noveltoon logo noveltoon
Ken Arboleda (The Billionaire Boys Club 11)

Chapter 8

Ch. 8 / 10 Nov 28, 2025

“A NO’NG ginagawa mos?”

Napakislot na lang si Avon nang marinig ang boses na iyon ni Ken. Nakapasok na pala ito sa kusina nang hindi niya namamalayan.

“Meryenda ng mga bisita ni Nanay.”

“Ah.”

Sinubukan niyang huwag pansinin ang lalaki dahil sa dumadagundong na tibok ng kanyang puso. Pero lagi naman itong nasa malapit lang niya. Hindi tuloy siya makapag-concentrate sa ginagawa dahil parang sineng bumabalik na ngayon sa kanyang alaala ang mga nangyari nang nagdaang gabi.

“Should you be working already?” tanong nito. “Kahapon lang, nawalan ka ng malay dahil sa sugat mo.”

“I’m fine.”

“Sige na nga, tutulungan na lang kita.” Naghugas si Ken ng kamay at muling bumalik sa harap niya. “Where should I start?”

Ibinigay na lang niya rito ang mga hinog na papaya para hiwain. “Ano na ang napag-usapan sa labas?”

Laking pasasalamat ni Avon at sinakyan naman ni Ken ang topic na gusto niyang pag-usapan. Sa tingin kasi niya, ang mga nangyari kagabi ay hindi na dapat binubusisi pa at hayaan na lang na maging bahagi iyon ng isang magandang alaala nila.

“Problema ng mga magsasaka tungkol sa palayan nila at kung ano-ano pang may kinalaman sa pagsasaka. Hindi ko akalain na gano’n na pala kalala ang sitwasyon ng palayan dito.”

“Lagi naman. Ang totoo, matagal nang problema `yan ng mga tao dito. Bawat taon kasi, pahirap na nang pahirap ang pakikipaglaban ng mga magsasaka sa mga peste ng mga bukid.” Kumuha siya ng tray at inayos ang meryendang dadalhin na sa labas. “Nauubos lang sa mga pestecides at insecticides ang pondo ng mga magsasaka. At madalas pa nga, kapag talagang minamalas, nauubos pati ang dapat ay aanihin na lang nila dahil sa mga peste.”

“Bakit hindi sila humingi ng tulong sa gobyerno? Hindi ba’t may pondo namang nakalaan para sa mga magsasaka?”

“Hay naku, mas mabilis pang manira ng mga pananim ang mga peste dito kaysa kumilos ang mga nasa gobyerno. Kaya ang mga tao dito, sa sarili na lang nila umaasa. Kung may tutulong, eh, di masaya. Kung wala, okay lang din. Sanay na sila sa hirap kaya kung ano man ang dumarating na problema, sama-sama na lang nilang hinahanapan ng solusyon.” Napansin niya ang pananahimik ni Ken. “O, bakit?”

“Huh? Oh, nothing. It’s just that— Aw!”

Nahagip na ng kutsilyo ang daliri nito. Binitawan ni Avon ang ginagawa para inspeksyunin ang sugat nito.

“Kung ano-ano kasi ang iniisip mo,” sabi niya.

“Huwag mo na akong sisihin. Malaki ba ang sugat?”

“Tingnan mo.”

“Ikaw na lang. Kaya mo na `yan.”

“Takot ka sa dugo?”

“No. I just don’t like seeing my own blood.”

“Ang laki mong tao, takot ka sa dugo.”

“Hindi nga ako takot—”

Iniharap niya kay Ken ang daliri nitong may sugat. “O, hayan.”

“Aah!” Inilayo nito ang mukha. Natawa na lang siya. “Ikaw na babae ka, tatawa ka lang pala kapag malapit na akong mamatay.”

“Ang OA mo, ha? Malayo `yan sa bituka, `no? Sandali, kukunin ko lang ang first aid sa kuwarto.”

Pagbalik ay nakita ni Avon na nakapikit pa rin si Ken. Hindi raw takot sa dugo. Dumilat lang ito nang umpisahan niyang linisin ang sugat. Ang kaso, siya naman ang pinagtuunan nito ng pansin. Nakapangalumbaba si Ken habang mataman siyang pinagmamasdan.

“Ken…” sabi niya nang hindi ito nililingon.

“Hmm?”

“What are you doing?”

