noveltoon logo noveltoon
Zech Marquez (The Billionaire Boys Club 5)

Chapter 6

Ch. 6 / 10 Mar 03, 2022

“KARIN!”

“Aray!” daing ni Karina. Hinila kasi nang mariin ni Tammy ang braso niya. “Ano ka ba namang babae ka? Galit ka ba sa `kin?”

“Karin!”

“Isa pang sigaw, Tammiya, kukurutin na kita sa singit.”

“Eh, kasi…” Hindi ito mapakali, para bang ngingiti na tatawa na hindi maintindihan.

“Hoy. Bakit ba? Ano’ng meron at para kang pusa na hindi maihi diyan?”

“Kinikilig ako! Kinikilig ako!”

“Okay. O, `tapos?”

“Tumingin ka sa labas.”

“Ano’ng meron sa labas—” Hindi na natapos ni Karina ang sinasabi dahil itinulak na siya ni Tammy papunta sa glass window ng botique shop. Nakita niya roon kung ano ang dahilan ng ikinakikilig ng kaibigan. “Zech? Ano’ng ginagawa niya rito?”

“Papasukin natin!”

Ikinandado niya ang pinto ng botique. “Hindi `yan dito pupunta. Allergic `yan sa kasal.”

“Papunta siya rito!”

Saka lang pinagtuunan ng pansin ni Karina si Zech. Naglalakad nga papunta sa shop ang lalaki. Ewan niya kung bakit ganoon na lang ang pagkabog ng kanyang dibdib, lalo na nang magtama ang kanilang mga tingin. The memories of that night when he moved so close and teased her senses came back, and once again shook her entire system.

Shit.

“Tinotoo talaga niya ang mga sinabi niya!” sabi ni Tammy. “Alam mo bang tumawag `yan dito kahapon at hinanap ka?”

“Bakit daw?”

“Dadalawin ka nga raw niya ngayon!”

He was looking for her? Keep it together, Karina. Huwag kang mabaliw sa isang walang kuwentang lalaki na `yan. Sisirain niya ang future mo!

And that brought her back to reality. With a bang.

Masama na ang tingin ni Karina nang makarating si Zech sa kabilang panig ng glass window ng shop at sumenyas na papasok ito. Humalukipkip siya, saka sumenyas para itanong kung ano ang gusto nito. Pero ang bruhang si Tammy, hayun at binuksan ang pinto at magiliw na pinapasok si Zech.

Traidor!

“Good morning, Mr. Marquez. What can we do for you, Sir?”

“I want a bouquet of red roses,” sagot ni Zech na nakatingin kay Karina. “Good morning, Karin.”

“Good morning. Nagkamali ka yata ng pinasok. Hindi ito flower shop.” Bumalik na rin si Karina sa likod ng counter.

“Ah, eh, pasensiya ka na kay Karin, Mr. Marquez. Hindi lang `yan nakapag-breakfast kaya hindi maganda ang mood. Maupo ka na muna habang inihahanda ko ang mga bulaklak.”

Pero imbes na sa visitor’s couch maupo, sa harap ng counter table pumuwesto si Zech. “Going somewhere?” Inginuso nito ang mga gamit na inihahanda ni Karina.

“Oo. Maghahanap ng tangang babaeng papatol sa `yo.”

“Wala kang mahahanap. Walang tangang babaeng magkakagusto sa `kin. Lahat sila matalino.”

Sumimangot si Karina. “Maghanap ka na lang ng ibang kausap, Zech.”

“Ikaw lang ang puwede kong makausap dito. Your assistant is busy.”

Ang traidor na si Tammy, imbes na lumapit bitbit ang dalawang boquet of flowers na iaalay kay Zech, hayun at biglang umurong at pinagkalas-kalas uli ang mga bulaklak para may mapagkaabalahan. Busy nga raw kasi ito, sabi ni Zech.

“Wala akong panahong makipag-usap sa `yo. Marami akong trabaho.” Pasimpleng pinandilatan ni Karina ang kanyang assistant, na pasimple ring sumenyas na kausapin na lang daw niya si Zech. Traidor talaga kahit kailan .

