noveltoon logo noveltoon
Leigh Armaund Lopez (Stallion island Series 4)

Chapter 4

Ch. 4 / 10 Nov 28, 2025

Chapter 4

4

NAKASUNOD

ang tingin ni Pinay kay Ligaya habang umiikot sila sa mga upuan. Kahit umaaktong clown at nagpapatawa, hindi ito isang malanding clown. Parang isang normal na lalaki sa kilos at pananalita.

Nang kumandong uli siya rito, nakatitig siya sa mukha nito. Kumurap-kurap ito. “Bakit? May problema ba sa mukha ko?”

Inilapit niya ang mukha sa mukha ni Ligaya. Parang may X-ray at laser beam ang mga mata niya. “Iyang makeup mo. Ano kaya’ng hitsura mo kapag wala kang makeup?”

Nagulat si Pinay nang bigla siya nitong buhatin. “Kanina pa sila umiikot. Kuwentuhan pa tayo nang kuwentuhan dito.”

Nang ibaba siya ni Ligaya ay hindi sinasadyang nadikit ang ilong niya sa dibdib nito. Napapikit siya sa mabangong amoy nito. “Sister, ang bango mo naman. Amoy-chocolate!”

Nakakaakit at parang masarap itong papakin. Parang binuhay ng amoy nito ang animal instinct niya. Na-imagine niya ang isang guwapong lalaki na katakam-takam. Ang akala niya ay imposibleng mangyari ang mga napapanood niya sa commercial kung saan todo-todo ang nagiging pagnanasa ng mga babae sa mga mabangong lalaki.

Pero hindi naman isang lalaki ang kaharap niya. Isa itong… sister!

Jeez!

Tiyak na isusumpa siya ni TJ oras na malaman nitong bukod dito, pinagnanasaan niya ang isang miyembro ng federacion. Malamang na kahit si Ligaya ay mandiri sa kanya.

Bading si Ligaya. Hindi kaya siya ang may diperensiya? Naaakit siya sa isang clown na bading na amoy-chocolate.

Gutom lang siguro ako.

NAGMAMADALI sa pagsasawsaw ng marshmallows sa chocolate fountain sa buffet table si Pinay.

“Ang dami niyan, ah,” puna sa kanya ni Ligaya. May dala itong juice. Natalo siguro sa game.

“Kanina pa ako nagke-crave sa chocolate. Nakakagutom tuloy.”

“Kaya siguro wala ka sa sarili habang naglalaro tayo kanina.”

Sumubo agad si Pinay ng marshmallow. Pagkatapos niyang maamoy ang cologne nito, pinili niyang magpatalo na lang para makakain. Hindi niya nagustuhan ang realisasyong naisip kanina. Naa-attract siya sa isang bading. So maybe it was just the cologne. Pero marami naman na siyang naamoy na mababangong cologne dati, pero hindi naman siya naapektuhan nang ganoon.

“Pasensiya ka na. Iba talaga kapag tinamaan ako ng gutom.” Pero mas malala kapag sinapian siya gaya kanina. Na-attract siya sa isang clown na bading.

Base sa obserbasyon niya, walang senyales na isang bading si Ligaya. Parang natural lang ang kilos nito. Katimbreng-katimbre pa nga ng boses nito si Lee. Baka naman galing ang clown sa abroad at ang mga bading doon ay hindi kinakailangang magkilos-babae at isinasapuso lang ang kabadingan. O baka naman ipinapakilala lang nito ang totoong pagkatao sa mga taong malalapit dito at sa mga taong tanggap ito.

Hindi na siya magtataka kung ma-attract dito ang ibang babae na hindi alam ang tunay na pagkatao nito. Gentleman kasi si Ligaya. At malakas ang hinala niya na guwapo rin ito sa ilalim ng makapal na makeup.

“May boyfriend ka na ba?” tanong niya.

Biglang umubo si Ligaya. “Wala!” sabi nito, saka umiling.

“Crush? Huwag ka nang mahiya. Tayu-tayo lang naman dito.” Nanatiling tikom ang bibig nito. “Sige. Ako na lang ang magkukuwento. Alam mo ba kung ano ang pinakamatinding dream ko?”

