noveltoon logo noveltoon
Yzaak Argoncillo (Stallion island 3)

Chapter 2

Ch. 2 / 10 Nov 28, 2025

“YOU ARE three hours late, Sylvette. Baka nakikipag-date ka lang,” sermon ni Yzaak sa kapatid na si Sylvette habang nasa isang restaurant sila malapit sa Palace Square, isa sa mga importanteng historical sites sa St. Petersburg. Di-kalayuan doon ay ang pinakamalaking skating rink sa buong Europe na dinarayo kahit ng mga winter Olympics medalists.

“Hindi ako nakikipag-date, Kuya. Wala akong ginagawa kundi pumunta rito para mag-practice. Well, one of my friends told me that I could join Ice Ballet. Iyon ang counterpart ng Stars on Ice dito. You know that I also love ice skating.”

Dumating si Sylvette pagkatapos mabasa ang note ni Yzaak kung nasaan ito. Dahil mainit ang ulo ni Yzaak, pinili ni Sylvette na yayain ito sa skating rink para maipakita sa lalaki kung ano ang ginagawa nito tuwing free time. Desidido si Sylvette na i-pursue at pagbutihin pa ang talent.

Nakatitig lang si Rayanne kay Yzaak habang umaangil ito. Malayong-malayo ito sa lalaking hinalikan niya kanina. Guwapo nga pero mabagsik naman. But just the same, he was still good to look at.

“Is it safe to do that?” tanong ni Yzaak, saka bumaling sa kanya.

“Ha?” Nagulat pa siya dahil sa kanya na pala ito nakatingin. “Anong safe?”

Itinuro nito si Sylvette. “She, doing ballet and ice skating at the same time.”

Uminom siya ng tea, saka pa lang tuluyang na-digest ng isip niya ang sinasabi nito. “Magandang exposure iyan para kay Sylvette. Magaling siyang mag-ice skate. She’s with corps de ballet. Kung `di hectic ang schedule niya, she can also do other activities. She would be great on ice like on stage.”

Ngumiti sa kanya si Sylvette. Thankful na thankful ito sa kanya. Nang sabihin nito na gusto nitong mag-ballet, siya ang unang natuwa. Si Yzaak ay tutol na tutol. He had other dreams for Sylvette. Ayaw ring malayo sa kapatid. Kahit nang mag-aral si Sylvette sa London para sa Royal Ballet Academy, doon din ito nagpadestino.

“Kuya, kasama ko ang iba sa mga kasamahan ko sa company. Even our director’s son is with us. Iyong ipinakilala ko. Si Igor.”

Kumunot ang noo ni Yzaak at tinanaw ang skating rink sa labas kung saan gumagawa ng exhibition si Igor. “Wala akong tiwala sa mga lalaking dumidikit sa iyo. We don’t know. Baka lokohin ka lang niyan. Dahil kung lalaki lang ang aatupagin mo, mabuti pang bumalik ka na lang sa Pilipinas. Mag-aral ka!”

“Kuya, no!” Hinawakan ni Sylvette ang braso ng kapatid. “Please! I really want to do this. Ballet is the only thing that I want to do in my life. Nagsisimula pa lang ako. Ayokong bumalik sa Pilipinas nang talunan.”

“Yzaak, hayaan mo na siyang mag-practice. Maganda ang feedback niya mula sa choreographer niya. Mag-i-improve din ang skills niya kung magta-try siya ng iba pang activities na may kinalaman sa ballet,” depensa niya kay Sylvette.

Nagpakawala ng malalim na hininga si Yzaak at mariing pumikit. “All right. You may go. Pero isang pagkakamali mo lang…”

Biglang hinalikan ni Sylvette si Yzaak sa pisngi. “Thanks, Kuya. You are the best. I love you.” Pagkatapos ay tumakbo na si Sylvette bitbit ang skating boots.

“Nauto na naman niya ako,” iiling-iling na sabi ni Yzaak. Mahigpit ito kay Sylvette pero may tendency rin naman na maging spoiler.

“Don’t be so hard on her. She likes ballet so much. You know Sylvette. Pabago-bago ang mga gusto niya. Madaling magsawa. Pero ito ang isang bagay na ipinaglaban niya sa iyo. This is her dream.”

Malungkot na tinanaw nito si Sylvette na tinuturuan ni Igor ng isang ballet variation. It was tricky dancing on ice than the normal floor. “She’s my only sister. `Di madali na malayo siya sa amin ni Mama. I am responsible for her welfare.”

