noveltoon logo noveltoon
Vincent Noblejas (The Billionaire Boys Club 8)

Chapter 6

Ch. 6 / 10 Nov 28, 2025

“B AKIT sa St. Claire’s? May bahay naman ako—”

“Saan?”

“Okay, so, I’m staying in a hotel. I like it there. And for you information, kaya kong pangalagaan ang sarili ko.”

Tiningnan lang ni Vincent ang naka-cast pa ring paa ni Xeena. “Yeah, I can see that.”

“Aksidente ito. Na ikaw din naman ang dahilan.”

“Walang aksidenteng sinadyang gawin.”

“Oh, shut up.” She adjusted herself on her seat. “Umurong ka nga. Ayokong madidikit sa `yo.”

“This is my car.”

“Who cares? Basta umurong ka.” Naiinis kasi si Xeena sa sarili dahil nagugustuhan niya ang pakiramdam ng matatag nitong mga bisig sa kanyang braso. At hindi niya puwedeng magustuhan ang kahit na katiting na bagay sa lalaki. May mga plano pa siyang hindi naisasakatuparan.

Handa na siyang asarin si Vincent oras na tumanggi ito sa gusto niya. Alam naman kasi niya kung gaano kataas ang pride nito. Kaya ganoon na lang ang gulat niya nang umurong palayo sa kanya ang lalaki.

“O, bakit ka lumayo?” He gave her a bored look. Kaya agad siyang bumawi. “Nag-aalala lang akong baka bigla ka na lang himatayin diyan dahil nautusan ka.”

“Hmm.”

“What?” kunot-noo niyang tanong.

“Nothing.”

“Eh, bakit ganyan ka kung magsalita?”

“Lagi ka na lang naghahamon ng away,” sabi nito. “Kahit ano’ng gawin mo, hindi kita papatulan. So you might as well give it a rest. Or better yet, take a rest yourself. Mas kailangan mo n’on.”

“Hindi ako naghahamon ng—”

“I’m hungry—”

“Sinabi ko na sa `yong huwag kang sisingit kapag nagsasalita pa ako!”

“Okay. Pero kumain na muna tayo. Tony,” tawag nito sa driver. “Kapag may nadaanan kang restaurant, ihinto mo muna doon.”

“Oho, Sir.”

“Hindi ako nagugutom,” sabi niya. “Mas gusto kong magpahinga. At ang sabi ng doktor, dapat ay ipahinga ko nang husto ang katawan ko. Hindi ako puwedeng kung saan-saan nagpupunta.”

“Walang sinabi ang doktor mo na bawal kang kumain. Ipinayo pa nga niya iyon. At hindi ka naman maglalakad. Ipinadala ko na ang wheelchair mo para masigurong hindi mo nga itatapak muna ang paa mong may pinsala.”

“Ayokong kumain.”

“Suit yourself.”

Nakakapanggigil talaga ang kawalan ni Vincent ng konsiderasyon. Wala ngang saysay ang mga pinagsasasabi niya. But that was the whole idea. Kaya lang, imbes na ang lalaki ang maasar, siya ang laging nag-iinit ang ulo dahil may sagot ito sa lahat ng sinasabi niya.

Ibinaling na lang ni Xeena sa labas ng bintana ang atensiyon, saka nag-isip ng puwede pang gawin para makaganti. Hindi siya papayag na basta na lang nito imaniobra ang buhay niya, lalo pa at hindi siya sanay na may nakikialam sa kanya. Papasok na sila sa parking lot ng isang restaurant nang makita niya ang isang fish ball vendor na nagpapahinga di-kalayuan sa mga naggagandahan at nagkikintabang kotse. Nilingon niya ang tahimik na binata sa kanyang tabi.

“Bigla akong nagutom. Parang gusto kong kumain ng fish ball. Matagal-tagal na rin mula nang huli akong nakakain ng fish ball. Wala kasi n’on sa Italy.”

Mukha itong diskumpiyado sa mga sinabi niya. Gayunman, wala itong sinabi pa.

“Tony, sa supermarket na lang tayo dumeretso.”

