noveltoon logo noveltoon
Ken Arboleda (The Billionaire Boys Club 11)

Chapter 5

Ch. 5 / 10 Nov 28, 2025

N AGHAHANDA na si Avon sa pagtulog nang maisipang silipin ang kanilang ‘buwisita’ na sa sala napilitang matulog dahil wala nang ibang kuwarto sa kanilang bahay. Annie and Jepoy shared a room and she with her mother. Dadaan lang siya sa sala patungong kusina para hindi mahalata ni Ken na sinisilip niya ito. Baka kung ano na naman kasi ang isipin ng lalaki at ipagmalaki na naman iyon sa kanya.

Sa maghapong iyon ay nasaksihan ni Avon kung gaano kalakas mang-asar si Ken. Dahil sa lahat ng pagkakataon ay talagang isinasapuso nito ang pamba-blackmail sa kanya. Ilang beses na rin niyang muntik nang masuntok si Ken dahil sa pagkapikon. Kung ano-ano kasi ang mga ikinukuwento nito tungkol sa kung paano nabuo ang kanilang ‘relasyon.’ Magaling ngang artista ang herodes.

Pero hindi niya nakita ang lalaki sa sala. “Saan naman kaya nagsuot ang isang iyon?”

Tamang-tama namang papalabas na siya ng bahay para hanapin si Ken nang bigla naman itong sumulpot.

“O, bakit gising ka pa?” tanong nito.

“Ako dapat ang nagtatanong niyan. Bahay kaya namin ito.”

“Ah.” Pinagsalikop ni Ken ang mga kamay sa likuran nito.

“Ano `yan?” tukoy niya sa itinago nito sa likuran.

“Wala.” Tumikhim ang lalaki. “Hindi ako makatulog dahil nangangati na ako sa suot ko. Buong araw na rin akong hindi naliligo kaya gusto kong maligo ngayon.”

“Eh, di maligo ka.” Mukha ngang hindi na ito komportable sa suot. Ang overcoat lang naman kasi nito ang ipinalaba sa kanya kanina.

“Kaunti na lang ang tubig sa banyo ninyo. Hindi iyon magkakasya. Itinuro sa akin ni Jepoy kanina kung saan kayo kumukuha ng tubig. Malapit lang naman iyon dito.”

“O, ngayon?”

“Samahan mo ako.”

Inaasahan ni Avon na uutusan siya ni Ken na ikuha ito ng tubig para ipaligo. Kaya ang marinig na nagpapasama lang ito ay talagang nanibago siya. Pati ang boses ng lalaki ay parang nakikiusap pa ang tono imbes na nag-uutos. Iyon siguro ang dahilan kung bakit kahit paano ay lumambot ang puso niya.

“Titingnan ko kung may magkakasya sa `yong mga naiwang damit dito ni Tatay.”

“Salamat.”

Natigilan pa siya nang marinig ito. “Marunong ka n’on?”

“Mabait naman ako.”

“Kung mabait ka, hindi mo na sana ako binibigyan ng problema.”

“Which reminds me…” Iniabot sa kanya ni Ken ang itinatago sa kamay. Ang cell phone niya iyon na itinapon nito kanina. “Marumi na `yan pero gumagana pa naman. Naisip kong baka importante sa `yo `yan kaya hinanap ko. Huwag mo na rin pala akong pasalamatan. Okay lang `yon.”

Kunot-noo lang na kinuha ni Avon ang cell phone. Tatanggapin na sana niyang may itinatago ngang kabaitan ang lalaki kung hindi na lang sana ito nagsalita pa. Gayunman, hindi pa rin niya maiwasang kahit paano ay humanga dahil pinagtiyagaan nitong hanapin sa dilim ang cell phone niya. And knowing how proud he was, baka nga idinahilan na lang nito ang tungkol sa hindi paliligo para hindi mailang sa itatakbo ng usapan nila kung sakali.

“Kung maliligo ka, paano na ang panloob mo?”

“What do you mean?”

“Wala akong maipapahiram na briefs ng tatay ko sa `yo.”

“Oh, I don’t wear briefs.”

“What?”

“I mean, boxers. I wear boxers. And don’t worry about it. Nagbilin ako kay Jepoy kaninang umaga bago siya pumasok sa klase niya.” Kinuha nito ang maliit na box sa sofa. “Naibili na niya ako.”

“Saan kumuha ng perang pambili si Jepoy?”

“Where else do you think?”

Nagdududa niya itong tiningnan. “Akala ko ba wala kang pera?”

“You’re talking to a certified billionaire boy, Avon. Malaking insulto sa akin iyang sinabi mo.”

“Kung gano’n, bakit hindi ka pa nagpabili ng mga damit mo?”

“I forgot.”

