noveltoon logo noveltoon
Get Naked (Hubaderos Book 1: Neo)

Chapter 19

Ch. 20 / 28 Nov 28, 2025

KUMUNOT ang noo ni Macy nang makita niyang sumuntok sa hangin at napasipa sa lupa si Neo pagkatapos nitong ibulsa ang cell phone. Humakbang siya palapit sa lalaki pero bago pa niya natanong si Neo kung ano ang problema ay iniangat nito ang palad sa ere, pinapatigil siya sa paglapit.

“Can you leave me for a while?” sabi nito, hindi nakikiusap ang boses. Mapangmando iyon. “I wanna be alone.”

Ilang segundo siyang napakurap-kurap bago nakasagot. Ewan niya pero daig pa ni Macy ang literal na itinulak palayo. “O-okay.”

Tumalikod ito sa kanya at flat na nagsalita. “`Punta lang ako sa tabing-ilog. I’ll be back in a while.”

Pinanood niya si Neo habang naglalakad. She was wishing for him to look back, maybe change his mind and call her to go with him. Pero nabigo siya at may kasamang kirot ang bawat paghakbang palayo ni Neo sa kanya.

May mahigit isang oras na nawala ang lalaki at sinikap ni Macy na aliwin ang sarili sa pamamagitan ng pagbasa sa dala-dala niyang libro ni Andy Weir na Artemis . Walang imik itong pumasok sa tent, nilampasan siyang nakaupo sa mattress sa labas. Ni hindi man lang ito sumulyap sa kanya.

Hindi na siya nakatiis, pinasok niya sa tent si Neo at nagtanong.

“It’s nothing,” sabi lang nito, nag-iwas ng tingin sa kanya. “Kain tayo ng dinner habang may liwanag pa. May tira pa sa baon nating pork adobo, iinitin—”

“Ako lang ito, Neo,” putol ni Macy sa pagsisikap nitong umiwas, mababa pero humihingi ng pang-amot ang boses niya. “I mean, wala tayo talagang relasyon maliban pagdating sa sex at trabaho, pero hindi naman siguro mahirap para sa `yo na magsabi sa `kin ng problema? Maybe I can’t help at all, pero ayaw mo ba na may nakikinig sa `yo? O, ayaw mo lang talaga na may ibang makakita ng other side ni Palatawang Neo?”

Nang hindi ito sumagot ay galit siyang humawak sa bandang dibdib ng damit nito. “Goddammit, Neo! It’s just…” Frustrated siyang nagbuga ng hangin. “I’m sorry kung sa palagay mo ay nanghihimasok ako, pero hindi ko kayang makasama ka dito na may dinaramdam kang hindi mo sinasabi sa `kin. It’s making me uncomfortable and helpless; and I hate it! I hate it that you don’t seem to care that I worry about you!” sumbat pa niya sa lalaki.

“I’m sorry, baby,” mahinang sabi ni Neo. “It’s not you… it’s just… A-ayoko lang mag-alala ka sa `kin.”

“Well, too late. Dahil nag-aalala na ako sa `yo. I need to know, Neo, please. Last Friday night, sinabi mo sa `kin ang nangyari sa pamilya mo. Hindi naman mahirap, `di ba?”

Nagbuga ito ng hangin saka umiling. “My mother. N-nasa ospital siya ngayon.” Hanggang sa pagtatapat nito, hilot-hilot ang pagitan ng mga mata. “Sabi ni Kuya, n-naglaslas daw ng pulso.”

Natutop ni Macy ang bibig, napabitaw mula sa damit ni Neo. Hindi niya napaghandaan ang bigat ng kanyang narinig. Masyado yata siyang naging harsh sa pagkumbinsi ritong mag-open sa kanya.

“O-oh.” She started to worry more, bordering on panic. “I’m sorry. K-kumusta naman siya?” Naisip na lang niyang sabihin.

Hirap na hirap na sumagot si Neo. “T-thankfully, the wound was not deep enough for her to lose a lot of blood. Wala siya talagang balak m-mamatay.”

