noveltoon logo noveltoon
Everyday, Every You

Chapter 20

Ch. 20 / 21 Nov 28, 2025

NAPATIGIL ako sa ginagawa kong random sketching nang bigla ko na naman siyang maalala.

Bakit kaya kahit pilit natin inaalis sa isipan natin ang isang tao, paulit-ulit pa rin natin silang maaalala na tipong parang ayaw siyang kalimutan ng isip at puso natin?

We wanted to forget yet our hearts and brain didn’t want us to do so.

Inilapag ko na lang ang sketch book ko at tumingin sa bintana, saka humugot ng malalim na buntong-hininga. Ganito ang palagi kong ginagawa sa tatlong araw na lumipas simula nang magpaalam ako sa kanya at umalis sa condo na tinitirahan naming dalawa.

Tatlong araw pa lang ang lumilipas pero parang sa sarili ko, parang habang-buhay na ang lumipas na wala siya sa tabi ko. Ganito nga siguro kapag nawala sa tabi mo ang kaisa-isang tao na wala kang ibang gusto kundi makasama siya habang nabubuhay. Parang may kulang sa pagkatao mo.

Bawat segundo, minuto, at oras na lumilipas sa isang araw ay siya pa rin ang naaalala ko. Muling bumabalik sa isipan ko `yong masasaya naming sandali. `Yong tawanan. Asaran. `Yong bawat halik at yakap. Bawat pangako. Bawat… bawat piraso ng pagkatao niya ay naaalala ko pa rin.

Ang hirap sa totoo lang. Ang hirap kalimutan ng isang taong walang ibang gusto ang puso at utak mo kundi maalala siya. Ayaw nila siyang kalimutan. Ayaw nilang lumimot. Pero kailangan ko silang pilitin dahil wala nang point para alalahanin `yong lalaking hindi naman ako ang mahal.

Alam kong masasanay din ako. Masasanay din ako na wala siya. Masasanay din `tong sarili ko sa sakit at pighati ng pagkawala niya sa akin. Alam kong isang araw, kapag naalala kong nangyari ito sa akin, tatawanan ko na lang `to. Saka ako mapapangiti. Isang ngiti na walang kirot na nararamdaman pa tuwing maaalala ko na na-in love ako sa best friend ko.

“`Nak!” narinig kong sumigaw si Mama mula sa kusina. “Tulungan mo nga ako rito!”

“Sandali po, `Ma!” sigaw ko naman pabalik.

Inayos ko muna ang kama ko bago ako tumayo. Saka ko sinuot ang tsinelas ko at tumakbo paibaba. Papunta sa kusina kung nasaan si Mama na hindi ko alam ang ginagawa.

“Ano po `yon, `Ma? Saan kita tutulungan?” tanong ko nang nasa kusina na ako.

“Dito sa pagluluto,” sabi niya na nakangiti. “Para naman hindi ka lang nagkukulong sa kuwarto mo. Tatlong araw ka na `andito pero `andoon ka lang palagi. Nag-aalala na ang papa mo.”

Hindi kasi ako lumalabas sa kuwarto ko. Kapag natapos akong kumain, papasok agad ako sa kuwarto ko. Kahit nga niyayaya ako ni Dannie maglaro, tinatanggihan ko siya. Na-guilty tuloy ako bigla. Mamaya nga, makikipaglaro ako sa kanya. Para naman hindi na siya magtampo.

Hindi rin alam ni Papa kung bakit ako biglaang umuwi rito sa amin. Wala siyang sinabi. Hindi rin sinabi sa kanya ni Mama `yong tungkol sa nangyari sa aming dalawa ni Shaun. Natatakot kasi ako na baka kapag nalaman niya, bigla niyang sugurin si Shaun. Ayaw na ayaw pa naman ni Papa na nasasaktan at umiiyak ako. `Yan ang kabilin-bilinan niya kay Shaun dati.

“Sorry po, `Ma,” tugon ko. “Ano po bang luto?”

“Kare-kare,” sabi niya kaya bigla akong napatingin sa kanya. “Bakit? May naalala ka ba?”

Paborito ni Shaun ang kare-kare. Kaya niyang kumain nito araw-araw nang hindi nagsasawa.

“Wala po,” sabi ko saka umiling. “Wala po akong naaalala.”

