noveltoon logo noveltoon
Ken Arboleda (The Billionaire Boys Club 11)

Chapter 6

Ch. 6 / 10 Nov 28, 2025

A VON adjusted her jogging pants and zipped up her sweater. Morning ritual na talaga niya ang mag-jogging sa umaga para nasa kondisyon ang katawan niya sa buong maghapon. Pero palabas na siya ng bahay nang mapadako ang tingin niya sa kahoy na sofa sa sala. Natutulog doon si Ken. Nakasampay ang mga binti nito sa armrest ng sofa dahil sa tangkad nito ay hindi ito magkasya roon. And from the looks of it, halatang hindi naging komportable ang magdamag ng lalaki.

Napapailing na nilapitan ni Avon si Ken para ibalot sa katawan nito ang nahulog na kumot sa sahig. Napadako ang pansin niya sa mukha nito. He really was handsome in an arrogant kind of way. Napakakinis ng balat nito at mamula-mula pa ang mga pisngi. Katamtaman lang ang tangos ng ilong pero para naman iyong nililok ng isang magaling na iskultor. Makapal at may korte ang mga kilay ni Ken pero kahit nasa daigdig ito ng showbiz, mahahalata pa rin na hindi iyon nasayaran ng ano mang artipisyal na pangkorte. He had a nice pair of perfectly hawk-winged brows. Makapal din at tuwid ang mahahabang pilik ni Ken na lalong nag-e-emphasize sa singkit nitong mga mata. At ang mga labi nitong kapag nakatikom ay talaga nga namang napakagandang pagmasdan. Mas may korte pa nga yata ang mga labi ni Ken kaysa sa kanyang mga labi. Kung hindi siguro ito naging artista, sa modelling naman siguro ito sisikat nang husto. But then again, with his looks and great physique, maaaring na-dominate na rin ni Ken ang runway.

Sa hindi malamang kadahilanan, napatutok na lang ang mga mata ni Avon sa mga labi ni Ken. Ang kauna-unahang mga labi ng lalaking dumikit sa kanyang pisngi. Nang walang pahintulot mula sa kanya. Na hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang mayuming pagdampi ng halik na iyon. Pinagalitan niya ang sarili. Imbes na nag-uumpisa na kasi siya sa kanyang morning workout ay nag-aaksaya pa siya ng oras sa pag-aanalisa sa mukha nito. But, darn it, she just couldn’t take her eyes off him.

“Tapos na ba ang inspection?” Iminulat ni Ken ang mga mata at agad sumilay ang ngiti sa mga labi nito nang makita siya. “Hmm.”

Agad siyang lumayo at umayos ng tayo. “Pasensiya na. Bumalik ka na lang uli sa pagtulog mo kung naistorbo kita.”

“It’s okay. Kanina pa naman ako gising.” Inilagay ni Ken ang isang braso sa noo nito at sa dibdib naman ang isa, saka patuloy siyang pinagmasdan. “You look very pretty in the morning, Avon. Did you know that?”

“No.” Tinalikuran na niya ang lalaki dahil nararamdaman na niya ang hindi maipaliwanag na kaba na iyon sa kanyang dibdib.

“Lalo na kapag namumula ang mga pisngi mo.”

“Hindi namumula ang mga pisngi ko.”

“You’re blushing. Bakit kaya? Hmm.”

“Why do you keep saying that?”

“Saying what?”

“That ‘hmm’ thing.”

“Ah. My hmm -ing shows that I’m comfortable with the situation.” Nakangiti nitong hinimas-himas ang baba. “Hmm, nice butt.”

Dinampot ni Avon ang isang throw pillow sa silyang malapit sa kanya at ibinato iyon dito. “Pervert!”

Sinalo lang ni Ken ang throw pillow. “What? Ina-appreciate ko lang naman ang isa sa mga asset mo. Masama ba `yon?”

