INUNAT ni Rayanne ang dalawang kamay paggising kinaumagahan. Naririnig pa rin niya ang pag-angil ng motor ng yate. Nasa dagat pa rin sila. So far, naging mahimbing ang pagtulog niya. Salamat sa kama ni Yzaak.
Napansin niya na nasa paanan ng kama ang dalawang traveling bag niya. Mukhang naplano na nga ng kanyang manager at ni Yzaak ang gagawin sa kanya. Pagkatapos mag-shower ay isang layered chiffon dress ang isinuot niya. Binili niya iyon para kay David dahil gusto sana niya itong yayain sa cruise.
Forget about David. Ang anumang plano niya rito ay nalusaw na nang tuluyan. Ang magiging focus na lang niya ay ang kanyang bakasyon.
Nang lumabas siya sa deck ay matindi na ang sikat ng araw. Nakaupo si Yzaak sa mesa na may nakahaing pagkain. Sapo nito ang ulo.
“Good morning,” bati niya sa lalaki.
“Mag-breakfast ka na,” sabi nitong hindi man lang siya nilingon. Naka-sunglasses pa habang nakatutok ang mga mata sa laptop. Back to dragon mode ito.
Pilit na sinilip ni Rayanne ang mga mata nito mula sa sunglasses. “Kumusta ang tulog mo? Masarap palang matulog sa kama mo.”
Umungol si Yzaak at tinalikuran siya. “Kumain ka na lang. Malapit na tayo sa isla.”
Habang kumakain ay namamangha siya sa iba’t ibang klaseng naggagandahang isla na nadaraanan nila. Each more beautiful than the other. Pakiramdam niya ay naglalakbay sila sa iba’t ibang klaseng paraiso.
“Wow!” sabi niyang sumubo ng oatmeal burger. “Nasaan na ba tayo?”
“Palawan. Philippine’s last frontier.”
Nababalitaan na ni Rayanne ang mga world-class resort na dinarayo ng mga turista na matatagpuan doon. Kahit isang sandbar lang siguro sa Palawan ang mapuntahan niya ay satisfied na siya. Puwede na siyang iwan doon ni Yzaak.
Tumayo ito sa railing nang matanaw ang isang isla mula sa malayo. “Doon tayo pupunta. Stallion Island Riding and Leisure Club.”
Sa malayo pa lang ay maganda na ang isla. Pero lalo siyang namangha habang palapit iyon nang palapit. Sa malayo pa lang ay tanaw na niya ang mahabang stretch ng puting buhangin at ang berdeng kabundukan. Sa tuktok niyon ay isang malaking istruktura na parang palasyo. Nang lumapit sila ay iba’t ibang mamahaling yate ang nadaanan nila. Nadaanan din nila ang naggagandahang floating cottages. “Malapit na tayo!”
Hindi maikaila ni Rayanne ang excitement na nararamdaman. Halos naikot na niya ang buong mundo bilang isang ballerina. Pero mayroong nakakaakit sa kanya sa islang iyon. Isang salita agad ang pumasok sa isip niya—paraiso.
Isang magandang pavilion na parang isang airport terminal ang binabaan nila ni Yzaak. Inilabas nito ang invitation niya galing kay Prince Rostam. Mainit na pagtanggap agad ang isinalubong sa kanya ng staff. Pero hindi agad siya nakapasok dahil kailangan pang i-process ang detalye sa pananatili niya sa Stallion Island. Nakatingin lang siya nang i-press ni Yzaak ang thumbmark nito bilang patunay na ito ang miyembrong may responsibilidad sa kanya.
Iniabot ni Yzaak ang singsing niya. “Wear this ring. Huwag mong tatanggalin. Importante ito habang nasa Stallion Island ka.”
Isinuot ni Rayanne ang singsing at ipinasok sa isang machine na mag-a-activate sa singsing na isa palang security device. Ngayon ay naintindihan na niya kung gaano katindi ang security sa Stallion Island. Bukod sa pang-akit iyon sa mga miyembrong gusto ng privacy, nasa isla rin ang prinsipe ng isang maimpluwensiyang bansa.
