noveltoon logo noveltoon
Villa Kristine (Kristine Series 5)

Chapter 2

Ch. 3 / 12 Feb 05, 2022

Chapter Two

“A NO KA ba naman, Zandro?” Si Clarita sa anak. “Hanggang kailan tayo mananatili dito sa apartel? Gusto kong bumalik uli tayo sa Paso de Blas. Hindi ko maintindihan kung bakit pagkalibing ng Jewel na iyon ay nagyaya ka nang bumalik tayo dito sa Maynila...”

“Oo nga naman, Zandro,” sang-ayon ni King, sabay buga ng sigarilyo. Dalawampu at limang taong gulang. “Gusto ko ang isang buwan na ipinagbakasyon natin doon. Kaya lang sa susunod na babalik tayo ng Paso de Blas ay dapat na sa Villa Kristine na tayo tutuloy at hindi sa hotel. Wow, Zandro, kahit ba mukhang museum ang bahay na iyon ay kayamanang lahat ang mga antique na naroon, ah.”

“At sa iyo dapat ang Villa Kristine, Zandro...” sulsol ni Clarita. “Hindi mo kailangang magpatumpik-tumpik. ”

“Ipinamana ni Leon ang Villa Kristine kay Bernard, Mama, King,” napipikang sagot ni Zandro. “At bakit ba naman ang isang lumang Villa ay gusto ninyong maangkin? Hindi ba at buhay milyonaryo naman kayo ngayon?”

“Dahil ina ako ng dapat ay milyonaryo ngayon kung hindi lang sa katigasan ng ulo mo!” hiyaw ni Clarita. “Alalahanin mong ginamit ako ni Leon, Zandro. Pinagsamantalahan.”

Mapait na ngumiti ang lalaki. “Sinabi sa akin ng Papa ang totoong nangyari, Mama, noong una ko itong makausap.” n apabuntong-hininga si Zandro.

Si Clarita ay anak ng isa sa mga katiwala ni Leon Fortalejo sa bukid. Ambisyoso ang katiwalang ito at maganda si Clarita. Ipinain ang anak sa pag-aakalang iibigin at pakakasalan ni Leon. Subalit tulad ng ibang mga babaeng nagdaan sa buhay ni Leon Fortalejo ay nanatiling isang lihim na babae si Clarita bagaman sa pinansiyal na paraan ay nagtagumpay ang mga ito dahil galante si Leon sa mga babaeng nakakapiling nito.

Subalit hindi pinahintulutan ni Leon na manatili sila sa Paso de Blas. Hindi birong pera ang ipinagkaloob ni Leon sa mag-amang Clarita at Pacio upang mangibang bayan. Pinagkalooban ng salaping maibibili ng malawak na bukirin sa ibang lugar patawid ng dagat.

Subalit hindi natapos doon ang kasakiman. Dahil naging maluho sa pamumuhay ang mag-ama. Si Mang Pacio sa sabong na bisyo at si Clarita ay sa pagliliwaliw. Nang magdalang-tao si Clarita ay ninais ni Mang Pacio na muling kausapin si Leon upang muling hingan ng pera. Sa ikalawang pagkakataon ay nagbigay si Leon alang-alang sa dinadala ni Clarita subalit may pasubali. Si Leon mismo ang naglaan ng salapi sa bangko para sa anak. Ang salapi ay makukuha lamang ni Zandro pagdating sa tamang edad na beinte-singko.

Ipinagpuyos ng loob ni Mang Pacio ang bagay na iyon at muling pinuntahan si Leon at nagbantang ipagkakalat sa buong Paso de Blas ang ginawa nito kay Clarita. Iyon ang huling pagkakataong nakitang buhay si Mang Pacio. Kung anuman ang nangyari dito ay walang makapagsabi.

Natakot si Clarita roon. Makalipas ang dalawang taon matapos maipanganak si Zandro ay nag-asawang muli ang babae. Inalok ni Leon si Clarita na ibigay dito ang anak subalit tumanggi ang babae. Taglay sa isip ang salaping kumikita sa bangko sa sandaling dumating sa edad ang anak.

At gaano man karami ang salapi ay nauubos din kung walang ibang pinagkukunan kundi iyon. Isang taon nang biyuda si Clarita nang dumating sa takdang edad si Zandro. Ang salaping naipon sa bangko ay sapat sana upang mabuhay ang tatlo sa marangyang paraan kung hindi waldas si Clarita at ang bunsong anak nitong si King.

Dalawampu at siyam na taong gulang na si Zandro at halos apat na taon na ring namamayagpag ang mag-ina sa paggasta ng salapi. At kung magpapatuloy ang mga ito sa uri ng paggasta ay nakatakda silang mamulubi. At iyon ang kinatatakutan ni Clarita.

