“I STILL have. I still fucking do, Arjon. I still have feelings for her.”
“Dahil sa mga sinabi niya, nagdadalawang isip na ako sa amin ni Chinnie ngayon. Naisip ko na… na tama ba ang ginawa ko na maging kami ni Chinnie? Na mali ba na minahal ko rin siya more than best friends? Na mahal ko rin ba talaga siya? O baka natatakot lang talaga ako na mawala siya sa tabi ko? Was this a mere obligation right from the start?”
“Dude, ang gulo-gulo na ng utak ko.”
Bigla akong nagising at napabangon mula sa pagkakatulog nang mapanaginipan ko `yong mga narinig kong sinabi ni Shaun kay Arjon kanina. Naramdaman ko na lang na unti-unti na namang bumabagsak ang mga luha ko dahil doon. Umiiyak na naman ako. Umiiyak na naman ako nang dahil doon.
Akala ko tapos na akong umiyak kanina pag-uwi ko ng condo. Pero hindi pa rin pala. Hanggang sa pagtulog ko, sinusundan ako ng masasakit niyang salita. Nang masasakit na katotohanan na galing mismo kay Shaun. Pero sa bawat oras na lumilipas, lalo itong sumasakit. Lalo nitong winawasak ang puso ko. Parami tuloy nang parami ang mga luhang lumalabas.
Napatingin ako sa wall clock sa sarili kong kuwarto. One AM pa lang pala ng madaling araw kaya masyado pang madilim ang paligid. Pinunasan ko ang mga luha ko, saka ko dinampot ang cell phone ko. Sa mga ganitong oras na nasasaktan ako at hindi ko masabi-sabi sa iba ang nararamdaman ko, alam kong siya ang pinakakarapat-dapat na tawagan.
Tatawagan ko si Mama hindi para magsumbong. Gusto ko lang siyang makausap ngayon. Gusto kong marinig ang boses niya para alam kong kahit talikuran ako ng buong mundo at saktan ako ng lahat, may kaisa-isa pa ring tao na mananatili kong kakampi. May kaisa-isa pa ring tao na poprotektahan ako. May kaisa-isa pa ring tao na alam ko na totoo ang pagmamahal.
Oo, `andiyan si Bea na kaibigan ko. Na maaari kong pagsabihan ng lahat-lahat. Pero kasi, iba pa rin kapag mismong mama mo ang kausap mo. Iba pa rin ang pakiramdam.
May kakayahan kasi ang mga ina natin na i-comfort tayo na hindi natin nararamdaman sa mga kaibigan natin dahil sila lang mismo ang makakapagbigay nito sa mga anak nila.
Pinindot ko na ang number ni Mama at pagkatapos ng ilang pag-ring, sinagot niya ito agad.
“Hello, `nak?” sagot ni Mama. Mukhang natutulog na siya at nagising lang.
“`Ma,” marahan kong pagsagot. “Naistorbo ba kita?”
“Hindi naman. Inaasahan ko na naman na tatawag ka, eh.”
Nagulat ako. “Ha? Paano, `Ma?”
“Hindi ko alam. Basta ramdam ko lang na tatawag ka bigla-bigla. Na kailangan mo ako,” sagot niya. “Actually, `nak, kakatulog ko lang din. Binabatanyan ko nga ang cell phone ko, eh. Ayoko kasing makaligtaan ang pagtawag mo. Mabuti itinabi ko `tong cell phone sa pagtulog ko.”
May narinig akong kaunting ingay mula sa background kay Mama. Mukhang tumayo siya para lumabas ng kuwarto. Hindi kasi kami makakapag-usap kung doon siya magsasalita lalo na’t katabi niya si Papa at maaga palagi ang trabaho niya kaya kailangan niya ng pahinga.
“Kumusta si Papa, `Ma? Si Dannie po? Makulit pa rin ba?”
Si Dannie ang eight years old kong kapatid na lalaki. Sobrang kulit niya at palagi akong inaaway noong nakatira pa ako sa bahay namin at hindi pa ako umaalis para mag-aral.
Pero noong paalis na ako, grabe ang pag-iyak niya. Nagmakaawa pa sa akin na huwag na akong umalis at hindi na raw niya ako aawayin kahit kailan. Magpapakabait na raw siya sa akin. Umiyak din ako noon dahil sa sinabi niya at nangako akong uuwi ako palagi kapag hindi busy.
“Si Papa mo tulog na. Alam mo naman `yon, maaga palagi ang trabaho. Si Dannie naman, as usual, sobrang kulit pa rin. Pero hindi na raw siya magiging makulit kapag umuwi ka.” Napangiti ako.
Natahimik kami parehas ni Mama. Hanggang sa siya uli ang magsalita.
“`Nak, alam kong may problema ka. Hindi mo kailangang itago sa akin. Mama mo ako. Kaya kahit hindi mo sabihin, ramdam ko, `nak. Ramdam na ramdam ko.” Nagsalita uli si Mama. “Pwede mong ipakita sa ibang tao na okay ka. Pero sa akin na mama mo? Hindi mo maitatago, `nak.”