“Naiintindihan ko na ikaw na ang responsible sa kanila ni Tita Sylvia. But Sylvette also has to grow up,” paliwanag ni Rayanne. “Mabuti nang habang maaga ay maging independent siya at gawin niya ang mga gusto niya.”

“Pero paano ko siya mapoprotektahan kung malayo siya sa akin?”

“Kahit ako pa ang kasama niya, `di ko rin siya laging masusubaybayan. Just trust her a bit.”

Mapait na ngumiti ito at pinagmasdan siya. “She adores you so much. Nag-hunger strike siya nang `di namin siya payagan ni Mama na dito na sa Russia mag- ballet. But she keeps insisting that you are here.”

“Jealous?” tanong niya.

Marahang tumango si Yzaak. And it was something that she didn’t expect. “Ako ang kuya niya pero mas gusto pa niyang kasama ka. Kung marunong lang akong magsayaw, baka nag-aral na rin ako para masubaybayan ko siya. Ang kinatatakutan ko, may lalaking umaali-agilid sa kanya. Rayanne, sabihin mo sa akin kung nagpapaligaw o nakikipag-boyfriend na ang kapatid ko. Iuuwi ko talaga siya sa Pilipinas. Seventeen lang siya.”

Bahagya siyang kumaway nang makitang kumaway si Sylvette. She was still painfully young. Batang-bata pa nga ito at maganda. Kahit siya ay natatakot din. Ayaw rin niyang mapahamak si Sylvette. Pero may mga pagkakataong si Sylvette mismo ang humihingi ng kalayaan nito. “Hayaan natin siyang lumipad. Gusto mo siyang maging successful, `di ba? Mabuti pa, mag-relax ka na lang.”

“Relax?” Nagkibit-balikat si Yzaak. “Relaxed naman ako.”

“I mean you should loosen up a bit.” Binuksan niya ang pouch at naglabas ng ticket. “Here. Para talaga sa inyo ni Tita Sylvia iyan. Ipapadala ko sana pero mabuti nang nandito ka. Baka sakaling makapunta.”

“Si Mama raw ay manonood na lang kapag nasa London ka. Pero baka pabalik na ako sa Pilipinas sa play mo.”

Bumagsak ang mga balikat ni Rayanne. “Gusto ko sanang makanood ka. Pasasalamat ko na rin sa iyo.” Kung hindi dahil dito, baka balisa pa rin siya hanggang ngayon.

“Dahil sa chicharon?”

Tumango siya. “Yes. Dahil sa chicharon.”

Inilagay ng lalaki sa bulsa ng coat nito ang ticket. “Then I will try.”

UMUGONG ang palakpakan sa Mariinsky Theater nang mag-bow si Rayanne. She gave a stellar performance and did justice to Princess Aurora’s character. Her mentors and even some of the well-known critics nodded.

It was her night. Inulan siya ng papuri ng mga kasamahan. They said that she was not Rayanne Nolliedo dancing as Princess Aurora. She was Princess Aurora herself. Many were anticipating her next performance. Her sacrifices paid off. Iyon pa lang ang simula ng magandang career niya. Pagkatapos ng interview sa ilang reporters at dance and ballet critics ay nagbihis na siya para puntahan ang naghihintay na mga magulang.

Niyakap siya nang mahigpit ng nanay-nanayan at choreographer niya na si Vishneya. “You did great, Rayanne.” Iyon lang ang nasabi nito, pagkatapos ay umiyak na nang umiyak.

“Ah, thank you.”

Halos si Vishneya rin ang tumatayong manager niya. Hindi ito nagkukulang ng pag-alalay sa kanya. Para na rin itong ina sa kanya. s i Vishneya ang kanyang guardian angel. Dati itong principal ballerina sa Mariinsky Ballet at gusto rin niyang maabot ang naabot nito.

Niyakap siya ni Sylvette. “Ate. Naiinggit ako sa iyo. Kinikilabutan ako sa palakpakan nila. I wish I could be like you.”

“Magiging katulad din kita kung magpo-focus ka. Focus.”

It was very overwhelming. There was a great competition between dancers around the world vying for schools, scholarship and jobs. Masuwerte nga raw siya dahil nai-cultivate agad niya ang potential sa batang edad. Pero hindi simple ang hirap na pinagdaanan niya para makarating sa kinalalagyan ngayon. It would take a very special person to perform thousands of spins and tendus within any given month.