Nanahimik na lang ako at tinuloy ang pagtulong kay Mama sa pagluluto ng kare-kare. Habang hinihiwa ko ang karne, nagsalita si Mama habang nakatalikod siya sa akin.

“Alam mo, Chi. Noong magkarelasyon pa lang kami ni Papa mo? Naghiwalay din kami dahil sa hindi pagkakaunawaan. Dahil sa isang malaking misunderstanding.” Napatigil ako sa paghihiwa. “Naalala ko rin noon na nag-away kami ni Tita MJ mo dahil sa hindi niya pakikinig sa mga paliwanag ni Tito Ross mo. Naging hudyat `yon para maghiwalay sila panandalian.”

Humarap sa akin si Mama habang nakangiti.

“Kaya nang magkausap silang dalawa? Nagkaliwanagan sila. Nagkaintindihan. Parehas nila naisip na parehas sila may mali. Na kulang lang sila ng communications sa bawat isa. Kaya nagkagulo sila. Nagkahiwalay. Bigla nagdesisyon na aalis na sa buhay ng bawat isa,” pagpapatuloy niya. “`Yon ang kadalasang sanhi ng pagkakasira ng isang relasyon, `nak. `Yong walang sapat na komunikasyon. Walang matinong pag-uusap. Sa tingin ko, `yon dapat ang binigay mo kay Shaun.”

Nang umuwi ako rito, kinuwento ko rin kay Mama `yong huling pag-uusap namin dalawa ni Shaun doon sa Tagaytay. Sinabi ko kay Mama na hindi ko sinabi kay Shaun `yong mga narinig ko. Hindi ko kaya na marinig kay Shaun `yon nang harap-harapan. Mas masakit kasi.

“Eh, `Ma, ano pang saysay? Tapos na naman po.”

“Gusto mo ba talagang matapos na? Tanggap mo ba talaga na tapos na ang namamagitan sa inyo ni Shaun?” seryoso niyang tanong. “Alam kong hindi mo pa tanggap, anak. Sa tatlong araw na lumipas na `andito ka? Alam kong siya pa rin ang iniisip mo. Umaasa ka na bigla siyang susulpot at susunduin ka. Umaasa ka na muli mo siyang makikita at sasabihin sa `yong mahal ka talaga niya.”

Napayuko ako. Naramdaman ko na naman kasing nangilid ang mga luha ko.

“Anak, mahal mo ba talaga si Shaun?”

Napatingin ako kay Mama kasabay ng pagtulo ng luha ko.

“Opo, `Ma. Mahal na mahal ko siya,” pag-amin ko. “Pero wala, eh. Hindi ako ang pinili niya. Kasi umaasa ako na bigla siyang susulpot at alam kong imposible, umaasa ako. Umaasa ako para lang saktan ang sarili ko. Kasi… kasi kung ako talaga ang pipiliin niya, `andito na siya agad. Sinundo na niya ako. Pero wala eh. Tatlong araw na ang lumipas pero walang Shaun na nagpakita.”

“Alam kong mahal ka rin niya, `nak. Baka nag-iisip-isip pa `yon. Alam mo naman ang utak ng mga lalaki. Masyadong complicated. Kahit `yang ama mo? Naku! Magulo ang utak niyan no’ng kabataan pa lang,” pagkukwento ni Mama. “Mabuti nga pinagtiisan ko `yang si Arthur, eh.”

“Oy! Oy! Anong meron at narinig ko ang pangalan ko?” Biglang pumasok si Papa sa kusina. Kakauwi niya lang galing trabaho. “Patay na patay ka talaga sa akin, mahal, `no?”

“Tarantado!” sigaw ni Mama kay Papa. “Baka gusto mong kutsilyuhin ko `yang ano mo!”

“Naku, huwag!” saad ni Papa. “Susundan pa natin si Dannie, eh!”

“Ugh! Papa naman! `Kadiri!” pagrereklamo ko.

Humarap sa akin si Papa, saka tumawa. “Ay `andiyan ka pala, `nak. Kapag kasi nakikita ko si Mama mo, nawawalan na ako ng pakialam sa paligid. Tanging kagwapuhan—este, kagandahan na lang ni Mama mo ang nakikita ko,” sabi niya saka humalik sa pisngi ni Mama.

“Hay naku, `Pa. In love na in love ka talaga kay Mama, `no?”