Wala nang sinabi si Avon nang magtungo sa kuwarto para kumuha ng tuwalyang magagamit nito pati na ang mga lumang damit ng yumaong ama. At hindi na siya nagsalita pa habang naglalakad sila sa gitna ng kadiliman na ang tanging pinagkukunan ng liwanag ay ang dala niyang gasera.

“Nasaan na nga pala ang tatay mo?” mayamaya ay tanong ni Ken. “Hindi ko yata siya nakikita.”

“Matagal na siyang namatay.”

“Oh.” Saglit itong natahimik. “Sorry to hear that.”

“Okay lang.”

“So, sino ang nag-aasikaso sa lupa ninyo? Sabi ni Jepoy, sa inyo ang malawak na palayan na iyon sa harap ng bahay ninyo.”

“Kumukuha lang kami ng mga tao para magsaka. `Yong iba naman, ipinapaupa namin sa ibang magsasaka at ang bayad ay `yong twenty percent ng ani nila.”

“Sounds fair enough. Pero hindi ba kayo nahihirapan? You don’t have your father with you.”

“Ang gusto mong sabihin, walang lalaki sa pamilya namin na nag-aasikaso ng mga problema.”

“Well, parang gano’n na nga.”

“Lalaki lang ba ang may kakayahang mag-resolve ng mga internal problems ng pamilya? Obviously, hindi. Dahil nakaya kong itaguyod ang pamilya namin nang ako lang.”

Hindi na alam ni Avon kung ano ang iniisip ni Ken dahil hindi na ito nagsalita pa hanggang sa makarating sila sa poso. Inilapag niya sa malaking bato ang hawak na gasera at pumuwesto sa handle ng poso. She was ready to pump for water when Ken took over the handle.

“Ako na.”

“Maligo ka na lang.”

“Ayaw mo talagang bitiwan ito?” Ken put his hand over hers.

Daig pa niya ang nakuryente nang maramdaman ang mainit na dampi ng palad nito sa kanyang kamay na parang nanuot hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso. What?! Mabilis na lang niyang binawi ang kamay.

“Hmm, sabi na nga ba.”

“Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Naupo siya sa tabi ng gasera at inabala na lang ang pagbibilang ng mga bituin sa kalangitan. Sira-ulong lalaki! Tsinatsansingan na niya ako! Pero bakit nga ba imbes na magalit siya at balian si Ken ng buto gaya ng minsan nang ginawa sa isa sa mga kaklase niya noon sa academy nang tangkain siya nitong halikan ay ang tanging reaksiyon lang niya sa ginawa ni Ken ay ang lumayo? Nang walang imik. At tumatahip ang puso.

Nag-umpisa nang magbomba ng tubig ang binata sa baldeng dala nito. “Aba, okay pala ito, ah. Para na rin akong nagwo-work out sa gym.”

“Maganda ring workout ang pagsisibak ng kahoy.”

“Talaga? Sige, magsisibak ako ng kahoy bukas.”

Narinig na ni Avon ang lagaslas ng tubig at hindi sinasadyang napalingon siya kay Ken. Nagbubuhos na ito, wala ang pang-itaas na damit at ang slacks na suot ay nakatupi hanggang sa tuhod. And what a body it was. Broad shoulders, broad chest, taut hips, and that amazing six-pack abs. Kakatwa na makita ang isang gaya nitong halatang may kaya sa buhay na nagsasalok ng tubig sa balde at naliligo sa isang poso. But he didn’t seem bothered at all. Halata ring at ease si Ken sa katawan nito dahil wala siyang makitang pagkailang sa mga galaw nito sa kabila ng sitwasyon ngayon. Which was very nice.

Napaangat ang tingin ni Ken at nagkasalubong ang kanilang mga mata. Huling-huli siya nitong titig na titig dito. Immediately, a broad smile appeared on his lips.

“Mamaya na kita bibigyan ng autograph,” sabi nito. “Maliligo muna ako.”

“Ano naman ang gagawin ko sa autograph mo?” Pilit na lang niyang itinago ang emosyong maaaring nababasa nito sa kanyang mukha. “Wala akong hilig sa mga artista.”

“You don’t admire anyone?”

Umiling lang si Avon at bahagyang napakunot ang noo nang mag-umpisa itong magsabon. He really looked funny and adoringly foolish with all the soap bubbles etched out on his broad chest and his hair looking all wet.

“I don’t believe you,” patuloy ni Ken. Kinuha nito ang tabo na ginagamit at unti-unting ibinuhos ang tubig niyon sa ulo. “Dahil kung wala kang hinahangaan, hindi mo ako titingnan nang ganyan.”

“What?”

“You’re admiring me, Avon.”

“I am not—” Hindi na niya napigilang mapangiti nang dahan-dahan ding ibinubuga ng lalaki ang tubig na naglalandas sa bibig nito.

