noveltoon logo noveltoon
One Wish (Kristine Series 18)

Chapter 2

Ch. 3 / 22 Apr 09, 2022

Chapter Two

“Y OU LIED to me!”

“Napaka-paranoid mo!” angil ng binata. “Ano ba naman ang mangyayari sa akin kung papasok ako sa politika?”

“Alam mong hindi iyon ang ibig kong sabihin,” aniya, sinisikap kontrolin ang galit. “Napag-usapan na natin iyan. Nangako ka sa aking hindi papasukin ang politika!”

“Ang p apa ang may gusto nito,” wika ni Nelson sa marahang tinig. Hindi nito gustong makakuha ng atensiyon sa mga taong labas-masok sa munisipyo. “Hindi ko siya maaaring tanggihan. At bilang principal, malaki ang impluwensiya ng itay mo sa mga tao. Lalo na ang lolo mo.”

Manghang napatitig sa kasintahan si Lora. Hindi makapaniwalang naririnig niya iyon. She could have forgiven him for lying to her. Pero ang marinig sa mga labi ng kasintahan ang motibo nito sa madaliang pagpapakasal nila’y hindi niya matanggap.

“You want to use me,” she hissed. “Gusto mo akong pakasalan hindi dahil mahal mo ako kundi gusto mong gamitin ako at ang pamilya ko sa politika!”

Napaungol si Nelson sa paraang tila napakakitid ng mentalidad niya. “Ang lawak ng imahinasyon mo, Lora. Of course, I love you. Pakakasalan ba naman kita kung hindi.”

She was seething with anger. Kung magsasalita siya’y baka kung ano pa ang masabi niya. At nasa munisipyo sila dahil naroroon si Nelson sa opisina ng ama nito. Hindi niya gustong makagawa ng eksena. Mabilis siyang tumalikod at lumabas ng building.

“Lora!” tawag ni Nelson, subalit hindi siya lumingon. Dere-deretsong lumabas at nagmamadaling tinungo ang scooter niya at bago pa makahabol ang nobyo’y nakalayo na siya.

“DINALHAN na kita ng pagkain, Lora. Nagpalipas ka na naman ng oras sa pagkain mo, bata ka!” ani Tiya Lagring sa nagsesermong tono. Inilapag sa tabi ng pamangkin ang basket.

“Salamat, Tiya Lagring...”

Ang malaking asong nakaupo sa tabi ni Lora ay agad na tumayo at inamoy-amoy ang pagkain sa loob ng basket. Binugaw iyon ng matandang babae.

“Dumating nga pala si Nelson kani-kanina lang. Hindi ko sinabing narito ka tulad ng bilin mo. Babalik na lang daw siya. Nagkakagalit ba kayo at ilang araw mo nang iniiwasan ang nobyo mo?”

Nawala ang ngiti sa mga labi niya. “Hindi ko siya gustong makausap, Tiya. Ano bang oras ko sasalubungin ang t atay sa pier sa Batangas?” pag-iiba niya sa usapan.

“Ang bilin sa akin ay bago mag-alas-singko dapat ay naroon ka na.” Sinulyapan nito ang isa pang basket na dapat ay lalagyan ng mahuhuling isda ng dalaga. n apailing ito nang makitang walang laman iyon. “Mabuti na nga lang pala at naalala kong dalhan ka ng pagkain kahit hapon na. Nawala sa isip kong hindi ka nga pala tatayo riyan hangga’t walang nahuhuli iyang bingwit mo. Aba’y mag-aalas-tres na, ah!”

“Meron ho akong nabingwit, Tiya. Pero pinakawalan ko’t hindi naman kalakihan.” Sinulyapan niya ang fishing rod at umaasang may hahatak doon anumang sandali. “At saka tanghali na naman ho akong nag-almusal kaya hindi pa ako gaanong gutom...” Tiningala niya ang matandang tiyahin. “Saluhan na kaya ninyo ako?”

“Ay hindi na, bata ka. Mamaya lang ay paparoon na ako sa aplaya at baka kung ikaw ang hihintayin kong makahuli ng isda’y wala tayong maihahapunan. At maaga kang lumakad at baka abutan kayo ng malakas na alon...” Pagkasabi niyo’y tumalikod na at binaybay ang munting daungan pabalik sa bahay.

Tumayo si Lora at itinali sa kahoy ang fishing rod. Pagkatapos ay nilinga ang aso niyang nakatanghod sa basket ng pagkain.