“Well, from now on, don’t appreciate anything about me.”

Umiling ito. “Imposible `yan. Lahat sa `yo, maganda. At ako ang tipo ng lalaking marunong kumilala ng mga biyaya ng Diyos sa kalalakihan. Huwag kang ma-offend, Avon. I mean it well, I swear.”

She could feel her heart beating faster with every minute that she spent looking at him. Akala niya sa mga mapanganib na misyon lang tumitibok ang kanyang puso. Hindi pala. Dahil kahit si Ken ay nagagawang mapabilis ang tibok ng puso niya. At ni wala nga itong ano mang deadly weapon na pag-aari kundi ang ngiti nito at ang kakaibang kislap ng mga mata.

Avon, what’s going on with you? Habang tumatagal kasi, parang mas binibigyan niya ng panahon ang pag-aanalisa sa mga nararamdaman kay Ken. Pati na rin ang mga ikinikilos at sinasabi nito sa kanya. Na wala naman talagang pinatutunguhan.

“Kung gusto mong mag-agahan, magluto ka na lang sa kusina,” sabi ni Avon nang maibalik ang composure. “Huwag mong gigisingin ang nanay ko at mga kapatid ko para ipagluto ka. Kung gusto mo naman, hintayin mo na lang akong makabalik.”

Hindi na niya hinintay na makapagsalita pa si Ken. She just put on her headphone and jogged off. Buwisit talaga ang lalaking iyon. Ang aga-aga, kung ano-ano na ang pumapasok sa utak. Ni hindi pa nga nakakapaghilamos.

Pero hindi rin naman makalimutan ni Avon ang mapayapang hitsura ni Ken habang pinagmamasdan ito nang inakala niyang natutulog pa. She had never looked at a man’s face the way she had looked at him. At lalong wala pang lalaking umokupa ng isip niya gaya ng ginagawa ngayon ng mga alaala ni Ken sa kanya.

“Lahat sa `yo, maganda,” sabi nito. At kagabi, pinuri din ni Ken ang kanyang pagngiti. Alam ni Avon na pambobola lang iyon pero bakit hindi niya magawang alisin iyon sa isip? In fact, it seemed like her mind was indulging in it. Savoring each and every word.

Marahas niyang ipinilig ang ulo. Dapat na niyang tigilan ang lahat. Hindi iyon makakabuti sa kanya.

Tumakbo si Avon nang tumakbo hanggang sa siya na rin ang sumuko sa pagod. Pero parang walang kapaguran ang isip niya. Hindi iyon pumalya sa pag-alala sa masayahing singkit na mga mata ni Ken, pati ang pagngiti nito, bawat pagkilos, at pagsasalita. And every time she thought of his handsome face, she couldn’t help but just think of him even more. And her heart would start skipping again.

“Nami-miss ko lang siguro ang trabaho ko,” sabi niya habang naglalakad na papasok sa kanilang bakuran. “Kaya kung ano-ano na lang ang naiisip ko ngayon. Kung bakit naman kasi napakatagal ng suspension ko.”

Pero muli na namang nagrigodon ang puso ni Avon nang makita si Ken na iniinspeksiyon ang mga malalaking piraso ng kahoy sa kanilang bakuran. He wasn’t wearing any shirt and the axe he was holding was perched on his shoulder. Parang malalim ang iniisip nito dahil hindi siya napansin. Siya man ay wala sanang balak na pansinin ang lalaki. Kaya lang, ayaw mapuknat ng kanyang mga mata sa kakamasid sa napakagandang katawan nito. She bit her lower lip and bade her eyes to shut. But it was no use. Nanatili niyang pinagmamasdan si Ken hanggang sa mapansin na siguro nito ang kanyang presensiya. Ngumiti ito nang makita siya.

“Nakabalik ka na pala,” sabi nito. “Namalengke si Tita. Ang mga kapatid mo naman ay pumasok na sa eskuwelahan.”

