“ANO BA, Chinnie? Sinabi nang mag-usap tayo, eh!”
Muling sumigaw si Shaun habang patuloy pa rin akong hinahabol. Pero hindi ako huminto. Hindi ko rin siya magawang lingunin. Patuloy pa rin akong tumatakbo hanggang sa makatakas sa kanya.
Kahit alam na niya ang tunay kong nararamdaman, hindi ko pa rin siya kayang harapin. Hindi ko pa kayang aminin sa kanya nang harap-harapan na mahal ko siya. Mahal na mahal. At hindi na best friend ang tingin ko sa kanya. Hindi ko pa kaya at alam kong kahit kailan hindi ako magiging handa.
Kaya mas mabuti na lang ang ganito. Ang maging duwag. Ang takasan ang katotohanan. Hindi pa ako handa na aminin sa kanya dahil alam ko namang wala ring patutunguhan. Hindi niya ako kayang mahalin sa paraang gusto ko. Ngayong alam niya na ang nararamdaman ko sa kanya, mawawala na siya. Mawawala na si Shaun sa akin dahil iiwasan na niya ako.
Mabuti na lang masyadong maraming tao dito sa field kaya hindi niya agad ako mahabol. Masyadong maraming tao na nakaharang sa mga dinadaanan namin. Maliit lang akong babae kaya nakakalusot agad ako. Habang siya, kailangan pang itulak ang haharang sa daan niya.
“Chinnie, please, naman. We should talk. Don’t run away!” sabi niya ulit. “`Tangina tumabi nga kayo at nagmamadali ako. Tumabi sabi, eh. Haharang pa sa daan pota!”
Ilang dipa na lang ang layo sa akin ni Shaun at pinagtitinginan na kami ng mga tao. Pakiramdam ko, alam nila ang nangyayari. Alam nila na ang nararamdaman ko sa kanya at hinuhusgahan nila ako. Hinuhusgahan nila ang pagmamahal ko sa kanya. Pinagtatawanan dahil alam nilang hindi ako makikita ni Shaun sa ganoong paraan. Hindi ko tuloy magawang tumingin sa kanila.
Nang makarating ako sa labas ng school, agad akong pumara ng taxi. Mabuti na lang at may nakaparada. Sumakay agad ako sa loob. Pero bago ito umandar, nakahabol na si Shaun. Kinatok-katok niya ang bintana ng taxi. Ganoon lang ang ginagawa niya pero hindi ko pa rin siya tinitingnan.
“Chinnie, open this goddamn taxi. Mag-uusap tayo. Hindi mo kailangang tumakbo. Makikinig ako sa mga sasabihin mo. Gusto ko lang malaman kung totoo lahat ng sinabi ni Bea,” sabi niya na patuloy pa ring kinakatok ang bintana habang nakikiusap. “Please, Chin. Don’t run away. Hindi ako galit. Gusto ko lang maliwanagan. Gusto ko lang... gusto ko lang malaman ang totoo.”
Sinubukan kong tumingin kay Shaun at nagtama ang aming mga mata. His eyes were so lost and confused. He was like a lost boy na hindi alam ang gagawin. Gulong-gulo na siya sa mga nalaman at nangyari. Katulad ng nararamdaman ko ngayon. Hindi ko na maintindihan. Masyadong magulo.
A part of me wanted to stay. Gustong sabihin sa kanya ang lahat-lahat. Aminin mismo sa kanya `tong pagmamahal ko na hindi niya masuklian. Gusto ko mismo na lumabas mismo sa bibig ko ang mga salitang gusto niyang marinig. Mga feelings ko sa kanya na hindi niya alam na nag-e-exist.
Pero mas malaki pa ring parte ng pagkatao ko ang gustong tumakas. Gustong lumayo kay Shaun at hindi aminin ang gusto niyang malaman. Dahil kapag sinabi ko, parang tinatanggap ko na rin sa sarili ko na handa akong mawala si Shaun sa akin. Na mawala ang kung ano mang katiting na meron kami ngayon. I didn’t want to lose him. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala siya sa akin.