“Kung hindi mo ako kakausapin, lalong magiging malabo ang plano mong makahanap ng lalaki na pakakasalan.”

Totoo iyon. Shit talaga. “Makikipag-usap ako sa may-ari ng kukuhanan namin ng mga bulaklak para sa kasal ng kaibigan mo. Gusto mong sumama?”

“Well, libre naman ako ngayon.” He took out his cell phone and called someone. “Cynthia, i-cancel mo ang lahat ng appointment ko ngayong araw. Ikaw na ang bahalang mag-reschedule sa mga `yan.”

“Bakit mo ika-cancel ang mga appointment mo ngayon?” tanong ni Karina nang matapos makipag-usap sa phone si Zech. “Nababaliw ka na ba?”

“No.” Nilingon ni Zech si Tammy na nakatunganga rito. “Tapos na ba ang mga `yan?”

“H-ha? Ah, eh…” Nakabuhaghag pa ang mga bulaklak na kinalas-kalas ni Tammy kanina. “Sorry, Sir. Give me a few minutes.”

“Hindi na bale. Pakibigay na lang ang mga `yan kay Karin pagbalik namin mamaya.” Bumaling naman si Zech kay Karina. “Let’s go?”

Nahihilo si Karina sa bilis ng mga pangyayari. Kanina lang, kontrolado niya ang sitwasyon sa loob ng shop. Dumating lang ang lalaking ito, nawalan na ng direksiyon ang kanyang ginagawa. Ni hindi na nga niya maalala kung bakit hawak niya ang mga papeles na iyon.

“Karin?”

“Huh?”

“Kung naka-set ka na, umalis na tayo. Kotse ko na lang ang gamitin natin.”

“Ah, oo. Sige, teka muna.” Ipinilig ni Karina nang marahan ang ulo. “Teka, bakit utos ka nang utos sa `kin? Ako ang amo rito, ah.”

Itinaas ni Zech ang mga kamay bilang tanda ng pagsuko.

Karina really hated it when he took over things just like that. Ang ikinaiinis pa niya, lagi naman siyang napapasunod. Hawak ang mga papeles na pipirmahan ng magiging supplier niya ng mga bulaklak, tumayo na rin siya at nauna sa paglabas.

Iginiya siya ni Zech sa sasakyan nito.

“Saan tayo?” tanong nito nang makasakay na sila.

Gustong magreklamo ni Karina pero na-distract siya sa kabuuan ng kotse nang makapasok doon. Ibinigay niya ang address ng pupuntahan nila habang pinagmamasdan ang loob ng sasakyan.

“Seat belt, please,” paalala ni Zech.

Automatic naman niyang ikinabit ang seat belt sa kanyang katawan, saka muling inilibot ang tingin sa kabuuan ng sasakyan.

“You like my car?”

“No.” Pinilit na lang niyang gawing normal ang reaksiyon ng paghanga sa sasakyan. Tumikhim muna siya. “Bakit mo nga pala pina-cancel ang mga appointment mo at sinamahan ako? Hindi ka ba nag-aalalang masira ang business mo?”

“No. ”

“Bakit nga?”

“I’m trying to win you over, remember? Anyway, kahit naman mawala ang isa o dalawa sa mga negosyo nang dahil dito, I could always take it back. Or just make another business venture. Hindi naman mahirap palitan ang mga nawalang negosyo.”

“Hindi ka rin mayabang, ano?”

“`Yan ba ang tingin mo sa `kin?”

“Bakit? Kailan ka ba naging humble?”

“Minsan. Hindi ko lang ipinapahalata. Nanliligaw na ba sa `yo si Lantis Nakago?”

“What?”

“He told me he’s going to court you. Nagpapaalam siya, to be exact. Akala yata niya may relasyon tayo.”

Relasyon? Silang dalawa ni Zech? Ang lalaking ito na balak sirain ang pangarap niyang magkapamilya? Tumawa siya nang malakas.

“Anyway, I told him he can’t.”

Napahinto sa pagtawa si Karina. “Ano `kamo?”

