KASALUKUYANG nagbabasa ng diyaryo ang ama ni Rinoa nang dumaan siya sa sala.
“Aba, napakaganda ng dalaga namin ngayon, ah,” nakangiting puna nito. “Saan ba ang punta mo, hija?”
She was wearing a Chinese-inspired red and black dress and had fixed her hair with chopstick-styled clips, courtesy of Georgie. Talagang pinilit niya itong igawa siya ng ganoong damit para sa espesyal na araw na iyon.
“Third anniversary kasi namin ngayon ni Henry, `Pa. At gusto ko siyang sorpresahin.”
“By dressing up like a Chinese lady?”
“I have to. Alam n’yo namang may lahi silang Chinese, `di ba?” Muling sinipat ni Rinoa ang pagkakaayos ng mahaba niyang buhok. “I know how much Henry wants his lady to act and dress up like a lady. Pero pinili pa rin niya ako kahit hindi gaanong pino ang kilos ko.”
“Kahit sino matutuwang maging girlfriend ka, Rinoa, hija,” sabi ng mama niya na kapapasok lang sa sala. Halatang galing ito sa morning ritual na pagdya-jogging. “Maganda ka, matalino, at mabait.”
“That’s why I love him. Tinanggap niya ako kahit hindi ako perpekto.” Binuksan ni Rinoa ang dalang whitening lotion at nagpahid sa mga braso.
Sabay namang napailing ang mga magulang niya.
“Pero bakit ikaw, hija, hindi mo tanggap na hindi ka perpekto?” malumanay na tanong ng kanyang ama. “Why do you have to use those whitening products? Sa ibang bansa nga nagbibilad pa sila sa araw para lang magkaroon sila ng kulay. Ikaw na biniyayaan ng morenang kutis, nagpapaputi naman.”
“Ipapakilala na kasi ako ni Henry sa pamilya niya one of these days. And knowing those Filipino-Chinese, alam kong magmumukha akong buhay na nunal sa umpukan ng mga `yon.” Rinoa laughed at her own joke. But her parents didn’t laugh with her. “Biro lang `yon, `Ma, `Pa. Huwag naman kayong masyadong seryoso diyan.”
“Ayaw lang namin na naririnig kang nilalait mo ang sarili, hija. I love your father’s skin tone. I think it’s sexy.”
“It is sexy,” sang-ayon ng papa niya.
Yep. She got her tanned complexion from her beloved father.
“`Ma, hindi ko naman nilalait ang sarili ko, eh. Aware ako sa kaitiman ko kaya nga tinatawanan ko lang `yon. Kaya kapag may nanlait sa `kin, madali na lang tanggapin, `di ba?”
“Sino’ng nanlait sa `yo?”
Sa isang iglap, ang world peace lovers niyang mga magulang ay biglang naging mga gerero. Lovely parents. Nilapitan niya ang mga ito at mahigpit na niyakap.
“Walang nanlalait sa `kin. Subukan lang nila at makakatikim sila ng mag-asawang suntok at sipa.” She kissed their cheeks. “You, two, worry too much. Hayaan n’yo, malapit nang dumating ang araw na may kahati na kayo sa pag-aalala sa akin. May pakiramdam kasi akong magpo-propose na si Henry ngayong araw. That’s why I have to be beautiful and, if possible, fairer. Ayokong mapahiya siya sa pamilya niya nang dahil sa `kin. I want him to be proud of me.”
“Kung hindi ka niya kayang ipagmalaki dahil lang sa mga simpleng kakulangan mo, hindi siya ang nararapat para sa `yo.”
“Papa, naman.”
“Your father’s right, Rinoa. Hindi tamang binabago mo ang sarili mo nang dahil lang sa ibang tao. Kung mahal ka ni Henry, dapat tanggapin ka niya nang buong-buo.”
“He loves me, `Ma. Sarili kong pagkukusa ang mga ginagawa kong `to. I want to be perfect for him.”