“Ma…” Nanginig ang mga labi ko at ramdam na ramdam ko na naman ang mga luha ko. “Ang sakit-sakit, `Ma. Ang sakit-sakit na talaga. Ang hirap magpanggap na okay ka. Na hindi ka nasasaktan. Na hindi ka pinapatay sa loob mo. Ang hirap lokohin ang sarili mo na okay ka, `Ma.”
“Tungkol kay Shaun ba `to, `nak? Nasasaktan ka nang dahil sa kanya?” tanong niya.
Marahan lang ang pagsasalita ni Mama pero ramdam ko ang awa sa boses niya.
Mga awa dahil nahihirapan ang anak niya. Mga awa dahil nasasaktan ang anak niya ngayon pero hindi niya ako mayakap dahil malayo siya at wala siya sa tabi ko.
“Opo,” pag-amin ko. “Nasasaktan ako dahil sa kanya.”
“Alam na niyang mahal mo siya?” tanong niya.
“Alam… alam mo po na mahal ko si Shaun?” nagulat kong tanong.
“Alam na alam ko, `nak.” Ramdam ko ang pagngiti ni Mama. “Hindi mo pa alam sa sarili mo, alam ko nang mahal mo siya. Alam kong mamahalin mo siya. At alam kong masasaktan ka lang din. Pero hindi kita pinigilan. Gusto ko kasing matuto ka mismo sa sarili mo. Gusto ko… gusto kong malaman mo mismo kung gaano kasarap ang magmahal at kung gaano kasakit ang masaktan.”
Natahimik ako dahil tumutulo na naman ang mga luha ko.
Hanggang sa itanong sa akin ni Mama ang mga nangyari. Kung paano nagsimula. Sinabi ko sa kanya lahat-lahat. Sa pag-amin ko kay Shaun. Sa pag-alis ko sa condo. Sa pag-amin ni Shaun na mahal niya ako. Hanggang maging kami at sa muling pagdating ni Mandy. Pati `yong narinig ko mismo galing kay Shaun kanina, sinabi ko rin sa kanya. Nakinig lang siya habang nagsasalita ako.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko, `Ma,” pagsasalita ko ulit. “Hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong gawin. Kung mag-let go na ba ako o mag-hold on pa ako. Kasi, `Ma. Kasi… mahal na mahal ko talaga si Shaun, `Ma. Mahal na mahal ko siya kahit siya pa mismo ang dahilan ng pag-iyak ko ngayon. Kahit nasasaktan niya ako… hindi ko magawang magalit sa kanya. Masyado ko kasi siyang mahal. Hindi kaya ng puso ko na magalit. `Ma… anong gagawin ko?”
“Anak, malalaman mo lang naman na oras na para mag-let go kapag mas lamang na ang pagluha mo kaysa sa pagngiti mo. Kailangan mo nang sumuko kapag mas lamang na ang masasakit na sandali kaysa sa masasayang oras na magkasama kayo. Mahal mo nga si Shaun, `nak. Pero hindi naman pwedeng ikaw lang ang palaging nagmamahal nang ganyan. Dapat parehas kayo ng nararamdaman. Hindi tatakbo ang isang bisikleta kapag mas malaki ang isang gulong niya. Dapat pantay. Dapat patas lang. Parang sa isang relasyon lang. Hindi uusad ang relasyon kapag mas lamang ang isa.”
Nakikinig lang ako sa mga sinasabi ni Mama sa akin. Habang patuloy akong umiiyak.
“Some people give up on love easily. Only a few want to fight `til the end. Pero, `nak, minsan kasi ang tangi na lang nating choice ay sumuko. Na hindi na natin kailangang lumaban pa. Na mas less damage ang pag-let go kaysa sa pag-hold on.
“Kadalasan kasi, `nak, hindi natin pwedeng ipilit ang isang bagay na alam naman natin na tayo lang din ang masasaktan sa huli. Na tayo lang din ang maiiwang luhaan sa dulo,” pagpapatuloy ni Mama. “Kapag alam mo na sa sarili mo na hindi ka naman nagkulang. Na binigay mo naman lahat ng pagmamahal mo. Okay na `yon, `nak. Nagawa mo na ang parte mo. Pwede ka nang bumitaw.
“Palagi mo tatandaan na okay na umiyak at masaktan sa isang relasyon, `nak. Pero kung iyan na lang palagi ang ginagawa mo, hindi na `yan maaari. Pumasok ka sa isang relasyon para maging masaya. Para maging inspired. Para magkaroon ng karamay sa lahat ng oras. Pero kung puro pighati na lang ang makukuha mo, bitaw na. Maawa ka rin sa sarili mo.
“Mabait si Shaun, `nak. Wala akong masabi sa kanya. Kitang-kita ko kasi kung paano ka niya alagaan at ingatan. Pero siguro, mas okay na `yong hanggang doon na lang kayo. Sa mag-best friend. Hindi palaging nagkakatuluyan sa huli ang mag-best friend na naging magkarelasyon, `nak. Kasi minsan, kapag lumampas sila bilang magkaibigan, doon na matatapos ang lahat.”
