BINUKSAN ni Rayanne ang cap ng Stallion shampoo at ipinaamoy kay Sapphire. “Amuyin mo. Mabango siya at kasundo ito ng buhok ko. Nakausap ko na ang manager ko. We will sign the contract for Stallion shampoo commercial after my show in Manila.”
“So, ikaw na pala ang magiging bagong endorser nila. Ibig sabihin, magiging magkasingganda na tayo?” tanong nito, saka uminom ng strawberry shake.
Nasa isang restaurant sila ni Sapphire di-kalayuan sa Sining Gallery na pag-aari ni David. May dinner siya kasama ang lalaki at sasamahan siya nito sa designer niya para ito na mismo ang pumili ng gown na kanyang isusuot. Dahil kay David kaya gusto niyang magpaganda. Dahil nasa meeting pa ang lalaki, pupuntahan na lang niya ito sa gallery mamaya. Nakipagkita muna siya kay Sapphire na galing sa gallery ni David dahil artist din ito roon.
“Maganda ka. You are a Lizardo, ang sikat na clan sa Mountain Province. `Di ba, parang diyosa ka roon? Lalo lang na-enhance ang ganda mo dahil sa Stallion shampoo. Akala ko kasi dati, publicity lang nila iyon at binibili ng tao dahil sa members ng Stallion Riding Club.” Lumabi si Rayanne. “Magaganda kasi ang gown ng hipag mo. Hindi tuloy ako makapag-decide kung ano ang isusuot ko.”
“Rayanne, nakailang pili ka na ba ng gown para sa party? Kahit ano sa creation ni Jenascia, bagay sa iyo. What’s so special about it bukod sa last day ng performance mo? Kung espesyal iyon, dapat nga, nagpapahinga ka dahil may sinat ka.”
“I have a feeling that David will propose to me during the party.” Bale-wala sa kanya kung masama man ang pakiramdam niya. Si David lang ang gamot doon.
Everything had fallen into place. Una ay ang exhibit na in-organize ni David para sa kanya. Ngayon naman ay ang party para sa tagumpay ng show niya sa Pilipinas. Hindi ba at marriage proposal na ang kasunod niyon?
Mahabang sandaling hindi nakakibo si Sapphire. “We are not sure about that.”
Narinig ni Rayanne ang pag-aalinlangan sa boses nito. “Ibig sabihin, walang planong mag-propose sa akin si David?”
Bumuntong-hininga ito. “Raye, ayoko lang umasa ka sa kanya. Matagal na niyang alam na in love ka sa kanya. Ilang beses ka nang nakakita ng signs na magpo-propose siya pero hindi naman nangyayari. Iba pa rin ang nagiging girlfriend niya.”
Kulang na lang ay itanong ni Sapphire kung kailan ba siya matatauhan. Ilang beses na rin niyang muntik nang sukuan si David. She even tried to focus her attention to other men. Pero palagi rin siyang bumabalik kay David. Only David could make her feel good. Wala siyang pakialam kung naging interesado man ito sa ibang babae. Nagsasawa rin naman ito. Sa huli, sa kanya rin naman napo-focus ang atensiyon ng lalaki.
Ilang buwan nang hindi nakikipag-date sa ibang babae si David. Naka-focus lang sa gallery nito sa Manila at sa exhibit niya. Naka-focus lang ito sa kanya. Dati ay hindi ito tumatagal nang walang ibang babaeng ka-date. Iyon na ang pagkakataong hinihintay niya. She was so sure. David would propose to her soon. Very soon.
“Kung gusto mo, huwag ka nang manood ng Dying Swan show ko. Doon na lang sa party. Gusto ko, nandoon ka kapag nag-propose si David sa akin. Please.”
“Okay. I will be there.”
“Thank you.” Kumaway si Rayanne nang pumasok sa restaurant ang asawa ni Sapphire na si Arthur. “He’s here. Mukhang hahayaan ko na kayong mag-date na dalawa.”
“Hindi ka ba sasama sa amin na manood ng show ni Leonard? Akala ko ba, gusto mong mapanood ang Chinayao play nila?” tanong ni Arthur. May pinsan si Sapphire na miyembro ng Cordillera Performing Arts Group. Nagbibiyahe ang mga ito at nagpe-perform sa iba’t ibang bansa gamit ang mga katutubong sayaw at kuwento ng Cordillera.