Inaliw niya ang sarili sa pagtanaw sa magagandang tanawin at sa mga naggagandahang mamahaling kabayo roon. “I wish I could ride one of those.”
“Well, we will ask them to dance for you as well.”
Pumalakpak siya. “You mean dressage? Horse ballet. Gusto ko iyon. Do you have your own horse? Can I ride it?”
“I have my own horse pero ayaw niya sa mga babae.”
Umingos siya. “Kasinsuplado mo pala ang kabayo mo. Mana sa iyo.”
“Mamili ka na ng gusto mong windmill,” sabi lang ni Yzaak at itinuro sa kanya ang mga windmill sa itaas ng bundok. Ang windmill ang source ng energy sa isla. Naalala niya na plano nitong ibigay sa kanya ang isa sa mga iyon.
“Hindi naman ako interesado sa windmill mo. Sa iyo na. But they are nice. Hindi lang sila magandang energy source, puwede rin silang tourist attraction.”
The idea of putting windmills on the island was ingenious.
“Habang nandito ka sa isla, wala kang poproblemahin sa press. Banned sila rito. Kahit ang mga taong ayaw mong makita, hindi rin papapasukin dito kung ayaw mo.”
Kumunot ang noo ni Rayanne. “How about David? Best friend siya ni Oliver.”
“I have the power to decline his entrance while you are here… kung ayaw mo siyang makita. Gusto mo ba siyang makita?”
Napaisip si Rayanne. Gusto ba niyang makita si David? Parang nawala na ang apoy sa puso niya mula nang malamang mahal pa nito ang dating asawa kaya hindi siya nito kayang mahalin. “Well, I don’t really care if he is around. Gutom na ako. May restaurant ba rito na makikita pa rin ang windmill?”
“Of course.” Dinala siya ni Yzaak sa Wind Café kung saan tanaw ang mga windmill. Doon ay nakahanda ang isang buffet. Naroon na rin ang mga miyembro ng Stallion Island. Wala siyang itulak-kabigin sa mga ito. Lahat ay mga guwapo.
Maging ang village lord na si Rouen Arezmendi ay naroon at tumulong sa paghahanda ng buffet para sa kanya.
“Kailangan ba talaga akong i-welcome?” tanong ni Rayanne. Ang akala niya ay magiging tahimik ang kanyang bakasyon sa isla. And be as incognito as possible.
“It is the prince’s command,” sabi ni Rouen. “Nagtalo pa sila ni Yzaak kagabi. Gusto ng Your Highness na i-welcome nang mabuti ang paborito niyang ballerina.”
“Thank you. Oliver is not here?” sabi ni Rayanne ang hinahanap ay ang best friend ni David.
“Ayaw niyang mailang ka. Alam na niyang alam mo ang sekreto ni David,” bulong nito.
“Sinabi mo sa kanya?”
Nagkibit-balikat si Yzaak. “Para alam niya kung bakit kailangan mong layuan si David. Don’t worry, hindi magtatampo si Oliver kahit wala siya rito. Basta padalhan daw natin siya ng pagkain. Masaya na iyon. At ang mga tao rito, hindi nila sasabihin sa iba na nandito ka. Cardinal rule. What you hear, what you see, what you feel, when you leave, leave it here.”
“You had it thought out. Mukhang magiging paborito ko ang lugar na ito.”
“And you know what’s the best thing? You can pig out all you want. Kain na.”
“WHERE are you? In Stallion Island feeding a horse habang nagkakagulo kami sa pag-iisip ni Arthur kung nasaan ka? Jeez! You are stressing me out, Rayanne. Baka mapaanak ako nang wala sa oras sa iyo.”
