Chapter 5
5
“HUWAG
kang hot at ipapakilala rin kita sa kanya.”
Siguro naman ay mananahimik na si Lee ngayon. Gusto sanang itanong ni Pinay kung bakit wala itong girlfriend. Pero hindi siya tanga para maniwala. Hindi pa naman nauubos ang mina ng mga submissive na babae sa mundo. Hindi naman siguro ito mahihirapan na maghanap ng kalahi ni Maria Clara tutal miyembro na ito ng prestigious na Stallion Island.
“Diyan ba talaga ang upuan mo?” tanong niya nang hindi pa rin ito umaalis sa tapat niya samantalang nag-take off na sila. “O puwedeng umupo rito kahit saan gustuhin na parang bus?”
“Parang ganoon na nga. Member din ng Stallion Island ang boyfriend mo?”
Inilabas ni Pinay ang reviewer at binasa. Ayaw niyang ma-focus sa mukha ni
Lee
o boses ang atensiyon niya. Baka maakit na naman siya rito. Pagtataksil iyon kay TJ. “Yes. Pasensiya na kung `di ako masyadong makikipagkuwentuhan sa iyo. Kailangan ko kasing mag-review. Malapit na ang Bar exam namin.”
“I know that you will be a good lawyer.”
Ngumiti siya nang matamis. “Thank you. Nag-a-assist na rin ako sa ilang case sa Sulong Kababaihan. Director n’on si Tita Yolie. Sana, makapag-donate ka.”
“Of course. Ako na ang bahalang kumausap kay Tita Yolie. I hope she and your cousins are okay. How’s Thorn?”
“`Ayun. May isang manyak na ipinakulong. Kailan kaya mauubos ang mga lalaking `di marunong rumespeto sa mga babae?” Isinara na rin niya ang libro dahil nawala na siya sa mood mag-review. Nagpakuha na lang siya ng kumot sa stewardess. Baka kung saan na naman mapunta ang usapan nila ni Lee. Ayaw niyang pasamain ang unang pagkikita nila sa pamamagitan ng pagsesermon dito tungkol sa karapatan ng mga kababaihan.
“Matutulog ka?”
Tumango si
Pinay. “Gigising na lang ako kapag nasa Stallion Island na tayo. Napagod talaga ako sa review ko.”
“Sweet dreams,” mahinang sabi nito.
She would definitely have sweet dreams. Si TJ at ang Stallion Island. It would be perfect. At paggising niya ay magkakatotoo na ang lahat ng panaginip niya.
Pero hindi siya komportableng matulog. Nararamdaman kasi niya ang mainit na titig ni Lee. Parang humahaplos ang mga mata nito sa balat niya. His gaze was too powerful as if it was his warm breath that was touching her skin… then his hands… and his smart mouth. Katulad ng ginagawa ng lalaki sa kanya noong boyfriend pa niya ito.
Tinanggal ni Pinay ang eye cover. Nahuli niyang nakatitig pa rin ang lalaki sa kanya. Ni hindi nga yata ito kumurap man lang. “Lee, I can’t sleep if you’ll keep staring at me.”
“I just miss looking at you. I haven’t seen you for a long time.”
Na-trap ang hangin sa dibdib niya at saglit na natigil sa pagpa-pump ng dugo ang kanyang puso. He missed her. He was staring at her as if his eyes were telling her that he still loved her. No. Hindi iyon puwedeng mangyari. Mas maganda kung ma-in love na lang sa ibang babae si Lee. Doon sa kalahi ni Maria Clara. Huwag na sa kanya.
“Gusto ko talagang matulog.” Binitbit niya ang kumot at nag-settle sa mahabang sofa malapit sa cockpit. Doon siya humilata. Walang nagawa si Lee. Para matitigan siya nito sa pagtulog, kailangan nitong tumanghod sa tabi niya. Tirikan na rin siya nito ng kandila kung gusto nito.
Sa wakas ay nakaidlip din siya pero hindi naman sweet dreams ang dumalaw sa kanya. Hindi si TJ kundi si Lee ang nasa panaginip niya.