“Hindi. Gusto ko, ngayon na kumain.” Itinuro niya ang nakitang vendor sa labas ng bintana. “`Ayun, may nagbebenta doon.”

“Marumi `yan.”

“Paano mo nalaman? Nalason ka na ba ng tinda niya?”

“Don’t you read health news?”

“No,” pamimilosopo niya. “Gusto ko ng fish ball at wala akong pakialam sa mga report-report na `yan. Kapag na-food poison ako, saka lang ako maniniwala. Pakipaospital na rin pala ako kapag nangyari nga iyon. In the meantime, gusto kong kumain n’on. Nasaan na ang saklay ko?”

Napabuntong-hininga na lang si Vincent. “Tony, ihinto mo ang kotse malapit sa fish ball vendor.”

“Ho?”

“Gusto raw nitong señorita natin ng fish ball.”

Sumunod naman ang driver. Ilang sandali pa ay nasa tapat na ng pinto ng kotse ang tinderong halata ang malaking pagkagulat sa mukha. Binuksan ni Vincent ang pinto ng kotse.

“May fish ball pa ba kayo, Manong?”

“M-meron ho.”

“Pabili kami.” Nilingon siya nito. “Ano pa?”

“Ano pa ba ang meron?” Nang magtangka siyang kumilos sa kinauupuan ay pinigilan siya nito.

“Ako na. Dito ka na lang.”

Lumabas na si Vincent ng sasakyan at inusisa ang paninda. Pagkatapos ay iniabot nito sa kanya ang mga nalutong pagkain. Umusod siya palapit sa nakabukas na pinto at doon niya napansin na maraming tao na ang napapalingon sa direksiyon nila. Vincent, with his impeccable good looks, was really a sight to behold, standing so tall and so elegant at the side of that dusty road.

What was more interesting was that he didn’t seem to notice those people. Sigurado siyang nakilala na ng mga taong iyon kung sino ang guwapong lalaking nagtutusok na ng fish balls sa stick. At ang magaling na lalaki, parang hindi alam na sikat na ito sa paglabas sa magazine bilang isa sa billionaire bachelors ng bansa.

Iniabot ni Vincent sa kanya ang isang maliit na paper plate. “Enjoy your meal.”

“Mamaya na tayo umalis. Dito na lang muna ako sa labas kakain at baka marumihan pa ang loob ng sasakyan mo, ipalinis mo pa sa akin.”

“It’s just a car, Xeena.”

Nagkibit lang siya ng mga balikat, saka sadyang mabagal na nilantakan ang pagkain. Sigurado kasing maiinis ito sa gagawin niya. Inilaylay niya ang mga paa sa labas ng sasakyan, tanda na wala pa talaga siyang balak na umalis. She was waiting for him to scold her but he just gave out a sigh and stayed by her side.

“Tony, tawagin mo si Anselmo. Baka gusto ninyong mag-fish ball na muna. Mukhang matatagalan pa tayo dito.”

Sumunod naman agad ang mga tauhan nito. “Hindi pa naman kami nagugutom, Sir. Pero salamat na rin ho.”

“Libre mo ba ito, Sir Vincent?”

“Oo. Manong, bigyan n’yo rin sila.”

“Kayo, Sir?”

Akala ni Xeena ay tatanggi si Vincent kaya nagulat na lang siya nang kumuha rin ito ng isang stick at nakitusok sa fish ball na niluluto ng tinderong tuwang-tuwa sa mga galanteng customer. Hindi tuloy niya maiwasang pag-aralan ang mga ginagawa ni Vincent. Bakit ba tila hindi man lang ito naiinsulto o naaasar sa mga pinaggagagawa niya? He was definitely someone who couldn’t be fooled. Pero wala itong ano mang sinasabi na tigilan na niya ang mga ginagawa at naiistorbo na ito nang husto. Basta pinagbibigyan lang siya nang pinagbibigyan ng lalaki.

Hindi kaya iniisip ni Vincent na makakabawi rin ito sa kanya? Dapat siyang mag-ingat.