Hapon na nang natawagan ni Rayanne si Sapphire para ipaalam kung nasaan siya. “I’m okay here, Sapphire. Huwag ka nang magalit. Pinagbakasyon lang ako ni Mama Vishneya para makapagpahinga. Ilang taon na akong walang bakasyon, `di ba?”
Binabawi na niyang mali si Yzaak sa pagdadala sa kanya sa isla. Ilang oras pa lang siya roon ay recharged na siya. Wala siyang ginawa kundi kumain, matulog at mamasyal. Napakaraming magagandang features ng isla.
“At ano ang plano mo sa darating na araw?”
“Sabi ni Yzaak, maraming DVD at libro sa bahay niya. May Internet din naman. Subukan ko raw magkaroon ng Friendster at MySpace accounts for a change. Kung sino-sino na raw kasi ang gumamit ng pangalan ko at nagpapanggap na ako.” Wala siyang kaalam-alam sa Internet. Hanggang sa pagtse-check lang siya ng e-mail.
It seemed that her world had stopped. Naka-halt ang pagpirma niya ng kontrata sa Stallion shampoo. Kailangan niya iyong pag-isipan kung hindi pa siya babalik agad sa trabaho. She might advise them to look for another model. Ang mga tour niya ay ibibigay muna sa ibang ballerina. Sa dami ng nagampanan niyang repertoire, dapat din daw siyang magpahinga kahit sandali para masabik sa kanya ang mga tao. At habang wala pa siyang ibang plano, susundin muna niya ang itinerary ni Yzaak.
“Hindi ko alam na may alam sa Friendster at MySpace si Yzaak. Ang akala ko kasi, nabubuhay siya sa panahon ng Kastila. O kaya sa panahon pa ng mga datu. Mukha siyang makaluma, `tapos masungit pa.”
Nilingon ni Rayanne si Yzaak na kausap ang kabayo nito. “Hindi siya laging masungit.” Ang tao raw na kasundo ng mga kabayo ay mabuting tao. Isa pa, inaalagaan din siya ni Yzaak. He really cared for her. Under that cold and volatile exterior, he had a mushy heart. Overprotective lang ang lalaki sa mga taong gusto nitong alagaan. Kung ito ang makakasama niya, at least, alam niyang kapakanan nito ang iniisip niya. She felt safe with him.
“Baka naman ma-in love ka na riyan.”
“Ano’ng masama? Binata naman siya. Dalaga ako.”
Tao ang tingin ni Yzaak sa kanya kahit pa masungit siya rito. Hindi isang work of art.
“So hindi ko na pala aalalahanin ang pagka-brokenhearted mo kay David.”
“Kahit naman nasaktan ako, kaya ko naman ang sarili ko. Basta huwag mo na lang sabihin sa kanya kung nasaan ako.” Tama na sa kanya na kaibigan pa rin ang turing kay David. Sasanayin muna niya ang sarili roon.
“No problem. Naiintindihan naman daw niya kung ayaw mo muna siyang makita. Ang importante pagbalik mo galing sa bakasyon mo, glowing ka uli. May island boy namang mag-aalaga sa iyo kaya hindi ako nag-aalala. Enjoy, girl!”
Talaga bang iko-consider uli niya sa isang romantic relationship si Yzaak? Ang tanong, kung gugustuhin nitong maging girlfriend siya. Nagmamagandang-loob lang ito sa kanya ngayon. Hindi siya dapat maging abusada.
“Nag-aalala pa ba ang best friend mo sa iyo?” tanong ni Yzaak.
“Hindi na. Kumusta naman kayo ng girlfriend mo?”
“Winter Sleep is a gelding. He is not a mare. Hindi ko siya girlfriend.”
“Boyfriend?” nakangising tanong ni Rayanne.
Iniabot ng lalaki sa kanya ang ilang pirasong oats and grains. “Pakainin mo na lang siya para naman may silbi ka sa kanya.”
Naalarma si Rayanne. She didn’t know her way around horses. Malay ba niya kung paanong magpakain ng kabayo at makipagkaibigan doon? “Baka kagatin niya ako. Lagot ka sa akin kapag nagka-rabies ako sa kabayo mo.”
