noveltoon logo noveltoon
Zech Marquez (The Billionaire Boys Club 5)

Chapter 9

Ch. 9 / 10 Mar 03, 2022

“SURPRISE!”

Napalingon si Karina sa pinto ng bungalow style niyang bahay. It was Saturday but she was still getting ready to go to work. Araw na lang kasi ang binibilang bago ang kasal nina Sofia at Denniz. Marami-rami pa siyang kailangang asikasuhin para maging maayos ang lahat.

“Ate Karissa? Ano’ng—”

“Yes, my dear sister.” Niyakap siya nito at hinalikan sa pisngi. “Wow! Look at you. You look great!”

“Ikaw rin.” Totoo iyon. Kung maganda na noon ang ate niya, mas gumanda ito ngayon. Pagka-graduate sa college, kinuha na ito ng tita nilang naninirahan sa Amerika. Mula noon, padalaw-dalaw na lang sa Pilipinas si Karissa hanggang sa ipetisyon na rin nito ang mga magulang nila. Kinukuha rin siya ng ate niya pero mas pinili niyang manatili sa bansa at magtayo na lang ng sariling negosyo. “Kailan ka pa dumating?”

“Kanina lang. Nag-check in na muna ako sa isang hotel bago ko hinanap ang bago mong address. Nabanggit kasi nina Mama na nakabili ka na nga raw ng sariling bahay.” Hinila siya ni Karissa paupo sa sofa. “Tatlong taon lang no’ng huli tayong magkita pero napakalaki na ng ipinagbago mo. Wait, ibig bang sabihin ng lahat ng ito ay dahil may boyfriend ka na?”

Biglang sumagi sa isip ni Karina ang guwapong mukha ni Zech.

“Wala,” malungkot niyang sagot. “Ikaw, bakit bigla-bigla mong naisipang umuwi rito sa Pilipinas? Akala ko ba sa Amerika ka na mag-i-stay for good?”

“Ikaw talaga, Karin. Kararating ko pa nga lang, pinapaalis mo na agad ako.” Karissa took out a cigarette from her purse bag. “Do you mind if I smoke?”

“Yes. ”

“Oh.” Ibinalik nito ang sigarilyo sa bag. “Anyway, pumunta ako rito para dalawin ka at siyempre, para magbakasyon na rin. Nakakapagod kasi ang divorce case ko kay Tony.”

“Tony? `Di ba, John ang pangalan ng asawa mo?”

“Divorced na kami ni John. I got married again to Tony and we separated last year. Gusto ko na munang magbakasyon ngayon.”

“You got married again and you didn’t tell me?”

“Huwag kang mag-alala. Sa susunod kong kasal, ikaw ang unang-una kong sasabihan. Hey, may kakilala ka bang cute guy dito na puwede kong maka-date?”

“Wala!” sagot agad ni Karina. Nang tingnan siya ng kapatid nang may pagtataka, agad naman siyang bumawi. “I mean, wala pa sa ngayon. Don’t worry, kapag may nakita ako, sasabihan agad kita.”

“Good.” Hinila siya nito patayo. “Go on and change. I’ll treat you to lunch.”

Nagdalawang-isip pa si Karina kung sasama o hindi.

“Come on, Karin. Can you just pretend that you’re happy to see me, for once?”

“I am happy to see you.”

“Hindi halata.”

Agad namang nakonsiyensiya si Karina, pero tinawanan lang siya ni Karissa.

“Joke lang. Ikaw naman. Hanggang ngayon napaka-sensitive mo pa rin. Anyway, sige na. Magbihis ka na at nang makaalis na tayo. Nagugutom na ako talaga.”

Nagmamadali siyang pumasok sa kuwarto at mabilis na nagpalit ng damit, saka binalikan ang nakatatandang kapatid sa sala.

“Someone called looking for you a few minutes ago,” nakakunot-noong sabi ni Karissa. “Ang weird niya.”

“Sino raw?”

“He didn’t bother telling me kahit tinanong ko na siya. Ang sabi lang niya, ‘tell her it’s me.’”

It brought a smile to Karina’s face. Typical of Zech. Pero agad ding nawala ang kanyang ngiti. Senyales na ba iyon na ang nag-iisang nagparamdam sa kanya ng mga kakaibang damdaming hindi naman niya nararamdaman noon ay malapit nang mawala sa kanya? Naalala pa niya ang madalas sabihin noon ni Zech nang magkita uli sila pagkatapos ng mahabang panahon.

“You ruined my life!”

