HINDI pa rin makapaniwala si Macy na pagmamay-ari pala ng pamilya ni Neo ang isa sa mga pinakamalaking talent agency sa Pilipinas, ang Alonte Talents, Inc. Sa pagkakaalam niya ay sa talent agency galing ang mga kontrobersyal na mga celebrity—mga artista, modelo at performers na ginagamit ang ganda ng mukha at katawan para umangat sa industriya. Pag-aari rin ng ATI ang Bare It , isang monthly magazine na for adults dahil sa mga sexual content.
“Bakit hindi mo ito sinabi sa `min?” tanong niya sa lalaki habang nasa lobby sila ng isang mataas na building sa Makati kung saan naroroon ang opisina ng ATI.
Nag-half day siya sa opisina nang araw na iyon para sana makapamili ng mga gagamitin niya sa party. Pero sabi ni Neo ay hindi na raw niya kailangang bumili, ito raw ang bahala sa kanya, basta magtiwala na lang siya sa lalaki.
“Ang alin? Na part-owner ako ng ATI?” sagot ni Neo sa tanong niya. “Kailangan ko pa bang ipagsabi `yon?”
Kunsabagay, marami pa siyang hindi alam tungkol sa lalaking ito. Hindi niya naman kasi matatawag talagang kaibigan si Neo. Nagkataon lang na pareho silang kasali sa staff ng school paper nila noon. Saka pansin din niya kung nag-uusap-usap ang grupo nila ay hindi nagsi-share ng mga personal na bagay si Neo. Nakikinig lang ito sa mga kadramahan ng iba sa kanila, madalas ay ito ang nagpapatawa.
Mabilis na nagkuwento sa kanya ang binata. Ayon dito ay ang tiyo nitong si Derek Alonte ang original na may-ari ng ATI. Derek solely built and managed the agency for twenty years; maraming pinasikat na celebrity, ang ilan pa sa mga ito ay naging sikat nang international model. Nakilala naman ni Derek si Giovanni na isang sikat na gay designer sa Europe, nagkarelasyon ang dalawa at nagkasundong bitiwan ang kani-kanilang mga negosyo at maglibot na lang sa buong mundo.
Ibinenta ni Derek sa mga pamangkin ang ATI sa murang halaga. Ang mga namamahala ng talent agency ngayon ay sina Clay at ang pinsan nitong si Rada. Ang kakambal naman ni Rada na si Cole ang official photographer ng agency.
Pagkarating sa ninth floor ay may ipinakilalang lalaki at babae si Neo kay Macy, ang mga beautician at stylist na sina Dani at Essa. Ang mga ito raw ang mag-aasikaso sa kanya, tutulungan siyang pumili ng mga susuotin, at ang dalawa rin ang mag-aayos ng makeup at buhok niya.
Pumasok sila sa isang maluwang na kuwarto na puno ng mga rack ng sarisaring damit at sapatos. May mga professional vanity station din doon at mayroon siyang nakitang isang magandang babaeng inaayusan ng isang bading na beautician. Parang pamilyar sa kanya ang morenang babae, mukhang isa sa mga papausbong na sexy model sa local showbiz.
Ang sabi sa kanya ni Neo ay sa kuwarto na iyon dinadala ang mga talent ng agency para damitan at ayusan bago kunan ng mga larawan sa studio na nasa kabilang kuwarto.
“Overdressed yata ako rito. Para akong pupunta ng awards night,” natatawang sabi ni Macy nang maisuot ang isang kulay midnight blue na strapless mermaid gown na sinuggest nina Dani at Essa. Napakaganda ng gown na gawa ng isang sikat na designer sa Pilipinas. Naaadornohan ang damit ng maliliit na clear Swarovski crystals.
“I think that looks great on you. You look stunning, Macy,” hindi naman maitago ang paghangang sabi sa kanya ni Neo na matiyagang nakaupo lang sa isang tabi habang kanina pa sila pili nang pili ng babagay na damit para sa kanya.
