noveltoon logo noveltoon
Vincent Noblejas (The Billionaire Boys Club 8)

Chapter 3

Ch. 3 / 10 Nov 28, 2025

“S HUT up.”

Napaupo si Xeena sa gilid ng kama matapos siyang ibaba roon ni Vincent. He was dusting off the mud that stuck on his immaculately black shirt with disgust.

“Don’t tell me to shut up!”

“Shut up,” ulit nito. “Daig mo pa ang mga alaga kong kambing kung mag-ingay.”

“Huwag mo akong ikumpara sa kambing!”

“Kung gano’n, manahimik ka.”

Napasinghap na lang si Xeena. This man was so blunt she wanted to smash his face with her dirty hands. May dalawang unipormadong katulong ang pumasok sa silid dala ang isang maliit na palangganang may tubig at malinis na bimpo.

“Linisan n’yo siya. Ayoko ng marumi dito sa bahay.”

“Huwag ninyo akong hawakan,” banta niya sa mga katulong bago binalingan uli ang lalaki. “Wala kang karapatang—”

“Ako lang ang masusunod sa loob ng pamamahay ko. Sige, linisan n’yo na siya. Kung hindi, sesante kayong dalawa.”

“What—”

“Hindi ako nagbibiro.”

Tahimik na sumunod lang ang dalawang katulong.

At kahit gustuhin ni Xeena na suwayin si Vincent, hindi niya puwedeng isakripisyo ang kahihinatnan ng dalawang katulong. Hindi naman kasi kaila sa kanya kung gaano kahirap maghanap ng trabaho ngayon. Kaya hinayaan na lang ang mga itong linisan ang maputik niyang paa at kamay. Pero muli na naman siyang nagulantang nang makita ang ginagawa ng lalaki.

“B-bakit ka naghuhubad ng T-shirt?!”

Napahinto si Vincent sa ginagawa. “Dahil dinumihan mo ang damit ko.”

“Eh, bakit dito ka naghuhubad?!”

“Because this is my room.”

“Your room?!” Tiningnan ni Xeena ang kabuuan ng silid na kinaroroonan. Everything in it indicated that the occupant was a male. Very male. Muli niya itong tiningnan. “Bakit dito mo ako sa kuwarto mo dinala?!”

Imbes na sumagot ay tuluyan na lang hinubad ni Vincent ang suot at nagtungo sa closet at kumuha ng panibagong T-shirt. Napatanga na lang siya. Hindi na kasi niya maalis ang mga mata sa katawan ni Vincent na talaga nga namang parang inukit ng isang napakagaling na eskultor. Biceps, triceps, and that absolutely nice six-pack abs! Kahit sinong babae na nasa matinong pag-iisip ay sasabihing huwag na itong magsuot ng T-shirt kahit kailan. At kahit anong utos sa isip na huwag magpakasinto-sinto, hindi niya magawa. Hindi niya mapigil ang sariling hangaan ang katawang iyon.

When Vincent slowly turned to her as if sensing her watching him, parang nag-slow motion ang bawat galaw nito. Napatuwid din siya ng upo. At muntik nang mahigit ang hininga.

No one had the right to be that handsome!

Parang gustong magprotesta ni Xeena nang maisuot na ni Vincent ang moss-green shirt na lalong nagpatingkad sa kakisigan nito. Pagkatapos ay nakapamaywang na siyang hinarap ng lalaki.

“May problema ba kung dito kita sa kuwarto ko dinala?”

Daig pa niya ang pinukpok ng martilyo sa ulo nang ma-realize ang ginagawang pagtunganga sa lalaki. Nakalimutan tuloy niyang may iniinda pala ang isang paa niya at naitapak iyon nang bigla siyang tumayo. This time, ang ingay na ginawa niya ay hindi dahil sa pagtatanong nito. And it hurt like hell.

“Naku, Ma’am, sorry po!” mabilis na paumanhin ng dalawang katulong.

“Hindi po namin sinasadya. Pasensiya na po.”

Napaupo na lang uli si Xeena sa kama. Nakita naman niyang lumapit si Vincent at pinalayo sa kanya ang mga katulong.

“Huwag mo akong hawakan!” sigaw niya nang tangka nitong hahawakan ang kanyang paa. “Lumayo ka sa akin! Puro na lang kamalasan ang nararanasan ko tuwing nakikita kita!”