BUMALIKWAS ng bangon si Pinay dahil sa marahang tapik sa kanyang balikat. Namulatan niya ang magandang flight stewardess. “Ma’am, we are here at Stallion Island. Kayo na lang po ang naiwan naming pasahero.”
“Ha?” Nang tumayo siya at iniikot ang tingin ay wala nang tao roon. Isinuklay niya ang daliri sa buhok. She looked like a mess for sure. Hindi siya puwedeng tumapak sa Stallion Island nang ganoon ang hitsura at anumang oras ay makikita niya si TJ. “Puwede bang mag-retouch muna?”
Inakay siya ng stewardess papunta sa restroom. Dali-dali siyang nag-retouch. Gaano ba siya katagal natulog? Hindi naman siya maiiwan kung hindi dahil kay Lee. Titig kasi ito nang titig sa kanya. Mabuti nga na wala na ito ngayon. At ipagdadasal niya na sana ay sa ilalim ng tubig o sa ilalim ng lupa ito maglagi habang nasa Stallion island siya para hindi sila magkita.
Pero mukhang mahina ang koneksiyon niya sa langit. Nakaabang na si Lee sa airport terminal habang nakabantay sa luggage nila. Hinawakan niya ang handle ng kanyang bag. “Thank you sa pagbabantay ng gamit ko.”
Hindi nito pinakawalan ang bag. “Ako na.”
Nawalan ng balanse si Pinay dahil sa puwersang gamit niya at bumangga siya sa katawan nito. “S-sorry…”
Huminga siya nang malalim nang maamoy ang mabangong cologne ng lalaki.
Drat!
She imagined lush, dark chocolate covering his body. Parang masarap itong papakin o kahit kainin nang buo.
Grr!
Bigla siyang dumilat. Pinagnanasaan niya ito. At minsan na niya iyong ginawa sa cologne ni Ligaya. Pareho ng cologne ang mga ito.
Itinulak niya ito sa dibdib. “Yuck, Lee! Pambading ang cologne na gamit mo.”
“Of course not. Panlalaki ang cologne ko. Regalo sa akin ni Kuya Torque.” Magaan na pinitik nito ang noo niya. “Mukhang kulang pa ang tulog mo. Dapat, `di muna kita ipinagising sa stewardess kanina. Natulog ka pa sana nang dalawang oras pa.”
“Sana, ginising mo ako. Baka naghihintay na ang kausap ko.”
“Don’t worry. `Di iyon aalis ng terminal nang wala ka.”
Hinayaan na niyang sumunod sa kanya si Lee hanggang pumunta siya sa arrival counter. She would be free of him once she was officially inside the island.
Nakangiting iniabot ni Pinay ang pass niya sa babae. Kinuha nito iyon at tumango-tango. “We just need your thumbprint, Sir Lee,” sabi ng babae kay Lee.
Pinigilan niya ang kamay ni Lee nang akmang ididiin na nito ang hinlalaki sa touch screen. “Wait! Hindi siya ang kasama ko,” sabi niya sa terminal personnel. “Tatawagan ko lang ang contact ko.” Luminga-linga siya at hinanap si Ligaya habang nagri-ring ang cell phone nito. Narinig din niyang nag-ring ang cell phone ni Lee.
Tiningnan nito ang cell phone. “Tinatawagan mo ba ako?”
“Of course not. Iba ang tinatawagan ko.” Hindi puwedeng si Lee ang mag-approve ng pagpasok niya sa Stallion Island. Ang ibig kasing sabihin ay magiging responsibilidad na siya nito. Ayaw niyang magkaroon pa ng koneksiyon kay Lee sa kahit anong paraan. Malas iyon sa pag-iibigan nila ni TJ.
“Ma’am, hindi po ba, si Mr. Leigh Armaund Lopez po ang contact ninyo?” tanong ng airport personnel at itinuro sa screen ang pangalan ni Lee na magsisilbing host niya sa Stallion Island.
