I hateD myself. Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko mapigilan na magkagusto at umasa sa mga ipinapakita ni Paolo sa akin. My hopes were getting higher and higher sa mga lumilipas na araw. Pinipilit ko ang sarili ko na huwag umasa dahil halata namang he would never see me as a woman with whom he would fall in love.
Alam kong sa mga mata niya ay isa lang akong seventeen years old. Isang taon na ang lumipas nang ma-realize kong may gusto ako sa kanya. Nakakainis dahil habang tumatagal ay lumalalim ang nararamdaman ko. Alam kong isang araw, lalabas na ito at masasabi ko kay Paolo. At iyon ang araw na kinatatakutan ko. Ang araw na malaman niyang may nararamdaman ako para sa kanya.
“Ayaw mo ba talagang magpahatid?” tanong sa akin ni Paolo ngayong umaga. Papasok na ako sa school. First year college student na ako.
“Ayoko,” mariin kong sagot. “Nakakahiya na first year college na ako, `tapos may naghahatid-sundo pa sa akin. Dalaga na ako, okay?”
Palagi kong sinasabi sa kanya na dalaga na ako. Gusto kong malaman niya na isa na akong babae na puwede na sa kanya. Still, Paolo didn’t see me that way. For him, isa pa rin akong bagets na kailangan niyang alalayan sa lahat ng bahay. Nakakainis. Bakit kasi mas una siyang ipinanganak kaysa sa akin? Sana kasing-edad ko lang siya para walang problema.
Natawa siya. “Okay, okay. `Wag mo nang isimangot ang mukha mo. Ilang beses ko na bang sinabi sa `yo na mas maganda ka kapag nakangiti?”
“So many freakin’ times.” Ngumiti ako. “Okay na? Nakangiti na ako, o. Ang ganda-ganda ko, Paolo, `di ba? Siguro, puwede na akong mag-boyfriend.”
Naging seryoso ang mukha niya. “Hindi pa,” mariin niyang sagot. “Hindi ka pa puwedeng mag-boyfriend. Ako ang malilintikan kay Mr. and Mrs. Sy kapag nagka-boyfriend ka. Tsk. Sige ka matatanggal ako sa trabaho. Gusto mo `yon?”
Umiling ako. “Siyempre, hindi. Hindi ako magbo-boyfriend hangga’t hindi ako nakakatapos ng college,” sagot ko. “Kaya sana ay hintayin mo ako,” bigla kong bulong.
“Ano `yon?”
“Wala. Sige na, aalis na ako. Bye, Paolo pangit.”
“Bye, Cruzette na maganda.” Tumawa si Paolo. Kumakaway pa siya paglabas ko ng gate ng mansiyon. Nakita ko naman si Agatha na papasok ng gate kaya inirapan ko siya. Kainis na Agatha `yan. Hindi pa bumalik sa impiyernong pinanggalingan niya.
Habang nakasakay sa taxi, napaisip ako. Ayaw ni Paolo na mag-boyfriend ako, meaning there was still no chance for us to be together. Besides, alam ko namang wala akong pag-asa kay Paolo, eh. Pero umaasa pa rin ako. Ang gulo ko, `di ba? Kaya ginagawa ko talaga ang lahat para gumanda ako at magmukhang dalaga sa paningin niya. Umaasa akong by that, makikita na niya ako bilang Cruzette na dalaga at hindi Cruzette na sutil at demonyitang bata.
Noong nakaraan, narinig kong nag-uusap sina Mang Rolando at Paolo tungkol sa love life ni Paolo. Tinanong ni Mang Rolando kung may girlfriend ba ang anak, pero sinabi ni Paolo na wala raw. Kaso may special someone raw siya. Nainis ako sa kung sino mang babaeng iyon. Ito pang si Mang Rolando, inudyukan si Paolo na ligawan ang special someone niya. Mabuti na lang tumanggi si Paolo at tinawanan lang siya.
