noveltoon logo noveltoon
Yzaak Argoncillo (Stallion island 3)

Chapter 6

Ch. 6 / 10 Nov 28, 2025

KUMALAM ang sikmura ni Rayanne nang maamoy ang mabangong mushroom soup at corn muffin. Hindi pa naman siya nagpapalipas ng gutom. Kahit gusto niyang magrebelde, tiyak na magwewelga ang sikmura niya.

Tahimik siyang sumubo habang nakabantay si Yzaak sa kanya. He was worse than the Russian army. “Hindi ako tatakas,” sabi niya. “Mahina pa ako.” Mag-iipon pa siya ng lakas dahil tiyak na hindi siya makakaalis ng condo nito hangga’t hindi nito natitiyak na magaling na siya.

“`Buti naman, alam mo. Kinausap ko ang manager mo. Si Miss Vishneya. Sabi ko, kapag hindi ka gumaling, ika-cancel ang concert mo.”

“Are you crazy?” tanong niya, saka iniumang sa mga labi ang kutsara ng soup. “Alam mo ba kung gaano kaimportante ang show na iyon? Everyone’s waiting for it. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag hindi natuloy ang show?”

“That you have to take a rest. Tao ka lang.”

“No. I’m a dancing doll. Kailangan kong magsayaw para sa kanila. It’s what I live and breathe for. I must be cursed.”

“Dahil lang sa isang lalaki…”

“It’s not just David. Pati si Sylvette at ikaw, nawala sa akin,” mahinang sabi niya, saka marahang isinubo ang muffin. Parang ang lahat ng malalapit sa kanya na may kinalaman sa success niya bilang ballerina ay nawawala. Sa huli, ang pagsasayaw na lang niya ang maiiwan sa kanya.

“Hindi ako nawala sa iyo. Nandito lang ako.”

“But you hate me. You thought I killed Sylvette.” Malungkot na ngumiti si Rayanne. “Well, that’s old history. You don’t really have to bother with me. Kung magsayaw man ako nang may sakit o mamatay man ako, ano ba sa iyo?”

“If I really hate you, baka hinayaan na lang kita roon sa kalsada nang walang malay at inaapoy ng lagnat. Sa ating dalawa, ikaw yata ang mas galit sa sarili mo kaysa galit ako sa iyo. Hindi ka nag-iisip.”

Tumalikod si Yzaak at pumasok sa bathroom. Talaga bang gusto niyang patayin ang sarili? Hindi nga ba siya nag-iisip? Ano ang magagawa niya? She was brokenhearted. Gusto niyang ituon na lang ang kanyang atensiyon sa pagsasayaw. Iyon lang naman ang bumubuhay sa kanya. Iyon lang ang alam niyang gawin.

Susubo pa sana si Rayanne ng mushroom soup pero ubos na pala iyon. Hindi pa rin lumalabas si Yzaak. Nag-alala na siya. “Yzaak, ubos na ang pagkain ko! Bakit ba nagkukulong ka riyan?” pasigaw na tanong niya. “Okay. I’m sorry. I shouldn’t have said those stupid words. Inaalagaan mo ako. Thank you! I will be good. Naubos ko na ang pagkain ko. Uuwi na ako.”

Wala siyang narinig na sagot mula rito. Hindi siguro matagalan ni Yzaak ang presence niya sa bahay nito. Baka dala lang ng kabutihan ng puso ng lalaki kaya inalagaan siya. Kahit siguro nasagasaang pusa ay aalagaan nito.

Biglang bumukas ang pinto. Pumasok si Yzaak na bitbit ang medicine box. “You are not going anywhere. Gusto kong makita ang paa mo.”

Tiningnan ni Rayanne ang mga paa niyang nakabenda. “Ano’ng problema sa paa ko?”

Bago pa siya maka-react ay tinanggal na nito ang benda sa kanyang paa. Nakita nito ang mga paa niyang puro kalyo at sugat. “Hindi ba ito problema?”