Inayusan din si Macy doon, nilagyan ng intense night makeup ang kanyang mukha at inayos nang messy side bun ang buhok. Halos hindi niya nakilala ang sarili nang humarap siya sa salamin.
“Oh, my God!” gulat niyang bulalas sa sarili.
“Mukha kang artista!” tuwang-tuwang sabi sa kanya ni Dani na hindi pa mahahalatang bading kung hindi sa matinis at maharot nitong pagtili. “Do you like it, missy?”
“Yes!” nakahawak sa magkabilang-pisngi na sagot niya. “Thank you sooo much! Grabe, ang gagaling ninyo.”
“Maganda at sexy ka naman kasi talaga. Hindi nga kami nahirapang ayusan ka,” sabi ni Essa bago ito nakipag-high-five kay Dani. “Puntahan ka na lang namin sa Friday night para ayusan. Kami na ang magdadala ng damit. We’ll make sure na dry-cleaned na `yan bago mo suotin sa party.”
Nakita niyang tumayo si Neo mula sa pagkakaupo at naglakad papunta sa kanyang likuran.
“You look like a goddess,” he told her with a little smile. And was he holding his breath? Mukhang namatanda lang ang loko.
Mayamaya pa ay inutusan ni Neo sina Dani at Essa na iwanan muna silang dalawa roon. Wala na rin sa kuwarto ang babaeng model at ang nag-aayos dito kanina.
“What are we doing?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Macy kay Neo. Lalo siyang nataranta nang hapitin siya sa baywang ng binata.
“Tuturuan lang kitang sumayaw. Relax,” natatawang sagot nito. “You still owe me a dance, remember?”
Doon lang niya napansin na may music na palang tumutugtog mula sa smartphone nitong nakapatong sa isang vanity table.
Slow waltz daw ang ituturong sayaw sa kanya ni Neo. “Let me lead you, but don’t let yourself pushed and don’t let me pull you either, okay?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Macy sa kalituhan sa narinig. “H-hindi ko makuha.”
“Okay, okay,” sabi ng lalaki, parang mabilis na nag-iisip. “Just try to… try to think of this like… sex.”
“Sex?!” mahinang bulalas niya.
Makikipagsayaw lang siya kay Ralph, utang-na-loob! Kahit kailan ay hindi naging sexual ang interes o atraksiyon niya sa lalaking iyon. Parang weird siguro, pero nahihiya siyang isipin si Ralph sa aspetong ganoon. Actually, lahat ng naging crush ni Macy ay hindi niya makuhang pagnasaan talaga. Wala siyang lakas ng loob na gawin iyon kahit positive thinker naman siya pagdating sa sex.
“Yes. You and me, moving together in rhythm,” kaswal na paliwanag ni Neo. “Iga-guide kita, pero imbes na sumunod ka lang sa `kin ay kailangan mong sumabay at mag-set din ng tempo.”
Strange, pero naintindihan ni Macy ang ibig sabihin ng explanation nito. Pero kinailangan pa talagang gamitin ang sex? O, ginamit ba iyon ni Neo dahil may nangyari na sa kanila? Nakakatawa at nakapagtatakang isipin na para silang aso’t pusa pero nagkasundo naman sila pagdating sa sex. Ah, the wonder of people.
And so they danced. Hindi naman nahirapan si Macy bagaman clumsy rin siya sa umpisa. Pero puwede na, hindi na siya magmumukhang katawa-tawa sa dance floor.
But, ugh. She just wished he hadn’t used the word sex. Dahil ngayon ay nagugulo tuloy ang kanyang isip, lalo pa’t hawak-hawak siya ng lalaki.
“See? It’s easy, ain’t it?” tanong ni Neo.
Nagbago na ang tugtog, isang kanta ni Bruno Mars na may sensuwal na lyrics. Lalo lang tuloy siyang naligalig.
Let’s take our time tonight, girl… Above us all the stars are watchin’… There’s no place I’d rather be in this world… Your eyes are where I’m lost in…
Pinilit niyang tumawa para itago ang nabubulabog na kalooban. “Yeah. Sana lang marunong din palang sumayaw si Ralph.”