“Hindi pa puwede, Kuya Rolando. Wala pa akong maipagmamalaki, eh.” Iyon ang sinabi niya kay Mang Rolando.
Dahil doon ay itinatak ko sa isip ko na puwede ko pang makuha ang atensiyon ni Paolo dahil hindi pa siya umaamin sa special someone niya. Kailangang maagaw ko siya sa babae na `yon. Alam kong mas maganda ako roon katulad ng sinasabi ni Paolo na maganda ako kapag palagi akong nakangiti.
Habang nagkaklase kami, si Paolo lang ang nasa isip ko. Pangalan niya lang ang sinusulat ko sa likod ng notebook ko. Paolo Johann Buenavista. Paulit-ulit ko `yong sinusulat hanggang sa mapuno ko ng pangalan niya ang likod ng notebook ko.
Habang lumilipas ang panahon, masyadong lumalalim ang nararamdaman ko sa kanya. Muli kong isinuot ang regalo niyang kuwintas noong 16th birthday ko. Tuwang-tuwa siya nang makita niyang suot ko uli iyon. Ang kisig niya kapag nakangiti siya. Ugh! Nakakainis.
“Bakit kasi hindi ka pa umamin kay Paolo na `yan?” sabi sa akin ng kaisa-isa kong kaibigan na si Marie. Siya lang ang kaibigan ko dahil ang iba ay fake. Si Marie naman ay halos katulad ko rin. Bitch ang tingin sa kanya kaya agad kaming nagkasundo. Besides, ang ibang babae rito sa classroom, inis sa akin dahil ang ganda-ganda ko at sila mukhang mga impaktita. Kamag-anak yata nila si Agatha.
“Hindi puwede!” matigas kong sagot. “Paano kung hindi niya pala ako nakikita as, you know, a potential lover? Hindi ako ready sa rejection, ano? Kapag ni-reject niya ako, eh, di mawawala kung ano’ng mayroon kami. Maiilang ako sa kanya.” I sighed.
“Eh, paano mo malalaman kung hindi mo susubukan?” udyok niya. “Saka tiyak kapag parehas kayo ng nararamdaman, eh, di happy ka na. `Yon nga lang, paano kapag nalaman ng parents mo? Tiyak ay gulo `yan. Ang kaisa-isang anak ng Sy Family ay in-a-relationship sa guard-slash-yaya-slash-driver slash-best friend niya. Saka ang laki ng agwat ng edad n’yo, `te. Ten years. Kaloka. Pang-MMK story n’yo if ever.”
“Age has nothing to do with love,” sagot ko “`Yon nga rin ang iniisip ko, eh. Let’s say umamin ako at parehas kami ng feelings ni Paolo. `Tapos nalaman nina Dad and Mom. Malamang hindi sila papayag sa relasyon namin.”
“As if may relasyon.”
“Tse! What if nga lang, `di ba?” Napairap ako. “`Di ba? Alam ko naman na hindi judgemental ang parents ko kahit mahirap lang sina Paolo. Eh, ang edad niya? He was freakin’ twenty-seven years old at ako naman ay seventeen lang. Wala pa ako sa tamang-edad.”
“Kailan ka ba mag-e-eighteen, `te?”
“Next month na. Bakit?”
“Eh, `di `ayun. Hindi ka na minor next month. Puwede na `yan,” sabi niya “When you love someone you should fight for him. Sabi nga ni Elijah Riley Montefalco, ‘Love is war. I am your soldier.’ Ikaw dapat ang maging sundalo sa sarili mong laban para maipanalo ang pag-ibig mo. Or else, forever unrequited love ang peg mo.”
“Sino namang Elijah Riley Montefalco `yan, aber?”
“Ay! Wiz mo siya kilala?” Natawa siya. “Bida `yon sa binabasa kong story. `Yong Until Trilogy . Basahin mo `yon, girl, naku, mababaliw ka kay Elijah at mababaliw ka sa abs ng Montefalcos.” Napasimangot siya. “`Kainis. Fictionzoned ang drama ko. Mas nakaka-in love pa nga ang fictional characters ngayon kaysa sa mga totoong lalaki.”