Isang malakas na busina ng sasakyan ang gumulantang kay Xeena kaya nabitawan niya ang hawak at tumapon iyon sa suot na T-shirt. Agad namang hinubad ni Vincent ang suot na overcoat at ibinigay sa kanya.

“Pare, mukhang enjoy ang picnic n’yo dito ng mga tauhan mo, ah.”

The guy from the other car, who also happened to be the reason why brown sauce was all over her shirt, was now walking on their side. Paglapit nito ay agad itong kumuha ng stick at nakitusok na rin sa nilulutong fish ball ng vendor.

“Hmm, matagal-tagal na rin akong hindi na nakakakain nito, ah.”

“Libre ni Sir Vincent, Sir Ken,” wika ng tauhan ni Vincent. “Ginutom kasi si Miss Xeena.”

“Xeena?” Saka lang siya nilingon ng lalaki. And she had to admit, the guy was really handsome in a boyish kind of way. “Hi there, pretty lady. I can’t believe my eyes. May kasama ngang babae sa kotse niya si Vincent Noblejas. Ano’ng ipinakain niya sa `yo at napasama ka niya sa kanya, Miss Pretty?”

Kilala ni Xeena ang lalaki. Kenshin Arboleda. Ayon sa Philippine Stats kung saan nabasa niya ang tungkol dito, isa ito sa pinakasikat na aktor sa bansa at isa rin sa pinangalanang pinakamayaman sa Pilipinas. Kung gayon, dalawa sa pinagkakaguluhang miyembro ng Billionaire Boys Club ang nasa harap niya ngayon. At kumakain ng fish balls.

“Kenshin,” wika ni Vincent na nagdidilim na ang guwapong mukha at nagbabanta na rin ang pagsasalubong ng mga kilay. “You have no business here.”

“Wala nga. Pero gusto ko lang ipaalam sa `yo na naipit ako sa traffic nang dahil sa eksenang ginagawa n’yo dito. Mas type kang panoorin ng mga motorista kaysa pagalitan kaya ako na ang lumapit.” Inubos na nito ang kinakain, saka itinuro ng hawak na stick ang highway kung saan buhol-buhol na ang daloy ng trapiko. “Kaya kung ako sa `yo, bago ka pa damputin ng mga pulis for public disturbance, bayaran mo na itong fish ball na kinain natin at umalis na kayo, ha? Istorbo kasi kayo sa daraanan ko.” Muli siyang nakangiting nilingon nito. “Of course, I know hindi ka kasama sa kalokohan nitong si Vincent. By the way, I’m Kenshin Arboleda. But you probably know me already.”

Hindi rin conceited ang isang ito. Mas pipiliin yata ni Xeena ang seryosong si Vincent kaysa sa kayabangan nitong si Kenshin.

“Sa Italy namamalagi si Xeena kaya hindi ka niya kilala, Ken.” Binayaran na ni Vincent ng buong isang libo ang vendor. “Huwag mo na akong suklian.”

Pagkatapos ay sinenyasan na niya ang mga tauhan na umalis na sila.

“Saan kayo pupunta ng magandang binibining ito, pare?”

“And why would I tell you?”

“Well, I just want to introduce myself to her personally since you said that she doesn’t know me.”

“She’s not interested.”

“Of course she is.”

“No, she’s not.”

Palipat-lipat lang ang tingin ni Xeena sa dalawang lalaki. At kung mahahalata na ang iritasyon sa mukha ni Vincent, kitang-kita namang nag-e-enjoy sa ginagawang pakikipagtalo rito si Ken. What was with these men?

“Bakit hindi natin tanungin si Xeena para malaman natin kung tama ka nga?” suhestiyon ni Ken, saka bumaling sa kanya. “Miss, guwapo ba ako?”

“Oo.”

“See that, Vincent? She’s really into me.”

“Get a life, Ken.” Pagkatapos ay tinulungan na siya ni Vincent na makaurong nang maayos para makapasok na ito sa kotse. “And tell your cousin Lantis I cancelled our lunch meeting for tomorrow.”

“What?”

“Yes, Ken. It was your fault.”

Isinara na ni Vincent ang pinto at inutusan ang driver na umalis na sila.

