Chapter 5
Five
“O
,
PRESEA,
nandiyan na naman ang masugid mong manliligaw.”
Napangiwi na lang si Presea nang makitang paparating sa kanilang direksiyon si Estong. Kuntodo ang ngiti nito habang parang hari na naglalakad sa hallway patungong employees’ exit. Kung hindi nga lang siya mahahalata, baka tinakbo na niya ang elevator para lang maiwasan ito.
“Huwag mo akong iiwan sa kanya, Mildred. Parang awa mo na.”
“Ako’ng bahala. Pero kapag naasar ako, puwede bang suntukin ko siya?”
Tinawanan lang niya ang kaibigan. But she kept close to her friend and coworker. Hindi naman siya nagmamadaling makauwi ngayon pero mas ayaw niyang makasama ang masugid na manliligaw.
“Magandang hapon, Presea,” bati agad ni Estong paglapit. “Maaari ba kitang maihatid ngayon?”
“Hindi puwede!” harabas na sagot ni Mildred. “Kumbaga sa Math, cannot be! Gets mo?”
“Hindi ikaw ang aking kinakausap.”
“Aba, ako man ay hindi ka kakakusapin kung ganyan ka, `no? Ang hirap mong makaintindi.”
“Ikaw na ba ngayon si Presea?”
“Ikaw na ba ngayon si Francisco Balagtas?”
Habang patuloy na nagtatagisan ng Tagalog at Taglish ang dalawa ay napansin ni Presea na bumukas ang elevator di-kalayuan sa kanila. Nakita niyang si Vash ang lumabas mula roon kausap ang isa pang matangkad na lalaki. Nag-check in uli ito sa hotel nila!
Kakawayan sana niya si Vash pero pinigilan niya ang sarili. Sa hotel na iyon, he belonged to the rich and the untouchables. At siya, isa lang ordinaryong tagalinis ng kuwarto ng mga ito. Kahit na nga ni minsan ay hindi ipinaramdam sa kanya ni Vash ang malaking pagkakaiba ng kalagayan nila sa lipunan. Pero mabuti na rin na alam niya kung saan siya dapat lumugar. Kung si Vash ang unang lalapit sa kanya, salamat. Pero kung hindi, hindi rin siya ang mauunang lalapit sa lalaki.
“Kung pangit ako, mas pangit ka!”
Iyon na lang ang huling salitang narinig ni Presea kay Mildred bago ito galit na naglakad palabas ng hotel. Nilingon niya si Estong.
“Ano’ng sinabi mo kay Mildred?” Hindi na kasi niya nasundan ang pinag-uusapan ng dalawa dahil na kay Vash na lang ang buong atensiyon niya kanina.
“Wala.”
“Kung wala, eh, bakit bigla na lang siyang umalis at parang galit na galit?”
“Wala nga. Ang mabuti pa kaya, ihahatid na kita. Kung saan man ang punta ninyo ni Mildred, ako na lang ang sasama sa iyo tutal, tapos na rin ang aking trabaho.”
Oh, no! Ang alibi ko!
Ano pa ngayon ang idadahilan niya?
“Presea.”
Bigla ang pagsikdo ng kanyang puso. Kilalang-kilala niya ang boses na iyon. Vash was smiling as he approached them. Hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang mga mata ng ilang empleyado ng hotel nang lumapit sa kanya ang binata. She couldn’t blame them. Billionaire boy Vash Illustre, mingling with a commoner?
“I thought I saw you a while ago. Pauwi ka na ba?”
“Oo, ihahatid ko na nga siya, eh.” Obviously, hindi aware si Estong kung sino ang nasa harap nito ngayon. Lalo na nga at simpleng T-shirt at maong lang ang suot ni Vash. “Ako na ang bahala rito. Bumalik ka na sa trabaho mo.”
“Gano’n ba?”
Kunot-noong napangiti lang si Vash nang balingan siya. Hindi naman niya maintindihan kung paanong napagkamalan ni Estong ang kasingguwapo at kasing-dignified-looking na gaya ni Vash bilang isang empleyado lang ng hotel na iyon.
