noveltoon logo noveltoon
Ymar Stroam (Possessive Series 7)

Chapter 21

Ch. 21 / 24 Apr 09, 2022

KUNOT ang noong lumabas si Czarina sa pribadong opisina ng kanyang clinic nang makarinig na parang may nagwawala sa labas. Sumilip siya sa mesa ng sekretarya niya at nakita si Lyka, ang ex-girlfriend ni Roy. Ano ang ginagawa ng babaeng ito sa clinic niya?

Huminga siya nang malalim bago lumapit. “Huwag kang mag-eskandalo rito. Mahiya ka sa mga pasyente,” kalmado niyang saway sa babae.

Agad na nanlisik ang mga mata ni Lyka nang makita siya. “Ikaw! Sino ka sa tingin mo para gawin `yon kay Roy, ha?!”

Tumaas ang isang kilay niya. “Bakit? Ano ba ang ginawa ko sa kanya?”

“Sinampahan mo siya ng kaso!”

She dramatically sighed. “O, tapos?”

“At nasa ospital siya ngayon nang dahil sa `yo!”

Doon nagsalubong ang mga kilay ni Czarina. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Nagmamaang-maangan ka pa?” Dinuro siya ni Lyka. “Pinabugbog mo siya dahil iniwan ka niya!”

“Anong pinabugbog?” Nagulat siya sa nalaman. “Wala akong kinalaman diyan. Kung sino man ang bumugbog sa kanya, gusto kong magpasalamat. Pagkatapos ng ginawa niya sa `kin? Dapat nga magpasalamat ka sa `kin, eh. Alam mo ba kung bakit niya ako sinampal? Kasi gusto niyang makipagbalikan sa `kin pero ayoko—”

“Nagsisinungaling ka!”

Umirap si Czarina. “Bahala ka. Paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan.” Umangat ang kamay nito para sampalin siya pero nagsalita si Czarina. “Sige, sampalin mo ako. At sisiguruhin kong magsasama kayo sa kulungan ni Roy,” pananakot niya kay Lyka.

Nanggagalaiting nagmartsa paalis ang babae at naiwan siyang nag-iisip. Sino ang bumugbog kay Roy? Ano ang magiging epekto niyon sa kasong isinampa niya?

Bumalik si Czarina sa pribadong opisina para kunin ang susi ng kanyang kotse saka nagmaneho papunta sa Yilmaz Law Firm. Nang makarating sa opisina ni Atty. Yilmaz ay agad siyang pinapasok ng secretary nito sa loob.

Nang makaupo sa visitor’s chair ay nag-angat ng tingin sa kanya si Atty. Yilmaz mula sa binabasa nitong folder at ngumiti nang makita siya.

“Mrs. Stroam, what can I do for you?”

“I heard something happened to Roy,” agad niyang sabi. “Ano’ng magiging epekto n’on sa kasong isinampa ko sa kanya?”

“Wala ka namang kinalaman do’n,” sagot ni Atty. Yilmaz. “Though you’re the reason why he got beaten up.”

Nagsalubong ang mga kilay. “What do you mean? Wala akong ginawa sa kanya maliban sa sampahan siya ng kaso.”

“I know. But.” He sighed heavily. “There’s this guy who loves you that would not settle with just filing a case.”

Lalong lumalim ang kunot sa kanyang noo. “Ano ba’ng pinagsasasabi mo?”

Bumuntong-hininga na naman ang abogado. “Alam kong labas ako sa away n’yong dalawa, pero pinapasakit n’yo ang ulo ko. Ikaw…” Tumingin nang matiim sa kanya si Atty. Yilmaz. “Gusto mo ng annulment. Gagawin mo ang lahat mapawalang bisa lang ang kasal n’yong mag-asawa. Si Stroam naman, panay ang tawag sa `kin na hindi ituloy ang annulment. And that idiot saw your swollen face and he investigated. Now, he’s asking for my help because Roy filed a case against him. See what I mean?”

Umawang ang mga labi niya. “Si Ymar ang bumugbog kay Roy?”

Tumango si Atty. Yilmaz. “Yeah. You don’t know that he can do stupid things because of you?”