“Normal lang iyan sa ballerina.” Ano naman kung magkasugat ang mga paa niya?

“May rehearsal ka kanina. You’ve been on pointe for so long.” Pumalatak si Yzaak nang tanggalin pati ang benda sa kabila niyang paa. Pinindot nito ang button ng intercom. “Bring me a basin of warm water and Epsom salt.” Kinalkal din ng lalaki ang medicine box. Naglabas din ng medicated balm at foot balm.

Nang pumasok ang kasambahay dala ang palanggana ng mainit na tubig ay nilagyan ni Yzaak ng Epsom salt iyon. “Ano’ng ginagawa mo?” tanong niya.

Inalalayan nito ang mga paa niya, saka ibinabad sa tubig. “Huwag mong aalisin iyan!”

She let out a growl. Nakaka-relax sa pagod niyang mga paa ang mainit na tubig. Iyon din ang ginagawa niya pagkatapos ng training para maalagaan ang mga paa. Kinalimutan na rin niya ang pagtutol. A while ago, she was in hell. Pero ngayon ay parang nasa langit na siya. “This is good.”

“Ballet on pointe is one of the most graceful and beautiful forms of dance. Good foot care after being on pointe should be given high priority as a dancer.”

Humiga si Rayanne sa kama at hinayaan lang na nakababad ang mga paa niya. Gusto na lang niyang magpahinga gaya ng mga paa. Pagod na ang puso niya, pagod pa ang kanyang katawan. That would be great. Then she could forget about the world. Napapitlag siya nang punasan ni Yzaak ng malambot na towel ang mga paa niya. “What are you…”

Maingat na nilagyan ng lalaki ng antiseptic ang kanyang sugat. “To prevent infection,” sagot agad nito kahit hindi pa tapos ang tanong niya.

She sighed deeply. The way he caressed her foot was so sensual and so seductive. Ni minsan ay hindi niya naisip na magagawa siyang alagaan ni Yzaak sa ganoong paraan. David treated her to the best spa. Pero ni minsan ay hindi ito nagprisinta para alagaan siya.

Napahawak si Rayanne nang mahigpit sa bedsheet. Hindi siya dapat magpadala sa nararamdaman. David had just torn her heart into pieces. At hindi niya dapat kalimutan na si Yzaak din ang unang nanakit sa puso niya. Parang wala siyang kadala-dala kung magpapaakit siya rito dahil lang inaalagaan nito ang mga paa niya.

“Bakit alam mong ganito i-treat ang mga paa namin?” tanong niya. “Gusto mo bang magpatayo ng spa and massage parlor?”

Direktang tiningnan siya ni Yzaak sa mga mata. “Pinag-aralan ko kung paano aalagaan si Sylvette noon. Pero ayaw niyang magpaalaga sa akin. Hindi na raw siya bata.” Malungkot na ngumiti ito. “At least, nagamit ko pa rin.”

Mahal talaga nito si Sylvette. Kung hindi siguro niya in-encourage si Sylvette na mag-ballet, baka buhay pa rin ito hanggang ngayon, nanonood habang nasa stage siya. Sana, kasama pa rin nito ang pamilya nito.

Pero bakit inaalagaan pa rin siya ni Yzaak? It was too much. He was taking care of her as if she was special. It was not fair. She didn’t deserve it.

Naramdaman Rayanne ang pagpatak ng luha. Mabilis na pinahid niya iyon. May babala sa mga mata ng lalaki nang tingnan siya. “Huwag mong sabihin na iniiyakan mo na naman si Pausinni? Maraming m agkakagustong lalaki sa iyo. Kung isasama kita sa Stallion Island…”

“Hindi naman iyon ang iniiyakan ko. Wala pang gumagawa sa akin ng pag-aalaga na katulad ng ginawa mo. Thank you.”

“I’m in a generous mood at the moment. Feeling better?”