“At naniwala ka naman sa sinabi sa iyo ni Leon?” hamon ni Clarita sa anak. “Buong buhay mo’y ako ang nag-aruga sa iyo, Zandro, kaya ako ang paniwalaan mo!” pagalit nitong sinabi.

“Sa mga kapintasan ng pag-uugali ni Leon na naririnig ko, Mama, ay hindi kabilang doon ang pagiging sinungaling. Leon may be shrewd and ruth less pero may palabra de honor. Ginagawa ang sinasabi. He was never answerable to anyone dahil siya ang panginoon ng bayang iyon anuman ang kapintasan niya.”

Nagsiklab si Clarita. “At ano ang gusto mong sabihin, ako ang sinungaling, ganoon ba?”

“Nagiging lapastangan ka na yata, Zandro.” s i King na padabog na tumayo.

Nagtagis ang mga bagang ni Zandro sa pagkakatingin sa ina at kapatid. “Huwag kayong mainip, Mama, King. Matutupad ang mithiin ninyong magbuhay-milyonaryo. Maghintay lang kayo...”

Nag-iba ang ekspresyon ni Clarita. “Kailan iyon, Zandro? Bakit hindi mo tawagan ang abogado natin upang siyang mangasiwa sa bagay na ito...”

“May panahon ang lahat ng mga bagay, Mama. Ang sabi ko nga ay huwag kayong mainip,” pagkatapos ay sinulyapan ang kapatid na nakatanaw sa labas. Hitit-buga sa sigarilyo. “Kung pinamahalaan mo ba naman nang mabuti ang negosyong ipinagkatiwala ko sa iyo, King, di sana’y hindi ganyang...”

“Anak ng...” pagmumura nito. Humarap sa kapatid. “Ano ba naman ang gusto mong mangyari, Zandro, gayong talagang palugi na ang kompanyang iyon. Hindi ako madyikero para ibahin ang takbo ng kompanya mo. At kung hindi ka rin ba umalis nang matagal na ewan kung saan ka nagpunta, di sana’y hindi tuluyang bumagsak ang kompanya...”

“Huwag na kayong magsisihan,” awat ni Clarita sa dalawang anak. Alam niyang nagpipigil lang si Zandro pero nakikita na niya ang galit sa mga mata nito. Kilala niya ang panganay na anak. Malupit ito sa maraming pagkakataon, tulad din ni Leon. “Nangako naman sa atin si Zandro, King, na aayusin na niya ang mana niya sa mga Fortalejo.”

Masamang tingin ang ipinukol ni King sa kapatid na tila pinagdududahan ang kakayahan nitong gawin ang sinabi.

“Kakausapin ko nga pala si Bernard bukas, Mama,” patuloy ni Zandro. “Titingnan ko rin kung pahihintulutan niyang magbakasyon tayong muli sa Paso de Blas. Mula nang mamatay ang kasintahan nito ay mas malimit siyang magtigil dito sa Maynila.”

“At bakit hindi ka niya pahihintulutan?” pagalit uling angil ni Clarita. “Sa iyo dapat ang villa, Zandro, alalahanin mo iyan...”

“Gusto kong sumama sa iyo sa pakikipagkita kay Bernard, Zandro.” s i King. “Gusto kong makita ang kabuuan ng Kristine Cement. Isa itong malaking kompanya, hindi ba? At pag-aari ni Bernard ang lahat ng mga iyon...”

“Hindi na kailangan, King,” tanggi ng binata. “May importanteng bagay akong sadya kay Bernard...”

Tinitigan ni Clarita ang bunsong anak. “Hayaan mo na ang kapatid mo, King. Bilisan mo ang pakikipagnegosasyon, Zandro. Dahil kung ako ang masusunod ay mas gusto kong sa korte na lang pag-usapan ang anumang ipakikipag-usap mo sa kanila. Hindi ko gustong nakikipag-usap sa mga taong ito. Parang sila ang may-ari ng mundo kung umasta at magsalita, lalo na ang Bernard na iyan na kung tutuusin ay walang karapatan sa minana mula kay Leon...”

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Zandro. Useless makipag-usap sa ina dahil wala itong alam dahil hindi naman ito nakapagtapos ng high school. Ang tanging pases nito sa sosyedad na ginagalawan ay ang perang iniwan ni Leon sa kanila. At sa tuwing tatangkain niyang paliwanagan ito ay sigaw at galit ang isinasagot ni Clarita na inaakusahan ang anak na pinagmumukhang tanga ito. At hindi nito gustong makipagtalo sa ina.

KINABUKASAN ng tanghali ay nasa Kristine Cement si Zandro.