“Gano’n ba?” Sinubukan na lang ni Avon na umakto na bale-wala ang lahat sa kanya. So far, so good. “Ano’ng ginagawa mo diyan?”

“Magsisibak ng kahoy. Hindi kasi ako sanay na walang ginagawa sa umaga.” He inspected the log with his right foot. “Ang problema, ngayon ko lang ito gagawin. Paano ba magsibak?”

“Gamitin mo ang palakol.”

His muscles rippled as he lowered down the axe. Gusto na niyang suntukin ang sarili. You’re ogling him, Avon! sabi ng munting boses sa kanyang isip. Na agad din naman niyang kinontra. I am not! And to prove her point, naglakad na siya patungo sa pintuan ng bahay.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Ken. “Hindi pa kita pinapaalis. Kailangan mo pa akong turuan dito. Nakakahiya naman kay Tita kung darating siyang hindi ko pa ito tapos.”

“Just chop the woods.”

“Come here.”

“Bakit?”

“Halika dito at i-demonstrate mo kung paano iyon ginagawa.”

Wala talagang balak si Avon na sundin ang lalaki. Pero tuwing naiisip niya ang kalagayan ng ina ay napapabuntong-hininga na lang siya. Nilapitan niya si Ken at kinuha ang palakol. Pero inilayo lang nito iyon sa kanya.

“Ako ang hahawak ng palakol,” sabi nito. “Ako ang iga-guide mo sa paggawa nito. Dito ka sa likuran ko pumuwesto.”

“No.”

“Why not?”

“Dahil…” Pero kung kailan naman kailangan ni Avon ng mabilisang dahilan ay saka siya walang masabi. Kaya wala na siyang ibang choice kundi sundin si Ken. Pero hindi siya sa likuran nito pumuwesto kundi sa tabi lang nito, saka ito binigyan ng instruction. “Sa dulo ng handle ng palakol mo ilagay ang mga kamay mo at i-forward mo ang isa mong binti para sa balance.”

“Paano `yon?”

“Ken, just do it. Marami pa akong trabahong gagawin sa loob.”

“Gaya ng?”

“Maghugas ng pinggan—”

“Nagawa na iyon ni Jepoy.”

“Maglinis ng bahay—”

“Tapos na rin iyon ni Annie bago sila pumasok sa school.”

“Maghanda para sa pananghalian—”

“Nasa palengke pa ang nanay mo.”

“Matulog—”

“Magsibak na lang tayo ng kahoy.”

“Mag-isa ka.”

“Isusumbong kita sa nanay mo.”

“Eh, di magsumbong ka.”

“Tita!” Papasok na ng bakuran ang kanyang ina. Wala sa loob na napadikit siya kay Ken na agad niyang narinig ang impit na pagtawa. “Akala ko ho ba mamamalengke kayo?”

“Oo. Nakalimutan ko lang ang aking bayong sa pagmamadali ko kanina. Avon, kumain ka na ba?”

“Eh… hindi pa, `Nay.”

“Aba’y siguradong hindi pa rin nag-aagahan iyang nobyo mo. Gusto raw kasi niyang sabay kayong kakain kaya hinintay ka niya.”

“Tinutulungan pa ako ni Avon na magsibak ng kahoy, Tita.” Inakbayan pa siya ni Ken. “Hindi ba, sweetheart? Ang sweet talaga nitong anak ninyo. Pa-kiss nga.”

Wala na siyang nagawa nang sa ikalawang pagkakataon ay mariing dumampi ang mga labi nito sa kanyang pisngi. Hindi siya makapalag dahil nasa harap nila ang kanyang ina. Baka magulat ito kapag nag-react siya at iyon pa ang mag-trigger ng atake nito sa puso. So, she just stayed put and marveled at that mysterious heat that seemed to envelop her whole body. Ngingiti-ngiti lang ang kanyang ina nang iwan sila. Nang mapag-isa sa wakas ay mabilis siyang lumayo at galit na binalingan si Ken.