“Hija—”
“Just be happy for me, okay? Masaya ako kay Henry.”
Napabuntong-hininga na lang ang mga magulang niya tanda ng pagsang-ayon.
Hindi kaila kay Rinoa na medyo malamig ang pakikitungo ng mga magulang niya kay Henry. Hindi niya masisisi ang kanyang ama at ina dahil nararamdaman niyang ganoon din si Henry. Civil naman ang mga ito sa isa’t isa kapag nagkikita kaya hindi na lang siya umiimik. Naniniwala siyang darating ang araw na magkakasundo rin ang parents niya at si Henry nang hindi na niya kailangan pang gumawa ng paraan.
“Ang mabuti pa, umalis ka na para hindi ka maabutan ng traffic sa daan.”
“Actually, mamayang alas-otso pa ng gabi ang usapan namin, `Ma.”
“Alas-otso? Kung gano’n, bakit ang aga mong masyado? Alas-tres pa lang ng hapon.”
“Gusto ko kasing sorpresahin si Henry, `Pa. Saka para maiba naman ang celebration namin ngayong buwan. Ako ang magti-treat sa kanya.”
“Hay. Ikaw ang bahala.” He gave her a peck on the forehead. “Kung masaya ka kay Henry, masaya na rin kami ng mama mo.”
“SURPRISE!”
“R-Rinoa… ” There was a surprised look on Henry’s face when he opened the door of his hotel suite where he stayed. Nire-renovate pa kasi ang bahay nito sa Laguna kaya pansamantala, sa hotel muna ito tumutuloy. “Ano’ng… ginagawa mo rito?”
“Ano pa? Eh, di isu-surprise ka.” Itinaas ni Rinoa ang isang paper bag. Nasa loob niyon ang regalo niya. “Happy anniversary, babe!”
“H-happy anniversary, too.” Kinuha ni Henry ang paper bag. “Pero hindi ka na dapat nag-abala pang pumunta rito. Sana hinintay mo na lang na sunduin kita sa bahay n’yo mamaya.”
“Wala naman kasi akong ginagawa kaya naisip kong puntahan ka na lang.” Hindi man lang ba nito mapapansin ang extra special niyang wardrobe?
“You still should have called me first that you were coming.”
“Bakit parang hindi ka yata masaya na makita ako ngayon? Naistorbo ba kita?”
“Of course not.” Hinapit siya ni Henry sa baywang. “I’m happy to see you. Hindi ko lang talaga inaasahan na pupunta ka rito. Ikaw naman kasi ang nagsabi noon na wala kang balak tumuntong man lang sa suite ko.”
“Ang taas-taas naman kasi ng napili mong kuwarto. Twenty-fifth floor! Sa tenth floor pa nga lang, nahihilo na ako sa elevator.” Ikinawit ni Rinoa ang mga braso sa leeg ni Henry. “Pero para sa `yo, kinaya ko hanggang dito sa twenty-fifth floor.”
She felt weird looking at his Chinese eyes because she was seeing someone else’s eyes. Someone whose eyes reflected warmth and genuine happiness as he gazed at her.
Lantis’ eyes .
Bigla siyang napakalas sa pagkakayakap kay Henry. “Ah… well, hindi mo man lang ba ako papapasukin sa suite mo?”
“Hindi pa ako nakakatawag ng room service kaya magulo pa ang loob ng kuwarto. Ikaw naman kasi, pabigla-bigla ng sulpot dito. Anyway, ganito na lang. Magbibihis lang ako sandali at kakain tayo sa labas. And then, we’ll buy my anniversary gift for you. Ikaw na ang mamili.”
“Nakalimutan mo ba ang anniversary natin kaya wala kang regalo para sa `kin?”
“No, no, no. I was actually planning on going out today to buy you a gift. Naghahanda pa lang ako. `Kaso dumating ka kaya wala na ang surprise ko sa `yo.”