“Nothing.”

“You’re looking at me.”

“Of course not.”

“Kung gano’n, ano `yang ginagawa mo?”

“I’m admiring you.”

Napadiin yata masyado ang paglilinis ni Avon sa sugat kaya narinig niya itong malakas na napasinghap.

“No wonder walang naglalakas ng loob na manligaw sa `yo,” wika ni Ken.

Tiningnan niya ito. “At ano’ng ibig mong sabihin?”

“Dahil ang karinyo mo, cariño brutal— Aw, aw!”

This time, sinadya na niyang idiin ang mga daliri sa malapit sa sugat nito. “O, masakit ba?”

“You know what, woman? Magpasalamat ka at kaya kong i-tolerate ang mga ginagawa mo sa akin.”

“Ow?”

“At magpasalamat ka rin dahil sa `yo ko lang natikman ang pinakamatamis na halik na naranasan ko sa buong buhay ko— Araaayyy!”

“Aherm!” Nakangiting mukha ng kanyang ina ang nakasungaw na ngayon sa pinto ng kusina.

“Tita, sinasaktan ako ng anak n’yo.”

“Diyan talaga eksperto ang anak ko.” Pumasok na kanyang ina nang tuluyan at ito na rin ang nagdala ng tray ng pagkain. Mabilis naman niya iyong kinuha sa ina pero tinaboy lang siya nito. “Hayaan mo na ako dito. Iyang nobyo mo na lang ang asikasuhin mo. Siyanga pala, kapag tapos na kayong maglambingan, puwede bang lumabas na muna kayo? Gusto raw nilang makilala si Ken.”

“Bakit daw ho?” tanong ng binata.

“Ah, pasensiya ka na, hijo, ha? Iyon kasing sina Annie at Jepoy, ipinagmalaki na sa buong baryo ang pagiging magkasintahan ninyo ni Avon. Kaya ngayon, naroon na sa labas ang mga tao na gusto kang makita.”

“`Nay, bakit hindi n’yo sinaway sina Annie?”

“Okay lang `yon, Avon.” Sinuri ni Ken ang bagong bendang sugat, saka inakbayan ang kanyang ina. “Let’s go, Tita.”

“Pero, Ken…”

Nakangiti siya nitong nilingon. “Sanay na ako sa mga ganitong eksena, Avon. Don’t worry about me.”

“I’m not worried about you.”

“Right. Pero sumama ka na rin. Baka mamaya kapag may nanggigil sa akin doon, pagbalik ko sa `yo, hindi mo na ako mapakinabangan.”

Tumawa lang si Ken nang hampasin niya sa balikat. “My mother can hear you!”

“Ay, huwag ninyo akong intindihin,” wika ng kanyang ina na nauna nang lumabas. “Wala akong narinig.”

Muling hinampas ni Avon si Ken sa balikat at tumawa lang uli ito. And what a lively laugh it was. When he gently wrapped his arms around her, she stood frozen. Nagrigodon na naman kasi ang kanyang puso habang pinagmamasdan ang guwapong mukhang iyon na nakatitig din sa kanya.

“What?” tanong niya.

Marahan itong umiling. “Nothing. Let’s just go outside.”

Paglabas nila ay doon lang napatunayan ni Avon kung gaano kasikat si Ken. Magkakalayo ang mga bahay at liblib na ang baryo nilang iyon pero kilalang-kilala pa rin ito ng mga tao. And he turned to be the one he claimed he was. The most famous actor in the country. Hindi nawala ang ngiti sa mga labi ni Ken kahit halos panggigilan na ito ng mga tao at pupugin ng halik sa pisngi. Nagagawa pa nga nitong makipagkuwentuhan at makipagbiruan sa mga kababaryo nila.

Tahimik lang na nagmamasid si Avon sa isang tabi dahil iyon lang naman talaga ang puwede niyang gawin. Maaaring nagtagpo ang mga landas nila nang hindi sinasadya. And their story was one worth telling. Pero hanggaang doon lang iyon. At kahit paano, masaya na rin siya sa minsang pagtatagpo nilang iyon.

“Avon!” Isang kapitbahay nilang dalaga ang lumapit sa kanya, hawak ang isang diyaryo. “Kung gano’n, totoo nga ang balita.”

“Balita?”