Bigla siyang nilukob ng pag-aalala. “Is Ymar okay?”

Pinakatitigan siya ni Atty. Yilmaz saka napailing. “Nag-aalala ka pero gusto mo siyang i-annul?” He tsked. “Mrs. Stroam, if you want to annul him, make sure that you don’t feel anything towards him. Hindi bulag ang mga court investigator. Makikita nila ang nakikita kong pag-aalala at pagmamahal ngayon sa mga mata mo at siguradong hindi nila aaprubahan ang annulment na hinihingi mo.”

Kumuyom ang kamay niya. “No… I don’t love him—”

“Don’t bullshit me, Mrs. Stroam. If you want to annul him, you have to learn how to lie excellently. But your eyes… they don’t know how to lie.”

Nag-iwas siya ng tingin. “This is for the better—”

“If it is, then why isn’t he signing the annulment papers?”

Hindi nakapagsalita si Czarina, mayamaya ay tumayo siya at nagpaalam na. Hindi niya hinintay na makasagot si Atty. Yilmaz. Agad siyang lumabas ng opisina ng abogado at nagmaneho papunta sa Bachelor’s Village. Itinigil niya ang sasakyan sa harap ng bahay ni Ymar saka pumasok sa bahay nitong bukas ang pinto.

Pagkapasok na pagkapasok sa bahay ay agad na nagtama ang mga mata nila ni Tatiana na may dalang tray na may lamang soup.

Matalim ang tingin nito sa kanya. “Ano’ng ginagawa mo rito?”

“Ako ang asawa, dapat ako ang nagtatanong niyan sa `yo. Ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ba pinalayas ka na ni Ymar?” Sa mga sandaling iyon ay wala siyang balak magpaapi.

“Ymar needs me,” taas-noong sabi ni Tatiana saka nakakalokong ngumiti. “Unlike his wife, I can give him his needs as a man.”

Tumiim ang mga bagang ni Czarina kasabay ng pagkirot ng puso niya. “Ano naman ang kaya mong ibigay sa kanya na hindi ko kayang ibigay?”

“Sex,” walang pangingiming sagot nito. “Since wala ang asawa niya noong nasa Taiwan kami, ako ang nagbigay sa kanya n’on. And he enjoyed it. So much that he keeps moaning my name. So just leave him already!” duro ni Tatiana sa kanya. “Ano ba pa ang kailangan mo para iwan si Ymar, ha? Sinama niya ako sa Taiwan at kinansela ang date n’yo nang dahil sa `kin. Sa `kin!” sigaw nito. “Ako ang nababagay kay Ymar, hindi ikaw!”

“I didn’t cancel on my wife, you did.” Boses iyon ni Ymar na nagpatahimik sa buong bahay. “At isinama kita sa Taiwan kasi sabi mo magbabakasyon ka do’n at magpapaiwan ka at hindi ka na babalik dito.” Gumagalaw ang mga panga ni Ymar habang nagsasalita. “And didn’t I tell you to leave my house? Bakit nandito ka na naman?”

Biglang namutla si Tatiana nang marinig ang boses ni Ymar at agad nitong nilapitan ang asawa niyang nasa puno ng hagdan.

“Baby, I told you, didn’t I? Ginawa ko lang naman `yon kasi mahal kita. Nagsinungaling ako tungkol sa Taiwan dahil gusto kitang masolo. Hindi mo `yon nakikita sa ngayon pero ako ang nararapat para sa `yo. Ako at hindi ang babaeng `yon…” Itinuro siya ni Tatiana. “Na sinukuan ka agad dahil lang sa kinansela ko ang date n’yong dalawa.”

Nagpanting ang mga tainga ni Czarina sa narinig. “Ikaw ang may kagagawan n’on?!”

“Ano naman ngayon?” may pagmamalaki pang sabi ni Tatiana.

Malalaki ang hakbang na umakyat siya ng hagdan saka hinawakan si Tatiana sa buhok at hinila ito pababa.

“Aray! Bitawan mo ako! Ano ba! Aray!”

