Chapter 8
8
“ANO? UMALIS
na ng isla si
Fafa
TJ ko?” bulalas ni Pinay nang makausap ang jeepney driver na palaging naghahatid sa kanya sa villa ni TJ noong una. Pangatlong araw na niya sa pagbi-vigil sa harap ng bahay ni TJ. Malapit na itong lumabas sa tunay na mundo at makihalubilo sa guests at members. Sa mga pagkakataong nakakausap niya si TJ ay mabait ito sa kanya. Siguro ay dahil kasama niya si Lee na member din ng Stallion Island. Siguro naman ay puwede na niya itong makausap nang solo sa susunod. Pero bago pa niya maituloy ang balak ay iyon na ang nangyari.
“Oo. Ako pa nga ang naghatid sa kanya kanina. Narinig kong may kausap yata siyang babae. Babalik nga raw siya sa Maynila agad.”
“Gaano raw siya katagal doon, Manong?”
“`Di ko alam. Basta sinasabi ko lang ang narinig ko. Nagmamadali nga siyang pumunta sa terminal. Paliparin ko raw. Paano naman ako lilipad? Jeep lang `to.”
Bumagsak ang mga balikat ni Pinay. Sino kaya ang babaeng iyon na sumira ng kaligayahan niya? Sinadya siguro nito iyon para maputol ang pag-iibigan nila ni TJ. Malapit na silang maging close. “Paano na kami ni TJ?” Ibig bang sabihin ay kailangan na niyang lisanin ang isla dahil wala naman ito roon?
“Huwag kang malungkot, Ma’am. Dalawa naman ang boyfriend mo rito sa isla, hindi ba? Doon ka na lang pumunta sa isa mo pang boyfriend.”
“Sinong isa mo pang boyfriend?”
Ngumisi ito. “Si Sir Lee.”
Supportive talaga si Lee pagdating kay TJ. Naghihinala nga siya. Parang sa kilos ni Lee ay gusto pa rin siya nito. Pero hindi naman ito gumagawa ng paraan para pigilan ang kahibangan niya kay TJ. Baka naman bumabawi lang ito sa mga kapalpakan nito dati.
“Sige, Manong. Pakidala po ako sa querido ko,” pabirong sabi niya.
Sa Banyan Tree Restaurant siya dinala ng driver. Kumakain si Lee kasama ang ibang member ng Stallion Island. Tumayo agad ito nang makita siya at iniwan ang mga kasamahan. “O, akala ko, pupunta ka kay TJ?”
Nanghaba ang nguso niya. “Wala na siya. Bumalik na raw sa Manila. Sa palagay ko, kailangan ko na ring umuwi.”
Sayang. Nagsisimula nang magustuhan ni Pinay ang isla. Marami pang bahaging hindi pa niya nakikita. Gusto rin niyang makilala pa ang ibang miyembro ng Stallion Island. Nakasundo nga niya si Quillian na isang TV producer. Nakakadaldalan kasi niya ito sa iba’t ibang isyu sa pulitika. Pati si Noah na cute flower boy. Too bad. Wala nang rason para manatili pa siya. Si TJ lang naman ang ipinunta niya roon.
“You can stay if you want,” sabi ni Lee. “Kahit na gaano pa katagal. Malay mo, bumalik agad si TJ.”
“Talaga? Okay lang sa iyo?” tanong niya.
Hinawakan nito ang balikat niya. “Of course.”
Parang naglaho ang madilim na ulap sa paligid ng lalaki. Parang mas naging guwapo pa nga si Lee sa paningin niya nang ngumiti ito at ang mga mata nito. Noong mga nakaraang araw kasi ay parang palaging malungkot at matamlay ang lalaki. She wanted to see him smile more. Gusto pa niya itong makasama.
Hinawakan ni Pinay ang kamay nito. “Thank you, Lee.”
“So what do you want to try first?”
“Horseback riding!”
MAHIGPIT ang pagkakahawak ni Pinay sa mga hita ni Lee. Nakasakay sila sa kabayong si Firewind. “Leigh Armaund! Oras na ihulog ako ng kabayo mo, gugulpihin ko kayong mag-amo! I swear!” mariing sigaw niya. Lalo pang humigpit ang pagkakakapit niya.