“Well, you can just dance real slow, like this.” Inilagay ni Neo sa kanyang balikat ang hawak nitong kamay niya. Halos magkalapat ang kanilang katawan sa pagkakahawak sa kanya ng lalaki. “And just step side to side,” instruction pa nito sa kanya.
Hindi na nagsalita si Macy, tahimik lang siyang sumasabay sa indak ng kanyang kasayaw. Inihilig niya ang ulo sa balikat ng binata, at hindi niya ginawa iyon bilang parte ng sayaw. She was hiding her face from him. Baka namumula na pala siya, ayaw niyang mabuking siya ng lalaki. Kung bakit naman kasi may kakaibang epekto sa kanya ang pagkakalapat nila ng mga katawan.
She didn’t want to think she was wanting him. No, not Neo per se. Gusto lang niya ng sex, siguro ay in heat siya ngayon. Ganito siya kapag malapit na siyang magkaroon ng buwanang dalaw.
“Sana lang ay magbunga ng maganda ang ginagawa natin,” basag ni Neo sa katahimikan. “You have to keep me updated with this, Macy.”
“Bakit, para makantiyawan mo ako `pag nabokya ako kay Ralph?”
Tumawa si Neo. “Gusto ko lang malaman ang resulta ng effort mo. Ang laking gago naman ng Ralph na `yon `pag hindi pa bumigay sa `yo.”
TALAGANG nilubos-lubos ni Neo ang pagtulong kay Macy dahil ito pa ang naghatid sa kanya sa hotel na pagdadausan ng anniversary party ng kanyang pinagtatrabahuhan. Maraming nagulat sa pagdating niya roon, isa na si Abbie na talagang tumili-tili pang sumalubong sa kanya.
“Grabeee! Ikaw pala `yan, Macy. Akala ko pa naman ay may guest na tayong celebrity! Naku, uwian na talaga. Ikaw na ang mananalong Queen of the Night!”
“Ito talaga. Nadala lang `to sa magandang damit at makeup, `no?” tumatawang sagot niya na agad hinanap ng kanyang paningin si Ralph.
Nasa isang mesa ito kasama ang ilang lalaking empleyado at abala sa pakikipagkuwentuhan.
“Ano pa’ng hinihintay mo?” tanong ni Abbie nang lumipas ang mahigit isang oras na nasa mesa lang silang magkaibigan. “Bakit hindi mo pa lapitan si Ralph?”
Sumimsim si Macy sa iniinom na Cosmopolitan bago sumagot. “Sandali lang, nag-iipon pa ako ng lakas ng loob.”
Akala pa naman niya ay tumapang na siya. Hindi rin pala iyon nakukuha sa magandang hitsura at confidence. Hindi ganoon kasimple. Aba, magtatapat lang naman siya ng feelings sa lalaking gusto niya!
“Tapos na `yong program at sayawan na, `no? Kelan ka magkakalakas-loob? `Pag uwian na?” tanong pa ni Abbie.
Hindi na niya inimikan ang kaibigan. Nakukulili na rin siya sa kakukulit nito, sa totoo lang.
Nang lumipas pa ang mahigit treinta minutos ay nagulat si Macy nang lumapit sa mesa nila si Ralph. Panay ang siko sa kanya ni Abbie at kinailangan pa niyang kurutin ang kaibigan sa braso para tumigil.
“Can I have a dance with you?”
Nagpakawala ng impit na tili si Abbie. Muntik namang mahulog mula sa kinauupuan niya si Macy dahil sa pagtulak ng kaibigan. Inalalayan pa siya ni Ralph para tumayo.
Slow music ang kanta na tinutugtog ng isang acoustic band. Hindi siya mapakali habang marahan silang sumasayaw ni Ralph.
“P-pasensiya ka na kay Abbie,” nakuha niyang sabihin makaraan ang halos isang minuto. “Magulo lang talaga `yon.”
Bumuntong-hininga naman si Ralph at napatigil sa pagsayaw si Macy. Mayroon siyang hindi nagugustuhan.
