ay humakbang patungo sa pinagtatalian kay Firewind. Sumampa rito at mabilis na pinatakbo pababa ang stallion.
Sa ibaba ng talampas ay ang magkasangang-daan. Ang isa’y patungo sa de Silva Farm at ang isa’y pabalik sa Asyenda Kristine, ipinihit niya patungo sa de Silva farm ang renda ng kabayo subalit tumaas ang dalawang unahang paa ni Firewind kasabay ng paghalinghing nang malakas.
Kung mabilis ang takbo ng stallion at kung hindi siya mahusay na mangangabayo ay naihulog na siya nito.
“Hey, what’s wrong with you, boy?” Sa nagsisimulang paglitaw ng buwan ay niyuko niya ang daan.
Inaaninag ng mga mata ang maaaring katakutan nito. Subalit wala siyang makita. Marahil ay may nagdaang ahas.
Tinapik-tapik ng paa niya ang tagiliran nito at muling hinila ang renda subalit matigas na ibinalik ng stallion ang ulo pakabila.
“Firewind!” hiyaw niya nang muling tumaas ang dalawang paa ng stallion at humalinghing nang malakas.
Wala sa loob na hinila niya ang renda sa kabilang daan at walang anumang sumunod ang kabayo at mabilis na tumakbo talunton ang daan pabalik sa Asyenda Kristine.
TAMA ang impormasyong ibinigay ni Charlie sa kanya. Iilan lamang ang tao sa villa at mga katulong pa. At napag-aralan na nito ang mga kilos ng mga tao sa loob ng villa. Dalawang matandang katulong. Isang binatilyo at isang lalaki pa sa may kuwadra.
Kaninang medyo maliwa-liwanag pa’y nakita nitong lumabas ang isang matandang babae at may sinabi sa lalaki sa kuwadra. Ilang sandali pa’y sumakay ito ng kabayo at umalis. Nabawasan nang isa ang sagabal.
Si Diana, tulad ng isang reyna’y nasa loob marahil ng villa sa silid niya at nagpapahinga.
Maingat na lumabas sa pinagkublihan nito si Kenneth. Walang kilatis na nakalapit ito sa nakatalikod na boy na nasa kuwadra. Pagkatapos ay itinaas ang baril na hawak at ipinalo sa ulo. Walang malay na bumagsak sa lupa ang boy
Walang ingay na hinila nito ang boy sa loob ng kuwadra. Bahagyang nag-ingay ang mga kabayo at agad din itong nangubli at nagmatyag na baka may lumabas. Nang matiyak na walang naligalig sa ingay ng mga kabayo’y muli itong lumabas sa pinagkublihan at nangubli sa dilim patungo sa kusina.
“Nakaluto ka na ba, Agring?” Si Mang Tonyo. Agad na napaatras sa pader si Kenneth. “Baka gutom na si Lenny at si Ma’am...”
Lenny?
Maliban kay Diana at sa mga katulong, may iba pa bang tao sa villa?
“Malapit na. Alas-siyete y media pa lang naman. Ikaw na nga ang gumayak ng mesa at ilalabas ko na muna ireng basura dine sa likod,” wika ni Agring at binuksan ang kahoy na screen door.
Muntik pa itong mapasigaw nang may biglang sumalikop sa kanya. “Huwag kang sumigaw kung hindi mo gustong sumabog ang bao ng ulo mo! At huwag kang gumawa ng ingay!”
“Opo! Opo!” nag-panic na wika ng matanda. Mula sa liwanag sa loob ng kusina ay nakita nito ang dulo ng baril sa may pisngi nito.
Pakaladkad na ipinasok ni Kenneth pabalik sa loob ng kusina si Agring. “Tawagin mo ang kasama mo!”
“T-T-Tonyo…” h alos walang lumabas na tinig sa bibig ng matanda sa matinding takot. “T-Tonyo...” u miiyak na ito.
Lumabas mula sa komedor ang matandang lalaki. “Ano ba’ng...” Nahinto sa paghakbang ang matanda sa nabungaran. Nanlaki ang mga mata. “Agring!”
“Huwag kang gumawa ng masama kung gusto pa ninyong magtagal ang buhay n’yo!” Itinuon ni Kenneth ang baril sa matandang lalaki na agad nanginig ang mga tuhod pagkakita sa asawang halos sakal na ni Kenneth.