“Ahm, Vash, pasensiya ka na—”
“Kilala mo ang lalaking ito, Presea?”
Gusto na niyang dagukan ang manliligaw. May mga pagkakataong mapapalagpas niya ang kayabangan nito. Pero hindi ngayon.
“Oo, kilala ko siya.”
“We met—”
“Vash, puwede ba tayong mag-usap sandali?” She pleaded to him with her eyes. “Sandaling-sandali lang.”
“Presea—”
“Estong, mag-uusap lang kami ng boyfriend ko, puwede?”
Mahina lang ang pagkakasabi niya niyon para walang ibang makarinig sa tatahiin niyang kuwento. Pero sapat na ang lakas ng kanyang boses para mamulagat si Estong habang si Vash ay napalingon sa kanya, parang nagtatanong. Mabuti na lang at hindi ito nagsalita. Iginiya niya si Vash sa di-kalayuan, kung saan sila lang ang makakarinig ng pag-uusapan nila.
“So,” he crossed his arms on his broad chest. “Tayo na pala, bakit hindi ko man lang alam?”
“Vash, I’m so sorry. Pero puwede bang humingi sa `yo ng napakaliit na pabor lang? Kung puwede lang sana, magpanggap kang boyfriend ko. Sa harap lang naman ni Estong.”
“Estong?” Nilingon nito ang kinaroroonan ng nakakunot-noong manliligaw. “Ayaw mo sa kanya?”
“Hindi naman sa ayaw—”
“Well, hindi nga naman kayo bagay.” He chuckled when she gave him a surprised look. “Just kidding. So, you were saying, if I could pretend to be your boyfriend for a while. Is that it?”
Sa kabila ng kakaibang kaba sa kanyang dibdib nang dahil lang sa kakasabi nito, nagpatuloy siya. “O-oo sana, kung hindi nakakaabala sa—”
“Okay.”
“Magsisilbi ako sa `yo ng buong isang linggo nang walang bayad—”
“Presea, I already said okay. Hindi mo na kailangang magbayad.”
“Pero gusto kong magbayad…” She lowered down her voice since Estong was coming up to them now.
“Forget it,” sabi rin ni Vash sa mahinang boses. “Ako na lang ang bahala. Hi,” bati uli nito sa kanyang manliligaw. “Pasensiya ka na pero hindi na kami magtatagal ni Presea. May pupuntahan pa kami, so…”
“Pupuntahan? Kaming dalawa ang magkasama.”
“Presea, don’t tell me magsasama tayo sa date natin ngayong gabi?”
“Date?”
Gusto na niyang mapakamot sa ulo. Dapat ay tulungan niya si Vash sa paghahabi ng kasinungalingan para tuluyan na siyang tigilan ng manliligaw niya. Pero hindi na siya nakapag-isip pa nang deretso nang dumantay ang braso nito sa kanyang balikat.
“Yes, may date kami ng girlfriend ko.” Inilapit pa siya lalo ni Vash sa katawan nito at saka hinalikan sa sentido. “`Di ba, hon?”
“Hon?!”
Isang pilit na ngiti na lang ang naisagot niya. It was a good thing na mas magaling umarte si Vash. Kung hindi, siguradong buking na sila.
“P-pero… wala ka namang nobyo, hindi ba, Presea?”
“Walang ‘nobyo’?” Si Vash uli. “Honeybabes, bakit mo naman ako itinatanggi sa mga katrabaho mo? Ikaw talaga, hanggang ngayon ba, hindi ka pa rin nasasanay na magka-boyfriend na kasingguwapo ko?”
“Hindi ikaw ang kasintahan ni Presea! Guest ka rito sa hotel!”
“Ah, iyon ba? Nagkakilala kami nang minsang maglinis siya sa kuwarto ko about a few weeks ago. I fell in love with her and she accepted me.”
