A few months earlier…
NAPATIGIL si Macy sa pagma-mop ng sahig nang narinig niyang tumunog ang cell phone mula sa kanyang kuwarto. Nasa sala siya ng bungalow na pag-aari ng kanyang Kuya Bart at ng fiancée nitong si Elaine na kasalukuyang nasa Taiwan at nagtatrabaho sa isang electronic company doon. Siya ang nakatira sa kabibiling bahay ng dalawa habang nagtatrabaho siya bilang junior account executive sa isang investment company sa Makati.
Si Zara ang tumatawag, ang kaibigan niyang nasa probinsiya. Nagyayaya ito ng outing kasama ang batch nila ng school journal staff noong high school. Hindi niya matatawag na ka-close talaga pero naging mga kaibigan na rin niya ang halos lahat ng ka-batch, maliban sa isa.
“Magbi-beach daw tayo sa Escape! Bongga, devah? ” yaya pa ni Zara.
Hindi sila madalas magkita-kita ng grupo, suwerte na kung may get-together sila nang dalawang beses sa isang taon; madalang pa kung makompleto sila. Si Zara ang palagi niyang nakakasama sa lakaran kapag nasa probinsiya siya dahil magkabarangay sila ng babae.
“Uuwi ba si Kael?” naitanong ni Macy.
“Uuuy! Si Kael talaga ang unang hinanap!” tukso naman ng kaibigan.
Hindi lingid sa kaalaman ng kanyang barkada na naging crush niya noon ang editor in chief ng Echo . Kung bakit inilagay niya ang initials nito sa slum book na pina-sign sa kanya bago ang kanilang graduation.
“Para nagtatanong lang!” pigil ang pagtawang sagot ni Macy.
Nasa Singapore ngayon si Kael, nagtatrabaho bilang IT security consultant sa isang malaking kompanya roon. Ang huling balita niya ay single pa ito, and very much available.
“Sa December pa raw siya uuwi. Pero magpapadala siya ng pera na dagdag budget sa outing natin. Kaya sama ka na! Kahit isang linggo tayo sa Escape, kering-keri!”
Come to think of it, matagal na rin pala siyang hindi nakakapagbakasyon. Siya na siguro ang pinaka-boring na tao sa kanilang grupo. Literal na taong-bahay. Hindi siya mahilig mag-night out o gumala sa labas. Gusto niyang nagkukulong lang sa bahay pagkatapos ng trabaho. Or maybe she already got a dose of fun when she was younger. Mahilig siyang gumala noong nag-aaral pa, siguro ay nakasawaan na lang niyang gawin.
“Sasama rin ba si Apolonio?” nakasimangot niyang natanong.
“Siyempre sasama si Neo. Kelan ba `yon naging absent sa mga eyeball natin? Saka sagot niya ang upa sa cottages, `no?”
Napaikot ang eyeballs ni Macy. “Ech.”
Natawa naman si Zara. “Hanggang ngayon hindi ka pa rin nasasanay sa mga pang-aasar niya.”
“Paano naman kasi, ako yata ang paborito niyang asarin.”
“Pikon ka kasi kaya napagti-trip-an ka niya lagi.”
“Nakakapikon naman kasi siya!” bulalas niya at agad na nag-flashback sa isip ang mga ginawa ng lalaking iyon sa kanya mula pa noong high school…
Sports writer si Neo at associate editor naman si Macy sa Echo . Minsang nasa meeting ang staff ng school journal ay bigla siyang nakaamoy nang hindi kaaya-aya. Aba, sukat ba namang biglang nagtakip ng ilong si Neo sabay turo sa kanya at sabing, “Masama yata ang tiyan mo, Macy? Hayun ang CR, o. Ilabas mo na `yan, huwag ka nang mahiya.”