Ilang beses kumurap si Pinay. Kinusot pa niya ang mga mata, saka nagpalipat-lipat ang tingin sa screen at sa screen ng cell phone nito kung saan numero nga niya ang naka-register na tumatawag. “Teka! Paano nangyari i—”
Hinawakan ni Lee ang baba niya. “Ako si Ligaya.”
She inhaled sharply when realization hit her. It was a painful realization. “Lee, isa ka nang bading?” Nasapo niya ang dibdib. “Oh, God!”
Kaya ba wala pa rin itong girlfriend hanggang ngayon ay dahil doon?
Jeez!
Mahirap siguro ang pinagdaanan nito para itago iyon…
“I’m not gay,” he hissed. Hinila siya ng lalaki sa gilid at sinenyasan ang personnel na maghintay. “Matagal na akong volunteer sa crisis center. Matagal na kitang nakikita pero `di lang ako nagpapakita sa iyo. Kung magpapakita man ako, I want to really look good. Ayokong humarap sa iyo nang mukhang clown. Wala nang maisip si Einjel kaya ‘Ligaya’ na lang ang itinawag niya sa akin. I had to go along with her. Wala naman akong choice. Kaysa naman magmukha akong katawa-tawa sa iyo.”
“You lied to me?” naniningkit ang mga matang tanong niya.
“It was not really my intention. Humahanap lang ako ng magandang pagkakataon para sabihin sa iyo ang totoo.”
Naikuyom ni Pinay ang kamay. Ang akala niya ay malinis ang intensiyon ng nag-imbita sa kanya. Na gusto lang siyang tulungan na mapalapit kay TJ. But it was a hoax. Pitong taon silang hindi nagkita ni Lee, pagkatapos ay paiikutin lang siya nito?
“Lee, sakit mo pa rin ba iyan? Nagsinungaling ka na naman sa akin. Why did you lure me here in the first place? Para ipagmalaki sa akin kung paano ka pagkaguluhan ng mga babae ngayon dahil member ka ng club na ito? O gusto mo na magkabalikan tayo? Well, I’m sorry. I’m in love with someone else.”
“Kanino? Kay Trinidad Javellana, Junior.”
“Excuse me, Miss Cornejo,” singit ng personnel. “Si Sir TJ po ba ang hanap ninyo? `Andoon po siya. Papasok na.”
Isang lalaking may bitbit na luggage bag at guitar case ang papasok na sa entrance section ng terminal. Alon-alon ang buhok at matangkad ang lalaki. Kumabog ang dibdib niya. “Oh, God! It’s TJ!” Hinabol niya ito. “TJ! TJ!”
She was suddenly lost. Gusto lang niyang makita si TJ at makalayo kay Lee. Lee confused her in so many ways. And he lied to her. Gusto na niyang takasan ang kasinungalingan nito. Gusto niyang makalayo rito. At mananatili lang siyang ligtas mula kay Lee sa pamamagitan ni TJ.
Dumaan na si TJ sa electronic sliding door. Ilang hakbang na lang siya mula rito nang biglang umalingawngaw ang alarm. “Intruder alert! Intruder alert!” sabi ng magandang boses ng isang babae.
Natigilan si Pinay sa pagtakbo at nagulat nang kuyugin siya ng mga tauhan ng security. “Ma’am, you are not allowed to step into this vicinity.”
“Ha? At bakit naman? Hinahabol ko lang si TJ…” Nang lingunin niya si TJ ay nakita niyang nakakunot ang noo nito. Parang isang insekto ang tingin sa kanya.
Saka lang nag-sink in sa kanya ang mga pangyayari. Hindi pa siya puwedeng pumasok sa Stallion Island dahil wala pa siyang permiso. At ngayon ay nag-eeskandalo siya sa terminal at pinagtitinginan ng mga tao. Tiyak na pinagta
tawanan na siya ng marami dahil sa kahihiyang dinaranas niya.
Gusto na lang niyang sumalampak sa marmol na sahig at tuluyan nang mabaon doon dahil sa kahihiyan. She even made a fool herself with TJ as a witness.