Parang gustong matawa ni Presea sa sinasabi ni Vash. Dahil iyon naman talaga ang eksaktong nangyari. Minus the loving part, of course.
“Bawal magkaroon ng relasyon ang isang empleyada at guest nitong hotel. Hindi papayagan—”
“Kaibigan ko ang may-ari nitong hotel. At alam na niya ang tungkol sa amin ni Presea. May basbas na niya ang relasyon namin.”
Doon na niya hindi napigilan ang pagngiti. Isa sigurong aktor si Vash noong nakaraang buhay nito. O kaya abogado. Because he was very convincing. But reality bites, `ika nga. Iyon ang napatunayan niya sa mga sumunod na sinabi ni Estong.
“Hindi ako naniniwala sa iyo. Paano kang magiging nobyo ng isang empleyada lang?”
Daig pa ni Presea ang sinampal. Noon ay hindi niya pinipigilan ang sariling mangarap ng isang gaya ni Vash. Mayaman, mabait, at guwapo. Ang katwiran naman kasi niya, walang masama sa pangarap. Pero ang marinig ang pilit na itinatangging realidad sa isang kapwa niya simpleng tao, para iyong wake-up call sa kanya. Billionaire boy Vash Illustre was very much out of her league.
Kumilos na siya para kumawala sa braso ni Vash nang maramdamang lalo pa iyong humigpit sa pagkakadantay sa kanya.
Nilingon ni Presea ang binata sa kanyang tabi. Napakaamo pa rin ng mukha nito, but there was a hint of anger in his eyes now.
“Huwag mong maliitin ang kakayahan kong magmahal, pare,” mahinahon pa rin nitong wika. Pero mararamdaman ang panganib na nagtatago sa likod ng boses na iyon. “Kahit kailan, hindi ako magmamahal ng isang babae nang dahil lang sa magkapareho kami ng estado sa lipunan. Presea might be the poorest creature on this planet but if I love her, I will love her. So, don’t you ever insult my girlfriend in front of me again.”
Sabay nilang pinagmasdan si Estong habang walang imik na itong umalis sa harap nila.
“That’s better,” sambit ni Vash. “Akala ko maghahanap pa siya ng ebidensiya ng relasyon natin. Handa pa naman akong ibigay iyon.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Well, usually, a jealous ex-suitor would request that the couple would kiss in front of him.”
“What?!”
“I know.” Bumuntong-hininga pa ito. “Sayang, `no? Umalis siya agad.”
Nilingon ni Presea si Vash. His arm was still lying comfortably on her shoulders, like he’d been doing it for a long time. Ang ipinagtataka niya, bakit parang ganoon din ang kanyang nararamdaman? It felt really good to have his arms around her. Nang mapalingon ito sa kanya.
“Nagbibiro lang ako,” nakangiti nitong sabi, saka inalis na sa pagkakadantay sa kanyang balikat ang braso nito. “Okay ka na?”
And it felt weird without his arms around her. Tumikhim siya. “O-oo, salamat.”
“Walang ano man. Sa tingin mo, mangungulit pa ang manliligaw mong iyon?”
“Sa palagay ko, hindi na ngayon.”
“Well, kung guguluhin ka pa niya, sabihin mo lang sa akin…” Napakunot ang noo ni Vash. “Teka, paano mo nga pala iyon gagawin? Sige, kunin ko na lang ang cell phone number mo.”
Umiling si Presea. “Hindi ako nagse-cell phone. Wala naman kasi akong importanteng paggagamitan n’on.”
“Well, now you do.” May dinukot ito sa bulsa ng pantalon nito. It was his cell phone. “Here, take mine.”
“Ha? Ano’ng gagawin ko diyan?”
“Kailangan mo ng cell phone. Para kapag nangungulit na naman ang manliligaw mong iyon, matatawagan mo na ako. And then ako na ang bahala sa kanya.”
“Hindi ko `yan matatanggap.”
Saglit itong tila nagulat sa pagtanggi niya. Then regrets clouded his handsome face.
