noveltoon logo noveltoon
The 10 Year Gap

Chapter 10

Ch. 10 / 14 Feb 09, 2022

Kapag may parating akong examination, hindi ako ginugulo ni Paolo. Bihira niya akong kausapin at lapitan dahil mas gusto niyang mag-focus ako sa pag-aaral kaysa makipagharutan sa kanya. Oo, harutan talaga ang term na ginamit niya kaya bigla akong natuwa.

Sabi niya, kung ano raw ang mayroon kaming dalawa, mas gusto niya itong maging inspirasyon ko kaysa maging distraksiyon sa akin. Kaya kahit bore na bore ako sa pag-aaral ng mga lesson ko, ginawa ko pa rin. Ito ang gusto ni Paolo kaya susundin ko ang gusto niya.

I heard someone knock on my door so I told him to come in. Nasa study table ako at tahimik na nag-aaral. Napatingin ako sa pintuan at nakita ko si Paolo na pumasok. May dala siyang isang tray ng pagkain. Ang lapad ng ngiti niya kaya bigla akong napasimangot.

“O, bakit ka napasimangot diyan?” natatawa niyang tanong saka inilapag ang tray sa gilid ko. Tumayo siya sa likuran at humawak sa magkabilang balikat ko. Isinandal ko ang ulo ko sa tiyan ni Paolo.

“I’m tired,” I said as I sighed. “Ang sakit na ng utak ko sa pagsaulo ng formulas.”

“Magpahinga ka muna,” sagot niya kaya ipinikit ko ang mga mata ko para magpahinga muna. Habang nakasandal ang ulo ko sa tiyan ni Paolo, naramdaman kong hinihilot niya ang sentido ko kaya lalo akong na-relax. May talent pala sa pagmamasahe `tong si Paolo, eh. I chuckled because of my sudden thoughts. “Mukhang may nakakatawang naisip ang reyna ng buhay ko, ah? Puwedeng i-share?”

Binuksan ko ang mga mata ko saka tumingala kay Paolo. “Naisip ko na hindi lang pala kita puwede maging all-around katulong. May talent ka rin pala sa pagmamasahe. Ayaw mong maging masahista?” Natawa ako.

Natawa rin si Paolo. “Puwede rin,” sagot niya. “Pero alam mo kung ano’ng mas gusto ko?”

“Ano?”

Bigla siyang yumuko kaya magkalapit na halos ang mukha naming dalawa. “Ang maging groom sa kasal mo,” seryoso niyang pagsasalita habang nakatitig sa mukha ko. Biglang namula ang mukha ko kaya akala ko tatawanan ako ni Paolo, pero hindi. Nanatili siyang seryoso. Nakita kong palapit na nang palapit ang mukha ni Paolo sa akin kaya napapikit ako.

Hinintay kong lumapat ang mga labi niya sa mga labi ko pero hindi ko naramdaman. Lumipas na ang ilang segundo pero walang anumang malambot na dumikit sa mga labi ko. Pagmulat ko, wala na si Paolo sa likuran at nakita ko siyang nakatayo na sa pintuan habang tatawa-tawa.

“Remember? No kiss kapag nag-aaral ka,” natatawang sabi niya.

Napairap ako. “Whatever.”

“Galit ka?” Napatigil siya sa pagtawa. Hindi ko na siya nilingon. Bahala siya riyan. Ang lakas ng loob niyang pagtripan ako. “Uy, Cruzette.” Hindi ko siya pinansin. Tinuon ko ang mga mata ko sa librong binabasa.

Akala ko umalis na siya sa pintuan dahil hindi ko na siya narinig na nagsalita pa. Pero biglang may kumalabit sa akin kaya napalingon ako. Biglang sumalubong sa akin ang mga labi ni Paolo. Lapat na lapat ang mga labi namin sa isa’t isa. Hindi ko na nagawang ipikit ang mga mata ko kaya kitang-kita ko na nakapikit si Paolo. Binuksan niya ang mga mata niya without breaking our kiss. Ramdam kong nakangiti siya.

“Sorry na,” he said as our lips parted. “Gusto ko lang naman na ituon mo ang pansin mo sa pag-aaral.”

Napakagat ako ng ibabang labi dahil sa biglaang ginawa ni Paolo. Hindi ako makasagot. Ngumiti lang siya at ginulo ang buhok ko. “After ng exam mo punta tayo sa Star City. Do’n sa Snow World. Para makita mo ang mga kamag-anak mong snow.” Natawa ako.

