noveltoon logo noveltoon
Vincent Noblejas (The Billionaire Boys Club 8)

Chapter 7

Ch. 7 / 10 Nov 28, 2025

“W E’RE here.”

Nauna nang lumabas ng kotse si Vincent. Naiwan namang nagmumuni-muni pa rin si Xeena sa loob ng sasakyan. Ilang araw din silang magkakasama ni Vincent. Paano pa niya ito pakikiharapan ngayong kung tutuusin ay ‘may nangyari’ na sa kanila?

Hindi, kalmado ka lang dapat, Xeena. Act like nothing happened. Act like you didn’t remember doing it. Dead-ma lang.

Napalingon siya sa katabing pinto ng kotse nang bumukas iyon at sumilip ang guwapong mukha ni Vincent, hawak ang mga saklay. Ewan niya pero parang biglang sinipa uli ng kakaibang kaba ang kanyang dibdib.

Oh no, sabi niya sa sarili. No, no, no, no, no!

“Welcome back, Xeena.”

Napatingin lang siya sa kamay ni Vincent na nakalahad. Parang gusto na niya itong sigawan. Huwag kang magpapakabait sa akin! Hindi kasi niya alam kung paano pakikisamahan ang lalaking ito na napaka-unpredictable na ng mga ginagawa habang tumatagal. Nagugulo tuloy ang mga plano niya. Nakikisabay pa ngayon ang pakikigulo ng kanyang pusong para namang nagpipiyesta tuwing nagpapaka-gentleman ang antipatikong binata.

Teka, ano na nga ba uli ang ginawa niyang plano?

“Xeena,” untag ni Vincent.

“Sandali lang. Nag-iisip pa ako.”

He gave her a questioning look. Agad naman niyang pinagana ang utak. Kung gusto niyang malayo ang isip sa pinaggagagawa ng kanyang puso, kailangan niyang ma-distract. And her means of distraction was to irritate the hell out of billionaire boy Vincent Noblejas. Tama, iyon na lang ang option niya sa ngayon.

“Nag-iisip pa ako ng mga, ano… ah, basta! Nag-iisip pa ako.”

“Sa loob mo na ituloy `yan.” Ibinigay nito sa mga nakaantabay na unipormadong katulong ang mga saklay, saka siya walang sere-seremonyang binuhat.

“Hey! Ibaba mo ako!”

“Believe me,” sabi nito habang karga na siya papasok sa bahay. “You wouldn’t want me to do that.”

Oo nga, sang-ayon agad ng isip ni Xeena. Pero kasi … Hayun at napagmamasdan na naman niya nang husto ang mukha ni Vincent. At hindi na yata siya magsasawang tingnan ang mukhang iyon. Naalala rin niya nang minsang buhatin siya nang ganoon ni Silvanus. Kahit kailan, hindi siya nagkaroon ng kagustuhang ihilig ang ulo sa dibdib ng lalaki. At wala rin siyang maalalang ipinulupot niya ang mga braso sa leeg ni Silvanus. Pero ngayon…

Hey, untag ng isip niya. Your plan, Missy. You’re forgetting about your plan again.

“Dito sa ibaba ang magiging kuwarto mo. Para kung maisipan mong maglakad-lakad, hindi ka na bababa pa ng hagdan.” Dinaanan nila ang nakahilerang mga unipormadong katulong na sumalubong sa kanila. “Siyanga pala, kung ano man ang kailangan mo, sabihin mo na lang sa kanila at hayaan silang gawin iyon para sa `yo. Bilin ng doktor mo, hindi na dapat pang maaksidenteng muli ang paa mo. Hindi na sila nakakasiguro sa kalalabasan ng panibagong dagok sa paa mo kaya huwag ka na sanang magmatigas pa.”

“Okay,” sagot na lang niya.

Huminto si Vincent sa paglalakad, saka muling hinarap ang mga katulong. “This is Xeena. Huwag ninyo siyang hayaang gumawa ng kahit na anong mabibigat na bagay.”

“Vincent, pilay lang ako. Hindi baldado.”

“Didn’t I just tell you not to be so hardheaded?”

“I can still do things on my own.”

“No.”

Naningkit ang kanyang mga mata. “You can’t tell me what I can or can’t—”

“Fine.”