“It’s okay. I’m with her.” Saka lang nag-alisan ang mga security.
Naluluhang tiningnan niya si Lee. “Lee, nakakahiya talaga!” Isinubsob niya ang mukha sa dibdib ng lalaki. His chocolate-scented cologne was comforting. Gusto niyang sumubsob na lang sa dibdib nito kaysa harapin si TJ at ang mundo. Parang ayaw na niyang mangarap… ayaw na niyang tumingin… Doon na lang siya at sisinghutin ang bango ni Lee. Mas safe siya roon.
Hinaplos-haplos nito ang likod niya. “It’s okay. It happens.”
Humikbi si Pinay. “Paano pa ako makakaharap kay TJ nito?” Hindi iyon ang grand entrance sa Stallion Island na pinapangarap niya.
“It’s a part of life. You have to live with it. Ayaw mo na bang pumasok sa isla? Puwede pa kitang ipahatid pabalik sa Manila.”
Umiling siya. “Gusto ko pa ring pumasok. Puwede pa ba?”
Tumango si Lee nang marahan at ngumiti. “Yes. But you have to trust me.”
IBINUHOS ni Pinay sa pagkain ang frustration. Madilim na nang pakawalan siya ng security department ng Stallion Island. Dalawang malupit na interrogation ang pinagdaanan niya mula sa security personnel na si Ridge at sa head ng security department na si Oliver. Hindi pa nga siya nakakabawi sa kahihiyan, pakiramdam niya ay kriminal siya na kailangan pang uriratin ng mga iyon. It was an SOP for guests who tried to enter the island without proper approval.
Wala naman siyang problema dahil hindi naman siya kriminal o terorista. Nakapasok siya sa isla na suot ang mahiwagang singsing na isang security device. Katakot-takot na trauma pala ang daranasin niya bago makapasok doon.
“Sigurado ka na okay lang sa iyo na dito sa villa lang kumain?” tanong ni Lee. “We have really nice restaurants here with thrilling views even at night.”
“No. This is perfect!” Kumakain sila sa antique mahogany dining table sa mukhang makalumang villa na pinili ng kapatid nitong si Torque na miyembro na rin ng Stallion Island. Kung siya ang masusunod ay gusto niyang sa ilalim na lang ng lupa kumain. Kahit kasi ang hangin at ulap sa islang iyon ay parang kinukutya siya. Kung kailan naman tumanda, saka pa siya nagdala ng kahihiyan.
“I’m sorry. I didn’t mean to deceive you. Gusto ko lang naman na matupad ang wish mo na makarating dito sa isla.”
“It’s okay. Pinadali mo ang pagpunta ko rito. Plano ko ngang lumangoy na lang papasok dito o kaya ay humukay sa lupa, `tapos dito na ang labas ko.”
“You’re really hell-bent on meeting TJ, huh?”
Humigpit ang pagkakahawak ni Pinay sa tinidor at steak knife. “Hindi talaga ako titigil hangga’t hindi kami nagkakakilalang mabuti. Nakakahiya lang talaga sa terminal kanina. He must think that I’m some lunatic. May bodyguard pa akong security.”
“Ang importante, nakapasok ka na rito. So you owe me a kiss.”
Natigilan siya sa pagsusubo ng prawn with garlic sauce. “Ha? Anong kiss?” Nabagok ba ang ulo niya kanina at nangako siyang hahalikan ito?
“Sabi mo, hahalikan mo ang sinumang magpapasok sa iyo rito sa isla.”
Binitiwan ni
Pinay
ang hawak na kutsara’t tinidor at magaang dinampian ng table napkin ang bibig. “Huwag mong sabihing pinapunta mo lang ako rito para mahalikan mo ako? Akala ko pa naman, malinis ang hangarin mo sa akin.”
“Hindi ako ang nagsabi na hahalikan mo ang sinumang magpapasok sa iyo rito. It was you. And I’d do anything to be with you and get a kiss from you.”