Yes! That brute accused her of farting! At hanggang ngayon, naniniwala siyang si Neo ang talagang umutot nang mga sandaling iyon at siya ang itinurong salarin para pagtawanan ng mga kasama nila sa meeting. Halos mangiyak-ngiyak siya noon sa kahihiyan. At dahil sa galit kay Neo, hinampas niya ng backpack sa dibdib ang lalaki pagkatapos ng meeting. Nakita naman iyon ng mga estudyanteng nasa quadrangle ng eskuwelahan at inulan sila ng kantiyaw at tukso. Pero ang disisais anyos na Apolonio, imbes na mapahiya ay nakuha pang mang-asar sa kanya.
“Sinabi ko na sa `yong hindi kita gusto, Macaria! Ano’ng magagawa ko?” Eksaherado pa itong humawak sa dibdib. “Hindi talaga kita type, hindi napipilit ang puso. Kaya itigil mo na ang paghabol-habol sa `kin. Mabuti pang humanap ka na lang ng iba—”
Hindi nito natapos ang sasabihin dahil sa mukha na nito lumanding ang backpack ni Macy. Hindi na niya halos kinausap ang lalaki hanggang sa magtapos ito.
“Hindi ka pa nakaka-get over na siya ang nagbuking noon na crush mo si Kael?” biglang tanong sa kanya ni Zara.
Gustong lumubog ni Macy sa kahihiyan nang maalala ang nangyaring iyon. Pagkatapos niya kasing mag-sign ng slum book ni Zara ay si Neo ang sumunod sa kanya. Binasa ng gago ang mga pinaglalalagay niya roon at nahulaan agad ang D.K.L. na kanyang isinulat kahit ni-rumble na nga niya ang initials ng buong pangalan ng secret crush na si Kael De Leon. Huli na nang burahin niya iyon dahil tinukso-tukso siya ni Neo hanggang sa kumalat sa buong staff ng Echo ang tungkol doon.
Maybe, it would sound so childish and stupid even, pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya napapatawad si Neo. Paano kasi, iniwasan na siya ni Kael mula nang malaman nitong may crush siya sa lalaki. Epic fail lang naman ang kanyang pagsintang pururot!
“As if `yon lang ang atraso sa `kin ng gagong `yon. Naalala mo last year na nasa binyag tayo ng anak ni Stephanie? Sinabihan niya ako habang kumakain na huminga naman daw ako. `Tapos, nilagyan niya nang nilagyan ng pagkain ang plato ko at sabi na may dala raw siyang supot kung gusto kong mag-uwi ng tira. Ang walanghiyang `yon, hindi na nagbago!”
Ang lakas ng tawa ni Zara. “Biro niya lang `yon, Macy! Hirap sa `yo, masyado kang sensitive kasi.”
“Biro na kung biro. Napahiya kaya ako, pinagtawanan ako ng ibang tao sa mesa!”
“Sus, nandoon lang kasi si Kael kaya ka nahiya bigla,” tukso ng kaibigan.
“Oo nga. `Buti may ibang tao roon kasi `pag nagkataong wala ay baka nahampas ko ng plato ang Apolonio na `yon, or worse, masaksak ko siya ng tinidor!”
“Savage!” humahalakhak na sabi ni Zara. “Grabe, si Neo lang talaga ang nakakapagpalabas ng tinatago mong kabangisan. Ang bait-bait mo, hindi ka halos nagmumura; pero pagdating sa kanya parang sinasaniban ka ng pitong masasamang espiritu. Triggered na triggered ka, teh!”
“Taga-impiyerno kasi ang taong `yon, kahit anghel ay mati-tigger sa kalokohan niya.”
Lalong tumawa ang kaibigan. Isa pa iyon sa kinaiinisan ni Macy. Imbes na ipagtanggol siya kay Neo ay parang naaaliw pa ang mga kaibigan kapag inaasar siya ng gagong iyon.