Napatigil si Mama sa pagsasalita at hinayaan lang akong umiyak nang umiyak. Nang kumalma na ako, nagpasalamat ako sa kanya sa mga sinabi niya dahil kahit papaano nabawasan ang bigat na nararamdaman ko. Sinabi ko rin sa kanya na miss na miss ko na siya.
“Chi, anak, palagi mong tatandaan na pwede kang umuwi rito, okay? Kahit anong oras mo gusto. Kahit anong araw mo naisin. May uuwian ka rito. Miss na miss ka na namin, `nak,” sabi ni Mama.
“Sino `yan? Si baby ko ba `yan?” Bigla kong narinig ang boses ni Papa. “Pakausap nga ako!” `Tapos parang kinuha niya ang cell phone kay Mama. “Hello, prinsesa ko? Kumusta ka na diyan? Miss na miss ka na ng papa. Kailan ka ba uuwi rito?”
“Hoy, Arthur! Para kang bata. Umayos ka nga. Dalawa na ang anak mo ganyan ka pa umasta!” bulyaw ni Mama kay Papa. Palagi talagang naiinis si Mama kay Papa kapag ganyan siya umasta.
Napangiti tuloy ako sa relasyon na mayroon silang dalawa. Classmate lang sila noon. Palaging inaasar ni Papa si Mama dahil katulad nina Tita MJ, tomboyin din si Mama noon. Pero sino nga naman ang mag-aakalang nang dahil sa pangangasar ni Papa, sila rin ang magkakatuluyang dalawa?
“`Pa naman. Dalaga na ako pero prinsesa pa rin ang tawag mo sa akin,” natatawa kong sagot.
“Kahit na ba. Kahit mag-asawa ka at magkaanak, para sa akin ikaw ang kaisa-isa kong prinsesa. `Tapos si Mama mo naman ang reyna ko—este, hari. Alex, ano ba ang gusto mo? Reyna o Hari?” pangangasar na naman ni Papa kay Mama. “O, gusto mo dalawa tayong hari?”
“Bwisit ka talaga, Arthur! Tatadyakan kita!” bulyaw na naman ni Mama.
Tumawa si Papa.“Haha. Sorry na, mahal. I love you!”
“Heh! Tigilan mo ako diyan sa mahal-mahal na `yan. Ang tatanda na natin!” saad ni Mama.
“Para sa akin hindi ka matanda. Ikaw pa rin `yong Alexandra na kaibigan nina MJ at Antonina. `Yong Alex na palagi akong inaaway sa classroom noon,” sabi ni Papa. “Si Alex na mahal na mahal ko—ay, Chi, tingnan mo si Mama mo, o. Nagba-blush. Feeling bata—aray ko naman, mahal. Huwag kang manuntok. `Bigat talaga ng kamay ng tomboy na `to. Haha.”
Halos mapunit ang mga labi ko sa pagtawa kina Mama at Papa. Mula noon hanggang ngayon, hindi talaga nagbago ang pagmamahalan nila sa isa’t isa. Sana… sana makahanap din ako ng ganyan.
Nagpaalam na ako kina Mama na matutulog na dahil napatagal din ang pag-uusap namin. Si Papa nagtatampo dahil sandali ko lang daw siyang nakausap. Kailangan ko raw umuwi sa amin dahil miss na miss niya na raw ako. Sinabi ko uuwi ako bigla-bigla. Magugulat na lang siya.
Nang ibinaba ko na ang cell phone ko, napatitig ako sa kawalan. Nag-isip-isip. Bumalik sa isipan ko `yong mga sinabi ni Mama sa akin kanina. `Yong mga advice niyang kahit papaano ay nakabawas sa bigat na dinadala ko ngayon. Hindi ako nagkamali na maglabas ako ng nararamdaman sa kanya.
“ Pero hindi naman pwedeng ikaw lang ang palaging nagmamahal nang ganyan. Dapat parehas kayo ng nararamdaman. Hindi tatakbo ang isang bisikleta kapag mas malaki ang isang gulong niya. Dapat pantay. Dapat patas lang. Parang sa isang relasyon lang. Hindi uusad ang relasyon kapag mas lamang ang isa.”
“Some people give up on love easily. Only a few want to fight `til the end. Pero, `nak, minsan kasi ang tangi na lang nating choice ay sumuko. Na hindi na natin kailangang lumaban pa. Na mas less damage ang pag-let go kaysa sa pag-hold on.”
“Palagi mong tatandaan na okay na umiyak at masaktan sa isang relasyon, `nak. Pero kung iyan na lang palagi ang ginagawa mo, hindi na `yan maaari. Pumasok ka sa isang relasyon para maging masaya. Para maging inspired. Para magkaroon ka ng karamay sa lahat ng oras. Pero kung puro pighati na lang ang makukuha mo, bitaw na. Maawa ka rin sa sarili mo.”