Marahan lang naglalakad ang kabayo paikot sa trail papunta sa Mist Valley Village. Gusto kasi niyang makita ang falls. Pero malay ba niyang mawawala ang katapangan niya kapag nakasakay na sa kabayo? Nang makita niya si Firewind kanina ay nagdadadamba iyon at parang ayaw magpasakay. Na-imagine niya ang hitsura niya habang sakay ng nagwawalang kabayo. Tiyak na patay siya.
“Ako naman ang papatayin mo sa kakahawak mo sa hita ko.”
Bigla niyang binawi ang mga kamay. “S-sorry!”
Mukhang mana ang kabayo kay Lee. Nawawala kasi siya sa sarili kapag kasama ang mag-amo. Parang gusto niyang magsisi na nagpaiwan pa sa isla. Sana ay sumabit na lang siya sa buntot ng eroplano ni TJ kung alam lang niyang mamamatay siya sa takot sa pagsakay sa kabayo.
Iniyakap nito ang kamay sa harap ng balikat niya at kinabig siya pasandal sa dibdib nito. “Relax, Pinay! Kung matetensiyon ka, pareho lang tayong malalaglag. Mabagal lang naman ang takbo natin.”
Pero parang nakikipagkarera naman sa bilis ng tibok ang puso ni Pinay. She smelled the faint scent of his perfume. It was so sexy. Kaunti pa at magtataksil na siya kay TJ. Parang masarap kasing singhut-singhutin si Lee.
Wrong timing talaga ang pagbalik nito sa buhay niya. Bakit hindi na lang ito nagpakita sa kanya dati noong puwede pa niyang ibigay ang puso niya at handa pa siyang isuko ang takot niya para mahalin lang uli nito?
“Idilat mo na ang mga mata mo. Enjoy the view.”
Dahan-dahang dumilat si Pinay. She could see the view of the majestic falls from afar. The cascading water looked pretty and romantic. Musika rin sa pandinig niya ang lagaslas ng tubig. Marami palang gandang naitatago ang isla. Ang akala niya ay sapat na ang white sand beaches niyon para mang-akit.
“Lee, gusto kong pumunta riyan.” Itinuro niya ang isang bahay sa gilid ng falls. It was Japanese Shinto inspired temple.
“Mist Fusion? Kung gusto mo, dadalhin kita riyan para mag-yoga. Makakatulong iyon para ma-improve ang martial arts skills mo.”
Tiningala ni Pinay ang lalaki nang may pagtataka. “Okay lang sa iyo na mag-improve ang martial arts skills ko?” Hindi ba at nakaka-degrade iyon sa isang lalaking katulad nito?
“It comes in handy. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may magdedepensa sa iyo. Mas gusto kitang makitang ipinagtatanggol ang sarili mo kaysa naman makita kong sinasaktan ka ng ibang tao.”
Ngumiti siya at tinapik ang kamay nito. “Thank you.” Ibang Lee na ang nakikita niya ngayon. Mas malawak na ang pang-unawa. Kung noon pa niya narinig ang mga salitang iyon, baka hindi sila naghiwalay. “Next time na lang tayo sa Mist Fusion. Gusto ko pang makita ang ibang parte nitong isla.”
“Sa Butterfly Farm naman tayo.”
Mas magaan ang loob niya kay Lee ngayon. Parang natanggalan siya ng isang malaking batong nakadagan sa dibdib. She could laugh freely with him. Hindi na rin siya naiilang dito. Parang bumalik ang dati nilang samahan. Maybe even better.
“ABA! MUKHANG masyado kang nag-e-enjoy riyan sa isla! Sabi mo, isang linggo ka lang diyan para makapiling at akitin si TJ. Wala na iyong aakitin mo, nandiyan ka pa rin. Mukhang iba na ang inaakit mo riyan,” sabi ni Einjel. Nahimigan ni Pinay ang panunukso sa dulo ng sinabi nito.
Nag-alala raw kasi si Tita Yolie dahil hindi agad siya nakauwi. Ang akala nga ng mga ito ay uuwi na agad siya pero nagtaka ang mga ito dahil pinili niyang magtagal pa sa isla kahit wala na si TJ doon.