“Chao, Rufus,” wika niya sa aso habang inaalis mula sa basket ang pagkain.

Maliban sa dalawang saging at bote ng tubig, sa isang plastic canister ay naroon ang kanin at sa isa pa’y dalawang pritong manok. Ibinigay niya ang isa kay Rufus na agad nitong sinakmal.

“Kung gusto mo ng kanin, Rufus, sa iyo na iyan,” kausap niya sa aso na tila ito tao at inilagay sa harap nito ang plastic ng kanin. “Tama na sa akin itong saging at pritong manok. I’m on a... diet.” Isang malakas na tawa sa sarili ang pinakawalan niya. Because she loved to eat. At ang ipinagpapasalamat niya nang husto’y ni hindi nadaragdagan ang timbang niya.

She was slim for her five feet and five inches height. Na kinaiinggitan ng mga kakilala’t kaibigan niya. Hindi siya iyong matatawag ng nakararami na gandang pang-Miss World. But Lora was pretty. At higit sa lahat, biniyayaan ng Mother Nature ng maganda at pinong kutis. At ang pagiging masayahin niya ay lalo pang nagpadagdag sa atraksiyon ng dalaga. She was so easy to please and could laugh and smile at a simple joke.

Muli siyang humarap sa dagat at ibinaba ang mga paa. Kalahati ng mga binti niya’y lumubog sa tubig. This was her favorite place. Nakapalibot sa munting pantalan ang malalaking punong nakatunghay sa dagat. Kung titingnan sa laot ay hindi mapupunang may pantalan doon dahil nga sa naglalakihang mga punong-kahoy at mga puno ng niyog. At ang pampang naman ay napapaligiran ng matataas na damo at mga bato. p alibhasa’y malapit na iyon sa bukana ng ilog. Ang bahagi na iyon ng lupain ay pag-aari ng lolo niya. At kung patag lamang ang lugar na iyon ay marahil ginawa na iyong beach resort ng lolo niya noong nabubuhay pa ito.

Ang kabilang bahagi naman na nakaharap sa ilog ay minana naman ng tatay niya sa mga magulang nito kung saan ang kinukunan ng ikinabubuhay ay ang pag-aalaga ng mga itik. Hindi naman kalakihan ang lupang minana ng tatay niya sa mga magulang nito. Katunayan ay wala pang kalahating ektarya.

At ang pantalan namang iyon ay ipinagawa ng ama ni Marcia para sa malalaking bangkang pangisda nito. Subalit nahilig sa politika ang ama ni Marcia na nagsimula sa pagiging kapitan del baryo. At pagkatapos ay naging bise mayor at dalawang terminong nanalo bilang mayor.

At nang kumandidato ito bilang bise gobernador sa probinsiyang iyo’y naisanla sa bangko ang dalawang ektaryang lupain at ipinagbili ang mga bangkang de-motor upang gamitin sa kampanya. At nagtira lamang ito ng mas maliit na basnig na siyang gamit ng pamilya sa paroo’t parito sa Batangas at Calapan.

Hindi pa natalo sa eleksiyon ang lolo niya. Katunayan ay landslide palagi ang kalamangan nito sa mga kalaban. At marami ang naniniwalang mananalo ito bilang gobernador dahil bukod sa bukas-palad ang lolo niya’y mahusay itong makisama sa mga tao at madaling lapitan. Subalit ang kandidaturang iyon ay pinagbuwisan ng buhay ng dalawang taong labis niyang mahal, ang lolo at ang nanay niya.

Ipinagpasalamat nang labis ni Lora na hindi kasama sa naisanla ng lolo niya at nailit ng bangko ang bahaging iyon ng lupaing kadikit ng lupain ng tatay niya, ang dalawang libong metro kuwadradong kinatatayuan ng bahay nito na nakaharap sa dagat malapit sa ugpungan nito sa ilog.

“Paborito mo ang lugar na ito, `di ba, apo?” naalala niyang minsa’y sinabi ng lolo niya. Nasa unang taon siya sa high school. “Puwes, magmula sa araw na ito’y sa iyo na ang pantalang ito...” Then her grandfather’s laugh echoed around.

Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi kasamang naisanla ang propriedad na iyon. Na kahit sa pabirong paraan, ibinigay iyon ng lolo niya sa kanya. At labis niya iyong pinahahalagahan. She would treasure this place forever.