“Macy…”
Tumingin siya sa mga mata ng lalaki. “M-may problema ba?” lakas-loob niyang tanong.
“Alam ko na.”
Dumagundong ang dibdib niya. “A-ang alin?”
“What you feel for me.”
“H-ha?” Nag-panic siya at nahiya. Gusto yata niyang lumubog sa kinatatayuan. “Sino’ng… Sino’ng n-nagsabi sa `yo? S-si Abbie ba?” kandabulol niyang tanong.
Tumango si Ralph. “Sinabi niya kanina lang. I’m sorry, Macy. Pero hanggang kaibigan lang kasi ang tingin ko sa `yo. I appreciate everything you’ve done for me. And I like you, too, but not in a romantic way. Kaya magaan lagi ang loob ko sa `yo.”
Muntik nang sabunutan ni Macy ang sarili kundi lang niya naalala na nakaayos nang maganda ang kanyang buhok. Gusto na niyang mag-walk out, pero pinili niyang magtaas ng matigas na maskara.
“Naniwala ka naman kay Abbie?” sabi niya sa lalaki sa pinatatag na boses.
Nagulat ito. “Y-you mean, hindi `yon totoo?” parang napahiyang tanong nito pagkatapos.
Lumakas ang kanyang loob sa reaksiyon nito. “Well, totoo naman iyon. Pero hindi gaya ng iniisip mo ngayon. I like you, Ralph. Sino namang babae ang may ayaw sa `yo, hindi ba? But, it’s not that I’m in love with you or something like that. Crush lang kita.”
“O-oh.”
“Huwag kang basta nagpapaniwala kay Abbie dahil luka-luka `yan, exaggerated lagi,” sabi pa niya na sinundan ng pilit na pagtawa bago siya nagsabing ayaw na niyang sumayaw.
Macy was trying to keep her cool when she returned to the table. Nanigas yata ang mukha niya sa pagpipilit na hindi sumimangot habang kinakastigo si Abbie.
“Sorry na!” nagsisising sabi naman nito. “Gusto ko lang namang magsayaw kayo ni Ralph kaya nang nasalubong ko siya kanina galing restroom, sinamantala ko na ang pagkakataon.”
“Hindi lang sayaw ang sinabi mo sa kanya, gaga!”
Napaigtad si Abbie sa pagsinghal niya. Galit at frustrated siya, at sa ilang taon nilang magkatrabaho ay ngayon lang siya nakitaan ng ganoong emosyon ng kaibigan.
“H-hindi ko lang napigilan ang bibig ko,” halos maiyak na sabi ni Abbie. “I’m sorry, Macy.”
“Sabi ko na nga ba. Kaya hindi ako nagkalakas ng loob na lapitan si Ralph kanina. Deep inside, I knew this is not gonna end well. Damn it.”
Hindi na sila nagkibuan pa ni Abbie. Naisipan na niyang umuwi pero nagpasya siyang maghintay ng ilang minuto para hindi halatang bitter siyang magwo-walk out mula sa party. Nang inilabas niya ang smartphone mula sa kanyang evening purse para libangin ang sarili ay may nakita siyang text message galing kay Neo. May forty minutes na iyong na-send sa kanya.
Hey, I hope you’re having a good time. Tsismisan mo na lang ako kung ano’ng nangyari.
Lalo sana siyang maba-bad trip pero natawa siya sa word na ‘tsismisan.’
She ended up calling Neo. “Gising ka pa?”
“Macaria, makakasagot ba naman ako sa telepono kung tulog na ako?”
“Antipatiko! I was just checking. Baka nagising pala kita, `no?”
“Gising pa ako. Naghihintay nga ng tsismis.”
Doon na siya natawa, napatingin pa sa kanya si Abbie.
“Can you pick me up? Please?” Nagulat pa siya sa kusang paglambing ng boses.
“Uuwi ka na? Tapos na ba ang party?” nagtatakang tanong ni Neo.
“Ang boring kasi dito.”