“You—”

“Tita!”

Sa inis ay itinulak na lang ni Avon palayo si Ken at siya na ang humawak sa palakol. Siya na ang magsisibak para matapos na ito.

“Avon—”

“Tumahimik ka, Ken. Kung ayaw mong sa `yo ko ipalo ang palakol na ito.”

But the moment she swung her arms downward, she felt that searing pain in her shoulder. Nabitiwan niya ang palakol nang wala sa oras.

“Avon!” Nasa tabi na niya agad si Ken. “What’s wrong? Ano’ng nangyari sa `yo?”

Hindi na siya makapagsalita para sumagot. Mariin lang niyang ipinikit ang mga mata at pinisil ang parte ng kanyang balikat na malapit sa kumikirot na tama ng baril para kahit paano ay maibsan ang sakit na nararamdaman. Nalasahan na niya ang dugo sa sobrang pagkagat sa ibabang labi.

“Let’s get inside the house.”

Hindi na rin nakatutol si Avon nang igiya siya ni Ken papasok sa bahay. Pagdating sa loob ay agad siyang naupo at inilugmok ang ulo sa mesita at doon kinalma ang sarili para kahit paano ay maibsan ang nararamdamang sakit.

“Damn it, Avon! Tell me what’s wrong with you!” Umiling lang siya. Wala na siyang lakas kahit ang magsalita lang. “Anong wala? Namumutla ka na sa sakit— Oh, God! You’re bleeding!”

NAGISING si Avon na ang nag-aalalang mukha ng kanyang ina ang nabungaran.

“Kumusta na ang pakiramdam mo?”

“Okay lang…” Kumikirot pa rin ang kanyang balikat kaya dinama niya iyon. Doon lang niya napansin na nakabenda na iyon. “Ano’ng nangyari?”

“Nawalan ka ng malay dahil sa matinding kirot ng sugat mo. Ang sabi ng doktor na tumingin sa `yo, napuwersa at bumukas ang sugat mong naghihilom pa lang. Saan mo ba nakuha `yan, bata ka? Hindi ka siguro nag-iingat sa Maynila, ano?”

Hindi na lang nagsalita si Avon. Nang makapasok sa serbisyo ay ipinangako niya sa sarili na walang ano mang maririnig ang kanyang pamilya tungkol sa mga nagiging misyon. At kaya nga sa liblib na lugar na iyon niya napiling manatili ang mga ito ay para hindi na madamay sa magulo niyang buhay-pulis.

“Heto, humigop ka muna ng mainit na sabaw. Ang sabi ng nobyo mo ay hindi ka pa nga daw nag-aalmusal.”

“Anong oras na ba, `Nay?”

“Alas-dos na ng hapon.”

She sat up. “Ako na, `Nay. Kaya ko nang kumain nang mag-isa.”

“Ay naku, hindi. Habang hindi ka pa lubos na gumagaling, ako na muna ang masusunod dito.”

Hinayaan na lang ni Avon ang ina. At habang inaasikaso siya nito ay parang nagbabalik sa kanyang alaala ang mga araw bago siya nagpasyang sa Maynila mag-aral ng pagkapulis at magtrabaho. Ang mga araw kung kailan wala pa sa kanyang balikat ang responsibilidad sa pamilya nila. Kung kailan siya ang inaalagaang anak at hindi pa pumapalit bilang padre de pamilya ng kanyang ina at mga kapatid. Pero hindi siya dapat masanay uli. Dahil hindi na niya maibabalik pa ang panahong iyon.

“Busog na ako, `Nay.”

“Kaunti pa lang ang nakakain mo.”

“Mamaya na lang ho uli. Kapag nahimasmasan na ako nang husto.”

“O, sige.”

