noveltoon logo noveltoon
Lantis Nakago (The Billionaire Boys Club 6)

Chapter 6

Ch. 6 / 11 Nov 28, 2025

PAGKATAPOS na pagkatapos ng meeting, nakita ni Rinoa na mabilis na lumabas ng Jaberu si Karina. Agad itong sinundan ni Zech.

Nilapitan niya si Lantis. “Is that her?” tanong niyang ang tinutukoy ay si Karina. “She’s beautiful.”

“Bakit hindi mo sinabing pinsan mo si Marquez?”

Hindi niya nagustuhan ang pagtatanong ni Lantis. “Wala ka namang itinatanong kung magpinsan kami kaya hindi ko nasabi. And what’s with the tone, Lantis? May nagawa ba akong mali?” Ako nga dapat ang nagtatampo ngayon.

Pero imbes na layasan si Lantis, heto siya at hindi pa rin ito magawang layuan. Hay, buhay nga naman ng mga taong may problema sa puso. Parang normal nang maging dakilang martir.

“We’ve been talking about my problem with the women I care about falling for the BBC boys, Rinoa. You could have at least told me about your relationship with Marquez since he’s one of the billionaire boys.”

“I never thought it was that important to you. Besides, bakit parang ako ang sinisisi mo sa isang bagay na hindi ko naman sinasadyang maitago sa `yo? Bakit ikaw, wala ka rin namang sinabi na si Karina ang kasama mo, ah.”

Nang hindi kumibo si Lantis, parang may kung anong pumiga sa puso ni Rinoa. Ngayon lang niya na-realize, isa rin siyang dakilang assuming-era. Dahil ang lahat ng ipinakita at ipinaramdam sa kanya ni Lantis, wala lang iyon. Normal lang kumbaga.

But he kissed me…

Leche.

“I’m sorry. Wala akong karapatang magreklamo nang ganito. Wala ka ring obligasyong sagutin ang mga tanong ko kaya kalimutan mo na lang ang mga `yon.”

“I’m sorry, too. Punta lang ako sa CR.” Then he got up from his seat and left without even looking at her.

Bakit? Sasama ka ba sa CR?

But she felt like crying. Bakit ganito kalamig ang pakikitungo sa kanya ni Lantis? Ganoon ba katindi ang impact ng hindi niya pagbanggit na magpinsan sila ni Zech? Hindi naman niya iyon kasalanan, ah. Isa pa, bakit nila pag-uusapan si Zech, eh, wala naman itong kinalaman sa kung anumang namamagitan sa kanila ni Lantis?

Walang ‘“namamagitan” sa inyo, sabi ng maliit na boses sa kanyang isip, na gusto niyang murahin to the moon and back, kung nagkatawang tao lang iyon.

Rinoa took a deep breath to loosen up the feelings that was threatening to crush her heart. Ni minsan, hindi pumasok sa isip niya noon na iyakan si Henry. Pero kay Lantis, parang gusto na niyang humagulhol. To think na wala naman talaga silang relasyon.

Well, whatever. Mabuti ngang naging ganito na kalinaw ang lahat ngayon pa lang. Hindi pa siya masyadong lunod sa kakaasa na baka puwede…

Syet. Masakit pa rin, eh.

“May LQ kayo ni Lantis?” tanong ni Dunkey paglapit kay Rinoa.

“Ang Lovers’ Quarrels ay para lang sa mga lovers. Hindi kami ‘lovers’ ni Lantis.”

“Bakit umiiyak ka?”

“Hindi ako umiiyak, ah.” Idinampi ni Dunkey ang daliri sa pisngi ni Rinoa. “Eh, ano `to?”

It was indeed a teardrop.

HINAWI ni Rinoa ang kurtina at tumambad ang napakagandang tanawin ng flower farm nila sa bahaging iyon ng Benguet sa Mt. Province. Tanaw na tanaw ang kabuuan ng mabulaklak na lupain ng Buds and Twigs Flower Farm mula sa terrace ng kuwarto niya. This was their family’s third flower farm, bukod sa farm nila sa Laguna at Davao. Ang flower farm nila sa Davao ay mina-manage ng kapatid ng papa niya.

“Good morning, Philippines,” bulong niya. “What a great day, don’t you think?”