Pero sa dami ng mga comforting words na sinabi ni Mama, ang pinakatumatak sa isipan ko ay `yong, “Pero kung puro pighati na lang ang makukuha mo, bitaw na. Maawa ka rin sa sarili mo.”
“Mas less damage ang pag-let go kaysa sa pag-hold on.”
Letting go was hard. But holding on was even harder.
At nang dahil doon, nakatulog ako na buo na ang desisyon at alam ko na ang gagawin ko.
NAGPANGGAP lang ako na okay ako sa mga sumunod na araw.
Doon naman magaling ang isang babae, eh. Sa pagpapanggap.
Sa pagkukunwaring hindi siya nasasaktan. Sa pagkukunwaring hindi siya lumuluha tuwing gabi. Sa pagbabalat-kayo na walang unti-unting pumapatay sa puso niya. Sa pagkukunwaring okay siya. Okay na okay kahit na ang tanging pagluha na lang ang gusto niyang gawin tuwing nakikita niya ang taong mahal niya na hindi pala siya totoong mahal at obligasyon lang ang lahat.
Nagpapanggap ang isang babae na okay siya. Na malakas siya. Na walang nangwawasak sa puso niya. Ngumingiti siya kahit unti-unti nang napupunit ang pagkatao niya. Hindi dahil gusto niyang patunayan na malakas siya. Kundi gusto niyang itago na lang ang pighati sa sarili niya. Ayaw niya kasing kaawaan siya ng mga tao sa paligid. Ayaw niyang maperwisyo ang taong mahal niya.
At ganoon nga ang ginawa ko nang mga sumunod na araw.
Kahit nahihirapan akong magpanggap dahil kasama ko lang sa iisang bahay ang taong mahal ko. Na nakikita ko siya tuwing umaga at bago matapos ang gabi. Ang hirap. Sobrang hirap. At sobrang sakit. Ang sakit na makasama siya at ipakita na hindi ka niya nasasaktan.
I kept pretending that I was fine in the next days after I heard Arjon and Shaun talking.
Nagpanggap ako kay Shaun na wala akong alam sa mga sinabi niya. Na hindi ko narinig na nakipag-usap siya kay Mandy. Na hindi ko narinig na may feelings pa siya para sa babaeng una niyang minahal. Na hindi na siya sigurado sa akin. Na pakiramdam niya obligasyon niya lang na mahalin ako. Nagpanggap ako na hindi… hindi umiiyak ang puso ko tuwing kaharap ko siya.
Lalong naging busy si Shaun sa basketball practice after marinig ko ang confession niya kay Arjon. Umaalis na siya ng condo bago ako gumising at kung minsan, umuuwi siya ng condo na sobrang gabi na at nasa kuwarto na ako at nagpapahinga.
Minsan kinakatok niya pa ako sa kuwarto para sabay kaming kumain. Bihira niya raw kasi akong makita sa school. Hindi niya lang alam na tinataguan ko siya. Hindi ako sumasagot tuwing kumakatok siya, nagkukunwari akong tulog. Nagpapanggap na hindi ko siya naririnig.
Hanggang sa isang gabi ay bigla siyang pumasok sa kuwarto ko. Ipinikit ko lang ang mga mata ko at nagtulog-tulugan. Naramdaman kong umupo si Shaun sa gilid ng kama ko. Hinaplos niya ang pisngi ko, saka ako hinalikan sa mga labi at sa noo. Kumirot ang puso ko nang dahil sa halik na iyon.
“Chin, I love you,” pagkausap niya sa akin kahit alam niyang tulog ako. “Naging busy ako these past days. After ng basketball finals, babawi ako sa `yo. Promise, babawi ako.”
Saka niya uli ako hinalikan sa mga labi at dahan-dahan na siyang lumabas ng kuwarto ko.
Kahit nakapikit pa ako, tumulo na ang mga luha ko.
Chin, I love you.
Hindi mo ako mahal, Shaun. Love is never an obligation to anyone. Love is never a responsibility. Hindi mo ako kailangang mahalin dahil lang mahal kita. Hindi, Shaun. Hindi ganoon `yon.
After ng basketball finals, babawi ako sa `yo. Promise, babawi ako.
Lalo akong naluha dahil sa huli niyang sinabi.
Alam ko kasing hindi ko na siya hahayaan na bumawi pa. Dahil after ng finals, tatapusin ko na ang bagay na hindi naman talaga dapat naumpisahan. Wawakasan ko na ang bagay na hindi dapat sinimulan. Hindi na ako magho-hold on. Ako na ang magpaparaya. Ako na ang magpapalaya.
Shaun was too nice. Masyado siyang mabait kaya alam kong hindi niya ako kayang iwanan o hiwalayan. Na kahit nahihirapan siya, hindi niya kayang sabihin sa akin na hindi naman niya talaga ako mahal. Na `yong pagmamahal niya sa akin ay wala sa katiting na pagmamahal niya kay Mandy.