Kausap niya si Einjel sa cell phone habang nasa wooden pathwalk siya ng Summer Snowflake. Isa iyong section ng isla na puro floating cottages at nakalinya ang mga floating cottages na parang hugis-snowflake. Ang gitna na siyang joint point ng lahat ng mga pathwalk ay ang Stallion Wave Restaurant. Naroon si Lee at ka-meeting si Chrome, ang stable master ng Stallion Island. Gusto kasi ni Chrome malaman kung saan magandang i-invest ang ipon nito.
“Magtigil ka nga riyan! Magkaibigan lang kami ni Lee. Nagmamagandang-loob lang siya na tulungan ako kay TJ. Saka sayang naman kung `di ako mamamasyal dito sa isla. Nandito na ako. Saka masarap mag-review rito. Walang sagabal, maganda ang view—”
“At may kasama ka pang guwapo. Halos wala ka namang naikuwento sa amin kundi si Lee. Iyong kuwento mo kay TJ mga fifteen minutes lang, `tapos balik na naman kay Lee ang usapan.”
“Paano nga, kami ang laging magkasama kaya mas marami kaming moment.”
In-adjust ni Lee ang schedule ng mga meeting nito para lang ma-accommodate ang pamamasyal niya sa isla. Ayaw nitong basta-basta siyang mamasyal nang hindi ito kasama. She enjoyed his company more. Nakita niya ang isang Lee na mas matured at mas sigurado sa sarili pero wala ang senyales ng pagiging chauvinist. Hindi ito masyadong nagkukuwento tungkol sa pagbo-volunteer nito sa Sulong Kababaihan. Ginto ang oras para sa katulad ni Lee pero pinili nitong mag-donate ng oras kaysa magbigay lang ng pera. Marami itong itinatago sa kanya.
“Nai-in love ka uli kay Lee, `no?” direkta nang tanong ni Einjel.
Inilayo ni Pinay ang cell phone sa tainga. “Ha? `Di na kita marinig. Choppy ka!” Kinatok niya ang mouthpiece ng cell phone. “Bye, Einjel!”
Ang bruhang pinsan niya. Parang nandedemonyo. Magkaibigan na nga lang sila ni Lee. Pero natigilan siya sa itinatakbo ng isip niya nang hawiin ni Lee ang buhok nitong nililipad ng hangin. He really looked good. Kahit ang simpleng paghawi nito ng buhok ay maganda sa paningin niya.
Dati nang nangyari iyon sa kanya. Wala siyang ginawa kundi sundan ang bawat kilos ni Lee noong mga panahong in love na in love sila sa isa’t isa. “I love you, Lee.”
Natakpan niya ng kamay ang bibig pagkatapos sabihin iyon. Ano ba ang pinagsasasabi niya? Sinapian ba siya ng espiritu ng nakaraan? Past is past. Tapos na ang relasyon nila ni Lee. Iba na ang gusto nila sa buhay. Basta si TJ na ang hihintayin niya.
Naputol ang pag-iisip niya nang may marinig na boses ng isang babae. “Sir, pakawalan po ninyo ako. Marami pa ako ng gagawin.” Waitress pala iyon sa restaurant. Hawak ng isang guest ang braso nito at ayaw bitiwan.
“Ayaw mong sumama sa aking makipag-date mamayang gabi?” Dinuro nito ang babae. “I’m Marc Fabio. Mayaman ako! Kayang-kaya kong bilhin ang restaurant na pinapasukan mo. Ngayon pa nga lang. kaya na kitang sesantehin.”
Mangiyak-ngiyak na ang babae at parang hindi alam ang gagawin. Ngising-ngisi naman ang walang modong lalaki.
The worthless scum!
Buhay pa pala ang hinayupak na manyak at sa Stallion Island naman nante-terrorize. Ang masama pa ay mukhang nakainom ito at wala sa tamang huwisyo.
Hindi na siya nakatiis. Kailangan niyang sagipin ang babaeng iyon dahil tiyak na mapapahamak lang ito sa manyak na si Marc.
Pinigilan ni Pinay ang kamay ni Marc na nakahawak sa babae at tinabig iyon. “Huwag mong pilitin ang ayaw sa iyo.”
Matalim ang mga mata ng lalaki nang bumaling sa kanya. “At sino kang pakialamera ka?” Hindi na nga siya nito makilala sa kalasingan.