“Hey!” aniya kay Rufus nang makitang nakatanghod ito sa kinakain niya, tila nagmamakaawa ang mga mata nito na parang sinasabing bitiwan na niya ang kinakain.

Isa si Rufus sa mga regalo sa kanya ng lolo niya. Tuta pa lang ito nang dalhin sa kanya and she fell in love with him on sight.

She made a face. Ibinigay rito ang natira sa pritong manok. “`Ayan na nga. Madaya ka...”

Ipinahid niya sa shorts ang mantika sa kamay at muling hinarap ang fishing rod habang nginunguya ang natitirang pagkain sa bibig. Inikid ang linya niyon at pagkatapos ay muling inihagis sa malayo ang hook at sinker.

Subalit hindi agad lumubog sa tubig ang hook. It made a clink na tila ba may tinamaan ang maliit na bakal.

Kumunot ang noo ni Lora at napatayo. Tinanaw ang bahaging iyon ng tubig. “Ano iyon, Rufus?”

Tumaas ang dalawang tainga ng aso. Bahagyang gumawa ng ingay at tumaas din ang ulo sa hinahayon ng mga mata niya.

“Tumama ang hook ko sa isang basurang bote!” dismayadong sabi niya nang anod-anurin ng maliliit na alon ang bote at inilalapit sa pantalan. “‘Kainis...” she murmured.

Inikid niyang muli ang linya at inihagis sa dagat. Inabot niya ang bote ng tubig sa basket at uminom. Pagkatapos ay ang saging at pinanlakihan ng mga mata ang aso.

“Hindi mo gusto ito!” singhal niya rito. Muling naupo sa pantalan.

She was splashing her feet on the water habang binabalatan ang saging. Isusubo na lang niya iyon nang muling matuon ang pansin sa botelyang nilalaro ng alon.

“H-hey, Rufus, tingnan mo... may laman iyong bote...” She laughed. “Baka genie, Rufus. Kuhanin mo, dali!” tapik niya sa aso, sabay turo sa tubig.

Agad namang sumunod at tumalon sa tubig si Rufus.

“`Pag genie `yan, Rufus, pakakawalan ko, then I’ll make a wish. That he made us rich! At ang ikalawang wish ko...” She paused for a while, nag-iisip kung ano ang susunod na hihilingin. Pagkuwa’y ipinitik ang dalawang daliri. “Alam ko na! Hihilingin kong gawin ka niyang tao. Isang mayaman at guwapong prinsipeng Arabiano!” Muling umalingawngaw sa paligid ang tawa niya sa kalokohang naisip.

Si Rufus ay patulak na inilalapit ng nguso ang bote palapit kay Lora. Dumapa sa pantalan si Lora upang maabot ang bote sa tubig. At nang mahawakan ang leeg niyo’y lumangoy patungo sa pampang si Rufus at doon umahon.

“Ano’ng laman mo, ha?” aniya habang sinisilip ang laman ng botelya. “Baka naman basura lang?” Inikot-ikot muna niya iyon bago ipinasyang tuluyang buksan.

Bago pa niya maituwad ang botelya upang kunin ang laman niyon ay nasa tabi na niya si Rufus at ipinagpag ang sarili. Tumamang lahat ang tubig sa katawan nito kay Lora.

“Rufus, binasa mo na ako!” tili ng dalaga. Inihilamos ang palad sa mukha at braso. Pagkuwa’y ipinagpatuloy ang pagdukot sa nakaikid na papel sa loob ng bote. Inabot iyon ng hintuturo. Nang makuha’y binuklat ang papel.

“Wow, a message in a bottle, Rufus! Parang sa sine!” She was amused. Binasa ang nakasulat doon.

I am a very rich man but a lonely one. Find me,

and I will take you to the ends of the earth...

Lora laughed. “Really, huh. At may kasama pang calling card. Hmm... A. K. Cervantes, vice president... Cervantes Meat Processing Company.” Lumabi siya at nilingon si Rufus na nakatingin sa kanya.

“Sino kayang loko ang gumawa nito, Rufus? How romantic and foolish. Ano sa palagay mo? Does this man really exist? Siya bang talaga ang sumulat ng mensahe? O may nakapulot lang ng calling card at nagbiro at inilagay sa bote kasama ng mensahe? At bakit ang isang may sinasabing taong tulad nito’y mag-aabalang gumawa ng kalokohang ito?” Muli niyang sinipat ang calling card. Mukha namang authentic, katunaya’y maganda at mamahalin ang texture ng papel.