Bumuntong-hininga siya. “Ewan ko ba, Zara. Tawagan na lang kita `pag nakapag-decide na ako.” Sa pagbabakasyon, oo gusto niya talagang gawin. Pero kung sa outing na kasama ang bukod-tanging lalaking kinaiinisan niya sa entire universe, ayaw niya. Hindi siya bayolenteng klase ng tao, pero pagdating kay Neo ay nagdidilim ang kanyang paningin at nakakaisip siya ng mga nakakarimarim.
Tatlong araw pa ang dumaan bago tumawag uli si Zara sa kanya. Nakahanda na siyang tumanggi uli sa kaibigan nang may sinabi itong nagpainit agad ng kanyang ulo. Lahat yata ng cells ng dugo niya ay naghimagsik. Gusto na nga niyang maghuramentado ora mismo!
“Ulitin mo nga ang sinabi mo!” inis niyang sabi sa kaibigan.
“Sabi ko… ang say ni Neo, kaya ayaw mo raw sumama sa beach outing kasi ayaw mong mag-swimsuit. Hindi raw kasi maganda ang katawan mo.”
“Putang-inang gagong `yon, ah! Kung makapagsalita, `kala mo naman pagkaganda-ganda ng katawan!” halos umusok ang nostrils na palatak ni Macy na kuyom pa ang isang kamay. “Zara, pupunta ako sa outing! Humanda `yang Apolonio na `yan sa `kin!”
MATANGKAD si Macy kaysa karaniwang Pinay. She stood five feet, eight inches. Masasabi sanang pang-modelo o beauty queen ang mukha at tangkad, pero hindi niya masasabi iyon pagdating sa hugis ng katawan. She was considered chubby when she was younger and her boobs and bottom grew faster than the rest of her body. Hindi siya nakaiwas sa panunukso ng kanyang mga kaklase. Damulag daw siya, elepante, dinosaur. Ganoon ang mga tukso sa kanya kahit hindi naman siya talaga sobrang mataba. Pero dahil sa matangkad kasi siya ay lalong naging malaki ang tingin sa kanya dahil sa excess fats. Nagkaroon tuloy siya ng low self-esteem noon.
Pumayat na lang siya nang maka-graduate ng college. Wala siyang partikular na ginawa para magbawas ng timbang. Parang kusa na lang bumilis ang metabolism niya. Siguro ay dahil na rin iyon sa palagi niyang pagkaabala sa trabaho, panay pa ang kanyang overtime. Gusto niya kasing makaipon nang malaki dahil tulad ng kanyang ama na head ng Municipal Agriculture Office ay gusto niyang mag-retire nang maaga. Limampu’t apat na taong gulang lang ang ama pero nagpaplano nang mag-retire sa susunod na dalawang taon.
Umikot si Macy sa harap ng salamin sa dressing room ng department store kung saan siya nagsusukat ng mga bibilhing swimsuit. Yes, two-piece kung two-piece! Bakit ba, hindi naman dispalinghado ang katawan niya. Hindi lang siya mahilig magsuot ng mga sexy outfits dahil wala naman siyang dahilan. Corporate attire lagi ang suot niya sa trabaho, puro pants and blouses kahit business casual lang naman ang dress code nila. Hindi rin siya nagpapalda o bestida; hindi rin siya nagsusuot ng mga hapit sa katawan. She was being self-conscious about her boobs, hips and butt.
Nang pumayat kasi siya ay hindi kasamang lumiit ang mga iyon. Ang sabi naman sa kanya ng kaibigan sa trabaho na si Abbie, uso na raw ngayon ang voluptuous body gaya ni Kim Kardashian kaya dapat i-flaunt ang kanyang alindog. Pero nasanay na siyang magsuot nang maluwang kaya hindi na niya iyon iniintindi.
Pero, teka… hindi kaya baka ipatawas siya ng mga kaibigan sa probinsiya kapag bigla na lang siyang mag-two piece?
Kinabukasan, pagpasok ni Macy sa trabaho ay dumaan muna siya sa Starbucks para ibili ng kape ang katrabaho niyang si Ralph.
“Uy, ano `to?” natatawang sabi ni Ralph nang iabot niya ang caramel macchiato.