Hinanap ni Rayanne si Yzaak. Hindi niya ito nakita. “`Di dumating ang kuya mo?” tanong niya. Wala kasi itong hilig sa ballet. Hindi niya maintindihan kung paano siya na-attract sa lalaking walang hilig sa bagay na pinakamamahal niya.

“Nandiyan,” nanghahaba ang ngusong sagot ni Sylvette. “Pero lumabas na lang siya basta. Akala ko, nga nag-e-enjoy siya noong una. Hihintayin na lang daw niya tayo sa lobby.”

“He’s here?” Sheer excitement ran through her. “Pupuntahan ko siya…”

Akmang tatakbo na si Rayanne sa lobby nang pigilan ni Vishneya ang braso niya. “You have to change first.” Naka-Princess Aurora costume pa kasi siya.

Hinatak niya si Sylvette. “Tulungan mo akong magpalit.”

“Hindi ka naman masyadong excited, Ate,” sabi nito.

Ngiti lang ang isinagot ni Rayanne. Pakiramdam niya ay si Yzaak lang ang kulang. Makokompleto na ang gabing iyon oras na makita niya ito.

Hindi na siya napigilan pa ng mga ito na pumunta sa lobby pagkatapos niyang magbihis ng dress. Sa pagmamadali ay hindi niya natanggal ang tiara sa kanyang ulo. Isang ballerina mula sa ibang ballet company ang kumakausap at lantarang nagpi-flirt kay Yzaak. Kaya ba mas pinili nitong lumabas na lang para makipagkita sa ibang babae? Hindi ba sapat ang kagandahan niya para dito? Ang lahat nga ng lalaki kanina na nasa loob ng theater ay humanga sa talent at ganda niya.

Hindi alam ni Rayanne kung hahablutin niya ang buhok ng babae o tatalikod na lang siya at magmumukmok. Nakatingin lang kasi si Yzaak sa schedule ng mga susunod na shows at mukhang okay lang na makinig sa sinasabi ng babae. Then he gave the woman his icy glance. He was famous for giving that glance when he wanted to tell the person to leave him alone.

Daig pa ng babae ang tinamaan ng frostbite at dali-daling nagpaalam. Bumalik ang ngiti sa mga labi niya, saka nilapitan si Yzaak. “Mukhang may tinakot ka na namang babae, Mr. Argoncillo.”

“Only those who are annoying. And I suppose that kind of glance won’t affect you, huh?”

“I am Princess Aurora. The curse is finally lifted. Sa palagay ko, hindi na ako matutulog nang isang century kahit na titigan mo pa ako nang matalim.”

Tumango ito. “Yes. A princess complete with a tiara. `Di ka pa nagbibihis?”

“Nakabihis na ako. Gusto ko lang tiyakin kung nandito ka nga. Sayang, hindi mo napanood ang performance ko. You must be bored.”

Gusto pa naman niyang i-share dito ang tagumpay niya sa gabing iyon. Gusto niyang maging proud din ito sa kanya.

“No. You did great.”

“Liar. Hindi mo nga ako pinanood nang mabuti. Lumabas ka agad.”

“Lovers’ quarrel?” nakangiting tanong ni Vishneya sa kanila.

“No,” mariing tanggi ni Rayanne, saka kinuha ang bag niya kay Vishneya. Hinalikan niya ito sa pisngi. “Thank you. Let’s have another great evening tomorrow.”

“Of course.” Niyakap siya nito. “Congratulations.”

Di-kalayuan ang building ng apartment niya mula sa Mariinsky Theater kaya pinili nilang lakarin na lang iyon. Hindi umuulan ng snow kaya masarap maglakad. Walang tigil sa pagkukuwento si Sylvette sa mga nasaksihan nito nang gabing iyon. Nakangiti lang si Rayanne pero halos wala siyang maintindihan.

Pinakikiramdaman niya si Yzaak dahil palaging nakasunod ang tingin nito sa kanya. His stares weren’t that sharp. Instead, they were warm and unsettling. Something that could make her heart skip a beat.

Una nilang inihatid si Sylvette sa apartment nito na mas malapit sa theater. “Goodnight, Ate. Sana, may Prince Charming din na gigising sa akin bukas,” kinikilig na sabi ni Sylvette.

“Subukan lang niya at paduduguin ko ang nguso niya,” banta ni Yzaak.

“Killjoy ka talaga, Kuya.” Tumiyad si Sylvette at hinalikan ito sa pisngi. “I have an early rehearsal tomorrow. Hindi kita maihahatid sa airport.”