Binalingan niya ang napakagandang si Ate Karissa. It was time to make everything right.

“Ate, natatandaan mo pa ba si Zech?”

“Zech who?”

“Never mind. Let’s go.”

“HEY, KARIN, what’s bothering you? Kanina ko pa napapansing parang napakalalim ng iniisip mo. Halos hindi mo nagalaw ang pagkain mo, which is very unusual. May problema ka ba?”

“Wala naman.” Sinubukan ni Karina na sumubo ng in-order nila pero talagang wala siyang gana. “Malapit na kasi ang kasal ng isa sa mga pinakamalaki kong clients. Apektado lang siguro n’on pati ang appetite ko.”

“Then don’t let it affect you. It will ruin—Oh, wow! Who’s that hunk?”

Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Karina nang makita kung sino ang tinutukoy ni Karissa. Zech was walking towards them in a manner like he owned the whole place. Wala itong pakialam kung gaano kalaking komosyon ang ginawa nito sa pagtapak pa lang sa lugar na iyon. Pero para namang nagpipiyesta ang kalooban niya nang makitang sa kanya lang nakatingin si Zech. It was as if she was the only one he was seeing at that moment.

Look at him, Karin. Doesn’t he look like a fairy-tale prince from a faraway land? So handsome and yet so unreal?

“I thought you’d be here.”

Parang nalusaw ang puso ni Karina nang unti-unting ngumiti si Zech. Hindi na nga siya nagtaka nang marinig ang mahihinang buntong-hininga ng mga babaeng customer din sa bakeshop. Hindi na rin siya nagtaka nang tumayo ang ate niya at unang magpakakilala.

“Ah, hi. I’m Karin’s sister—”

“Karissa, Yes, I know you.”

“Y-you know me? Well, that’s... that’s a surprise. Pero hindi ko yata matandaang nagkita na tayo.”

“We already met. A long time ago.”

Napayuko na lang si Karina habang pinakikinggan ang dalawa. Kahit ano pala ang gawin, hindi niya puwedeng pigilan ang kapalaran. Her sister and Zech were meant to be together.

“Ate, this is Zech Marquez from your high school. Remember him? You were supposed to be his first girlfriend.” Wala pa ring recognition sa mukha ni Karissa. “Hindi kayo nagkatuluyan dahil sinabi ko sa `yo na hindi compatible ang mga zodiac signs ninyo at naniwala ka sa `kin kaya binasted mo siya.”

“Oh, my God! Ikaw si Zech?”

“He is. Kaya magkuwentuhan lang kayo diyan at babalik na ako sa mga iniwan kong trabaho. Enjoy your reunion.”

Hindi na hinintay pa ni Karina na magsalita ang kahit sino sa dalawa. Deretso na siyang lumabas ng restaurant. Ngayong nagtagpo na uli ang mga pusong ginulo niya noon, hindi na siya kailangan sa eksena. Kaya nang dugtungan nina Zech at Karissa ang naputol na pag-iibigan noon.

Paglabas ng bakeshop, hindi niya napigilang lingunin ang mukha ng lalaking natutuhan na niyang mahalin nang hindi sinasadya. He was still looking at her through the glass panel of the place. His face was now unreadable.

I’m sorry for everything, Zech.

Wala nang pakialam si Karina kung saan siya dalhin ng mga paa. Ang alam lang niya, dapat siyang makaalis agad sa lugar na iyon. Nakakatawa. Kung noon, nagpi-freak out siya maisip lang na ilang araw na lang puwede siyang tuluyang tumandang dalaga, ngayon naman, bigla na lang siyang nawalan ng pakialam. At sa edad na twenty-eight, kung kailan inakala niyang hindi naman talaga totoo ang pag-ibig, saka iyon dumating sa kanya.

Ang puso nga naman, praning lang talaga.

“Need a ride?”

Ang tsinitong mga mata ni Lantis ang unang napansin ni Karina nang tingnan niya ang nagsalita. Nakaagapay sa kanya ang kotse nitong bukas ang bintana sa driver’s seat. Pero bago pa siya makasagot, may kung sino na itong kinawayan sa likuran niya.

“O, hayan. Naipaalam na kita kay Zech Marquez,” sabi ni Lantis nang buksan ang passenger seat ng kotse. “Although I’m not sure kung pumayag siya o hindi.”

“Wala na `yong pakialam. Busy `yon sa babae niya.” Sumakay na siya sa kotse. “Let’s go.”

“Sure.”