“May mga beterinaryo naman dito.”
Pinukol niya ng matalim na tingin si Yzaak. “Hindi ako kabayo. Tao ako.”
Natulala siya nang biglang ngumiti si Yzaak. She was charmed. Precious ang ngiti nito. Before she knew it, iniumang na nito ang kamay niya kay Winter’s Sleep. Kinilabutan siya nang magsimula nang kumain ang kabayo mula sa kamay niya. Hindi niya mabawi ang kamay dahil hawak ni Yzaak ang wrist niya. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib ng lalaki habang pinakikiramdaman kung kailan papapakin ni Winter’s Sleep ang kanyang kamay.
“Relax. Mukhang natutuwa naman si Winter’s Sleep sa pagpapakain mo sa kanya.”
Kumalma nga si Rayanne pero hindi inalis ang mukha sa dibdib ni Yzaak. She loved his musky smell. Pakiramdam niya ay ligtas siya roon. Binitiwan ni Yzaak ang kamay niya. Lumayo ito sa kanya at lumapit kay Winter’s Sleep. Ang kabayo ang nilambing nito. “Good boy,” sabi nito at hinaplos ang noo niyon. Gusto niyang pagbuhulin ang mag-amo. Tinakot siya ng mga ito, pagkatapos ay hindi man lang nagpasalamat sa kanya. Nilingon siya ni Yzaak. “Thank you raw sabi ni Winter’s Sleep.”
“Ewan ko sa inyong mag-amo! Muntik na akong atakihin sa inyo. Maniwala naman akong nagpapa-salamat iyan. Baka nga pinagtatawanan ninyo ako.” Lumabas siya ng stable. Hindi na nga niya nangitian ang mabait na stable master na si Chrome dahil sa sobrang inis kay Yzaak at sa kabayo nito.
Tumuloy si Rayanne sa restroom at hinugasan ang kamay. Sa susunod na takutin siya ni Yzaak, ito ang ipapangata niya sa kabayo nito.
Paglabas niya ng restroom ay nakaabang na si Yzaak sa kanya. Paglapit niya ay bigla na lang siya nitong hinalikan sa mga labi. “Thank you.”
Napahawak bigla si Rayanne sa mga labi. The kiss was too sudden.
“What is that thank-you kiss for?” Iyon yata ang pinakamagandang “thank you” na nakuha niya. Ang kaso, parang bitin. Hindi man lang niya naramdaman.
“Winter’s Sleep appreciates that you fed him. Natuwa siya.”
“Nauna pang nag-‘thank you’ ang kabayo mo sa akin.”
“Well…” Lumingon si Yzaak pabalik sa stable. “Sabi niya mag-‘thank you’ ako…”
“Sinabi ni Winter’s Sleep sa iyo na mag-‘thank you’ ka?” Di-hamak na mas matalino pa pala ang kabayo kaysa rito. Mas magaling pang mag-“thank you” kaysa sa amo.
“No. Sabi ni Chrome, dapat daw akong magpasalamat sa iyo. Baka raw nakalimutan kong mag-‘thank you’ kaya nakasimangot ka. So thank you.”
“Sige na nga. You’re welcome.”
Hinawakan ni Yzaak ang kamay niya habang pabalik sila sa villa nito sa Wind Village. May-kalayuan iyon sa Central Village kung saan naroon ang main stable pero masarap maglakad dahil maganda naman ang tanawin sa isla. Mabilis mawala ang inis niya basta nakapagpasalamat na ito. Hinalikan pa nga siya kaya bawi na ito sa kanya. She loved the people, the places and surprisingly even the horses.
“Sigurado ka na willing kang alagaan ako?” tanong niya.
“`Di pa naman ako namumulubi sa iyo. Kaya ko pa.”