“Na ikaw ang girlfriend ni Ken Arboleda!” Ipinakita nito sa kanya ang isang pahina ng diyaryo. “Heto, o. Ipinadala sa akin ng kapatid kong nagtatrabaho sa Maynila dahil nandito nga ang picture mo.”

Kuha ang picture noong unang araw silang nagkita at nagkakilala ni Ken. Sa presinto. He was all smiles in the picture while covering her from the photographers who had taken their picture. The caption read, The Lady and the Billionaire Boy.

Inuumpisahan pa lang ni Avon na basahin ang write-up nang lumitaw na ang isang kamay na may benda ang daliri at pinirmahan ang diyaryo.

“Here you go.” Kinuha na ni Ken ang diyaryo na may autograph na nito at ibinalik sa tuwang-tuwang dalaga. “Thank you. Pero huwag na nating ipabasa sa sweetheart ko ang ano mang nakasulat diyan. Baka kung ano pa ang mabasa niyang tsismis at magselos pa siya.”

“Ang sweet mo talaga, Ken!”

“Salamat.”

“At ang guwapo-guwapo mo pa!”

“Salamat din.”

Sa huli ay sumingit na ang kanilang kapitan at sinabihan ang mga tao na hayaan nang makapagpahinga ang binata. Unti-unti ay nagsialisan na rin sa wakas ang mga kababaryo nila. Lahat ay may ngiti sa mga labi.

“Kuya!” tili ni Annie. “Pa-autograph din!”

Magsasalita pa sana si Jepoy nang pandilatan niya ang mga ito. “Kayong dalawa, pasok sa loob at mag-uusap tayo.”

“Pero, Ate…” Mukhang alam na ng mga kapatid kung para saan ang tono niyang iyon. “Si Jepoy ang may kasalanan. Siya ang nagsabing boyfriend mo nga raw si Kuya Ken—”

“Eh, ikaw naman ang nagsabing nandito si Kuya sa bahay.”

“Enough,” saway ni Avon. Pero bago pa siya muling makapagsalita ay narinig na niya ang pag-ungol ni Ken. Nakaupo na ito sa isang silya at nakapikit ang mga mata habang nakalahad sa direksiyon niya ang kamay nitong nasugatan kanina. Natanggal na ang dressing niyon kaya siguro nag-umpisa na naman ang pagdurugo. Mabilis niya itong inalalayan papasok sa bahay.

“Mamaya ko na kayo kakastiguhin na dalawa,” sabi ni Avon sa mga kapatid nang makitang napangisi ang mga ito.

NAPAHINTO si Avon nang marinig ang masayang pag-uusap sa sala nina Ken at ng kanyang pamilya.

“Hayan, Tita. Sa loob ng isang taon, siguradong may ospital na kayong mapupuntahan na malapit lang dito sa inyo.”

Ospital? Walang ospital sa baryo nila. Ang pinakamalapit na ospital sa kanila ay ang nag-iisang provincial hospital na nasa kabisera pa ng kanilang bayan. Paanong magkakaroon ng ospital na malapit sa baryo nila?

“Ang yaman talaga ni Kuya Ken. Hindi lang pala siya artista.”

“Oo nga. Bilyonaryo pa. Kuya, gaano ba kayaman ang bilyonaryo?”

Eksaheradong tumikhim ang binata. “If you know how rich you are, then you’re not rich. Me? I don’t know the extent of my wealth. That’s how rich I am.”

Nagpalakpakan ang mga kapatid ni Avon. Lihim naman siyang napangiti. Hindi na siguro talaga mawawala sa sistema ni Ken ang kayabangan. Pero ngayon, alam niyang mga salita lang naman iyon ng binata. Kumbaga, he was all bark. Pero ano nga kaya ang tinutukoy ng mga itong ospital?

“Tuwang-tuwa si Kapitan nang makita niya ang pagdating ng dalawang trak ng mga abono at pesticides,” patuloy ng kanyang ina. “Lalo na ang mga magsasaka. Hindi nila alam kung ano ang suwerteng dumating sa kanila dahil sa mga libreng grasya na iyon.”

“Hindi lang guwapo itong si Kuya Ken. Mabait pa! Sana nga maging totoong kuya ka na namin ni Ate Annie.”

“Bakit? Hindi pa ba?”