Umiwas ako ng tingin kay Shaun. Mas lumakas ang pagkatok na ginagawa niya sa bintana. Para bang handa na siyang wasakin ang salamin ng bintana ng taxi.
“Chin, don’t do this to me. I deserve to know everything. I deserve to know the truth. Huwag mo `kong takbuhan. Gusto ko lang malaman kung mahal mo talaga ako. Sa ganoong paraan. Na mas higit pa sa kaibigan. Chin, I’m begging you. Parang-awa mo na,” sabi niya na halatang nahihirapan.
“Ma’am?” nagsalita ang driver ng taxi.
Nanuyo ang lalamunan ko. Mariin akong napapikit habang nanginginig ang mga kamay ko.
“Sa Makati Avenue, Manong. Sa Olivarez Building,” pagturo ko kung saan located ang condo ni Shaun. Kailangan kong umuwi doon para kunin ang mga gamit ko.
Nabuhay na agad ang makina ng taxi at naghahanda na para tumakbo.
“Chin, ano ba? Lumabas ka diyan!” sumigaw na si Shaun. “Don’t be so unfair, Chin! I deserve to know everything. Huwag mo nang itago. Ano ba, Chin? `Tangina naman. Huwag mo naman akong pahirapan. Let’s fucking talk! Stop this fucking taxi! Chinnie!!”
Umandar na ang taxi kaya akala ko titigil na si Shaun. Nakalimutan kong masyado nga palang matigas ang ulo niya. Hindi siya tumitigil hangga’t hindi niya nakukuha ang gusto niya.
Hinahabol niya ang taxi kahit na tumatakbo na ito. Tumatakbo rin siya nang mabilis para makahabol. Pinagtitinginan na siya ng mga tao sa labas pero walang pakialam si Shaun. Patuloy pa rin siya sa pagtakbo at paulit-ulit na nagmamakaawa sa akin na lumabas at makipag-usap.
“Chin, please! Mag-usap tayo! Huwag ka namang ganyan!”
“Ma’am?” saad ng driver. “Paano po `yong humahabol sa atin?”
Sinulyapan ko si Shaun na nasa likuran pa rin ng taxi at pilit humahabol. Pawis na pawis na ang mukha niya at halatang pagod na pero hindi pa rin tumitigil sa pagtakbo. Nakakaawa na ang mukha ni Shaun. Para siyang bata na iniwan ng magulang at nagmamakaawa na huwag siyang iwanan.
Tinatagan ko ang sarili ko at saka nagsalita. Hindi dapat ako maawa sa kanya. Sa mga oras na `to, sarili ko dapat muna ang kaawaan ko.
“Hayaan n’yo na siya, Manong. Pakibilisan na lang po,” sagot ko sa driver na hindi inaalis ang pagkakatingin kay Shaun. Nagmamakaawa ang mga mata niya habang nakatingin sa akin.
Mas bumilis ang pagtakbo ng taxi kaya hindi na nagawa ni Shaun makahabol. Nakita ko na lang na paunti-unti siyang tumigil sa pagtakbo at hinihingal na napahinto. Ang huli kong nakitang emosyon sa mukha niya ay parang winasak ko ang puso niya dahil sa pagtakbo ko palayo sa kanya.
Gustong bumagsak ng mga luha ko nang dahil sa nakakaawang expression sa mukha ni Shaun. Pero pinigilan ko lang ang sarili ko dahil ayokong makita ng driver na umiiyak ako. Kahit na wasak na wasak na ang puso ko sa loob-loob ko. Pinapakita ko sa driver na okay lang ako.
Ang hirap palang ipakita sa ibang tao na okay ka at hindi ka naaapektuhan kahit na gustong-gusto na ng mga luha mo na lumabas para ipakita kung gaano kasakit ang nararamdaman mo. Kailangan mong magpanggap na okay ka dahil alam mong wala ring magagawa ang pagluha mo. Hindi nito mababago ang nangyari. Hindi mababago ng pag-iyak ang nangyari na.