Tumiyad si Rayanne at hinalikan ito sa pisngi. “It’s my turn to say ‘thank you.’ Kapag nawili ako rito, magpapaampon na ako sa iyo.”
Ngumiti lang ang mga mata ng lalaki bilang sagot. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya mananatili sa islang iyon. She would just enjoy the island and Yzaak’s company. But a part of her wished that her days in that island paradise would never end.
NAGLAKAD-LAKAD muna si Rayanne sa paligid ng Wind Village. Hindi siya puwedeng lumayo roon hangga’t hindi pa tapos ang meeting ni Yzaak sa ilang politicians na gustong magpagawa ng iba’t ibang renewable energy sources para sa nasasakupan ng mga ito. Nagsisimula na iyong maging trend dahil bukod sa mura iyon, environment-friendly pa.
Naiinip naman siya sa villa dahil nagsawa na siya sa mga DVD at libro. Gusto na niyang bumalik sa pagsasayaw. Pero hindi sapat ang space sa villa ni Yzaak. She had to move everything to have enough space to move. Napu-frustrate na siya.
Tumigil ang jeep sa tapat niya. Iyon ang karaniwang mode of transportation sa isla bukod sa mga kabayo. Sumilip si Imhan, ang girlfriend ng isa sa mga partner ni Yzaak sa RENGY Powers na si Jayden. “Rayanne, saan ka pupunta?”
Nagkibit-balikat siya. “Wala. May meeting si Yzaak.”
“Oo nga pala. Kasama niya si Jayden. Kaya nga nagpunta muna ako sa dance studio. Hip-hop dancing kasi ang workout ko.”
“May dance studio rito?”
“Oo. `Di mo ba nakita sa virtual map ni Yzaak?”
Walang alam si Rayanne na virtual map. Anuman ang gusto niyang gawin, kailangang kasama niya ang lalaki. “Wala si Yzaak. Wala akong kasama.”
“Puwede kang pumunta roon. Puwede kang sumama sa group workout o kaya, sa sarili mong dance studio. All you have to do is flash your ring.”
Nagningning ang mga mata ni Rayanne. “Ngayon na ako pupunta.”
“Gusto sana kitang samahan pero kakausapin ako ni Doc Nataniella tungkol sa pharmaceutical company ng pinsan niya. I need a new job.”
“Ako na ang bahala. Thank you, Imhan.”
Sa wakas, pagkatapos ng ilang araw na puro tulog, kain, DVD, gala at pagbabasa ay makakapagsayaw na uli siya. Iyon talaga ang pinakagusto niyang gawin.
Mabilis pa sa alas-kuwatro na inihanda niya ang duffel bag na naglalaman ng leotards, ballet shoes at music pod na may lamang classical music na gagamitin niya sa workout. Nag-iwan siya ng sulat kay Yzaak na nagsasabi kung nasaan siya. Hindi dahil nasa Stallion Island siya at masarap mag-enjoy ay tuluyan na niyang kakalimutan ang pagsasayaw. Ayaw niyang maging stiff ang kanyang mga muscle. Isa pa, kailangan niyang tunawin ang mga cholesterol na naipon sa katawan.
Sumakay si Rayanne sa jeepney. Dinala siya ng driver niyon sa Mist Village. Iyon daw ang pinakamalapit na dance studio doon dahil ang isa ay nasa kabilang bahagi pa ng isla. Pero kailangan pa niyang akyatin ang kahoy na hagdan para marating ang dance studio. Halos misty na ang paningin niya sa pagod nang marinig ang lagaslas ng tubig. Isang arrow ang nagtuturo sa kanya papunta sa Meditation Falls. Mali yata siya ng napuntahan. Pabalik na sana siya nang matanaw niya ang isang building na may Shinto style architecture at may magandang waterfalls sa background. Parang isa iyong bahay na nasa Japan. At sa palagay niya ay bagay iyon sa mga nagyo-yoga at nagme-meditate.