“Promise?”

“Pinky promise.”

And we did a pinky promise to each other, a promise that we’ll go to Snow World after my exams.

Bigla tuloy akong na-excite dahil sa sinabi ni Paolo. Kahit na artificial snow lang ang mga makikita namin do’n, hindi mawala sa akin ang excitement. Gusto ko na tuloy matapos ang exams namin para pumunta na kaming dalawa ni Paolo do’n at magkaroon ng quality time sa isa’t isa. These past few weeks kasi ay bihira na kaming makaalis ni Paolo dahil ang dami niyang ginagawa. Ayaw naman niya na masayang ang ibinabayad sa kanya ng mga magulang ko dahil lang sa girlfriend niya raw ang anak ng mga ito. I smiled.

Kinabukasan, hindi na ako nagpahatid kay Paolo dahil may ginagawa siya sa garden. Uuwi mamayang hapon ang mga magulang ko kaya lahat ng maids ay busy sa paglilinis ng buong mansiyon. Nakita ko pa nga si Agatha na may hawak na hose habang nililinis ang bahay ng mga aso namin kaya napairap ako sa kawalan. Ang sarap ibuhol sa leeg niya ang hose na hawak niya.

Naglalakad na ako palabas nang mapahinto ako sa garden at sinulyapan si Paolo na nakayuko habang ginugupit ang mga ligaw na damo. Napatingin din siya sa gawi ko at agad na ngumiti. Lumapit siya sa akin.

“Papasok ka na?” tanong niya.

“Hindi. Lalabas na,” natatawang sagot ko kaya bigla niyang kinurot ang ilong ko.

“Loko ka talaga, Cruzette ko.” Napatingin-tingin siya sa paligid.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong ko pero hindi niya ako sinagot. Bigla niya lang akong hinalikan nang mabilisan sa mga labi.

Napangisi siya. “`Ayan. Kiss. Lucky charm para masagutan mo lahat ng exams mo.”

Kinilig naman ako sa sinabi ni Paolo. May nakita akong tali na kulay-puti sa paanan niya kaya yumuko ako at kinuha iyon.

“Akin na ang kamay mo,” sabi ko.

“Bakit?”

“Basta,” sagot ko. Ibinigay naman ni Paolo ang kamay niya sa akin, pagkatapos itinali ko sa kamay niya ang tali. “`Ayan, lucky charm din `yan. Para hindi ka mapagod sa paggugupit ng mga damo.” Tawa ako nang tawa.

Tiningnan ni Paolo ang taling inilagay ko sa kamay niya saka ngumiti. “Wow. Oo nga, effective. Pakiramdam ko nawala agad ang pagod ko,” nakangiti niyang sambit. “Lahat talaga ng binibigay mo sa akin may power. Ikaw talaga ang source ng lakas ko, eh.”

Tumawa ako. “Haha. Ang korni. Sige, papasok na ako.”

“Ingat ka!” Ginulo niya ang buhok ko. “Sunduin kita mamaya sa school n’yo. `Wag kang aalis do’n hangga’t hindi ako dumadating, ah.” Tumango ako. “`Tapos punta tayong Star City mamaya.”

I bid my good-bye, pagkatapos ay umalis na. Palabas na ako ng gate nang muli ko siyang lingunin. Akala ko wala na si Paolo do’n at bumalik na sa pagtatabas ng damo, pero hindi. Nakatayo pa rin siya habang nakatingin sa akin at kumakaway. Hindi ko alam kung ano’ng mayroon that time pero parang biglang kumirot ang puso ko. May kung ano sa katawan ko na gustong bumalik kay Paolo at yakapin siya nang mahigpit. Nanikip ang dibdib ko habang nakatingin sa kanya.

I shook my head at tuluyan nang lumabas ng mansiyon, shrugging the sudden emotions I was feeling. Siguro dala lang ng pagpupuyat sa pag-aaral kaya ko naramdaman `yon.

Pagdating ko sa school, hindi ako mapalagay. May kung anong gumugulo sa isip ko. Pati nga si Marie napansin na ang pagtitig ko sa kawalan. Tinanong niya ako kung nag-aral daw ba ako at sinabi kong, “oo, buong-magdamag.” Siya naman daw ay hindi dahil Wattpad stories lang ang binasa niya buong-magdamag. Mas inuna niya ang kilig kaysa pag-aaral. Tingnan na lang natin kung matulungan siya ng mga kilig na naramdaman niya sa mga tanong sa exam.