Ako na ang magpapalaya sa kanya. Ako na ang tatapos nito. Ako na ang gagawa ng bagay na hindi niya kayang gawin. He deserved to be happy. He deserved to be in the arms of the girl he truly loved. Gusto kong mapunta siya doon sa babaeng totoo niyang mahal. Hindi sa akin. Hindi sa akin na best friend niya lang na hindi niya kayang iwanan dahil ayaw niya akong masaktan.
You’ll always be my first love, Shaun Eliseo Valentin. But we are better off as a friends.
Doon naman tayo nagsimula, `di ba? Kaya alam kong mas okay na tayo sa ganoon.
“CHIN, nasaan `yong white socks ko? `Yon kasi ang isusuot ko ngayon.”
Narinig kong tanong ni Shaun. Itinigil ko ang paghuhugas ng plato, saka ko siya nilingon. Nakatapis pa rin siya ng tuwalya at halatang katatapos lang maligo. Nandoon siya sa tapat ng pintuan ng kuwarto niya. Nakangiti siyang nakatingin sa akin.
“Nandoon sa ilalim ng drawer mo. Sa pinakaibaba,” sagot ko. “Kalat-kalat kasi `yong mga damit mo. Kaya inayos ko kahapon. Huwag mo na ulit guguluhin, Shaun, please lang.”
Natawa siya. “Sorry, boss. `Di ko na guguluhin `yon, promise.”
Papasok na sana siya ng kuwarto nang muli siyang magsalita.
“Eh, `yong mga boxers ko? Wala kasi sa may drawer, eh.”
Napaikot ako ng mga mata. “Nasa cabinet mo po,” sagot ko. “Inayos ko na lahat. Pinagsama-sama ko ang mga pants and shirts mo. `Tapos sa cabinet boxers.”
“Wow!” na-amaze niyang sagot.
Saka naglakad palapit si Shaun sa akin at niyakap ako nang mahigpit.
“Shaun, ano ba? Naghuhugas ako ng plato!”
“Gusto kitang yakapin!” sabi niya saka niya inamoy ang buhok ko. “Damn. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kapag nawala ka sa akin, Chin. You make everything so much easier for me.”
Don’t say that. You make everything so much harder for me. Baka maniwala na naman ako na mahal mo talaga ako. Na totoo ang nararamdaman mo sa akin. Baka muli na naman akong magpakatanga.
You make everything so much easier for me.
Another lie. Kahit alam ko naman na hindi `yon totoo. Dahil alam ko na nahihirapan siya ngayon dahil nasa tabi siya ng babaeng hindi naman niya totoong mahal.
Pinakawalan niya ako sa pagkakayakap. Saka siya tumitig sa mga mata ko. Tumitig siya na parang ako ang lahat-lahat sa kanya. Na ako ang nagpapaligaya sa kanya. Na ako ang pinakamamahal niya. Na parang hindi niya ako kayang mawala. Tumitig siya na parang ako ang gusto niyang makasama habang-buhay. Sa lahat ng segundo, oras, o araw na lumilipas.
But I knew better. Hindi ako `yong babaeng gusto niyang makasama. I wasn’t that kind of girl. Because for him, she was her. She had always been her since the start.
“I love you, Chinnie Marie,” nakangiting pagsasalita ni Shaun. “Sa bawat araw na lumilipas. Sa bawat piraso ng pagkatao mo. Mahal na mahal kita.”
Malungkot akong napangiti. Tuwing sinasabi niya `yan noon, lubos-lubos ang kaligayahan ko. Pero ngayon, nagiging dahilan lang ito ng matinding kirot sa pagkatao ko.
“How did you do that?” tanong ko sa kanya.
“Ang alin?” naguguluhan niyang tanong.
Paano mo nagagawa na ipakita sa akin na mahal na mahal mo ako kahit hindi naman talaga? Paano mo nakakayang magsabi ng mga salitang alam mo naman na hindi totoo? Paano mo nakakayang humarap sa akin at sabihin na mahal mo ako kahit na hindi naman `yan ang totoo mong nararamdaman? Paano mo… paano mo ako nagagawang saktan nang ganito?
“Nothing.” Napailing-iling ako.
Natawa si Shaun. “You’re weird,” sabi niya. “After ng finals mamaya deretso tayo sa Tagaytay.”
“Ha, bakit?”
“Wala lang. Gusto ko lang pumunta tayo doon. Nakita ko kasi sa Google na may magandang Starbucks doon. Sa Magallanes, Tagaytay. Ang ganda ng view. Then, kain tayo ng bulalo.” Ngumisi siya. “Parang date na natin, right? Hindi na ako sasama sa after party. Gusto kitang masolo.”
Ngumiti ako. “Sige,” sabi ko. “May sasabihin din ako.”
“Ano? Sabihin mo na ngayon.”
“Hindi pwede. Doon na lang. Importante kasi.”