“Ano’ng plano mo ngayon?” Hinawakan niya sa braso ang lalaki nang hindi sumagot. “Neo, I hope you won’t take this offensively. I just… I just wanna know. Gusto ko lang masiguro na magiging okay ang lahat, na magiging okay ka rin.”

“I’m leaving for Manila. Kailangan nila ako doon.” Tumingin ito sa kanya. Akala ni Macy ay tatanggalin nito ang kamay niyang nakahawak sa braso nito nang hawakan iyon ng lalaki pero hindi nito binitawan.

“You want me to come with you?” tanong ni Macy nang nahiwatigan niya sa tingin ni Neo na may gusto itong hilingin sa kanya pero ayaw lang sabihin.

“If it’s not too much to ask.”

“You don’t have to ask, baby.”

Niyakap siya ng lalaki. “Thank you, sweetheart.”

Ganito ba talaga kahirap para sa lalaking ito na magpakita ng kahinaan? O, sa kanya lang ba nito ayaw ipakita iyon?

“SHE’S pretty. Is she your girlfriend?” nakangiting tanong ni Arabella kay Neo nang ipakilala niya sa ina si Macy. Nakasandal ito sa mga unan at nakataas na upper part ng hospital bed, panay ang suklay ng mga daliri sa buhok na parang ayaw makita ng ibang tao na hindi ito nakaayos.

Nasulyapan ni Neo na nag-blush ang dalaga dahil sa tanong na iyon. Nginitian niya naman ito.

“No, Mom.” Hindi niya ipinahalatang nag-iisip siya ng isasagot kahit ang totoo ay usapan na nila ni Macy ang sasabihin niya sa kanyang pamilya tungkol dito. “She’s my friend and my assistant manager. Investor din siya sa farm.”

“Are you still single, Macy?” baling pa ng ina sa dalaga.

Nahihiyang tumango ito. “Oho.”

Kinurot siya ng kanyang mommy sa braso. “Oh, my stupid, stupid son. Ano pa’ng hinihintay mo at hindi siya ligawan? Wala naman na kayo ng gagang Reina na `yon, `di ba?”

Sabay pang nagkatawanan sina Macy at Neo. Ilang sandali naman ay nagpaalam si Macy na lalabas lang mula sandali sa hospital room, binibigyan siya ng tsansang makipag-usap nang solo sa kanyang ina.

“Don’t do that again, you understand?” he told her firmly, fighting back his tears. “Hindi n’yo alam kung gaano kasakit para sa `kin bilang anak na malamang—Dammit!” Marahas niyang pinunas ang namamasang mga mata.

Naluluha rin si Arabella. “No, no. I won’t do it again,” umiiling na sabi nito. “I’m sorry, hijo. I know that was stupid.”

“Definitely stupid!” galit pero naaawang sabi niya sa ina.

“N-nasa pinakababang parte lang siguro ako ng buhay ko ngayon. I mean, just look at me! I’m fifty-three and here I am.”

“What do you mean, here you are? You have a good life, you have two sons who love you,” naghihinanakit na sagot ni Neo. “At si Daddy… nag-aalala pa rin si Daddy sa inyo hanggang ngayon. He still cares about you, us. Ikaw lang naman itong nagtataboy sa kanya palagi.”

Umiyak na ito nang tuluyan. “I just… I feel so old and I’ve been having realizations that my life sucks in general.”

Yumakap si Neo sa ina. “Akala n’yo lang `yan, pero alam n’yong hindi `yan totoo. Huwag kasi `yong wala na sa inyo ang isipin n’yo palagi kundi `yong kung ano pa ang mayroon kayo at gustong manatili sa inyo.”

“You’re right, you’re right…” pag-amin ni Arabella sa pagitan ng mga hikbi. “I’m just being an old, selfish bitch. I’m sorry, anak.”

Noon naman nakaramdam ng guilt si Neo. “Sorry din, Mommy. Hindi ko naman kayo tinatanggalan ng karapatan na magalit o maging madamot. Ang sa `kin lang, huwag n’yo nang paabutin sana sa puntong nasisira na pati ang buhay n’yo. You need help, please.”