Alam ko namang darating din ang oras na `to. Ang oras na malalaman ni Shaun ang feelings ko sa kanya. Na malalaman niya na ilang taon ko na siyang pasekreto na minamahal na higit pa sa inaakala niya. Na higit sa pagkakaibigan na meron kami. Napaghandaan ko na ito. Alam kong masakit. Pero hindi ko inaasahan na ganito pala kasakit `yon. Walang-wala ang sakit na inaasahan ko sa reyalidad.
Nang huminto ang taxi sa harap ng building kung nasaan ang condo ni Shaun, nagbayad agad ako sa driver. Hindi ko na hinintay ang sukli ko dahil kailangan ko nang magmadali. Kailangan ko nang makuha ang mga gamit na kailangan kong kunin bago pa dumating si Shaun.
Nagmadali akong pumasok sa loob papunta sa unit ni Shaun. Mabuti na lang naisipan kong dalhin `tong spare key ko at hindi ko iniwan sa dorm ni Bea. Pagpasok ko sa loob ng unit, sumalubong sa akin ang amoy ni Shaun. Kumirot ang puso ko dahil dito.
Hindi agad ako nakagalaw dahil awtomatikong lumibot ang mga mata ko sa kabuuan ng condo niya. Hindi mapigilan ng isip ko na alalahanin ang masasaya naming pinagsaluhan ni Shaun sa condo na `to. `Yong bawat tawanan, asaran, tampuhan, at pikunan.
`Yong bawat sigawan at pang-aasar niya sa akin. `Yong bawat pagpapa-cute niya tuwing hihingi siya ng sorry sa nagawa niyang kasalanan.
Itong condo na ito ang naging saksi sa aming pagkakaibigan. Sa lahat-lahat na meron kami.
Ito rin ang naging saksi sa pagmamahal ko kay Shaun na pinakatago-tago ko sa mga nakalipas na taon. Mga patagong pagluha ko tuwing nakikita kong may ibang kasamang babae si Shaun. Tuwing ngumingiti siya at tumatawa na hindi ako ang dahilan.
Ang condo na `to ang naging saksi sa lahat-lahat at alam kong hindi na kami babalik sa dating kami ni Shaun. `Yong dating kami na hindi pa siya aware sa feelings ko sa kanya. `Yong dati na hanggang best friend lang ang tingin niya sa akin. `Yong dating kami na ako lang ang nasasaktan at hindi siya.
Dahil kahit anong pilit ang gawin ko, hinding-hindi na maaaring bumalik `yon. Hindi na talaga kayo pwedeng bumalik sa dating kayo kapag mayroon ng feelings ang isa.
Marami talagang mawawala kapag na-in love ka sa kaibigan mo at hindi niya nasuklian ang feelings mo sa kanya. Mawawala na `yong friendship n’yo. Mawawala na siya sa `yo. Mag-iiwasan na kayong dalawa na parang hindi na kayo nag-e-exist sa mundo ng bawat isa. Iiwas ka dahil ayaw mong masaktan habang siya naman ay iiwas din dahil ayaw ka niyang masaktan pa.
Naramdaman kong nangilid na ang mga luha ko kaya muli na akong gumalaw.
Pumasok na ako sa loob ng kuwarto ko at kinuha sa ilalim ng kama ko ang malaki kong maleta.
Nagsimula na akong mag-empake. Kinuha ko sa cabinet ko ang mga damit ko na ginagamit ko pampasok sa school. Mga pants ko saka mga doll shoes. Kinuha ko rin ang ilan kong art materials. `Yong paint tools ko pero hindi ko kinuha `yong regalo sa akin ni Shaun na isang set ng paint brush. Ayokong magdala na kahit anong magpapaalala sa kanya.
Sa pag-alis ko sa lugar na `to, isasabay ko na rin iwanan ang nararamdaman ko sa kanya na hindi niya masusuklian kahit kailan. Dahil minsan, kahit sobrang mahal natin ang isang tao o bagay, kailangan natin itong iwanan. Hindi dahil gusto mo. Kundi dahil ito ang mas makakabuti para sa `yo.
Inikot ko sa kuwarto ko ang mga mata ko at nakita ko ang picture naming dalawa ni Shaun na nakasabit sa dingding. Kuha noong Halloween Party sa school ang picture na iyon.