“Pasasalamat dahil sa pag-ako mo sa mga maiiwan kong trabaho,” nakangiting sagot niya.
“Para `yon lang. Wala `yon.”
“Malaking bagay `yon sa `kin, Ralph. Halos dalawang linggo akong mawawala.”
“You deserve to take a vacation, Macy. Lagi kong sinasabi ito sa `yo noon pa.” Humigop ito sa kape. “Thank you dito, ha?”
“You’re welcome! Enjoy the coffee.”
“I surely will. Galing sa `yo, eh.”
Shit. Bongga ang kilig ni Macaria San Pedro!
Pagpunta ni Macy sa mesa niya ay tinukso siya ni Abbie. “Talaga naman. Ang lakas-lakas sa `yo ni Ralph!”
“Konting pasasalamat lang `yon sa kanya. Ikaw kasi, tamad asahan sa trabaho.”
Sinundot siya sa baywang ni Abbie. “Asuuus! Kunwari ka pa diyan. Alam ko namang may gusto ka kay Ralph, `no? Obvious na obvious.”
Nakangiwi siyang nagkamot sa ilong. “Ganoon ba ako ka-transparent?”
“Palagi ka kayang mabait sa kanya, eh, halos hindi ka namamansin sa ibang guys dito sa office.”
“Siya lang naman kasi ang mabait sa `kin dito, `no? Alangang supladahan ko.”
Tumawa si Abbie. “Weakness mo talaga ang mga good guys, `no?”
“Aba, eh, siyempre naman. Saan ka pa ba makakahanap ng good guys ngayon? Mas endangered na kaya sila kaysa sa Philippine eagle!”
“`Ayon nga, `di ba? Endangered na sila, meaning, maliit na ang chance mong magkaroon ng good guy sa buhay mo. Tamo `yong crush mo noon na si Gerald, biglang kinasal. Pinikot yata ang pobre. `Ayon, fly away na tuloy sila sa States, naiwan ka namang luhaan sa Pilipinas mong mahal.”
Natawa si Macy. “`Di ko masisi `yong girl. Mahirap na pakawalan `yong ganoong klaseng lalaki,” sagot niya habang pinupunasan ng Lysol wipes ang kanyang mesa.
“Weh!” Sinundot uli siya sa tagiliran ni Abbie. “Pero masama pa rin ang loob mo, umamin ka. Kasi, mabait rin sa `yo si Gerald, inakala mo ring may gusto siya sa `yo.”
Nginusuan niya ang kaibigan. “Pinaalala pa!”
Gustong mahiya ni Macy sa pagiging too presumptuous, pero masisisi ba naman niya kasi ang sarili? Kahit ang ibang taong nakakita ng magandang trato sa kanya ni Gerald noon ay nag-aakalang may something special sa kanilang dalawa. Natural, pati siya ay nag-akala rin ng ganoon. Pero hanggang akala lang pala ang lahat…
“Ano pa kasing hinihintay mo? Prangkahin mo na kasi si Ralph na gusto mo siya.”
“My God, Abbie!” bulalas ni Macy sabay dunk ng Lysol wipes sa trash can na nasa tabi ng kanyang mesa. “Saan naman ako kukuha ng lakas ng loob? `Buti kung may nabibili lang diyan sa kanto, o nauutang sa Bombay.”
Hindi naman nagbibiro si Abbie. “Ano ba kasi’ng problema mo? Wala namang masama kung ikaw ang unang aamin, `no? It’s not as if titihaya ka naman agad sa harap niya. Just tell him you like him. Hahayaan mo bang masulot pa `yang gaya ni Gerald dati?”
“Hindi nasulot si Gerald, ano ka ba? Wala lang talagang gusto sa `kin `yon. Ako lang itong masyadong assuming noon.”