Panay ang igik ni Tatiana pero hindi niya binitiwan ang babae. Mas humigpit pang lalo ang pagkakahawak niya sa buhok ni Tatiana hanggang sa maisubsob niya ang babae sa labas ng bahay ni Ymar at sinabunutan ito.

“Demonyita kang babae ka! Ikaw pala ang may kagagawan kung bakit ako nasasaktan ngayon!” Inginudngod niya ang mukha ni Tatiana sa semento sa sobrang galit na nararamdaman. “Iiwan ko ang lalaking mahal ko nang dahil sa `yo! How dare you do this to me?! How dare you! Hinding-hindi mo na ako maloloko! Anong sabi mo, nag-sex kayo ng asawa ko? Saan? Sa imagination mo?!”

“Aray!” Pilit na nagpupumiglas si Tatiana sa hawak niya. “Let go of me, you bitch!”

Hindi siya bumitaw hanggang sa may humawak sa kanya sa baywang at hinila palayo kay Tatiana.

“No! Let go! Pagsasampalin ko pa ang babaeng `yan nang magising sa kabaliwan niya—”

“Tama na…” pigil ni Ymar sa kanya. “Buntis ka.”

“—Hindi pa ako tapos sa babaeng `yan!”

Mahigpit siyang niyakap ni Ymar saka isinubsob nito ang mukha sa kanyang balikat. “Baka masiko niya ang tiyan mo.”

Binaklas ni Czarina ang mga braso ni Ymar na nakayakap sa kanya saka matalim ang mga matang hinarap ito. Pero ang matalim niyang titig ay napalitan ng pag-aalala nang makitang pumutok ang gilid ng labi ng asawa at may pasa ito sa kaliwang panga.

Hinawakan niya si Ymar saka hinila papasok ng bahay at ini-lock ang pinto. “Bakit mo ba kasi sinugod si Roy, ha?” inis niyang tanong habang paakyat sila ng hagdanan. “Tapos kasama pa niya ang mga kaibigan niya? Ano’ng gagawin mo ngayon, ha?” Nang makapasok sa kuwarto ay pinahiga niya ang asawa saka kinuha ang first-aid kit sa banyo. “I heard he filed a case against you.” Nilinis niya ang sugat at pasa ni Ymar. “Bakit kasi kailangan mo pa siyang bugbugin—”

“He slapped you.”

Natigilan si Czarina sa paglalagay ng ointment sa sugat nito at napatitig sa asawa. “Dahil lang do’n?”

“Sinampal ka niya.” Tumiim ang mga bagang nito. “Sinampal niya ang babaeng mahal ko. Ano’ng gusto mong gawin ko, tumunganga lang?”

“Ymar…”

“Alam kong hindi ka naniniwala sa `kin na mahal kita,” sabi nito. “And yes, it’s my fault because of Tatiana. Pero maniwala ka at sa hindi, wala akong gusto sa kanya. Ni katiting, wala akong nararamdamang gano’n.” Nangungusap ang mga mata nito. “And she was lying earlier. Walang nangyari sa `min sa Taiwan. I was with Lath the whole trip because of our business. Kahit magtanong ka pa sa kanya.”

Bumuntong-hininga si Czarina saka ipinagpatuloy ang paglalagay ng ointment sa sugat at pasa nito. “Makakaasa kang wala na akong paniniwalaan sa sasabihin ng babaeng `yon.”

“But you’re still leaving me,” sabi ni Ymar sa malungkot na boses.

Sa halip na sagutin ay nginitian niya ang asawa. “Pahinga ka na. Ipagluluto kita ng makakain bago ako bumalik sa bahay.”

Hinawakan ni Ymar ang kamay niya para pigilan siya. “Stay.”

Umiling siya. “Marami pa akong aayusin bago umalis. I can’t stay.”

Humigpit ang hawak ng asawa sa kanyang kamay. “Kahit mahal kita, iiwan mo pa rin ako?”

Hindi siya umimik at iniwan lang si Ymar. Nang makalabas siya ng kuwarto ay napasandal siya sa gilid ng pinto saka sinapo ang kanyang dibdib.