Terno kaming dalawa ng costume. Monster Inc. theme ang costume namin dahil parehas namin paborito `yon. Si Mike Wazowski ako habang si James Sullivan naman siya. Magkahawak-kamay kaming dalawa habang may hawak na bote ng alak si Shaun sa kaliwang kamay niya. Nakangiti kami pareho sa picture. `Yong klase ng ngiti na alam mong parehas kaming masaya.
Napatitig ako sa picture. Hindi ko maiwasan na hindi manghinayang. Alam ko kasing hindi na talaga kami babalik ni Shaun sa ganitong kasiyang oras. Hinding-hindi na namin maibabalik `yong dating kami dahil sa pagmamahal ko sa kanya na nabuo nang higit pa sa kaibigan.
Nagsisisi ako dahil hindi ko napigilan ang sarili ko na mahalin siya. Nagsisisi ako dahil hinayaan kong mawala kung ano mang meron kaming dalawa. Sinisisi ko ang sarili ko dahil higit sa aming dalawa, ako ang may kasalanan nito. Ako ang may kasalanan dahil alam kong iiwas na siya sa `kin.
Sabi nila masarap daw ang magmahal. `Yong mga nagsasabi na masarap magmahal ay `yong mga taong hindi pa nararanasan mahalin ang kaibigan nila. Na mahulog sa best friend nila.
Hindi pa nila nararanasan kung gaano kasakit itago ang nararamdaman mo sa kanya. Kung gaano kahirap ipakita na hindi mo siya mahal kahit na gustong-gusto na itong sabihin ng puso mo.
Kung gaano ka nasasaktan tuwing nagseselos ka at wala kang magawa. Hindi ka maaaring magalit dahil kaibigan ka lang. Kaibigan na hindi dapat manumbat at magalit tuwing nagseselos ka. Kaibigan na palaging ngiti at pagtawa ang kailangan ipakita kahit na umiiyak na ang puso mo.
Hindi palaging masarap ang magmahal. Minsan, sobrang sakit nito lalo na’t ang minahal mo ay kaibigan mo na alam mong wala kang aasahan. Araw-araw kang pinaparusahan dahil araw-araw ipapamukha sa `yo na hanggang kaibigan ka lang at hanggang doon lang kayo.
Bumalik na ako sa pag-eempake ko. Nang masigurado kong wala na akong nakalimutan, sinarado ko na ang zipper ng malaki kong maleta. Napahinto lang ako sa ginagawa ko nang may marinig akong boses mula sa likuran ko. Boses na nagmumula sa pintuan ng kuwarto ko.
“Chin.” Nanigas ang buong katawan ko nang marinig ko ang boses niya. “Let’s… Let’s talk.”
Huminga ako nang malalim, saka ko binuhat ang maleta ko.
Sinubukan kong tingnan si Shaun. Kitang-kita ko na naman ang iba’t ibang expression sa mga mata niya. Mga expression na ngayon ko lang nakita sa kanya. My heart was breaking seeing that expression. Parang tinutusok ang puso ko. Kaya umiwas na naman ako ng tingin.
“Wala tayong dapat pag-usapan, Shaun,” sagot ko sa kanya. “Narinig mo na naman ang dapat mong marinig, `di ba? Sinabi na naman lahat ni Bea kanina.”
Nagsisimula na akong maglakad papunta sa pintuan ng kuwarto ko para lumabas pero hindi siya umalis. Nakaharang lang siya. Kahit natatakot ako sa kanya ngayon, pinakita ko sa kanya na matapang ako. Na kaya kong umalis. Na kaya ko siyang iwan kahit na alam kong ako rin ang mas higit na masasaktan sa aming dalawa. Na ako lang din ang mas mahihirapan.
“Chin, please?” pakikiusap niya. “Don’t leave me. Huwag mo `kong iwan. Pag-usapan natin `to.”
I looked at his eyes. “Shaun, may mga bagay na hindi na nadadaan sa pag-uusap,” sagot ko. “Don’t make this hard for me. Don’t be so unfair. Let me leave. Buo na ang desisyon ko na umalis.”