“Siyempre naman!” proud niyang sagot. “Sinong hindi mai-in love rito sa mama mo, eh, ang gwapo-gwapo nito. Lalo na no’ng college pa lang kami? Naku, `nak. Ang astig na tomboy nito!”

“`Yan ka na naman sa kakatomboy mo! Kalimutan mo na nga `yon!” sigaw na naman ni Mama.

Nagtawanan lang kaming dalawa ni Papa dahil alam namin parehas kung gaano nandidiri si Mama tuwing naalala niyang mga tomboy sila nina Tita MJ at Tita Antonina noon. Pare-parehas silang nakasyete ang buhok at maluluwag ang uniform. Mga astigin daw kasi silang tatlo.

Nagpatuloy si Papa sa pagkukwento kay Mama nang mga nangyari sa trabaho niya. Isa siyang jeepney driver. Naiinis daw siya doon sa isang pasahero na humihingi ng sukli, wala naman daw binigay. Ang sinagot na lang daw ni Papa ay, “Kunwari nagsukli na ako sa `yo tutal kunwari ka rin namang nagbayad.” Galit na galit daw `yong lalaki na bumaba ng jeep niya.

Tawa na naman tuloy ako nang tawa dahil doon. Nagpatuloy ako sa ginagawa ko at nakikinig lang sa mga kwento ni Papa. Ito talaga ang na-miss ko rito sa bahay. Itong ganito kasayang tahanan.

Nang matapos sabihin sa akin ni Mama ang lahat ng kailangan kong gawin, inutusan naman niya ako na sunduin si Dannie doon sa plaza. Maggagabi na kasi at hindi umuuwi si Dannie hanggang hindi sinusundo. Eight years old pa lang pero ang gala-gala na. Tinalo pa ako.

Hindi naman ako nahirapan na hanapin si Dannie pagdating ko ng plaza. Nakita ko agad siya na nakaupo sa isang upuan malapit sa court. Dala-dala niya ang bola niya habang nakatingin lang sa mga batang naglalaro. Mag-isa lang siya na akala mo may malaking problema.

“Dannie!” pagtawag ko sa kanya. “Umuwi ka na raw!”

Nilingon niya lang ako, saka sinimangutan. Nang-irap pa siya at hindi na ulit ako pinansin.

Naglakad ako papunta sa gawi niya at umupo sa tabi niya.

“Sungit naman nito,” sabi ko saka marahang binangga ang balikat niya gamit ang balikat ko. “Akala ko ba na-miss mo ang ate? Bakit mo ko sinisimangutan?”

“Huwag mo `kong kausapin. Ang pangit mo!” panlalait niya sa akin.

Bigla akong natawa. “Kung pangit ako, pangit ka rin. Magkapatid kaya tayo.”

“Hindi. Ikaw lang ang pangit sa atin!” masungit niyang sagot. “Bakit ka `andito? Doon ka na lang sa kuwarto mo! Magmukmok ka na lang doon!” Nagtatampo talaga siya.

“Sorry na nga, eh,” sabi ko. “Gusto mo, maglaro na tayo.”

Napatingin siya sa bola niya `tapos sa akin.

“Hindi ka naman marunong maglaro ng basketball. Walang thrill kapag kalaban kita.”

“Aba, may pa-thrill-thrill ka pang nalalaman diyan!” Ginulo ko ang buhok niya. “Eh, di doon ka na lang sa mga bata makipaglaro. `Tapos itsi-cheer na lang kita.”

Nalungkot ang mukha ni Dannie. “Ayaw nga nila ako kalaro.” Napanguso siya. “Hindi raw ako marunong. Palagi kasi akong nadadapa. `Tapos palaging naaagaw ng kalaban ang bola sa akin.”

“Loko ang mga `yan, ah. Gusto mo, sugurin ko ang mga `yon?”

Umiling siya. “Hindi… hindi na, Ate,” sagot niya saka napaiyak na.

“O, bakit ka umiiyak? Dapat hindi ka umiiyak, `di ba? Big boy ka na, eh.”

“Okay lang daw umiyak kahit big boy na,” sabi niya habang nagpipigil ng luha.

“Sino naman ang nagsabi?”