“I’m Filipina Cornejo. I’m a paralegal. Puwede kang makulong sa ginagawa mong pangha-harass sa kanya.”
Isang pagkakamali lang, babalian niya ito ng buto. Gigil na gigil talaga siya sa mga lalaking ang palaging akala ay mailulusot ang mga kalokohan.
“Hindi mo ako puwedeng ikulong.” Ikinumpas ni Marc ang isang kamay. “I can even buy this whole damn island if I want to! Lalo naman kayo. Magkano lang ba kayo? Barya lang kayo sa paningin ko.”
“Then huwag mo nang guluhin ang mga barya.” Hinawakan niya ang kamay ng babae. “Ipapadampot natin iyan sa security para maipatapon sa labas ng isla. Ilang beses ka nang binastos ng lalaking iyan?”
“Mula pa po kahapon. Walang ipinagkaiba kung lasing siya o hindi. Bastos po talaga siya. Niyaya ba naman ako agad sa hotel kahapon? Magkano raw ako. Hindi naman po ako masamang babae, Ma’am.”
“Kayong dalawa! Huwag ninyo akong talikuran!” pasigaw na sabi ni Marc. “Ang mga bastos, dapat, turuan ng leksiyon!”
Nang lumingon si Pinay ay isang bote ng alak ang iwinawasiwas ni Marc patungo sa direksiyon niya. Masasapol na siya niyon at hindi niya alam kung paano makakaiwas pa.
Pumikit siya nang mariin at hinintay ang pagpalo ng bote sa kanya. Narinig na lang niya ang pagbagsak ng bote at pagtama ng isang katawan sa mesa. Nang dumilat siya ay nakangudngod na si Marc sa mesa. Isang lalaki ang pumipigil sa nakapilipit na kamay nito. “Aaah! Pakawalan mo ako!” protesta ni Marc.
“Dream on! `Di ko hahayaang saktan mo si Pinay. Babalatan kita nang buhay!”
Nagulat siya nang makilala ang may-ari ng boses. It was Lee. Tama ba ang pagkakaintindi niya? Ito ang nagpabagsak kay Marc at pumilipit sa kamay nito? It was something that she didn’t expect from him. Na maagap siya nitong masasagip mula sa disgrasya. Bigla siyang nanlambot. Muntik nang mabasag ang bote sa mukha niya kung hindi dahil sa tulong nito.
Naramdaman na lang ni Pinay ang pagdaloy ng luha sa kanyang pisngi. Naalala niya ang pagkakataon na hinampas ng papa niya ng bote sa ulo ang mama niya. It was the day her mother died. She felt so helpless. Pakiramdam niya ay siya ang mama niya kanina na hahampasin ng bote ng kanyang papa at mamamatay na lang.
“Babae lang iyan, pare!” sabi ni Marc.
Lalo lang inginudngod ni Lee si Marc sa mesa at pinilipit pang lalo ang braso. “Hindi mo ako pare. At hindi lang babae si Pinay. Wala kang karapatan na saktan siya at bastusin ang kahit sinong babae. `Di sila basta babae lang.”
Dumating ang security expert na si Ridge at inawat si Lee. “Tama na iyan! Kami na ang bahala riyan.”
“Palabasin n’yo iyan ng isla!” utos ni Lee at mukhang seryoso ito. She thought Lee was like her father. Na sasaktan din siya sa kahit anong paraan. Pero sa nakita niya kanina ay ipinagtanggol siya nito.
“Kami na ang bahala. Asikasuhin mo ang girlfriend mo,” payo ni Ridge.
Namutla si Lee nang makita siyang umiiyak. Dinalawang hakbang siya nito at niyakap. “Pinay, are you okay? May masakit ba sa iyo?” Hinaplos nito ang buhok niya. “Tinamaan ka ba ng bote kanina? Nabubog ba ang paa mo?”
Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatitig sa nakalahad na kamay niya. “Lee, maraming dugo. May dugo sa kamay ko.”
Hinawakan ni Lee ang kamay niya. “Wala namang dugo.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “Pinay, ano’ng nangyayari sa iyo?”
“Lee, iuwi mo na siya,” sabi ni Alexandros, isa sa mga village lord na head ng Stallion Island para sa araw na iyon. “Pasusunurin ko si Doc Nataniella sa inyo.”