Tumango si Rayanne. “I will go back to the hotel and call my manager.”

Wala siyang balak bumalik sa nakaraan. Sina David at Yzaak ay bahagi ng nakaraan.

“Take a rest and stay here. Ako ang kakausap sa kanya. I will tell her you are here.”

“Baka ipa-cancel mo ang show ko…”

“Hindi ko ipapa-cancel iyon kung magpapagaling ka.” Dinuro nito ang dulo ng ilong niya. “So don’t do anything stupid.”

Humiga si Rayanne at pumikit nang patayin nito ang ilaw. She really wanted to dance. Parang iyon na lang ang natitira sa kanya. Kung gusto niyang makapagsayaw uli, kailangan niyang sundin si Yzaak.

PUMAILANLANG ang cello solo sa musika ni Camille Saint-Saens sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines. Tumutok ang spotlight sa gitna ng stage. Naroon si Rayanne. She was wearing a white ballerina dress with feathers. Para siyang swan habang nagga-glide sa gitna ng stage. Siya ang huling mapapatay sa mga hayop sa circus ayon sa istorya. Para sa kanya, baka iyon na ang huling performance niya. She moved across the floor in tiny bourrées. Parang may hindi nakikitang puwersa sa bawat galaw niya habang kumakampay ang kanyang mga kamay.

Nang pumailanlang ang putok ng baril ay bumagsak si Rayanne. Nalulunod siya habang tinatangay ng agos. Sinusubukan niyang lumaban. Iyon mismo ang pakiramdam niya. Isang swan na tinatangay ng agos habang sugatan. Sinusubukan niyang sagipin kung ano pa ang natitira sa sarili. At ang huling gabi na lang na iyon ang natitira sa kanya sa mundo ng ballet.

Ipinapakita sa sayaw na iyon ang isang mahinang nilalang sa isang madamdaming paghihirap bago ang kamatayan nito. Ipinapakita roon hindi lang ang kahinaan kundi maging ang paglaban habang hinaharap ang kamatayan… na lumaban hanggang sa huling hininga.

Parang siya ang swan na iyon. She should be graceful until her last breath. That was how a true ballerina should be.

Umulan ng masigabong palakpakan nang muling tumutok kay Rayanne ang spotlight at tumayo siya. Kung malabo ang kanyang mga mata, natitiyak niyang nakikita niya ang luha sa mga mata ng audience. Yumukod siya. Hindi niya alam kung saan galing ang pride na nararamdaman. Maybe because she danced for herself and not for David’s love. At anumang emosyon ang ipinakita niya, nanggagaling iyon sa puso.

Niyakap siya ng choreographer niya. May luha sa mga mata nito. “That’s the best performance I’ve seen ever. You are the perfect swan and the best ballerina I ever worked with,” bulong nito sa kanya sa salitang Russian. Nagpasalamat siya sa choreographer. Madalang itong magbigay ng compliment lalo na sa Dying Swan na napakaemosyonal sayawin.

Niyakap siya ng manager niyang si Vishneya. “Great, loobemaya! The dance critics are crying their hearts out on that performance. That’s your best!”

“Thank you!” pasasalamat ni Rayanne, saka tinanggal ang swan headdress.

Nang humarap na sa salamin, alam niyang malaki ang accomplishment niya nang gabing iyon. And she didn’t have David in mind. It was just her and her audience. Mula sa mga sandaling iyon, sa sayaw na lang niya itutuon ang kanyang atensiyon.

Tinulungan siya ni Vishneya na hubarin ang swan headdress niya. Kinalag nito ang ponytail niya at sinuklay ang kanyang buhok. “You still have a fever. You should take a rest. You don’t have to attend that party.”

“I must. I must face David. I must face them,” sabi niya at pilit na ngumiti. Nasabi na niya sa manager na walang mangyayaring marriage proposal mula kay David at kung gaano katinding sakit ang kanyang nararamdaman.