“Si Kuya Shaun dati,” mabilis niyang sagot. “Sabi niya… sabi niya okay lang daw umiyak ang isang lalaki. Okay lang daw magpakita ng kahinaan. Ang pagluha raw kasi ay isang patunay na nasasaktan din ang mga big boy. Na hindi kami palaging malakas. Na may kahinaan din kami.”

Napatitig ako sa sinabi ni Dannie. Biglang bumalik sa isipan ko `yong mukha ni Shaun na lumuluha habang nasa Tagaytay kaming dalawa. `Yong mukha niyang nagmamakaawa sa akin na huwag akong makipaghiwalay sa kanya. `Yong mukha niya na umiiyak at halatang nasasaktan.

Nakaramdam agad ako ng pagkirot sa puso ko. Napabuntong-hininga na naman ako.

“Nasaan na ba si Kuya Shaun, Ate? Bakit hindi mo siya kasama nang umuwi ka rito?” tanong ni Dannie habang nagpupunas ng luha. “Sabi niya dati sasama siya sa `yo kapag umuwi ka, eh.”

Binigyan ko ng matipid na ngiti si Dannie.

“Hindi siya pwede, eh,” sagot ko. “Kasi… kasi kasama niya ang girlfriend niya.”

Nagulat si Dannie. “Girlfriend? Eh, `di ba, ikaw girlfriend niya, Ate?”

“Ha? Hindi, `no! Best friend lang kami ni Kuya Shaun mo,” kabado kong sagot.

“Best friend lang?” nalungkot siya. “Pero no’ng tinanong ko siya dati kung sino ang gusto niyang pakasalan ang sagot niya ikaw raw. Ikaw daw ang babaeng gusto niyang makasama, eh.”

Umiling ako. “Huwag kang maniwala doon kay Kuya Shaun mo. Maloko `yon!”

“Hindi siya maloko, Ate. Sabi niya talaga `yon. Seryoso siya doon!” pagpupumilit niya. “Sabi niya pa nga… sabi niya hindi raw siya papayag na mapunta ka sa iba. Kasi… kasi sa kanya raw napunta ang first kiss mo. Sabi niya `yon, `no. Alam nga ni Mama `yon, eh.”

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat.

“Sinabi mo kay Mama? Alam ba ni Papa `yan?”

“Hindi, Ate. Si Mama lang. Sinabi ko kay Mama `yon pero matagal na.”

“Kailan? Kailan mo sinabi?” kinakabahan kong sagot.

“Kahapon,” sagot ni Dannie sa akin. “Kahapon ko sinabi.”

“Ugh!!” Napapadyak ako. “Akala ko ba matagal na? Kahapon lang pala!”

“Matagal na naman ang kahapon, `di ba, Ate? Kapag isang oras ka nga sa banyo, matagal na `yon, eh. Kahapon pa kaya?” Napairap siya. “Si Ate talaga minsan hindi nag-iisip.”

Imbes na mainis ako sa sinabi ni Dannie bigla na lang akong napatawa. Ang cute-cute talaga ng kapatid ko kahit kailan. Ang sarap-sarap yakapin `yong tipong hindi na siya makakahinga.

“Pero sana, Ate, sana kayo ni Kuya Shaun ang magkatuluyan,” pagsasalita niya ulit. “Promise, Ate. Kapag kayo ni Kuya Shaun ang nagkatuluyan, hindi na kita aawayin. Hindi na rin kita sasabihan ng pangit. Gusto ko maging totoong Kuya na si Kuya Shaun, eh.”

“Hindi na `yon mangyayari, Dan. May girlfriend na siya.”

“Mas mabait ka naman panigurado doon sa girlfriend niya, Ate.”

“Akala ko, sasabihin mo mas maganda ako.” Tumawa ako.

“Hindi ka naman maganda, Ate. At least, mabait ka, `di ba?”

“Aba! Marunong ka na talagang manlait, ah!”

Kiniliti-kiliti ko si Dannie hanggang sa tumawa siya nang tumawa.

Tumambay muna kami sa plaza nang mahigit isang oras bago kami naglakad pabalik sa bahay.

Habang naglalakad, bigla ko na naman naisip si Shaun nang dahil sa mga sinabi ni Dannie. Ako raw ang gustong makatuluyan ni Shaun at hindi siya makakapayag na mapunta ako sa iba. Pero nasaan na siya ngayon? Tatlong araw na ang lumilipas pero hindi siya sumusulpot.

