noveltoon logo noveltoon
Zech Marquez (The Billionaire Boys Club 5)

Chapter 2

Ch. 2 / 10 Mar 03, 2022

NAKAHILATA sa sofa si Karina habang nilalantakan ang malaking hiwa ng chocolate cake mula sa platitong nakapatong sa dibdib niya. Nakatutok sa TV ang atensiyon niya nang pumasok sa sala ang nakakatanda niyang kapatid na si Karissa at naupo sa kanyang tabi.

“Hindi kita hahatian ng cake ko, Ate. Kumuha ka ng sarili mong cake sa kusina.”

“Kaya ka lumulobo, eh. Puro ka kain.”

“Nananahimik ako rito. Kung ayaw mong makita ang katakawan ko, doon ka na lang sa kuwarto mo.”

“Ayoko. Kailangan ko ng kausap ngayon.”

Exaggerated na napasimangot si Karina. Sixteen years old lang ang ate niya pero parang hindi na nawawalan ng problema sa buhay. Problema sa lalaki, to be exact. Sa dami ng nanliligaw kay Karissa, pinoproblema na talaga nito ang tungkol sa kung paano maaasikaso ang sangkaterbang tagahanga. Ikaw ba naman ang biniyayaan ng talino, napakagandang mukha, balingkinitan, at kakaibang hinhin sa katawan. Her Ate Karissa was almost perfect.

`Kairita.

Patuloy lang si Karina sa pagkain ng cake. “Kung tungkol na naman `yan sa mga lalaki mo, pakibilisan lang ang kuwento at baka hindi na ako matunawan.”

“Gusto ko nang sagutin ang isa sa mga manliligaw ko.”

“Eh, di sagutin mo.”

“Kaya lang, hindi pa ako sure, eh. I mean, I like him because he’s drop-dead gorgeous and all . Pero parang may iba pa akong hinahanap na sign sa kanya para tuluyan ko siyang sagutin. Ano sa palagay mo?”

Kaya nga “almost”perfect na ang ate niya. Ang flaw kasi nito ay pagiging pabebe madalas. Kung hindi lang mabait sa kanya si Karissa, matagal na niya itong napaiyak sa pambabara niya.

“Ang problema sa `yo, Ate, ang hilig mo sa mga signs.”

“Siyempre. Kailangan natin ng signs para alam natin kung tama ba ang mga gagawin nating desisyon sa buhay.”

“Ewan. Baka hindi kayo compatible ng zodiac sign ng lalaking `yon kaya hindi mo makuha-kuha ang signs na hinahanap mo sa kanya.”

Napakunot-noo si Karissa, halatang pinag-isipan iyon nang husto. Mayamaya, napapitik ito. “That’s it, Karin! Taurus nga pala si Zech.”

“The stubborn bull.” Dahil sa hilig ni Karissa sa mga zodiac sign, napapabasa na rin minsan si Karina. “Libra ka, `di ba, Ate? Hindi nga talaga kayo compatible.”

“Tama ka. Hindi talaga compatible ang Libra at Taurus. No wonder may second thoughts ako kay Zech. Malinaw na ang lahat ngayon. Thanks, Karin!”

“Good luck.”

PAGKALIPAS ng dalawang araw, nagulat na lang si Karina nang harangin siya ng isang magarang kotse paglabas ng school. Mula sa kotse, lumabas ang isang lalaki na kung hindi lang sa suot na school uniform, aakalain niyang mama na dahil masyado itong matangkad para maging isang high school student.

“Ikaw ba si Karina Licaros?”

“Oo. Bakit?”

Lumapit sa kanya ang lalaki. At muntik na siyang mapanganga nang makita ito sa malapitan. Dahil kung guwapo na ito sa malayuan, lalo na sa malapitan. Daig pa ang isang artista.

“I’m Zech Marquez. Ako ang manliligaw ng ate mong hindi niya ka-compatible ang zodiac sign kaya niya binasted.”

Doon medyo nasira ang ilusyon ni Karina. Isa pala ito sa mga sumasamba sa alindog ng ate niya. “Ikaw pala ang ikinukuwento ni Ate. Pasensiya ka na sa ate ko. Mababaw talaga `yon minsan.”

“I can forgive Karissa any time of the day. Ikaw ang hindi ko mapapatawad.”