Naging interesado si Rayanne sa kultura ng Sagada dahil isa sa mga pangarap niya ay ang i-incorporate ang ballet sa mga katutubong sayaw sa Pilipinas. But it wouldn’t be easy. Wala pa naman siyang degree para maging ballet teacher. Pero dahil in demand siya ngayon, wala siyang oras para gawin ang ibang mga plano. Isa pa, mas gusto ni David na mag-perform siya sa stage. Gusto raw nitong makita pa rin siyang sumasayaw sa stage gaya ng mga sikat at maalamat na ballerina pagtanda niya. After all, her beauty and grace were surely timeless. Siguro, magkakapanahon siya para sa ibang plano niya kapag nakuha na niya ang ultimate goal—ang makasal sa lalaking mahal niya.
“Alam mo naman iyan. Laging si David ang inuuna,” sabi ni Sapphire. “Ihahatid ka na namin sa gallery.”
Pagdating sa gallery ay sekretarya ni Maggie ang nabungaran niya. Inihahatid nito ang isa sa mga kliyente. “Tapos na ba ang meeting ni David?” Si Maggie kasi ang ka-meeting ni David. Ang alam niya ay pansamantala lang na pamamahalaan ni Maggie ang gallery dahil ito rin ang may hawak sa Pausinni Galleries sa Paris.
“Baka raw po matagalan pa sila, Ma’am.”
“It’s okay. I will just look around.” She liked Asian artists. They were so fresh due to their diverse culture. Siyempre, pinakamagaling ang mga Filipino.
Iniisa-isa ni Rayanne ang mga pottery display na may hand painting na gawa ng mag-asawang Sapphire at Arthur nang lumabas sina David at Maggie mula sa opisina ng huli. Sa ekspresyon ng mukha ng mga ito, mukhang hindi pa tapos ang meeting.
Nagulat pa si David nang makita siya. “Hello, princess!” bati nito, saka humalik sa pisngi niya. “Tumawag na sa iyo ang assistant ko kanina.”
“Hindi puwedeng hindi tayo matuloy. Magtatampo ako.” Nakangiting bumaling siya kay Maggie. “`Meeting’s over?”
“Not yet. We are supposed to discuss it over dinner,” sabi ni Maggie. “Pero kung may lakad kayo ni Boss, I must be going then.”
“No. Hindi puwedeng ipagpaliban ang pag-uusapan namin,” mariing sabi sa kanya ni David.
“Pero paano ang preparation ko para sa engagement party natin?” bigla niyang nasabi. Mababakas ang pagkagulat sa mukha ng lalaki.
“Ie-engage na kayo?” gulat na sabi ni Maggie. “Wow! Congrats!”
“No!” biglang tutol ni David. “Maggie, can you wait for me? I just need to discuss a few things with Rayanne. I’ll just borrow your office.”
Tumango lang si Maggie. Pinasunod siya ni David sa opisina. Malakas ang kaba sa dibdib niya. Noon lang niya nakitang hindi ngumiti si David. Galit ba ito sa kanya?
“I’m sorry. Hindi ko sinasadyang banggitin sa iyo ang engagement party…”
“What engagement party?” tanong ni David.
Of course, he would deny it. Hindi kasi inaasahan na mape-preempt ang sorpresa nito. “Siguro, akala mo, hindi ko napapansin na lahat ng ginagawa mo para sa akin recently ay dahil malapit ka nang mag-propose. The exhibit, the party… I should have pretended that I’m not aware.” Pero ano ang magagawa niya kung na-excite siya?
“Rayanne, wala akong planong mag-propose. That party is meant to celebrate your tenth year as a part of Mariinsky Ballet. And the Stallion shampoo wants to welcome you as their endorser. That’s just it. It has nothing to do with us.”
So he didn’t want to steal the spotlight. “Kailan ka magpo-propose?” Kahit kailan ay okay lang sa kanya. Kahit doon din sa opisinang iyon. She didn’t care. Ang gusto lang niya ay marinig na mahal siya ni David.
“Wala iyan sa plano ko,” mahinang sabi nito.
Parang binuhusan si Rayanne ng nagyeyelong tubig sa spinal cord. Paanong wala itong planong magpakasal? Well, he may be a playboy. Pero magbabago iyon kapag nagmahal ito. “Am I not woman enough for you? `Di mo ba ako mahal?”
“I love you, Rayanne. I love the way you move on stage and seduce the audience with your innocence.” Hinaplos nito ang buhok niya. “You are a living work of art.”
“Hindi iyan ang sagot na gusto ko.” She didn’t want to be the romantic princess of ballet or a living work of art. She wanted to be his woman. “Mahal mo ba ako? Do you see me as your girlfriend or your wife someday?”
Direktang tiningnan siya ni David sa mga mata. And she had never seen David so serious all her life. Kahit ang ngiti sa mga mata nito ay naglaho rin.