Pagkatapos um-attend sa successful wedding nina Sofia at Denniz noong nakaraang araw, nag-decide si Rinoa na magbakasyon na muna sa flower farm nila. Ang mga magulang na muna niya ang pansamantalang nag-manage sa Buds and Twigs branches nila sa Maynila. Laking pasasalamat pa nga ng mga ito dahil magkakaroon daw uli ng mapagkakaabalahan. Mula kasi nang i-take over niya ang pagma-manage sa family business, hindi na niya hinayaan ang mga magulang na mapagod sa pag-aasikaso sa negosyo. She just wanted them to relax and enjoy life more.

“Sorry, `Ma, `Pa,” bulong ni Rinoa sa malamig na hangin ng Benguet. “Sandali lang naman `to.”

She just felt like wanting to rest for a while. At hindi naman niya itatanggi sa sarili kung ano ang totoong dahilan ng biglaan niyang pagbabakasyon.

She was tired of thinking about Lantis all the time. Pagkatapos kasi ng huli nilang pag-uusap, lagi na lang niyang naiisip Lantis kahit anong pagpupumilit niyang kalimutan na ito. Nadagdagan pa ang sama ng loob niya nang hindi sumipot si Lantis sa kasal nina Sofia at Denniz. Siguro iniwasan na nitong makita pa sina Zech at Karina na masaya na as a newly engaged couple.

“Tanga ka talaga, Lantis.” Nag-uumpisa na namang bumangon ang kanyang inis. “Cute ka nga pero isa ka namang malaking tan-G-A.”

Nakatanaw pa rin si Rinoa sa malawak na lupain ng mga bulaklak nang makarinig siya ng ingay ng paparating na helicopter. Ilang minuto pa ang lumipas at nakita niya iyon na nagna-navigate sa isang clearing na malapit sa taniman ng mga rosas. Mayamaya pa, unti-unting lumapag doon ang helicopter.

“What the hell… Masisira ang mga bulaklak ko!”

Agad siyang lumabas ng bahay para sugurin ang walanghiyang nagpa-landing ng helicopter malapit sa farm. Pero natigilan siya at nagulat nang makilala ang mga sakay niyon na ngayon ay naglalakad na papunta sa flower farm.

Ano’ng ginagawa ng mga billionaire boys dito?

All five of them were present except Denniz who was probably on his honeymoon with his wife. Lalo pang nagulat si Rinoa nang tuluyang makalapit ang mga lalaki. She fixed his attention to...

“Lantis? Ikaw ba… `yan?”

Gone was the clean-looking and formal Lantis Nakago. In its place was a rugged-looking but still sexy guy who probably had not shaved that morning. Tumatabing sa mga mata ang ilang hibla ng buhok na noon ay laging maayos na nakasuklay. Ang long-sleeved polo naman na laging maayos na nakapaloob sa pantalon noon, loose na ngayon. Tatlong butones pa ang hindi nakasara. And he was wearing sneakers with his slacks! Pero ang lalong nakaagaw sa atensiyon niya ay ang benda sa ulo nito.

“A-ano’ng nangyari sa `yo… ”

“Hello, Rinoa.”

Lumapit sa kanya si Lantis at basta na lang siyang niyakap. Sa gulat, hindi siya nakapag-react. Napansin niyang mukhang nakahinga nang maluwag ang kasama nitong apat na lalaki. Sinenyasan pa siya ng mga itong hayaan si Lantis sa ginagawa.

“I’m so glad to see you, Rinoa. Akala ko, hindi na kita makikita.”

“Okay, show’s over.” Tinapik ni Rinoa sa balikat si Lantis para pakawalan na siya. He did but he stayed beside her. “Ano ba’ng nangyayari sa `yo? At saka bakit may benda ka sa ulo?”

Kinapa ni Lantis ang ulo at parang ito man, nagulat nang makapa ang benda.

“Siguro dapat mo na ring malaman dahil ikaw lang ang pag-asa ni Lantis na tuluyang gumaling,” sabi ni Treize.

“Gumaling?”

“Isa siya sa mga na-hostage na civilian sa isang bangko sa Germany noong nakaraang araw kaya hindi siya nakarating sa kasal nina Denniz at Sofia.”

