noveltoon logo noveltoon
The 10 Year Gap

Chapter 11

Ch. 11 / 14 Feb 09, 2022

“ Akin na nga `yan, Paolo! Kanina mo pa pinagtatawanan ang hitsura ko riyan, eh. Oo na. Mukha na talaga akong demonyita riyan sa old pictures ko. Akin na `yan! Isa!”

“Hahaha! Hindi ka kaya mukhang demonyita rito. Ang cute mo nga, eh. Lahat ng pictures mo no’n nakasimangot. Parang galit sa buong mundo.”

“Ugh! Give it back! Nakakainis ka!”

“Ayoko! Hahaha!”

Kahit ano’ng pilit kong pag-agaw sa old photo albums ko, ayaw talagang ibigay ni Paolo. Nakakainis na. Tawa siya nang tawa sa hitsura ko ro’n sa picture na hindi man lang makuhang ngumiti sa harap ng camera. Paano nga kasi ako ngingiti kung galit ako sa mundo at galit ako sa mga taong nakapaligid sa akin no’n? Nakakainis talaga. Ba’t kasi nakita pa ni Paolo ang mga albums na `yan, eh.

Ngayon ilang minuto na siyang natatawa. Kahit anong habol ang gawin ko sa kanya rito sa loob ng kuwarto ko, ayaw niya talagang ibigay.

Napaupo ako sa gilid ng kama at sumuko na sa paghabol sa kanya. Hinayaan ko na lang siyang tingnan at pagtawanan ang mga picture ko. Napasulyap siya sa akin saka ngumisi habang nakasandal sa dingding. Kitang-kita ko ang bawat pagngiti ni Paolo habang nakatitig sa iba’t ibang pictures ko no’ng bata pa ako. His eyes were sparkling and in awe while looking at my pictures.

Palihim akong napangiti. Lalo ko talaga siyang minamahal kapag nakikita ko siyang nakangiti.

Everytime he smiled, it was like we were just the same age. Kaya kong titigan ang mukha ni Paolo na nakangiti nang buong maghapon. Kung noon, naiinis ako sa kanya tuwing ngumingiti siya pero ngayon hindi na. Hindi nakukumpleto ang araw ko kapag hindi ko nakikita ang maaliwalas na ngiti sa mukha niya.

“Nakakainis ka talaga!” pabiro kong sabi kay Paolo habang nakasimangot. Napatingin siya sa akin at agad nawala ang ngiti sa mga labi niya. Isinara niya ang photo album saka lumapit sa akin at umupo sa tabi ko. Hindi ko siya pinansin.

“Sorry na,” pang-aamo ni Paolo sa akin “`Eto na, o. Hindi ko na titingnan uli. `Wag ka nang magalit.”

“Tse! Bahala ka riyan,” pag-iinarte ko. “Tingnan mo na at pagtawanan mo. Kulang pa ang naitawa mo, eh. Sige lang, pagtawanan mo lang ang mukha ko noong bata pa ako.”

“Sino’ng nagsabing pinagtatawanan ko ang mukha mo?” gulat niyang tanong.

Tiningnan ko siya. “Bakit, hindi nga ba? Kanina ka pa kaya tawa nang tawa.” Umirap ako.

Naramdaman kong hinawakan niya ang aking kamay. Medyo magaspang ang kamay ni Paolo dala marahil ng trabaho pero hindi `yon importante. Kapag hinahawakan ni Paolo ang kamay ko, biglang kumakalma ang buo kong katawan. Pero sa ngayon, hindi ko dapat siya pansinin dahil sa ginawa niya. Naiinis ako sa kanya. Bahala siya riyan.

“Cruzette ko,” pagtawag niya sa akin. Hinawakan niya ako sa pisngi at hinarap sa kanya. “Sorry na. Hindi ko naman pinagtatawanan ang hitsura mo no’ng bata ka pa, eh,” malumanay ang boses ni Paolo habang titig na titig sa mga mata ko.

“Hindi raw. Eh, ano’ng ginagawa mo? Tawa ka kaya nang tawa.” Napanguso ko.