“To be a hard shot lawyer?”

“No! Gusto kong maging Mrs. Trinidad Javellana, Junior.”

Right. Kailangan niyang mag-focus kay TJ. That was the sane emotion.

“Iyong record company owner na member ng Stallion Island?”

Ipinitik ni Pinay ang mga daliri sa ere. “Bingo! Kaya nga gusto kong makarating sa Stallion Island. Handa akong pakasalan siya sa lahat ng simbahan, relihiyon, pari, sala ng judge o kahit pa sa office ng mayor. Teka, huwag mong sabihing gusto mo rin siya? `Di ko siya ibibigay sa iyo.”

May magkahalong lungkot at pagkadismaya sa mga mata nito. “You don’t look the type who would run after a celebrity. You are too sensible for that.”

“Sensible? What is sensible in your dictionary?”

“Realistic and you’ll go for the real guy.”

“Anong real guy? Mga lalaking insensitive sa nararamdaman ko?” Ikinuyom niya ang isang kamay at magaang dinibdiban ito. “Hindi ko kailangan ng ganoon. Doon na lang ako kay TJ. Naiintindihan niya ang nararamdaman ko.”

“Nagkausap na ba kayo? Kilala ka ba niya?”

Inubos ni Pinay ang huling marshmallow sa stick. “Kapag nagkita uli kaming dalawa, for sure mararamdaman niya ang connection na iyon.” Tinungga niya ang juice saka hinagilap ng mga mata si Jayden Arcena. “Nasaan na si Stallion Boy?”

“Sabi ni Imhan, kanina pa umalis.”

“Ano?” Nanlulumong nabali niya ang stick. “Nawala na ang ticket ko papasok sa Stallion Island. Paano na ang destiny ko?”

Nandoon na. Abot-kamay na niya si TJ. Dapat talaga, binakuran na niya si Jayden Arcena kanina para hindi na nakawala pa. Umupo siya at isinipa ang paa sa ilalim ng mesa. Hindi niya alam kung saan ibubuhos ang frustration. Pagkatapos na saglit na maakit sa isang bading na clown, ngayon naman ay pinakawalan niya ang pagkakataong makita si TJ.

“Gusto mo ba talagang mapasok sa Stallion Island?”

Tumango siya. “Oo. At hahalikan ko talaga ang sinumang magpapasok sa akin doon. Kahit isandaang halik pa kung gusto niya.”

“EINJEL, wala ka pa rin bang number ni Jayden? Dali! Kailangan ko talagang makasampa sa Stallion Island. Kahit i-donate ko pa sa kanya ang utak ko at bibigyan ko siya ng libreng service kapag pasado na ako sa Bar, gagawin ko.”

Labis ang panghihinayang ni Pinay sa pagkakataong pinalagpas niya. Dahil sa sobrang frustration ay hindi siya makapag-review nang mabuti sa bar exam. Ilang buwan na lang at kailangan na niyang harapin ang hamon na iyon. Pero hindi rin niya puwedeng palagpasin ang pagkakataon na makita si TJ at mapasok ang prestigious na Stallion Island.

“Ayaw ngang mamigay ni Imhan ng number,” nanunulis ang ngusong sabi ni Einjel habang nagbabalat ng hilaw na mangga. “Sa palagay ko, binabakuran na niya si Jayden para sa sarili niya. Paano naman ang future namin?”

“Lalo naman ang future namin ni TJ.”

“Nakakarindi na iyang TJ na iyan, ha,” singit ni Princezz, ang nakababatang kapatid ni Einjel. “Doon ka na lang kay Kuya Lee.”

Umakyat agad ang dugo sa ulo ni Pinay nang marinig ang pangalan ng dating boyfriend. “Bakit ba `di ka maka-get over sa Lee na iyon? Ako nga, matagal nang naka-get over sa kanya. Ni hindi ko nga alam kung nasaan na ang lalaking iyon. Malamang ay may girlfriend na iyon na `di makabasag-pinggan. Saka bakit ba biglang napasok si Lee sa usapan?”