“Oh, my God… ”

“Kahapon lang namin nalaman ang nangyari sa kanya kaya pinuntahan namin agad siya roon. Mabuti na lang at tapos na ang krisis pagdating namin.”

“Pero hindi naging maganda ang lagay niya,” dugtong ni Yeoji. “Pinalo siya ng baril sa ulo ng isa sa mga hostage taker nang tulungan niyang makatakas ang dalawa sa mga hostage. According to the doctor who treated him, he is now suffering from transient global amnesia.”

“Transient… what?”

“Transient global amnesia. Panandaliang pagkawala ng memorya,” sagot ni Zech. “Naapektuhan ang isang bahagi ng utak niya dahil sa malakas na pagkakapalo sa kanya sa ulo kaya pansamantalang hindi makakapag-store ng short-term memory ang utak ni Lantis. Kaya lahat ng sasabihin niya, sasabihin mo, at gagawin niya, automatic na mawawala sa utak niya within thirty minutes.”

“Nang kunin namin siya sa hospital sa Germany, ayaw niyang sumama dahil hindi niya kami kilala,” sabi ni Ran. “But he kept saying your name. May palagay ang mga doktor na ikaw ang kaisa-isa niyang memory na hindi nawala. O kaya naman, unang memory na bumalik sa kanya. Ganoon din ang paniniwala namin. That’s why we’re very optimistic about his condition. And according to the doctors, hopefully Lantis will fully recover within a few weeks. Or few months.”

“So, you mean, hindi pa rin niya kayo naaalala?” Sabay-sabay na tumango ang apat na lalaki. “Oh, my God.”

“Kaya namin siya dinala rito,” sabi ni Treize. “Para maalalayan mo siya habang hindi pa bumabalik ang alaala niya. He doesn’t trust us and he has no idea who he really is. All he knows is his name. Sa kalagayan niya ngayon, masyadong magiging delikado kung ipagkakatiwala namin siya sa ibang tao.”

“It’s just for a while, Rinoa,” kumbinsi na rin ni Zech. “Naniniwala kaming mas ligtas siya rito sa pangangalaga mo. Ganito rin naman ang inirekomenda ng mga doktor niya.”

Hindi makaimik si Rinoa. Wala rin siyang maikatwiran. Kailangan ni Lantis ng tulong niya. Kailangan siya ni Lantis. At hindi naman niya maatim na itakwil ang lalaki sa kabila ng mga negatibong nararamdaman niya rito.

She looked at the solemn faces of the billionaire boys. Noong isang araw lang niya nabasa ang lahat ng issues ng Philippine Stats kung saan isa-isang na-feature ang members ng Billionaire Boys Club. At sa pagkakatanda niya, walang nabanggit ang magazine na nagkaroon ng matibay na pagkakaibigan sa pagitan ng mga billionaire boys maliban sa pagiging business colleagues. Kahit madalas daw makitang magkakasama ang mga billionaire boys sa mga business conferences, conventions, and other business functions, hindi pa rin sapat iyon para magkakilala nang husto ang mga ito, enough to create a strong bond between them.

Nang mabuo na lang ang Billionaire Boys Club naging malapit sa isa’t isa ang members niyon. Na para bang ang issue na iyon ang naging daan para magkakilala nang husto ang mga ito at mabuo ang isang matatag na pagkakaibigan. Kaya siguro kahit si Lantis ang pinakamalayo ang loob sa mga kasama, ayon na rin sa mababasa sa Philippine Stats, nagmalasakit pa rin ang iba pang billionaire boys kay Lantis.

What a kind of friendship…

“Hindi ba mag-aalala ang mga magulang niya? I mean, he’s their son… ”

Nagpalitan ng tingin ang mga billionaire boys, except for Lantis.

Tumikhim si Ran bago sumagot. “Matagal nang walang mga magulang si Lantis. Hindi na rin kami nagkaroon ng pagkakataong hanapin ang mga kamag-anak niya. Plus, we can’t really trust Lantis to just anyone with the kind of reputation he has as a billionaire boy.”

They had a point.

Tiningnan ni Rinoa ang katabi niyang si Lantis na tahimik lang na nakikinig at nagmamasid sa mga nangyayari. Her heart went out to him.

“Sige, ako na muna ang bahala sa kanya. Aalagaan ko siya sa abot ng makakaya ko.”