Tinulak ko siya at mabuti naman hinayaan na niya akong makadaan. Pero nakakailang hakbang pa lang ako nang bigla akong magulat dahil bigla siyang sumigaw.
“Putangina naman, Chin!” sigaw niya. “Don’t be so unfair? Ako pa talaga ang unfair sa ating dalawa? Ako pa talaga? Hindi mo ba nakikita ang sarili mo ngayon? Ikaw ang unfair, Chin. You’re the one who’s being unfair. Gusto kong mag-usap tayo pero ayaw mo. Aalis ka. Iiwan mo ako. Iiwan mo ako na hindi ko man lang nalalaman mula sa `yo ang totoo. `Tapos, ako pa ang unfair? That’s bullshit. I’m not being unfair here, Chin. Ikaw ang unfair. Iiwan mo na lang ako bigla-bigla!”
Nabitawan ko ang maleta ko dahil sa sobrang gulat sa mga sinabi niya. He was too mad and in pain. Ramdam na ramdam ko ang hinanakit sa mga salitang lumabas sa bibig niya.
“Chin, why can’t you just say it? Gusto ko lang naman malaman ang lahat-lahat mismo sa `yo. Gusto ko lang malaman kung totoo ba lahat ng sinabi ni Bea kanina. Mahirap ba `yon? Mahirap bang sabihin ang tunay mong nararamdaman, Chin?” sabi niya ulit.
Mariin akong napapikit, saka ko siya nilingon. Kitang-kita ko ang galit sa mukha niya pero mas nangingibabaw pa rin ang hinanakit. Hinanakit dahil iiwan ko na lang siya nang basta-basta.
“Tinatanong mo ako kung mahirap bang sabihin ang tunay kong nararamdaman?” tanong ko pabalik. “Oo, Shaun. Mahirap. Sobrang hirap aminin sa `yo kung ano ang tunay kong nararamdaman. Dahil... dahil alam kong kahit gawin ko `yon, walang magbabago. Hindi magbabago ang pagtingin mo sa akin dahil para sa `yo, ako si Chinnie, `yong best friend mo ever since seven years old. Ako si Chinnie, `yong babaeng palaging nasa tabi mo bilang best friend mo. Shaun, sobrang hirap aminin sa `yo ang tunay kong nararamdaman dahil best friend lang naman ang tingin mo sa akin.”
Napatigil si Shaun at nakinig lang sa akin. Nagpatuloy ako sa pagsasalita. Siguro nga mas maganda nang magkaalaman na. Na sabihin ko na sa kanya ngayon ang mga salitang gusto niyang aminin ko. Ang mga salitang nais niyang marinig. Sasabihin ko na para matapos na.
Alam ko rin naman ang patutunguhan nito. Isa lang ang ending nitong usapan na `to kahit aminin ko sa kanya na mahal na mahal ko siya. Mawawala rin siya sa akin dahil hindi niya ako mamahalin kung paano ko siya mamahalin. Dahil nga best friend lang ako. Best friend lang.
“Gusto mong malaman ang totoo kong nararamdaman, Shaun? I have been in love with my best friend for years now, Shaun. I am in love with you. Can you imagine that? Na-in love ako sa `yo kahit na ilang beses mo na sinabi sa akin na sana... sana best friend tayo forever. But I’m so sorry to disappoint you, Shaun. We can’t. We can’t stay best friends. Masyado kasi akong mahina. Nahulog ako sa `yo.”
Halatang nagulat pa rin si Shaun sa pag-amin ko sa kanya. Pero hindi siya nagsalita.
“Mahal na mahal kita na higit pa sa kaibigan. Mahal na mahal kita na higit pa sa inaakala mo. Mahal na mahal kita to the point na hinahayaan kitang saktan ako sa ilang taon na nakalipas na hindi mo nalalaman. Mahal na mahal kita sa paraan na pinipilit kong maging masaya tuwing may mga babae kang kasama kahit na halos pinapatay na ako nito araw-araw. Mahal na mahal kita, Shaun. Mahal na mahal kita kahit na ilang beses mo nang winasak ang puso ko.”