Malinis na break-up naman kasi ang ginawa namin. Pumayag din siya sa pakikipaghiwalay sa akin. Alam niya kasi sa sarili niya na si Mandy ang totoo niyang mahal. Na si Mandy ang kailangan niya. Kaya malamang, magkasama sila ngayon. Sa tatlong araw na lumipas, sigurado akong palagi silang magkasama habang ako ay parang binabalatan ng buhay sa sobrang sakit.

Hindi ako nagbukas ng cell phone mula nang dumating ako rito. Gusto ko muna ng tahimik na buhay. Gusto kong mag-isip-isip. Saka ko na `yon bubuksan kapag handa na akong harapin ang reyalidad. Panigurado, ang dami nang text ni Bea doon. Nabugbog na kaya niya si Shaun?

“Ate, para kang timang. Anong tinatawa-tawa mo diyan?” nakabusangot na tanong ni Dannie.

“Wala. May naalala lang ako.”

“Si Kuya Shaun ba `yan?”

Kumunot ang noo ko. “Bakit ko naman siya aalalahanin?”

“Kasi mahal mo siya, `di ba?” sagot niya. “Nakita kita kagabi, eh. Habang nakasilip ka sa bintana ng kuwarto mo, umiiyak ka. `Tapos nabanggit mo ang pangalan ni Kuya Shaun. Eh, `di ba, Ate, hindi mo naman iiyakan ang isang tao kung hindi mo siya mahal? Kung hindi ka naapektuhan sa kanya?”

Saka ko na naman naalala `yong mga sandali na umiiyak sa akin si Shaun. Mula noong confession niya hanggang sa pag-iyak niya noong naghiwalay kaming dalawa.

“Nakakainis ka, Dannie!” sabi ko. “Huwag ka ngang magulo!”

“Hindi naman ako ang magulo, Ate. Ikaw ang magulo diyan, eh,” tugon niya na akala mo may alam sa pinagdadaanan ko ngayon. “Mahal mo `kamo si Kuya Shaun. Mahal ka rin naman n’on, Ate.”

“Sana nga,” sagot ko. “Sana nga, Dannie.”

Nakarating na kami ni Dannie sa bahay at agad siyang pinaglinis ng katawan ni Papa. Amoy-araw na naman daw kasi siya at naiinis si Papa tuwing ganoon ang amoy ni Dannie.

Nang matapos si Dannie maglinis ng katawan, nagpunta na kami sa hapag-kainan para maghapunan na. Alas-siyete na kasi ng gabi at hindi kami nagpapahuli sa pagkain. Ayaw na ayaw ni Mama na nalilipasan kami ng oras sa pagkain. Nakakabobo raw kasi `yon. Ang pagbibiro niya, baka raw magaya kami kay Tita Antonina. Haha. Ang bad.

Nagsisimula na kaming kumain nang makarinig kami ng tunog ng gitara. Sabay-sabay kaming napahinto at napatingin sa isa’t isa na parang naguguluhan.

“Anong petsa pa lang, ah? Bakit parang may nangangaroling na?” komento ni Papa.

“Tingnan mo nga `yon, Chi. May bente pesos ako diyan sa ibabaw ng fridge. Ibigay mo,” utos ni Mama.

“Ako na,” pag-volunteer ni Papa. “Kumain ka na diyan, Chi.”

Biglang hinawakan ni Mama si Papa sa braso para pigilan.

“Huwag ka ngang basag trip, Arthur. Si Chi ang inuutusan ko. Kutusan kita diyan, eh!”

“Eh? Kumakain ang anak mo,” sabi ni Papa kaya pinandilatan siya ng mga mata ni Mama. “Sabi ko nga. Sige, Chi. Pakitingnan na lang. Sabihin mo patawad o iitakin ko `yan. `Aga-aga mangaroling.”

Natawa na lang ako sa sinabi ni Papa dahil wala talaga siyang nagagawa kapag si Mama na ang nagsalita. Under na under talaga siya sa pagmamahal niya kay Mama.

Tumayo na ako at kinuha `yong beinte pesos sa ibabaw ng fridge tulad ng sabi ni Mama. Saka ako naglakad patungo sa sala at sumilip sa may pintuan.

“Wala namang tao,” pagsasalita ko sa sarili ko.