“Hindi, ah.” Ngumiti siya. “Hindi ako natatawa kundi natutuwa. Natutuwa ako sa hitsura mo no’ng bata ka pa. Naisip ko kasi na sana ganyan ang maging hitsura ng magiging anak nating babae sa future. Ang sarap sa feeling na may ganyan akong anak. `Yong nakasimangot sa iba pero nakangiti kapag nakita ako? Parang ang magiging mama niya. Nakasimangot sa iba pero pagdating sa akin, ngumingiti. Ang sarap lang talagang isipin,” sabi niya habang nakangiti at titig na titig sa mga mata ko.

“Talaga?” hindi makapaniwalang tanong ko. Kinilig ako sa sinabi ni Paolo. Ramdam ko ang pamumula ng mga pisngi ko. “Akala ko pinagtatawanan mo ang hitsura ko dahil ang pangit ko no’n, eh.”

“Pangit?” gulat na sagot ni Paolo. “Hindi, ah. Ang cute mo nga sa mga picture mo, eh. `Tapos ngayon ang ganda-ganda mo na. Ikaw lang talaga ang babaeng gusto kong maging ina ng mga magiging anak ko.” Hinalikan ako ni Paolo sa noo. “Kaya `wag ka nang magalit, okay? Hays. Sana lumipas na ang dalawang taon para makapagpakasal na tayo at masimulan na nating bumuo ng sarili nating pamilya,” sabi ni Paolo saka ibinagsak ang katawan niya sa kama ko.

Nilingon ko si Paolo at nakita kong nakapikit siya kaya pinagmasdan ko ang natutulog niyang mukha. Hindi ko alam kung bakit parang bigla akong naiiyak. Dahil ba sa mga sinabi ni Paolo? Tama. Naiiyak ako dahil sa mga sinabi niya sa akin. Hindi ko ine-expect na may isang lalaki na gusto akong makasama habang-buhay sa kabila ng pagiging masama kong tao.

Hindi ko na-imagine na may isang lalaki na kayang yakapin lahat ng flaws at imperfections ko. Hindi ko naisip no’n na may lalaking handang tanggapin ang lahat ng bahagi ng pagkatao ko at tumingin sa akin as if ako ang pinaka-perfect na babae sa buong mundo. At higit sa lahat, hindi ko kailanman hiniling sa Diyos na may dumating na katulad ni Paolo na handa akong mahalin sa kabila ng kung ano’ng klaseng babae ako.

Hindi ko alam kung ano ang mabuti kong nagawa para ibigay sa akin si Paolo. Dahil sa kanya, nagbago ako. Dahil sa kanya, natuto akong magmahal. Dahil sa kanya, gusto ko na agad lumipas ang dalawang taon para matupad na namin ang mga pangako na binitawan namin sa isa’t isa.

“Bakit ka na naman umiiyak?” tanong ni Paolo sa akin. Nakamulat na pala ang mga mata niya at nakatingin sa akin na may bahid ng pag-aalala.

“Wala. Masaya lang ako,” sagot ko. Bigla akong hinila ni Paolo para humiga sa tabi niya.

Tumagilid ako kaya ngayon ay magkaharap na kaming dalawa. Inilagay niya ang kanyang kanang kamay sa baywang ko. Titig na titig siya sa mukha ko na parang kinakabisado ang bawat parte nito. Natititigan ko tuloy ang kulay ng mga mata niya. Kulay-brown. Ang guwapo ni Paolo. Ang guwapo ng magiging husband ko.

“Sana lumipas na agad ang dalawang taon,” pagsasalita niya habang hinahaplos ang mukha ko. Hindi niya inaalis ang pagkakatitig sa mga mata ko. “Gusto na kitang makitang naka-wedding gown habang hinihintay kita sa dulo ng altar. Tiyak mapapaiyak ako sa wedding rights natin, Cruzette ko.”

Napatawa ako. “Ikaw talaga ang iiyak? Hindi ako?”

Ngumiti siya. “Puwede naman kung gusto mo ring umiyak. Pero sigurado akong iiyak ako kapag ikinasal tayo. Sa dinami-rami kasing lalaki sa mundo, isang katulad ko pa ang pakakasalan mo. `Di ba, ang suwerte ko?” sabi niya. “Pangako, Cruzette. Lahat ng pangako natin sa isa’t isa, tutuparin ko. Hindi ko lang alam kung kailan, basta tutuparin ko lahat ng `yon.”

“Pangako?”