“Things will be different from now on, I promise. Nag-usap na kami ni Clay kanina. We already have plans—therapy, detoxification, out-of-the-country vacation…” Kumalas ito mula sa kanya at hinawakan siya sa mukha. “Stop worrying about me, okay?”

“How could I not worry? Anak n’yo ako.”

Ngumiti si Arabella. “Oh, my boy. I’ve been so self-centered that I failed to notice how grown up you are now, Neo. Akala ko ikaw pa rin `yong anak kong palaging nagpapatawa sa `kin, `yong nililibang ako `pag malungkot ako, `yong ipinagpipitas ako ng mga bulaklak. But here you are right now, you’re being firm and authoritative with your mother but with good intentions.”

Ngumiti lang si Neo. Gusto man niyang ipagmalaki ang sarili dahil sa narinig ay mas nangingibabaw naman ang pag-iisip niya ng kung ilang tao pa kaya ang kakilala niya ang nakakapansin ng ibang bahagi ng kanyang pagkatao?

“I promise I will get through this, I will give you my word, anak,” may paninindigang sabi ng ina. “Now, go get that pretty girl and give me some grandkids soon. Huwag na nating asahan ang kuya mong babagal-bagal sa ganyang bagay. Tatandang-lalaki siguro `yon. Hmp!”

Nagkatawanan tuloy sila sa huling sinasabi ni Arabella.

PAGLABAS ni Neo sa hospital room para hanapin si Macy ay naghihintay naman sa bench na katabi ng pinto ang kanyang ama. Yumakap ito sa kanya nang magkalapit sila. Hindi agad ito bumitaw kahit inilaylay na niya ang mga braso. Nararamdaman niya sa mga bisig nito ang pangungulila sa kanya, ang pagmamahal.

God, why do people hurt each other? Hindi ba puwedeng kapag nahanap ang pag-ibig ay hindi na iyon mawawala para maiwasan ang magkasakitan at madamay pa ang ibang tao sa paligid? But life wasn’t really like that, was it? Kahit hawak mo na ang isang bagay sa kamay mo ay puwede pa ring mawala iyon.

Hindi na maalala ni Neo kung kailan sila huling nagkita ni Felix; last year yata, noong birthday nito. Ipinagbabawal ng kanilang ina na madalas nilang makasamang magkapatid ang kanilang ama. Pinaniwalaan niya lahat ng masasamang sinabi ni Arabella tungkol dito. Until he grew up and learned more about life, doon siya nagkaroon ng realization sa maraming bagay. But no matter how he denied and hid it, those realizations had led him to be jaded and cynical over some things.

“Salamat sa pagpunta rito, Dad.”

“How is she? Ayaw niya akong kausapin kanina nang pasukin ko siya sa kuwarto.”

“She’s feeling better. Maghintay lang kayo ng kaunting sandali para kausapin siya. I think she would listen to you this time.”

Magkatabi silang umupo sa bench. Hindi alam ni Neo kung ano pa ang dapat niyang sabihin sa ama. They hadn’t really talked.

“I’m sorry I’ve put you through this,” mayamaya ay sabi ni Felix.

“You don’t have to apologize, Dad,” tanggi niya.

“You know what I mean, Neo. Kung hindi ko sana hiniwalayan—”

“Hindi man talaga choice ni Mommy ang hiwalayan ninyo, pinili naman niyang gawin ang lahat ng nangyari sa kanya pagkatapos niyon.”

Hindi ito nagsalita. Nang sulyapan niya ang mukha ni Felix nabakas niya roon ang matinding guilt.

“Why did you leave us?” lakas-loob na tanong ni Neo na hindi naiwasan ang paghalo ng pait sa kanyang boses. Maraming taon din ang pinalampas niya bago itanong iyon.

Tumingin si Felix sa kanya. “I fell out of love,” malungkot na sagot ng ama.

Inaasahan na ni Neo ang sagot na iyon.