“Good luck. Magdasal ka na lang na sana may lumabas na Wattpad stories sa exam natin para may maisagot ka,” sabi ko sa kanya at tanging halakhak na lang ang isinagot sa akin ng luka-luka. Wattpad addict talaga `tong si Marie kahit kailan, eh.

“Ay! Sana nga! For sure kung Wattpad stories ang tanong, perfect ko ang exams! Like ilan ang sparkling abs ni Papa Jacob Buenaventura? Saan niya unang ni-rak si Rosie?”

“Ang halay mo!” sigaw ko sa kanya at tanging halakhak lang ang isinagot niya sa akin. Luka-luka talaga!

Dumating na ang prof namin at nagsimula nang i-distribute ang test papers nang maramdaman kong nag-vibrate ang cell phone ko na nasa bulsa. Agad ko itong kinuha at pasimpleng binasa kung kanino nanggaling ang text message. Galing pala sa pinakaimportanteng lalaki sa buhay ko.

From: Pao-Pao

Good luck, Mrs. Buenavista. Alam kong kaya mong sagutan `yang exam mo. See you mamaya. I love you. Mahal na mahal kita.

Todo tuloy ang pagpigil ko sa ngiti ko habang nagsasagot sa test paper. Hindi ko alam kung saan nakukuha ni Paolo ang mga pampakilig niya. Lahat ng ginagawa niya, kinikilig ang lahat ng organs sa katawan ko. Hay, Paolo. Mahal na mahal talaga kita.

Natapos ang exam namin at dumeretso na ako sa parking lot para hintayin si Paolo. Inaya pa ako ni Marie na mag-mall pero tumanggi ako dahil sinabi kong may pupuntahan kami ni Paolo ngayon. Napasimangot na lang siya. Por que daw may boyfriend na ako, kinakalimutan ko na siya. Tinawanan ko na lang ang naging reaksiyon niya. Sumakay na siya sa kotse nila, pagkatapos ay umalis na rin.

Inilabas ko ang cell phone ko saka itinext si Paolo.

Nasaan ka na? Uwian na namin. Nasa parking lot na ako.

Iyan ang sabi ko sa text. Kapag ka-text ko si Paolo, agad siyang nagre-reply. Kahit ano’ng ginagawa niya, inihihinto niya para lang reply-an ako dahil ayaw niya raw pinaghihintay ang reyna ng buhay niya. Lumipas ang ilang minuto at biglang tumunog ang phone ko. Tumatawag si Paolo.

“Papunta na ako. Nasa mansiyon na sina Daddy mo,” sabi niya over the phone.

“So, hindi na tayo tuloy?”

“Tuloy. Pinagpaalam kita. Sabi ko, may pupuntahan tayo. Pumayag naman sila basta `wag lang daw magpapagabi. Sasakyan nga ni Dad mo ang dala ko, eh.” Napangiti ako. “Sige na. Bye na. Papunta na ako riyan. `Wag kang aalis diyan, ah. Hintayin mo ako kahit ano’ng mangyari.”

“Sige! Ingat.”

“I love you!”

“I love—”

Hindi ko na naituloy ang isasagot ko kay Paolo dahil namatay ang phone ko. Low battery na kasi. Nakalimutan ko pang magdala ng powerbank. Ugh! Binuksan ko ang phone ko saka itinext si Paolo ng ‘I love you, too.’ Pero nakalipas na ang ilang minuto, hindi siya nag-reply. Mukhang busy sa pagmamaneho.

Nakakapagtaka lang dahil napaaga yata ang uwi nina Dad. Alas-tres pa lang ng hapon, eh. Usually kasi kung hindi mga five PM, eh, gabi na sila dumating. Ano kaya’ng mayroon? Inaliw-aliw ko na lang ang sarili at hindi na ginalaw ang cell phone ko dahil baka tuluyan nang ma-drain ang battery.

Nakailang sulyap na ako sa phone ko pero walang text na galing kay Paolo. Halos thirty minutes na akong naghihintay pero hindi pa rin siya dumadating. Nakakapagtaka lang dahil hindi naman traffic ang daan papunta rito sa school. Ano kaya’ng nangyari ro’n at bakit natagalan? Ayaw na ayaw akong pinaghihintay ni Paolo kaya nakakapagtaka lang na natagalan siya ngayon.