Financial consultant si Lee sa isang malaking kompanya. Dahil may iba’t ibang opisina ang naturang kompanya sa iba’t ibang parte ng mundo ay madalas magbiyahe si Lee. Iyon lang ang alam niya rito. Kung may iba pang kuwento tungkol dito ay wala na siyang pakialam. Masaya na siya na may kanya-kanya na silang buhay.

Ang sabi ng marami ay mababaw lang ang away nila pero malaking issue na iyon sa kanya. Loving her ruined his pride. When he tried to claim his dignity back, he wounded her. Ang gusto lang naman niya ay irespeto ng isang lalaki ang karapatan niyang ipaglaban ang sarili at karapatan. Mabuti nang naghiwalay na lang sila noon kaysa naman umabot pa sa puntong matulad siya sa mama niya na nagmahal sa lalaking hindi ito kayang irespeto. Habang may natitira pa siyang pagmamahal kay Lee. Yes, she still loved him but they couldn’t stay together anymore.

Umiling lang si Princezz at tinakpan ang bibig. “Wala, Ate. Bigla ko lang naisip na mayaman na siya ngayon. Bawat buka ng bibig n’on dollars ang lumalabas. Mas madali namang akitin iyon kaysa kay

Fafa

TJ.”

Pinaikot ni Pinay ang mga mata. “Mas imposibleng magkatuluyan kami ni Leigh Armaund. Asa ka pa! Saka huwag ka ngang perhuwisyo sa pagtupad ko sa pangarap ko. `Di naman kita pinakikialaman sa mga ambisyon mo.”

Narinig niya ang ugong ng kotse sa ibaba. “`Andiyan na si Mommy!” patiling sabi ni Einjel. “Baka nakuha na niya kay Imhan ang phone number ni my darling Jayden.”

“And Jayden means TJ,” sabi niya at nakipag-unahan dito sa paglabas ng garahe.

Nagulat si Tita Yolie nang nag-unahan pa silang magmano rito at kunin ang mga dala-dalahan nito. “Aba! Mababait yata ang mga dalaga ko ngayon.”

“Mommy, nakuha mo na ang number ni

Fafa

Jayden?” tanong ni Einjel.

Umismid ito. “Iyon lang pala ang dahilan. No. Hindi raw ibibigay ni Imhan. Confidential. Saka mahiya ka nga, Einjeline. Ikaw pa ang tatawag sa lalaki para lang yayain kang mag-date.”

Itinaas ni Pinay ang kamay. “Tita, ako po hindi mag-o-offer ng date. Kapag ginawan ko siya ng pabor, ibibigay ko nang libre ang serbisyo ko oras na maging abogado ako. Puwede rin akong bodyguard. Kung ayaw niyang lapitan siya ni Einjel, puwede ko itong bigyan ng karate chop at ihagis,” sabi niya, saka humalakhak.

“Nasaan ang loyalty mo sa akin bilang pinsan mo? Tayo na nga lang ang magkatulong papasok sa Stallion Island, ako pa ang inaapi mo!” angal ni Einjel.

Isang sobre ang iniabot sa kanya ni Tita Yolie. “Ipinabibigay ni Ligaya sa iyo.”

“Ang baklang iyon! `Di na kami nagkakuwentuhan masyado noong nakaraan.” Nag-bonding kasi sila ng mga dating kabanda kaya umalis din sila bago magdilim. “Oh, my God!” nasabi niya nang mabuksan ang laman ng sobre. Isang card iyon na may gintong guhit sa likod. May logo iyon ng isang kabayo na nakatuntong sa parang isla. “Pass para sa Stallion Island! May pass ako!”

“Ha?” bulalas ni Einjel saka tiningnan ang card. “Totoo ba ito?”

“Huwag mong hingahan at baka mawalan ng bisa.” Binawi niya ang card mula kay Einjel. “Paano nagkaroon ng ganitong pass si Ligaya, Tita?” Imposible naman na miyembro iyon ng Stallion Island.

“May kilala raw siya roon. Ang kailangan mo lang gawin ay tawagan ang office ng Stallion Island dito sa Manila. I-confirm mo ang date ng pagpunta mo roon para maipa-reserve na ang date ng flight mo.”