Wala silang imikan habang nasa biyahe. Mabuti na iyon dahil wala rin namang ganang makipag-usap si Karina. Mukha namang nakaramdam agad si Lantis sa estado ng mood niya kaya hinayaan lang siya nito sa pananahimik.

Hindi nagtagal, huminto ang kotse sa harap ng isang restaurant.

“Kumain na ako, Lantis.”

“Then let’s just have some coffee. Mabisang gamot daw `yon sa isang pusong… nagseselos.”

“Hindi ako nagseselos sa ate ko. Duh!” Binuksan na ni Karina ang pinto ng kotse. “Tara! Kape tayo!”

Nakangiti lang ang binata nang alalayan siya nito papasok sa restaurant. At kagaya ng naging epekto ni Zech sa mga customer ng bakeshop ang naging reaksiyon ng mga customer sa restaurant pagpasok na pagpasok nila ni Lantis.

“Ano ba’ng meron sa billionaire boys at ganyan na lang ang dating ninyo sa mga tao?” tanong ni Karina pag-upo nila. “You have the looks and the money. So what? Tao lang din naman kayo. Nagugutom, nauuhaw, nasasaktan.”

“We didn’t ask for this kind of attention, Karina. Ang mga tao na rin ang may kasalanan dahil pinatulan nila ang kalokohan nina Pam at Dunkey nang buhayin nila ang Billionaire Boys Club sa mga page ng Philippine Stats.” Isang waiter and lumapit sa kanila at iniabot ang menu. “May problema ba, Karina?”

“Wala naman.”

“Is it Zech Marquez?” Ibinalik ni Lantis sa waiter ang menu pagkatapos ibigay ang order nila. “Hmm... This is the reason why I don’t want to be associated with the other billionaire boys. Nadidiskubre ko na lang na in love pala sa isa sa kanila ang babaeng gusto ko.”

“What?”

“Nothing important.” Tinitigan siya nito. “So, it is about Marquez.”

Hindi na kailangang ipa-elaborate ni Karina kay Lantis ang ibig nitong sabihin. Malinaw na may idea ito sa kasalukuyang estado ng puso niya pagdating kay Zech Marquez.

“Alam niya?” tanong uli ni Lantis. Matagal bago sumagot si Karina ng isang malungkot na pag-iling. “Bakit hindi mo sabihin sa kanya?”

“Bakit ako ang unang magtatapat? Ako ang babae rito. Isa pa…” She traced the rim of the cup in front of her with her finger. “Hindi na niya kailangang malaman. Nakabalik na si Ate Karissa sa buhay niya.”

“Who’s Karissa?”

“Zech’s first love.” She sighed and sipped her hot drink. “Malaki ang kasalanan ko sa kanilang dalawa. Kung hindi ko kasi pinakialaman ang love life nila noong mga bata pa kami, sila sana ang nagkatuluyan. At kaya naman nakipaglapit lang sa `kin si Zech ngayon ay para makaganti sa ginawa kong pagsabotahe sa love life niya noon. Gusto niyang ma-in love ako sa kanya para mabasted niya ako sa huli.”

“Wow. I didn’t know Zech Marquez could be that childish.”

“He’s not childish. Natural lang na gawin niya `yon dahil big deal nga naman kasi ang naging atraso ko sa kanya noon.”

“I still think it’s childish. And that I don’t think Zech Marquez would take time to do such silly things.”

“Hindi nga siya childish. Hindi rin siya silly.”

“Okay. Hindi na ako lalaban,” biro pa ni Lantis. “Anyway, mabalik tayo kay Marquez. Paano ka nakakasiguro na kung sakaling hindi ka nakialam noon, sila pa rin ang magkakatuluyan?”

“It doesn’t matter. The point is, nakialam pa rin ako at nagulo pa rin ang first serious relationship sana ni Zech noon.” Humugot ng malalim na hininga si Karina. “Kaya kung ano man ang gawin niya ngayon laban sa `kin, dapat lang siguro `yon bilang kapalit sa mga ginawa ko noon sa kanila ni Ate Karissa.”

“Wait, ang ibig mong sabihin, alam mo ang plano niya noong una pa lang?”

“Alam niya rin ang dilemma ko sa love life ko. At ang solusyon kung paano matatapos ang sumpa sa akin.”

“Sumpa?”