Hindi na ako mapakali sa kahihintay dahil ang tagal niyang dumating. Mahigit isang oras na akong naghihintay pero wala pa rin siya. Hindi ko na natiis kaya kinuha ko ang phone ko sa bag at akmang magta-type ng message para kay Paolo nang biglang may tumayo sa harap ko. Nagulat ako kaya agad akong napatingala.

“Ano ba?! Ginulat mo naman ako!” sabi ko kay Paolo habang nakahawak sa dibdib ko. “Bakit ang tagal mo?”

“Sorry na!” nakangiti niyang sabi sa akin saka tumalikod at agad naglakad.

Napakunot naman ang noo ko sa ginawa ni Paolo. Nagtaka ako dahil hindi niya kinuha ang bag ko katulad ng palagi niyang ginagawa. Baka pagod lang si Paolo. Eh, bakit nauna siyang naglakad, aber?

“Paolo, saan ka pupunta? Nagmamadali?” inis na sabi ko.

Tumawa siya. Ilang metro na ang layo niya sa akin. “Sorry!” sabi niya saka ngumiti.

Ano ba `tong tao na `to? Panay ang sorry. Napailing na lang ako saka ngumiti sa kanya. Tinitigan ko si Paolo habang nakatayo. Nakasuot siya ng pants at white T-shirt. Natawa ako nang mapansin kong nasa kamay niya pa rin ang kulay-puting tali na inilagay ko kaninang umaga. Hindi niya pala tinanggal `yon.

Nakatitig lang ako sa kanya nang bigla siyang magsalita, “Cruzette ko. Mahal na mahal kita.”

Natawa ako. “Ha? Oo na. Mahal na mahal din kita.”

“Pasensiya ka na pero mauuna na ako.” Ngumiti siya pero `yong ngiti niya ay nagdulot ng kakaibang kirot sa dibdib ko. Naguluhan ako sa sinabi niya.

“Ha?” naguguluhan kong sagot.

Tumitig lang siya sa akin saka tumalikod at mabilis na naglakad palayo. Parang sa ginagawa niyang paglalakad, hindi na siya babalik. Hindi na niya ako babalikan pa. Bigla akong nakaramdam ng kakaibang kaba sa dibdib ko. Naguguluhan ako sa ikinikilos ni Paolo. Ang weird niya lang. May nangyari ba?

“Paolo! Sandali lang!” Sumigaw ako pero hindi niya ako pinansin. Tuloy pa rin siya sa paglalakad. Agad kong kinuha ang mga librong bitbit ko at tumakbo para habulin siya. “Paolo, saan ka pupunta? Sandali lang. Hintayin mo ako!” muli kong pagtawag sa kanya pero hindi niya ako nilingon. Tuloy lang siya sa paglalakad nang mabilis as if hindi niya ako naririnig.

Kahit anong bilis ng takbo ko ay hindi ko mahabol si Paolo. Ang bilis ng bawat hakbang na ginagawa niya. Patuloy rin ako sa pagtawag sa kanya. Kahit napapatingin na sa akin ang mga nakakasalubong ko ay wala akong pakialam. Parang bingi si Paolo dahil hindi man lang niya ako nililingon sa kabila ng mga pagtawag at sigaw na ginagawa ko.

Nakarating na ako sa labas ng school kung saan may pedestrian lane. Lumingon-lingon ako sa paligid pero hindi ko mahanap si Paolo. Nawala siya sa paningin ko dahil sa bilis ng paglalakad niya. Nang makita ko siya sa kabilang kalsada, maglalakad na sana ako kaso biglang nag-green ang kulay ng stoplight. Ang daming sasakyan na dumadaan na nagsilbing harang sa pagitan naming dalawa.

Sumenyas ako kay Paolo na nasa kabilang kalsada na sandali lang at hintayin niya ako pero hindi siya sumagot. Nakangiti lang siya habang nakatingin sa akin. Isang ngiti na hindi nakikitaan ng kasiyahan kundi ng kalungkutan. Kalungkutan ang nakikita ko sa mukha ni Paolo kahit nakangiti ang mga labi niya. Naguguluhan ako sa nangyayari. Naguguluhan ako kung bakit ganyan si Paolo.

Magkatinginan lang kaming dalawa ni Paolo nang marinig kong mag-ring ang phone ko. Agad ko itong kinuha at tiningnan kung sino ang tumatawag. Si Dad ang tumatawag at may ilang missed calls na rin siya sa akin. Sinagot ko iyon at tumingin muli kay Paolo sa kabilang kalsada pero wala na siya. Hindi na siya mahagilap ng mga mata ko. Nagpalinga-linga ako sa buong paligid pero hindi ko na siya makita. Biglang nawala na parang bula si Paolo.