Tumango siya. “Pinky promise,” sabi niya saka ako hinila at hinalikan sa noo. “Mahal na mahal kita, Cruzette. Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko sa buong-buhay ko o kahit mapunta pa ako sa kabilang-buhay.”

Ipinikit ko ang mga mata ko at naramdaman kong muli akong naging emosyonal sa mga sinabi niya. Pagmulat ko, wala na si Paolo sa tabi ko. Agad akong tumayo at inilibot sa buong kuwarto ang paningin ko para hanapin siya. Nakita ko naman agad siyang nakatayo sa balcony habang humahangin. Agad akong nagtaka nang makita ko na iba na ang damit ni Paolo ngayon. Purong puti na ang suot niyang shirt at pantalon.

“Paolo?” pagtawag ko sa kanya. Gusto ko sanang tumayo pero hindi ko maigalaw ang katawan ko. Nanigas lang ito at ayaw kumilos. Muli kong tiningnan si Paolo. “Paolo?” tinawag ko ang pangalan niya. Bakit ganito? Bakit bumibigat ang pakiramdam ko?

Lumingon siya sa akin nang nakangiti. Pero kakaibang ngiti ang pinakita sa akin ni Paolo. May bahid ito ng kalungkutan. Ang mga mata niya ay may kakaibang tingin na nagdulot ng kakaibang kirot sa puso ko. Punong-puno ng lungkot ang mga mata niya habang nakatingin sa akin nang seryoso.

“Aalis na ako, Cruzette,” pagsasalita ni Paolo. Kinilabutan ako sa sinabi niya. “Aalis na ako. Pasensiya na kung hindi ko matutupad ang mga pangako natin sa isa’t isa. Pasensiya na kung hanggang dito na lang ako. Patawad kung hindi na kita mapapakasalan.” Nangilid ang mga luha ni Paolo. “Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa akin no’ng nabubuhay ako. Malaki ang pasasalamat ko na nakilala kita at minahal mo ako.” Ngumiti siya pero patuloy na lumuluha ang mga mata niya. “Mawala man ako sa tabi mo, palagi pa rin kitang mamahalin. Paalam, Cruzette. Palagi kang mag-iingat.”

“Paolo! Sandali lang. Saan ka pupunta? Paolo!” tinawag ko siya pero hindi na niya ako nilingon. Kahit anong pilit kong gumalaw, hindi sumusunod ang katawan ko.

Pagtingin ko sa balcony ay wala na si Paolo. Tanging isang malakas na hangin na lang ang sumalubong sa mukha ko na parang hinalikan ang mga labi ko. Sa huling pagkakataon, parang naramdaman ko ang mga labi ni Paolo na dumampi sa mga labi ko na naging dahilan para bumagsak ang mga luha ko.

“Paolo!” Bigla akong napabangon dahil sa panaginip na iyon.

Pagmulat ko, agad kong inilibot ang paningin ko. Nakasakay ako sa isang sasakyan at nakaupo sa passenger’s seat. Napasulyap ako kung sino’ng nagda-drive. May isang lalaking nagmamaneho.

“Pao—” Napatigil ako sa pagtawag sa lalaki dahil bigla itong humarap sa akin. Mukha ni Dad ang nakita ko. Tumingin siya sa akin na may bahid ng pag-aalala sa mukha. Awang-awa ang mga mata niya habang pasulyap-sulyap sa akin.

“Saan tayo pupunta, Dad?” tanong ko sa kanya nang maalala ko ang nangyari kanina.

Sa sobrang pag-iyak ko at paulit-ulit na pagtawag sa pangalan ni Paolo, bigla akong nawalan ng malay-tao. Muli ko na namang naalala ang panaginip ko kanina kung saan buhay na buhay pa si Paolo at kung saan nakikita ko pa ang nakangiti niyang mga labi. Pumatak ang mga luha ko kaya bigla ko iyong pinunasan. Kahit ang dami ko nang nailuha, ang dami pa ring tubig na lumalabas sa mga mata ko. Parang buong-buhay ko ay iiyak na lang ako dahil sa nangyari.