Inililigpit na nito ang pinagkainan niya nang magtanong siya. “`Nay, si…”

“Ken? Naroon sa labas. Nagsisibak ng kahoy. Naku, nakita mo sana ang hitsura niya kanina. Daig pa niya ang asawa na naghihintay sa panganganak ng kanyang misis sa sobrang pag-aalala sa iyo. Alam mo bang hindi niya tinigilan ang doktor na tumingin sa iyo kahit na nga paulit-ulit nang sinabi ng doktor na ligtas ka na?” Nakangiti na lang itong iiling-iling. “Nakakatuwang bata.”

Natural lang na mag-alala ang hudyong iyon dahil ito ang may kasalanan kung bakit iyon nangyari sa kanya.

“Teka, `Nay, paano kayo nakatawag agad ng doktor? Sa bayan pa ang pinakamalapit na clinic na may doktor dito, ah.”

“Ha? Eh… ang nobyo mo na lang ang tanungin mo.” Masuyo nitong hinaplos ang kanyang pisngi. “Wala ka na bang kailangan?”

“Wala na, `Nay. Huwag na ninyo akong alalahanin. Magpahinga na kayo.”

“Kung magpapahinga ako, walang mag-aasikaso sa iyo.”

“Kaya na ho akong alagaan ni Ken.”

Ewan ni Avon kung paanong parang normal na lumabas sa kanyang bibig ang mga salitang iyon. Napakapanatag ng puso niya knowing na aalagaan nga siya ni Ken. Dahil alam niyang kaya nitong gawin iyon. And she would never really mind having him fussing over her. Funny how things changed in a matter of days.

Nalaman lang niya ang dahilan ng lahat ng iyon nang makitang nakatayo sa may pinto ng kanyang kuwarto ang lalaking naging laman na ng isip niya noong mga nakaraang araw. Ang lalaking naging laman na ng kanyang puso. At sigurado siyang hindi iyon dahil si Ken lang ang lalaking nakasama niya nang ganoon katagal na walang kinalaman sa kanyang trabaho.

Because no matter how much Avon tried to push away the feelings she had for him, there was no denying that she had fallen for him already. Pero kung may nagbago man sa kanya ay ganoon din sa lalaki. Ang dating mapagbirong kislap ng singkit nitong mga mata ay napalitan ng hindi maipaliwanag na emosyon. Wala na rin ang kayabangan ni Ken, sa halip ay isang napakaseryosong lalaki na ang kaharap niya ngayon.

“Saan mo nakuha ang sugat na `yan?”

Kung ganoon ay alam na nito ang tungkol sa kanyang pinsala. “I don’t want to talk about it.”

“That’s a gunshot wound, Avon. Where did you get it?”

“I said, I don’t want to talk about it.”

Nahiga na lang siyang muli at bumaling sa kabilang panig ng kama para hindi na ito makita pa. Am I really in love with him? Pero ilang saglit lang ay naramdaman na niya ang paglundo ng kama hudyat na naupo si Ken sa tabi niya.

“You should have told me,” wika nito mayamaya. “Kung alam ko lang na may iniinda ka, hindi na sana nangyari ito.” Napabuntong-hininga na lang ito nang hindi siya magsalita. “Look, I tend to be a real jackass sometimes, but I still know where to draw the line. Hindi ko naman hahayaang may mangyaring masama sa `yo. Kahit ganyan ka.”

That brought her out of her reverie. “Anong kahit ganyan ako?”

“Well, if you must know, you really are a pain in the ass.”

“I am not.”

“Yes, you are.”

“I am—”

Muntik nang mapatayo si Avon nang sa pagbaling niya kay Ken ay salubungin siya ng isa sa mga hita nito. Nakasandal na pala ito sa headboard ng kama at nakasampa roon ang isang binti. Napilitan tuloy siyang tumingala at nakitang seryoso pa rin ang mukha ng lalaki habang parang malayo ang iniisip.

“Will you get off my bed?”