Lumabas pa ako ng pinto para masigurado kung may tao ba talaga o wala. Paglabas ko, may naaninag akong nakatayo sa gilid. Agad-agad ko siyang nilingon kung sino siya.

Halos malaglag ang panga ko nang makita ko si Shaun. Kinusot ko pa nang ilang beses ang mga mata ko para masigurado kong si Shaun nga siya at hindi lang ako namamalik-mata. Pero si Shaun nga talaga. `Andito siya. Nakatayo sa gilid ko habang may nakasabit na gitara sa balikat niya.

“Sh... Shaun?” Nauutal kong pagsasalita. “Anong... anong ginagawa mo rito?”

Hindi siya agad sumagot. Nakatitig lang siya sa akin. Titig na titig na para bang natatakot siya na bigla akong mawala sa paningin niya kapag kumurap siya. Saka siya ngumiti.

Oh, God. I missed that smile.

“Ilang beses mong ni-request sa akin dati na kumanta.” Nagsalita siya. Halatang kinakabahan siya dahil dama ko ang kaba sa boses niya. “Pero palagi kitang tinatanggihan. Hindi kasi ako marunong. Hindi ko namana ang ganda ng boses ni Mama o ang kapal ng mukha ni Papa.” Kabado siyang tumawa. “Pero no’ng tinawagan ko si Papa, ang sabi niya, kantahan daw kita. `Yong kantang masasabi ko lahat ng gusto kong sabihin. `Yong kantang pwede kong ialay sa `yo.”

Hindi ako nakasagot sa sinabi ni Shaun. Napatakip lang ako ng bibig. Masyado akong na-overwhelm dahil `andito siya sa harap ko. `Andito siya. Hindi ako nag-iilusyon. `Andito talaga siya.

“Kaya pagpasensiyahan mo na `tong boses ko, Chin. Kakanta talaga ako sa harap mo ngayon. Wala akong pakialam kahit tawanan mo ako. Basta marinig mo lang ang bawat lyrics ng kantang `to na naglalarawan kung gaano kita kamahal at kung gaano kita kailangan.”

Marunong maggitara si Shaun dahil iyon ang kinuha niyang lesson noong high school pa kami. Habang ako naman, Art lesson. Hindi niya lang tinuloy ang voice lesson dahil wala raw siyang future doon. Alam niya at tanggap niyang ayaw sa kanya ng pagkanta.

Nagsimula nang mag-strum ng gitara si Shaun. Nakatingin siya sa gitara, saka siya tumingin sa akin. Tumingin siya nang deretso sa mga mata ko na para bang pinapaintindi niya sa buong pagkatao ko ang bawat lyrics ng kantang lalabas sa bibig niya.

“You would always ask me those words I say. And telling me what it means to me,” paninimula niya sa pagkanta. Nanginginig talaga ang boses ni Shaun. “Every single day, you always act this way. For how many times I told you. I love you for this is all I know.

“Come to me and hold me, and you will see. The love I give, for you still hold the key.”

Napatakip ako ng bibig dahil isa sa paborito kong kanta `tong kinakanta ni Shaun. `Yong I’ll Never Go ni Eric Santos. Isa ito sa paborito kong kanta dahil ang deep ng bawat salita.

Nakatitig lang si Shaun sa akin habang kumakanta. Para bang sa bawat sandali na `to, wala na siyang ibang nakikita sa mundong ginagalawan niya. Na para bang ako lang ang mahalaga sa mga mata niya ngayon. He looked at me like he loved me so much.

“Every single day, you always act this way. For how many times I told you. I love you for this is all I know,” pagpapatuloy niya sa pagkanta. “I’ll never go far away from you, even the sky will tell you that I need you so. For this is all I know, I’ll never go far away from you.”

Hindi maganda ang boses ni Shaun, pero wala na akong pakialam doon. The fact na mag-effort ang isang lalaki na kantahan ka kahit maganda ang boses niya ay nakaka-turn on na. Malaking plus point na ito para sa kanya. Pero naguguluhan ako. Bakit niya ako kinakantahan?

“Ano ba `yong maingay? Parang basag na speaker?” narinig kong tanong ni Papa.

Napalingon ako sa kanya at nakita kong naglalakad sila ni Mama palapit sa akin. Napahinto sila at nagulat nang makita si Shaun na kumakanta.