“Hey, did I just do that? Did I just make you smile?”

“No.”

Dumulas ang sabon na hawak ni Ken at agad naman nitong dinampot uli iyon. “Nakita mo na ba ang sarili mong ngumiti, Avon?”

“Bakit?”

“Because you look really pretty when you’re smiling. Kung ako sa `yo, huwag mo masyadong dibdibin ang pagiging pulis mo. Hindi ka naman masu-suspend kung ngingiti ka paminsan-minsan. Who knows, one of these days, when you loosen up a little bit, you’ll find yourself the center of attention of every man in this world.”

“Hindi ko kailangan ng atensiyon ng kahit na sinong lalaki.” Pero hindi rin nakaligtas sa kanya ang tila pagkislot sa kanyang puso sa sinabi nitong maganda siya kapag ngumingiti. “Istorbo lang sila sa buhay at trabaho ko. Mas mabuti ngang manahimik na lang sila sa isang tabi nang pare-parehong maging mapayapa ang buhay namin.”

“Masyado ka talagang matapang.” Napapalatak na lang si Ken habang patuloy na nagsasabon. “Paano ka makakapag-asawa niyan? Ang gusto pa naman ng mga lalaki ay mga babaeng submissive. `Yong hindi laging sakit ng ulo.”

“Gano’n lang ba ang requirement ninyong mga lalaki sa paghahanap ng babaeng mapapangasawa? Ang babaw talaga ninyo.”

“Of course not. Ipinanganak na lang talaga ang mga lalaki na matatapang. So naturally, it’s in our nature to be protective of the ones we love. Kung ang isang babae ay matapang na, ano pa ang silbi namin sa kanila?”

“How about being her support group? Ang hirap kasi sa inyong mga lalaki, kapag nakita na ninyong kaya na ng babae ang sarili niya, ina-assume na ninyo agad na hindi na niya kailangan ng tulong.”

“Bakit, hindi ba?”

“Kayo ngang mga lalaki, nangangailangan din ng tulong minsan, kami pa kayang mga babae?”

Hindi nakaimik si Ken at napatitig na lang sa kanya na parang pinag-isipan nang husto ang mga sinabi niya. Kinutkot na naman si Avon ng pagkailang. Wala sa karakter niya ang unang umiwas ng tingin pero mukhang ito man ay may ganoong paniniwala. And for the second time in her life, she lowered down her gaze.

Something was definitely wrong with her.

“Aw, aw, aw!” narinig niyang sambit ni Ken. Nakapikit na ito at hindi mapakali. “My eyes. I got soap in my eyes.”

Nilapitan niya si Ken at sumalok ng tubig sa tabo na ginagamit nito kanina. Saka niya ibinuhos ang laman niyon sa mukha nito.

“Could you be more gentler?” reklamo ng lalaki.

Muling sumalok si Avon ng tubig at sa pagkakataong iyon, inihilamos na lang niya rito ang tubig gamit ang kanyang kamay. His skin felt so soft and smooth to the touch. Daig pa ni Ken ang babae sa sobrang kinis ng balat. Napadako ang tingin niya sa malapad nitong dibdib. Ganoon din kakinis ang balat ng lalaki pero pareho rin kaya ang pakiramdam niyon sa kanyang mga kamay?

“Avon, huwag mo akong lunurin.”

Doon lang siya tila nagising. When she looked up at him, there goes his mischievous smile again. Ilang beses ba siya nitong mahuhuli na lagi itong pinagmamasdan? Mabilis na lang niyang tinalikuran ang lalaki.

“Bilisan mo na diyan,” wika niya. “Inaantok na ako.”

“You like me, don’t you?”

“Mata mo lang ang nahilam ng sabon, Ken. Hindi ang utak mo kaya huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano. Iyang paliligo mo na lang ang intindihin mo.”

“Hindi ka makukulong kung aminin mo mang nagkakagusto ka rin sa isang lalaki. Normal lang iyon. Lalo na kung sa akin ka magkakagusto. Guwapo ako, matipuno, at—”

“Punuin mo ng tubig iyang balde pagkatapos mo.”

“Ey, saan ka pupunta?”

Hindi na pinakinggan ni Avon si Ken. Dala ang gasera, nauna na siyang bumalik sa bahay. Pero hindi pa man siya gaanong nakakalayo nang mawala na sa kanyang kamay ang hawak na gasera.

“What’s with you?” tanong ni Ken na nakasunod na pala agad. Ito na ang may dala ngayon ng gasera. “Binibiro lang naman kita, pikon ka na agad.”

“Wala ako sa mood makipagbiruan ngayon.” Oh, God! He smelled so heavenly.

“Hmm.”

“What?”

“Nothing. Naisip ko lang kasi… cute din pala ang mga babaeng palaban.”