“No. I was married once and I won’t do it again.”
MINSAN nang ikinasal si David? It was unheard of. Kahit sa gossip magazines tungkol dito ay walang naibalita tungkol doon. Pilit na ngumiti si Rayanne. Inintindi niya ang kalagayan nito. “It’s okay. Siguro, hindi maganda ang nangyari sa pagsasama ninyo. It turned bad. We’ll do it right, David,” sabi niya sa magaang boses.
Hindi siya magpapatalo sa anumang gumugulo sa isip ni David. Siya ang babae para dito. Ang magtatama ng mali sa buhay nito gaya nang itama nito ang mali sa buhay niya.
“There’s nothing you can do about it.” He stared at her with eyes full of sorrow. “I still love her. I can’t love you the way you want me to.”
Naestatwa si Rayanne nang marinig ang sagot ng lalaki. Hindi iyon ang sagot na inaasahan niya kapag tinanong niya kung mahal siya nito. In her dreams, she always envisioned him answering “yes” and telling her that she was the woman of his dreams. Not the work of art but the woman he wanted to spend the rest of his life with. Pero hindi niya nakuha ang sagot na gusto niya. May iba na itong mahal at hindi niya mapapalitan ang babaeng iyon sa buhay nito.
“I-I don’t believe you. Ang dami mong naging girlfriend. It’s not even in the news.”
Ginagamit lang ba ni David ang babaeng naging “asawa” nito para walang mag-trap dito sa kasal? Was David so slimy to use that lowly tactic?
“It’s a secret that only few people know about. Kahit si Sapphire, hindi alam. Sinasabi ko ito sa iyo dahil kaibigan kita. And those women, I only use them to camouflage my real feelings. Na nasasaktan ako at `di ko makalimutan ang asawa ko.” Asawa pa rin ang tawag nito sa babaeng iyon hanggang ngayon. How pathetic.
“Masuwerte pala ang mga babaeng iyon kung ganoon,” sarkastikong sabi niya. “Kahit paano, kaya mong magpanggap na makakalimutan mo ang dati mong asawa sa pamamagitan nila.”
“Don’t make this harder for yourself, Rayanne. Kaibigan kita. Hindi kita magagawang gamitin. And I have so much respect for you as a friend and as an artist.”
She was more pathetic. Kahit ang pagkukunwari ni David ay hindi niya naranasan. He told her right away that he was not a bit attracted to her. Isa lang siyang art object dito.
Gustong mag-hysteria ni Rayanne. Gusto niyang sampalin ito para maramdaman din nito ang sakit na nararamdaman niya. Parang hinihiwa ang kanyang puso.
“I loved you all this time, David. Nagmukha akong tanga habang ipinaparada mo sa harap ko ang babae mo. But I didn’t care because I was a fool to keep loving you. Pero masisisi mo ba ako? You’ve been treating me so kindly. Kung ayaw mo sa akin, noon mo pa sana ako itinaboy.”
Sadya bang wala siyang isip? She never heard from him that he was in love with her. Mabait ito sa kanya pero tuwing magkasama sila, ang palagi namang bukambibig ay tungkol sa ballet. Ang akala niya ay natural lang iyon sa isang lalaki na proud sa babaeng gusto nito. Kasalanan ba niyang umasa? Masyado itong malambing sa kanya. Kapag nagpe-perform siya ng ballet, nasa kanya lang ang mga mata nito. She felt so special whenever he told everyone how great she was.
Ipinamulsa ni David ang isang kamay. “Siguro nga, kasalanan ko. I sent the wrong signal. Sana nga, hindi na lang ako naging mabait sa iyo. Sana, hindi kita kinaibigan. I’m sorry.”
Halos bumaon ang kuko ni Rayanne sa balat nang ikuyom niya ang kamay. Ayaw na niyang maramdaman ang sakit. Ayaw niyang magmukhang mahina sa paningin ng lahat. Sinabi na sa kanya ni Sapphire na huwag siyang umasa. Alam na siguro nito na wala siyang aasahan kay David. Siya lang ang matigas ang ulo. He was married. Hindi siya nito nakikita bilang babae. Isa lang siyang work of art. Parang hindi siya tao.
“Sorry? Ilang taon kitang minahal. When you told me that you love me whenever I’m on stage and I make you happy, ginagawa ko iyon dahil gusto kong mahalin mo ako. ‘Sorry’ lang pala ang masasabi mo sa pagmamahal ko.”