“We got married young, right after college. Buntis si Arabella kay Clay nang naisipan naming magpakasal. Pero may mga tao palang hindi nagkakasundo kapag nasa iisang bubong na,” kuwento pa nito. “Anak, it isn’t all about Ynez, kahit `yon pa ang palaging sinasabi ng mommy n’yo at ang pinaniwalaan ng lahat. Nawalan na ako ng pagmamahal sa kanya bago ko pa nakilala si Ynez, ayaw lang niyang tanggapin ang katotohanan. Sa kabila niyon ay sinubukan ko pa ring isalba ang kasal namin, pero mas lumala ang mga away namin nang ipagbuntis ka niya.

“It wasn’t planned, you see. We weren’t planning to have another kid until we fixed our marriage. Pero sinadya niyang hindi mag-take ng contraceptive dahil akala niya ay isang solusyon sa marital problem ang pagkakaroon namin uli ng isa pang anak.”

“Great. So I was an accident,” mabigat ang dibdib na nasabi ni Neo.

Dumantay ang kamay ni Felix sa kanyang balikat. “You were never an accident, Neo. Walang naging aksidente o pagkakamali sa buhay ko. I’ve always tried hard and did my best on everything. And my kids are my biggest achievement in life, you gave meaning to my existence. Kaya nasasaktan ako kung nakikita kong apektado pa rin kayo ng naging choice ko sa buhay.”

“We’re surviving, don’t worry about us.”

Mapait na ngumiti si Felix. “Galit pa rin sa `kin si Clay kaya inayawan niyang magtrabaho sa ATS.” Ang ATS ay ang Alonte Trucking Services na pag-aari ng pamilya ng kanyang ama. Ang kanyang yumaong lolo ang nagtaguyod ng negosyo na napaunlad naman ng dalawang anak nito.

“He’ll get around.”

“How `bout you? Are you still mad at me?”

Umiling si Neo. “I was never mad at you. Masama ang loob, oo. Magkaiba naman po `yon.”

“Hindi kita masisisi. Even Clay has the right to hold a grudge against me.” Pumisil ang kamay nito sa kanyang balikat. “Alam kong hindi ako naging magandang role model sa inyong magkapatid. Kaya siguro…” Nagpakawala ito ng pagak na tawa. “Kaya siguro single pa rin kayo hanggang ngayon.”

Mapait din siyang ngumiti saka napailing. May katotohanan nga siguro ang narinig niya kahit hindi ganoon ang kanyang iniisip.

“But don’t be afraid to love with all your heart, son. Give it all your best, your everything.”

“Even if I fail in the end just like you?”

“Yes! You see, I never regretted loving your mother, not even once. And I still care about her deeply. I may not be in love with her anymore but I never stopped loving her. I tried so hard to connect with her, with you and Clay. Pero ayaw niya akong payagan.”

Ramdam na ramdam ni Neo ang katapatan sa lahat ng narinig niya mula sa ama. Gusto niya tuloy magsisi na hindi siya gumawa ng hakbang para makipaglapit dito. Dahil sa takot niyang masasaktan ang kanyang ina ay isinakripisyo ni Neo ang pagkakaroon ng magandang relasyon kay Felix. Pero hindi pa naman huli ang lahat para sa kanilang lahat.

“Huwag kang matakot sumubok, at kung susubok ka ay ibigay mo ang lahat-lahat, anak, para kung mabigo ka man sa huli ay wala kang pagsisisihan,” sabi pa ni Felix.

Hanggang sa may makita silang isang lalaki na papalapit sa kanilang kinauupuan. May hawak itong eyeglasses sa isang kamay.

Tumayo si Felix at sinalubong ito bago pa makalapit ng dalawang dipa sa kanila.

“Dad, you left your glasses at the office,” sabi ng lalaki, bahagyang sumulyap kay Neo.

It was Sebastian, his half-brother. Hindi maikakailang kapatid niya sa ama dahil kamukha niya ang lalaki. Namana rin ni Sebastian ang matangkad na genes galing kay Felix.

Tumayo rin si Neo. “Malabo na pala ang mata n’yo, bakit kayo nag-drive na walang salamin?” pag-aalala niya sa ama.

“Nah, it’s not that bad,” sagot nito sa kanya bago isinuot ang salamin sa mga mata.