“Okay, I’ll be on my way in a sec. Tawagan kita `pag nasa labas na ako ng hotel.”
“Thank you, Neo.”
“Sino si Neo?” amused at nagtatakang tanong sa kanya ni Abbie nang ibalik niya sa purse ang cell phone.
Burado na ang pagkaasiwa ni Abbie sa kanya, nagniningning na ang mga mata dahil may bagong interes. Kahit paano ay gumaan naman ang loob ni Macy dahil ayaw rin niyang magkasamaan sila nito ng loob.
“Schoolmate ko noong high school,” sagot lang niya.
“Schoolmate lang talaga? Bakit ka nagpapasundo sa kanya?” Intrigera talaga kahit kailan ang babaeng ito!
“Magiging bagong boss ko na siya.”
“Ha? Paano na ang trabaho mo dito, magre-resign ka na?”
Gustong isipin ni Macy na nagpapadalos-dalos lang siya dahil sa pagkabokya niya kay Ralph pero…
“Yeah. I’ve made up my mind.”
“ATAT ka talaga sa tsismis, ha? `Ayan, naistorbo ka tuloy,” natatawang sabi ni Macy kay Neo nang salubungin siya ng lalaki sa lobby ng hotel.
“Ano ba’ng nangyari?” usisa nito saka pinahawak siya sa braso at iginiya palabas.
Mabilis niyang ikinuwento ang nangyari habang naglalakad sila papuntang kotse ng binata.
“Hindi ako dapat nagalit kay Abbie kasi sa totoo lang ay niligtas pa niya ako sa mas malaking kahihiyan. Pero `yon, hindi ko rin napigilang mainis at si Abbie ang napagbuntunan ko ng sisi. But we’re okay now.”
“Ikaw, ayos ka lang ba?” usisa sa kanya ni Neo nang nakapasok na sila sa sasakyan.
“I guess. Mas nahihiya lang talaga ako ngayon kesa brokenhearted.” Nagkibit-balikat si Macy. “Uy, huwag mo muna pala akong ihatid.”
“Saan tayo pupunta?”
“Gusto kong lumamon. Maghanap tayo ng karinderya sa kanto.”
Nagtatakang sumulyap sa kanya ang lalaki. “Hindi ka ba kumain sa party?”
“Konti lang ang nakain ko sa sobrang nerbiyos. Saka hindi masarap ang foods, dinaan lang sa magandang presentation.”
“I can take you to a nice restaurant—”
“Karinderya o turo-turo ang gusto ko,” pilit niya.
“Sigurado kang kakain lang ang gusto mong gawin? Ayaw mong uminom at magpakalasing o kaya magwala sa videoke bar?” tanong ni Neo nang nasa kotse na sila.
“Heh! Wala sa ugali ko ang mag-emote nang ganyan, `no?”
“Just saying. Hindi ko naman sasamantalahin ang kahinaan mo kung sakali,” nangingiting biro pa nito. “I’ll be a total gentleman. Ihahatid pa kita sa bahay mo at patutulugin. Babantayan kita magdamag, `tapos sa umaga, ipagtitimpla kita ng kape para sa hangover mo.”
“Tumigil ka nga. Hinding-hindi ako maglalasing.”
Mahigit treinta minutos siguro silang naghahanap ng gusto niyang makakainan hanggang sa makakita sila ng turo-turo sa isang avenue. Niyaya niyang kumain si Neo.
“O, huwag mo sabihing hindi ka kumakain ng ganito?” hamon pa niya nang parang nagdadalawang-isip itong bumaba ng kotse.
“Hindi `yon. Sana lang, sinabi mong kakain pala tayo sa labas, di sana naihanda ko `yung tuxedo ko. Sa ayos natin ngayon, parang taga-ilaw mo lang ako sa Santacruzan.”
Natawa si Macy. Napaka-awkward nga naman ng hitsura nila ni Neo na kakain sa turo-turo. Heto siya at naka-gown at nakasuot naman ito ng maong at puting t -shirt.