Tumingala si Rayanne at tumawa nang pagak. Pinagtatawanan na siguro siya ng buong mundo. Makikitawa na lang siya sa kabiguan niya. Naramdaman niya ang pangingilid ng luha sa mga mata. Ilang sandali pa ay tumulo iyon sa kanyang pisngi.
“Rayanne, don’t make this hard for me. I don’t want to hurt you.”
“You already did.” Malaya nang umagos ang luha niya pero wala siyang pakialam kahit dugo na ang iniluluha niya. “I’m just a work of art. A dancing doll. That is hardly a compliment, David. I won’t be your art object anymore.”
Tinalikuran na niya ito at nagtatakbo siya palabas ng opisina. Muntik pa niyang mabangga si Maggie. “Rayanne, ano’ng nangyari…”
Hindi niya pinansin ang babae. Gusto lang niyang makatakas at makalayo.
Masyadong masakit. Maiintindihan naman niya kung mahal pa ni David ang dating asawa. Pero sana ay tinrato siya nito bilang tao na may damdamin. All he cared about was her art, her dance. Siguro nga ay parang isa siyang mamahaling babasaging dancing doll, kahanay lang ng mga pinakaiingatan nitong art pieces sa gallery nito.
She was just that—Rayanne Nolliedo, the romantic princess of ballet. Created for dance, not for love.
Gulong-gulo ang kanyang isip. Lakad-takbo ang ginawa niya sa kalsada. Wala siyang pakialam sa mga taong nakakasalubong niya o sa mga nakakasabay. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Ni hindi nga niya mahanap maging ang sarili. Lahat ng paghihirap at pangarap niya ay naglahong parang bula. She felt like she was the most worthless creature. She was breathing for nothing. She was lost.
Mayamaya ay isang malakas na busina ang narinig ni Rayanne. Nang lumingon siya ay isang itim na sasakyan ang nakita niyang paparating. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Naramdaman niyang nawala ang bigat ng kanyang katawan, pagkatapos ay nagdilim ang paligid.
PARANG lumulutang si Rayanne nang idilat niya ang mga mata. Bumungad agad sa kanya ang rococo at baroque style na kuwarto. Parang ginto iyon at dahil sa mga painting at frescos na nasa silid ay parang nasa isang palasyo siya sa Russia. Natagpuan din niya ang sarili na nakahiga sa four-poster bed.
Hindi niya alam kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Ang huli niyang natatandaan ay malapit na siyang masagaan ng isang paparating na sasakyan pagkatapos sabihin ni David na hindi siya mahal nito. Patay na ba siya? O baka naman bumalik siya sa dating panahon para mabuhay bilang isang Russian princess. Iyon ba ang paraan niya ng pagtakas para makalayo sa lalaking hindi siya kayang mahalin?
Bumangon si Rayanne para tingnan ang paligid. Bahagya pa rin siyang nahihilo kaya dahan-dahan siyang bumaba ng kama. Even the carpet was soft and intricately designed. Pero nasaan nga ba siya? Bubuksan sana niya ang kurtina nang may marinig na pag-uusap sa labas ng kuwarto.
“She’s tired. She needs total rest. Mukhang napagod siya nang sobra dahil sa rehearsals niya. If she wants to perform the next day, she needs to rest until tomorrow. And you have to make sure that she gets total rest.”
Kumunot ang noo niya nang marinig ang isang hindi pamilyar na boses. Bumagsak ang pag-asa niya na isa siyang prinsesa noong unang panahon. She was back to being a ballerina. So famous and successful but so alone. Walang nagmamahal.
“That’s all? She needs to take a rest?”
Boses iyon ni Yzaak. Bakit nandoon si Yzaak? Sumilip siya sa pinto. Nakilala agad niya ang interior ng condo nito. May kausap itong matandang nakasalamin. Sa palagay niya ay doktor iyon.
“Hindi siya nasagasaan. She lost consciousness because of shock maybe. At matindi ang physical exertion na naranasan niya.”
“Isn’t she pregnant?” may kahinaang tanong ni Yzaak.
Pregnant? Paano naman naisip ni Yzaak na buntis siya? Ang natatandaan nga niya ay puro polite kisses lang ang ibinigay ni David sa kanya.
Bumagsak na naman ang confidence level ni Rayanne. Habang ang karamihan ng lalaki ay nagkakandarapa na maangkin siya, si David naman ay hanggang halik sa noo at pisngi lang ang naibigay sa kanya. Samantalang ang ibang babae ay inaalok agad nito ng date. Ganoon ba siya kapangit para ayawan nito?
Napaupo siya sa sahig at napaiyak. She didn’t want to live like this. Parang wala siyang karapatan na mahalin. May nagawa ba siyang mali?