“`Nak ng teteng naman, o. Si Shaun lang pala ang maingay ngayong gabi, eh!” sabi ni Papa.

“Heh! Manahimik ka diyan! Huwag kang magulo!” bulyaw ni Mama kay Papa.

“Kuya Shaun, ang sakit sa tainga. Mag-basketball ka na lang!” reklamo naman ni Dannie kaya biglang tinakpan ni Mama ang bibig niya.

Napailing-iling na lang ako at muling tumingin kay Shaun. Halatang bigla siyang nahiya pero tuloy-tuloy pa rin siya sa pagkanta. Mas nanaig sa kanya na tapusin ang kanta kaysa ang mahiya.

Hanggang sa matapos si Shaun sa huling pag-strum ng gitara at sinabi niya mismo sa akin `yong liriko ng kantang I’ll Never Go.

“Chin, I’ll never go far away from you. Even the sky will tell you that I need you so. For this all I know, I’ll never go. Far away from you.” Kinakabahan pa rin ang boses niya.

“Ano’ng nangyayari?” narinig kong tanong ni Papa kay Mama.

“Sssh! Huwag kang maingay. Sisikmuraan kita diyan, eh.”

“Nagtatanong lang naman, mahal,” sagot ni Papa.

“Bakit ka `andito, Shaun? Nasaan si Mandy?” gulong-gulo kong tanong.

“I’m here because my heart—no. I’m here because my life is here so I want to take her back,” sagot niya. “Please, Chin. Pakinggan mo muna ang lahat ng sasabihin ko. Hear me out.”

Saka huminga nang malalim si Shaun. Halatang kabadong-kabado dahil nakatingin sina Papa.

“You asked me why I love you and I didn’t come up with any answer. Kaya nag-assume ka na hindi talaga kita mahal. Na hindi kita totoong mahal dahil hindi kita mabigyan ng kahit anong reason. Sa totoo lang, wala talaga akong maisagot sa `yo no’n. Wala kasing pumasok na rason sa isip ko.

“I tried to think of any reason why I love you. I keep asking myself why. Is it because ever since we were seven years old, you were on my side? Is it because you keep forgiving me whenever I hurt you? Or is it because you love me so I feel like I should do, too? Was this a mere obligation right from the start?” Umiling-iling siya. “No, none of them answered my question of why I love you. I can’t think of something. I can’t really come up with any reason. Until Mandy told me something.

“She told that there are too many different kinds of love. `Yong mga klase ng pagmamahal na may rason. Pero hindi raw `yon totoong pagmamahal. Ang pagmamahal na may rason kung bakit mo siya mahal ay hindi totoong pagmamahal. It is just an appreciation and admiration. Because real love doesn’t have any reason. You just feel it, Chin. It never needs any reasons.”

Narinig kong nagbulungan sina Mama at Papa habang si Dannie ay nagrereklamo na gutom na raw siya kaya pumasok na ulit siya sa loob ng bahay.

“Now, I finally understand what kind of love I feel for you, Chin. I love you because I just simply feel it. I love you for no reason at all. I love you for no explanations at all. I love you. Because this is how I feel. I love you, Chinnie Marie. I love you, for every day, for every you. Without a reason and without excuse. And without any explanation why I do.” Nagningning ang mga mata ni Shaun. Luluha na naman siya. “I love you, Chinnie Marie. Because I feel like my whole body needs it. And I hope that’s good enough for you. I love you. I will say it until you gonna believe me.”

Bumagsak na ang mga luha ko habang nakatingin kay Shaun. Parehas kaming nag-iiyakang dalawa.

“Paano… paano si Mandy? Hindi ba kayo nagkabalikan?”

He shook his head. “No. Tinapos ko na ang lahat sa amin, Chin. Wala na siyang puwang sa puso ko dahil binibigay ko na sa `yo `to nang buong-buo, Chin. Wala ng Mandy. Tanging si Chinnie Marie Mulach na lang. Tanging ikaw na lang ang `andito at nagmamay-ari sa akin.”

“Pero narinig ko kayong nag-uusap ni Arjon sa locker room,” pag-amin ko. “Narinig ko na umamin ka sa kanya na may feelings ka pa sa kanya. Na may natitira ka pang feelings kay Mandy.”

“What?” gulat niyang sagot. “Hanggang saan ang narinig mo? Hindi mo ba narinig ang lahat ng sinabi ko?”