“Isinumpa ako ng walanghiyang Zech na `yon noong high school kami na hinding-hindi ako magiging masaya sa mga magiging karelasyon ko dahil sa ginawa kong pagsira sa relasyon sana nila noon ni Ate Karissa. At ang paraan lang para matapos ang sumpang `yon ay maging masaya uli si Zech sa babaeng mamahalin niya ngayon. Kaya ginawa ko ang lahat para makahanap uli ng babaeng magugustuhan at mamahalin ni Zech. Pero si Zech mismo, tanggi nang tanggi. And to spite me even more, balak nga niyang paibigin ako para lang wasakin ang puso ko oras na mahulog na nga ang loob ko sa kanya.”

“And you’re starting to have your heart broken. Is that it?”

“Ang tanga ko kasi.” She took another sip of her coffee, and it almost choked her. Thanks to her overwhelming emotion at the moment. “Inilatag na nga niya sa harap ko ang lahat ng plano niya pero nagpakatanga pa rin ako.”

“Don’t be too hard on yourself, Karina. Ganyan talaga kapag nagmahal ang tao. Akala mo katangahan pero… that’s how you love for real. Hindi na nag-iisip, basta na lang nagmamahal. Kaya kung ako sa `yo, tanggapin mo na lang kung ano ang nararamdaman mo para kay Marquez.”

“Ayoko nga. Magiging kontrabida na naman ako sa pag-iibigan ng ibang tao. Ayoko nang maging kontrabida.”

“Paano mo naman nalaman na kontrabida nga ang papel mo sa love life ni Marquez?”

“Instinct.”

Ngumiti lang si Lantis, saka nagpakawala ng buntong-hininga. “I can’t believe I’m gonna tell you this but… Zech Marquez is not in love with your sister. He’s in love with you, Karina.”

“Huwag mo ngang pasukan ng kung ano-anong idea ang isip ko, Lantis. Alam mo namang madali akong mauto. Tingnan mo na lang kung ano’ng nangyari nang kunwaring ligawan ako ni Zech.”

“Gusto mong ulitin ko ang sinabi ko?”

“Hindi na.” Hindi na rin mapakali si Karina. Todo tanggi pa rin ang isip niya sa mga narinig kay Lantis.

Zech’s in love… with me?

“No way.”

“One word of advice,” patuloy ni Lantis. “Huwag mong pansinin ang mga sinasabi ni Marquez. He can be brutally frank most of the time but he will never tell anyone how he feels. That’s why you have to pay more attention to his actions. Doon lang kasi lumalabas ang totoo niyang damdamin.”

“How do you know?”

“Instinct.”

“Yeah, right.”

Tumunog ang cell phone ni Karina. Nag-excuse muna siya kay Lantis bago sinagot ang tawag.

“Hello, Karin? Si Sofia `to. Nakapili na ako ng mga bridesmaid at groomsmen ko. Nasa Jaberu kaming lahat ngayon. Nasaan ka na ba? `Di ba pag-uusapan natin ang tungkol sa wedding rehearsal sa susunod na araw?”

“Oo nga pala. Pasensiya na, nawala na sa isip. Sige, I’ll be there. I’m on my way.”

“Kasama mo ba si Lantis?”

“How did you—”

“Kung kasama mo siya, isama mo na rin siya rito. He’s one of the groomsmen. Hurry up, okay? Bye.”

Napatitig na lang si Karina sa cell phone pagkatapos ng mabilisang pakikipag-usap kay Sofia.

“Problem again?”

Tiningnan niya si Lantis. “Sumama ka sa `kin sa Jaberu. Nandoon na raw ang buong entourage. At isa ka sa groomsmen.”

“Groomsmen? Wala yatang nababanggit si Denniz tungkol dito.”

“Mukhang si Sofia na naman ang nag-settle ng arrangement na ito. Pagbigyan mo na lang. Masyadong jittery ang bride na `yon, eh. Let’s go?”

“Okay.”

Pagdating sa Jaberu, agad napansin ni Karina ang magagarang sasakyan sa parking lot. No wonder, nagsanib-puwersa na ang mga bodyguard nina Denniz at mga guwardiya ng Jaberu para mabantayan nang husto ang lugar. With those sleek cars and the prominent people who owned them, takaw-atensiyon nga naman ang Jaberu sa mga kidnapper at carnapper na naglipana sa buong bansa.

Sa loob ng Jaberu, hindi na siya nagulat kung naipon man doon ang lahat ng billionaire boys. And when she said “all,” ibig sabihin, kasama pati si Zech na mag-isang umiinom sa bar. Agad kumabog ang dibdib niya nang makita ang binata.