Naramdaman kong bumagsak na ang mga luha ko.
“Shaun, never kong sinabi sa `yo kasi alam kong hindi mo ako makikita bilang babae. Kasi para sa `yo, hanggang best friend lang ako. Tinago ko ang feelings ko sa `yo kasi ilang beses mo nang pinamukha sa akin na mag-best friend lang tayo at gusto mong habang-buhay tayong nasa ganong sitwasyon. Hindi mo alam na everytime na sinasabi mong best friend mo ako, sinasampal mo na rin sa akin ang katotohanang hindi mo ako mamahalin tulad nang pagmamahal ko sa `yo. Na... na hindi mo masusuklian ang pagmamahal ko sa `yo. Shaun, ang sakit. Sobrang sakit.
“I stayed for so many years beside you not because I was hoping for something else. I was not expecting that you would love me back. I stayed because I am your best friend. Pero hindi mo alam kung gaano kahirap sa parte ko `yon. I love you, Shaun. I love you so much it hurts. Ilang beses ko nang gusto sabihin sa `yo `yan pero hindi ko ginagawa. Kasi, `di ba, Shaun, best friend mo lang ako. And best friends aren’t supposed to say it.”
“Are you sure you’re in love with me?” seryoso niyang tanong. “Baka… baka, inaakala mo lang. Baka naguguluhan ka lang. Chin, we had been best friends since we were kids. Sweet ako sa `yo. Baka naguguluhan ka lang. Baka hindi ka talaga in love sa akin. O, baka naman nape-pressure ka lang kina Mommy dahil pinipilit nila na tayo na lang daw ang magkatuluyan. Chin—”
Naputol ang sinasabi ni Shaun nang mapakla akong natawa. Natawa ako kahit na todo ang mga mata ko sa pagluha. Tumatawa ako kahit na parang matulis na bagay ang mga binitawang salita ni Shaun. Pinipilit niya na hindi ako in love sa kanya. Pinipilit niya na naguguluhan lang ako.
Kahit umamin pala talaga ako at kahit alam na niya ang feelings ko, wala pa ring saysay. Dahil para kay Shaun, ang nararamdaman ko sa kanya ay dala lang ng pagkagulo sa sitwasyon naming dalawa. Na nape-pressure lang ako dahil gusto ng mga magulang namin na kami ang magkatuluyan.
“Shaun, it’s not like that,” sabi ko habang umiiyak pa rin. “Mahal na mahal kita, Shaun, hindi dahil naguguluhan ako. Sigurado ako sa nararamdaman ko sa `yo. Mahal na mahal kita, hindi dahil nape-pressure ako sa mga magulang natin. Mahal na mahal kita, hindi dahil gusto lang ng mga magulang natin na tayo ang magkatuluyan. Mahal na mahal kita dahil ikaw si Shaun Eliseo Valentin, ang best friend ko. Ang lalaking nilalaman nito.” Itinuro ko pa ang dibdib ko kung nasaan ang puso ko.
Pinunasan ko ang mga luha ko pero paulit-ulit pa rin akong umiiyak.
“Hindi naman ako umaasa na mahalin mo rin ako, Shaun. Hindi ko pinipilit na mahalin mo rin ako dahil lang mahal kita. Tanggap ko naman na hanggang best friend lang ako, eh. Alam ko naman kasi na mula noon hanggang ngayon, walang sino mang babae ang makakapalit diyan sa puso mo na si Mandy pa rin ang laman. Pero sana, hayaan mo akong umalis. Hayaan mo akong umalis sa condo na `to na malayo sa `yo. Na malayo muna sa `yo hangga’t hindi nawawala `tong feelings ko sa `yo.”
Dinampot ko ang maleta ko, saka tumingin sa mga mata ni Shaun.
“Kasi, Shaun, kapag hindi mo ako hinayaang umalis dito. Masasaktan lang ako. Patuloy mo lang akong masasaktan at alam kong hindi kita kayang sumbatan. Hindi ko kayang magalit sa `yo kasi nga sobra-sobra ang pagmamahal ko sa `yo kahit hindi mo deserve. Kahit hindi mo hingin. Tanga kasi ako. Nagmahal ng best friend niya.”