Kasabay ng mataginting na tawa ni Ken ay ang paglungkot ng ngiti ni Avon. Minsan talaga, masaya na malungkot ang mangarap. Dahil kadalasan, ang mga bagay pa na hindi puwedeng mangyari ang pinapangarap ng mga tao.

“Ken, hijo, maraming salamat sa lahat ng tulong mo, ha? Hulog ka talaga ng langit sa aming mga taga-San Jose.”

“Ako nga ang dapat na magpasalamat sa inyo. Dahil sa kabila ng mga nalaman ninyo sa akin, maayos pa rin ninyo akong tinanggap dito.”

“Nakita ko naman kasi na hindi ka masamang tao.”

“At saka, ikaw si Kenshin Arboleda, Kuya. Kaya paano ka magiging masamang tao?”

Bumungisngis pa ang mga kapatid.

Napakunot ang noo ni Avon. Base sa mga naririnig niya ngayon, noong una pa man ay alam na ng mga ito ang nangyayari sa kanila ni Ken. Pero paanong—

“Kaya kayo, Tita, kung ayaw ninyong mapagbuntungan ng mga kuko ng anak ninyong amazona, magpatingin kayo lagi sa doktor.”

“Wala naman akong sakit.”

“Alam ko ho. Pero mabuti na ang sigurado.”

“Kuya, dapat ikaw ang magpatingin sa doktor dahil mukhang ikaw ang tinamaan ng sakit sa puso.”

“Hmm. Oo nga, ano?”

Nang muling magtawanan ang mga ito ay doon na lumabas si Avon sa pinagtataguan. Malakas siyang tumikhim at parang hindi magkandaugaga ang mga ito nang makita siya. Si Ken nga lang siguro ang hindi nawala ang ngiti sa mga labi dahil masaya pa rin ang mukha nito nang balingan siya. Parang bulang naglaho na ang mga ipapaulan sana niyang sermon.

“So.” Humalukipkip na lang siya. “Kailan n’yo pa ako pinagtulungang lokohin, ha?”

“That’s a strong word, Avon.”

“Oh really? Kung gano’n, ano ang tawag sa mga narinig ko ngayon lang?”

“Okay.” Tumayo na si Kem. “Ganito `yon. Aksidente lang na nalaman ng mga kapatid mo ang sitwasyon natin. Nang dumating tayo ditong magkasama, nagtaka na agad ang pamilya mo. Hindi mo rin naman naipaliwanag nang husto sa kanila ang lahat dahil sa pag-aalala mo nanay mo.”

“Obviously, mukhang wala naman palang basehan ang pag-aalala kong iyon.” Nang ibaling ni Avon ang tingin sa ina ay humarang si Ken. He looked like a lawyer all ready to defend his clients.

“Don’t blame your mother for this.”

“O sige, ikaw na lang ang sisisihin ko.”

“As I was saying,” pagbabalik nito sa unang ipinapaliwanag. “Bago para sa kanila ang makita kang may kasamang lalaki. So naturally, they got curious. Tinanong nila ako kung ano ba talaga ang nangyayari at inisip kong magsinungaling pa rin para panatilihin ang perpekto mong imahe sa kanila. Pero masyadong matatalino ang mga kapatid mo kaya wala akong nagawa kundi umamin. Unfortunately, narinig din pala kami ng nanay mo. But instead of throwing me out of your house, they even thanked me for bringing you here safely.”

Muling nilingon ni Avon ang pamilyang hindi na makaimik. Parang gusto na niyang mapailing. They really looked guilty.

“At ang pagkakasakit ni Nanay?”

“Hindi totoo. Ang gusto lang talaga nila ay umuwi ka dito para paligawan ka sana sa mga binata dito.”

“What?”

“Nag-aalala silang baka sa sobrang dedikasyon mo sa trabaho, eh, hindi ka na makapag-asawa. Ayaw ka nilang tumandang dalaga.”

Napamaang na lang si Avon. Iyon lang ang dahilan ng lahat? “So, what’s this got to do with you?”

“Sinabi ko na lang sa kanila na huwag nilang ipaalam sa `yo na alam na nila ang totoong nangyayari. Dahil…” Nagkibit ito ng mga balikat. “Dahil gusto ko dito. Gusto kong dito na muna ako.”

At dahil may gusto rin itong takasan pa sa Maynila. Napabuntong-hininga na lang siya. Her family and the man she loved. Grabe pala ang kalokohan ng mga ito kapag nagsanib-puwersa. Pati siya ay tinatalo.