Umiling ako. “Hanggang doon lang.”

“Shit,” napamura siya. “Sana, Chin, kung makikinig ka. Pinakinggan mo ng lahat. Oo sinabi ko `yon kay Arjon. Pero hindi mo narinig na after kong sabihin `yon, dinugtungan ko na… na biglang nag-flash sa utak ko `yong mukha mo. `Yong mukha mo na tumatawa. `Yong mukha mo na nakangiti. `Yong mukha mo na umiiyak. Kaya nasabi ko kay Arjon na I was just confused for some seconds. Bigla ko rin kasi nasiguradong ikaw na ang mahal ko. Ikaw na, Chin.”

“Oh, my God.” Napatakip ako ng bibig. “Ibig sabihin… ibig sabihin kulang ang narinig ko.”

“Ganoon na nga,” sumabat si Mama. “Sabi ko sa `yo, `nak, eh. Kulang lang kayo ng komunikasyon.”

“Maria Alexandra, hindi ko alam ang nangyayari. Explain mo `to!” demand ni Papa.

“Heh! Mamaya ka na!”

Tumingin si Shaun kay Papa.

“Tito, nasabi n’yo sa akin noon na kapag na-in love si Chinnie sa akin, makakatikim ako ng sapak sa inyo. `Andito ako ngayon para magpasapak. Sapakin n’yo na po ako hanggang gusto n’yo dahil hindi ko babawiin ang sasabihin ko ngayon.” Umayos si Shaun. “Hindi ko po babawiin na mahal na mahal ko ang anak n’yo. Mahal na mahal ko si Chinnie, Tito Arthur.”

“Yari ka sa `kin mamaya, Shaun. Makakatikim ka talaga!” seryosong sagot ni Papa.

Binaling ni Shaun ang tingin niya sa akin.

“Chin, can we stop being just best friends anymore? Because when I look at you right at this moment, I only see the girl I want to spend my rest of my life with. The girl I want to marry. I only see the girl who serves my entire being. My heart. My soul. My life.” Humakbang siya nang ilang beses. “Chin, can I take you back? Because ever since you left that damn condo, everything felt wrong. You’re the only thing in my surrounding that feels right. Chinnie Marie, I am really really in love with you. I need you, Chin. For everyday, for every you. I need you and I love you.”

“Bakit ngayon lang? Bakit ngayon mo lang sinabi kung kailan tatlong araw na ang lumipas?”

“Dahil dito.” Itinuro ni Shaun ang mga mata niya. “Dahil sa ginawa ni Bea.”

Napatakip ako ng bibig. “Ano’ng nangyari sa mga mata mo?”

Hindi ko napansin na namamaga ang mga mata niya dahil against the light ang kinatatayuan niya.

“No’ng hinahanap kita kay Bea, nalaman niya ang nangyari. Binugbog niya ako. Pinagsusuntok. Muntik niya pa akong hampasin ng bangko mabuti na lang napigilan siya ni Arjon.” Natawa si Shaun. “Hindi ako nakailag kasi nagulat ako kung bakit `andon si Arjon sa dorm ni Bea.”

“Magkasama sila?” Nagulat din ako.

“Oo. Pero hayaan na natin sila.” Ngumiti si Shaun. “Ang importante ang sa atin ngayon. So, babalik ka na ba sa akin, Chin? Bumalik ka na, please. Hindi ko kayang wala ka sa buhay ko.”

Napangiti ako kasabay nang pagbagsak ng mga luha ko.

“Tinatanong pa ba `yan? Of course, Shaun Eliseo. I need you, too because I am in love with you, too!” Nakita kong napangiti si Shaun sa sinabi ko.

Maglalapit na sana kaming dalawa nang biglang humarang si Papa sa gitna namin.

“Okay, tapos na ang drama. Chin, pumasok na doon at kumain,” sabi sa akin ni Papa. `Tapos tumingin siya kay Shaun. “Ikaw naman, Shaun. Mag-uusap tayo. Marami-rami tayong pag-uusapan.”

Kinakabahan na ngumiti si Shaun. “I know, Tito. I know.”

“Huwag mo `kong English-in!” sagot ni Papa.

Kaya pare-parehas kaming natawa nila Mama.

I really love you, Shaun Eliseo Valentin. Thanks for taking me back.