Gusto niyang mairita dahil may ulterior motive naman pala si Lee sa kanya. Malay ba niyang seseryosuhin siya nito.
Well, that was Lee for you. Kahit ano yata ay gagawin nito noon para sa kanya. And he went through all those trouble just to get a kiss from her. Aminado siya na dapat niyang pangatawanan ang sinabi niya. He deserved that kiss.
“Gusto mong maningil na ngayon?” tanong niya.
Tumango ito. “Sure. But you can take your time.”
“Madali naman akong kausap. Sandali lang.” She scooped a spoonful of garlic sauce. Halos isinabaw niya iyon sa kanin at sunud-sunod na sumubo. Kumuha rin siya ng maraming onion rings at pinapak iyon. Nakamasid lang si Lee sa kanya. Nang mag-init na ang bibig niya dahil sa nakain ay hiningahan niya ang palad. Nang masiyahan siya sa nakasusulasok na amoy ng hininga ay nakangiting bumaling siya kay Lee. “Ano? Ready na ako.” Ibinuka niya ang mga bisig. “Come to Mama!”
Humalakhak ito at uminom ng orange juice. “You really don’t play fair. Do you think I deserve that kind of kiss?”
Ngumisi si Pinay. “Sorry, dude. Para kay TJ lang ang matamis kong halik.”
“Well, I deserve that more than he does. Kung wala ako, hindi mo rin siya makikita rito sa Stallion Island. Ni hindi ka makakatapak dito. And I want that sweet kiss, Pinay. I will claim it in my own time whether you like it or not,” he said it in a slow, caressing voice that made her tick. Even his gaze was smoldering it could make her insides melt.
Urgh!
Ano ba ang ginagawa ng lalaking ito sa kanya? Paano pala kung hindi siya kumain ng santambak na bawang at sibuyas? Malamang ay hinalikan na siya nito at tuluyan na siyang nawala sa katinuan.
“My kiss is mine to give.” Ikinuyom niya ang kamay. “At kahit pa sabihin mong may utang ako sa iyo, pasasabugin ko ang mukha mo kapag hinalikan mo ako nang walang consent at hindi ko gusto. Kaya kung hindi mo ako hahalikan ngayon, baka wala ka nang ibang pagkakataon.”
Natitiyak naman niya na hindi magte-take ng chance si Lee kung ayaw nitong maisugod sa ospital. Nagulat siya nang bigla itong tumayo at naglakad paikot sa mesa. Itinukod nito ang kamay sa mesa at sa sandalan ng upuan niya. “Of course, I won’t miss this chance.”
Napalunok si Pinay nang unti-unting bumaba ang mukha ng lalaki sa kanya. Was he serious? Hahalikan ba talaga siya nito? He must be nuts. Kahit si Boy Bawang ay hihimatayin sa hininga niya. Ganoon ba kadesperado si Lee na halikan siya?
Pumikit siya at hinintay ang pagdampi ng mga labi nito. When was the last time she was kissed? Si Lee ang huling nakahalik sa kanya. Pitong taon na pala siyang tigang. Her chest swelled with anticipation. Ang ibig sabihin ay para siyang tuyong lupa na malapit nang madiligan ng patak ng ulan. Lee was a good kisser and that was one of the best parts of their relationship. At matitikman uli niya iyon.
Naramdaman niya na sumayad ang mga labi nito sa noo niya. “Mag-toothbrush ka na at matulog. May meeting pa ako bukas ng umaga at malamang, pagod ka na rin. Marami pa namang pagkakataon para sa paniningil ko sa iyo.”
Halos malaglag na ang puso ni Pinay sa kakahintay sa halik nito, pagkatapos ay hindi naman pala itutuloy. Hindi rin naman siya basta-basta makakatulog kaya kakain na lang siya. Kailangan pa niya ng isang bonggang-bonggang plano sa pagkikita nila ni TJ. At ang halik ni Lee… Ila-lock na lang niya ang kuwarto at magbabaon siya ng bawang para hindi ito makatiyempo ng halik sa kanya. Asa pa ito.