“Baka bigla kang mag-propose sa akin, Chin, ah,” pagbibiro niya. “I’m not ready. Mga after na natin grumaduate. O kapag may sarili na akong trabaho para mabili ko ang pinakamahal na singsing sa buong mundo. Then, luluhod ako sa harap mo at sasabihing, “Can I be with you not just for everyday but for forever? Can you give to me not just your heart but every piece of you? Will you marry me, Chinnie Marie?’” Saka siya natawa. “Kinikilig na naman ako. Haha.”
Napailing-iling na lang ako. “Puro ka kalokohan! Magbihis ka na at baka mahuli ka na naman.”
Mamaya na ang basketball finals nila. Sa gymnasium ng school gaganapin.
“Aww shit! Oo na, ito na,” sabi niya saka muling tumakbo pabalik sa kuwarto niya.
“Can I be with you not just for everyday but for forever? Can you give to me not just your heart but every piece of you? Will you marry me, Chinnie Marie?”
It was funny to think that it would never come true. And it was even funnier to think that he said that even he knew to himself that I was not the one he wanted to spend the rest of his life with.
Nagpatuloy na lang ako sa ginagawa ko at hindi na muling inisip `yong mga sinabi ni Shaun. Ayoko na naman kasing mapaiyak dahil puro pag-iyak na lang ang ginawa ko sa mga nakalipas na araw na hindi niya alam. Walang kaalam-alam si Shaun na umiiyak na naman ako nang dahil sa kanya.
Nagpaalam na si Shaun sa akin after niyang magbihis. Maaga kasi silang pinapapunta sa school. Gusto niya sanang sabay kami pero tumanggi ako. Sabi ko susunod na lang ako dahil after two hours pa naman ang simula ng game nila. May gagawin pa `kako ako bago pumunta doon.
Nakasimangot si Shaun na umalis ng condo at todo-pagmamaktol. Sumunod daw ako agad dahil ipapatalo niya raw ang laban kung hindi ako manonood. Tinawanan ko lang siya pero seryoso raw siya. Ipapatalo niya raw kapag wala ako doon at hindi niya ako nakita.
Gusto ko sanang itanong sa kanya na ako ba talaga ang gusto niyang makita?
Nang umalis na si Shaun, nagpatuloy na lang ako sa paglilinis ng condo. Inayos ko na rin `yong mga damit ko at inilagay sa isang maleta. Okay na `to para hindi na ako mahirapan mamaya.
Umalis na ako ng condo at dumeretso sa school nang matapos ko na lahat ng kailangan kong gawin.
MABILIS natapos ang laban nina Shaun laban sa kabilang school. As expected na rin daw `yon ng kalabang school kasi nasa player ng school si Shaun. Plus the fact na maganda talaga ang strategy nina Lucas, Raphael, at Arjon. Puro pangalan nilang apat ang sinisigaw ng mga taong nanonood.
Katatapos lang ng game at naglalakad kami palabas ng gymnasium ni Bea. Bwisit na bwisit na naman si Bea dahil hindi man lang daw siya nag-enjoy sa panonood. Ang bilis daw kasing natapos.
“Tangina. Hindi man lang nag-init ang puwit ko sa panonood!” reklamo niya. “Bwisit `yang sila Shaun. Bakit kasi tinapos agad nila ang laban? Dapat pinatagal nila, eh. Pinahabol ng score `yong kalaban. Ang layo ng lamang ng score nina Shaun doon sa kabila. Weak ampota!”
“Ano ba `yang bibig mo, Bea!” pagsaway ko sa kanya. “Kanina ka pa mura nang mura. Lalo na kapag nakaka-shoot si Arjon. Para kang proud girlfriend.”
Namula ang mukha ni Bea.
“Proud girlfriend ka diyan. `Di, `no! Natutuwa lang ako sa kanya kasi ang galing niya,” nahihiya niyang sagot. “Ikaw nga, tahimik lang manood, eh. Kahit na tinitingnan ka ni Shaun, dedma ka lang. Parang hindi ka nag-e-enjoy sa panonood. Para kang may matinding iniisip.”
Lutang na lutang kasi ako sa panonood. Hindi ko nga namalayan na tapos na pala ang laban. Iniisip ko kasi `yong mga salitang sasabihin ko kay Shaun mamaya.
Mga salitang alam kong ako rin ang higit na masasaktan pero gagawin ko pa rin dahil alam kong ito ang mas nakakabuti sa aming dalawa.
Hindi ko sinabi kay Bea `tong desisyon ko. Ayokong awayin niya na naman si Shaun. Wala namang mali si Shaun, eh. Hindi mali na magmahal. Hindi mali na mas maramdaman niyang mas mahal niya si Mandy kumpara sa akin. Una niya `yong minahal, eh. Kaya hindi ko siya masisisi na hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal niya kay Mandy.
Ang tanging mali lang siguro ni Shaun ay pinaasa niya ako sa isang ideya at mga pangako na hindi niya pala kayang tuparin. Hindi niya kayang panindigan. Pero ayos lang. Ayos talaga. Okay na ako sa mga panahon na nagsama kaming dalawa. Mga panahon na pakiramdam ko, naging akin siya at minahal niya rin ako tulad ng pagmamahal ko sa kanya.