Tipid na ngumiti si Vishneya at niyakap siya. Wala itong magagawa kapag siya ang nagdesisyon. Gusto man siya nitong protektahan, kailangan niyang harapin ang lahat.

Nagulat si Rayanne paglabas dahil walang press na naghihintay sa kanya. Isa iyong himala. Inihahanda na niya ang sarili sa pagharap sa mga ito dahil tiyak na dudumugin siya. Iintrigahin ang susunod na mangyayari sa relasyon nila ni David at tiyak na ang malalapit sa kanila ay aabangan ang “proposal” nito na iniilusyon niya.

Handa siyang harapin ang lahat ng mangyayari sa gabing iyon. At para na rin sa ikatatahimik ni David, ibibigay niya ito sa babaeng mahal nito. Sasabihin niya sa lahat na mabuti lang silang magkaibigan. At ilalatag niya ang santambak na tours na magmamarka sa career niya pati ang pagiging model ng Stallion shampoo.

“We sent the press ahead to the party. We asked them to wait for you there,” sabi ni Vishneya nang makita ang pagtataka sa mukha niya. “Get in the car.”

“You are not coming with me?”

Hinawakan nito ang kamay niya at tinapik. “I’ll be at the other car. I have a date.” Isang Russian diplomat ang naghihintay rito.

Mabuti pa ang manager niya, may love life. Ganoon din ba ang mangyayari sa kanya? Aabutin ba siya nang siyam-siyam bago makahanap ng lalaking magmamahal sa kanya? O buong buhay niya ay uubusin niya sa ballet?

Inaliw ni Rayanne ang sarili sa linya ng mga yate na nadadaanan niya sa gilid ng Manila Bay nang ipasok ang sasakyan sa vicinity ng Manila Yacht Club.

Tinapik niya ang driver. “Kuya, sa Manila Hotel po tayo.”

“May gusto lang pong makipag-usap sa inyo.”

Nanlamig ang mga kamay niya. Paano kung kidnap-in siya? O kaya ay ipakain nang buhay sa mga pating kung mayroon mang may galit sa kanya? Hindi niya alam kung paano lalaban dito habang suot niya ang magandang gown. Kinapa niya ang cell phone. Tatawag na sana siya sa manager niya nang tumigil ang kotse at tumutok ang headlights ni yon sa isang lalaking nakatayo sa harap ng sasakyan.

Saglit na tumigil ang puso niya sa pagtibok nang makita si Yzaak. Bumaba siya bago pa man siya nito mapagbuksan ng pinto. He looked dashing in his black suit. Even his slightly long hair was in place. Hindi iyon tinatangay ng hangin.

“Hi! I’m sorry for the inconvenience. Hindi na ako makakapunta sa party kaya naisip ko na i-check ka bago pumunta roon.”

“I-I’m fine.” Hindi na lang niya sinabi na may bahagya pa siyang lagnat dahil tiyak na papagalitan siya nito. Kinaumagahan ay sinundo siya ni Vishneya sa bahay ni Yzaak at ibinalik sa hotel. Pero tiniyak ni Yzaak na may doktor na titingin sa kanya. She even asked him to come to her show but he just grimaced. She took it as a “no.” Wala talaga itong hilig sa ballet. “You look good,” bigla na lang niyang nasabi.

Biglang nailang si Yzaak at hindi agad nakapagsalita. Ayaw nga pala nito ang napupuri. “I want us to talk. Six years tayong hindi nagkausap tungkol kay Sylvette.”

Hindi inaasahan ni Rayanne na bubuksan nito ang topic na iyon. Na ito pa mismo ang lalapit sa kanya para pag-usapan iyon. Ang akala nga niya ay dadalhin na lang nito sa hukay ang hinanakit sa kanya. May naghihintay sa kanyang party, but it could wait. Ang pagkakataong ibinibigay ni Yzaak sa kanya ay hindi na mauulit pa.