“No.”

“Ikaw ang masasaktan kapag—”

“Isusumbong kita sa nanay mo.”

“Magsumbong ka.” Avon tried getting up. “Wala akong pakialam.”

Pero napigilan na siya ni Ken sa kanyang mga balikat at pinilit na hindi siya makabangon. At ang ginawa nito ay lalo lang nakapaglagay sa kanila sa nakakailang na sitwasyon. Dahil halos dangkal na lang ang layo ng mga mukha nila sa isa’t isa. Malinaw na niyang nakikita kung gaano kaguwapo ang mukhang iyon. O kung gaano kaganda ang singkit nitong mga mata. O kung gaano kaperpekto ang mga labi nitong parang nang-aakit na halikan niya. Umarangkada ang kakaibang kaba sa kanyang dibdib.

Oh, God! I really am in love with him!

Makakalayo sana agad si Avon kung umiral lang ang kayabangan at kadaldalan ni Ken. Ang kaso, ito man ay parang nanibago sa kakaibang sitwasyon nila nang mga sandaling iyon. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya at pinagmamasdan din ang kanyang mukha.

“Ate, may— Ay! Sorry po.”

“Jepoy,” tawag niya sa kapatid nang akma itong aalis. Hindi niya alam kung hahalikan ba ito o sasakalin sa ginawang pang-iistorbo sa kanila ni Ken. “Ano’ng kailangan mo?”

“Eh… mamaya na lang, Ate. Nag-uusap pa kayo ni Kuya Ken.”

“Hindi kami nag-uusap— I mean, tapos na kaming mag-usap.” This time, nang subukan niyang tumayo ay hindi na siya nagpapigil kay Ken. Inalalayan na lang siya nito na hindi rin naman niya tinanggihan. At ang lalo pa niyang ipinagtaka ay nang wala itong imik na tumayo na at lumabas ng kuwarto nang hindi na nagsasalita pa.

“Nagalit yata si Kuya, Ate.” Lumapit sa kanya si Jepoy at pumalit sa iniwang puwesto ni Ken.

“Bakit ka nga pala nandito?” Magulo pa ang sitwasyon nila ng binata at ayaw niyang makisali pa sa gulong iyon ang kanyang pamilya.

“Ipinapatanong lang ni Nanay kung ano ang gusto mong ulam mamayang gabi. Pero, Ate, alam mo, bagay talaga kayo ni Kuya. Guwapo siya, maganda ka naman. At saka hindi siya katulad ng ibang artista. Hindi siya maarte kahit mahirap lang tayo. At mukhang mahal na mahal ka niya. Lagi niya kaming tinatanong ni Ate Annie ng kung ano-ano tungkol sa `yo.”

“Talaga?” Napaderetso siya ng upo. “Ano-ano naman ang itinatanong niya sa inyo?”

“Ang paborito mong bulaklak, pagkain, kulay, at kung ano raw ang masasabi mo tungkol sa kanya.”

“Ano’ng sabi mo?”

“Na wala kang paboritong bulaklak, hindi ka rin mapili sa pagkain, at wala kang reklamo sa mga kulay ng mundo. Kung ano naman ang masasabi mo sa kanya, ang sabi ni Ate Annie, ikaw na lang daw ang nakakaalam n’on.”

“Daig pa pala ninyo ang slam book, ano?”

“Pero, Ate, parang nakakapagtaka. Bakit pa niya itinatanong iyon samantalang mag-boyfriend na kayo? Dapat alam na niya iyon, hindi ba?”

Mabilis siyang nagdahilan. “Huwag na lang ninyong pansinin si Ken. Gano’n lang talaga `yon. Mausisa.”

“Ate, kailan naman kayo magpapakasal?”

“Kapag natuto ka nang itikom iyang bibig mo. Sabihin mo kay Nanay, siya na ang bahala kung anong ulam ang gusto niyang iluto.”