“A-ano ang kailangan ninyo sa amin? Mga... mga katulong lang kami rito...” ang matandang lalaki.
Mula sa bulsa nito’y dinukot ni Kenneth ang isang nylon cord at inihagis sa matandang lalaki. “Maupo ka sa silyang iyan at itatali ka ng matandang ito!” utos nito sa mahina subalit mapanganib na tono.
Mabilis na sumunod si Tonyo. “Hala, itali mo ang asawa mo! Mahigpit. At huwag kang magtangkang kumilos ng masama!” Itinulak nito si Agring patungo sa asawa. Kung hindi agad nakakapit sa silya’y nasubsob ang matanda.
Sa nanginginig na mga kamay ay inikot nito ang nylon cord sa katawan ni Tonyo at sa silyang narra habang nakatuon sa sentido nito ang baril na hawak ni Kenneth.
“Higpitan mo!”
“Opo! Opo!” Hustong naitali ni Agring ang asawa’y tila kandilang naupos ito pabagsak sa sahig sa matinding sindak at takot.
“Agring!”
“Put…” Si Kenneth na muling itinutok sa matandang lalaki ang baril. Pagkatapos ay muling dumukot sa bulsa at inilabas ang isang panyo at itinali sa bibig ng matandang lalaki.
Nang matalian ang bibig ni Mang Tonyo ay binalingan nito ang nakahandusay na si Agring at isinandal ang walang malay na babae sa paanan ng silyang pinagtalian sa lalaki. Ang dulong panali ay itinali nito sa mga kamay ng matandang babae na ang ulo’y humandusay sa tagiliran.
Pagkatapos ay nagpalinga-linga sa paligid at lumabas patungo sa komedor. Sandaling napahugot ng paghinga si Kenneth sa kasangkapang nabungaran. Kahit ang aranya sa sampuang dining table ay makapigil-hininga ang rangya.
Nagpatuloy ito palabas ng sala-grande at lalong namangha ang lalaki sa mga mamahaling antigong kasangkapan. Hindi birong pera ang halaga ng grandfather’s clock sa sulok. Ang grand piano ay kayamanan na ang halaga. Ang mga antigong kasangkapan na hindi pagdadalawang-isip na bilhin ng mga antique collector ay makapigil-hininga.
Isang guest room sa ibaba ang ginawang video room ni Bernard mula nang dumating ang mag-ina sa villa. At mula roon ay lumabas si Lenny.
“Nana Agring...” tawag ng bata na napahinto nang makita si Kenneth. “Sino ka?” Umilap ang mga mata nito nang mapuna ang baril sa kamay ni Kenneth.
Si Kenneth ay nagsalubong ang mga mata pagkakita sa bata. Hindi nito inaasahang makakita ng bata sa villa. Ano ang ginagawa ng batang ito rito? At sino ito? Anak ba ito ni Diana?
“Ikaw, sino ka? Nasaan ang… mommy mo?” pananalakab nito.
“Lenny ang pangalan ko,” taas-noong sagot ng bata. “Ano ang kailangan mo sa mama ko?”
Tama ang hinala niya. Anak ni Diana at Bernard ang batang ito. Siyang paglabas ni Pacita na sinundan ang alaga. Nang makita ang hindi kilalang lalaki at ang hawak nitong baril ay agad na pahisteryang sumigaw.
Nataranta si Kenneth sa sigaw. Iniumang ang baril kay Pacita at pinaputok. Bumagsak sa sahig ang katulong.
“Yaya!” hiyaw ni Lenny na bumaba sa tabi ng yayang may tama sa kanang dibdib. “Yaya...”
Pagkatapos ay nanlilisik ang mga matang binalingan si Kenneth na nagpalinga-linga. Naguluhan sa pagsulpot ng mga hindi inaasahang tao.
“Masama kang tao!” Tumayo ito at agad na sinugod ang lalaki at pinagsusuntok sa hita. “You killed my yaya!”
“Shut up!” Tinabig nito ang bata palayo.
Si Jewel na narinig ang putok ng baril mula sa banyo ay nakaroba lang nang sumungaw sa itaas ng balustre. Ang pagtabig ni Kenneth sa bata ang nabungaran niya.