“So, what’s this hospital I’m hearing about?” tanong na lang niya.

Parang nagliwanag nang husto ang loob ng tahanan nila nang unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ng mga taong minamahal niya. Parang news anchor sa telebisyon ang kanyang mga kapatid nang isa-isang ipaalam sa kanya ang mga pinag-uusapan nila.

“Magpapagawa ka ng ospital dito sa San Jose?” tanong ni Avon kay Ken nang yayain siya nitong maglakad-lakad sa bakuran nang hapong iyon.

“Nang mabinat ka noong nakaraang araw, wala kaming nahanap agad na doktor. Kaya kinailangan pang magpadala ako dito ng isa galing sa Maynila.”

“Maynila?”

“Ginamit ko ang cell phone mo para tawagan ang family doctor namin at ipahatid dito ng company helicopter. Kaya nang masiguro kong maayos na ang lagay mo, napag-isip-isip kong paano na kung sakaling wala ang cell phone mo? O hindi agad nakarating dito ang doktor na ipinatawag ko? You could have died, Avon.”

Lalo pang lumaki ang paghanga niya kay Ken. Hindi nga siya nagkamali ng lalaking minahal. He was more than any man she had ever met. More than the generals or the enlisted men she had fought side by side in her missions.

“Thank you. That was really nice of you, Ken.”

“I think I know my duty now as a citizen of this country.” Impit itong natawa. “Masaya ako nang malamang isa ako sa pinangalanang pinakamayaman sa bansang ito. Akala ko, hanggang doon lang ang pagiging isang billionaire boy. Hindi pala. Being a billionaire boy puts on you a spot where you realize that you’ve been given a chance to make or break this world. Happy-go-lucky lang ako noon pero mula nang mapunta ako dito sa inyo, mula nang makita ko ang kalagayan ng baryong ito, mula nang maranasan ko ang totoong hirap na pinagdaraanan ng isang ordinaryong tao para lang sa kapiranggot na pera, napahiya ako sa sarili ko. I have all this wealth and yet I’m just taking it for granted.”

Tahimik na si Ken hanggang sa makarating sila sa hilera ng mga puno ng mangga. “So, you bought all those fertilizers for the farmers.”

“Ginamit ko muna ang cell phone mo para contact-in ang sekretarya ko sa Maynila at mag-purchase ng mga kakailanganin ng mga magsasaka dito.” He then heaved a deep sigh. “Ang totoo, pinag-iisipan ko nang i-dissolve na lang ang karamihan sa mga asset na iniwan sa akin ng mga magulang ko. Katwiran ko, ano naman ang gagawin ko sa napakalaking kayamanang iyon? And then narinig ko ang mga hinaing ng mga farmers dito nang mag-meeting sila kahapon. And then I thought, bakit ko itatapon ang yaman ko kung mapapakinabangan ko iyon para makatulong sa mas maraming tao?”

Actor, billionaire, and now, philanthropist. Ano pa kaya ang hindi kayang gawin ni Ken?

“Hindi ko bibitiwan ang titulo ko bilang isang billionaire boy.” Mahina pero determinado ang boses ni Ken. “Ayokong dumating ang araw na kapag may nangyari uli sa `yo, hindi ko na magagawa pang tumawag agad ng doktor para sa `yo, Avon.”

May kung anong puwersang nararamdaman si Avon sa kanyang puso na nagtutulak na ipaalam na niya ang damdamin. Na sabihin nang mahal na niya ito. Dahil nakikita na niya sa mga mata ni Ken na may nararamdaman din ito para sa kanya.

Pero bago pa iyon magawa ni Avon ay nakuha na ang atensiyon niya ng ingay ng paparating na helicopter. Hahayaan na lang sana muna niyang makalayo iyon para magkarinigan sila nang husto ni Ken, saka niya sasabihin ang gustong sabihin. But instead of flying away, the chopper just hovered above the rice field that had been turned into a peanut field that summer. Ilang sandali pa, tuluyan na iyong lumapag doon.

“Ipinasabi ko sa sekretarya ko kung nasaan ako para ipaalam kay Lantis na nagpapasundo na ako dito,” sabi ni Ken habang nakatanaw sa helicopter. “I’m going back to Manila, Avon.”