“Sinabihan ko siyang hindi ka niya puwedeng ligawan.”

“Bakit mo sinabi `yon? Talaga bang desidido ka nang sirain ang buhay ko, ha?”

“Istorbo lang siya sa mga plano ko.”

“Wala ka talagang puso at kaluluwa, Zech Marquez.”

“Kanya-kanyang diskarte lang `yan.”

“I hate you. Kung meron man akong isang bagay na nasisiguro dito sa mundo, `yon ay ang malabong magkagusto ako sa `yo.” Halos malamukos na ni Karina ang mga hawak na papeles. “Kahit kailan, hinding-hindi ako magpapaloko sa `yo. Ibaba mo ako. Hindi ko na matagalan ang pagmumukha mong lalaki ka.”

“We’re in the middle of the highway.” Kalmado ang boses ni Zech pero damang-dama ang tensiyong namamagitan sa kanila. “Kung gusto mong makulong, ako hindi.”

At wala rin namang balak si Karina na magkaroon ng police records. Kaya pinagtiyagaan na lang niya ang presensiya ni Zech Marquez. Kung bakit naman kasi naisipan pa niya itong yayaing sumama sa kanya? Ah, oo nga pala. Balak nga pala niya itong ipakilala sa magandang manager ng magiging dealer niya ng mga bulaklak.

Lord, kailan N’yo po ba aalisin sa landas ko ang herodes na ito? Please, kapag inalis N’yo na ang buwisit na ito sa buhay ko, pangako, magpapakabait na ako. Magsisimba ako linggo-linggo kung gusto Ninyo. Basta mawala lang ang lalaking ito na tinik sa lalamunan ko.

“We’re here,” anunsiyo ni Zech.

Naghihintay na sa kanila si Rinoa sa harap ng flower shop nito. Napakaganda pa rin ng babae kahit simpleng puting T-shirt at jeans lang ang suot. Ang kayumangging balat at ang mahaba at itim na buhok ay lalong nagpatingkad sa natural nitong ganda. Rinoa Evaristo looked like an Earth goddess.

Nakilala ni Karina si Rinoa sa isang wedding expo noong nakaraang buwan. Nagkapalagayan sila ng loob dahil halos magkaedad lang sila at pareho pang masyadong dedicated sa kani-kanilang trabaho at negosyo.

Sinulyapan niya si Zech. Sa tingin niya, bagay ito at si Rinoa.

Sumang-ayon ang isip niya. Medyo nag-aklas naman ang kanyang puso.

Whatever.

“Hello, Rinoa,” bati ni Karina. “Nahuli ba kami ng dating?”

“Hindi naman.” Bumaling si Rinoa sa lalaki. “Hello, Zech.”

Isang simpleng tango ang isinagot ni Zech.

“Magkakilala kayo ni Zech?” tanong ni Karina.

“Hindi. Nakita ko lang siya sa magazine ng Philippines Stats,” paliwanag ni Rinoa.

“As a billionaire boy.” Tumango si Rinoa. Nilingon ni Karina si Zech na tahimik lang na pinagmamasdan ang kabuuan ng building kung saan isa ang flowershop ni Rinoa sa mga tenant. Mukhang wala itong interes na makilala nang husto si Rinoa. Somehow, that made her a little… happy.

Say what?

“Ang mabuti pa, pumasok na tayo sa loob ng shop ko at masyadong mainit dito sa labas.” Nauna nang naglakad si Rinoa.

Maganda nga sa pakiramdam ang loob ng flower shop. Siguro dahil sa naggagandahang bulaklak na alagang-alaga ng mga assistant ni Rinoa na agad na napatunganga nang makita si Zech.

“Nasabihan ko na ang mga tauhan ko sa farm namin sa Mountain Province about Denniz’s upcoming wedding,” sabi ni Rinoa. “Ang sabi nila, handa na nga raw ang lahat. Ang kailangan na lang, ang utos ko kung dapat na ba nilang pitasin ang mga bulaklak na gagamitin para sa kasal. Para sariwa pa rin ang dating sa araw ng wedding ceremony mismo.”