“Lenny!” On instinct, ay nagtatakbong pababa si Jewel upang daluhan ang anak.
“Mama, he killed Yaya!” sigaw ni Lenny nang makita ang inang bumababa ng hagdan.
Si Kenneth ay tuluyan nang nataranta sa pagsulpot ng isa pang hindi kilalang tao. Patakbong sinunggaban si Lenny at binuhat, sabay tutok ng baril sa sentido ng bata.
“Hanggang diyan ka na lang!” babala nito kay Jewel.
Nawalan ng kulay ang mukha ni Jewel na huminto sa pagtakbo palapit. Pinaglipat-lipat ang tingin sa anak at sa lalaking may hawak dito at sa nakahandusay na si Pacita.
“S-sino ka? Oh, please don’t hurt my son!”
“Hindi ko siya sasaktan,” ani Kenneth na umatras at itinuon ang baril kay Jewel. “Nasaan si Diana? Sino ka? Narito ba si Bernard?”
“Ano ang kailangan mo sa papa ko?” galit na tanong ni Lenny na ang mga mata’y nasa baril na nakatuon sa ina.
Naningkit ang mga mata ni Kenneth sa narinig. Anak ni Bernard ang bata pero bakit inaangkin ng babaeng ito na anak din?
“Pakawalan mo ang anak ko...” pakiusap ni Jewel sa nanginginig at nasisindak na tinig. “Kung pera ang kailangan mo’y wala akong malaking halaga dito… nagkakamali ka ng pagpasok sa bahay na ito…”
Hinagod siya ng tingin ni Kenneth. Sa pagmamadali sa paglabas sa banyo’y hindi gaanong naibuhol ni Jewel ang tali ng roba at bahagyang lumitaw ang isang bahagi ng dibdib niya. Maiksi lang ang roba at inilitaw nito ang magagandang hubog ng binti niya.
May kung anong kumislap sa isip ni Kenneth. Ibinalik ang mga mata sa mukha ni Jewel. Maganda. Hindi lang bata, maganda. Napakaganda. Bata at sariwa.
Si Jewel ay mabilis na pinagsalikop ang roba sa nakitang malisya sa mga mata ng lalaki.
“B-bitiwan mo ang anak ko, utang-na-loob. Kung ano man ang kailangan mo’y kunin mong lahat…”
“Nasaan si Bernard at Diana? Nasaan sila?” malakas nitong hiyaw. Kung nasa loob ng bahay ang mag-asawa’y kanina pa dapat lumabas sa putok pa lang ng baril.
“W-wala sila dito… hindi sila dito nakatira…” s i Jewel na ang tingin ay sa anak at sa baril na hawak ni Kenneth. “K-kung sila ang kailangan mo’y wala sila dito. N-nasa Maynila sila.”
Wala si Diana! Dammit!
Wala ang taong sadya nito sa lugar na ito. Nagkagasta ito at nakapatay na. Pero hindi ito aalis nang walang nangyayari. Dadalhin nito ngayong gabi pabalik sa mainland ang anumang bagay na mahalaga at hindi mabigat. At titiyakin nitong walang makakaalis ngayong gabi sa bahay na ito upang abalahin ang pagtawid nito ng dagat.
At kung wala si Diana upang pagsawaan nito’y may kahalili naman. Higit na maganda. Agad ang reaksiyon ng katawan nito sa kaisipang iyon.
Si Lenny ay sinamantala ang sandaling pagkatigagal ni Kenneth at kinagad ito sa braso nang ubod-lakas. Nabitiwan nito ang bata.
“Run, Lenny, run!” hiyaw ni Jewel. Itinutok ni Kenneth ang baril sa tumatakbong bata.
“Huwag!” malakas na sigaw ni Jewel na nanlaki ang mga mata. Patakbo nitong inagapan ang braso ni Kenneth na may hawak ng baril.
Sa pagkakataong iyon ay bumukas ang malaking pinto at sumungaw si Bernard. Muntik nang tamaan ng panel ng pinto ang bata.
“Papa!”
“Lenny! Ano ang...” bulalas nito kasabay ng pag-angat ng tingin sa kinaroroonan ni Jewel na nasa harap na ni Kenneth at nakatutok ang baril sa leeg.
“ Dio , Jewel!” Gustong manlaki ng ulo ni Bernard sa nakita.