Her heart was getting swayed again by Ymar. Ganoon na lang ba iyon? Dahil mahal siya ng asawa ay kailangan niyang bumalik dito? Magsasama sila ulit? Paano kung masaktan na naman siya? Natatakot na siya.

Ilang beses na huminga nang malalim si Czarina bago bumaba sa kusina para ipagluto ito. Nang matapos ay inilagay niya iyon sa tray at dinala sa kuwarto ni Ymar. Nagpapasalamat siya dahil tulog ito nang pumasok siya.

Maingat niyang inilapag ang tray sa study table ni Ymar saka ilang segundong tinitigan ang asawa bago lumabas ng kuwarto at sa bahay nito. Wala na sa labas si Tatiana na ikinahinga niya nang maluwag.

Nang makalipat sa bahay niya ay napaupo siya sa sofa saka napatitig sa kawalan.

“Kahit mahal kita, iiwan mo pa rin ako?”

Malakas na napabuntong-hininga si Czarina saka pumunta sa kuwarto niya para mag-empake. Habang inilalagay niya ang mga damit sa bag, ang sikip-sikip ng kanyang dibdib at parang ang bigat ng kanyang pakiramdam.

Pabagsak na naupo siya sa gilid ng kama at napatitig sa mga damit niya sa bag.

“Bakit ba ang bigat ng pakiramdam ko?” tanong ni Czarina sa sarili mayamaya ay napaigtad nang tumunog ang cell phone niya.

Mom calling…

“Hello, Mom.” Pinasaya niya ang boses. “Kumusta?”

“Heto, excited.” Halatang malapad ang ngiti ng ina base sa boses nito. “Hindi na kami makapaghintay na makasama ka, anak.”

Ngumiti siya. “Na-miss ko rin kayo, Mommy.”

“We can’t wait to see you next week, baby.” Excited na excited ang mommy niya. “Ilang araw na lang… Yey!”

Tumawa siya saka napailing. “See you soon, Mom. Sige, nag-eempake kasi ako.”

“Sige, `nak,” paalam ng kanyang mommy. “Ingat ka riyan.”

“Opo. Kayo rin.”

Nang patayin niya ang tawag, agad na nabura ang ngiti sa kanyang mga labi saka pabagsak na inihiga ang katawan sa kama. “Shit…”

Marahas siyang napailing saka bumangon ulit at nagmamadaling kinuha ang mga damit sa closet at inilagay iyon sa kanyang bag. Kahit mabigat sa dibdib, tuloy-tuloy ang pag-eempake niya hanggang sa matagpuan niya ang sarili na nanunubig ang mga mata.

Kinagat ni Czarina ang ibabang labi saka marahas na ipinilig ang ulo. “Kaya ko `to.” Kaya ko `to.

Isinara niya ang bag saka aalis na sana sa kuwarto para bumaba sa kusina nang mapatingin siya sa balkonahe ng bahay ni Ymar na nakaharap sa kanyang kuwarto.

Sumikdo ang puso niya nang makitang pinagmamasdan siya ng asawa mula roon at titig na titig sa kanya.

“Ymar…”

Slowly, a smile appeared on his lips. “Can you come closer?”

Ewan ba niya kung bakit sumunod siya kay Ymar. Naglakad siya palapit sa malapad niyang bintana saka ipinatong ang mga braso doon at nakipagtitigan sa lalaki.

“Ano’ng kailangan mo?” tanong niya. “Masakit pa ba `yang pasa mo?”

Umiling ito. “Magaling ang gumamot sa `kin.”

Inirapan niya si Ymar. “Sige, mambola ka pa. Hindi ako madadala riyan.”

Ngumiti lang ito saka siya tinitigan. “Czarina?”

“What?” May pagtataray ang boses niya.

“Mahal kita.”

Nahigit ni Czarina ang paghinga at bumilis ang tibok ng kanyang puso. Nakatanga lang siya kay Ymar hanggang sa nagpaalam ito na babalik na sa loob.

Napakurap-kurap siya, mayamaya ay napabuga ng marahas na hininga.

Paano siya aalis kung gustong manatili ng puso niya?