“You’re ruining my bedsheet.”

“Damn your bedsheet!”

“Ipinagbabawal ko ang pagmumura sa loob ng kuwarto ko.”

It irritated her that he couldn’t even show a simple concern for her. And it irritated her even more thinking that she was actually ogling him just a few minutes ago. Kaya para maibsan ang pagkapahiya sa sarili ay inulan na lang ni Xeena si Vincent ng mura gamit ang salitang hindi nito maiintindihan. Iyon ang mga salitang tanging napag-aralan niya sa lengguwahe ng mga Italyano.

“Ang sabi ko, bawal magmura sa pamamahay ko.” Sinenyasan na ni Vincent na lumabas ng silid ang mga katulong. Sinubukan nitong muling hawakan ang kanyang paa. At nang tangkain niyang ilayo uli ang paa ay hinawakan na ng lalaki ang kanyang binti. “Lalo na ang matitigas ang ulo. Let me see your injury.”

Nagulantang na naman si Xeena nang pagmasdang nakapatong na ang kamay nito sa isang hita niya. Nasampal na sana niya ang lalaki kung hindi lang nito nasalo ang kanyang kamay.

“Damn it, woman!” Madilim na ang ekspresyon ng mukha ni Vincent. Nawalan na rin yata ito ng pasensiya dahil kinuha nito ang palangganang may malinis pang tubig at ibinuhos iyon sa kanya. “Siguro naman ngayon malamig na ang ulo mo.”

Hindi siya makapagsalita dahil parang nalulunod pa sa ibinuhos nitong tubig. Daig pa niya ngayon ang basang-sisiw.

“Good.” Inihagis sa kanya ni Vincent ang malinis na tuwalya. “Now, I’m going to call in my maids to help you clean up. This time, lady, huwag mo nang subukan kung hanggang saan ang pasensiya ko. Dahil kapag pinahirapan mo pa ang mga katulong ko, ako na mismo ang magbibihis sa `yo.”

Matiim nitong pinagmasdan ang basa niyang katawan, saka walang lingon-likod nang umalis.

Sinundan lang ni Xeena ng tingin ang lalaki. k ung sakaling wala siyang iniinda ay talagang nakipagbasag-ulo na siya. No one had ever made her feel this helpless. And never in her life had she experience this kind of treatment, especially from a guy she didn’t even know.

Bumalik na ang dalawang katulong at hinayaan na ring asikasuhin siya ng mga ito. The pain in her ankle subsided a little when the maids soaked it in warm water. Pero mukhang kahit kailan ay hinding-hindi na maiibsan pa ang galit na nararamdaman niya para sa lalaking naging dahilan ng mga kamalasang iyon.

“Ma’am, magpalit na ho kayo ng damit.”

“Ha?”

“Basang-basa ho ang damit ninyo, eh. Nasagi n’yo po ba ang tubig kanina?”

Hindi na lang umimik si Xeena. Sigurado kasing hihimatayin ang mga katulong sa mga maririnig mula sa kanya. Sa wakas ay nakapagpalit na siya ng damit.

“Kaninong damit itong mga suot ko?”

“Kay Miss Thea po. Dating girlfriend ni Sir Vincent.”

“May pumatol sa kanya?” Nagkatinginan lang ang mga katulong. “Never mind. Salamat sa tulong. Dito ba matutulog ngayong gabi ang amo ninyong iyon?”

“Baka po sa isa sa guest rooms. Basa kasi ang kama niya. Bukas pa mapapalitan ito.”

“Saang guest room?” Ilang balde kaya ng tubig ang makakaya niyang buhatin? Pero nagbago ang kanyang isip nang mahalatang kakaiba na ang tinging ibinibigay sa kanya ng mga katulong. May crush siguro sila sa ugok na iyon. “Puwede bang pakiabot sa akin ang telepono? May tatawagan lang ako.”

Magpapasundo siya kay Hevn. Kung kinakailangang umarkila pa sila ng helicopter o kahit eroplano para lang masundo siya agad, gagawin niya. Pero bago pa maabot ng katulong ang telepono ay tumunog na iyon.

“Si Sir Vincent po?” sabi nito sa kabilang linya. “Sandali lang po at tatawagin ko.”