Nanlaki ang mga mata ni Pinay. “Sosyal! Ano’ng number ni Ligaya, Tita? Gusto kong mag-‘thank you’ sa kanya.”

“Nasa Stallion Island na siya ngayon. Magkita na lang daw kayo roon. Basta ipa-swipe mo ang pass na iyan pagdating mo sa isla at bahala na siya at ang contact niya sa iyo. Kaya huwag mong iwawala ang card na iyan.”

“Hay! Anghel talaga si Ligaya sa buhay ko.” Hinalikan ni Pinay ang card. “Maghintay ka lang, TJ. Magkikita rin tayo at magiging akin ka!”

“SERYOSO ka ba rito? Baka mamaya, ma-recruit ka pa sa harem ni Prince Rostam,” nag-aalalang sabi ni Andrya na nag-drive sa kanya papunta sa tarmac ng chartered planes papunta sa Stallion Island.

“Si Prince Rostam naman iyon kaya okay lang. Sabi nga sa mga interview niya, kaya niyang gawing ginto ang buhangin sa disyerto,” nagniningning ang mga matang sabi ni Freya. “Hayaan mo na!”

“Bakit hindi mo na lang hintayin na maging close itong si Freya at si TJ? Doon siya nag-submit ng composition niya sa Pristine Records ni TJ,” sabi ni Haellene. “Kailangan ko ng lahat ng details sa pagpasok mo roon.”

“Hindi naman war zone ang pupuntahan ko. I will be safe.” Hindi na nakausap pa ni Pinay si Ligaya maliban sa text message at sa e-mail. Mukhang masyado itong busy sa isla. Noong una ay tanong pa siya nang tanong pero hindi naman nito sinasagot ang mga iyon. Importanteng tanong lang niya ang sinasagot nito. Ang importante, makakapasok siya sa Stallion Island. “So wish me luck, girls! `Di talaga ako uuwi hangga’t `di kami nagkikita ni TJ.”

Siyempre hindi niya kinalimutan ang secret weapon sa importanteng misyon niya. Kung kinakailangang laklakin niya ang Stallion shampoo para lang tiyakin na mabango at maganda siya para kay TJ ay gagawin niya.

“Kung ako sa iyo, magre-review na lang ako para sa Bar exam,” suggestion ni Andrya. “Kahit ang mga matatalino, `di nakakasiguro pagdating sa exam. Madi-distract ka pa sa pagre-review mo sa ginagawa mo.”

“Hindi ko naman kinakalimutan ang review ko.” Nagdala nga siya ng reviewer para may magawa kapag free time. “Mas maganda nga kung nasa isla ako. Tahimik doon, maganda ang view, at may inspirasyon pa akong guwapo!”

Ang akala ni Pinay ay magiging boring ang pagre-review niya. Bukod sa mapapasok niya ang islang pinapangarap ng mga babae, makikita pa niya si TJ.

“Hayaan mo na si Pinay, Andeng. Matanda na iyan,” saway ni Freya. “Basta sunduin na lang natin siya kapag na-deport.”

Inirapan niya si Freya. Nag-aalala lang naman ang mga ito sa kanya. Wala siyang oras sa negativity ng mga kaibigan. Kailangan niyang maging positive. Alas-tres na noon ng hapon at baka papadilim na pagdating niya sa isla. Ano kaya ang aabutan niya roon? A perfect sunset? Malamang ay santambak na mga guwapo.

Pagsakay sa eroplano ay dinala si Pinay ng stewardess sa plane seat. It was like a one-seat sofa. May mesa sa gitna niyon at nakaharap sa isa pang couch. Iniikot niya ang tingin sa eroplano. It was no ordinary plane. May sofa rin malapit sa cockpit. It was more like a business lounge. Nai-design siguro ang eroplano dahil karamihan sa mga pumupunta sa Stallion Island ay negosyo ang pakay. At sa sobrang busy ng iba ay hindi nag-aaksaya ng oras ang mga ito para pag-usapan ang negosyo.