“Dito tayo mag-uusap?”

Inilahad nito ang kamay. “The yacht is waiting. It will provide us privacy.”

Tinanggap niya ang kamay ng lalaki at inalalayan siya nito pasakay sa yacht. May nakalatag na blanket at naglalakihang unan sa deck. May nakahanda na ring champagne na nakababad pa sa ice bucket. It was nostalgic. Nang mag-graduate siya sa Vaganova Academy at papasok na sa Mariinsky Ballet ay naghanda rin si Yzaak ng midnight picnic bago siya bumalik sa Russia. Baka kasi iyon daw ang huling pagkakataon niya na kumain ng chicharon.

“Kakain ba tayo ng chicharon?” tanong niya na hinubad ang high-heeled shoes.

“No. Vishneya would kill me. I hope champagne is fine.”

“Bordeaux Champagne is perfectly fine with me.” Ni hindi siya tumutol nang umandar ang yate palayo sa pantalan. It gave her a sense of comfort even for a while, bago man lang siya pugutan ng ulo. Tumingala siya sa langit pagkatapos sumimsim ng champagne. “Second best ito sa chicharon pagkatapos ng nakakapagod na performance.”

“You did a moving performance and you look fabulous in that swan costume.”

Ini-adjust ni Rayanne ang sarili sa cushion. “Nanood ka?”

“Yes. Naawa ako sa swan. Iyak nang iyak si Mama. Ngayon lang uli ako nakanood ng show mo pero parang gusto kong mahilig sa classical ballet.”

“That is not you, Yzaak but thank you. Para sa isang tulad ko, malaking achievement nang ma-appreciate ang ballet ng isang taong walang hilig dito.”

“I know Sylvette is happy for you. Gusto rin ni Mama na maging masaya ka.”

Inubos niya ang champagne sa kopita at pinasalinan uli rito. “Tell me. Paano ako sasaya? Ipokrita ako kung sasabihin kong masaya na akong habang-buhay na lang na mag-ballet. I’m just making the most out of it. I don’t think magmamahal pa uli ako. Ang mga minamahal ko, nawawala rin sa akin o `di ako kayang mahalin.”

Kahit pinipilit niyang lumaban, katulad lang siya ng swan sa play ballet. Sa huli ay napilitan din itong magpatangay sa agos.

“You just need to take a rest. Get away for a while.”

“Bakasyon? Lalo ko lang maiisip kung gaano ako kamiserable. At least sa ballet, nararamdaman ko na may silbi ako kahit dancing doll lang ako.” Tumayo siya at hinaplos ang gown. “Thanks for the champagne and for watching my show. Kailangan ko nang pumunta sa party. Pakibalik na ako sa dock.”

Pagtakas ang huling bagay na gagawin ni Rayanne. Mababaliw siya kung hindi siya makakapagsayaw. Doon na lang niya ibubuhos ang kabiguan katulad ng dati. Sa bawat pinagdaraanan niya, sila lang ng pagsasayaw niya ang nagkakasama sa huli.

“Hindi na ito babalik pa sa Manila. Hindi ka na pupunta sa party.”

“What? Are you crazy?” Maraming tao ang naghihintay sa kanya. He couldn’t be serious! Tiyak na maraming taong mag-aalala sa kanya.

“Hindi ka na kailangan doon. Malamang, nasa kalagitnaan na ang press conference ni Miss Vishneya. Siya na ang haharap sa press at kay David.”

“At ano naman ang sasabihin niya sa press?”

“Na kailangan mong magbakasyon. Hindi pa sigurado kung ilang buwan… siguro taon. You need to regain your strength.”

Nanlaki ang ulo ni Rayanne. “No! No way!” Inilabas niya ang cell phone para tawagan ang manager. Hindi puwedeng ma-cancel ang lahat ng schedule. She needed to dance. Muntik na niyang ibato ang cell phone dahil walang signal. Binalingan niya si Yzaak na prenteng-prente sa pag-inom ng champagne. “You can’t do this to me! Isang araw pa lang na hindi ako makapagsayaw, mababaliw na ako!” Tumakbo siya sa railing ng yate at tinanaw ang papaliit na ilaw ng Maynila. “Ibalik mo ako!”