“Good afternoon, Mrs. de Lara,” bati ng binata sa sekretarya. “Hindi ba busy si Bernard?”

Nagsalubong sandali ang mga kilay ni Andrea. Namumukhaan niya ang lalaking ito sa burol ni Jewel. Sa dami ng bisita ay napagtuunan niya ito ng pansin sa iisang kadahilanan. He reminded her of Leon.

“Do you have an appointment?” pormal nitong tanong. “Sino ang sasabihin kong gustong kumausap kay Mr. Fortalejo?”

Tumaas ang sulok ng mga labi ng binata bilang pagngiti na hindi naman umabot sa mga mata.

“My name is Zandro. Zandro Fortalejo...”

Napahugot ng paghinga si Andrea sa sinabi ng kaharap. Hinagod ng tingin ang binata. Oh my! This must how Leon looked when he was younger. And another of the Fortalejos. Hindi ba matatapos ang listahan? Kung nagkataong nagbunga ang maraming panahong pinagsamahan nila nang lihim ni Leon ay tiyak na... hindi nito itinuloy ang naisip. Napapailing nang wala sa loob.

“One moment, Mr. Fortalejo, may kausap sa loob si Bernard. Please take a seat.” i tinuro nito ang upuan sa harap ng mesa at dinampot ang intercom. May diniinang buton. “Bernard, may gustong kumausap sa iyo. His name is Zandro...” s andaling hindi nagsalita si Mrs. de Lara na tinapunan ng tingin ang kaharap. Hindi maiwasang mapahugot ng hininga. Napakatalim ng resemblance nito at ni Leon maliban sa bata ang kaharap. “Yes, boss,” mayamaya’y sabi nito at muling ibinalik ang interoffice phone. “Pumasok na kayo, Mr. Fortalejo...” i tinuro ni Andrea ang pinto.

Ngumiti si Zandro sa puntong iyon. Totoong ngiti. “Zandro na lang, Mrs. de Lara. Tinawag mo ang b ig b oss ng Bernard lang, so call me Zandro,” wika nito bago tumuloy sa loob ng silid. Naiwang nakanganga si Andrea na sinundan ng tingin ang binata.

If she was younger, she’ll fall in love with the Fortalejo men. Physically, wala siyang itulak kabigin sa mga ito. Si Bernard, na bagaman prominente ang dugong de Silva ay tinaglay ang ugali ni Leon Fortalejo na kapag kinakausap siya’y naiisip niyang si Leon ang nagsasalita. At sa paglipas ng mga taon, ang batang lawin ay nagiging prominente. Nagiging matigas ang mga bagwis.

Si Nathaniel, na bagaman Cervantes ang tinaglay na apelyido ay Fortalejo sa tunay na kahulugan. At ngayon ay ang paglitaw ni Zandro, na sa tingin niya’y anino ng lawin.

Kung baga sa kabayo, ang mga ito ang tinatawag na stallion, an Arab breed, the highest kind. At bawat isa ay nagtataglay ng gintong kutsara sa bibig. Maliban marahil sa Zandro na ito na sa pagkakaalam niya’y tinanggihan ang mana mula sa ama. Kung bakit ay nanatiling misteryo.

Nakatayo ang bisita ni Bernard nang pumasok si Zandro. Bumati ang binata.

“May bisita ka...”

“He’s a friend,” pormal ang tinig ni Bernard. “Andre met Zandro... Zandro, si Andre. Dating classmate at matalik na kaibigan. Magbabakasyon siya sa Paso de Blas ng mga ilang araw.”

Nagkamay ang dalawang lalaki. Kaswal ang ngiti ni Andre. Pagkatapos ay nagpaalam na. Naiwan ang dalawa.

“Nakakahiya bang ipakilalang magkapatid tayo sa ama dahil anak lang ng katiwala ni Leon ang ina ko?” nanunuyang wika ni Zandro.

“Alam ni Andre na isa kang Fortalejo.”

“You’re my brother,” giit ni Zandro. “Sa dalawang pagkakataong ipinakilala mo ako sa mga kaibigan mo, you purposely omit to add that I am your brother. Bakit, ikinatatakot mong mawala sa iyo ang Villa...?”

Tumiim ang mukha ni Bernard sa pagkakatitig kay Zandro. “Damn you, no. Dahil hindi mapapasaiyo ang Villa Kristine. But if and when na mapunta sa iyo ito, you will wish to hell na hindi mo ito pinag-interesan!”

“Sinabi ko na kay Marco na hindi ako intaresado sa Villa Kristine, Bernard...”

“Nagpakita ng matinding interest ang ina mo at kapatid na mapunta sa kanila ang villa,” pagalit na sagot ng binata.