Magpapaalam na sana si Sebastian nang pigilan ito ni Neo. “Hey, you wanna have coffee with us?” alok niya sa kapatid.

Gusto niyang mapailing. Wala siyang matandaang nag-usap sila ni Sebastian. Dahil sa pagsunod niya sa kanyang ina ay nasakripisyo rin ang pakikipag-ugnayan niya sa kapatid sa ama. Which was unfair. Walang kasalanan si Sebastian sa pagkasira ng kanyang pamilya.

Nakita niyang nagningning ang mga mata nito. “S-sure,” parang nataranta pang sagot nito.

Tamang-tama namang nakalapit sa kanila si Macy bago pa niya ito natawagan sa cell phone. Inabot ni Neo ang kamay ng dalaga, masayang kumapit doon nang mahigpit. “Macy, I want you to meet my family,” nakangiting sabi niya.

“WHEN are you gonna stop fooling us?” ngingiti-ngiting tanong ni Clay kay Neo nang lumabas ito sa porch ng bahay nito kung saan siya nakatayo at nakamasid sa kawalan.

“Ano ba’ng pinagsasasabi mo?” sagot niya sa kapatid, nginiwian pa ng nakakalokong ngiti ito.

“I’m talking about Macy, bro. May kaibigan at business partner bang malagkit kung magtinginan?” panghuhuli nito.

“It’s not what you think, all right?”

Humalukipkip si Clay, bahagyang sumulyap sa glass wall sa likuran nito kung saan makikitang nakaupo sa sala si Macy at kausap ang kanilang ina. Tatlong araw na mula nang lumabas sa ospital si Arabella at masasabi nilang malaki agad ang improvement ng kalagayan nito.

Katatapos lang nilang mag-dinner kung saan inimbitahan nila ang kanilang ama at si Sebastian. Mapapansin ang uneasiness sa pagitan ng dating mag-asawa pero nagpapaka-civil naman ang mga ito. Kahit si Clay ay napansin rin niyang mukhang maaliwalas ang pakikipag-usap kay Felix at Sebastian. Or maybe he was just being decent. Minsan ay mahirap basahin ang mga iniisip ni Clay.

“Hindi mo siya isasama rito kung hindi siya importante sa `yo. This is a family matter, Neo.”

“Fine,” pagsuko niya. “Macy and I are in a relationship, but not what you think.”

Kumunot ang noo ng kanyang kapatid. “What do you mean?”

“We’re sleeping together, that’s just it.”

“Ah.”

Muli itong nginiwian ni Neo. “Will you wipe that stupid grin off your face? It makes me wanna punch you!” inis niyang sabi.

“Bakit ba pikon ka?” natatawang banat ni Clay. “I was just asking. Gusto kasi siya ni Mommy. Alam mo namang inis na inis `yan doon sa ex mo.”

Hindi rin maintindihan ni Neo kung bakit parang mabigat ang dugo ng kanyang ina kay Reina. Ayaw nito sa babae mula pa umpisa at hindi gumaan ang loob nito sa ex-girlfriend. Samantalang pagkakita pa lang nito kay Macy ay ibinubuyo na siya. What the hell?

“Mothers know best daw,” kantiyaw pa ni Clay nang hindi siya umimik.

“Yeah, they certainly do. Alam mo ba ang sabi sa `kin ni Mommy sa ospital? Tatandang-binata ka raw kaya ako na ang ipinagtutulakang mag-asawa.”

Tumawa lang si Clay.

“Hindi ka naman siguro bading , Kuya?”

Dinagukan siya ng kapatid. “Tarantado!”

Gaganti sana siya nang may isang kotseng pumasok sa driveway. Iniwan nilang bukas ang gate ng bakuran dahil darating daw ang pinsan nilang si Cole. Nag-abiso naman itong male-late sa kanilang hapunan at pinauna na sila nitong kumain.

Pagkalabas ni Cole sa itim na Corvette ay inayos nito ang kuwelyo ng polo shirt. Binuksan nito ang passenger’s seat at may kinuhang flower arrangement na naka-basket. Hindi ito nakasama sa pamilya nito sa pagdalaw kay Arabella sa ospital kaya ngayon daw bumabawi.