“Oh, good. Kompleto na ang lahat,” sabi ni Sofia para makuha ang atensiyon ng lahat. “Let’s move on to my important assignment. My bridesmaids are Dunkey, Atasha, Pam, and Rinoa. Karina, I’m sure, kilala mo na ang pinsan ni Zech na si Rinoa, korek?”

“Oo.”

Nagtaas ng kamay si Atasha. “Puwede pa ba kaming maging bridesmaids, Karina? I mean, ang alam kong puwede lang maging bridesmaids, eh, `yong mga dalaga lang, and we’re already married. Except si Rinoa.”

“Kayo ang gusto kong maging bridesmaids,” sabi ni Sofia. “Bakit kailangang sumunod pa tayo sa tradisyon na `yan? Ayaw n’yo ba akong sumaya sa araw ng kasal ko?”

Mabilis na nilapitan ni Denniz ang girlfriend at masuyong niyakap. “O, Ganda, cool ka lang. Huwag kang masyadong ma-tense, ha? Kung gusto mo silang maging bridesmaids, sila ang magiging bridesmaids mo. Kahit pa mga lola mo ang kunin mong bridesmaids, walang magrereklamo.”

“Niloloko mo ba ako?”

“Kahit kailan, Ganda, hinding-hindi kita lolokohin.”

“Kung gano’n, inuuto mo lang ako.”

Nagpatuloy ang diskusyon nina Sofia at Denniz. Sumabay pa ang mga kakaibang tanong ng mga napiling bridesmaids at ng mga asawa ng mga ito.

“Naku, Atasha, mahal, lagot ka,” sabi ni Treize. “Hyperactive na naman si Sofia.”

“Nagtatanong lang naman ako.”

“Oo nga,” sang-ayon ni Pam. “Masama bang magtanong?”

“Hindi naman,” sabi naman si Yeoji na asawa ni Pam. “Kaya lang, medyo tagilid ang paraan n’yo ng pagtatanong.”

“Tanong? Hindi naman ako ang nagtatanong, ah. Bakit parang ako ang sinisisi mo?”

“Pam, Pam, Pam.”

“Heh!”

Sa kaguluhang iyon, sina Rinoa at Lantis lang ang hindi nakisali. Tahimik lang na pinapanood ni Ran ang nakangising asawa na si Dunkey na masayang-masayang kinukuhanan ng litrato ang kasalukuyang eksena. Mukha namang hindi pansin ni Zech ang mga nangyayari sa paligid.

Karina wanted to approach him. Pinigilan lang niya ang sarili nang maalalang wala nga pala siyang karapatang lumapit kay Zech. Dahil ngayon, isa na lang din siya sa mga babaeng humahanga rito sa malayo.

Then he turned to her, blangko ang ekspresyon sa mga mata. Hindi tuloy alam ni Karina kung ano ang nararamdaman ni Zech nang mga sandaling iyon. At hindi niya maiwasang maapektuhan. He started walking towards her, his eyes never leaving hers. He stood beside her. His masculine scent mixed with the faint scent of alcohol sent shivers down her spine.

She wanted to hug him. She wanted to taste those sweet, firm lips once again. She wanted to feel the warmth of his embrace and to feel the fast beating of his heart as he gently cradled her in his arms.

“Did you have a good time with Nakago?”

Lumayo ka na, Karin. Lumayo ka na bago pa maging huli na sa `yo ang lahat. You can’t afford to lose your heart again.

Dumistansiya nga siya.

“Going somewhere, Karin?” mahinang tanong ni Zech. “Dito ka muna.” Pinigilan siya nito sa braso.

She almost winced at the mere touch of him. “Not now, Zech. Nandito ako para magtrabaho.”

“Ako naman, nandito para tapusin na ang kalokohan mong `to.”

She could almost feel his breath on her ear as she struggled to be free of his touch.

“Look at me, Karin.”

“No.”

“Hindi ka makatingin sa `kin nang deretso dahil may kasalanan ka na namang ginawa.”

“Sa ibang araw na lang tayo mag-usap, Zech.”

“Paano kung ayoko? ”

Mali ang naging desisyon ni Karina na salubungin ang mga mata ni Zech. Dahil ngayon, halos gahibla na lang ang layo ng mga mukha nila sa isa’t isa. His face remained stoic but from this short distance, she didn’t care if he looked like a stone carving. Ang alam lang niya, napakalapit na uli ng mukha ng lalaking naging laman na ng kanyang puso at isipan sa bawat sandali—that same handsome face she had touched once as his lips descended on hers.

“Okay, people!” sigaw ni Dunkey, saka inihanda ang camera. “Say ‘sex’!”