noveltoon logo noveltoon
Vash Illustre (The Billionaire Boys Club 9)

Chapter 6

Ch. 6 / 10 Feb 05, 2022

Chapter 6

Six

“A

TE, NASAAN

na ang boyfriend mong mayaman?”

Binatukan ni Presea si Serg, saka ipinagpatuloy ang pagliligpit ng mga damit ng kanilang ina. Day off niya nang araw na iyon kaya naasikaso niya nang husto ang paglabas ng ina sa ospital.

“Kung sinamahan mo na lang kaya ang Ate Lucy mo sa pagkuha ng taxi, napakinabangan pa kita.” Ibinigay niya rito ang isang bag. “Ibaba mo na `yan sa lobby. Hintayin n’yo na lang ako doon ni Nanay.”

“Akin na iyang isa pang bag.”

“Naku, `Nay, hayaan n’yo nang si Sergio ang magbuhat niyan. Alalahanin n’yo, hindi pa kayo puwedeng magkikilos at baka bumuka pa iyang tahi ninyo sa ulo.”

“Bakit kasi hindi mo na lang tawagan iyong boyfriend mo, Ate? Eh, di sana hindi na ako nahihirapang magbuhat dito. Siguro, kahit sampung tagabuhat, mayroon ang boyfriend mong iyon, ano? Ang suwerte mo talaga, Ate— Aray!”

Nakatikim na naman si Serg sa kanya ng dagok sa ulo. “Hindi ba’t sinabi ko na sa `yong tumahimik ka na lang at gawin mo ang mga ipinapagawa ko sa `yo?”

Kakamot-kamot lang ng ulo ang kapatid nang buhatin nito ang bag at lumabas. “Child abuse ito,” bulong pa nito. “Isusumbong kita sa pulis.”

“May pa-child abuse-child abuse ka pang nalalaman diyan. Kilos na— Ay, wala na pala.” Nilingon ni Presea ang ina na natatawa na lang. “Kapatid ko ba talaga iyon, `Nay? Baka naman napulot lang ninyo si Serg sa kung saang imburnal.”

“`Sus, noong kasing-edad ka ni Sergio, mas malala pa ang kakulitan mo sa kapatid mong iyon, akala mo.”

“Wala akong maalala,” kaila niya, saka ipinagpatuloy ang pagliligpit. But of course she remembered it. Paano niya iyon makakalimutan kung sa bawat sandali ng kanyang kabataan ay lagi iyong ipinapaalala sa kanya ng kanilang mga kapitbahay?

“Pero maalala ko, nasaan na nga ba ang manliligaw mong iyon?”

“Manliligaw? Si Estong? Naku, wala na `yon. Mabuti nga at natahimik na ang mundo ko sa hotel.”

“Hindi iyon. `Yong isa pa. `Yong guwapo at may kakaibang pangalan.”

Muling nilingon ni Presea ang ina. “Si Vash? Ay, `Nay. Huwag na kayong mangarap na makakasungkit ng guwapo at mayaman itong anak ninyo.”

“Bakit naman? Maganda ka, masipag, at mabait. Kahit sinong lalaki ay masuwerte kapag napili mong mahalin.”

Tumawa lang siya. “Nanay ko nga kayo.”

“May gusto ka sa kanya, ano? Nahalata kita nang unang beses mo siyang dinala rito.”

“Nahalata n’yo `yon? May sakit pa kayo no’ng mga panahong iyon, ah.”

“Ako ang iyong ina. Kaya kahit paano, alam ko kung ano ang nararamdaman mo pagdating sa mga ganitong bagay.”

She took her time folding the blankets. “Kahit magkagusto ako sa kanya, hindi pa rin kami bagay. Mayaman iyon, `Nay. Mahirap lang tayo.”

“Sino naman ang nagsabi na nakabase sa kayamanan ng isang tao ang karapatan niyang magmahal? Walang nakasulat na ganyang batas, anak.”

Pareho ng sinabi nito ang sinabi noon ni Vash nang maliitin siya ni Estong. Malungkot na ngumiti si Presea. Sinabi lang iyon ni Vash dahil nagdadrama pa sila nang mga sandaling iyon. Ang kanyang ina naman, sasabihin nito ang lahat dahil gusto nitong bumuti ang pakiramdam niya sa mga ganoong bagay. Mabait pa rin ang Diyos dahil pinalilibutan siya ng mabubuting tao.