Hindi ko pwedeng sisihin si Shaun. After all, tao lang din siya na nakakaramdam ng pagmamahal. Katulad ko, hindi niya ako pwedeng sisihin na minahal ko siya. Kasi tao lang din ako. Tao lang na hindi pwedeng piliin kung kanino ako mahuhulog at kung sino ang gusto kong mahalin.
Nakita ko na sina Shaun na palabas ng gymnasium kaya agad kaming lumapit ni Bea sa kanila.
“Hoy! Congrats sa inyo! Ang galing n’yo!” entra ni Bea kina Shaun.
“Congrats sa amin o congrats kay Arjon?” tanong ni Lucas. “Naku, Bea. Huwag kami. Alam naming pare-pareho na kay Arjon ka lang nakatitig. Parang luluwa na nga mga mata mo kanina, eh.”
“Ulol mo. Bading!” pang-aasar ni Bea kay Lucas.
“Bading pala, ah. Gusto mong halikan… halikan ko `tong si Raphael sa harap mo, ha?” sagot naman ni Lucas. “Rap, tara nga rito. Hahalikan kita para patunayan ko kay Bea na hindi ako bakla.”
“Namo. Huwag mo kong idamay sa kagaguhan mo,” asar na sagot ni Raphael.
“Ito naman galit agad. Tara, sabay tayo maligo! Nyahaha!”
Lumapit sa akin si Shaun, saka ako inakbayan.
“Ang galing ko ba?” nakangiti niyang tanong. Tumango lang ako. “Deretso tayo sa Tagaytay. Liligo lang ako, okay? Wait for me.”
“Sige,” sagot ko kay Shaun.
Naglakad na sina Shaun papunta sa locker room. Naiwan ulit kaming dalawa ni Bea.
“May problema ka ba, Chin?” nag-aalalang tanong ni Bea. “Parang ang down mo, eh.”
“Wala naman. Pagod lang ako,” pagsisinungaling ko. “Wait lang.”
Iniwan ko saglit si Bea dahil nakita ko si Mandy na naglalakad. May kasama siyang isang babae na kaklase niya yata noon. Tinawag ko siya. Huminto naman siya agad at hinarap ako. Pinauna na niyang umalis `yong kasama niya para makapag-usap kaming dalawa.
“Bakit?” nakangiti niyang tanong sa akin.
Ang ganda-ganda talaga ni Mandy. She had this aura na talagang ang sarap-sarap niyang titigan. No wonder kung bakit siya mahal na mahal ni Shaun. She was everything that I was not.
“Can I get your number?” sabi ko.
Mukhang nagulat siya. “S-sure. Pero bakit?”
“May importante lang akong sasabihin sa `yo. Pwede ka naman bumyahe papunta sa Tagaytay later? Sa Magallanes to be exact. Kapag tinext kita, punta ka na. Okay ba?”
Nag-aalangan siyang tumingin sa akin, saka sumagot. Iniisip niya siguro kung para saan ang pag-uusapan namin ganoon last na engkuwentro namin ay hindi ako pumayag makipag-usap si Shaun sa kanya. But Shaun still did it anyway. Nakipag-usap pa rin siya kay Mandy.
“Ah, sige,” sabi niya. “Just text me.”
“Thank you.” Ngumiti ako at umalis na.
Bumalik na ako kay Bea na todo-kunot ang noo habang hinihintay ako.
“Ano `yon? Marunong ka nang makipagplastikan?” iritado niyang tanong.
“Haha. Sira. May sinabi lang ako,” sagot ko.
Nang matapos nang mag-shower si Shaun, lumabas na kaagad siya. Nagpaalam na agad kami kina Bea dahil may pupuntahan pa kami. Gusto sanang sumama ni Bea pero ayaw ni Shaun. Niyaya na lang tuloy ni Arjon si Bea na sumama sa after party nila. Kunwari ayaw pa ni Bea. Nag-iinarte pa.
Nakasakay na kaming dalawa ni Shaun ngayon sa kotse niya at bumabyahe papuntang Tagaytay. Tahimik lang ako habang si Shaun ang puro nagkukwento. Nang makakalahating oras na kami sa pagbabyahe, itinext ko na si Mandy na sumunod na. Nag-reply naman siya na sure.
“Ano ba `yan, Chin. Kanina pa ako nagsasalita pero hindi ka man lang sumasagot,” pagsasalita ni Shaun. “Sino ba `yang ka-text mo? Lalaki ba `yan? Bubugbugin ko `yan.”
Agad kong tinago sa bag ko ang cell phone ko. Baka kasi kunin ni Shaun at makita niya `yong text ko kay Mandy na pinapasunod ko siya kung saan kami pupuntang dalawa.
“Si Bea `yon,” pagsisinungaling ko.
“Ay lalaki nga. Pero hindi ko kayang bugbugin. Baka bugbugin ako ni Arjon.” Tumawa si Shaun.
Ngumiti lang ako kay Shaun. Kumunot tuloy ang noo niya.