“Pasensiya na, naisip ko lang din ito kanina, eh. Ayokong umuwing luhaan, `no? At least, busog ako sa mga pagkaing gusto ko kahit nabokya sa pag-ibig.”
Napakarami niyang in-oder na pagkain—pork giniling, chicken caldereta, inihaw na bangus, bopis, at beef mechado. And, in fairness, masasarap lahat ang mga iyon.
“Pag-ibig ba talaga ang meron ka sa Ralph na `yon?” tanong ni Neo makaraan ang ilang sandaling hinayaan lang siyang sumubo nang sandamukal.
“Maybe… I dunno, really,” malungkot niyang sagot.
Kung in love man siya kay Ralph ay gusto niyang palakpakan ang sarili dahil hindi siya ngumangawa ngayon. Marami na siyang kilalang babae na halos magpakamatay kapag heartbroken. But then again, ang mga babaeng iyon ay nagkaroon ng heartache dahil sa nabigong relasyon. Ni hindi siya dumaan sa ligawan sa mga lalaking nagustuhan niya. Kumbaga, mas malaki ang investment ng mga babaeng nakipagrelasyon kaysa sa kanya. Maybe that was why she was handling it better.
“Siguro ay sobrang infatuated lang din ako. Weakness ko kasi ang mga lalaking mababait sa `kin,” paliwanag pa niya kay Neo.
“Kaya ba si Kael ang nilagay mong crush mo noong high school? Dahil mabait siya?”
“Yup!”
“How come?”
Napatigil si Macy sa pagsubo. “What do you mean how come? Ayaw mo ba ng babaeng mabait sa `yo?”
“Siyempre gusto ko, pero hindi naman batayan `yon para magkagusto ako sa isang babae. I say, my feelings would be more genuine if I end up liking the girl for what she is and not on how good she treats me.”
“Kahit maldita sa `yo? Lagi kang inaaway?”
“Of course, there’s gotta be something that draws the line. Kung wala siyang tiwala o respeto sa `kin, `di bale na lang. Pero `yong pagmamaldita at pagtataray, maha-handle ko naman `yon.”
“Sabagay, makapal nga ang balat mo,” kantiyaw niya sa lalaki.
“Kaya next time na magkagusto ka, huwag na sa mabait para `di ka sumabit.”
Sumubo si Macy ng tatlong beses bago muling nagsalita. “Ewan ko ba. Siguro dahil lumaki lang ako sa maayos na pamilya. Ni minsan ay hindi ko nakitang nag-away nang seryoso ang parents ko. Mabait kasi ang papa ko, alam mo `yon? Siguro `yon ang naka-embed sa utak ko mula noon—na kung magmamahal ako, dapat ay sa lalaking mabait para maayos ang magiging relasyon namin.”
“Hindi naman kailangan ng mabait na lalaki para mag-work out ang isang relasyon. Naniniwala ako na ang pag-ibig ay isang package deal. Kasama na doon ang respeto at tiwala. Kung gusto n’yong tumagal ang pagsasama n’yo, kailangan n’yong matutong mag-compromise.”
Amused at gulat na nakatingin lang si Macy sa kausap, hindi makapaniwalang galing dito ang lahat ng naririnig. Daig pa niya ang nakakita ng alien.
“O, bakit? Parang kakainin mo ako nang buhay sa sama ng tingin mo. Kinakahabahan tuloy ako,” puna ni Neo.
Tumawa siya. “Hindi lang ako sanay na normal ka. I mean, parang ibang tao ka pala kapag hindi mo ako iniinis.”
Tumawa rin ito. “Hindi mo kasi ako binigyan ng chance na maging kaibigan mo, eh.”
Napaisip tuloy si Macy. May ibang side nga si Neo na unti-unti niyang nadidiskubre at parang gusto pa niyang makita iyon. Pero utang-na-loob, ayaw niyang makipag-close sa lalaking ito!
Binago niya ang usapan. “Anyway, let’s talk about your mushrooms.”
“Which one?” berdeng biro ni Neo.
“Heh! `Yong business mo. Pumapayag na akong mag-invest.”