Nang matapos ilagay sa mas malaking bag ang mga kumot at iba pang damit na binihisan nila, tinapik-tapik ni Presea ang bag.

“Ready na kayo, `Nay—”

Her sister Lucy barged in. “Ate! Ate, hindi ka maniniwala— Ay!”

Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil itinulak na ito ng isa pang mukhang excited na si Serg. “Ate! `Yong lalaking mayaman, nandito siya!”

Hindi nga nagsisinungaling ang magagaling niyang kapatid. Because standing tall behind her brother was Vash, who looked charmingly handsome in his simple moss green shirt and faded jeans. Ginulo pa nito ang buhok ni Serg, saka tinulungang makatayo si Lucy na halatang sinadyang hindi muna kumilos mula sa pagkakaupo sa sahig.

“Ngayon lang ako nakatanggap ng ganitong welcome. Mabuti na lang pala at pumunta ako dito.” Sa wakas ay binalingan siya ni Vash. “Hi. I just thought you might need some help.”

“Paano mo nalaman…?”

“Nabanggit mo sa akin noong unang beses mo akong isinama dito.” Nilingon nito ang kanyang ina. “Kumusta ho? Maayos na ho ba ang pakiramdam ninyo?”

“Oo, salamat. Pero itong anak ko, mas maayos na ang pakiramdam niya ngayong nandito ka.”

“`Nay!” Dinampot na lang ni Presea ang mga bag at ilang gamit. Pero naunahan na siya ni Vash.

“Ako na.” When he was finished picking up their things, he got a bag in one hand and another bag on his other shoulder. A pillow was tucked under his arm. “Ready?”

Bilang sagot ay nagtawanan lang ang kanyang mga kapatid. Siya man ay parang gusto na ring matawa.

“Mr. Mayaman, hindi bagay sa `yo ang mga gamit namin,” wika ni Serg.

“Ha?” Tiningnan naman ni Vash ang mga bitbit mula sa bulaklaking bag hanggang sa unan. Imbes na ibaba ang mga gamit ay ngumisi lang ito. “Oo nga, ano? Kailangan ko ng isa pang bulaklaking unan dito sa kabilang braso ko.”

Kinuha niya kay Vash ang unan na nakaipit sa braso nito. “Ako na ang magdadala nito at baka mapagkamalan ka pang hardin sa labas.”

Ang gusto sana ni Presea ay tahimik na makalabas ng ospital na iyon. Pero dahil sa walang patumanggang pag-aasaran ng mga kapatid, bukod pa sa kapansin-pansin naman talaga nilang kasama na si Vash, naging imposible ang lahat. Lalo na at naki-join pa ito sa kadaldalan ng mga kapatid.

“So, ikaw ba ang may balak na kidnap-in ako?” tanong ni Vash kay Serg. “Puwedeng itanong kung paano mo gagawin iyon?”

“Well, that depends—”

“Aba, at nag-e-English ka na ngayon, ha?” komento ni Lucy. “Hindi bagay sa `yo.”

“Alam mo, Mr. Mayaman, kaya lang naman kita ipapa-kidnap ay para may pambayad ako sa pagpapa-salvage dito sa Ate Lucy ko.”

“Hmm, malaki nga ang potensiyal mong maging kriminal, bata,” wika ni Vash, saka malakas na tumawa.

“Maaaring hindi ka bagay sa kanya,” bulong sa kanya ng ina habang pinagmamasdan ang tatlo na nauuna sa kanila. “Pero siya, bagay na bagay sa iyo. At sa tingin ko, alam niya iyon kaya gumagawa siya ng paraan na mapalapit pa sa iyo nang husto.”

Bumulong din si Presea sa ina. “`Nay, gutom lang `yan.”

Palabas na sila sa entrance ng ospital na sinusundan pa rin ng mga tingin at bulungan ng mga tao roon. Nang makasalubong nila ang mag-asawang Yeoji at Pamela Buenzalido. She had recognized the couple from the magazine that featured the former billionaire boys. Mula kasi nang malaman niyang isa sa mga bagong miyembro ng Billionaire Boys Club si Vash ay nagkaroon na siya ng interes na basahin ang article tungkol sa mga lalaking pinagkakaguluhan ngayon ng mga tao.

“O, Vash,” nakangiting bati ng lalaki. Dumako ang tingin nito sa mga bata. “Anak mo?”

“Yeah,” pakikisakay naman ni Vash sa biro nito. “And this is my wife and my mother-in-law.”