Tatawagin? Kung ganoon ay magkikita na naman sila ng damuhong iyon? Pero huli na dahil nakalabas na ang katulong.

Ilang sandali pa ay naroon na uli si Vincent. Dala ang mga ginamit niya at pinagbihisan ay lumabas na rin ang isa pang katulong. Kaya ngayon, dalawa na lang sila sa kuwarto at talagang nakaharap pa ang lalaki sa kanya mula sa kinatatayuan nito malapit sa pinto. Ibinaling na lang niya ang mukha sa ibang direksiyon.

“Sino?” tanong ni Vincent sa kausap sa kabilang linya. “I don’t know, Silvanus.”

Silvanus? Napalingon siya rito. Hinahanap siya ni Silvanus? Paano nito nalamang nandoon siya?

“Ikaw si Xeena?” tanong ni Vincent sa kanya.

“Hindi.”

Ibinalik nito ang telepono sa tainga. “Yes, she’s here.”

Iyon lang at ibinaba na ni Vincent ang telepono. Napakunot ang kanyang noo. Ganoon lang ito makipag-usap?

“Ikaw si Xeena,” he said matter-of-factly. “My name’s Vincent. Si Silvanus nga ang kausap ko. Hinahanap ka raw ng pinsan mo.”

“Si Hevn? Bakit hindi mo ipinakausap sa akin?”

“I was talking to Silvanus. I just said your cousin was looking for you. That doesn’t mean she was also with him.”

Kung ganoon, ang mga ito pala ang nagtagpo sa Maynila. Siguro nga ay ang pinsan niya at si Silvanus ang para sa isa’t isa. Wala siyang nararamdamang inggit o pagdaramdam. So that was a good thing. Ang manatiling kaharap lang ni Vincent ang hindi ‘good thing.’

“Kailan daw nila ako susunduin dito? Mamaya?”

“Kumain ka muna. Baka kung ano pa ang masabi sa akin ng mga sundo mo.”

“Hindi ako nagugutom.”

“Ikaw ang bahala.”

Ibinalik ni Vincent ang cordless phone sa night table na malapit sa kanya. Hindi tuloy niya maiwasang masamyo ang panlalaking amoy nito. Hindi na rin niya naiwasang maalala ang eksenang napanood kanina.

Mariing ipinikit ni Xeena ang mga mata. Hindi ko siya titingnan. Hindi ko siya titingnan!

“Magkakilala pala kayo ni Silvanus.”

Hindi ko siya kakausapin. Hindi ko siya kakausapin!

“By the way, you’re gonna pay for that bedsheet you ruined.”

“What—” Nagmulat si Xeena ng mga mata. Nagulat pa siya nang makitang naka-squat sa kanyang harap ang malaking bulto ni Vincent habang iniinspeksiyon ang napinsala niyang paa. “What are you doing?”

“Naniniguro lang akong hindi ka dito aabutan ng kamatayan dahil sa katigasan ng ulo mo.”

“Mas mabubuhay ako nang matagal kung hindi ka na maglalalapit sa akin. Dahil ikaw ang dahilan ng lahat ng nangyaring kamalasan sa akin.”

“Kung hindi ka nag-trespass sa property ko, hindi nangyari sa `yo `yan.”

“Kung hindi ako nagulat sa biglang pagsulpot mo, hindi sana ako ako nahulog doon sa bakod at napilayan.”

“Kung hindi ka umakyat ng bakod, hindi ka sana nahulog.”

“You’re a heartless human being. Oh, wait. Let me correct that one.” Pinandilatan niya ito. “You’re not even human at all.”

“I’ve been accused of things far worse than that.” He gently brushed a finger on her swollen ankle. “Masama na ang lagay nito. Gusto mo nang mag-last supper?”

“You know what, Vincent? Isang paa ko lang ang may pinsala. `Yong isa, kayang-kaya ko pang ipanghambalos sa `yo.”

“Ilaan mo na lang `yan sa paglalakad patungo sa dining room dahil dalawang footbridge pa ang lalakarin mo bago makarating doon.”

“I can’t even walk, you jerk!”

Dumeretso na si Vincent ng tayo. His height was probably more than six feet so she had to look up at him. Really look up at him.