Nakahinga nang maluwag ang apat na lalaki.

Nag-abot ng calling card si Zech. “Private lines namin lahat ang nakasulat diyan. Kung ano man ang mangyari o kung ano man ang kailanganin mo, tawagan mo lang kami.”

“After three days, dadalhin namin dito ang doktor ni Nakago para sa checkup niya,” sabi ni Ran. “In the meantime, we really appreciate this, Miss Evaristo.”

Pagkatapos ng ilan pang last minute instructions, nagpaalam na ang apat na lalaki.

“Malamig na rito sa labas, Rinoa. You shouldn’t stay out here.” Lantis took her hand and it was probably the warmest feeling she had ever felt.

Napabuntong-hininga siya. Dalawang linggo lang ang nakararaan mula nang huli silang magkita pero parang napakatagal na panahon na ang lumipas. Pero heto na uli sa harap niya si Lantis at walang alaala kung bakit sila nagkalayo noon.

Now we’re back to square one, huh.

“What are we doing here anyway? Tanghali na, naka-pajama ka pa. Siguro hindi ka pa nakakapag-almusal. Hindi bale, ipagluluto na lang kita. What do you want to eat?” Habang nagsasalita, hinihila ni Lantis si Rinoa papasok sa loob ng bahay.

“Marunong kang magluto?”

Saglit na nag-isip ang lalaki. “I think so.”

Bumitiw si Rinoa. Ayaw na niyang umasa sa magandang relasyon kasama si Lantis. Isa lang ang papel niya sa buhay nito ngayon, at iyon lang ang dapat niyang gampanan.

Kaya shut up ka na lang, heart.

“Hindi ako nagugutom kaya huwag ka nang mag-abalang magluto. O kung ikaw naman ang magugutom, may tagaluto tayo rito. Teka, ang mabuti pa, sumunod ka na lang sa `kin at ituturo ko sa `yo ang kuwarto mo.”

“Okay.” He took her hand again. And smiled at her again. “Let’s go?”

Oh, how she missed his smile. Kaya siguro hindi na niya binawi ang kamay at hinayaan na lang si Lantis sa ginagawa.

Isa sa dalawang guest rooms ang binuksan ni Rinoa.

“Hindi ko yata makita ang mga gamit ng isang babae rito,” puna ni Lantis.

“Bakit naman magkakaroon ng gamit ng babae rito?”

“Why else do you think? We’re living in together so it’s natural that we share the same room.”

“Ano?! Excuse me! Hindi tayo nagli-live-in, `no! Ang kapal mo.”

He scratched his head in confusion. “Gano’n ba? Sorry… ”

Na-guilty naman agad si Rinoa. Halatang pinipilit ni Lantis na kumilos nang normal kahit siguradong litong-lito pa rin ito sa mga bagay na hindi maalala. Lalo na at minuto lang ang itinatagal ng alaala nito sa kasalukuyan.

“No, you don’t live here but you... you’re on vacation here at my flower farm.”

“Ah.” Inilibot ni Lantis ang tingin sa paligid. “So, you own this place. It’s pretty.”

“Thank you. Do you want this room? May isa pang room sa kabila kung ayaw mo rito.”

“I’ve been staying in this room?”

“Ah… yes?”

“Then I’m okay here.” Pumasok sa loob si Lantis at pinagmasdan ang kabuuan ng kuwarto.

Again, Rinoa had her chance to admire him from afar. She felt a longing in her heart as she stared at him. Nang lumingon ang lalaki, huling-huli siyang nakatitig dito. Pero sa halip na ipahiya siya, ngumiti lang si Lantis. Her heart melted once again.

“May gusto lang akong itanong, Rinoa.”

“Ano `yon?”

“Am I a good boyfriend?”

“To whom?”

“To you.”

Muntik nang masamid si Rinoa. “Ahm, no— I mean, we’re not... we’re not really together… ”

“Hindi kita niligawan? That’s strange.”

“No, it’s not.” Itinago niya ang pagdaramdam. “Nagkataon lang na hindi ako ang minahal mo.”

“Hindi ikaw ang minahal ko?”

“Gusto mong kumain?” pag-iiba niya sa usapan. “Magpapahain ako sa mga kasambahay.”

“Gutom ba ako?”