Hindi siya nag-angat ng tingin nang bumukas ang pinto. “Rayanne,” tawag sa kanya ni Yzaak. Lumapit ito at hinawi ang buhok niyang nakasabog sa kanyang mukha. “What are you doing? You should be resting.”
Pumihit si Rayanne patalikod dito, saka siya nag-angat ng tingin at pinahid ang luha. “A-ano’ng ginagawa ko rito?”
“You collapsed in front of my car. Muntik na nga kitang masagasaan. Dinala kita sa ospital pero wala ka namang injury. So I decided to take you to my condo instead. Ang sabi ng doktor na tumingin sa iyo, kailangan mo lang magpahinga. And thank God you are not pregnant.”
“Of course, I’m not.”
“Bakit parang wala ka sa sarili mo kanina? Ni hindi mo nakita ang traffic light na naka-‘go.’ Magpapakamatay ka na ba?” tanong nito sa mataas na boses.
“Ano naman sa iyo kung magpapakamatay nga ako o mamatay man ako?” Tumayo siya at hinagilap ang sapatos. Katulad lang ni Yzaak si David. Wala rin itong pakialam sa kanya. “Where are my shoes?”
Nakita ni Rayanne ang doll shoes na nakapatong sa shoe rack. Palapit siya roon nang harangan ni Yzaak. “Why are you using that tone, Rayanne? Of course, I care for you. Paano kung nadisgrasya ka? Makukulong pa ako.”
Tinapik niya ang pisngi nito. “Don’t worry, Yzaak. Kahit makulong ka, marami pa ring dadalaw sa iyong babae. Maraming nagmamahal sa iyo.”
Nangilid uli ang luha sa mga mata niya. Kung nasagasaan ba siya, may lalaki bang mag-aalaga at magmamahal sa kanya? Wala.
Akmang dadamputin ni Rayanne ang doll shoes niya pero pinigilan ng lalaki ang kanyang kamay. “Hindi ka puwedeng umalis dito. You are worn out from your hectic schedule. At kailangan mong kumain. Ang advice ng doktor, kailangan mong magpahinga hanggang bukas ng tanghali kung gusto mong makapag-perform.”
Ngumiti siya nang mapait. “Oh, yes. Malaking kawalan nga naman sa mundo ng ballet kung mawawala ako. Iyon lang naman ang mahalaga sa lahat ng tao, `di ba?”
Napapasaya nga niya ang mga tao pero hindi niya magawang pasayahin ang sarili. Samantalang ang gusto lang naman niya ay may lalaking magmahal sa kanya.
“What’s eating you?”
“David prepared a party for me. Inaasahan ko na magpo-propose siya sa akin.” Hinawi niya ang kurtina at tinanaw ang hagupit ng malakas na ulan sa labas. “Nang magkita kami kanina, nadulas ang dila ko. Nabanggit ko ang tungkol sa pagpo-propose niya. Sabi niya, imposible iyon. Wala siyang balak magpakasal. Tinanong ko siya kung mahal niya ako. He said ‘yes.’”
“May nagmamahal bang hindi makapag-commit?”
Tumango si Rayanne. “Yes. David is committed to the world of art. He loves me whenever I’m on stage.” Naikuyom niya ang kamay at idinikit ang noo sa malamig na salamin. “He never saw me as a woman. Isa lang akong buhay na art object. That I dance to please people. Hindi ba ako karapat-dapat mahalin? All these years, pinaasa lang niya ako sa wala.”
Ang lahat ng taon at pagmamahal na nasayang niya ay dumaan sa harap niya. Maging ang kanyang mga pangarap ay nawasak din sa harap niya. Naramdaman niya ang panghihina ng katawan. Habol niya ang paghinga. Ang akala niya ay gagaling siya kapag nakita si David. It only made her feelings worse.
Muntik nang bumigay ang mga tuhod niya pero maagap siyang nasalo ni Yzaak. “Damn it! Sinabi ko na sa iyong mahina ka pa. Magpapadala ako ng pagkain.”
Pilit siyang bumangon. “Ayokong kumain.”
Hinawakan nito ang magkabilang balikat niya. “Kung gusto mong makaalis dito, kailangan mong kumain para matakasan ako. How about that for a dare?”
Handa si Rayanne na itulak si Yzaak para makatakas nang maramdaman niya kung gaano ito kalapit. Its effect came rushing at her. She smelled his cologne. She wanted to slide her hand against his warm body. His proximity made her weak. No. She wouldn’t dare mess up with him. Baka lalo pa siyang mapasama.
“Kakain na ako,” mahinang pagsang-ayon niya.