“Angeline, where are you?!” Napasigaw na si Dad sa phone kaya naagaw niya ang atensiyon ko. Parang natataranta si Dad sa kabilang linya.

“Nasa school pa, Dad. Why?” sagot ko habang palinga-linga “Hinahanap ko si Paolo, Dad. Biglang nawala, eh.”

“Ano’ng pinagsasasabi mo, anak?”

“Po? Si Paolo po, Dad,” mariin kong sagot. “Bigla pong nawala, eh. Hindi ko alam kung saan napunta.”

Natahimik ang kabilang linya. Akala ko wala na si Dad pero bigla uli siyang nagsalita. Mga salitang agad naging dahilan para mayanig at magdilim ang buong mundong kinatatayuan ko.

“`Wag mo nang hintayin si Paolo, anak,” seryosong sabi ni Dad.

“Bakit naman po? May pupuntahan kami ngayon, Dad. Saka hintayin? Eh, nandito na si Paolo. Bigla lang nawala,” matigas kong tugon. “Hahanapin ko lang siya, Dad.”

“Angeline, listen. Hindi mo siya mahahanap. Hindi siya darating kahit ano pa’ng paghihintay mo.”

“Ano’ng pinagsasasabi mo, Dad?” kinakabahan kong tanong. Para akong naiiyak sa mga sinasabi niya. Ang sikip-sikip na ng dibdib ko.

“Naaksidente si Paolo. Nabangga ng truck ang sasakyan na minamaneho niya. Hindi na nakaligtas si Paolo, anak. Dead on arrival na nang dalhin siya sa ospital. Wala na siya, anak. Wala na si Paolo.” Nanginginig ang boses ni Dad. “`Wag mo na siyang hintayin. Hindi na siya darating. Susunduin kita riyan sa school mo. Papunta na ako.” Then he ended the call.

Parang namanhid ang buong katawan ko dahil sa sinabi ni Dad. Hindi ako makapaniwala. Hindi dapat ako maniwala. Alam kong nagsisinungaling lang siya. Alam kong buhay pa si Paolo at hindi niya ako iiwan. Nangako siya sa akin na siya ang susundo sa akin at pupunta pa kami sa Snow World. Nangako pa si Paolo sa akin na pupunta kami ng ibang bansa para sabay na makakita ng totoong snow. Nangako pa si Paolo sa akin na magpapakasal kami pagtuntong ko ng twenty years old.

Sumasakit ang dibdib ko. Napatitig ako sa kawalan habang masaganang bumabagsak ang mga luha sa mga mata ko. Napapatingin sa akin ang mga tao pero wala akong pakialam sa mga tingin nila. Parang huminto ang mundo ko sa mga oras na `to. `Yong mundo kong sabay naming binuo ng lalaking pinakamamahal ko.

Alam kong nagsisinungaling lang si Dad. Darating si Paolo. Susunduin niya ako. Muli kong makikita ang mukha niyang nakangiti. Alam kong hindi niya ako iiwan.

Bumalik ako sa parking lot at umupo para hintayin si Paolo. Patuloy lang akong umiiyak habang nakaupo. Pinapaniwala ko ang sarili ko na darating si Paolo. No. Alam kong darating siya.

Biglang may tumayo sa harap ko at agad akong napatingala habang nakangiti.

“Paolo—” napatigil ako dahil hindi si Paolo ang nakita ko kundi ang daddy ko.

“Anak...” malumanay na tawag niya sa akin. “Wala na si Paolo.”

“HINDI!! NAGSISINUNGALING KA!!” napasigaw ako. “DARATING SI PAOLO!! DARATING SIYA!!! DAD, ALAM KONG DARATING SIYA!!!” Pinabayaan lang ako ni Dad na sumigaw nang sumigaw.

Napaupo na lang ako sa sahig at patuloy na umiyak nang umiyak hanggang sa maubos ang luha ko. Pero kahit ano’ng gawin ko, hindi nauubos ang mga luha. Nagmistulang water falls ang mga mata ko at masaganang bumabagsak ang mga luha roon. Hindi ko alam kung titigil pa ang pagluha ko. Mukhang kahit lumipas ang mahabang panahon, patuloy akong luluha dahil sa pagkawala ng lalaking nagparamdam sa akin ng kakaibang pagmamahal.

He was twenty-eight years old back then while I was just eighteen years old when he left me… and changed my life forever.