Heto na naman ang lalaki na basta na lang sumasang-ayon sa kanya. Why couldn’t he just disagree with her? Para naman may dahilan siya para lalo itong pag-initan.

“Maayos na ba ang kuwarto ni Xeena, Manang Josie?” tanong nito sa pinakamayordoma yata.

“Oho, Sir Vincent. Nakahanda na rin ho ang tanghalian kung gusto na ninyong kumain.”

“Pakisunod na lang iyon sa amin.”

“Sige ho.”

“Busog pa ako,” sabi niya habang patungo na sa kanyang magiging silid. “Mamaya na lang ako kakain.”

“Mamaya na lang ninyo ihatid ang pagkain sa kuwarto niya.”

“HINDI ka pa raw kumakain hanggang ngayon.” Nakatayo na si Vincent sa paanan ng kama ni Xeena. “Hapon na.”

“Ha?” Kinusot-kusot pa ni Xeena ang mga mata. Kagigising lang niya pero bakit ni katiting ay hindi man lang ito pumangit sa kanyang paningin? “Inaantok pa ako, Vincent.”

“Kailangan mong kumain. Iinom ka pa ng gamot.”

“You sound like my cousin.” Namaluktot lang siya matapos yakapin ang unan. Hindi pa rin niya ito nilulubayan ng tingin. “Bakit ganyan ka kung makatingin?”

“I just realized you’re different when you just woke up.”

“Meaning?”

“Mas madali kang kausap. But I think I can deal better with the fully awake Xeena.”

“And you still look the same even when I just woke up.”

“Meaning?”

“Guwapo ka pa rin.” Naghikab siya, saka ngumiti. “Isang ngiti naman diyan.”

“What for?”

“Naisip ko lang na siguro, mag-iiba ang hitsura mo kapag ngumiti ka.”

“Ano ba ang inaasahan mong magiging hitsura ko sa pagngiti ko?”

“Wala naman masyado. Sa tingin ko kasi, mas magiging guwapo ka pa kung magagawa mo lang banatin iyang pisngi mo.”

Inaantok pa nga siguro si Xeena dahil namumungay na naman ang kanyang mga mata. Mamaya na lang siya kakain. She still wanted to see Vincent, though. Kaya pilit niyang nilabanan ang antok.

“I don’t have any reason to smile.”

“Eh, di isipin mo na lang ang iniisip mo nang ngumiti ka sa akin nang dalawin mo ako sa ospital kahapon.”

Tila naman saglit itong nag-isip. And then without warning, sumilay ang pinakahihintay niyang ngiti sa mga labi ni Vincent. His eyes brightened and his handsome face lit up. Hindi na niya sinubukan man lang na kumurap.

“You should smile more,” sabi niya, saka muling naghikab. “So, ano’ng iniisip mo para makangiti ka nang ganyan?”

“The last time we had this kind of conversation.”

“Doon sa ospital?” Tumango ito. “Wala naman akong natatandaang nag-joke ako doon, ah.”

“Wala nga.”

“Kung gano’n, bakit ganyan ang ngiti mo?”

“You really don’t remember anything when you’re in a state like this, do you?”

“Ewan ko.” Bumigay na ang mga mata niya. “But I remember kissing you…”

“I’m glad you did.”

Kinain na ng antok ang diwa ni Xeena pero parang naririnig pa rin niya ang boses ni Vincent. At ang nakangiting mukha nito ang tanging naging laman ng kanyang panaginip.

“Vincent…”

“I’m here, Xeena.”

She smiled in her dreams. “Hmm, salamat…”

Hindi na niya alam kung gaano kahaba siyang nakatulog muli. Basta nang magising ay magaan na ang kanyang pakiramdam. Pero kumukulo naman ang kanyang tiyan. Mabuti na lang at pumasok na sa kuwarto ang mayordoma. Kasunod nito ang isang unipormadong katulong na may dalang food tray.

“Mabuti naman at gising ka na,” nakangiting wika ni Manang Josie. “Gutom ka na siguro.”

“Medyo nga ho.” Inayos na ng katulong ang pagkain sa harap niya. “Salamat.”

“Kaya mo bang kumain nang mag-isa, hija?”

“Manang, huwag ninyong sabihin na OA din kayo gaya ng amo ninyo?”