“Kawawa naman ang mga fans mo,” wika ni Pamela, saka nakangiting iniabot ang kamay sa kanya. “Hi, I’m Pamela.”

“I’m Presea.” Tinanggap din niya ang kamay nito. “And I’m not his wife.”

“And this is the first time na may babaeng tumangging may relasyon kay Vash.”

“Ah, wala rin kaming relasyon.”

“So, you’re just friends? Ang alam ko, kay Kenshin lang bumebenta ang alibi na iyan since he’s an actor.”

“Pam, don’t interrogate her,” saway ng asawa nito. “Baka magalit si Vash.”

Pinauna na ni Vash ang mga kapatid niya sa nakaparadang limousine sa tapat ng ospital at ibinigay sa nakaantabay na driver ang mga dala nito. Pagkatapos ay saka siya binalikan.

“Isipin mo na lang na wala kang nakita at narinig, Presea. At kayong dalawa, asikasuhin na lang ninyo iyang pangalawang tsikiting ninyo.”

Napalingon siya sa impis pa ring tiyan ng babae. “Buntis ka?”

“Two months.”

“Congratulations, hija,” bati ng kanyang ina.

“Thank you ho.”

“`Oy, Vash, for good na ba `yan, ha?” tanong ni Yeoji. “Baka thank-you-you’re-welcome-darling na naman `yan.”

“Huwag mo nang problemahin ang problema ng ibang tao, Yeoji.” Iginiya na sila nito patungong sasakyan na naghihintay sa kanila. “Congratulations nga pala uli, pare.”

“Thanks. Ikaw, kailan ka naman namin babatiin ng ‘congratulations’?”

“Maghintay na lang kayo.”

“Malapit na ba?”

Imbes na sumagot ay ngumiti lang si Vash, saka kumaway sa mag-asawa bago sumunod sa kanila sa loob ng kotse. “Sorry about that,” sabi nito sa kanya. “Huwag mo na lang silang pansinin. Makulit talaga ang dalawang iyon.”

Tumango na lang si Presea. Natutuwa kasi siya sa kaalamang itinutukso ito sa kanya ng mga kaibigan nito. Alam niyang imposibleng mangyari na makatuluyan niya ang isang gaya ni Vash Illustre. Pero hinayaan na lang din niya ang sariling namnamin ang munting sandaling iyon kung saan naging karapat-dapat siya sa binata. Libre namang mangarap.

“Ate, kailan daw kayo magpapakasal ni Mr. Mayaman?”

Dinampot niya ang unan at ibinato iyon kay Serg. Malakas lang itong pinagtawanan ni Lucy. Habang ang kanyang ina ay lihim siyang tinapik-tapik sa kamay na parang sinasabing okay lang ang lahat. Sa kanyang tabi ay ngingiti-ngiti lang si Vash.

Lalo lang tuloy naging mas maganda ang mga eksena sa kanyang pangarap.

“SALAMAT.”

“Walang ano man.”

“Sana hindi ka nakulitan nang husto sa mga kapatid ko.” Naglalakad na sina Presea at Vash palabas ng bahay nila para ihatid si Vash sa sasakyan nito. “Ako rin minsan, sumasakit ang ulo sa dalawang iyon.”

“They’re fine. Naiinggit nga ako sa `yo dahil may nanggugulo sa `yo. Sa bahay namin, napakatahimik. Ako lang kasing mag-isa.”

“Nasaan na ang mga magulang mo?”

“They’re both dead. Car accident in Spain about five years ago.”

“Oh, sorry.”

Tumawa lang ito. “Hindi mo naman kasalanan kung bakit sila namatay. Kaya bakit ka nagso-sorry?”

“Wala. Naisip ko lang.”

Binuksan na ng driver ang pinto ng kotse para kay Vash. “Thanks for a wonderful day, Presea.”

“Hindi ko alam kung ano ang dapat mong ipagpasalamat dahil ikaw pa nga ang naperwisyo namin. Pero, sige, walang ano man din.”

He stood for a few moments against the open door of his car, just watching her as if he still wanted to say something.

Say you want to stay for a while,

dalangin niya.

Say you still want to be with me.

Pero siya na rin ang nagpaalala sa sarili na ang mga pangarap ay may katapusan din. Kaya nang sa wakas ay bahagyang itinaas ni Vash ang isang kamay bilang pamamaalam, umurong na siya nang dalawang hakbang.