“Bakit mo kinansela ang business meeting mo nang dahil lang sa pagtatalo ninyong iyon?”

“Leave it be, Xeena.”

“Masyado ka naman. Binibiro ka lang naman ni Ken, napikon ka na agad.”

“Hindi ako napikon. Wala lang ako sa mood na makipagbiruan sa kanya.”

“Still, hindi mo dapat basta na lang itinapon ang isang potensiyal na investment. Nabasa ko ang article ng Philippine Stats about last year’s billionaire boys and Lantis Nakago was one of those businessmen you shouldn’t ignore.”

“Your point is?”

Antipatiko talaga ang unggoy! “Sa negosyo, hindi mo dapat pinagsasama ang emosyon at trabaho.”

“I’m not jealous.”

“Who said anything about jealousy?” Bigla siyang napalingon dito. “Don’t tell me… nagselos ka kay Ken?”

“No.”

Kalmante pa rin ang boses ni Vincent kaya hindi rin masiguro ni Xeena kung tama ang naging assessment niya. Pero bakit nga kaya bigla na lang itong naging defensive kahit hindi naman tungkol sa pagseselos ang tinutukoy niya? In any case, she could still use that to her advantage.

“So, nagselos ka nga.”

“No.”

“Hindi ko alam na type mo pala ang mga babaeng magaganda, sexy, at matalino.”

“No.”

“Bakit ka sumasagot? Wala naman akong tanong, ah.” Hindi siya patatalo. “Akala ko bato ka. Hindi naman pala. At higit sa lahat, may taste ka pagdating sa pamimili ng babaeng magugustuhan mo.”

“Tama na `yan, Xeena.”

“You like me. You got jealous of Ken.” Napangisi na siya dahil hindi na ito tumitingin pa sa kanya. “Aminin mo na.”

“Xeena—”

“Vincent.” Ah, revenge is really sweet.

And she should have just shut her mouth up. Dahil nang lingunin na siya ni Vincent ay napansin niya ang kakaibang kislap sa mga mata nito na parang nakapagpanumbalik ng kakaibang kabang inakala niyang nagagawa nang pagtakpan.

“As far as I’m concerned, Xeena,” sabi nito sa pinakamalumanay na boses. “Ikaw ang may gusto sa akin.”

“What?”

“So, aaminin mo na ba?”

“Wala akong gusto sa unggoy na tulad mo, `no!” Umurong pa siya palayo. “Mangilabot ka nga sa pinagsasasabi mo diyan.”

“Kung wala kang gusto sa akin, bakit mo ako hinalikan?”

“Hinalikan?!”

“You even said I was the most handsome man you’ve ever met.”

“Hindi totoo `yan! W-wala akong… hindi kita—”

“Yes, you did. Kaya hindi ako naniniwala sa sagot mo kanina nang tanungin ka ni Ken kung guwapo ba siya.”

“Sinungaling ka! I would never kiss a snake like you!”

“You already did.”

“Shut up!”

“Sino ngayon sa atin ang pikon?”

“Kapag hindi ka pa tumigil, ipapadyak ko na itong paa ko. At kapag naospital ako—”

“All right, I’ll stop, sa kondisyong wala ka na ring babanggitin tungkol sa mga nangyari kanina.”

Hinihingal na si Xeena nang makontento. Nararamdaman pa rin niya ang malakas na pagtibok ng kanyang puso dahil sa mga narinig. Ang siste kasi, kinumpirma ng mga sinabi ni Vincent ang nangyari kahapon na ipinalagay na niyang isang panaginip lang. Hinalikan nga niya ito! Impit siyang napahikbi sa sobrang kahihiyan. Kung bakit naman kasi kinulit pa niya ang lalaki. Hayan tuloy, siya ngayon ang nalagay sa spotlight.

“Don’t worry,” sabi ni Vincent mayamaya. “I was the only one who knew.”

Asar niyang ibinalibag dito ang coat na ipinahiram sa kanya. And if she didn’t hear him chuckle a bit, she would have strangled him with her bare hands. And the hell with her injured ankle.