Kaysa naman bumalik ay sinubukan na rin niyang puntahan iyon. Mist Fusion ang pangalan ng lugar. Isang babaeng naka- yukata o summer kimono ang nakabantay sa reception. “Miss, do you have a dance studio that can cater to ballet?” Baka kung may dance studio man ang mga ito ay hindi naman para sa mga ballerina katulad niya.
“Yes, Miss Nolliedo. Do you want your own dance studio?”
“Can I have my own?” Gusto lang naman niya ay makapag-practice mag-isa. Ganoon siya kapag matagal na hindi nakapagsayaw. She wanted to dance and dance for hours so she could immerse into her own world.
“Of course. We have an available room at the moment.”
Na-excite si Rayanne nang makita ang dance studio. Tanaw sa labas ang magandang falls at ang binabagsakan niyong lagoon. Kahit yata hindi na lang siya magsayaw. Tititigan na lang niya ang magandang view. Nang iwan siya ng staff ay nagpalit siya ng damit. Isinalang niya ang music pod at sinimulan ang pagwa-warm up.
She was doing her ballet exercise when five women entered the room. Nakasuot ang mga ito ng nineteen sixties costume. Kasunod niyon ang receptionist. “Ma’am, na-late po kayo ng dating. Wala na pong bisa ang reservation ninyo. You have to wait for your turn—”
“Excuse me,” putol ng babaeng may hanggang baywang na kulot na buhok sa sinasabi ng receptionist. “Don’t you know me? I’m Merian de Vera.”
“And we are the Sirens,” sabad naman ng babaeng nasa likuran nito na halatang alalay lang ng nagpakilalang Merian. “Hindi mo ba alam kung sino kami rito?”
“Ma’am, sinusunod lang po namin ang patakaran,” katwiran ng receptionist.
Nakapamaywang na naglakad papunta sa gitna ng dance studio si Merian. “Kanino mo lang cheap na guest ibinigay ang dance studio?”
Halos lumuwa ang dibdib ng babaeng naka-neon orange na damit. “Si Rayanne Nolliedo. Hindi totoo ang tsismis na nasa isang castle sa UK siya nagbakasyon.”
“Shut up, Sassy. Hindi lang naman siya ang ballerina rito. I’m also a ballerina,” pagmamalaki ni Merian. “Nag-aral pa nga ako ng water ballet para sa movie ko, `di ba?”
“Sa Vaganova Ballet Academy siya graduate,” sabi ni Sassy.
“Sa Vagamundo Ballet Academy naman ako. Hindi nagkakalayo ang turo,” maangas na sabi ni Merian. “At di-hamak na mas sikat naman ako kaysa sa kanya dahil artista ako.”
Tumayo si Rayanne. “Aalis na lang ako.” Nandoon siya para magsayaw nang tahimik. Wala siyang plano na makipagpasikatan. Dito na ang kasikatan nito.
“Ma’am, pasensiya na po kayo,” nahihiyang sabi ng receptionist.
Ngumiti siya. “It’s okay. I will just wait for my turn.”
“Wait,” sabi ni Merian. “Puwede kang mag-stay para panoorin kung gaano kami kagaling. I’m sure you haven’t seen anything like this…”
May isinalang itong instrumental music. Todo project pa ito noong una. Ang akala niya ay may ibubuga. Pero nang magsayaw na, hindi polished ang galaw. She jumped on air and tried to do an arabesque. It was a failure. Nagpalakpakan ang mga alagad nito. They obviously knew nothing about ballet.
“Tama na.” Kapag tumagal pa ang pagsasayaw ng babae ay mapapahamak ito.
Hindi siya pinansin ni Merian. Nagpatuloy ito sa pagsasayaw. She gave her a haughty look. Parang sinasabi na naiinggit lang siya. She tried to dance on her toes as if she was on pointe. Bigla na lang itong bumagsak hawak ang binti.
Halos mabasag ang eardrums nila nang tumili si Merian. “Ahhh! Naipitan ako ng ugat.”