“Mabuti kung gano’n.” Inilapag ni Karina ang kontrata sa mesa. “Pakipirmahan na lang dito para ma-finalize na ang lahat.”

Habang nagkakapirmahan ng kontrata, iniinspeksiyon naman ni Zech ang mga naka-display na mga bulaklak.

“Rinoa, matanong ko lang. May boyfriend ka na ba?” mahinang tanong ni Karina.

“Wala. Bakit?”

Itinuro niya si Zech. “What do you think of him? Guwapo ba?”

“Si Zech?” Sinulyapan ni Rinoa ang lalaki. “Yeah, sure. Why?”

“He’s single. And he’s looking for that special woman in his life at the moment.”

“You mean you?”

“Ako?” Hindi alam ni Karina kung bakit parang flattered pa siya na may isang taong ang tingin sa kanya ay girlfriend na ng isang Zech Marquez. “Ah, naku, hindi. Wala kaming relasyon ni Zech.”

“Wala? Sayang naman. Bagay na bagay pa naman kayo.”

“Mas bagay kayo.”

Ibinalik ni Rinoa sa kanya ang mga papeles. “Are you trying to pair me up with him?”

“Yes. I could even set up a date for the two of you.”

Ikinagulat ni Karina ang biglang pagtawa ni Rinoa. Pero mas nagulat siya nang tawagin nito si Zech na agad namang lumapit sa kanila.

“Zech, itong girlfriend mo… ano ba’ng ginawa mo at ipinagtatabuyan ka niya sa `kin? Hindi pa man kayo kasal, inaayawan ka na.”

“Ah, excuse me. Hindi kami mag-boyfriend ni Zech.”

“Yes. But don’t you like him?”

Teka, naiiba na yata ang direksiyon ng usapan. Ano ba talaga ang nangyayari?

Hinarap siya ni Zech. “Malapit ka nang ma-bingo, Karin.”

“What?”

“Rinoa and I are cousins.”

“BAKIT hindi mo sinabing magpinsan pala kayo ni Rinoa?” tanong ni Karina kay Zech nang bumibiyahe na uli sila. “Nagmukha tuloy akong tanga sa harap ninyong dalawa.”

“Hindi mo tinanong kung magkaano-ano kami.”

“Kailangan ko pa bang gawin `yon? Dapat ikaw na ang nag-initiate ng introduction.” Itinakip niya ang mga kamay sa nag-iinit pa rin niyang mukha. “Nakakahiya talaga! Reto ako nang reto sa kanya, `yon pala, magpinsan kayo.”

“Don ’t worry about it. Bale-wala lang naman `yon kay Rinoa.”

“Sa inyo sigurong dalawa, okay lang `yon. Pero sa `kin, hindi.” Napailing siya. “Anong mukha na lang ang ihaharap ko kapag nagkita uli kami ni Rinoa?”

“A beautiful one.”

A… beautiful one? Saglit na parang tumigil ang mundo ni Karina sa narinig. Kumilos naman si Zech at may kung anong inabot sa likuran ng kotse.

A beautiful long-stemmed pink tullip.

“I hope this will make you feel better.”

Wala sa sariling tinanggap niya ang bulaklak. “Ah… s-salamat…”

Tumango lang si Zech, saka tahimik na nagpatuloy sa pagmamaneho. Pero sa pagkakataong iyon, hindi nakakailang na tensiyon ang bumalot sa kanila. Para bang tahimik silang nagkaunawaan na bigyan nila ng pagkakataon ang isa’t isa sa kanilang pananahimik.

Pinagmasdan ni Karina ang tulip. Siguro itinakas lang iyon ni Zech mula sa flower shop ng pinsan nito. Ibig sabihin ba ng lahat ng iyon, may pag-asa pa silang magkasundo at magkaayos?

Ipinasok ni Zech ang kotse sa parking lot ng isang sikat na bakeshop na nadaanan nila.

“Ano’ng ginagawa natin dito?”

“I just thought you might want to try this place. They have a variety of cakes here.”

He even knew she liked cakes? “Paano mo nalaman…?”

“Ang mga cravings mo? I take notes.”