“Ingat.”

Heavily tinted ang sasakyan ni Vash kaya hindi na niya alam kung nakatingin din ito sa kanya nang umandar ang kotse.

Napabuntong-hininga na lang si Presea habang pinagmamasdan ang papalayong kotse. Magkikita pa kaya silang muli? Pagbalik niya bukas sa trabaho sa hotel, naroon pa kaya si Vash? Pero parang hindi na niya kailangang magtanong pa kung kailan uli sila magkikita. Dahil napansin niyang huminto ang papalayong sasakyan ni Vash at ilang sandali pa ay heto na naman ito sa kanyang harap. He was all smiles when he got out of his car.

“O, may nakalimutan ka?”

“Medyo.”

Lumapit sa kanya si Vash. Nahigit niya ang paghinga. Would he kiss her? Well, hindi na rin masama ang good-bye kiss sa kanya.

“Naalala mo pa ang offer mo noon bilang kapalit ng pagpapanggap ko as your boyfriend?”

Walang kiss?

“Ah, `yong kay Estong? Oo, bakit?”

“I would like to take it.”

“Okay.”

Wala na ngang kiss, gagawin pa akong katulong ng hudyo! Hmp!

“Kailan mo ako gustong magsimula?”

“No, hindi ka maninilbihan sa akin. Ang totoo, kailangan ko kasi ng kaunting tulong for a certain project.”

“Certain project? Naku, Vash, college undergrad lang ako. Baka hindi kita masyadong matulungan diyan.”

“Don’t worry. It’s not what you’re thinking. So, puwede ka na ba bukas?”

“Bukas? Pero hindi pa ako nakakapagpaalam sa supervisor ko.”

“Ako na ang bahala doon. Si Denniz na lang ang kakausapin ko.”

“Aba, okay, ah. Ang lakas ng backer ko.” Pero pumayag na rin siya. “Saan nga pala kita mapupuntahan?”

“Susunduin na lang kita dito.”

“Okay.”

“Presea!”

Sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng nagsalita. Isang babae ang kasalukuyang lakad-takbo habang papalapit sa kanila. Hawak nito ang isang magazine sa kamay.

“Gemma,” sabi niya sa pinsan. “Wala kang pasok ngayon sa trabaho mo?”

“Meron. Pero tinamad ako, eh.” Ngiting-ngiti ito nang balingan ang nagmamasid lang na si Vash. “Mabuti na lang pala at sinabi kong nabangga ako ng kalesa kahapon kaya hindi ako makakapasok ngayon. Dahil ang suwerte ko ngayon.” Lihim siya nitong siniko sa tagiliran, saka binulungan. “Ipakilala mo ako kay Vash, bilis!”

“Kilala mo si Vash?” Nahagip ng tingin ni Presea ang magazine na hawak nito. Ang magazine kung saan n

aka-feature ang Billionaire Boys Club. “Ah, kaya naman pala. Vash, pinsan ko si Gemma. Gemma, si

Vash—”

“Hi!” Agad itong lumapit sa ngumiting binata. “Puwedeng magpa-autograph? Mahal na mahal kasi talaga kita sa lahat ng billionaire boys.”

“Gemma!”

“It’s okay.” Kinuha ni Vash ang ball pen at saka pinirmahan ang pahina ng magazine na naroon ang larawan nito. “Here you go.”

“Pa-autograph din kami!”

Nagulat pa si Presea nang mula sa kung saan ay nagsulputan ang mga kapitbahay niyang kani-kanina lang ay abala pa sa kani-kanilang ginagawa. Everyone was armed with a magazine and a pen. Kahit si Vash ay nagulat pero pinagbigyan pa rin nito ang mga kapitbahay. Nakita niyang lumabas na ng driver’s seat ang driver nito at dumikit dito. Ngayon ay bodyguard na ang tingin niya kay Bart. Pero hindi umalis si Vash hangga’t hindi napipirmahan ang kahuli-hulihang nagpa-autograph dito.

“Bye, Vash!” sigaw pa ni Gemma, saka ito nilubayan. “Balik ka uli dito, ha?”

“Sure.”

“Wow, sikat,” biro niya.

“Which reminds me, I still have to deal with Pam and Dunkey.”

Bumalik na si Vash sa kotse nito. Pero bumaba ang tinted window at sumungaw ang guwapong mukha ng binata. “I’ll see you tomorrow.”

Gladly.