“Malay mo naman? Nagtanong ka ba sa kanya? Ang dami nating babae dito pero sa `yo lang naman naging extra-nice `yon. Malay mo, inakala niyang pini-friend zone mo lang siya kaya hindi na nagtapat sa `yo. Mahirap ding intindihin ang mga lalaki minsan, `no. Dapat sa kanila, pinaprangka para deretsahan na. Malay mo, gusto ka rin pala nila? Eh, kung ayaw naman, at least sinubukan mo, `di ba? Saka mababait naman `yang guys na nagugustuhan mo. Hindi ka ipapahiya ng mga `yan,” mahabang paliwanag nito.
Deep inside, inamin ni Macy na may point ang lukaret niyang kaibigan.
“OPEN-MINDED ka ba?”
Muntik nang maibuga ni Macy ang iniinom na iced tea habang nasa Barrio Fiesta silang mag-ama. Unang araw niya iyon sa bayan ng Asuncion at sinundo siya ng ama sa terminal ng bus sa downtown gamit ang lumang Wrangler jeep nito.
“Papa, `yang mga patutsada n’yong ganyan, kinakabahan ako minsan,” sagot niya saka nagpunas ng bibig.
Tumawa naman si Gabriel. “Isang buwan na lang ako sa munisipyo. Magre-retire na ako.”
Biyudo na ng labinglimang taon ang ama ni Macy. Namatay sa isang vehicular accident noon ang kanyang ina; nabangga ng isang truck ang sinasakyan nitong pampasaherong jeep at isa ito sa mga nasawi.
“O, anong nangyari sa balak n’yong two years pa? Bakit napaaga?” nagtatakang tanong niya.
“Nakisosyo kasi ako sa negosyo. Mushroom production.”
“Ah, malakas nga `yan ngayon, lalo pag-export. Napanood ko sa isang documentary sa TV. Milyon ang kinikita `pag malaki ang production at sinuwerte sa sales. Ayos po `yan.”
“Oo, lalo pa’t may mga sure buyer itong kasosyo ko ngayon. Anak, makisosyo ka na rin sa `min para dito ka na lang sa Sinagtala, wala ka pang boss. Kung gusto mo naman, puwedeng tumulong ka rin sa pagpapatakbo ng farm. May opisina na roon, kailangan ng dagdag na tao.”
“Maliit pa ang ipon ko, `Pa.”
“Walang problema `yon. Alam mo `yong bukirin ng lolo mo na ang tagal na naming inaasikaso ang mga papeles? Naayos na last month, may buyer na rin kami.”
Napaderetso ng upo si Macy. Pera ang pinag-uusapan dito, aba! “Magkano ang mapupunta sa `kin?” tanong niya agad.
“Ang bilis mo talaga `pag pera ang usapan. Ibang klase!”
“Mana lang ako sa `yo, Papa!” Kaya pala nag-retire na ito nang maaga, makukuha na nito ang mana. Dalawang taon nang namatay sa katandaan ang kanyang Lolo Roberto. Malaki ang iniwan nitong bukirin na pinapasaka nito noon. “Paano ang hatian?”
“Maghahati kami ng Tiya Juana mo, siyempre; fifty-fifty. `Tapos, `yong share ko, hati tayo ng Kuya Bart mo. Malaki `yon, anak. Puwede mong isosyo sa `min sa mushroom production.”
“Saan ba `yang mushroom production na `yan?”
“Sa Barangay Puting Bato, sa mismong boundary ng Asuncion at Estrella.”
“Sino `yong kasosyo n’yo pala?”
“Schoolmate mo yata sa Oracle Academy noon, kilala ka niya, eh. Si Neo.”
Nanlaki ang mga mata ni Macy. “Neo as in Apolonio Alonte?”
“Apolonio pala ang pangalan ng damuho. May Neo pang nalalaman!” Humalakhak ang kanyang ama. “Ano, `nak? Payag ka na? Dumito ka na lang, may balak akong kumuha ng housemaid para wala ka nang alalahanin pa sa gawaing-bahay.”
“Sorry, `Pa. Close-minded ako.”