“Ma’am, do you want iced tea, coffee, juice…”

“Coffee is fine. Thanks.” Nang iwan siya ng flight stewardess ay binuklat niya ang laman ng kanyang handbag. Kung hindi pa agad aalis ang flight nila, puwede pa siyang maglibang-libang. Dadamputin na sana niya ang reviewer niya nang lumipat ang kanyang kamay sa magazine kung saan naka-feature ang mga pioneer member ng Stallion Island. Binuklat niya ang pahina kung saan naroon si TJ. “Hello, handsome!”

Ilang sandali na lang ay magkikita na sila. Malapit na siyang makatapak sa lupang pangako. “Ako ba ang handsome na tinutukoy mo?”

Nag-angat si Pinay ng tingin para awayin ang ambisyosong lalaking nagke-claim na ito ang guwapong tinutukoy niya. Nabitiwan niya ang magazine sa panlalambot nang makita kung sino ang lalaking nagsalita at nasa harap niya. “Leigh Armaund.”

Parang slow-motion ang galaw ng lalaki nang hawiin ang buhok at umupo sa tapat niya. Hindi niya alam kung bakit na-distort ang space nang sumulpot ito. Parang ine-emphasize ng bawat galaw ng lalaki ang magagandang features nito. She remembered the first time they met. It was also like this.

His chinky eyes were shining. May pagkasingkit ang mga mata nitong nakangiti nang mga sandaling iyon. He was pleasing to the eyes. Naka-long sleeved light blue polo ito at black trousers na kaya nitong dalhin. There was an air of confidence around him. He was more mature now. Parang siguradung-sigurado na ito sa sarili. Malayo na sa lalaking ina-under niya noon.

Nang ngumiti si Lee, parang hinalukay ang nervous system niya. She was reacting like crazy. Hindi naman isang sikat na celebrity na katulad ni TJ ang kaharap niya para kiligin siya. This was Lee—Leigh Armaund Lopez, her ex-boyfriend. Ang nararamdaman niya kanina ay kay TJ lang niya dapat maramdaman dahil ito ang lalaki para sa kanya.

“Long time, no see, Pinay!” sabi nito, saka komportableng ipinatong ang braso sa armrest. “At dito pa pala tayo magkikita na dalawa.”

His voice made her feel vibrant and alive. Hindi na nito kailangang kumanta katulad ni TJ para makuha ang atensiyon niya. Sandali. Bakit iba na ang takbo ng isip niya? Parang biglang nakahigit si Lee kay TJ. Oo, nakakaakit nga ang boses nito pero kaboses naman ni Ligaya na isang bading.

Bigla siyang napahalakhak. The peculiar emotion she felt for him was wiped out. Alam na niya kung paano ito lalabanan. Isipin lang niya si Ligaya ay nawawala na ang pagkakaakit niya rito.

“What’s funny?” tanong nito.

“I’m just happy to see you after a long time. You have no idea, Lee.”

“I was expecting that you’d kick me out at first sight.”

Iyon sana ang plano ni Pinay kung nahimasmasan siya agad kanina. Pero dahil naisip niyang kaboses nito si Ligaya, nagbago na ang kanyang isip. Matagal na silang tapos ni Lee kahit na may kakaibang tulak pa rin ng damdamin siya para dito. Kung idadaan niya sa galit, baka pumangit siya kapag nagkita sila ni TJ. It was a perfect day. Bakit niya gagalitin ang sarili?

“Akala ko, nasa Singapore ka or was it Hong Kong? Asensado ka na!” Nang maka-graduate si Lee noon ay nag-agawan ang iba’t ibang malalaking kompanya sa serbisyo nito. She knew he would go a long way.

“Member na ako ng Stallion Island. Second batch.”

Napasipol si Pinay. “Cool! Mayaman ka na nga ngayon. May girlfriend ka na rin siguro.” Pinigilan niyang umasim ang mukha nang maisip ang isang babaeng maganda, sexy pero sinapian ni Maria Clara. Definitely his type and good for his ego.

“Matutuwa ka rin siguro kapag sinabi kong wala pa.”

Tumawa si Pinay nang marahan. Pinapalabas ba nitong hanggang ngayon ay interesado pa rin siya rito? “Nangungumusta lang ako. Kasi wala naman akong pakialam kung may girlfriend ka o wala. May boyfriend na ako.”

“Sino?” tanong nito.