“It’s okay. Basta mag-behave ka.”

In-adjust ni Rayanne ang strap ng bag sa balikat niya. “I must be going as well. Napagod ako sa play. May show pa ako bukas.” Aalis na si Yzaak. Ni hindi man lang ito naging masaya sa sayaw niya. Sayang ang lahat ng papuri sa kanya sa gabing iyon dahil ang lalaking gusto niya ay hindi niya napasaya.

“Ihahatid na kita,” sabi nito at pinapasok na si Sylvette sa loob.

Tahimik si Rayanne habang naglalakad sila sa malamig na kalsada ng St. Petersburg. Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin kay Yzaak Ang saya niya ay napalitan ng pagtatampo.

“Himala. Hindi ka yata masyadong maingay ngayon?”

Tiningala niya ito. “Kahit naman magkuwento ako, `di mo rin naman maa-appreciate. Hindi ka nag-enjoy sa show ko kanina.”

“I enjoyed it. You were sensational. Malakas ang palakpakan ng audience and everybody’s thrilled about you. Matutupad na ang pangarap mo na maging principal dancer. It won’t be for long.”

“`Di naman importante ang opinyon nila. Importante ang opinyon mo.”

Humugot ito ng malalim na hininga. “You want my honest opinion?”

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “Yeah.”

Huli na para bawiin pa iyon. Gusto ba talaga niyang marinig ang opinyon ni Yzaak? Paano kung sabihin nito na huwag na lang siyang magsayaw? O kaya ay pangit siya sa stage? It would surely break her heart.

“Puwede bang hindi ka na lang halikan ng prince mo?”

Napaawang ang kanyang bibig sa pagkabigla. That was the most ridiculous comment she had ever heard. “Hindi puwede. Bakit pa naging Sleeping Beauty iyon kung hindi lang din siya gigisingin ng Prince Charming niya sa kiss?”

Sinipa ni Yzaak ang snow pile sa tabi nito. “Umisip sila ng ibang paraan. Hindi iyong kailangan mo pang halikan ang lalaking hindi mo naman gusto.”

“Pero gusto ko naman—”

“What? Gusto mo ang ka-partner mo?” angil nito, parang lalamunin siya nang buhay. Napaatras tuloy siya sa pagkabigla.

“Not me. I mean Princess Aurora and Prince Desire. It’s just a play. Hindi naman totoo ang halik na iyon.”

“Kaya lumabas ako. Ayokong mapanood na halikan ka ng lalaking iyon.”

Hindi talaga niya maintindihan si Yzaak. Iyon lang ba ang ipinagmumukmok nito? “What’s eating you? Gusto ko tuloy isipin na nagseselos ka…”

“Huwag mong iisipin iyan.”

Itinaas ni Rayanne ang dalawang kamay. “Hindi na. Hindi ko na iisipin.” Pero natutuwa siyang isipin na nagseselos nga ito. He looked like it. Nabuhay ang pag-asa sa puso niya. Kung nagseselos si Yzaak, ang ibig sabihin ay gusto rin siya nito. Wala itong idea na habang hinahalikan siya ng prinsipe para gumising ay ito ang naiisip niya.

Mariing naglapat ang mga labi nito. “Hindi ako manonood kung may hahalik na naman sa iyong lalaki.”

“Sino lang ang dapat kong halikan?” tanong niya.

Iniiwas ni Yzaak ang tingin sa kanya. “Kiss the man you are in love with. Sige. Halikan mo ang lalaking iyon. Ano’ng magagawa ko kung parte iyon ng trabaho mo? Just don’t expect me to watch…”

She gave him a quick kiss on his lips to cut off his words. “Thanks.”

Nagulat ito. “Bakit… kasasabi ko lang sa iyo, huwag kang hahalik sa lalaking hindi ka naman in love…”

Ngumiti si Rayanne nang matamis. “Minsan, mag-isip ka muna bago ka magsungit. Goodnight.”

Pagkatapos ay saka siya nagtatakbo papasok sa apartment building niya at iniwan itong nakatulala sa labas. Hindi siya makatulog nang gabing iyon habang iniisip ang mga nangyari. Everything was like a dream. Her career in ballet and Yzaak. Sana lang ay ma-realize ni Yzaak na may gusto ito sa kanya at nagseselos ito. At kaya niya hinalikan ang lalaki ay dahil gusto niya ito. He was her inspiration.