“Heeey! Apolonio, Clarencio! `Sup, my men!” bati nito sa kanilang magkapatid nang makaakyat sa porch. Nakipag-fistbump ito sa kanila ni Clay. “Kumusta na si Tita?” tanong ng pinsan saka sumilip sa glass wall. “Holy shit! Sino `yong hot babe na kausap niya?” nanlalaki ang mga matang bulalas nito.

“Girlfriend `yan ni Neo, off-limits ka,” mabilis na sagot ni Clay.

“Daaaamn, she’s smokin’!”

“Colberto, don’t you even dare!” may babalang sabi ni Neo sa pinsan.

Pero hindi nakikinig sa kanilang magkapatid ang pabling na pinsan. That, o wala itong pakialam kahit narinig pa nitong girlfriend niya si Macy.

Naunang pumasok ng bahay si Cole, desididong makipagkilala sa kanilang bisita. Nagngitngit naman ang loob ni Neo. Wala talagang kupas ang pinsan niya pagdating sa mga babae.

Ang siste tuloy, napilitan si Neo na ipakilala kay Cole na girlfriend nga niya si Macy. Kinibitan niya ng mga balikat ang nangingiting ina nang marinig iyon at nakiusap ang kanyang mga mata kay Macy na sumakay na lang.

Nang ihatid niya ang dalaga sa guest room nang oras na ng pagtulog ay kinurot siya ni Macy sa tagiliran.

“Bakit mo ako ipinakilala kay Cole na girlfriend mo? Sumakay pa ang kapatid at mommy mo.”

“Kilala naming matinik sa babae `yang si Colberto. Wala akong tiwala sa taong `yan kasi walang nakakatanggi diyan kahit posteng pinaldahan.”

Tumawa ito. “Ano ka ba! As if naman, bibigay ako doon.”

“I know, baby. I just didn’t want him near you.” Shit, parang ang possessive ng dating.

“Pero charming siya, ha?” nakangiting sabi ni Macy. “Bagay sa kanya `yong facial hair at man-bun.”

Sumimangot si Neo. “Mas charming ako. Mukha siyang taong-gubat.”

“Oo na. Sige na nga, good night na at maaga pa akong aalis bukas.”

Hinalikan niya sa pisngi ang dalaga. “I’m gonna miss you, Macy.”

“Hmn, I will miss you, too. Pero kailangan ka pa ng mommy mo rito. Masayang-masaya siya kaninang nag-uusap kami, proud na proud sa inyo ni Clay. You’re very lucky to still have her, Neo.”

“Ten days, and I will be home again. Pasensiya ka na, ikaw na muna ang bahala sa farm.”

“Ano ka ba? Okay lang `yon. Kahit one month pa.”

“Makakaya mo ba ang isang buwan?”

Ngumiwi si Macy. “P-parang ang hirap nga. Nasanay na kasi akong parati tayong magkasama, Neo,” malungkot na sabi nito na parang pumiga sa kanyang dibdib.

Pareho sila ng nararamdaman. Her presence had already made an impact on his life. Iniisip niyang ang sex lang ang kailangan niya sa dalaga pero tatadyakan na niya ang sarili kung iyon pa rin ang kanyang paniniwalaan. These past three days, it was such a blessing that she was beside him. Just seeing her gentle smile was soothing his aching soul.

See what she made him do? Nagiging poetic na rin siya.

“But you know, makakapagtiis naman ako. Mas kailangan ka ni Tita,” pagbibigay pa nito. “Okay lang kahit magtagal ka pa dito, Neo.”

“I’ll try at two weeks. Ako ang sasama sa kanya sa mga therapy session niya. Though knowing my mother, baka itaboy rin ako niyon pauwi sa `yo.”

Masuyo niyang kinabig si Macy at niyakap. Just holding her like this, just feeling her warmth… He felt he was in a very safe place, away from all the madness of the world. But it was also scaring him shitless—this, opening up like this, letting other people know that he was also capable of being weak, of being lonely. Hindi siya sigurado kung masasanay siya sa ganito.