I tried to smile. “Hayaan mo akong umalis, Shaun. Kasi pagod na akong masaktan, eh. Pagod na pagod na akong maging best friend mo lang. Pagod na pagod na talaga ako.”
Tumalikod ako at magsisimula na sanang humakbang nang maramdaman kong hinawakan ni Shaun ang braso ko para pigilan ako. Pawis na pawis ang kamay niya habang nanginginig. He was scared.
“Chin, don’t leave me. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag wala ka sa tabi ko. I’m so lost without you. I’m no good if you are not here. Hindi... hindi ako si Shaun kapag wala ka sa tabi ko. Kapag hindi kita nakikita, o naririnig tumawa, o nakikitang ngumiti. Chin, please, I’m begging. Don’t leave me. I... I don’t know what I should do in my life without you.”
Nakita kong nangilid na rin ang luha sa mga mata ni Shaun. Gusto kong maawa sa kanya pero nang mga oras na `to, mas naaawa ako sa sarili ko. Gusto niyang manatili ako pero bilang best friend lang naman. Hindi niya naiintindihan kung bakit ko gustong umalis. O kung bakit gusto ko pumunta sa lugar na malayo sa kanya. Hindi niya naiintindihan na nasasaktan niya ako.
“Shaun, if I stay here, can you love me the way I love you?” tanong ko sa kanya. “Kapag ba nanatili ako, mamahalin mo rin ba ako sa paraang kung paano kita minamahal mula noon? Kapag ba hindi kita iniwan, maipapangako mo ba sa akin na hindi mo na ako masasaktan? Shaun, I want to stay here, too. But not as your best friend. Selfish na kung selfish pero, Shaun, gusto kita hindi lang bilang best friend. Gusto kita bilang ikaw na ang nagmamay-ari ng puso ko. Kapag ba nanatili ako, ibibigay mo ba ang puso mo sa akin?”
Napatitig si Shaun sa akin nang bigla siyang mapaiwas ng tingin. Naramdaman ko ring unti-unting lumuwang ang pagkakahawak niya sa braso ko hanggang sa bitawan niya `to.
He let me go.
“I-I’m so sorry,” marahan niyang sagot. “But I-I can’t do that. I can’t look at you that way.”
Naramdaman kong tuluyan nang gumuho ang mundo ko dahil sa sinagot niya. Sobrang sakit.
I forced myself to smile. I faked a smile.
“Don’t ask me to stay if you can’t do that. Ikaw talaga ang unfair, Shaun. You want me to stay with you already knowing you are hurting me enough. You want me to stay even though you already know I am in love with you. Gusto mong manatili ako sa tabi mo dahil hindi mo kaya? Paano naman ako, Shaun. Paano naman ako gano’ng nasasaktan lang ako kapag nasa tabi kita?”
I wiped my tears again. Mga luhang nang dahil kay Shaun.
“Don’t break my heart anymore, Shaun. Maawa ka naman sa akin. Please, maawa ka naman. Durog na durog na kasi ako, eh. Masyado mo nang dinudurog ang puso ko.” Napahigpit ang pagkakahawak ko sa maleta. “Good-bye, Shaun. Good-bye, my best friend.”
Hindi ko na nakita ang naging reaction ni Shaun sa huli kong sinabi. Humakbang na ako hanggang sa makalabas ako ng unit at maisarado ko ang pinto.
Sa bawat hakbang na ginagawa ko, parang lalong nadudurog ang puso ko.
“I-I’m so sorry. But I-I can’t do that. I can’t look at you that way.”
Hindi niya ako kayang mahalin. Hindi ako kayang mahalin ni Shaun.
Nang bumukas ang elevator, agad akong pumasok.
Hindi ko pa napipindot ang ground floor nang magsimula na naman akong umiyak. Napatakip ako ng sarili kong mukha at napahagulhol na sa loob ng elevator.
I guessed, this was good-bye for the both of us.
Natapos na ang kwento naming dalawa na hindi pa nasisimulan.