“Bakit ang tahimik mo, Chin? `Something’s wrong?” nag-aalala niyang tanong.
Umiling ako. “Hindi naman. Napagod lang ako sa paglilinis ng condo.”
“Tsk. Sabi ko naman sa `yo huwag ka nang maglinis, eh. Tutulungan naman kita,” sabi niya. “Sige, magpahinga ka muna. Tulog ka muna diyan. Gisingin na lang kita kapag `andoon na tayo.”
Tumango na lang ako sa sinabi niya pero hindi naman ako natulog. Masyadong maraming gumugulo sa isipan ko ngayon. Hindi ko kayang matulog na alam kong may gagawin ako mamaya na makakasakit sa aming dalawa. O baka sa parte ko lang. Baka ako lang ang masaktan.
Binuksan ni Shaun ang radio. `Yong I Do (Cherish You) na naman ang kanta sa radio. Sinabayan `to ni Shaun sa pagkanta habang nagmamaneho siya.
“I do cherish you. For the rest of my life. You don’t have to think twice. I will love you still,” pagkanta niya `tapos hinawakan niya ang kamay ko. “From the depths of my soul. It’s beyond my control. I’ve waited so long to say this to you. If you’re asking do I love you this much?” Tumingin siya sa akin. “I do, Chinnie Marie. I do love you this much.”
Lies. Lies. Lies.
Stop saying lies, Shaun. It’s only breaking my heart.
Hinayaan ko na lang si Shaun na hawakan ang kamay ko dahil alam ko na naman na huling beses na `to. Huling beses ko nang mahahawakan ang kamay niya nang ganito. Dahil sa mga susunod na oras mamaya, bibitaw na ako. Papakawalan ko na ang kamay niyang nakakapit sa `kin.
Pagkatapos ng isang oras at kalahating byahe, dumating na kami sa Magallanes, Tagaytay. Hindi pa crowded ang place dahil medyo maaga pa. May mangilan-ngilan lang na sasakyan na nakaparada sa paligid. Mga customer yata sa iba’t ibang establishments sa paligid.
Bago kami lumabas ni Shaun ng sasakyan, inabot niya muna sa akin `yong varisty jacket niya. Malamig daw kasi at tiyak lalamigin ako dahil manipis na blouse lang ang suot ko.
Saka siya naunang lumabas para pagbuksan ako ng pinto ng sasakyan. Agad akong bumaba `tapos hinawakan muli ni Shaun ang kamay ko. Naglakad kami papunta sa likuran ng Starbucks. Kung saan makikita mo ang napakagandang view. `Yong Taal Lake. Ang ganda. Pero hindi ko `to masyadong ma-appreciate dahil lunod na lunod ako sa mga salitang iniisip ko.
Binitawan ni Shaun ang kamay ko, saka siya humarap doon sa Taal Lake. Ipinatong niya ang mga kamay niya sa nagsisilbing harang sa may bangin. Saka niya tinitigan `yong view.
“Wow!” tuwang-tuwa niyang komento. “Mas maganda pala `tong view na `to kaysa sa Google. Ang ganda rito. Ang lamig pa ng hangin,” sabi niya saka humugot ng malalim na buntong-hininga.
Nakatingin lang ako kay Shaun at pinagmamasdan ko kung gaano siya kasaya ngayon. Kung paano siya nakangiti. Dahil alam kong mamaya ay mawawala na ito. At sa mga susunod na araw, hindi ko na makikita ang ganyang ngiti niya. Dahil aalis na ako.
“Kapag mayaman na ako, pipilitin kong bumili ng isla diyan,” pagpapatuloy ni Shaun habang nakatingin pa rin doon sa Taal Lake. “Parang ang sarap tumira diyan, `no? Tahimik. Malayo sa gulo at ingay ng Manila. Huwag lang sasabog `yang bulkan.” Tumawa siya. “Gusto mo ba diyan tumira, Chin? Diyan na lang kaya tayo tumira `pag nagpakasal na tayo?”
Nanginig ang mga labi ko. Naramdaman ko na rin na nangilid ang mga luha ko. Saka ako humugot ng lakas para mailabas ko ang mga salitang kailangan ko nang sabihin kay Shaun ngayon.
“Shaun,” marahan kong binanggit ang pangalan niya. “Let’s… let’s break up.”
Napahinto si Shaun sa pagsasalita at para siyang nanigas sa kinatatayuan niya. Dahan-dahan siyang tumingin sa akin. Kitang-kita ko ang pamumutla ng mukha niya. Para bang dumating na ang pinakakinatatakutan niya sa lahat. Para bang dumating na `yong kinakatakutan niya na mangyari.
Sinubukan ni Shaun na tumawa. Pero ramdam na ramdam ko ang kaba sa boses niya.
“Hahaha. Chin, come on. Huwag kang manakot nang ganyan,” he said nervously.
Napatitig ako sa kanya, saka umiling nang marahan.
“Seryoso ako, Shaun,” sabi ko habang nakatitig sa mga mata niya. “Maghiwalay na tayo.”