“Naku, hindi naman. Sinusunod lang namin ang utos ni Sir Vincent. Kunsabagay, tama naman siya.” Tiningnan nito ang naka-cast niyang paa. “Mukhang hindi talaga maganda ang lagay niyan.”

“Okay lang ho ako.” She started tasting the food. “Ang sarap ho nito, ah. Kayo ho ang nagluto?”

“May dalawang kusinera dito si Sir Vincent. Hamo, ipaparating ko sa kanila ang sinabi mo. Siguradong matutuwa ang mga iyon.”

Tumango lang si Xeena, saka ipinagpatuloy ang pagkain. “Nasaan na ho ang amo ninyong bato?”

“Dumaan siya rito kanina pero tulog ka pa yata kaya hinayaan ka na lang niya. Nasa study room na siya ngayon. Gusto mo ba siyang ipatawag?”

“Naku, huwag na ho. Baka hindi lang ako matunawan.” Napatingin siya sa katulong na bumungisngis. “Ikaw `yong isa sa nag-asikaso sa akin nang unang beses akong maligaw dito, hindi ba?”

“Oho.”

“Hindi pa ako nakakapagpasalamat sa iyo.”

“Walang ano man ho iyon.”

“`Yong kasama mo? Hindi naman siguro siya sinesante ni Vincent, ano?”

“Hindi ho.”

“Siya si Millie,” pakilala ni Manang Josie. “`Yong isang tinutukoy mo, si Lina iyon.”

Itinuloy na ni Xeena ang pagkain. Nagpaalam na ang mga ito para bumalik sa kanilang mga trabaho nang pigilan niya.

“Puwede ho bang maiwan na muna dito si Millie? Naiinip kasi akong walang kakuwentuhan.”

“Sige. O, Millie, ikaw na ang bahala kay Xeena. Asikasuhin mo siya nang husto, ha? Wala na munang tsismis.”

“Kayo naman, Manang Josie. Ano naman ang palagay ninyo sa akin, tsismosa?”

“Oo.” Binalingan siya ng mayordoma. “Maiwan ko na kayo.”

“Salamat ho uli, Manang Josie.”

Nang makaalis ang matanda ay inasikaso na ni Millie ang mga gamit niyang galing sa kanyang backpack.

“Ilang taon ka na, Millie?”

“Beinte-tres na, Miss Xeena.”

“Xeena na lang. Ilang taon ka nang nagtatrabaho dito?”

“Matagal-tagal na rin. Hindi ko na matandaan, eh. Bakit mo naman naitanong?”

“Curious lang kasi ako kay Vincent. Gano’n na ba talaga ang ugali niya mula pa nang magtrabaho ka dito?”

Napalingon sa kanya si Millie, halatang interesado rin sa topic of discussion nila. Iyon ang gusto niya sa mga kasambahay sa bahay. Maraming kuwento tungkol sa kanilang mga amo at laging handang magsalita sa mga magkakainteres na magtanong.

“Dati nang mabait si Sir Vincent,” sabi nito. “Hindi lang siya palangiti pero wala kaming reklamo sa pakikitungo niya sa mga nagtatrabaho para sa kanya. Gano’n na lang talaga siya.”

“Walang taong hindi ngumingiti. Hindi iyon normal.”

Saglit na napahinto si Millie sa ginagawa at nag-isip. “Nang huli ko siyang makitang ngumiti ay noong buhay pa si Miss Thea.”

“Thea?”

“Oo. Damit niya ang ipinahiram namin sa iyo nang mapunta ka dito noon.”

Natatandaan nga niya iyon. “Pero sinabi mong ‘noong nabubuhay pa si Thea.’ Ang ibig mong sabihin…”

“Apat na taon nang yumao si Miss Thea. Hindi siya namatay sa aksidenteng kinasangkutan niya sa highway kundi sa komplikasyong dala niyon. Head trauma ang tawag nila. Nang mga panahong iyon, hindi pa gano’n kalakas ang mga negosyo ni Sir Vincent kaya hindi niya agad nadala sa ibang bansa si Miss Thea kung saan puwede sana siyang operahan. Kaya hayun, namatay na lang siya nang gano’n-gano’n na lang.”

Napahinto si Xeena sa pagkain. Kaya pala ganoon na lang ang naging galit ni Vincent nang malamang basta na lang niya itinapon sa ilalim ng hospital bed ang damit ni Thea na ipinahiram sa kanya. Dahil malaki ang sentimental value niyon. She felt so bad but somehow, she also felt like cursing that very same woman for taking away Vincent’s smile with her to the grave.