Hindi na pinansin ni Rinoa ang sinabi ni Lantis. Nauna na siyang nagpunta sa kusina. Wala roon ang kusinera. Siguro namalengke. Pero nag-iwan ito ng makakain para sa agahan. Iyon ang ibinigay niya kay Lantis nang sumunod ang binata sa kanya.

“Marami `yan, ah. Mauubos mong lahat `yan?”

“Sa `yo `yan.”

“Busog pa ako. Ikaw dapat ang kumain nang kumain. Mukhang kinukulang ka na sa nutrisyon.” Napasinghap si Lantis nang wala sa sariling makapa ang benda sa ulo. “Aw! Damn it!”

“Huwag kang masyadong malikot.” Ininspeksiyon agad ni Rinoa ang lagay ng injury sa ulo ni Lantis. “Sariwa pa ang sugat mo. Kapag hindi ka nag-ingat, baka lumala ito.”

“Naaksidente ba ako?”

“Sasagutin kita after thirty minutes, okay?” Nang masigurong maayos pa rin ang lagay ng sugat, naupo na rin si Rinoa. “I can’t believe I let myself into this. Nag-aalala tuloy ako kahit hindi ko gusto.”

“Imbes na mag-alala ka, kumain na lang tayo.”

“Akala ko ba hindi ka nagugutom?”

“Nagbago na ang isip ko. Baka maimpatso ka sa dami ng pagkain mo kaya sasaluhan na kita.” Nagsalin ng bacon at itlog si Lantis sa pinggan ni Rinoa. “Eat. It will be good for you.”

“Siguro nga.”

Nilantakan na ni Rinoa ang pagkain. Iyon na lang ang pagtutuunan niya ng pansin kaysa naman patuloy na maramdaman na habang tumatagal ang pananatili ni Lantis sa poder niya, unti-unting bumabalik ang damdamin niya para dito.

“Ngayon ko lang na-realize na mas maganda pala ang mga babae kung magana silang kumain.”

Napatigil si Rinoa sa pagsubo. She remembered those words before. Lantis’ words.

“Hindi ko alam na puwede rin palang maging maganda ang isang babae kahit namumula ang ilong sa pag-iyak.”

“What do you want for lunch later, Rinoa? I’ll cook for you.”

“Hindi ka marunong magluto.”

“Of course I know how to cook. My mom taught me.”

“At naalala mo pa `yon? Ano pa ang mga naalala mo?”

“Bakit mo itinatanong?”

“Because you’re sick and I want to know if you’re having some progress.”

“I’m sick?”

“Yes— I mean, no... not really.”

He shrugged. “I know that I’m thirty years old.”

“And?”

“You’re my girlfriend.”

“Ilang beses ko bang sasabihin sa `yo na hindi ako ang girlfriend mo?”

“Hindi kita girlfriend?”

“No. ”

“Why not?”

“Alam mo, daig mo pa ang isang bata sa dami ng tanong mo.”

“I can’t help it.” He sighed. “Sometimes, I just have this really weird feeling of not remembering a lot of things.” And he was silent for a while.

Darn it. Bakit kasi kailangang sa kanya maipasa ang responsiblidad sa pag-aalaga kay Lantis? Okay na siya, eh. Okay na siya nang maghiwalay sila kahit halos madurog ang mundo niya noon. She was coping just fine. Pero ang itambak uli sa kanya si Lantis na wala kahit katiting na alaala ng complicated na nangyari sa pagitan nila… Sinusubok talaga ng tadhana ang pasensiya at tatag ng kanyang puso.

What the hell is wrong with you, Cupid?

“I’m sorry, Lantis. Naninibago lang siguro ako.” And it took all her might not to reach out to him and touch his adorable sad face. “Hindi na kita bibigyan pa ng sakit ng ulo na lalo lang makakapagpagulo sa isip mo.”

“You’re beautiful, Rinoa.”

Binalikan na niya ang pagkain. “Thank you. Kahit wala sa hulog `yan.”

“Look at me so I would know you’re listening.”

She looked at him.

“You’re beautiful,” he repeated.

Napabuntong-hininga si Rinoa. Bagong problema na naman. Ano na ngayon ang gagawin niya para mapigilan ang kanyang puso na muling tumibok para sa lalaking minsang bumigo rito?