Napaisip naman ako sa sinabi ni Marie tungkol sa love. Ipaglaban ko raw? Paano ko ipaglalaban? Siguro, kailangan ko na ngang umamin kay Paolo. Kailangan ko nang mag-take ng risk para malaman ko kung may pag-asa ba ako sa kanya o wala. Pero sana lang kung ma-reject ako, hindi mawala ang bonding naming dalawa. Si Paolo ang pangalawang tao na naging malapit sa akin. Hindi ko na kakayanin kung pati siya ay mawala sa akin.
Pauwi na ako at nasa isip ko pa rin kung aamin ba ako kay Paolo o hindi. Kung aamin ako, sa paanong paraan ko sasabihin? Nagdadalawang-isip pa rin ako kung gagawin ko `yon. Paano kung magbago ang trato niya sa akin? Mailang na siya? Hindi na kami makakagala dalawa. Hindi na niya ako ngingitian. Babalik na naman ako sa pag-iisa. Walang karamay. Walang sandalan. Walang taong nakaka-appreciate. Nakaka-frustrate ma-in love sa isang lalaki na mas matanda sa `yo. Mas nai-stress pa ako rito kaysa sa Calculus exams ko.
Pag-uwi ko ng mansiyon, nakita ko si Paolo na nakahiga sa mahabang upuan sa garden. Naka-shorts lang siya, pagkatapos hubad ang pang-itaas. Nakatulog yata sa sobrang pagod sa paglilinis ng garden namin. Wala sa huwisyo kong nilapitan si Paolo at tumayo sa kanyang harap para matitigan ko ang mukha niya habang natutulog.
Napangiti ako dahil sa nakita ko. Napakaamo ng mukha ni Paolo. Ang ganda ng features ng mukha niya: Makakapal na kilay, matangos na ilong, pinkish na mga labi. Talo pa ako na kailangang mag-lipgloss para maging pinkish ang lips. Plus, ang ganda ng katawan ni Paolo. Hindi masyadong naka-form ang abs niya pero kapag tinitigan, halatang mayroon siyang six-pack abs. Kung magsusuot lang si Paolo ng magagarang damit, iisipin mong anak-mayaman siya.
Nagpasulyap-sulyap ako sa paligid para makasigurong walang nakatingin sa akin. Mabuti naman at walang taong pakalat-kalat ngayon dito sa garden. Muli kong itinuon ang pansin ko sa maamong mukha ng natutulog na si Paolo. Napangiti na naman ako. Wala sa sarili akong yumuko at idinikit ang mga labi ko sa mga labi niya. Ipinikit ko pa ang mga mata ko.
Nasa ganoon akong posisyon nang ma-realize ko ang katangahang nagawa ko. Nakadikit pa rin ang mga labi ko sa mga labi ni Paolo nang imulat ko ang mga mata ko. Agad akong napalayo sa kanya nang makita kong nakamulat din siya. Walang expression na mababakas sa mukha niya. Tumayo siya at tiningnan ako nang seryoso. Pakiramdam ko, mahihimatay ako sa nangyari.
“Ano’ng ginawa mo? Bakit mo ako hinalikan?” Seryoso ang boses ni Paolo.
Bago pa ako tuluyang mahimatay ay agad na akong tumakbo palayo sa kanya at nagkulong sa kuwarto. Hiyang-hiya ako sa ginawa ko, pero hindi ako nakadama ng regret. Napahawak ako sa mga labi ko dahil pakiramdam ko ay nakadikit pa rin ang mga ito sa mga labi ni Paolo.
Napangiti ako, and the same time kinakabahan.
He was twenty-seven years old and I was just seventeen years old back then when I pressed my lips against him.
I was just seventeen years old back then when I got my first kiss.