“Ako?”

“Ikaw ang dahilan kung bakit hindi na ako makapanligaw kay Karissa. And it was just because of that stupid zodiac signs opinion you gave her. Ang tagal kong hinintay ang araw na mapasagot ko si Karissa. At binigyan na niya ako ng hint na ako ang pipiliin niya sa mga nanliligaw sa kanya. Pero salamat sa zodiac sign comment mo, nawala nang lahat ng pag-asa kong maging girlfriend si Karissa.”

“Eh, kasalanan ko ba kung masyadong nagpapapaniwala ang ate ko sa mga zodiac signs na `yon?” Muntik nang mapaurong si Karina nang makita ang galit sa magagandang mata ng lalaki. “B-bakit ba? Wala akong kasalanan. Batukan mo ang ate ko, baka sakaling matauhan sa maliit niyang katangahan.”

“Hindi ka dapat nakikialam sa mga bagay na wala kang alam.” Tiningnan ng lalaki ang kabuuan niya. “Paano ka naging kapatid ng isang tulad ni Karissa na napakabait? You do nothing but ruin the happiness of other people. Kung walang magkagusto sa `yo dahil lahat ng atensiyon napupunta sa ate mo, gumawa ka na lang ng kapaki-pakinabang na bagay na ikasasaya mo at ng ibang tao. Hindi `yong mananabotahe ka ng kasiyahan ng iba.”

“Ang kulit din ng ngongo mo, `no? Sinabi nang hindi ko kasalanan kung ang babaeng napili mong maging girlfriend, eh, naniniwala sa zodiac signs. Imbes na ako ang pag-initan mo, bakit hindi `yong ate ko ang kausapin mo at kumbinsihing hindi totoo ang alien!” Nilagpasan na ni Karina ang lalaki. “Hay, naku! Bakit ba nagkalat ang mga sira-ulo sa buhay ko?”

“Makarma ka sana!”

“Hindi ako naniniwala sa zodiac signs kaya hindi ako tinatablan ng karma!”

“I hope you won’t get the happiness that you want! I hope you’ll be alone for the rest of your life!”

“Blah, blah, blah!”

“You will never get married unless I get married first! Isinusumpa ko `yan sa lahat ng zodiac signs sa mundo!”

“Whatever, yaya!”

MAALIWALAS ang atmosphere sa Jaberu. Iyon agad ang unang napansin ni Karina pagpasok sa establishment. Sa kabilang bahagi ng bar counter, nandoon ang nagmamay-ari ng Jaberu at binabasa ang business proposal niya.

“Can I just call you ‘Karina,’ Miss Licaros?” tanong ni Sofia. “Hindi ako masyadong sanay sa formalities, eh.”

“It’s okay. Call me ‘Karin.’”

“Karin. Nice nick.”

“Thank you, Miss Feliciano.”

“‘Sofia’ na lang, Karin. Anyway, gusto ko lang linawin kung naiintindihan mo nang husto ang ad namin sa diyaryo.”

“Yes. I understand it perfectly well.” Inisa-isa niya ang requirements sa nabasang print ad ni Sofia sa Philippine Stats. “Gusto mo ng wedding coordinator na makakapag-prepare ng isang simple pero eleganteng kasal sa loob lang ng isang buwan.”

“And you think you can do it?”

“As long as nakahanda na ang lahat, kayang-kaya na naming isakatuparan ang isang wedding event.”

Hindi madaling mag-organize ng isang wedding event sa loob lang ng isang buwan. At hindi isang simpleng kasalan lang ang mangyayari. It was the wedding of one of the most prominent and famous business personalities in the country. Malaking pagkakataon iyon para ma-promote ang Weddings Incorporated kaya kahit alam ni Karina na malaking sakit ng ulo ang papasukin niya, pinilit niyang makuha ang project na ito. Anyway, may tatlong experiences na siya sa mga ganito kaiksing preparation bago ang wedding day, na lahat ay naging successful naman. Kaya malaki ang advantage niya sa ibang wedding companies na nakikipag-agawan sa project na ito.

Kailangang makuha ko ang project na ito, by hook or by crook.

“Sofia, tutal naman, first name basis na tayo, can I tell you a little secret why your wedding is important to me?”

“Sure. Go ahead.”