Kunsabagay, makakalimutin naman talaga si Henry sa maraming bagay. Lalo na pagdating sa mga special occasion.
“It’s okay, Henry. Hindi naman kita inoobligang magbigay ng regalo. Besides, I’ll be the one treating you to lunch and dinner. That’s part of my surprise.”
“Kung gano’n, magbibihis lang ako.”
“At paghihintayin mo talaga ako rito sa labas? Okay lang naman sa `kin kung magulo pa ang suite mo. Ayoko lang maghintay dito sa labas.”
Saglit na natigilan si Henry. At talagang pinag-isipan pa kung hahayaan niya akong tumunganga rito?
Then he smiled and gave her a kiss on the cheek. “Kung makakaya mong pagtiyagaan ang pangit kong suite.”
He led her inside. Pagkatapos, nagpaalam ito na magbibihis na sa kuwarto.
Habang naghihintay, tumingin-tingin muna si Rinoa sa kabuuan ng suite. Malinis at maayos naman lahat. Para ngang kalilinis lang doon. Hanggang sa mahagip ng kanyang paningin ang isang maliit na velvet box sa side table. Ang lapad na ng ngiti niya nang damputin ang maliit na kahon at makita ang laman.
A ring!
A diamond ring!
Henry was going to propose to her! Maingat niyang ibinalik sa dating kinalalagyan ang maliit na kahon at excited na hinintay ang pagbabalik ng boyfriend. Handang-handa na ang sagot niya sa magiging espesyal nitong katanungan.
Paglabas nga ni Henry mula sa kuwarto, guwapong-guwapo ito sa suot na checkered polo at pantalong maong.
Hindi iyon ang inaasahan ni Rinoa na isusuot ni Henry pero ayos na rin. Ang mahalaga, aalukin na siya nito ng kasal.
“Let’s go?”
“Ah, wala ka man lang bang nakalimutan, Henry?” Hindi ba nito dadalhin ang engagement ring? “Puwede naman kitang hintayin uli.”
“Wala naman. Halika na.”
But my ring…
Teka, baka naman kasama ang lahat ng iyon sa magiging sorpresa ni Henry. Oh, how she liked surprises! Siguro nagpapanggap lang itong wala nang nakalimutan pa pero sa bandang huli, lilitaw rin sa ibabaw ng mesa nila ang engagement ring na iyon. One of these days. O kaya naman, mamaya sa official date nila. Yes, that was it. Kung gano’n, magpapanggap na rin siyang hindi nakita ang singsing na iyon.
Pero hanggang sa matapos ang isang buong araw na magkasama sila, hindi man lang nagpakita ni anino ng engagement ring. Pero hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Rinoa. Henry already had the ring. Imposible namang sa ibang babae nito iyon ibigay. Hindi siya kinakabahan at malaki ang tiwala niya sa woman’s instinct.
Walang ibang babae si Henry.
“MAY IBANG babae si Henry.”
Nasa opisina si Rinoa ng papa niya sa bahay nila nang dalawin siya ni Georgie para ibagsak ang hindi magandang balita.
“Geronimo, I know you don’t like Henry from the start. But you’re my friend and I expect you to at least be civil to him. Huwag kang gumawa ng kuwento na ikasisira ng pagkakaibigan natin.”
“Hindi ako gumagawa ng kuwento, teh! And you know perfectly well that I don’t indulge in rumors, especially when it involves your dear, dear yucky Henry.” Hinawi ni Georgie ang vase na nakapatong sa mesa. “I saw it with my own two eyes. Alam mo namang mahilig lumandi ang lola mong itetch kaya kung saan-saan nakakarating ang beauty ko. Nakita ko siyang may kasamang ibang babae na nagsha-shopping.” Then he showed her his cell phone and there it was, a picture of Henry and a woman, looking cozy and very much… in love. “At para mapatunayan kong truliling ang aking hinala, sinundan ko sila, at tinanong si babae nang mapag-isa siya. Alam mo kung ano’ng sinabi ng hitad?” Georgie extended his hand to her with flair. “‘Engaged na kami. Kahapon pa.’ At, `day, ang shala ng kanyang ring, ha? TMQ Jewelry. Ang taray!”