“Sa ospital,” seryosong sagot ni Daddy. “Nando’n na ang mommy mo. Papunta na rin ang pamilya ni Paolo. Ang driver ng truck na nakaaksidente kay Paolo ay nasa kulungan na rin. Lasing kaya malakas ang loob na mag-overtake. Ayon sa mga nakakita, masyadong mabilis ang mga pangyayari. Yuping-yupi ang harapan ng kotse kaya hindi na nakaligtas si Paolo.”

Dahil sa mga sinabi ni Dad, muli na naman akong naiyak. Hindi na lang ako pinansin ni Dad at tahimik na lang siyang nagmaneho habang patuloy akong umiiyak sa backseat. Bawat pagbanggit na ginagawa ni Dad sa pangalan ni Paolo, para iyong matulis na bagay na bumabaon sa puso ko. Napakasakit. Halos madurog ang puso ko nang paulit-ulit dahil sa sinabi niya.

Napayuko ako at napahawak nang mahigpit sa singsing na ibinigay sa akin ni Paolo. Isang singsing na palatandaan ng pagmamahal at mga pangako niya sa akin noong nabubuhay pa siya. Gusto ko sanang isipin na nagloloko lang si Dad pero kilala ko siya. Seryoso siyang tao at hindi siya kailanman nagbiro tungkol sa pagkamatay ng isang tao.

Napasandal ako at pumikit. Muling bumalik sa akin ang mga alaala noong una kaming nagkakilala ni Paolo. Noong mga panahon na naiinis ako sa kanya at sa mga ngiti niya. Ang mga panahon na lahat ng kalokohan ay ginawa ko sa kanya pero hindi siya nagalit. Laging ngiti at pagtawa lang ang iginaganti niya sa akin.

Napakagat ako sa ibabang labi ko. Pinipigilan kong muling pumatak ang aking mga luha.

Lahat ng mga pinagsamahan namin ni Paolo ay biglang bumalik sa aking isip. First kiss, confession, first hug, mga pangako sa isa’t isa at pagmamahalan. Lahat. Pati ang mga memories at efforts na ginawa niya tuwing sumasapit ang kaarawan ko.

Hindi ko matanggap. Hindi ko matanggap na wala na si Paolo at nilisan na niya ang mundong ito. Ang sakit lang isipin na hindi ko na siya makikita at hindi ko na masisilayan ang ngiti niya mamaya, bukas at sa mga susunod na mga araw.

Hindi kayang tanggapin ng puso ko na mamaya, kapag nakauwi ako ng bahay, wala na akong makikitang isang Paolo na naghihintay sa akin. Wala nang Paolo na bigla-bigla akong kikilitiin at yayakapin. Wala nang Paolo na biglang ngunguso na parang bata kapag hindi ko pinapansin. Wala nang Paolo na maghahatid at susundo sa akin. Wala na si Paolo. Wala na ang Paolo na minamahal ko at pinangakuang pakakasalan kapag tumuntong ako ng twenty years old. Wala na si Paolo na gusto kong maging ama ng magiging mga anak ko. Wala na si Paolo na minahal ako nang buong-buo sa kabila ng sampung taon na pagitan ng aming mga edad. Wala na siya. Wala na.

Nakita ko na ang napakalaking gusali ng Ospital ng Makati. Biglang bumigat ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko mahihimatay ako pero nilabanan ko lang ang sariling katawan. Gusto kong ma-confirm. Gusto kong makita ng sarili kong mga mata na wala na talaga siya. Ipinarada ni Dad ang kotse sa parking lot at agad lumabas. Sumunod ako sa kanya patungo sa loob ng ospital.

Nakasunod lang ako kay Dad habang naglalakad kami sa loob ng ospital. Sa morgue kami dumeretso. Nakita ko sina Mommy at Agatha. Parehas mapupula ang mga mata nila. Nang makita ni Mommy si Dad, agad itong yumakap kay Daddy. Habang ako naman, agad tinanong si Agatha.

“Nasa’n siya?” mabilis kong tanong sa kanya. “Nasa’n ang katawan niya?”

“Nasa… nasa loob.” Biglang pumatak ang mga luha ni Agatha. Naging malapit siya kay Paolo dahil sa tagal na rin nilang magkatrabaho sa mansiyon kaya naging emosyonal siya. Tumango na lang ako bilang sagot sa sinabi niya.