Umingit lang ang aso. Tumaas ang mga tainga.

“At ano naman kaya ang hitsura ng Anton na ito? Oh, well... sa posisyon nito sa kompanya, malamang na kasing-edad ni Zobel de Ayala.”

Nagkibit siya ng mga balikat. Itinupi ang mensahe at ibinalik sa bote. Ang calling card ay isiniksik niya sa loob ng blouse patungo sa loob ng bra niya.

“Mamaya na lang natin balikan iyan, Rufus, pagkasundo natin sa t atay. Tara na nga at baka hapunin tayo,” wika niya sa aso at bumaba sa bahagi ng pampang patungo sa malaking bangkang pangisda na nakatali sa pantalan.

Si Rufus ay tumalon patungo sa basnig habang tinatanggal niya ang lubid sa kahoy. Pagkatapos ay pinaandar na niya ang makina ng malaking bangka. Hindi nagtagal ay pumapalaot na siya upang sunduin sa pier ng Batangas si Gaudencio na lumuwas sa Maynila may dalawang araw na ang nakararaan at may sinadya sa DECS.

NASA laot na sila at kampanteng hindi gaanong sineryoso ni Lora ang manibela ng basnig. Sanay na siya roon. Tahimik at maaliwalas ang dagat at walang ibang bangka siyang nakikita sa paligid maliban sa isang malaking yate na sa tingin niya’y napakalayo naman. Binitiwan niya ang manibela at hindi pinansin na humihina ang takbo niya kaysa sa normal. Dinukot ang calling card na inilagay sa bra. Muli iyong binasa.

“Cervantes Meat Processing Company, Esmeralda Building, Pasong Tamo. Ano kaya, Rufus, kung sa pagluwas ko sa Maynila sa katapusan ng buwan ay puntahan ko ang address na ito?”

Kumahol ang aso na tila tumututol sa iniisip niya. Umikot ang mga mata ni Lora. Muling kumahol ang aso at umangat sa pagkakatayo at akmang sasakmalin ang calling card sa kamay niya. Umiwas ang dalaga.

“Ano ba, Rufus!” saway niya sa aso at itinaas ang kamay na may hawak ng calling card.

Muli iyong dinamba at inabot ng aso. Sa pag-iwas niya’y nawalan siya ng panimbang. At upang hindi mapasama ang bagsak ay napakapit siya sa manibela na sa pagkabagsak niya’y umikot. Pumaling sa ibang direksiyon ang basnig.

“Aray ko!” Hinimas niya ang nasaktang balakang na tumama sa gilid ng bangka. “Gagawin kitang kaldereta, Rufus, maniwala ka!” Hawak pa rin niya ang manibela at doon kumuha ng lakas upang makatayo, sapat upang lalong maiba ang direksiyong tinutungo nila.

Hindi pa man siya gaanong nakakatayo, from out of nowhere, nahagip ng peripheral vision niya ang isang maliit na speedboat at pasalubong sa bangka niya. Nanlaki ang mga mata ni Lora.

“Rufus, babanggain tayo ng speedboat!” she screamed at her dog, at dalawang kamay na hinawakan ang manibela at nagkakandapatid ang hininga niya sa pagpihit dito upang iiwas ang basnig sa speedboat. Subalit humihina na ang takbo ng bangka at hindi niya magawang maiiwas nang husto.

Natitiyak niyang tutumbukin sila ng speedboat. Mas nag-aalala siya sa sakay nito na ewan niya kung saan nanggaling at bakit hindi niya narinig ang motor nito.

Malaki ang basnig at hindi madaling iiwas bukod pa sa kahit ano ang gawin niya’y ayaw bumilis ng motor nito. Kasabay ng pahirapang pag-ikot niya sa basnig ay ang pagtalon naman ng sakay ng speedboat sa tubig.

“Oh, no!” Tinakpan ni Lora ng mga kamay ang mga mata.

Ang speedboat ay hindi nakaiwas sa dulong kaliwang bahagi ng mga katig ng basnig. Nasira nito ang katig at tumama ang speedboat sa hulihang bahagi ng malaking bangka.

Umuga ang buong basnig sa impact. Hindi nagawang kumapit ni Lora at gumulong sila ni Rufus sa kabilang gilid ng basnig.