“Mula noon, wala nang ginawa si Sir Vincent kundi ang ibuhos ang lahat ng panahon niya sa pagpapalago ng mga negosyo. Kasabay n’on, ang tuluyang pagiging seryoso niya sa lahat ng pagkakataon. Naaawa kami sa kanya dahil alam namin na nalulungkot siya sa pag-iisa. Kaya nga nang malaman naming naging bahagi siya ng Billionaire Boys Club, natuwa kami. Kasi natupad na rin ang gusto niyang magkaroon ng kayamanang magagamit para makatulong sa ibang taong nangangailangan. Alam mo bang ilang ospital at paaralan ang ipinagawa niya sa iba’t ibang probinsiya dito sa Pilipinas? Lahat ng iyon, siniguro niyang ipapriyoridad ang mga mahihirap.”

Habang pinakikinggan ang istorya ng buhay ni Vincent, parang naiintindihan na ni Xeena kung bakit ganoon na lang ang pamimilit nitong alagaan siya. Dahil sa kabila ng pagtanggi ng lalaki na wala itong kinalaman sa nangyaring disgrasya sa kanya, hindi naman ibig sabihin niyon ay hahayaan na lang din siya nito basta. Maybe she should apologize to him.

“Naiinis kami sa mga babaeng nali-link sa kanya,” patuloy ni Millie. “Alam kasi naming nagustuhan lang siya ng mga iyon dahil kabilang nga siya sa Billionaire Boys Club.”

“Gano’n naman talaga `yon.”

“Pero hindi nila sineseryoso si Sir Vincent. Gusto lang nila siya dahil puwede siyang ipang-display sa madla. Ginagawa lang nilang trophy ang amo namin. Mabuti na lang at matalino si Sir kaya wala rin siyang sineseryoso sa mga babaeng iyon. Alam mo bang ikaw pa lang ang bisita niyang babae na nakatuntong dito sa St. Claire’s?”

“Millie, aksidente lang na napunta ako dito. Alam mo `yan. Nakita mo naman ang hitsura ko nang dalhin ako dito ng mga tauhan niya.”

Nilingon siya nito. Pagkatapos ay tinitigan nang husto na parang kinikilatis ang bawat anggulo ng kanyang mukha. Ipinagpatuloy lang niya ang pagkain.

“Bakit?”

“Kung gano’n, girlfriend ka talaga ni Sir Vincent?”

“Hindi, ah.”

“Ayaw mo sa kanya?”

Xeena bit her lower lip. Kung tutuusin, marami nang dahilan para magustuhan niya ang binata. In fact, sa tingin nga niya ay nahuhumaling na siya rito. Bawat galaw na lang kasi ni Vincent, bawat tingin, at bawat salita, lagi niyang pinagtutuunan ng pansin. Idagdag pa na tuwing mapapalapit dito ay hindi niya maiwasang makaramdam ng mga kakaibang damdamin.

“Mabait naman si Sir, mayaman at guwapo.”

“Huwag mo kaming gawan ng isyu, Millie.”

“Bagay kayo, eh.”

“Hindi ba’t crush mo siya?”

“Oo, pero mas bagay kayo. Isa pa, mukhang gusto ka rin niya.”

“H-ha?” Oh, shut up, heart! “Si Vincent ang tipo ng lalaking isang beses lang magmahal. At ayon sa kuwento mo, mukhang si Thea pa rin ang mahal niya hanggang ngayon. Kaya imposible iyang sinasabi mo.”

Pero bakit siya mismo ay parang ayaw tanggapin ang ideya na iyon? And she felt a bit… jealous? Gusto niyang pagtawanan ang sarili. Siya? Nagseselos? Imposible. She didn’t even like the guy. Or… did she?

Ibinaba na ni Xeena ang kutsara’t tinidor. “Millie, tapos na ako.”

“Ang bilis naman. Ubusin mo na `yan. Baka magalit si Sir Vincent kapag nalaman niyang hindi mo naubos ang pagkain mo.”

“Hayaan mo siyang magalit.”

Nawalan na siya ng gana. All because she was jealous of the woman from his past.

Nanay ko po! Nagseselos nga ako!