“lyan ba ang dahilan sa biglang pagbabago ng pakikitungo mo sa akin lately?” nanunuring tanong ni Zandro. Sinalubong ng tingin ni Bernard ang mga titig nito. Nagsukatan ng tingin ang dalawa. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Zandro. “Ganoon kahalaga sa iyo ang villa, Bernard?”

“Yes and no. Ibibigay ko iyon sa talagang may karapatan, bakit hindi. No. Dahil wala kang karapatang angkinin ang villa. Consult with your lawyer tungkol sa legacy ni Leon.”

“Take my word, Bernard. Hindi ako interesado sa Villa Kristine. Iba ang sadya ko kaya ako narito. Pero una muna ay gusto kong ipaalam sa iyong babalik ang Mama at si King sa Paso de Blas upang magbakasyon muli...”

“Magbakasyon sa Paso de Blas?” Tumiim ang mga mata ni Bernard. Isang magandang pagkakataon iyon upang makapag-imbestigang mabuti si Andre. “By all means, Zandro. Sabihin mo kay Nathaniel na ipagpa-reserve kayong muli ng silid sa hotel. It will be charged under my account...” n anghahamak ang titig na ibinigay nito sa kaharap.

“Thank you, Bernard. Pero hindi. Babayaran ko ang lahat ng gastos sa pananatili namin doon. Ang pakiusap ko lang ay hindi sana malaman ng Mama at King na binabayaran ko ang expenses...”

Nagkibit ng mga balikat si Bernard. “Suit yourself.”

“Ang talagang sadya ko’y dahil gusto kong makipag-usap ng negosyo sa iyo...”

Umiling si Bernard. “Wala akong alam na maaari nating pag-usapang negosyo, Zandro. Hindi ako interesado,” pinal nitong sinabi.

Muling napabuntong-hininga si Zandro. Tumayo. “Kung ganoon ay walang dahilan upang magtagal pa ako. Good day, Bernard.” h umakbang ito patungo sa pinto. Nakahawak na ito sa door knob nang magsalita si Bernard.

“Nasaan ka noong araw na mamatay si Jewel?”

Napalingon si Zandro. “What?”

“Narinig mo ang sinabi ko.”

Nagsalubong ang mga kilay ni Zandro. “Am I a suspect after all these months?”

“Just answer my question, Zandro. Itinawag sa akin ni Nathaniel kaninang umaga ang telephone bill ng hotel. Nakasulat doon ang numero ng CP ni Jewel calling the hotel that night. Kinumpirma din ni Mitchel iyon. Hindi niya binanggit dahil wala namang nagtatanong at isa pa’y hindi inisip ni Mitch na importante ang impormasyon. Ikaw ang kausap ni Jewel nang gabing iyon...”

“Of course. Hindi ko rin itinatanggi. Hindi ko sinabi dahil wala ring nagtatanong. Besides, I didn’t think it was important.”

“Bukod tanging ikaw lang ang nakakaalam na darating sa Villa si Jewel.” s inisikap ni Bernard na manatiling kalmante ang tinig sa kabila ng pagpupuyos ng dibdib.

Nagliwanag ang isip ni Zandro. “Iyan ang dahilan kung bakit bigla ay nagbago ang pakikitungo sa akin ni Nathaniel at ganoon ka rin. Of course, Marco, was formal and businesslike. You suspected me of being a murderer!”

“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko sa iyo, Zandro,” mariing pag-ulit ni Bernard.

“Dammit, Bernard! Hindi ko sasabihin sa iyo kung saan ako naroon nang gabing iyon. Gawin mo ang gusto mong gawin. May batas na uusig. Pero ito lang ang masasabi ko sa iyo, wala akong kinalaman sa pagkamatay ni Jewel! Ano ang mapapala ko para gawin iyon? Tanggihan mo mang magkapatid tayo pero isa akong Fortalejo, Bernard, and a Fortalejo will never hurt a woman physically, least of all, kill her!” Pagkasabi niyo’y mabilis na binuksan nito ang pinto at lumabas.

Napasandal sa executive chair si Bernard. Ipinikit ang mga mata. Nawawalan siya ng kontrol sa sarili. Hindi niya dapat sinabi iyon. Alam na ngayon ni Zandro na pinaghihinalaan ito. At mahihirapan silang patunayan iyon maliban sa hawak niyang kuwintas.

Isa akong Fortalejo, Bernard, and a Fortalejo will never hurt a woman physically, least of all, kill her!

Nag-echo sa isip niya ang huling sinabi ni Zandro. Ikinuyom niya nang mahigpit ang mga kamay.

“Oh, love, I missed you so much,” he whispered in agony. “At ipinangangako ko sa iyong magbabayad ang may kagagawan ng pagkamatay mo!”