“Sorry,” sabi nito. “Hindi naman sa iniinsulto kita—”
“Insulto? Naku, hindi. Ang totoo, nahihiya lang talaga ako sa `yo. Marami ka nang naitulong sa akin. Ni hindi pa nga ako nakakabayad kahit isa sa mga iyon.”
Agad namang lumiwanag ang ekspresyon ng mukha ni Vash. Oh, wow. Hindi niya akalaing may natitira pang lalaki sa mundo na ganoon kabait. Sana hindi ito agad kunin ni Lord.
“Forget it. Kailangan mo ng tulong kaya tinulungan kita. Walang bayad iyon. If you still need help, or anything, sabihin mo lang sa akin.”
Ngumiti lang si Presea. “Tama na ang mga naitulong mo.”
He matched her smile. “Okay.”
They stayed that way for a while, just looking and smiling at each other. Kahit walang nagsasalita sa kanila, naramdaman pa rin niya na may namuo nang espesyal na pagkakaibigan sa pagitan nila. At handa siyang tanggapin iyon. And how could she not when he was the one who bridged the gap between them?
“Ikaw, kung kailangan mo rin ng tulong,” sabi niya, “sabihin mo lang din sa akin. I’ll give all the help I can.”
“Thank you. That would be nice.”
“Vash.”
Sabay silang napalingon sa tumawag dito. Standing a few feet from them was her gray-eyed big boss who probably possessed the most beautiful face a man could have.
“Denniz,” acknowledged Vash as the man approached them. “What?”
“Ako dapat ang nagtatanong sa `yo niyan. Ano’ng ginagawa mo dito?” Denniz Serrano turned to her. “Miss Nolledo, kilala mo ang naglalakad na santong ito?”
Nagulat si Presea at natuwa nang malamang kilala siya ng may-ari ng Elite Hotel. Kunsabagay, hindi na iyon nakakapagtaka. Lahat naman yata kasi ng nagtatrabaho rito ay kilala nito. Which was very nice. No wonder marami pa ring nagpapantasya kay Denniz Serrano sa kabila ng pagkakaroon na nito ng pamilya. And she couldn’t believe her luck. Dalawa sa pinakaguwapo at pinakamabait na nilalang sa mundo ay heto at nasa harap niya ngayon. Kinakausap siya na parang normal lang ang lahat.
“Good afternoon, Sir,” bati niya.
“Tinulungan ko lang sandali si Presea na idispatsa ang makulit niyang manliligaw.”
“You really can’t resist butting in somebody else’s life, can you, Vash?” Iiling-iling na lang itong napangiti. “Miss Nolledo, ngayon pa lang ay pinaaalalahanan na kita. Don’t fall in love with his kindness.”
“Shut up, man.”
Tumawa lang ito. “Ewan. Kung ako sa `yo, bumalik ka na sa conference room kung ayaw mong ikansela ko ang negosyong pinag-uusapan natin bago ka naglagalag dito sa employees’ hall.”
“Sir Vash, may meeting kayo ngayon? Bakit hindi ninyo sinabi agad—”
“What’s with the ‘sir’? We’re friends now, aren’t we?” Nilingon nito si Denniz na nangingiti-ngiti lang na naglakad palayo. “Huwag mong intindihin si Denniz. Kapag pinagalitan ka niya, sabihin mo sa akin. Well, I have to go now. Ingat ka sa pag-uwi, ha?”
Presea watched Vash follow her big boss. She saw Vash playfully punching her big boss in the arm when he finally reached him. Saglit pang tila nagkaasaran ang mga ito hanggang sa mawala na sa paningin niya. Pero hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa rin sa kanyang isipan ang sinabi ni Denniz Serrano.
“Don’t fall in love with his kindness.”
Mabuti na at sinabi iyon ng big boss. Dahil sa kaibuturan ng kanyang puso, nararamdaman niyang parang nag-iiba na ang pagtingin niya kay Vash tuwing makikita ito.
Don’t fall in love with his kindness? Easy.