TMQ Jewelry, ang tatak ng kahon kung saan nakalagay ang diamond ring na nakita ni Rinoa sa suite ni Henry. Parang nanlaki ang kanyang ulo sa lahat ng mga na-realize ngayon.
“Kaya pala namuti na lang ang mga mata ko sa kakahintay na maglabas siya ng singsing sa harap ko kahapon. Dahil sa ibang babae niya balak isuot `yon.”
She was hurt. She was really, really hurt. Pero ayaw niyang umiyak. Pinigilan niyang umiyak at magmukhang tanga. Ayaw na niyang dagdagan pa ang kahihiyang inabot dahil sa kakaasa ng happy ending sa lalaking inakalang magiging forever after niyang Prince Charming.
“Walanghiyang tsekwang hilaw na `yon. Kung engaged na siya sa babaeng `yon, ibig sabihin, noon pa man sila may relasyon. Noon pa man, niloloko na niya ako.”
“Ay, malamang, teh.”
Tumayo si Rinoa at nagpalakad-lakad para mabawasan kahit paano ang paninikip ng kanyang dibdib sa sobrang emosyong nararamdaman. “Ipinaglaban ko siya sa lahat. Ipinagtanggol ko ang relasyon namin. `Tapos magagawa pa niya akong lokohin nang ganito?”
Hindi na siya nakatiis. Dinampot niya ang throw pillow na ginagawang sandalan ng papa niya sa upuan, saka itinakip sa kanyang mukha at doon nagsisisigaw. The soft pillow muffled her frustrated screams. And when she finally felt a little better, she threw the pillow back to the chair. “I’ll break him.”
“Sister, no.”
“I mean, I’ll break up with him.”
“Good, sister. Gora lang!”
“Magbabayad ang lalaking `yon. Pagbabayaran muna niya ang lahat ng ginawa niyang kataksilan sa akin bago ko siya tuluyang pakawalan.” Nagmartsa na si Rinoa palabas ng opisina.
“Rinoa, sister! Wait! Saan ka pupunta? Sasamahan kita! Kailangan natin itong mai-video at mai-post sa Facebook fan page ko.”
“May fan page ka?”
“Peymus, eh.”
Inirapan niya ang nakangising kaibigan at nagpatuloy sa pagmamartsa palabas ng bahay. Mabuti na lang at kasalukuyang nagpapahinga sa kuwarto ang mga magulang niya. Hindi nakita ng mga ito ang pagpapaharurot niya sa isa sa mga sasakyan sa garahe. Normally, hindi talaga siya nagmamaneho. For her sake and for the sake of the other commuters around her. Pero sa pagkakataong iyon, nakarating sila ni Georgie—na walang tigil sa pagtili habang nasa biyahe sila—sa hotel na tinutuluyan ni Henry sa loob lang ng ilang minuto. Agad siyang dumeretso sa suite ng lalaki. Medyo hilo pa siya sa taas ng inakyat ng elevator pero binale-wala niya iyon.
Kumatok siya sa pinto.
“Henry, si Rinoa `to.” Walang sumagot. Dinagdagan niya ang puwersa ng pagkatok. “Henry, gusto kitang makausap.”
Wala pa ring sumasagot.
Handa na siyang gibain ang pinto nang ma-realize na kung gagawin niya iyon, lalo siyang magmumukng tanga. Niloko na nga siya, magpapakatanga pa siya nang dahil kay Henry? No way!
"Kafatid, wait lang,” pigil ni Georgie na nakahabol sa kanya. “Huminahon ka muna. Hindi natin mapapanagot ang tsekwang hilaw na `yon kung magwawala ang byuti mo here.” Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Now, take a deep breath. Come on, poodle. Breathe. Inhale… exhale…”
“I... can’t.”