“No more cursing for a woman like you.” Nagtungo na ito sa pinto. “Or you’ll die starving.”

Iniwan na siya ni Vincent. May balak nga yata talaga ang damuho na patayin siya. The man was an all-out arrogant beast! Ni hindi man lang pinagbigyan ang mga pagmamarakulyo niya. Alam niyang wala na siya sa katwiran pero hindi ba dapat kahit paano naman ay hayaan siya nito sa mga gusto niya? O kaya naman ay ipagpilitan nito ang gusto. Tulad na lang ng pagpapakain sa kanya dahil halos buong araw na siyang hindi kumakain. The last thing she ate was a piece of chocolate she bought from Manila. At kaninang tanghali pa iyon. Anong oras na ngayon?

“Kung bakit naman kasi naimbento pa ng mga babae ang salitang ‘pakipot’?” reklamo ni Xeena. “At bakit sa dinami-rami ng lalaki sa mundo, Lord, bakit sa impaktong Vincent na iyon Ninyo pa ako itinambak?”

Nag-umpisa nang magreklamo ang tiyan ni Xeena. At sa bawat segundong lumilipas, lalo pang tumitindi ang galit niya para kay Vincent Noblejas.

Ilang sandali pa ay nakarinig na siya ng malakas na ingay. And another more minute, muling bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang lalaki. Pero hindi pala ito nag-iisa.

“Xeena!” Patakbong lumapit sa kanya si Hevn. “Oh, my God! Are you all right? Sorry, ngayon lang kami nakarating ni Silva.”

Instead of answering, she just stared back at Vincent, willing him to drop dead right in front of them all. Kaso, wala yatang santong kumampi sa kanya ngayon kaya buhay pa rin ang lalaki.

“Umalis na tayo dito, Hevn,” sabi na lang niya.

“Hindi ka pa puwedeng umalis,” sabi naman ni Vincent. “The doctor will be arriving soon.”

“Doctor? What doctor?” Napansin na ni Hevn ang namamaga niyang bukong-bukong. “Xeena, ano’ng nangyari sa iyo?”

“That jerk wanted to kill me!”

“I told you to leave my place at once. Dahil delikado dito para sa isang gaya mo. Hindi ka nakinig. Nagliwaliw ka pa sa buong estate kaya hayan ang inabot mo.”

“Alam mong naligaw ako!”

Umiling lang si Vincent. “Hindi ka maliligaw kung bumalik ka lang agad sa pinanggalingan mo.”

Marami pa siyang gustong sabihin. Actually, karamihan doon ay hindi magugustuhan ng kahit na sinong makakarinig.

“Ilabas na ninyo ako dito.”

“Pero ang paa mo—”

“It’s fine. Kaya ko pang tiisin. Sa ospital na lang sa Maynila tayo dederetso. Basta ilayo na ninyo ako dito at ayoko na lang makita ang pagmumukha ng lalaking iyan. Dahil lalala lang ang kalagayan ko.”

“Pero—”

“Let’s go.” Sa wakas ay nagsalita na rin si Silvanus. Pagkatapos ay lumapit ito sa kanya at walang sere-seremonya siyang binuhat.

Nagulat man sa ginawa ng lalaki ay hindi na tumanggi pa si Xeena. Pero nang tumapat sila kay Vincent ay may kung anong pumasok sa kukote niya.

“Put me down,” sabi niya. Sumunod naman si Silvanus. When she was finally on the ground once again, most of her weight was put on Silvanus’ as she clung to his shoulder for support. Saka niya sinampal sa pisngi si Vincent. “That’s for me. Tayo na, Silvanus.”

“They’re cousins,” wika ni Silva nang muli siyang buhatin. “Thanks, man.”

“Don’t mention it.”

Iyon ang kahuli-hulihang salitang narinig ni Xeena mula sa lalaking pinakasumpa-sumpa niya. At sa kahuli-hulihan ding pagkakataon ay muli niya itong tinapunan ng tingin pagsakay nila sa helicopter na sinakyan siguro nina Silvanus at Hevn patungo roon.

Vincent was standing on the front porch of his magnificent house, looking as lordly as ever. Itinaas nito ang isang kamay, tanda ng pamamaalam.

Inismiran lang niya ito bilang ganti.