“It’s about Zech.”

Doon nakuha ni Karina ang buong atensiyon ni Sofia. “What about Zech?”

“See, si Zech ang dahilan kung bakit hanggang ngayon hindi pa rin ako nakakapag-asawa. This may sound a bit weird but it’s true. Isinumpa ako ng lalaking `yon noong fourteen years old pa lang ako at seventeen naman siya. Ang sabi niya, hindi raw ako makakapag-asawa hangga’t hindi siya nakakapagdesisyong mag-asawa na rin. At sisiguruhin niyang hindi siya mag-aasawa.”

“Bakit ka naman niya isinumpa?” Medyo natatawa na si Sofia.

Pero walang pakialam si Karina kung magmukha na siyang tanga. Basta gagawin niya ang lahat para mawala ang sumpa na iyon. “Totoo man o hindi, kailangan kong maputol ang ano mang masamang espiritung ikinabit sa akin ng Zech na `yon. I’m not getting any younger, and I really wanted to get married na. Kung ang pagpatol sa isang walang kuwentang sumpa ang tanging paraan para matupad ang pangarap ko, maniniwala ako. Kaya importante sa `kin ang kasal mo, Sofia. `Yon na lang kasi ang chance ko na magkaroon ng close contact kay Zech para matapos na ang kamalasan ko, once and for all.”

“So you read about the Billionaire Boys Club, too.” Tumango-tango si Sofia. “Puwedeng malaman kung bakit ka isinumpa ni Zech?”

“Ah… sinabi ko kasi sa ate ko na hindi compatible ang mga zodiac signs nila ng manliligaw niyang balak na niyang sagutin. Hindi ko naman alam na si Zech pala ang tinutukoy niya. Nalaman ko na lang nang komprontahin na ako ni Zech, at doon nga siya nakapagbitiw ng mga bagay na hindi dapat sinasabi kapag galit ang isang tao.”

“That’s when he cursed you. I see. Kung gano’n, never kang nagka-boyfriend?”

“Nagkaka-boyfriend naman ako. Hindi nga lang nagtatagal.”

“Hindi ba’t normal naman `yon? Hindi magtatagal ang isang relasyon kung hindi naman kayo ang nakatakda sa isa’t isa. It’s called destiny.”

“I know. But when you’re at my age now, itatakwil mo ang destiny dahil kailangan mo nang mag-asawa. Agad-agad. I can’t be single when I reached thirty. No, no! Hindi puwede. Gusto ko pang masubaybayan ang paglaki ng mga anak ko nang hindi ako namomroblema sa health ko dahil sa edad ko.”

Natawa na lang si Sofia. “I don’t really agree with you but, that’s your life. Kaya sige, ikaw na ang kukunin kong wedding organizer namin. Para sa kinabukasan mo.”

“Thank you!” Inabot ni Karina ang kamay ni Sofia. “Hinding-hindi kita bibiguin. Gagawin kong bonggang-bongga ang araw ng kasal ninyo ni Denniz Serrano!”

“Kahit hindi na bongga. Gusto lang namin ng maayos at solemn na kasal.”

“Whatever you wish.”

“By the way, do you know that Zech is… still single?”

“No. And I don’t really care. Sarili ko lang ang inaalala ko na maging single for life.”

May kakaiba nang pahiwatig sa mga ngiti ni Sofia. “Come to think of it, you and Zech have the same fate in relationships. Nabanggit kasi sa `kin ni Denniz na maraming naging babae ang kaibigan nilang `yon pero kahit kailan, wala siyang hinahalikan sa harap nila. I think that’s their weird way of knowing their friend isn’t hooking up with that particular woman.”

“Please don’t pair me with that guy.”

“Bagay kayo.”

“I want a guy that I can marry and start a family with. Not someone who would curse me again.”

“Matagal na `yon, baka nga nakalimutan na ni Zech. And who knows, mag-iba ang ihip ng hangin kapag nagkita na uli kayo.”

“I would prefer to stay away from him as possible. Ang agenda ko lang sa buhay niya ay maipakasal siya dahil `yon lang ang paraan para mawala ang sumpa sa akin.”

“You’re going to marry Zech to someone else?”

“Yes.”

Tumawa lang uli si Sofia. “Good luck sa `yo kung gano’n.”