Hinila siya ni Yzaak sa baywang at isinandig sa katawan nito. “Don’t you even dare jump! Hindi ka makakalangoy sa gown mo.”

Kumawala siya sa pagkakahawak ng lalaki at hinarap ito. “May galit ka talaga sa akin at sa ballet, `no? Gusto mo talagang sirain ang career ko.”

Kunwari lang na naiintindihan siya ni Yzaak. Na na-touch ito sa performance niya. She was like that swan, shot through her heart. Inalisan na siya nito ng kakayahang huminga.

Hinaplos ng lalaki ang pisngi niya. “I care for you and your ballet,” sabi nito sa malambing na boses. “Ayoko lang na patayin mo ang sarili mo. May lagnat ka pa. Pinilit mo pa ngang mag-rehearsal kahapon kahit dapat, nagpapahinga ka pa. Nag-perform ka kahit may sakit ka. Well I got news for you. Kahit na lumangoy o lumipad ka pabalik sa Manila, wala ka munang trabaho. Manager mo ang nagdesisyon nito. I just gave her an idea.”

She clenched her fist. Ano ba ang laban niya? Nasa kamay ni Yzaak ang kapalaran niya. Siguro nga ay nag-aalala lang ito sa kanya. Naramdaman niya iyon nang alagaan siya ng lalaki. Pero hindi naman nito kailangang panghimasukan ang buhay niya. Kahit ang manager niya ay nakuha nito ang pagsang-ayon.

“Hindi na ako magtatrabaho? Paano ko bubuhayin ang sarili ko?”

Humalukipkip ito. “Sagot ko ang bakasyon mo. Wala kang gagastusin. So you can forget about dancing for a while. Magagawa mo ang lahat ng gusto mo. Kahit ang diet mo, puwede mo ring kalimutan.”

“Great! As if that appeals me.”

“Ipapangalan ko sa iyo ang isa sa mga windmill sa Stallion Island. Ang kikitain n’on habang nakabakasyon ka, sa iyo mauuwi.”

Tumawa si Rayanne nang pagak. Windmill? How charming! “Makakapagsayaw ba ako sa tuktok ng windmill na iyon?” Itinaas niya ang dalawang kamay nang titigan lang siya ng lalaki. She was at his mercy. Wala siyang magagawa kundi magpatianod. “All right. Saan mo ako dadalhin? Sa Spratly’s Island?”

“Matulog ka na lang. Bukas ng umaga, malalaman mo kung saan tayo pupunta.”

“Fine.” Binitbit niya ang high-heeled shoes at pumasok sa loob ng yate. Maliit na living room ang bumungad sa kanya. Nakita niya ang isang pinto. Iyon siguro ang cabin na kanyang tutulugan. Bigla siyang inantok nang makita ang eleganteng kama. Ini-lock agad niya ang pinto at ibinagsak ang sarili sa kama.

Kinatok siya ni Yzaak. “Rayanne, that’s my cabin.”

“Gusto ko rito.” Niyakap ni Rayanne ang unan, saka pumikit. It was heavenly. Dahil bahagyang maalon sa labas, parang nasa water bed siya.

“Paano ako? Saan ako matutulog? Sa kabilang cabin…”

“Doon ka sa kabilang cabin o kung saan mo gustong matulog. Basta dito ako.”

“Rayanne!” pasigaw na tawag nito.

“Goodnight, Yzaak! Sweet dreams!” Mahina siyang tumawa nang sumuko ito.

May ngiti sa mga labi niya nang ipikit niya ang mga mata. She didn’t even bother to take off her gown. At least for tonight, she could still be the romantic princess of ballet.