Unang pumasok si Dad sa morgue. Sumunod naman ako. Pero sa bawat hakbang na ginagawa ko ay parang paulit-ulit nababasag ang puso ko. Pagpasok ko sa loob ay may nakita akong isang katawan na natatakpan ng puting kumot. Hindi pa natatanggal ang kumot na nakatakip sa buong katawan niya, nakumpirma ko nang katawan ni Paolo iyon. Agad ko kasing nakita ang kamay niyang may puting tali. Pero hindi na iyon kulay-puti. Naging kulay-pula na iyon dahil sa sarili niyang dugo.

Nanginig ang buong katawan ko. Pakiramdam ko, namanhid ang buong pagkatao ko. Unti-unti na namang pumatak ang mga luha ko habang nakatingin sa katawan ni Paolo na wala nang buhay. Wala na talaga siya. Wala na. Wala na talaga si Paolo. Iniwan na niya ako.

May lumapit na isang nurse at inabot sa akin ang isang transparent na plastic. May laman itong cell phone na pag-aari ni Paolo at ang kulay-blue niyang wallet na regalo ko noong nakaraang Pasko. Malinis na ito at wala nang dugo. Agad kong napansin ang cell phone dahil naka-on pa iyon. Hindi ito namatay kahit naaksidente si Paolo.

Habang nakikipag-usap sina Dad at Mom sa nurse, ako naman ay abala sa pagtingin sa cell phone ni Paolo. Muli akong naluha dahil hawak ko ngayon ang mga pag-aari ng lalaking mahal ko. Pagtingin ko sa inbox, nandoon pa ang huling text ko sa kanya. Kinalikot ko ito at napunta sa draft message. May kaisa-isang message na naiwan na hindi nai-send. Pagbukas ko ng message ay bigla akong napahagulhol dahil sa nabasa ko. Napatingin sa akin si Agatha pero wala akong pakialam.

To: My Queen

Mahal na mahal din kita. Hintayin mo ako. Padating na ako diyan. Pupunta tayo sa

Hindi na natapos ang message dahil siguro iyon na ang oras na naaksidente si Paolo. Hindi na niya natupad ang pangako niya. Hindi na kami nakapunta sa Snow World. Hindi na niya nakita ang snow na gustong-gusto niyang makita.

Sunod kong tiningnan ang wallet ni Paolo. Laman nito ang driver’s license niya. Sa pagkukutinting ko rito ay may nakita akong nakaipit na larawan. Pagtingin ko sa larawan, nakita ko ang baby picture ko na nakasimangot. Kinuha pala ni Paolo ang isa kong picture at itinago sa wallet niya. Mahal na mahal talaga ako ni Paolo. Sa kabila ng sampung taon na agwat ng edad namin, minahal niya ako nang buong-buo.

Dumating na ang pamilya ni Paolo. Umiyak nang umiyak si Nanay Perla at mga kapatid ni Paolo nang makita ang malamig na katawan ni Paolo. Hindi ko nakayanan ang nakikita ko kaya bigla akong umalis at pumunta sa parking lot para umiyak nang umiyak.

Napatingala ako sa kalangitan dahil parang uulan. Hindi pa ako nakakapasok sa loob ng sasakyan ay bigla nang bumagsak ang malakas na ulan. Isinara ko na lang ang sasakyan at hinayaan na mabasa ako nang tuluyan. Umiyak ako kasabay ng pag-iyak ng langit. Bigla kong naisip na marahil si Paolo ito na umiiyak habang nakatingin sa aming mga pinakamamahal niyang naiwan dito sa lupa.

Ganito pala ang pakiramdam ng mabuhay pero para ka na ring namatay. Pakiramdam ko nawalan ako ng ganang mabuhay nang mawala si Paolo sa akin.

Mahirap magpatuloy sa buhay kapag gigising ka isang umaga na wala na ang taong pinakamamahal mo. Hindi mo na uli makikita ang ngiti at maririnig ang mga tawa niya. Hindi mo na muling mararamdaman ang yakap at halik niya. Mapapaiyak ka na lang sa masasayang alaala na babalik sa isip mo. Sana… sana kung alam ko na magiging ganito, eh, di sana mas minahal ko pa siya. Mas ipinaramdam ko sana sa kanya ang pagmamahal ko at araw-araw kong nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal.

He was twenty-eight years old and I was just eighteen years old back then when I thought to myself that I was better off dead.