“Breathe!” Niyugyog pa siya ni Georgie.
Para namang naalog ang utak ni Rinoa at saglit na umikot ang paningin. Pero huling-huli niya nang akma siyang sasampalin ng kaibigan. Ngumisi lang ito nang pandilatan niya.
“Kalma ka lang kasi, sister. Wait, ikukuha na muna kita ng tubig. Dito ka lang. Don’t do anything muna, okay? Hindi magandang magpadalos-dalos habang stressed ka pa.” Tumango lang si Rinoa. “Promise me.”
“Ikuha mo na lang ako ng tubig. Bilis at umiinit na naman ang ulo ko.”
Nang mawala ang kaibigan sa paningin ni Rinoa, parang unti-unti na namang pinapasok ng masamang hangin ang kanyang isip. Hanggang sa masulyapan niya ang transom window sa itaas ng pinto ng suite.
“Aha!” Luminga-linga siya sa paligid. Kung makakahanap lang siya ng matutuntungan— “Excuse me, kuya!”
Sinenyasan niyang lumapit ang housekeeper na kalalabas lang ng elevator.
“Yes, Ma’am?”
“Meron ka bang upuan na maipapahiram sa `kin? Hinihintay kong bumalik ang kaibigan ko. Dito ko na lang siya hihintayin.”
“Meron, Ma’am. Ikukuha ko ho kayo sa storeroom.”
“Pakibilisan lang.”
Pagbalik nga ng housekeeper, may dala nang isang monoblock chair. Pinaalis din agad ni Rinoa ang babae. Nang masigurong wala nang makakakita sa kanya, saka siya tumuntong sa silya. Pero hindi naman niya maabot ang bintana kaya sinubukan niyang tumalon. Umikot na naman ang kanyang paningin at muntik pang mawalan ng balanse. She steadied herself and noticed a tall man walking up behind her.
“Hey, beanpole,” she said without looking at the man. “Could you give me a lift?”
“What’s the matter? Have you lost your key?”
“No. I just prefer going in this way.”
“If you say so.”
Nang lumingon si Rinoa, tamang-tamang paupo na ang lalaki sa kinatutuntungan niyang silya kaya hindi na niya nakita ang mukha nito.
“Here.” Tinapik ng lalaki ang sariling balikat. “Kumapit ka lang nang maigi dahil wala na akong exercise nitong mga nakaraang araw.”
Well, that was weird. Ang akala pa naman niya, foreigner ang lalaki dahil fluent magsalita ng English. His voice sounded awfully familiar, too. He slowly stood up with her sitting wobbly on his shoulders. Mabilis naman niyang nabuksan ang transom window. Pero bago pa siya makasampa sa bintana, nakita niyang may lumabas na guest na foreigner sa kabilang kuwarto at binigyan sila ng kakaibang tingin.
“Good morning,” bati ng lalaking may pamilyar na boses. “You know, these hallways are rather narrow. She had to walk right over me.”
“You go, man,” nakangising sabi ng foreigner at nilagpasan sila.
Rinoa patted the man’s head. “Okay, let’s go. I can’t wait to get my criminal hands on Henry’s neck!” Naiangat na niya ang sarili hanggang sa maisampa na ang katawan sa nakabukas na maliit na bintana. “Ah, may kaunti akong problema… ”
“What?”
“There’s no tall guy on this side.”
“Siguro, puwede uli akong makatulong sa problema mong `yan.”
Bumukas ang pinto ng suite at mayamaya pa, nakatingala na sa kanya ang cute na mukha ng lalaki. Ngayon alam na niya kung bakit pamilyar ang boses nito.
“Hey! P-paano ka nagkaroon ng susi sa kuwartong ito?”
“Well, this is my room.”
“But you’re not Henry.”
“No. I’m Lantis Nakago. Hello, Rinoa. We meet again.”